Kabanata 22
Pag-ibig na Tulad ng Kay Cristo sa ating mga Puso
Pangalagaan natin ang mga yaong nangangailangan at mapuspos ng kabaitan at pag-ibig sa lahat ng tao.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Nagsumamo si Pangulong Joseph F. Smith sa mga Banal sa mga Huling Araw na ibigin ang kanilang kapwa at alamin ang pangangailangan ng isa’t isa—temporal at espirituwal—nang may-awa at dalisay na pag-ibig. “Sa sandaling matutuhan ng isang Banal sa mga Huling Araw ang kanyang tungkulin, matututuhan niya na pananagutan niya ito … na mapuspos ng diwa ng kabutihan, pagmamahal, pag-ibig sa kapwa, at kapatawaran,” ang turo niya.1
Siya mismo ay tumanggap ng dakilang paglilingkod, na nasaksihan nang dalawin niya ang Hawaii bilang Pangulo ng Simbahan kasama si Obispong Charles W. Nibley. Inilarawan pagkaraan ni Obispong Nibley ang karanasan:
““Nang kami’y bumababa na sa daungan sa Honolulu, ang mga katutubong Banal ay naroon na sa malaking bilang na may mga kuwintas na gawa sa mga bulaklak, iba’t ibang uri at kulay ng magagandang bulaklak. Pinagkaguluhan nila kami, siya, mangyari pa, nang higit kanino pa man. Ang kilalang banda ng mga taga-Hawaii ay naroon din at tumutugtog ng maligayang pagdating. … Ito ay isang nakapakagandang tanawin na makita ang masidhing pag-ibig, maging ang nakaiiyak na pagmamahal, na mayroon ang mga taong ito sa kanya. Sa gitna nilang lahat napansin ko ang isang nakaaawa, matanda, bulag na babae, mahina at nanginginig na sa paglalakad dahil siya ay mga siyamnapung taong gulang na, na inaakay patungo sa kanya. May dala siyang ilang piling saging sa kanyang mga kamay. Ito lang ang mayroon siya—ang kanyang handog. Siya ay tumatawag ng ‘Iosepa, Iosepa.’ (Ang pangalang “Joseph” sa wika ng mga taga-Hawaii). Nang makita siya ni Joseph, kaagad itong tumakbo patungo sa kanya at ikinulong siya sa kanyang mga bisig, niyakap, at hinalikan nang paulit-ulit, hinaplos ang kanyang ulo, sinasabing, ‘Ina, Ina, ang mahal kong Ina!’
“At may luhang dumadaloy sa kanyang mga pisngi, bumaling siya sa akin at sinabing, ‘Charlie, inalagaan niya ako nang ako’y bata pa, maysakit at walang sinuman ang nangalaga sa akin. Inalagaan niya ako at naging ina sa akin.’
“O, nakaaantig ng damdamin. … Napakagandang pagmasdan ang dakila, marangal na kaluluwa sa mapagmahal, magiliw na pag-aalaala ng kabaitang ipinadama sa kanya, mahigit limampung taon na ang nakalipas; at ang kaawa-awang matandang kaluluwa na nagdala ng kanyang handog ng pagmamahal—ng ilang saging—na ito lamang ang mayroon siya—upang ibigay sa kamay ng kanyang mahal na si Iosepa!2
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Maging mapagbigay sa mga maralita at kapus-palad.
Ang dakilang kautusan, na itinuro ng ating Panginoon at Guro, ay ibigin ang Diyos nang buo ninyong puso, nang buo ninyong pag-iisip, at nang buo ninyong lakas; at ang kasunod ay kahalintulad nito; ibigin mo ang iyong kapwa nang tulad sa inyong sarili. “Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.” [Tingnan sa Mateo 22:37–40.] Samakatwid, isagawa natin ang pag-ibig sa kapwa at pagpapatawad, pagmamahal at awa, sa isa’t isa; at gumawa ng karagdagang pagsisikap upang tulungan ang mga yaong nasa kagipitan, nang sa gayon ay hindi umabot ang tinig ng balo sa Diyos sa pagdaing laban sa mga tao dahil sa kawalan ng pagkain, o kasuotan, o tahanan. Tiyakin na ang ulila ay may tahanan sa kalipunan ng mga taong ito, may pagkain o kasuotan,o pagkakataon upang mapalawak ang kanyang kaalaman. Tiyakin na lumalaganap ang pag-ibig sa kapwa sa lahat ng inyong gawain at nananahan sa inyong mga puso, na hinihikayat kayo na tulungan ang mga maralita at naghihirap, inaaalo ang mga yaong nasa bilangguan, kung kinakailangan nila ang pag-alo, at pangangasiwa sa mga yaong maysakit; sapagkat siya na nagbibigay ng isang tasa ng malamig na tubig sa isang propeta sa pangalan ng isang propeta ay makatatanggap ng gantimpala sa propeta iyon.
