Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 33: Mga Bata: Ang Pinakadakila sa Lahat ng Kagalakan sa Mundo


Kabanata 33

Mga Bata: Ang Pinakadakila sa Lahat ng Kagalakan sa Mundo

Dapat nating pakamahalin ang ating mga anak, palakihin sila sa ebanghelyo ni Jesucristo, at turuan sila ng kabutihan, pagmamahal, at integridad.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Ang pagmamahal ni Pangulong Joseph F. Smith sa ebanghelyo ay kaugnay ng kanyang pagmamahal sa mga bata na tulad ng kay Cristo—sa kanyang sariling mga anak at sa lahat ng paslit. “Ang pinakayaman sa lahat ng aking kagalakan sa mundo ay ang minamahal kong mga anak,” ang sabi niya. “Salamat po Diyos!”1

Napuna ni Charles W. Nibley, ang Namumunong Obispo ng Simbahan, na ang “pagmamahal [ni Pangulong Smith] sa maliliit na bata ay walang hangganan. Sa isang [biyahe] sa paninirahan sa katimugang bahagi ng Utah patungong St. George …, nang ang isang tropa ng maliliit na bata ay inihanay sa kanyang harapan ay napakagandang pagmasdan kung paano niya pinahalagahan ang mga paslit na ito. Tungkulin kong subukan at papagsimulain ang pangkat ng mga manlalakbay patungo sa kasunod na paninirahan kung saan may naghihintay sa aming mga tao, subalit mahirap na gawing hatakin siyang palayo sa maliliit na bata. Nais niyang makipagkamay at makipag-usap sa bawat isa sa kanila.…

“Dumalaw ako sa kanyang tahanan nang minsang ang isa sa kanyang mga anak ay naratay sa karamdaman. Nakita ko siyang umuuwi sa gabi na pagod sa pagtatrabaho, na tulad ng dati, ngunit gayunman ay naglalakad-lakad pa siya sa loob ng bahay sa loob ng ilang oras na hawak ang sanggol na iyon sa kanyang mga bisig, … minamahal ito, hinihikayat ito sa lahat ng paraan nang may paglalambing at kagalakan at pagmamahal ng isang kaluluwa.”2

“Nagpakita siya ng paglalambing at pagmamahal sa malaki at kagalang- galang niyang pamilya. Sa huling pananalita niya sa kanyang mga anak, ika-10 ng Nobyembre, 1918, ang nadarama ng kaibuturan ng kanyang puso ay maipahayag sa kanila sa mga salitang ito: ‘Kapag tumitingin ako sa aking paligid, at nakikita ang aking mga anak na lalaki at babae na ibinigay sa akin ng Panginoon,—at nagtagumpay ako, sa tulong Niya, upang mabigyan sila ng kaginhawahan, at kahit paano’y iginagalang sa daigdig—nakamtan ko ang kayamanan ng aking buhay, ang kabuuan ng lahat na dahilan upang maging kapaki-pakinabang ang mabuhay.’”3

Mga Turo ni Joseph F. smith

Ituro sa mga bata ang ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng tuntunin at halimbawa.

Ang isang lalaki at babae na yumakap sa ebanghelyo ni Jesucristo at nagsimulang mamuhay nang magkasama, ay dapat maipagawa sa kanilang mga anak, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, halimbawa at impluwensiya, na pamarisan sila sa pamumuhay nang may kabutihan, karangalan, at integridad patungo sa kaharian ng Diyos, at ito’y magkakaroon ng epekto sa kanilang kapakinabangan at kaligtasan. Walang sinumang makapagpapayo sa aking mga anak nang may higit na pagsisigasig at katapatan para sa kanilang kaligayahan at kaligtasan maliban sa akin. Walang sinumang may higit na pagmamalasakit sa kapakanan ng sarili kong mga anak kaysa sa akin. Hindi ako makukuntento kung wala sila. Sila ay bahagi ng buhay ko. Sila’y akin; ibinigay sila ng Diyos sa akin, at gusto ko silang maging mapagpakumbaba at masunurin sa mga hinihiling ng ebanghelyo. Gusto kong gawin nila ang tama, at maging tama sa bawat bagay, upang maging karapat-dapat sila sa kakaibang pagkilalang ibinigay ng Panginoon sa kanila sa pagiging kabilang sa kanyang pinagtipanang tao na pinili sa lahat ng iba pang mga tao, dahil nakagawa sila ng pagsasakripisyo para sa kanilang sariling kaligtasan sa katotohanan.4

