Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 11: Tinubos ni Jesucristo ang mga Nagsipagsisi mula sa Kamatayang Espirituwal


Kabanata 11

Tinubos ni Jesucristo ang mga Nagsipagsisi mula sa Kamatayang Espirituwal

Tinutubos ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang mga yaong nagsisipagsisi at matapat mula sa kamatayang espirituwal.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

“Ako ay bata pa at wala pang karanasan sa ngayon,” ang isinulat ni Joseph F. Smith habang siya ay nasa misyon sa Hawaii. Dahil doon nais kong maging mapagpakumbaba, madasalin sa Diyos, nang sa gayon ako ay maging karapat-dapat sa mga pagpapala at pagmamahal ng Diyos.”1 Sa mga unang araw ng kanyang paglilingkod sa Hawaii, ang batang misyonero ay nagkaroon ng espirituwal na karanasan na nagpapakita ng paglilinis at nag-aalong kapangyarihan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo: Sinabi niya na siya ay “lubhang nabigatan” sa kanyang misyon at sa kalagayan ng kahirapan, kakulangan sa katalinuhan at kaalaman.”

“Habang nasa ganitong kalagayan, nanaginip ako na ako ay naglalakbay, at nakintal sa akin na dapat akong magmadali— magmadali nang buo kong kakayahan, sa takot na ako ay maaaring mahuli. Nagmamadali akong umalis, mabilis sa abot ng aking makakaya, ang tangi kong namamalayan ay may dala akong maliit na balutan, isang panyo na may maliit na balutan na nakabalot dito. Hindi ko basta maisip kung ano ito, nang ako ay nagmamadali pa; subalit sa wakas ay nakarating ako sa kahangahangang mansion, kung ang tawag nga rito ay mansion. Sa wari ito ay napakalaki, napakalawak para magawa sa pamamagitan ng kamay lamang, subalit sa aking isipan alam kong ito ang aking destinasyon. Nang ako ay lumakad patungo dito nang mabilis sa abot ng aking makakaya, nakakita ako ng paalala, “Maligo.” Dalidali akong nagtungo sa paliguan at naglinis ng aking sarili. Binuksan ko ang maliit na balutan, naroon ang isang paris ng puti, malinis na kasuotan, isang bagay na hindi ko nakita sa matagal na panahon … isinuot ko ang mga ito. Noon di’y nagtungo ako agad sa tila malawak na pasukan o pinto. Ako ay kumatok at bumukas ang pinto, at ang lalaking nakatayo doon ay si Propetang Joseph Smith. Tiningnan niya ako nang may kaunting pagsumbat, at ang mga unang salitang kanyang sinabi: “Joseph, nahuli ka.” Gayunman sinabi ko nang may pagtitiwala:

“Opo, ngunit ako ay malinis … ako ay malinis!”

“… Ang yaong pangitain, ang yaong pagpapakita at pagpapatunay na natamasa ko sa oras na iyon ang siyang humubog kung ano ako ngayon, kung ako man ay mabuti o malinis o matwid sa harapan ng Diyos, kung mayroon mang kabutihan sa akin. Ang yaon ay nakatulong sa akin sa bawat pagsubok at sa lahat ng paghihirap.”2

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Sa pamamagitan ng Pagkahulog ni Adan, ang kamatayang espirituwal ay dumating sa daigdig.

Nais kong magpahayag ng isa o dalawang salita na may kaugnayan sa isa pang kamatayan, na higit pang kakila-kilabot kaysa sa kamatayan ng katawan. Noong si Adan, ang ating unang magulang, ay kumain ng ipinagbabawal na bungang-kahoy, sila ay lumabag sa batas ng Diyos, at napasailalim sa kalooban ni Satanas, siya ay itinakwil mula sa kinaroroonan ng Diyos. … Ito ang unang kamatayan. Buhay siya ngunit patay—patay sa Diyos, patay sa liwanag at katotohanan, patay sa espirituwal; pinalayas mula sa kinaroroonan ng Diyos; pinutol ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng Ama at ng Anak. Siya ay lubusang itinakwil sa harapan ng Diyos tulad ni Satanas at ang mga hukbo na sumunod sa kanya. Iyan ang kamatayang espirituwal.3