Siya na gumagawa ng mga bagay na ito sa mga maralita sa kalipunan natin, ay masasabi sa kanila balang araw ang “Ako’y nagutom, at ako’y inyong pinakain; ako’y nauhaw, at ako’y inyong pinainom; ako’y naging taga ibang bayan, at inyong pinatuloy; naging hubad, at inyo akong dinaramitan; ako’y nagkasakit, at inyo akong dinalaw; ako’y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan.” At hindi natin kailangan pang sabihin, “Panginoon, kaylan ka namin nakitang nagutom, “sapagkat ang bawat isa na may katalinuhan ay malalaman na kung nangangasiwa siya sa mga karapat-dapat na maralita, ibinibilang na kanyang ginawa ito sa kanya na siya ang Ama ng ating mga espiritu. [Tingnan sa Mateo 25: 31–45.]3
Dapat na turuan natin ang ating mga anak na igalang hindi lamang ang kanilang mga ama at ina, at ang kanilang mga kapatid na lalaki at babae, subalit dapat silang turuan na igalang ang lahat ng tao, at lalung-lalo na dapat silang tagubilinan at turuan at palakihin na igalang ang matatanda at ang mahihina, ang kapuspalad at ang maralita, ang mga nangangailangan, at ang yaong hindi nakatatanggap ng awa mula sa ibang tao.4
Nagagawa natin sa tuwina na magbigay ng ilang bagay sa mga maralita, at hindi tinatanggihan ang sinuman na humihingi ng pagkain. Naniniwala akong ito ang pangkalahatang damdamin at katangian ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa palagay ko ang lahat ng mga “Mormon” ay magiliw at laging handa, at mapagbigay sa mga maralita at kapus-palad, at na wala ni isang Banal sa mga Huling Araw na nakaririnig ng aking tinig o kahit saan na hindi magbabahagi sa kanyang kapwa sa sandali ng pangangailangan. …
Nakita kong humahayo ang mga tao mula sa aking pintuan na may dalang masarap na tinapay at mantikilya (sapat nang kainin ng sinumang hari, sapagkat ang mag-anak ko ay nakagagawa ng masarap na tinapay at mantikilya, kasing sarap ng mga pagkaing natikman ko na rito sa mundo) at kapag sila ay nasa labas na ng bakuran, itinatapon nila ito sa kalsada. Hindi pagkain ang gusto nila. Gusto nila ng pera. Para saan? Upang sila ay makapunta sa pasugalan o sa ilang bahay-inuman. Mangyari pa sila ang mananagot dito. Makahahatol lamang tayo sa panlabas na anyo at sa pamamagitan ng pag-uudyok ng mabuting espiritu na nasa atin; at mas mabuting magbigay sa isang dosenang hindi karapat-dapat na tao kaysa tumangging tumulong o magbigay sa isang karapat- dapat na tao.5
Ang pag-ibig sa kapwa ay pinakadakilang alituntunin na mayroon tayo. Kung magbibigay tayo ng tulong sa mga mahihina, kung matutulungan natin ang mga yaong nawalan ng pag-asa at nasa kapighatian, kung maitataas at mapauunlad ang kalagayan ng sangkatauhan, misyon nating gawin ito, mahalagang bahagi ito ng ating relihiyon upang gawin ito.6
Ibigin ang iyong kapwa ng tulad sa iyong sarili.
