Kabanata 41
Patuloy na Paghahayag para sa Kapakinabangan ng Simbahan
Tayo ay dapat na magkaisa sa pamumuhay batay sa patuloy na paghahayag na galing sa Diyos tungo sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga daan na kanyang hinirang.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Tulad ng limang naging mga Pangulo ng Simbahan bago pa siya, si Joseph F. Smith ay tumanggap ng maraming dakilang pamamatnubay upang pamahalaan ang Simbahan at ang mga miyembro nito. Gayon pa man, sa mga huling buwan ng kanyang buhay, ang tabing na siyang naghihiwalay sa kanya mula sa Diyos at naging mas manipis kaysa sa dati. Marami sa mga oras na ito ay ginugol sa tahimik na panalangin at pagninilay-nilay. Noong ika-4 ng Oktubre 1918, ilang linggo bago siya mamatay, sinabi niya sa pangkalahatang komperensiya: “Hindi ko gagawin, hindi ko pangangahasang tangkain na magsalita tungkol sa maraming bagay na siyang nasa aking isipan sa umagang ito, at aking ipagpapaliban hanggang sa darating na panahon, bilang kagustuhan ng Panginoon, ang aking pagtatangka na sabihin sa inyo ang ilang mga bagay na nasa isipan ko at siyang nasa puso ko. Hindi ako nabuhay nang nag-iisa sa limang buwan na ito. Ako ay nanahan sa diwa ng panalangin, ng pagsamo, ng pananampalataya at ng pagtitika; at patuloy kong nakakausap ang Espiritu ng Panginoon.”1 Ito ang panahong natanggap niya ang pangitain ng pagtubos ng mga nangamatay na naging bahagi 138 ng Doktrina at mga Tipan.
Kinilala ni Pangulong Smith nang buong pagpapakumbaba ang kabutihan ng Diyos sa paghahayag sa kanya ng mga bagay na kailangan niyang malaman habang pinamamahalaan niya ang Simbahan: “Ako ay taimtim na naniniwala na ipinakita ng Diyos sa akin sa kasalukuyan kong kakayahan, ang maraming maluluwalhating bagay, maraming mga alituntunin at madalas ay higit na karunungan kaysa sa likas na nasa aking sarili; at naniniwala ako na patuloy niyang gagawin ito habang ako’y handang tumanggap, habang ako’y nasa kalagayan na makinig kapag Siya’y nagsasalita, ang makinig kapag Siya’y tumatawag at tumanggap kapag Siya’y nagbibigay sa akin ng mga yaong kanyang ninanais.”2
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Naniniwala tayo sa tuwirang paghahayag ng Diyos sa tao.
Naniniwala tayo … sa alituntunin ng tuwirang paghahayag ng Diyos sa tao.
Ito’y bahagi ng ebanghelyo, ngunit hindi ito kakaiba sa dispensasyon ito. Ito ay karaniwan sa lahat ng panahon at mga dispensasyon ng ebanghelyo. Hindi mapangangasiwaan ang ebanghelyo, ni magpapatuloy ang Simbahan ng Diyos, nang wala nito. Si Cristo ang siyang ulo ng kanyang Simbahan at hindi ang tao, at ang pakikipag-ugnayan ay mapananatili lamang sa pamamagitan ng alituntunin ng tuwiran at patuloy na paghahayag. Hindi ito alituntunin na namamana, hindi ito maaaring isalin mula sa ama hanggang sa anak, ni sa bawat salinlahi, ngunit ito ay buhay, mahalagang alituntunin na kailangang makamtan sa mga tiyak na kundisyon lamang, ang mga ito ay—sa pamamagitan ng ganap na pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa kanyang mga batas at kautusan. Sa sandaling ang alituntuning ito ay tumigil, sa sandaling yaon ang Simbahan ay mawawalan ng patnubay, na nahiwalay mula sa kanyang walang hanggang gabay. Sa ganitong kalagayan hindi ito makapagpatuloy subalit kailangang tumigil na maging Simbahan ng Diyos at, kagaya ng isang barko sa laot na walang kapitan, walang aguhon o timon, ay nakalutang na nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga unos at ng mga alon ng walang katapusang simbuyo ng damdamin ng mga tao, at makamundong hangarin, kapalaluan, at kahangalan, sa huli ay masisira sa hibla ng huwad na pagkasaserdote at pamahiin.3
Dapat na maintindihan na ang mga tagapaglingkod ng Diyos ay may karapatan sa kanilang mga pangangasiwa na makamtan kaagad ang banal na patnubay, at sa gayon, sa kanilang pananampalataya, sinasama nila ang banal na karunungan bilang gabay na lakas sa kanilang mga gawain, at kapag natapos na yaon kailangang makapagbigay ito ng mga taong matatag sa mga gawain na kanilang isinasagawa sa paglilingkod sa Diyos.4
Alam ko na ang bawat alituntunin ng Ebanghelyo ni Jesucristo na ipinahayag sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang propeta, sa mga huling araw ay sa Diyos at totoo, at mananatiling nakatayo magpakailanman—at yaon ay, sa kagalingan nito, katulad sa katotohanan nito; hindi na ito kailanman maibabagsak pa. Nalalaman ko ito nang buo kong katauhan. Ibayong tiniyak ng Diyos sa pamamagitan ng inspirasyon na pumukaw sa aking kaluluwa na mahalin ang yaong maganda, at hangarin na iwaksi ang yaong masama.5
Inihahayag ng Diyos ang kanyang kalooban sa mga tao nang higit sa ating panahon kaysa sa anumang panahon sa kasaysayan.