“Ang mga anak,” tulad ng sabi sa atin, “ay pamana na mula sa Panginoon;” sila rin, ang sabi sa atin ng Mang-aawit, ay “kaniyang ganting-pala.” [Mga Awit 127:3.] Kung ang mga bata ay pagkakaitan ng kanilang karapatan sa pagkapanganay, paano magagantimpalaan ang Panginoon? Hindi sila ang pinagmumulan ng kahinaan at kahirapan sa buhay may pamilya, dahil dala nila ang ilang tiyak na banal na pagpapala na sanhi ng kasaganaan ng tahanan at ng bansa. “Kung paano ang mga pana sa kamay ng makapangyarihang lalake, gayon ang mga anak ng kabataan. Maginhawa ang lalake na pumuno ng kaniyang lalagyan ng pana ng mga yaon.” [Mga Awit 127:4–5.]5

Tayo ay mga Kristiyanong tao, naniniwala tayo sa Panginoong Jesucristo, at nadarama nating tungkulin nating kilalakin siya bilang ating Tagapagligtas at Manunubos. Ituro ito sa ating mga anak. Ituro sa kanila na ipinanumbalik ni Propetang Joseph Smith ang Pagkasaserdoteng tinaglay nina Pedro, Santiago at Juan, na inordenan sa mga kamay mismo ng Tagapagligtas. Ituro sa kanila na si Joseph Smith, ang propeta, noong bata pa siya, ay hinirang at tinawag ng Diyos upang ilatag ang mga pundasyon ng Simbahan ni Cristo sa daigdig, upang ipanumbalik ang banal na Pagkasaserdote, at ang mga ordenansa ng ebanghelyo, na kailangan upang maging karapat-dapat ang mga tao na pumasok sa kaharian ng langit. Turuan ang inyong mga anak na igalang ang kanilang mga kapitbahay. Turuan ang inyong mga anak na igalang ang kanilang obispo at ang mga guro na pumupunta sa kanilang tahanan upang turuan sila. Turuan ang inyong mga anak na igalang ang matatanda, ang mga yaong may mapuputi ang buhok, at mahihina. Turuan silang hangaan at pahalagahan nang may pagpipitagan ang alaala ng kanilang mga magulang, at tulungan ang lahat ng walang sukat magawa at nangangailangan. Turuan ang inyong mga anak, tulad ng itinuro sa inyo, na igalang ang Pagkasaserdote na taglay ninyo, ang Pagkasaserdoteng tinataglay natin bilang mga elder sa Israel.

Turuan ang inyong mga anak na igalang ang kanilang sarili, turuan ang inyong mga anak na igalang ang alituntunin ng panguluhan kung saan ang bawat organisasyon ay nananatiling buo at sa pamamagitan nito ang kalakasan at kapangyarihan para sa kapakanan at kaligayahan at pagpapatatag ng mga tao ay nakapananatili. Turuan ang inyong mga anak na kapag nag-aaral na sila sa paaralan ay dapat nilang igalang ang kanilang mga guro sa paraang totoo at tapat, sa paraang maginoo at marangal, at kapaki-pakinabang.… Turuan ang inyong mga anak na igalang ang batas ng Diyos at ang batas ng estado at ang batas ng ating bansa.6

