Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 18: Kalinisang Puri at Kadalisayan


Kabanata 18

Kalinisang Puri at Kadalisayan

Inuutusan tayo ng Panginoon na maging dalisay at igalang ang kabanalan ng tipan ng kasal.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Nalungkot si Pangulong Joseph F. Smith noong 1875, nang, bilang pangulo ng Misyon sa Europa, ay pauwiin niya ang isang misyonero na lumabag sa batas ng kalinisang puri. Sa kanyang pag-iisip sa pagsisisi at sakit na kinaharap ng kabataang lalaki, sumulat siya: “Sa ganitong pangyayari, ang isang tao ay maaaring halos makatapos na ng kanyang misyon o mamuhay nang may karangalan at katapatan sa mahabang panahon, at sa huling sandali, sa pamamagitan ng iisang galaw o krimen, o kalokohan, o pagkakamali, ay binaligtad at winasak ang lahat sa iisang saglit, at ang tamis ng saro ng buhay ay ginawang apdo at kapaitan.”

Pagkaraan ay nagpatuloy si Pangulong Smith sa pagmumunimuni sa kanyang pasasalamat para sa mapang-ingat na kamay ng Panginoon na tumutulong sa kanya na manatiling tapat sa kanyang mga tipan. “O, gaano ako nagpapasalamat sa aking Diyos para sa Kanyang mapang-ingat at mapagmasid na pangangalaga, … na iniingatan ako mula sa nakamamatay na mga kasalanan ng mundo, at sa libu-libong pagkakataon mula sa aking mga kahinaan at kalikasang magkamali.” Nakapagpasiya siya na maging isang tao na “makatitingin sa mukha ng kanyang mga kapwa, at may malinis na konsensiya sa harapan ng Diyos na tatayo nang matwid sa matapat na pagmamalaki sa katotohanan, dalisay sa sekswal at moral.” Ikinagalak niya na namuhay siya “sa dalisay at walang dungis na pag-ibig” ng kanyang pamilya at nagsabing, “Hindi ko aabusuhin ang kanilang pag-ibig at pagtitiwala kapalit ng lahat na mayroon ako.”1

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ang kalinisang puri ay nagdadala ng lakas at kapangyarihan sa mga tao sa daigdig.

Naniniwala tayo na buhay ang Diyos, at na siya ang hukom sa buhay at patay. Naniniwala tayo na ang kanyang mata ay nakatuon sa mundo, at na nakikita niya ang mga gumagapang, nagkakamali at mahihinang anak sa daigdig. Naniniwala tayo na naririto tayo alinsunod sa kanyang layunin … ; na naririto tayo upang tuparin ang isang kapalaran, at hindi upang tuparin ang isang layaw, o upang pagbigyan ang mga pagnanasang mortal.2

Ang pansariling kadalisayan at angkop na mga isipin … ang siyang batayan ng lahat ng angkop na mga kilos. Inaasam ko na ang lahat ng kabataan [mga tao] ay makikita ang kagandahan ng kahalagahan sa ganitong gawain, at gugulin ang mga araw ng kanilang kabataan sa paglilingkod sa Panginoon. Ang paglaki, pagunlad, pagsulong, paggalang sa sarili, at pagpapahalaga at paghanga ng mga tao ay likas na susunod sa ganitong landasin ng kabataan. Ipinakita ng Panginoon ang isang maliwanag na halimbawa sa bagay na ito, at bata pa lamang ay gumaganap na sa gawain ng kanyang Ama. … Si Samuel, ang Propeta, ay inihanda nang husto ang sarili sa pamamagitan ng isang pagkabatang dalisay, at may paggalang sa sarili kung kaya’t siya ay ganap na umayon sa mga bulong ng Diyos.3

Tila ba may isang bagay na lagpas at hindi maabot ng katuwiran sa isipan ng tao kung bakit ang kalinisang puri ay nagdadala ng lakas at kapangyarihan sa mga tao sa daigdig, ngunit tunay na ganito ito.4

Naniniwala tayo sa iisang pamantayan ng moralidad para sa kalalakihan at kababaihan. Kapag ang kadalisayan ng buhay ay napabayaan, ang lahat ng panganib ay haharap sa atin kagaya ng mga agos ng tubig kapag nabubuksan ang mga pilapil.5