Ang mga Banal sa mga Huling Araw … ay nagbibigay ng patotoo sa buong daigdig na buhay ang Diyos at na inihahayag niya ang kanyang kalooban sa mga tao na sumasampalataya sa kanya at sumunod sa kanyang mga kautusan, nang higit sa ating panahon kaysa sa anumang panahon sa kasaysayan ng mga bansa. Ang mga sinang-ayunang banal na kasulatan ay hindi pa buo. Kailanma’y hindi inihayag ng Diyos na hindi na siya makikipagusap sa mga tao magpakailanman. Kung pahihintulutan tayo na maniwala na siya ay nakikipag-usap, kinakailangan nating maniwala at paniwalaan na patuloy siyang nakikipag-usap, dahil hindi siya nagbabago.…
Ano ang paghahayag maliban sa pagsisiwalat ng mga bagong katotohanan, sa pamamagitan niya na siyang bukal ng lahat ng katotohanan? Ang sabihin na hindi na kailangan ang bagong pahayag, ay katumbas ng pagsasabi na hindi na natin kailangan ang mga bagong katotohanan … isang katawa-tawang pagpipilit. Katulad rin, maaari nating sabihin na ang mga pahayag na natanggap ni Abraham ay sapat para sa mga propeta; na ang mga pahayag na ibinigay kay Enoc ay sapat para kay Noe, na ang misyon ay gumagawa ng arka at mangaral ng pagsisisi; o ang mga salita na sinabi kay Moises ay sapat para sa lahat ng panahon, o kung ano ang natanggap ni Abraham ay sapat lamang para sa kanyang mga anak sa lahat ng panahon. Datapwat hindi ganito. Bagama’t si Abraham ay pinagpala ng mga dakilang pangako, ang salita ng Diyos ay hindi ipinagkaila sa kanyang anak na si Isaac, ni sa kanyang apong si Jacob. Bakit? Sa dahilang hindi nila maisasakatuparan ang kanilang mga misyon sa salita lamang ng Panginoon sa kanilang ama at sa iba pa. At paanong ang Ama ng Matatapat ay naisagawa ang kanyang gawain sa mga tagubilin na natanggap ni Noe? Sa anong pansariling bagay nagamit ang mga paghahayag ng mga naunang patriyarka at propeta kay Balaam o kay Pablo? Totoo ito, ang mga ito ay magagamit bilang mga katotohanan sa kasaysayan o aralin, ngunit hindi sapat para sa isa’t isa.
Sa gayon tayong mga tao sa kasalukuyang panahon ay lubhang nangangailangan ng patuloy na paghahayag, na mapunan ng bawat isa ang ating misyon na maging karapat-dapat sa ating Ama, at nang lubusang maisakatuparan ang ating sariling kaligtasan; at nang malaman din natin ang kalooban ng Diyos tungkol sa kanyang Simbahan, sa kanyang mga tao, at ang kanyang mga layuning nauukol sa mga bansa. Ito ay mga ilan lamang sa isang libong pangangailangan na mayroon sa paghahayag.6
Inihahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa daigdig sa pamamagitan ng mga legal na daan na hinirang ng pagkasaserdote.