Nais kong ikintal sa inyong mga isipan— “na kung saan (si Adan) ay naging patay sa espirituwal.” Ngayon ano ang kanyang kalagayan nang ilagay siya sa Halamanan ng Eden! Siya ay malapit sa Ama. Naroon siya sa kanyang kinaroroonan. Siya’y lumalakad at nakikipag-usap sa kanya nang harap-harapan, gaya ng pakikipag-usap ng tao sa isa’t isa. Ito ang kalagayan nina Adan at Eva noong sila ay nasa halamanan. Subalit nang sila ay kumain ng ipinagbabawal na bungang-kahoy sila ay iwinaksi at pinaalis sa kinaroroonan ng Diyos, … “Kung saan [sila] ay espirituwal na namatay, na siyang unang kamatayan.” [Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:41.] At imposible para kay Adan na alisin ang kanyang sarili sa ganoong kalagayan na siya ang naglagay sa kanyang sarili. Siya ay nasa panghahawak ni Satanas. … Siya ay “namatay sa espirituwal”— pinaalis sa kinaroroonan ng Diyos. At kung walang daan na inilaan para sa kanya na makatakas, ang kanyang kamatayan ay magiging panghabang-buhay, walang katapusan, walang hanggang kamatayan, na walang anumang pagasa ng pagtubos mula rito.4

Walang sinumang tao ang Maliligtas sa Kaharian ng Diyos sa Kasalanan.

Walang sinumang tao ang makapupunta sa kinaroroonan ng Diyos sa kanyang mga kasalanan, at walang sinumang tao ang maaaring makatanggap ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan maliban na lang kung siya ay magsisisi at [mangalibing] kay Cristo [tingnan sa mga Taga Roma 6:4]. Dahil binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang pumili, na piliin ang mabuti o masama, mamuhay sa liwanag o sa kadiliman, kapag pumipili tayo, at kanyang inorden ito nang sa gayon ay maaari tayong maging kagaya Niya, na kung mapatutunayan natin sa ating sarili na tayo ay karapat-dapat sa buhay na walang hanggan at kaluwalhatian sa Kanyang kinaroroonan, ito ay sa dahilang tayo ay nagsisi sa ating mga kasalanan at sumunod sa Kanyang mga kautusan.5

Walang sinumang tao ang maliligtas sa kaharian ng Diyos sa kasalanan. Walang sinumang tao ang maaaring mapatawad sa kanyang mga kasalanan ng makatarungang Hukom, maliban kung siya ay magsisisi sa kanyang mga kasalanan. Walang sinumang tao ang maaaring mapalaya sa kapangyarihan ng kamatayang [espirituwal hangga’t hindi siya ipinanganak na muli tulad ng iniutos ng Pinakamakapangyarihang Panginoon.6

Ang lahat ng tao ay binigyan ng Diyos ng kalayaang pumili at binigyan tayo ng pagkakataon na paglingkuran siya o hindi, na gumawa ng tama o gumawa ng mali, at ang pagkakataong ito ay ibinigay sa lahat ng tao anuman ang pananampalataya, kulay o kalagayan. Ang mayaman ay may kalayaang pumili, ang mahirap ay may kalayaang pumili at walang sinumang tao ang babawian nito sa pamamagitan ng anumang kapangyarihan ng Diyos sa paggamit nito nang buong kaganapan at kalayaan. Ang kalayaang pumili ay ibinigay sa lahat. Ito ay biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa daigdig ng mga tao; sa lahat ng kanyang mga anak. Subalit tayo ang ganap na mananagot sa paggamit ng ating kalayaan sa pagpili, at tulad ng sinabi kay Cain, gayon din ang sasabihin sa atin; “Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, di ba ikaw ay mamarapatin? At kung hindi ka gumawa ng mabuti, ay nahahandusay ang kasalanan sa pintuan” (Genesis 4:7).… Bagama’t ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ng tao, anuman ang kalagayan, ang kalayaang ito ng pagpili ng mabuti o masama, hindi niya ibinibigay at hindi ibibigay sa mga anak ng tao ang kapatawaran ng mga kasalanan maliban sa pamamagitan ng pagsunod sa batas. Samakatuwid, ang buong daigdig ay nahihimlay sa kasalanan at nasa ilalim ng paghahatol, yayamang ang liwanag ay nandito sa mundo at hindi inilalagay ng mga tao ang kanilang sarili sa tamang posisyon sa harapan ng Panginoon.7

Tinutubos tayo ng Pagbabayad-sala ni Cristo mula sa kamatayang espirituwal sa pamamagitan ng pagsisisi at pagsunod.