Naghahangad kami nang may kasigasigan na bigyang-diin ang bigat ng kasalanang sekswal. Bagamat madalas na ituring na maliit na bagay ng mga yaong hindi nakababatid sa kalooban ng Diyos, ang mga ito, sa kanyang paningin ay karumal-dumal, at kung tayo ay mananatiling kanyang kinalulugurang mga tao, dapat na talikuran nila ang mga ito katulad ng mga pintuan ng impiyerno. Ang masasamang bunga ng mga kasalanang ito ay napakalinaw sa bisyo, krimen, paghihirap at sakit, na lumalabas na ang lahat, bata o matanda, ay nakikita at nakikilala ang mga ito. Sinisira ng mga ito ang mundo. Upang tayo ay mailigtas, dapat na kamuhian natin ang mga ito, iwaksi ang mga ito, huwag gagawin kahit na ang pinakamaliit sa mga ito, sapagkat sila ay nagpapahina at nakasisira, pumapatay ng tao sa espirituwal, at ginagawa siyang hindi nararapat sa pagsasamahan ng mga matwid sa harapan ng Diyos.6

Sinasabi natin na ang kasalanang sekswal ay pangalawa lamang sa pagtitigis ng inosenteng dugo sa antas ng mga pansariling kasalanan. … Ipinahayag natin bilang salita ng Panginoon: “Huwag kang mangangalunya.” [Exodo 20:14.] “Siya na tumitingin sa isang babae upang pagnasaan siya, o kung sinuman ang magkakasala ng pakikiapid sa kanilang mga puso, hindi mapapasakanila ang Espiritu, kundi itatatwa ang pananampalataya.” [Doktrina at mga Tipan 63:16.]7

Kagaya ng maraming mga sakit sa katawan, ang krimeng sekswal ay nagdadala ng marami pang ibang suliranin. Kagaya ng epekto sa katawan ng paglalasing na unti-unting sumisira sa kalamnan, at panghihina ng kakayahan sa mahalagang gawain nito, upang ang katawan ay madaling dapuan ng karamdaman na kahaharapin nito, at upang pahinain ang pakikipaglaban nito sa nakamamatay na sakit, ganoon din namang ang kawalan ng kalinisang-puri ay naglalantad sa kaluluwa sa iba’t ibang karamdamang espirituwal, at inaalisan ito ng kapangyarihang makapanglaban at makabawi. Ang salinlahing mangangalunya noong panahon ni Cristo ay naging bingi sa tinig ng katotohanan, at sa pamamagitan ng kanilang isipan at pusong maysakit, ay naghanap ng mga tanda at pinili ang isang hungkag na pabula sa halip na ang mensahe ng kaligtasan [tingnan sa Mateo 16:4].8

Ang kawalan ng kalinisang-puri, higit pa rito, ay hindi lamang nagtatakda ng kaparusahan sa isang tao, kundi naghahatid ng hindi sumasalang kaparusahan sa ikatlo at ikaapat na salinlahi, na hindi lamang magwawasak sa nagkasala, kundi marahil sa maraming tao na kanyang inapo, na sisira sa mga ugnayan sa pamilya, magpapahirap sa mga puso ng mga magulang, at magdudulot ng malaking kalungkutan sa kanilang mga buhay.9

Ang batas ng kalinisang-puri ay lubhang mahalaga sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata.

Ang batas ng kalinisang-puri ay isang sa pinakamahalaga, sa mga bata, at sa kalalakihan at kababaihan. Ito ay isang napakahalagang alituntunin sa mga anak ng Diyos sa kanilang mga buhay, mula sa pagsilang hanggang kamatayan. Itinakda ng Diyos ang mga nakakatakot na kaparusahan laban sa paglabag ng kanyang batas ng kalinisang-puri, ng kabutihan, ng kadalisayan. Kapag ang batas ng Diyos ay ipinatutupad sa mga tao, sila na mga hindi ganap na dalisay at walang dumi at walang dungis ay ihihiwalay—maging kalalakihan at kababaihan. Inaasahan namin na maging dalisay ang kababaihan, inaasahan namin sila na maging walang bahid-dungis at walang pintas, at kinakailangan at mahalaga rin para sa lalaki na maging dalisay at malinis kagaya ng babae.10