Sa pamamagitan ni Joseph [Smith], … inihayag ng Panginoon ang kanyang sarili sa sanlibutan, at sa pamamagitan niya pinili niya ang unang mga elder ng Simbahan—mga taong tapat sa kanilang mga puso, mga taong alam niyang tatanggapin ang kanyang mga salita, at magpapagal na kasama ni Joseph sa dakila, at mahalagang gawaing ito; at ang lahat ng yaong inordena sa Pagkasaserdote, at ang lahat ng yaong itinalaga sa kahit anong katungkulan sa Simbahang ito na natanggap ang kanilang karapatan at inatasan sa pamamagitan ng daang ito, hinirang ng Diyos, na si Joseph ang siyang nasa unahan. Ito ang kaayusan, at wala nang iba pa. Ang Diyos ay hindi na magbabangon pa ng ibang propeta at ibang mga tao upang gawin ang gawaing itinalaga sa atin. Hindi niya ipagwawalang-bahala ang mga naging matatag at tapat mula pa sa simula, tulad noon, sa gawaing ito, at nananatili pa ring matatag at matapat, yayamang nagpapatuloy maging silang matapat sa kanilang gawain. Walang anumang katanungan sa aking isipan sa pagpapatunay nila ng kanilang sarili sa hindi pagiging matapat, sa kabuuan, sapagkat kung sino man sa kanila ang hindi naging karapat-dapat sa kanyang paningin, ay tatanggalin niya sa kanilang kinalalagyan at tatawag ng iba mula sa mga miyembro ng Simbahan upang punan ang kanilang kinalalagyan.7
Sa sandaling sinabi ng isang tao na hindi siya pasasailalim sa mga itinalagang awtoridad ng Simbahan, maging ito ay ang mga guro, ang obispo, ang mataas na kapulungan, ang kanyang korum, o ang Unang Panguluhan, at pinagtibay ito sa kanyang puso at pinalaganap ito, sa sandaling iyon inihiwalay niya ang kanyang sarili mula sa mga pribilehiyo at pagpapala ng Pagkasaserdote at Simbahan, at inihiwalay ang kanyang sarili mula sa mga tao ng Diyos, dahil ipinagwalang-bahala niya ang awtoridad na itinatag ng Panginoon sa kanyang Simbahan. Ito ang mga tao na kadalasan ay nagkakaroon ng kakatwang mga opinyon sa kanilang isipan, na kumukuha ng inspirasyon (mula sa kailaliman), at kadalasan ay labis ang hangarin na patnubayan ang Simbahan, at upang lumuklok sa paghatol ng pagkasaserdote. Ang tanging ligtas na paraan na kailangan nating gawin, bilang isang tao, ay mamuhay nang buong kapakumbabaan, higit na matwid at higit na matapat sa harapan ng Diyos upang makamtan natin ang kanyang Espiritu hanggang sa marating ang yaong antas na maaari tayong humatol ng matwid, at makilala ang katotohanan sa kamalian, at ang tama sa mali.8
Nakalulungkot kung minsan na makita ang mga iginagalang na miyembro ng Simbahan, mga taong higit sanang nakaaalam, na hinayaan ang kanilang sarili na maging mga kasangkapan ng mga mapanuksong espiritu.… Tila mahirap para sa mga tao na maunawaan ang mga gawain ng Pagkasaserdote, ang matwid nitong karapatan, ang saklaw at kapangyarihan nito; at gayon pa man sa pamamagitan ng liwanag ng Espiritu ito ay madaling nauunawaan, ngunit hindi ito inuunawa, ang mga kalalakihan ay madaling malinlang ng mga mapanuksong espiritu na nasa lahat ng dako ng daigdig. Sila ay inaakay na maniwala na mayroong mali, at ang susunod na mangyayari, matatagpuan nila ang kanilang sarili na naniniwala na sila ang natatanging pinili upang itama ang mali. Napakalungkot para sa isang tao na malagay sa patibong na ito; dapat na maunawaan ng mga Banal sa mga Huling Araw na hangga’t ang mga tagapaglingkod ay namumuhay nang dalisay, iginagalang ang Pagkasaserdote na ibinigay sa kanila, at sinisikap sa abot ng kanilang kaalaman na gawin ang kanilang tungkulin at kung saan sila tinawag, na kung saan sila ay marapat na pinili sa pamamagitan ng tinig ng mga tao at ng pagkasaserdote, at pinagtibay ng pagsang-ayon ng Panginoon, hangga’t ang Panginoon ay mayroong pakikipag-ugnayan na gagawin sa mga anak ng tao, o anumang tagubilin na ibabahagi sa kanyang Simbahan, kanyang gagawin ang yaong pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng daan na legal na hinirang ng pagkasaserdote; hindi siya lalampas dito, hangga’t ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay umiiral sa kasalukuyang kaayusan nito sa mundo.