Ang Panginoon ay nagplano sa simula pa lamang na ilagay sa harapan ng tao ang kaalaman sa mabuti at masama, at binigyan siya ng kautusan na makisanib sa mabuti at kapootan ang masama. Ngunit kung siya ay mabibigo, ibibigay sa kanya ang batas ng sakripisyo at maglalaan ng Tagapagligtas para sa kanya, upang siya ay makabalik muli sa kinaroroonan at pagpapala ng Diyos at makibahagi sa buhay na walang hanggan kasama niya. Ito ang plano ng pagtubos na pinili at itinatag sa pamamagitan ng Pinakamakapangyarihan bago pa ilagay ang tao sa mundo. At nang ang tao ay mahulog dahil sa paglabag sa batas na ibinigay sa kanya, ang Panginoon ay nagbigay sa kanya ng batas ng sakripisyo, at ginawa itong malinaw sa kanyang pang-unawa, na yaon ay para sa layuning paalalahanan siya ng yaong dakilang pangyayari na magaganap sa kalagitnaan ng panahon, kung saan siya at ang lahat ng kanyang inapo ay maaaring makabalik sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagtubos at pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay, at pagtanggap ng buhay na walang hanggan kasama ng Diyos sa kanyang kaharian.8

May planong inilaan para sa pagtubos [kay Adan]. Ipinasya ng Pinakamakapangyarihan na hindi niya dapat danasin ang temporal na kamatayan hanggang sa maituro sa kanya ang daan ng pagtakas mula sa kamatayang espirituwal na dumating sa kanya dahil sa pagkakasala. Sa gayong dahilan ang anghel ay dumating at itinuro sa kanya ang Ebanghelyo ng kaligtasan, ipinakilala sa kanya si Cristo, ang Manunubos ng daigdig, na darating sa kalagitnaan ng panahon na nagtataglay ng kapangyarihan na madaig ang kamatayan at tubusin si Adan at ang kanyang inapo mula sa pagkahulog, at sa mahigpit na hawak ni Satanas. … Isang tao ang kailangang bumaba at tumulong sa kanya upang makatayo. Ang iba pa na may mas mataas na kapangyarihan kaysa sa kanya ang kailangan upang mailabas siya sa kanyang kinalalagyan kung saan inilagay niya ang kanyang sarili, dahil siya ay napasailalim kay Satanas at nawalan ng kapangyarihan at nawalan ng lakas para sa kanyang sarili.

Samakatuwid ang Ebanghelyo ay itinuro sa kanya, at ibinigay ang paraan ng pagtakas sa kamatayang espirituwal. Ang yaong paraan ng pagtakas ay sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, pagsisisi sa kasalanan, pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Dahil doon natanggap niya ang kaalaman sa katotohanan at ang patotoo kay Jesucristo, at siya ay tinubos mula sa kamatayang espirituwal na napasakanya, na siyang unang kamatayan, at isang buo at ganap na kamatayan, na may kinalaman sa espiritu, bagama’t siya ay may buhay at gumagalaw at may pagkatao, katulad ng ginagawa niya bago siya kumain ng ipinagbabawal na bungang-kahoy at naging patay sa espirituwal; nasa kanya ang kanyang buhay at pagkabuo; ngunit siya ay patay sa espirituwal; at kailangang tubusin mula sa gayong kalagayan.9

Si Adan … ay dapat na tubusin mula sa (kamatayang espirituwal) ng dugo ni Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod sa mga utos ng Diyos. Sa pamamagitan nito ni Adan ay natubos mula sa unang kamatayan, at nakabalik muli sa kinaroroonan ng Diyos, nakabalik muli sa pagpapala ng Pinakamakapangyarihan, nakabalik muli sa plano na umaakay sa walang hanggang paglaki at pag-unlad.10