Isang napakadaling bagay para sa isang tao na sabihing naniniwala siya sa Diyos at sa pagbabayad-sala ni Jesucristo, na naniniwala siya sa pagsisisi ng kasalanan, sa pagbibinyag para sa kapatawaran ng kasalanan, at sa pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo. Sa wari’y madali para sa isang tao ang magpatuloy nang gayon kalayo. Subalit kapag ang ping-uusapan na ay pag-ibig sa kapwa katulad ng sarili, hindi ito napakadali. Narito tayo ngayon sa mahirap akyating burol, kung saan natuklasan natin na kinakailangan ang lahat ng ating lakas upang makarating sa tuktok nito; at umaakyat na tayo dito nang maraming taon sa ating buhay, tahasan kong sinasabi na magigising tayo ngayong umaga at matatagpuan ang ating mga sarili na umaakyat pa rin sa may paanan ng burol, ni hindi pa natin nararating ang tuktok sapagkat tunay na kakaunti ang mga kalalakihan,o kababaihan, maging sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang makapagsasabi nang tapat, “Iniibig ko ang aking kapwa katulad ng pag-ibig ko sa aking sarili”.
Hindi natin, bilang patakaran, iniibig ang ating kapwa katulad ng pag-ibig natin sa ating mga sarili. Nasabi na minsan [ng isang tao] “Sa lahat ng mga anak na lalaki ng aking ina, iniibig ko ang aking sarili nang higit.” Gayon din ito sa mga anak ng Diyos dito sa lupa. Kahit na maraming anak ang ating Ama, at lahat tayo ay may iisang dugo; at marahil miyembro tayo ng isang komunidad, ng isang relihiyon na naniniwala sa Diyos at sa nag-iisang Panginoon na si Jesucristo, ngunit iniibig pa rin natin nang higit ang ating mga sarili. Ang damdaming ito ay sumisibol sa atin sa araw-araw, sa bawat oras ng ating pakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Madalas itong sumisibol sa pagitan ng mag-asawa; madalas sa pagitan ng ama at mga anak, at ito ay pangkaraniwan na sa mga anak. Ito ba ang Cristianismo? Ito ba ang doktrina ni Jesucristo? Hindi naaayon ito sa mga paraang nababasa ko sa mga aklat at pagkaunawa sa mga alituntunin ng buhay at kaligtasan. Sinasabi ng mga banal na kasulatan na dapat nating pahalagahan ang bawat isa sa pag-ibig; na dapat nating ibigay ang ating pansariling kaginhawaan, ang ating pansariling hangarin, o ang pansariling kaligayahan sa mga hangarin, kaginhawaan ng ating kapwa;—kabilang na ang ating kaanak at mga mahal sa buhay.7
Paano natin iibigin ang ating kapwa katulad ng pag-ibig natin sa ating sarili. Ito ay pinakasimpleng bagay sa daigdig; subalit napakaraming tao ang sakim at nakatuon lamang sa kanyang sarili at hindi madaling magkaroon ng mapagmahal o magiliw na damdamin na tumutulong at nagsasaalang-alang ng kabutihan at kapakanan ng kanilang kapwa; at pinagtutuunan nila ang kanilang mga sarili para na rin sa sarili nilang natatangi at partikular na pakinabang at biyaya at kapakanan, at sasabihing: “Oh, hayaang pangalagaan ng aking kapwa ang kanilang sarili.” Hindi ito ang diwa na dapat ipakilala ng isang Banal sa mga Huling araw.8
Kapag ipinalalagay nating nakakikita tayo ng mga kasiraan, kahinaan o pagkakamali, maging ito man ay tunay o nasa isipan lamang, sa ating mga kapatid, sa halip na ikalat ang mga ito sa lahat at sabihin ang mga ito sa mga kaibigan at kapit-bahay, saanman natin sila masalubong, kung gagamit tayo ng sapat na pagibig, at pakikipagkaibigan, … ay lalapit tayo sa ating mga kaibigan na pinaghinanakitan natin o pinaniniwalaang siyang may kamalian o kasalanan, at sabihin sa kanila kung ano ang nararamdaman natin o iniisip, at gawin ito sa diwang tutulungan sila na mapaglabanan ang kanilang mga kahinaan, at sa gayon gagawa ng maraming kabutihan sa ating mga sarili, gayon din naman sila. Hindi tayo lalapit sa kanila na may espiritu ng paghatol at pagdaing, at saktan ang kanilang damdamin at puspusin ang kanilang puso ng poot.9