Ang paghihintay na makapaglingkod sa Panginoon makaraang magawa ang masasamang gawain o kalokohan ng kabataan, ay kamuhi-muhi. … Higit na mainam na ang isang tao sa huli ay tumalikod sa kasamaan, kaysa magpatuloy sa kasalanan sa tanang buhay niya, ngunit … may mga panghihinyang at paghihirap ng puso sa pagsisisi sa huling bahagi ng buhay mula sa mga kalokohan at kasalanan ng kabataan.11

Isang nakalulungkot na bagay na ang lipunan ay patuloy na humahatol nang may kabagsikan sa kababaihan kaysa kalalakihan sa mga bagay na may kinalaman sa kasalanang sekswal. Anong katuwiran, huwag nang babanggitin pa ang katarungan, ang makikita sa ganitong nakapangingilabot at duwag na diskriminasyon? …

Hinggil sa kasalanan ng babae, hindi maiiwasan na siya ay magdusa, sapagkat ang kaparusahan ay tiyak, maging ito man ay agaran o sa hinaharap. Ngunit tungkol sa kawalang katarungan ng lalaki na ipinapataw sa babae ang bunga ng kanyang mga pagkakasala, ang lalaki ay tumatayong may kasalanan nang maraming ulit. At lalaki ang karaniwang may pananagutan sa kasalanan laban sa kalinisan at kabutihan, na ang bigat nito ay madalas na ipinauubaya sa higit na mahinang babaeng sangkot sa krimen. …

Ating tinatanggap nang walang pag-aalinlangan, o pasubali ang pagpapatibay ng Diyos, sa pamamagitan ng isang sinaunang propetang Nephita: “Sapagkat ako, ang Panginoong Diyos, ay nalulugod sa kalinisang puri ng mga babae. At ang pagpapatutot ay karumal-dumal sa aking harapan; ganito ang wika ng Panginoon ng mga Hukbo.” (Jacob 2:28.)12

Nagsasalita tayo laban sa prostitusyon, at laban sa lahat ng uri ng imoralidad. Naririto tayo hindi upang gumawa ng anumang uri ng imoralidad. Higit sa lahat ng bagay, ang sekswal na imoralidad ay labis na karumal-dumal sa paningin ng Diyos. … Samakatuwid, nagsasalita tayo laban sa sekswal na imoralidad, at laban sa lahat ng uri ng kalaswaan.13

Ganap na sagrado ang ating mga sinumpaan sa kasal.

Ang pagpipisan ng mga kasarian alinsunod sa batas ay inordenan ng Diyos, hindi lamang bilang tanging paraan ng pagpapanatili ng lahi kundi sa pagbubuo nang higit na mataas na kakayahan at higit na marangal na katangian ng kalikasan ng tao, na ang pagsasamang may pag-ibig ng lalaki at babae ang siyang makatitiyak lamang. Ang salita ng Banal na Kasulatan ay malinaw hinggil sa Banal na layunin at kautusan tungkol sa mga kasarian. Hindi mabuti para sa lalaki na mag-isa; samakatuwid ay ipinatupad na “iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ama, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila’y magiging isang laman.” [Tingnan sa Genesis 2:18, 24.]

Ang tuntunin na ang kasal ay marangal ay totoo sa ngayon katulad noong banggitin ito ng sinaunang Apostol [tingnan sa Sa Mga Hebreo 13:4]. …

Ang pagpipisang sekswal sa loob ng kasal ay naayon sa batas, at, kapag ginagawa nang may tamang layunin ay marangal at nagkapagpapabanal. Ngunit kapag wala ang buklod ng kasal, ang pagpapasasang sekswal ay kasalanang nakabababa, na karumal-dumal sa paningin ng Diyos.14

Ngayon, ang pagbaha ng kasalanan ay labis-labis na sa sibilisadong mundo. Ang isang malaking dahilan para dito ay ang pagbabale- wala sa kasal; nawalan na ito ng kabanalan sa paningin ng maraming tao. Ang tanging halaga nito ay bilang isang kontratang sibil na lamang, ngunit kadalasan ay isang pagkakamali o layaw, o paraan upang mapagbigyan ang mga pagnanasa. At kapag ang kabanalan ng tipan ay binabale-wala o kinalilimutan, samakatuwid ang paglabag sa mga sinumpaan sa kasal, sa ilalim ng kasalukuyang paniniwala ng karamihan, ay walang kuwenta, isang maliit na bagay lamang.15