Nababasa natin sa Aklat ng Doktrina at mga Tipan na kinakailangang turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak “na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang.” “At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.” At kung mabibigong gawin ito ng mga magulang, at maligaw ng landas ang mga anak at tumalikod sa katotohanan, sa gayon ay sinabi ng Panginoon na ang kasalanan ay mapapatong sa ulo ng mga magulang [Doktrina at mga Tipan 68:25, 28]. Kakila-kilabot na isipin na ang isang ama na nagmamahal sa kanyang mga anak nang buong puso niya ay papananagutin sa harapan ng Diyos dahil sa pagpapabaya sa mga minahal niya nang lubos kung kaya’t tumalikod sila sa katotohanan at napariwara. Ang pagkawala ng mga anak na ito ay isisisi sa mga magulang, at papananagutin sila sa kanilang pagtalikod sa katotohanan at kadiliman ng kanilang buhay.…

Kung mapatutunayan kong karapat-dapat ang aking sarili na pumasok sa kaharian ng Diyos, nais kong naroon ang aking mga anak; at nanaisin kong pumasok sa kaharian ng aking Diyos. Inisip ko na iyon, at binalak, sa tulong ng Panginoon at sa pamamagitan ng kababaang-loob at pagiging masunurin, na tapusin ang aking misyon sa mundong ito at maging totoo sa Diyos nang buong buhay ko. Pinili ko nang gawin ito, at determinado akong sa tulong ng Diyos ay hindi ako mabibigo. Samakatwid, nais kong makapiling ang aking mga anak. Gusto kong samahan ako ng aking pamilya, na makapunta sila sa pupuntahan ko, at makabahagi sila sa anumang kadakilaang tatanggapin ko.7

Ang mga magulang ay may impluwensiya sa kanilang mga anak; … at bagama’t sa tingin natin ay walang anumang impluwensiya o halaga ang ating halimbawa, tinitiyak ko sa inyo na maraming ulit nang nakapagdulot ng kapahamakan ang mga kilos na itinuring nating hindi mahalaga sa pamamagitan ng naging impluwensiya ng mga ito sa ating mga kapitbahay o mga anak.… Gayunma’y nakikita natin ang mga ama at ina na nagpapakita sa kanilang mga anak ng halimbawa na kinokondena nila mismo at ipinagbabawal nila sa kanilang mga anak. Ang pabagu-bagong ugali ng mga magulang ay malamang na makapagpamanhid sa pakiramdam ng kanilang mga anak, at akayin silang palayo sa tamang paraan ng pamumuhay at kaligtasan. Sapagkat kung tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng mga alituntunin na hindi nila isinasagawa mismo sa kanilang sarili, hindi magkakaroon ang pagtuturong iyon ng halaga o epekto maliban sa kasamaan.

Hindi natin tinitingnan at pinag-iisipang mabuti ang mga bagay na ito na tulad ng dapat nating gawin. Ano ang iisipin ng isang bata, kapag nagsimula na siyang mag-isip na mabuti, sa isang magulang na, nagsasabing naniniwala siya na ang Salita ng Karunungan ay bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo, at ibinigay ito sa pamamagitan ng paghahayag, samantalang nilalabag niya ito araw-araw sa kanyang buhay? Lalaki siyang naniniwala na ang kanyang magulang ay mapagpaimbabaw at walang pananampalataya sa ebanghelyo. Ang mga taong tumatahak sa gayong landas ay nagdadala sa kanilang sarili ng nakatatakot na responsibilidad. *Kung magkagayon ay mananatiling pabagubago ang ating landas at hindi tayo magiging matapat sa pagtupad ng mga pangako.8

Dapat nating palakihin ang mga bata nang may pagmamahal at kabaitan.

Ang ating mga anak ay magiging katulad lamang ng kung ano ang gagawin natin sa kanila. Isinilang silang walang kaalaman o pang-unawa–—ang pinakamahinang nilalang sa mga nilikhang hayop na isinilang sa daigdig. Ang munting sanggol ay nagsisimulang matuto matapos itong isilang, at ang lahat ng malalaman nito ay batay lamang sa kapaligiran nito, sa impluwensiyang dulot ng pagpapalaki dito, sa kabaitang ipinadarama rito, sa magigiting na halimbawang ipinakikita rito, sa banal na impluwensiya ng ama at ina, sa madaling salita’y sa murang kaisipan nito. At nakabatay ito nang malaki sa ginagawa ng kapaligiran at ng mga magulang at guro nito.