Hindi gawain ng sinumang tao na tumayo bilang isang tagapagpahayag, bilang isang propeta, bilang isang tagakita, bilang taong tagapagbigay ng inspirasyon, upang magbigay ng paghahayag para sa patnubay ng Simbahan, o ipagpalagay na magtagubilin sa mga namumunong awtoridad ng Simbahan saanmang bahagi ng mundo, mas lalong hindi sa gitna ng Sion, kung saan ang samahan ng pagkasaserdote ay malapit nang maging ganap, kung saan ang lahat ay buo, kahit sa pagtatatag ng isang sangay.9
Sa makamundo at sa espirituwal na gawain, ang mga banal ay maaaring makatanggap ng Banal na patnubay at pahayag na makakaapekto sa kanilang sarili ngunit hindi ito nagpapahiwatig ng karapatan na mamahala ng iba, at hindi ito maaaring tanggapin kung salungat sa mga tipan, doktrina o pagpapanuto sa Simbahan o sa mga nalamang katotohanan; sa mga ipinakitang katotohanan, o sa mabubuting likas na pagkukuro. Walang sinumang tao ang may karapatan na hikayatin ang kanyang kapwa miyembro ng Simbahan na sumali sa mga haka-haka o magbakasakali sa anumang mapanlinlang na pag-angkin ng banal na pahayag, pangitain o panaginip, lalo na kung ito’y sumasalungat sa tinig ng nakikilalang awtoridad, lokal o pangkalahatan. Ang Simbahan ng Panginoon “ay isang bahay ng kaayusan” [Doktrina at mga Tipan 132:8]. Ito ay hindi pinamamahalaan ng handog o pagpapakita sa bawat isa, ngunit sa pamamagitan ng kaayusan at kapangyarihan ng Banal na Pagkasaserdote na sinang-ayunan sa pamamagitan ng tinig at pagsang-ayon ng Simbahan sa itinalagang mga komperensiya.10
Mapagsasama ng diwa ng paghahayag ang buong mag-anak ng sangkatauhan sa kaharian ng Diyos.
Sinabi sa atin ng Panginoon sa paghahayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith na kung hindi tayo isa tayo ay hindi sa Kanya [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:27]. Kanyang sinabi na dapat tayong magkaisa. Dapat tayong maging isa.11
Kung tayo ay kumilos sa ilalim ng impluwensiya [ng Espiritu] at patuloy na sumusunod sa idinidikta nito, tayo ay magiging isa, at ang pag-aaway, paglalaban at kasakiman ay maaaring maisantabi, at titiyakin natin at maging masikap para sa kabutihan ng ating kapwa katulad sa ating sarili. Subalit nakikita pa rin natin sa gitna ng ating mga alitan, pagkakaiba ng kaisipan at opinyon, ang isa ay nasa itaas at ang isa ay nasa ibaba, at ang bagay na ito ay katulad din sa pagkakaiba ng liwanag ng magkakaibang mga tao, at iba pa. Bakit ganito? Dahil ang lambat ng ebanghelyo ay nakahuli ng sari-saring isda, at dahil tayo ay mga bata pa lamang sa paaralan; dahil natutuhan pa lamang natin ang mga pangunahing alituntunin sa dakilang plano ng ebanghelyo, at gayon subalit hindi pa ganap. Ang isang dahilan ng pagkakaiba ng ating mga kaisipan at paglalarawan ay ang iba ay mayroong higit na karanasan at higit na ganap na pag-unawa sa katotohanan kaysa iba. Ngunit ito ba’y nagpapatunay na ang ebanghelyo na siyang ating tinanggap ay hindi naglalaman ng mga alituntunin na kailangan upang pag-isahin ang sangkatauhan sa katotohanan? Hindi, hindi ganito. Ano ang mga dakilang alituntuning ito na sadyang inilagay upang pag-isahin ang mag-anak ng buong sangkatauhan, at siyang dahilan upang sumamba sa gayon ding Diyos, sumunod sa gayon ding payo at pamahalaan ng isang tinig? Ang mga ito ang alituntunin ng paghahayag, ang kapangyarihan ng Diyos na inihayag sa Kanyang mga tao, ang paniniwala sa mga puso ng mga tao na karapatan ito ng Diyos na pangasiwaan at diktahan, at ito ay hindi karapatan ng sinuman na sabihing ganoon din iyan; ni hinihiling sa mga tao na sundin ang mga alituntuning ito na parang bulag—nang walang kaalaman.12