Ang kawalan ng katapatan sa mga sinumpaan sa kasal ay isang dahilan ng napakaraming diborsiyo, na kasabay nito ang maraming kasamaan, na hindi lamang ang kahihiyan at ang kawalang karangalan sa mga walang palad ngunit sa mga walang malay na anak din. Ang nakakatakot na bunga ng pangangalunya ay hindi maaaring itakda lamang sa mga taong nagkakamali. Maging ito man ay lantaran o itinatago sa ilalim ng paglilihim, ang mga bunga ay malakas sa masamang impluwensiya. Ang mga espiritung imortal na bumababa sa daigdig upang magkaroon ng katawang laman ay may karapatan na mabuhay nang maayos, sa pamamagitan ng mga magulang na ligtas sa mga panghahawa ng bisyong sekswal.16

Ang kasalanan laban sa kalinisang-puri ay pinabibigat ng paglabag sa mga sagradong tipan.

Ipinatutupad ang batas, sa paniniwala nating ito ay pangkalahatan, na sumasaklaw sa lahat ng Banal. Ngunit walang pagaalinlangan kapag, bilang karagdagan sa aktuwal na kasalanan laban sa mga batas ng kalinisang-puri, may mga tipan na nilalabag, samakatuwid ang kaparusahan sa dobleng kasalanan ay, maging sa buhay na ito o sa susunod na buhay, magiging higit na malaki at mabigat.17

Sinasabing higit na maraming bagay na luntian kaysa anupamang kulay, tulad din naman ng ating opinyon na higit na maraming uri o antas ng kasalanan na may kinalaman sa hindi naangkop na ugnayan ng mga kasarian kaysa anupamang pagkakasala na nalalaman natin. Ang lahat ng ito ay kinabibilangan ng mabibigat na kasalanan—ang kasalanan laban sa kalinisang-puri, ngunit sa napakaraming pagkakataon, ang kasalanang ito ay pinabibigat ng paglabag sa mga sagradong tipan, na sa kung alin ay idinaragdag kung minsan ang panlilinlang, pananakot o aktuwal na karahasan.

Bagamat ang lahat ng kasalanang ito ay dapat na tuligsain at ikalungkot, nakikita natin mismo ang pagkakaiba kapwa sa layunin at bunga sa pagitan ng pagkakasala ng isang batang magkatambal na, malapit nang ikasal, na sa isang sandali ng kahinaan, ay nagkasala nang walang paghahangad, at ang yaong tungkol sa lalaki, na makaraang makapasok sa mga banal na lugar at gumawa ng mga sagradong tipan, ay naghangad na agawin sa kabiyak ng kanyang kapitbahay ang puri nito, sa pamamagitan ng panlilinlang o lakas, at magtagumpay sa kanyang hinahangad.

Hindi lamang may pagkakaiba sa mga pagkakasalang ito, kung hahatulan mula sa pananaw ng layunin, kundi pati na rin sa mga kahihinatnan. … Sa [kaso ng lalaki na gumawa ng mga tipan], ang iba ay nasasangkot nang napakasaklap, nawawasak ang mga pamilya, ang paghihirap ay iniaatang sa mga taong walang malay, ang lipunan ay nadadamay … ; sa lahat-lahat, ang pagkakasala ay nagagawa kapwa sa buhay at sa patay, at pati na rin sa hindi pa isinisilang, na wala sa kapangyarihan ng mga nagkasala na ayusin at iwasto ito.18

Ang ebanghelyo ay nag-aalok ng pag-asa sa mga yaong nakapagpasiyang maging dalisay.