… Malaking bahagi nito ang nakasalalay sa impluwensiyang dulot ng pagpapalaki sa [isang bata]. Mapapansin ninyo na ang pinakamabisang impluwensiya sa kaisipan ng isang bata upang mahikayat itong matuto, umunlad, o makapagsagawa ng anumang bagay, ay ang impluwensiya ng pagmamahal. Maraming kabutihang maisasagawa ang tunay na pagmamahal, sa pagpapalaki ng isang bata, higit sa anupamang impluwensiya na magagamit nang epektibo sa bata. Ang batang hindi masupil kung hindi sasaktan, o hindi mapigil kung walang karahasan, ay dagliang masusupil sa pamamagitan ng tunay na pagmamahal at simpatiya. Alam kong totoo ito; at ang alituntuning ito ay nagtatagumpay sa bawat kalagayan ng buhay.… Pamahalaan ang mga bata, hindi sa pamamagitan ng simbuyo ng damdamin, ng mapapait na salita o pagmumura, kundi sa pamamagitan ng pagmamahal at pagkuha ng kanilang kalooban.9

Kung makukumbinsi lamang ninyo ang inyong mga anak na mahal ninyo sila, na labis ninyong hinahangad ang ikabubuti nila, na kayo ang pinakamatapat nilang kaibigan, sila, bilang ganti, ay magtitiwala sa inyo at mamahalin kayo at hahangaring gawin ang ipinagagawa ninyo at isasakatuparan ang inyong mga kahilingan dahil sa inyong pagmamahal. Ngunit kung makasarili kayo, malupit sa kanila, at hindi sila naniniwala na mahal na mahal ninyo sila, sila ay magiging makasarili, at walang pakialam kung magawa man nila o hindi na paligayahin kayo o isagawa ang inyong mga kahilingan, at ang magiging bunga nito ay maliligaw sila nang landas, walang pakialam at mapagpabaya.10

Mga kapatid …, sumasamo ako sa inyo na magturo kayo at sumupil sa diwa ng pagmamahal at pagtitiis hanggang sa magtagumpay kayo. Kung ang mga bata ay matigas ang ulo at mahirap supilin, pagpasensiyahan sila hanggang sa masupil ninyo sila sa pamamagitan ng pagmamahal, at makukuha ninyo ang kanilang kalooban, at sa gayon ay mahuhubog ninyo ang kanilang paguugali sa paraang nais ninyo.11

Ingatan na hindi lumaking matigas ang ulo ng mga bata.

Huwag nawang ipahintulot ng Diyos na ang sinuman sa atin ay maging labis na mapagpaubaya, walang pagmamalasakit at mababaw ang pagmamahal sa ating mga anak kung kaya’t hindi man lamang natin sila mapigilan sa lihis na landas, sa maling gawain at sa kanilang hangal na pagmamahal sa mga bagay ng daigdig kaysa sa mga bagay ng kabutihan, dahil sa takot nating masaktan ang kanilang damdamin. Gusto kong sabihin ito: Ang ilang tao ay lumaki na nagtataglay ng labis-labis na pagtitiwala sa kanilang mga anak kung kaya’y naniniwala silang hindi mangyayaring malilihis sila ng landas o makagagawa ng kamalian. Hindi sila naniniwalang makagagawa sila ng pagkakamali, dahil ganoon na lamang ang pagtitiwala nila sa kanila. Ang bunga, pinawawalan nila ang mga bata, umaga, tanghali, at gabi, upang dumalo sa lahat ng uri ng libangan at aliwan, madalas na kasama ang mga taong hindi nila kilala at hindi nauunawaan. Ang ilan sa ating mga anak ay napaka-inosente kung kaya hindi sila naghihinala ng kasamaan, at samakatwid, hindi nila alam ang panganib at nahuhulog sila sa bitag ng kasamaan.12