Kung ihahayag ng Panginoon sa daigdig ang balangkas ng kaligtasan at pagtubos mula sa kasalanan, kung saan ang mga tao ay maaaring madakila muli sa kanyang kinaroroonan at makibahagi sa buhay na walang hanggan kasama niya, sumasang-ayon ako, bilang mungkahi na hindi maaaring mapabulaanan, na walang sinumang tao ang madadakila sa kinaroroonan ng Diyos at makatatamo ng kaganapan, ng kaluwalhatian at kaligayahan sa kanyang kaharian at kinaroroonan, maliban na lamang kung susundin niya ang plano na binalangkas at inihayag ng Diyos.11

Kung mamumuhay tayo na may pagkakaisa sa mga plano ng ating Ama sa Langit, kung ang ating mga puso ay nakatuon sa Panginoon, at sa ating Nakatatandang Kapatid, ang Anak ng Diyos, ang ating dakilang Manunubos, sa pamamagitan Niya tayo ay itataas hindi lang mula sa mga patay, datapwat tayo rin ay tutubusin o maaaring tubusin, mula sa kamatayang espirituwal, at madadala sa kinaroroonan ng Diyos.12

Si Cristo ay hinirang ng Diyos at isinugo sa daigdig upang iligtas ang mga tao sa kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi; upang iligtas ang mga tao mula sa kamatayan na darating sa kanila sa pamamagitan ng kasalanan [paglabag] ng unang tao. Pinaniniwalaan ko ito nang buo kong kaluluwa.13

Kapag tayo ay nakagawa ng kasalanan, kinakailangan nating pagsisihan ito at gumawa ng pagsasauli habang nasa atin pa ang kakayahan. Kapag hindi natin magagawa pa ang pagsasauli sa mga kamaliang nagawa natin, samakatuwid, nararapat tayong humingi ng awa at habag sa Diyos upang linisin tayo mula sa kasamaang yaon.

Hindi maaaring patawarin ng mga tao ang kanilang mga sariling kasalanan; hindi nila maaaring linisin ang kanilang sarili mula sa mga kinahinatnan ng kanilang mga kasalanan. Ang mga tao ay maaaring tumigil sa paggawa ng kasalanan at makagawa ng tama sa hinaharap, at gayon pa man ang kanilang mabubuting gawa ay maaaring tanggapin sa harapan ng Panginoon at maging karapat-dapat sa pagsasaalang-alang. Ngunit sino ang mag-aayos sa mga kamaliang ginawa nila sa kanilang sarili at sa iba, na para bang imposible sa kanila na ayusin ito ng kanilang sarili? Sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo ang mga kasalanan ng nagsipagsisi ay mapapalis; bagaman ang mga ito ay maging mapula, gagawin itong mapuputi na parang niebe [tingnan sa Isaias 1:18]. Ito ang pangakong ibinigay sa inyo.14

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at ng ating katapatan, maaari tayong maging mga kasamang tagapagmana ni Jesucristo.

Tatayo tayo sa harapan ng hukuman ng Diyos upang hatulan. Gayon ang sinabi sa Bibliya, gayon ang sinabi sa Aklat ni Mormon at gayon din sa mga pahayag na tuwirang dumating sa atin sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. At ang mga yaong hindi napasailalim at hindi sumunod sa batas ng selestiyal ay hindi makatatanggap ng kaluwalhatiang selestiyal. At ang mga yaong hindi napasailalim at hindi sumunod sa batas ng terestiyal ay hindi makatatanggap ng kaluwalhatiang terestiyal. At ang mga yaong hindi napasailalim at hindi sumunod sa batas ng telestiyal ay hindi makatatanggap ng kaluwalhatiang telestiyal; ngunit magkakaroon sila ng kahariang walang kaluwalhatian.15

Ang lahat ng mga katawan na nakahimlay sa mga libingan ay tatawagin; hindi lahat sa unang pagkabuhay na mag-uli ni sa umaga ng unang pagkabuhay na mag-uli; ngunit marahil ang ilan ay sa huling pagkabuhay na mag-uli at ang bawat kaluluwa ay kailangang magtungo sa harapan ng hukuman ng Diyos at hahatulan alinsunod sa mga ginawa niya sa lupa. Kung ang kanyang mga gawa ay mabuti, siya ay makakatanggap ng gantimpala sa mabuting gawa; kung [sila ay] naging masama, samakatuwid siya ay itatakwil mula sa kinaroroonan ng Panginoon.16