Hayaang magkaisa ang mga Banal; hayaan silang makinig sa tinig ng mga tagapaglingkod ng Diyos na nagsasalita sa kanila; hayaan natin sila na makinig sa kanilang mga payo at sundin ang katotohanan.13
Hangarin na magkaroon ng pakikisama at pakikiisa ng Banal na Espiritu. Hayaang ang espiritung ito ay hanapin at pagyamanin nang buong sigasig sa pinakamaliit at sa pinakamapagkumbabang mag-anak ganoon din sa mga miyembro ng pinakamataas na samahan at korum. Hayaang itong pumasok sa mga puso ng ating kapatid na lalaki at babae, sa mga magulang, sa mga anak ng mga sambahayan, at ganoon din sa mga puso, ng Unang Panguluhan at Labindalawa. Hayaang palamigin at palambutin nito ang lahat ng di-pagkakaunawaan sa gitna ng mga kasapi ng Panguluhan ng Istaka at sa mga Mataas na Kapulungan, gayon din sa pagitan ng mga kapitbahay na nakatira sa parehong purok. Hayaang pag-isahin nito ang mga kabataan at matatanda, ang mga lalaki at mga babae, ang kawan at pastol, ang mga tao at pagkasaserdote sa pagkakaisa nang may pasasalamat at pagpapatawad at pag-ibig, nang sa gayon maramdaman ng Israel ang pagsang-ayon ng Panginoon at nang makalapit tayo sa kanyang harapan na may budhi na walang kasalanan sa harapan ng lahat ng tao. Sa ganoon wala ng kabiguan sa mga biyaya na siyang ipinangako sa mga yaong matapat na sumamba sa kanya. Ang matamis na bulong ng Banal na Espiritu ay ibibigay sa kanila at ang kayamanan ng Kalangitan, ang pakikipag-usap sa mga anghel, ay idaragdag sa bawat panahon, dahil ang kanyang pangako ay ibinigay na at hindi ito mababago!14
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang paghahayag? Ano ang ibig sabihin na ang paghahayag ay “isang buhay at mahalagang alituntunin”?
-
Ano ang mangyayari sa Simbahan kung walang tuwiran at patuloy na paghahayag?
-
Ano ang kahulugan sa atin ng ang sinang-ayunang banal na kasulatan ay hindi pa buo? Paano natin maihahanda ang ating mga puso na tanggapin ang karagdagang pahayag sa pamamagitan ng mga itinalagang daan ng pagkasaserdote?
-
Bakit ang patuloy na paghahayag ay kasing halaga sa mga propeta sa panahon nina Noe at Moises? Anong mga biyaya ang matatanggap sa pagkakaroon ng buhay na propeta ngayon? Paano tayo matutulungan ng buhay na propeta na harapin ang mga paghamon ng ating panahon?
-
Bakit kinakailangan na ang paghahayag para sa Simbahan ay manggagaling lamang sa mga itinalagang daan ng pagkasaserdote? Bagama’t ang bawat isa ay “maaaring makatanggap ng Banal na patnubay at paghahayag na makabubuti sa kanilang sarili,” bakit hindi ito maaaring magbigay ng karapatan na pamahalaan ang iba? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 42:11.)
-
Sa paanong paraan malilinlang minsan ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang pag-unawa sa karapatan ng pagkasaserdote? Paano ba maiiwasan ng mga miyembro na malinlang sa ganitong paraan?
-
Paano maaaring magkaisa sa isang layunin at katotohanan ang mga miyembro ng Simbahan sa buong daigdig? Paano tayo magkakaroon ng lubusang pagkakaisa sa pamamagitan ng impluwensiya ng Banal na Espiritu? Bakit mahalaga na tayo ay maging isa? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 38:27.)