Ano ang ginagawa natin sa ating mga tahanan upang turuan ang ating mga anak; ano ang ginagawa natin upang ipaunawa ito sa kanila? Ano ang ginagawa natin upang gawin nilang lugar ng libangan ang kanilang tahanan, at lugar kung saan maaanyayahan nila ang kanilang mga kaibigan para mag-aral o mag-aliw? … Tayo ba mismo ang nagmamalasakit sa kanila at sa kanilang mga gawain? Binibigyan ba natin sila ng pisikal na kaalaman, ng pagkain ng kaisipan, ng mabuting ehersisyo para sa kalusugan, at ng espirituwal na pagpapadalisay, na tutulong sa kanilang magkaroon ng malinis at matipunong pangangatawan, matalino at kagalang-galang na mga mamamayan, matatapat na Banal sa mga Huling Araw?

… Nararapat sigurong pag-ukulan natin ang ating mga anak ng ilang panahon para sa paglilibang at dibersiyon, at bigyang-kasiyahan sa tahanan ang kanilang paghahangad ng lehitimong paglilibang sa pisikal at pangkaisipan, na karapatan ng bawat bata, at kung alin ay hahanapin niya sa labas ng tahanan at hindi nararapat na mga lugar, kung hindi ito ipagkakaloob sa tahanan.13

Ang iba’t ibang uri ng ating mga paglilibang ay may malaking kinalaman sa kapakanan at pag-uugali ng ating mga kabataan kung kaya’t dapat silang pag-ingatang mabuti para mapanatili ang moral na kalinisan at tibay at lakas ng katawan ng kabataan ng Sion.

Unang-una hindi sila dapat na mapagpasasa; at nararapat na pagbawalan ang mga kabataan sa pag-uukol ng kanilang sarili sa diwa at pag-aaksaya ng panahon sa labis na kasayahan.… Dapat silang turuan na pahalagahan nang higit pa ang libangang ukol sa pakikisalamuha at nakapagpapatalino. Ang mga kasayahan sa tahanan, konsiyerto na nagpapaunlad sa talento ng kabataan, at pampublikong libangan na dinadaluhan kapwa ng kabataan at ng matatanda, ang higit na nararapat.…

Ikalawa, ang ating paglilibang ay dapat na naaayon sa diwa ng ating relihiyon ukol sa kapatiran at debosyon.… Ang katanungan tungkol sa paglilibang ay tunay na napakahalaga sa kapakanan ng mga Banal kung kaya nararapat itong isaalang-alang at bigyan ng matamang pansin ng namumunong awtoridad ng bawat purok.

Ikatlo, ang paglilibang natin, hangga’t maaari ay dapat na hindi gaanong makagambala sa gawain sa silid-aralan. Tunay na kalugod-lugod kung ang maagang edukasyon ng ating mga kabataan ay maisasagawa nang walang gaanong pagkagambala hangga’t maaari.…

Sa huli, nakakatakot na sa maraming tahanan ay hindi alintana ng mga magulang ang patakaran tungkol sa paglilibang ng kanilang mga anak, at hinahayaan silang hanapin ang katuwaan kahit saan at kahit anong oras. Hindi dapat kailanman mawalan ng kontrol ang mga magulang sa paglilibang ng kanilang mga anak sa kanilang murang edad, at dapat maging mahigpit at maingat tungkol sa kasa-kasama ng kanilang mga anak sa mga lugar ng libangan.14

Ituro sa mga bata ang kahalagahan ng pagtitiyaga at pagtatrabaho.