Ipinapayo ko na pag-aralan nating mahalin ang isa’t isa, at pagkatapos ang pakikipagkaibigan ay magiging tunay at magiliw. Nasabi na minsan ng isang tao, na “makapagbibigay tayo nang walang pagmamahal, subalit hindi tayo magmamahal nang walang pagbibigayan.” Ngayon nais nating ibigin ang isa’t isa, at kagaya nang sinabi ng Panginoon kay Pedro, dapat nating pakainin ang kanyang tupa [ tingnan sa Juan 21:15–17], palakasin ang isa’t isa, hindi wasakin, ni hilahing pababa, huwag tayong makisalamuha sa mga kahinaan ng ating kapwa o ng ating mga kapatid, o ng mga kasiraang nakikita natin sa sangkatauhan, subalit sa halip kung nakakikita tayo ng kabutihan palakihin ito, at, kung, maaari, pag-apuyin ito upang makapagbigay ng liwanag at buhay, lakas at pag-asa sa lahat ng makakikita nito, at lalo na ang mga yaong nasa kamalian at kadiliman, upang madala sila sa liwanag.10
Itinuturo ng aking relihiyon na ibigin ko ang lahat ng tao. Gayunman labis kong kinamumuhian ang kanilang mga kilos, o kinalulungkot ang kanilang kasamaan at ang kadiliman ng kanilang isipan, ngunit sila ay nilalang ng Diyos, ang tao ayon sa kanyang sariling larawan—sila ay mga kapatid ko. Hinihiling sa akin na dapat kong ibigin ang aking kapwa katulad ng aking sarili. Maaaring hindi pa ako nakaaabot sa mataas na pamantayan ng pagiging ganap; maaaring may nananatili pang kasakiman na minamabuti ang aking sarili nang higit pa sa aking kapwa, subalit nilalayon kong gumawa ng tama sa aking kapwa, dahil hinihingi ito ng Ebanghelyo.11
Ang Diyos ay gumagawa ng natatanging pagsisikap sa dispensasyong ito upang ihayag sa atin ang kabuuan ng Ebanghelyo, na … na itinuturo sa mga tao ang alituntuning ito ng pagsasakripisyo sa sarili para sa kabutihan ng iba, at nagtuturo sa atin na gumawa tayo ng kabutihan sa ibang tao. … Napakaraming tao sa daigdig ang natatali sa kanilang mga sarili at napakaramot sa kanilang kaluluwa kaya hindi sila handang magpunyagi alangalang sa iba kundi sa kanilang mga sarili lamang. Ang tungkulin ng sangkatauhan, sa aking pagkakaunawa nito, sa banal ng Ebanghelyo na ating natanggap, ay pangalagaan ang kawalangmalay, kalinisan, karangalan at mga karapatan ng lahat ng kalalakihan at kababaihan nang napakaingat katulad ng pangangalaga natin sa ating mga sarili.12
Naglaan ang Diyos ng mga panustos sa kanyang Simbahan upang pangalagaan ang yaong nangangailangan.
Naglaan ang Diyos ng mga panustos sa kanyang Simbahan, sa ganap na pagsasaayos nito nang sa gayon ang bawat tapat na kaluluwa ay maaaring umasa at makalinga at mapangalagaan dito sa oras ng pangangailangan.13
Inutos ng Diyos sa mga taong ito na alalahanin ang maralita, at magbigay ng ikabubuhay para sa kanilang panustos. … Hindi tayo naniniwala sa pag-ibig sa kapwa bilang isang negosyo; sa halip umasa tayo sa tulong ng isa’t isa. Samantalang ang mensahe ng ebanghelyo ay humihingi ng pananampalataya at pagsisisi, humihingi rin ito na kinakailangang maglaan ang mga tao ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa buhay (pagkain, damit, tirahan). Kaya naghayag ang Panginoon ng mga plano para sa temporal na kaligtasan ng mga tao.
Alang-alang sa mga maralita pinasimulan sa atin ang pagaayuno, ang pinakaunang bagay sa lahat ay maglaan sa mga maralita ng pagkain at iba pang pangangailangan hanggang sa maaari na nilang tulungan ang kanilang mga sarili. Sapagkat napakalinaw na ang mga planong binalak lamang upang paginhawain ang kasalukuyang kagipitan ay hindi sapat. Ang Simbahan sa tuwina ay naghahangad na ilagay ang mga miyembro nito sa kaparaanang matutulungan nila ang kanilang mga sarili, sa halip na patibayin ang pamamaraan ng napakaraming mapagkawanggawang institusyon ng paglalaan para sa pangkasalukuyang pangangailangan lamang. Kapag inalis na sa kanila ang tulong o nagamit na nila ito, higit pa ang dapat na ilaan ng dating pinagkukunan, sa gayon pinapangyari nitong umasa ang mga maralita sa tulong ng iba at tinuturuan sila ng maling alituntunin ng pagasa sa tulong ng iba, sa halip na umasa sa kanilang sariling pagsisikap. … Ang ating ideya ng pag-ibig sa kapwa, samakatuwid, ay maiibsan sa pangkasalukuyang pangangailangan at pagkatapos ay ipakita sa mga maralita kung paano tulungan ang kanilang mga sarili nang sa gayon matulungan din nila ang iba. Ang pananagutan upang ipamahagi ang mga pondo ay ibigay sa matatalinong tao, karaniwan sa mga obispo ng Simbahan, na ang tungkulin ay pangalagaan ang mga maralita.