Mabubuhay tayo, samakatuwid; hindi mamamatay; hindi natin hinihintay ang kamatayan kundi ang buhay, kawalang kamatayan, kaluwalhatian, kadakilaan at bubuhayin sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng kahariang selestiyal, at tatanggap ng gayon din maging ng kabuuan. Ito ang ating tadhana; ito ang dinakilang kalagayan na maaari nating makamtan at walang kapangyarihan na makaaagaw o makakukuha sa atin nito, kung mapapatunayan tayong tapat at totoo sa tipan ng ebanghelyo.17

Ang layunin ng ating buhay dito sa mundo ay magkaroon ng lubos na kagalakan, at nang tayo ay maging mga anak na lalaki at babae ng Diyos, sa tunay na kahulugan ng salita, bilang mga tagapagmana sa Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo, upang maging mga hari at saserdote sa Diyos upang mamana ang kaluwalhatian, kapangyarihan, kadakilaan, mga trono at lahat ng kapangyarihan at katangiang pinaunlad at taglay ng ating Ama sa Langit. Ito ang layunin ng pagparito natin sa mundo. Upang matamo ang lugar ng kadakilaan, kinakailangan nating dumaan sa mortal na karanasang ito o pagsubok kung saan patutunayan natin ang ating mga sarili na karapat-dapat, sa tulong ng ating nakatatandang kapatid na si Jesus.18

Ang mga tao ay maliligtas at madadakila lamang sa kaharian ng Diyos sa kabutihan, samakatuwid dapat tayong magsisi ng ating mga kasalanan, at magsilakad sa liwanag na gaya ni Cristo na nasa liwanag, upang malinis tayo ng kanyang dugo mula sa mga kasalanan, at na ng magkaroon tayo ng pakikipagkapatiran sa Diyos at matanggap ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan.19

Sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento inaalaala natin si Jesucristo at ang kanyang Pagbabayad-sala.

Pagkatapos na paalisin si Adan sa halaman, siya ay inutusan na mag-alay ng mga hain sa Diyos; dahil sa gawaing ito, siya at ang lahat ng lumahok sa pag-aalay ng mga hain, ay napaalalahanan tungkol sa Tagapagligtas na darating upang tubusin sila mula sa kamatayan na, kung hindi dahil sa pagbabayad-sala na naisakatuparan niya, ay hindi sila pahihintulutan magpakailanman na manahan muli sa kinaroroonan ng Diyos. Ngunit sa kanyang pagdating at pagkamatay ang kautusang ito ay natupad; at kanyang pinasimulan ang Hapunan at inutusan ang kanyang mga tagasunod na makibahagi nito sa lahat ng panahon na darating, nang sa gayon siya ay maalaala nila, maisaisip na siya ang tumubos sa kanila at sila rin ay nakipagtipan na susundin ang kanyang mga kautusan at lalakad na kasama niya sa espirituwal na pagbabago. Kaya kinakailangang makibahagi ng Sakramento, bilang pangako na lagi natin siyang aalalahanin, na handang sundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay sa atin, at nang sa tuwina ay mapasa atin ang kanyang Espiritu … maging hanggang sa wakas, at gayon din at upang patuloy tayong mapatawad sa ating mga kasalanan.20

Nang si Jesus ay dumating at nagdusa, “ang matuwid dahil sa mga di matuwid,” siya na walang kasalanan para sa kanya na nagkasala, at napasailalim sa parusa ng batas na nilabag ng mga makasalanan, natupad ang batas ng sakripisyo, at kapalit nito, nagbigay siya ng isa pang batas, na tinatawag nating “Sakramento ng Hapunan ng Panginoon,” kung saan ang kanyang buhay at misyon, ang kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, ang dakilang sakripisyo na kanyang ibinigay para sa katubusan ng sangkatauhan, ay maalaala nang walang hanggan, sapagkat, sinabi niya, “gawin ninyo ito … sa pag-aalaala sa akin, sapagkat sa tuwing kakanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ang sarong ito, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.” Samakatuwid ang batas na ito ay para sa atin gaya ng batas ng paghahain para sa mga taong nabuhay bago pa ang unang pagparito ng Anak ng Tao, hanggang sa muli niyang pagdating. Samakatuwid, kailangan nating igalang at gawing banal ito. Sapagkat mayroong parusang kalakip sa paglabag ng mga ito [tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:25–29].21