Tungkulin ng mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang mga alituntunin ng ebanghelyo at maging mahinahon at masipag sa kanilang kabataan. Dapat silang turuan mula pa sa pagsilang hanggang sa lisanin na nila ang tahanan ng mga magulang upang lumikha ng mga tahanan at akuin nila mismo ang mga tungkulin sa buhay, na may panahon ng pagtatanim at pag-ani, at kung ano ang itinanim ay siyang aanihin. Ang pagtatanim ng masamang kaugalian sa kabataan ay magbubunga lamang ng bisyo, at ang pagtatanim ng mga binhi ng katamaran ay tiyak na magbubunga ng kahirapan at kawalang katiyakan sa pagtanda. Ang masama ay magbubunga ng masama, at ang mabuti ay magbubunga ng mabuti.…

Hayaang bigyan ng mga magulang sa Sion ang kanilang mga anak ng isang bagay na gagawin upang maituro sa kanila ang sining ng kasipagan, at makapagsagawa ng responsibilidad kapag ipinagkatiwala ito sa kanila. Turuan sila ng ilang kapaki-pakinabang na hanapbuhay upang kumita sila ng salapi at matustusan ang kanilang sarili kapag nagsimula na sila ng kanilang sariling pamumuhay. Alalahaning sinabi ng Panginoon na ang “tamad ay hindi makakakain ng tinapay … ng manggagawa,” dahil ang lahat sa Sion ay magiging masipag [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:42]. Ni hindi sila mahihilig sa labis na pagtatawa, sa mabababaw na pananalita, makamundong kapalaluan at mahahalay na pagnanasa, sapagkat ang mga ito ay hindi lamang di-nararapat, kundi kasuklam-suklam na kasalanan sa paningin ng Panginoon.15

Ang pagtatrabaho ang susi sa tunay na kaligayahan ng pisikal at espirituwal na katauhan. Kahit na magkaroon ng milyun-milyong salapi ang isang tao, nararapat pa ring maturuan ang kanyang mga anak na magtrabaho sa pamamagitan ng kanilang mga kamay; nararapat na tumanggap ang mga batang lalaki at babae ng pagsasanay sa tahanan na tutulong sa kanilang maging angkop sa praktikal na pang-araw-araw na pamumuhay ng pamilya.16

Tunay na kasiya-siya sa mga magulang ang makatugon sa mga ninanais ng kanilang mga anak, ngunit walang alinlangang pagmamalupit sa bata ang ibigay ang lahat ng bagay na hinihiling nito. Matalinong ipagkait sa mga bata ang mga bagay maging ang mga ito man ay hindi makapipinsala. Ang ating mga kasiyahan ay madalas na nakasalalay sa kalidad ng ating naisin kaysa sa pagbibigay kasiyahan dito. Ang isang bata ay maaaring paligiran ng mga regalo na magbibigay sa kanya ng kaunti o kaya’y walang maidudulot na kasiyahan, dahil lamang sa hindi niya gusto ang mga ito. Ang pag-aaral sa kung ano ang ating nanaisin ay mahalaga sa ating kaligayahan sa buhay.…

Ang paraan ng Diyos sa pagtuturo sa atin kung ano ang ating nanaisin, siyempre, ang siyang palaging pinakaperpekto, at kung ang sinumang may kakayahan na turuan at akayin ang mga naisin ng mga bata ay pamamarisan ang kanyang pagtitimpi, mas magiging mapalad ang mga bata sa pakikibaka sa mga pagsubok na kinakaharap ng lahat ng tao kahit saan sa pakikipaglaban upang mabuhay. At ano ang paraan ng Diyos? Sa lahat ng dako sa kalikasan ay tinuturuan tayo ng aral tungkol sa pagtitiyaga at paghihintay. Matagal na nating ninanais ang mga bagay bago pa natin makamtan ang mga ito, at ang katotohanan na matagal na nating inaasam ang mga ito ang dahilan kung bakit higit natin itong pinahahalagahan kapag dumating ang mga ito. Sa kalikasan ay mayroon tayong panahon ng pagtatanim at pag-ani; at kung tuturuan ang mga bata na ang mga naisin na itinanim nila ay aanihin sa dakong huli sa pamamagitan ng pagtitiyaga at pagtatrabaho, matutuhan nilang pahalagahan ang anumang matagal na minimithing layunin sa tuwing nakakamit ito.17