Iniharap namin ang makatwirang plano ng araw ng pagaayuno ng Panginoon sa mga simbahan ng daigdig bilang isang matalino at maayos na paraan ng pagtutustos sa mga maralita. … Maaaring ito ay simpleng bagay para sa mga tao na sumunod sa hinihinging ito na di-pagkain at pag-inom ng isang araw sa isang buwan, at ilaan ang dapat sanang gagamitin sa araw na iyon sa mga maralita, at nang higit pa kung nanaisin nila. Pinasimulan ang batas na ito, ito ay simple at ganap, ayon sa katwiran, at hindi lamang nagpapakita ng kalutasan sa katanungan ng paglalaan para sa mga maralita, subalit ito ay magbubunga nang maganda sa mga yaong sinusunod ang batas. Ipinasasailalim nito ang katawan sa espiritu, at dahil dito nagtatatag ng pakikipag-ugnayan sa Espiritu Santo, at nagbibigay ng lakas sa espiritu at kapangyarihan na kailangang-kailangan ng mga tao ng bansa. Dahil ang pag-aayuno ay sinasamahan ng panalangin, ang batas na ito ay maglalapit sa mga tao sa Diyos, at itinutuon ang kanilang mga isipan kahit isang beses sa isang buwan, mula sa pagiging abala sa mga gawaing nauukol sa daigdig at pinapangyaring madala sila sa malapit na pakikipag-ugnayan sa praktikal, dalisay at malinis na relihiyon—upang dalawin ang mga ulila sa ama at ang mga balo at ingatan ang kanilang sarili na walang bahid-dungis mula sa mga kasalanan ng sanlibutan [tingnan sa Santiago 1:27].14
Nakikita na ang mga katanggap-tanggap na ayuno ay yaong may tunay na diwa ng pag-ibig sa Diyos at tao; at na ang layunin sa pag-aayuno ay magkaroon ng ganap na kadalisayan ng puso at pagiging simple ng hangarin—pag-aayuno sa Diyos sa pinakabuo at pinakamalalim na diwa—sapagkat ang gayong pag-aayuno ay nakapagpapagaling ng bawat kamaliang bunga ng katalinuhan; maaalis ang kapalaluan, ang pag-ibig sa ating kapwa ang hahalili nito, at masisiyahan tayong tulungan ang mga maralita at nangangailangan. 15
Hinuhubog tayo ng ebanghelyo na maging mapagbigay at handang isakripisyo ang ating mga sariling hangarin para sa kapakanan ng iba.