Ang Sakramento ng Hapunan ng Panginoon … ay isang alituntunin ng Ebanghelyo, isa sa kinakailangang sundin ng lahat ng naniniwala, tulad ng iba pang ordenansa ng Ebanghelyo. Ano ang layunin nito? Ito ay upang patuloy na alalahanin ang Anak ng Diyos na siyang tumubos sa atin, mula sa walang hanggang kamatayan, at binuhay tayong muli sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Ebanghelyo. Bago ang unang pagparito ni Cristo sa mundo, namamayani na ito sa isipan ng mga naninirahan sa mundo sa kanila na naipangaral na ang Ebanghelyo, sa pamamagitan ng isa pang ordenansa, na nangangailangan ng pagsasakripisyo ng buhay ng hayop, isang ordenansa na simbolo ng dakilang sakripisyo na magaganap sa kalagitnaan ng panahon.22

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Ano ang Pagbabayad-sala? Kailan ninyo mabisang naramdaman ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa inyong buhay?

  • Ano ang kamatayang espirituwal? Bakit ito ay “higit na kakilakilabot kaysa sa kamatayan ng katawan”?

  • Kung “walang inilaang daan sa pagtakas” para kay Adan at sa kanyang inapo, ano ang ibubunga nito para sa atin? (Tingnan din sa 2 Nephi 9:6–9.)

  • Ano ang ginawa ng Tagapagligtas upang makatakas tayo sa kamatayang espirituwal? Ano ang dapat nating gawin upang mapaglabanan ang kamatayang espirituwal? Paano tayo hihingi ng awa at habag sa Diyos para malinis tayo mula sa … kasamaan?

  • Anong mga biyaya ang dumarating sa inyong buhay dahil nalaman ninyo na maaaring malinis ni Jesucristo ang mga kamaliang nagawa natin sa ating sarili at sa iba? Paano ninyo nakikita ang mga gayon ding biyaya sa buhay ng iba?

  • Ano ang ibig sabihin ng nabuhay? Paano tayo mabubuhay sa espirituwal sa kasalukuyan? (Tingnan sa Moises 6:64–68.) Anong mga biyaya ang darating sa mga taong “binuhay ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal”? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:28–29.)

  • Ano ang “layunin ng ating buhay dito sa mundo”?

  • Paano makatutulong ang pagtanggap ng sakramento sa atin upang mapaglabanan ang kamatayang espirituwal? Paano natin laging maaalaala ang Tagapagligtas? Ano ang dapat nating gawin upang igalang ang sakramento at gawin itong banal?

  • Paano natin tatanggapin sa ating buhay ang kaloob na Pagbabayad-sala nang may buong pasasalamat?

Mga Tala

  1. Life of Joseph F. Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1938), 180–81.

  2. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 542–43.

  3. Gospel Doctrine, 432.

  4. Deseret Evening News, ika-9 ng Peb. 1895, 9.

  5. ”Latter-Day Saints Follow Teachings of the Savior,” Scrap Book of Mormon Literature, 2 tomo (n.d.), 2:563.

  6. Gospel Doctrine, 250.

  7. Gospel Doctrine, 49.

  8. Gospel Doctrine, 202.

  9. Deseret Evening News, ika-9 ng Peb. 1895, 9, idinagdag ang pagtatalata.

  10. Deseret Evening News, ika-9 ng Peb. 1895, 9.

  11. Gospel Doctrine, 6.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, ika-6 ng Peb. 1893, 2.

  13. Gospel Doctrine, 420.

  14. Gospel Doctrine, 98–99.

  15. Gospel Doctrine, 451.

  16. Deseret Evening News, ika-9 ng Peb. 1895, 9.

  17. Gospel Doctrine, 443.

  18. Gospel Doctrine, 439.

  19. Gospel Doctrine, 250–51.

  20. Gospel Doctrine, 103–4.

  21. Gospel Doctrine, 204.

  22. Deseret News: Semi-Weekly, ika-19 ng Peb. 1878, 1.

Christ in Gethsemane

Si Cristo sa Getsemani, ni Harry Anderson. Sa pamamagitan ng kanyang Pagbabayad-sala, tinubos ni Jesucristo ang buong sangkatauhan mula sa kamatayang pisikal. Tinutubos din Niya ang mga nagsipagsisi ng kasalanan.