Higit sa lahat, sanayin natin ang ating mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo ng ating Tagapagligtas, upang maging pamilyar sila sa katotohanan at lumakad sa liwanag na dulot nito sa lahat ng tatanggap nito. “Siya na naghahanap sa akin nang maaga,” ang sabi ng Panginoon, “ay matatagpuan ako, at hindi pababayaan.” [Doktrina at mga Tipan 88:83.] Samakatwid, nararapat tayong magsimula nang maaga sa buhay na maglakbay sa makipot at makitid na landas na patungo sa walang hanggang kaligtasan.18

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Paanong “pamana na mula sa Panginoon” at “kaniyang ganting-pala” ang mga batang ipinagkatiwala sa atin? (Mga Awit 127:3). Anong mga na banal pagpapala ang “dala [ng mga bata] na sanhi ng kasaganaan ng tahanan at ng bansa”?

  • Bakit kailangang turuan ng mga magulang ang mga bata na maniwala sa Panginoong Jesucristo? Anong iba pang mahahalagang doktrina at alituntunin ang dapat ituro sa mga bata? (Tingnan din sa Mosias 4:14–15; Doktrina at mga Tipan 68:25–28.) Paano maaaring isagawa ang pagtuturong ito?

  • Ano ang maaaring ibunga nang hindi pagtuturo sa mga bata ng mga alituntunin ng ebanghelyo?

  • Bakit mahalagang magkaisa at hindi pabagu-bago ang mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak? Bakit mahalaga na magpakita sila ng halimbawa na naaayon sa kanilang itinuturo?

  • Bakit ang pagmamahal ang “pinakamabisang impluwensiya sa kaisipan ng isang bata”? Paano makakamtan ng mga magulang ang pagtitiwala ng kanilang mga anak? Ano ang maaaring ibunga ng “makasarili at malupit” na pakikitungo sa mga bata?

  • Ano ang ibig sabihin ng maging “labis na mapagpaubaya” sa pagpapalaki ng isang bata? Ano ang mga panganib ng labis na pagpapaubaya sa mga bata?

  • Ano ang mga “paraan ng Diyos sa pagtuturo” at pag-akay sa Kanyang mga anak? Paano natin masusundan ang Kanyang halimbawa sa ating mga sariling pamilya?

  • Paano ninyo masusunod ang payo ni Pangulong Smith sa pagtatakda ng mga panuntunan para sa paglilibang ng pamilya? Paano matuturuan ang mga bata na magsikap upang makamtan ang mga kapaki-pakinabang na mithiin sa pamamagitan ng “pagtitiyaga at pagtatrabaho”?

Mga Tala

  1. Life of Joseph F. Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1938), 449.

  2. Charles W. Nibley, “Reminiscences,” sa Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 523.

  3. Sinipi sa Edward H. Anderson, “Last of the Old School of Veteran Leaders,” sa Gospel Doctrine, 539–40.

  4. Gospel Doctrine, 278.

  5. Gospel Doctrine, 289.

  6. Gospel Doctrine, 293; idinagdag ang parapo.

  7. Deseret News: Semi-Weekly, ika-28 ng Hunyo, 1898, 1; idinagdag ang pagtatalata.

  8. Deseret News: Semi-Weekly, ika-3 ng Ene. 1871, 2; idinagdag ang pagtatalata.

  9. Gospel Doctrine, 294–95; binago ang ayos ng mga pagtatalata.

  10. Gospel Doctrine, 389.

  11. Gospel Doctrine, 295.

  12. Gospel Doctrine, 286.

  13. Gospel Doctrine, 318–19.

  14. Gospel Doctrine, 321.

  15. Gospel Doctrine, 295–96.

  16. Gospel Doctrine, 527.

  17. Gospel Doctrine, 297–98.

  18. Gospel Doctrine, 296.

home of Mary Fielding Smith

Noong 1850, si Mary Fielding Smith at ang kanyang mga anak ay nanirahan sa isang simpleng tahanang yari sa adobe. Sa tahanang ito, natutuhan ni Joseph F. Smith ang mga katotohanan ng ebanghelyo na nagpala sa kanya sa buong buhay niya. Ang tahanan ay nakatayo ngayon sa Old Deseret Village sa This Is the Place Heritage Park.