Ipinapayo namin, isinasamo namin sa ating mga kapatid sa ebanghelyo ni Jesucristo, na huwag lamang papurihan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng tamang pamumuhay, subalit papurihan at ibigin at maging mapagkawanggawa sa inyong kapwa, ang bawat isa sa inyo.16
Sa palagay ko dapat nating ipamuhay ang ating relihiyon. Dapat nating sundin ang mga kautusan ng Diyos. Dapat nating taglay at tinatamasa ang diwa ng ebanghelyo sa ating mga puso at dalhin ang bunga ng espiritu ng pag-ibig sa ating mga buhay; pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa kapwa, pagmamahal, kababaang loob at pagpapatawad sa bawat kaluluwa ng isa’t isa, at iwasan hangga’t maaari, ang diwa ng pagpaparatang, ng pagtatalu- talo, na humahantong sa pag-aawayan, sa pagkalito at pagkakahati ng mga tao, at sa pagkakaroon ng diwa ng pagkapoot. O, alisin ang pagkapoot sa inyo. Ang pagkimkim ng poot sa ating mga puso, o inggit o pagseselos ay pumipinsala sa mga yaong pinahintulutan ang mga ito na manahan sa kanilang kaluluwa at nagkakaroon ng matinding hinanakit sa kanilang puso at isipan nang mahigit pa isang libong ulit kaysa iba. Samakatuwid, alisin natin ang mga bagay na yaon sa ating mga puso, at mula sa ating mga isipan. Mamuhay tayo ng matwid, ibigin ng lalaki ang kanyang asawa at maging tapat at mabuti sa kanya, at gayun din naman ang babae, at maging matapat at mapagmahal at maalalahanin sila sa kapakanan ng kanilang mga anak; maging isa kayo bilang isang mag-anak na bahagi ng Simbahan at kapag ang kalagayang ito ay lumaganap palabas sa mga hangganan ng Sion, magkakaroon tayo ng pamamahalang milenyal sa kalipunan natin, at magkakaroon ng kapayapaan sa lupa at sa mga taong kinalulugdan niya kahit saang dako.17
Ang ebanghelyo ay sinadya upang tanggalin mula sa atin ang lahat ng hindi naayon sa Diyos at sa plano ng kaligtasan na inihayag niya sa mga tao. Ito ay ginawa upang pahintulutan tayong mamuhay nang sa gayon ay matamasa natin ang kabuuang liwanag ng katotohanan,at maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at mamuhay nang napakalapit sa kanya nang tayo sa tuwina ay tumugon sa kanyang mga kalooban. Ang mga alituntunin ng Ebanghelyo ay ginawa upang gawin tayong mapagbigay, mapagpaubaya, at magkaroon ng higit pang hangaring gumawa ng mabuti, alisin ang poot, malaking galit at inggit sa ating mga puso at ginawa tayong payapa, masunurin, natuturuan, at handang isakripisyo ang ating sariling hangarin, at baka sakali ang pansarili rin nating pakinabang, para sa kapakanan ng ating kapwa nilalang, at para sa pag-unlad ng kaharian ng Diyos. Ang isang taong hindi maisasakripisyo ang kanyang sariling hangarin, na hindi masasabi sa kanyang puso, “Ama, ang kalooban ninyo ang masusunod, hindi ang sa akin,” ay hindi tunay at ganap na nagbalik- loob na anak ng Diyos; siya pa rin sa ilang kadahilanan, ay nasa pagkakahawak ng kamalian at nasa mga lilim ng kadiliman na gumagala-gala sa daigdig, itinatago ang Diyos mula sa harapan ng sangkatauhan.18
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang dalawang pinakadakilang kautusan? (Tingnan din sa Mateo 22:37–40.) Bakit mahalaga ang mga kautusang ito?
-
Ano ang pag-ibig sa kapwa? (Tingnan din sa Moroni 7:45:48.) Ano ang magagawa natin upang maipalaganap ang ating pagibig sa kapwa sa lahat ng ating ginagawa at manahan sa ating mga puso? Sa palagay ninyo bakit ang pag-ibig sa kapwa ay hindi nagkukulang? (Tingnan sa Moroni 7:46.)
-
Ano ang ating responsibilidad sa mga yaong kapus-palad o nangangailangan o “hindi nakatatanggap ng awa mula sa ibang tao”?
-
Paano natin mapalalakas ang ating kakayahan na sabihin nang tapat ang “Iniibig ko ang aking kapwa katulad ng pag-ibig ko sa aking sarili”? Paano natin pakikitunguhan ang mga pagkakamaling nakikita natin sa iba? (Tingnan sa Lucas 6:41–42.) Paano natin mapalalakas ang mga katangian ng iba?
-
Anong mga biyaya ang ibinubunga ng pagsunod sa pagaayuno ng isang beses sa loob ng isang buwan at pagbibigay ng handog mula sa ayuno? Isaalang-alang na may panalangin kung paano kayo makatutulong sa Simbahan sa pangangalaga sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagsisikap na kilalanin ang mga balo o nalulungkot na mga miyembro, tumutulong sa komunidad, dinaragdagan ang handog mula sa ayuno o pakikilahok sa kapakanan at makataong proyekto.
-
Ano ang mga “bunga ng espiritu sa ating mga buhay”? (Tingnan din sa Taga-Galacia 5:22–23.) Anong mga biyaya ang darating sa atin at sa iba kapag handa tayong isakripisyo ang pansarili nating hangarin para sa kabutihan ng iba?
-
Paano “makapag-aalis ng galit, poot, inggit mula sa ating mga puso” ang ebanghelyo ni Jesucristo at makatulong sa iba sa pagiging mapagkawanggawa natin?