Tanging ang tunay na mabisyo at masama lamang ang hindi naghahangad ng kadalisayan; hindi nila iniibig ang kadalisayan at katotohanan. Hindi ko batid kung maaari para sa isang kaluluwa na maging napakababa upang mawala ang pagpapahalaga sa yaong dalisay at malinis, mabuti at tunay at tulad ng sa Diyos. Naniniwala ako na may nalalabi pa rin sa puso ng tunay na mabisyo at masama, sa ilang mga panahon, ng isang ugat ng kabanalan na itinanim sa mga kaluluwa ng lahat ng anak ng Diyos. Ang mga tao ay maaaring maging napakasama kung kaya’t mayroon sila nang hindi hihigit sa bahagyang pagtingin sa banal na inspirasyon na nanghihikayat sa kanila tungo sa mabuti upang ibigin ito; hindi ako naniniwala na mayroong isa mang kaluluwa sa mundo na ganap na nawalan ng pagkakakilala at paghanga sa yaong mabuti at dalisay, kapag nakikita niya ito. Mahirap paniwalaan na ang isang tao ay naging napakasama kung kaya’t nawalan na siya ng lahat ng paghahangad upang siya ay maging mabuti at dalisay rin, kung maaari ito; ngunit maraming taong ipinaubaya ang kanilang sarili sa kasamaan at dumating sa pagpapasiya na wala nang pag-asa para sa kanila. Kapag may buhay ay may pag-asa, at kapag may pagsisisi ay may pag-asa para sa kapatawaran.19

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang siyang Makalangit na itinalagang pangkalahatang gamot para sa mga karamdaman na dumadapo sa sangkatauhan, at lalung-lalo na para sa nakakatakot na karamdaman ng kasalanang sekswal.20

Sa gayon, ang masasabi namin sa inyo na mga nagsipagsisi ng inyong mga kasalanan, na nangalibing kasama ni Cristo sa pagbibinyag, na ibinangon mula sa libingang tubig sa panibagong buhay, ipinanganak ng tubig at ng Espiritu, at ginawang mga anak ng ama, mga tagapagmana at mga kasamang tagapagmana ni Jesucristo—sinasabi namin sa inyo, kung susundin ninyo ang mga batas ng Diyos, at tumigil sa paggawa ng kasamaan, tumigil sa pagiging malaswa, tumigil sa pagiging imoral, sa sekswal man o sa ibang bagay, tumigil sa pagiging bastos, tumigil sa kawalang katapatan, at may pananampalataya sa Diyos, naniniwala sa katotohanan at tinatanggap ito, at naging matapat sa harapan ng Diyos at tao, upang kayo ay mailuklok, at ilalagay kayo ng Diyos sa unahan, na kasing tiyak sa pagsunod ninyo sa mga kautusang ito. Sinuman ang susunod sa mga kautusan ng Diyos, kahit na kayo o ang iba pang tao, sila ay babangon at hindi babagsak, sila ang umaakay at hindi tagasunod, sila ay hahayo pataas at hindi pababa. Dadakilain sila at pauunlarin ng Diyos sa harapan ng mga bansa ng mundo, at ibibigay niya ang kanyang opisyal na pagsang-ayon sa kanila, pangangalanan sila na kanya. Ito ang aking patotoo sa inyo.21

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Ano ang batas ng kalinisang-puri ng Panginoon? Sa anu-anong paraan ang kalinisang-puri ay nagdadala ng “lakas at kapangyarihan” sa mga tao?

  • Paano tayo makabubuo ng “pansariling kadalisayan at angkop na mga kaisipan” sa ating mga sarili? Paano nagiging biyaya ang pansariling kadalisayan sa ating sarili, sa ating mga pamilya, at sa mundo?

  • Sa palagay ninyo, bakit ang paglabag sa batas ng kalinisangpuri ay “pangalawa lamang sa pagtitigis ng dugo ng walang malay”? (Tingnan din sa Alma 39:5.)

  • Anu-anong bagay ang kabilang sa “marami pang ibang kasamaan” na kaakibat ng mga paglabag sa batas ng kalinisangpuri? Paano nagpapahirap ang mga paglabag sa batas ng ikapu sa higit na maraming tao kaysa mga nagkasala lamang?

  • Anu-ano ang ating magagawa upang “makapagsalita laban sa sekswal na imoralidad, at laban sa lahat ng uri ng kalaswaan”?

  • Para sa anu-anong layunin ang “pagpipisan ng mga kasarian alinsunod sa batas … inordenan ng Diyos”?

  • Bakit ang pagbabale-wala sa kabanalan ng kasal ay isang “malaking dahilan” para sa “pagbaha ng kasalanan … na labis-labis na sa sibilisadong mundo.”?

  • Paano nagiging “dobleng kasalanan” ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri para sa mga yaong gumawa ng sagradong mga tipan sa Diyos? Anu-ano ang mga magiging bunga ng dobleng kasalanang ito?

  • Anong pag-asa ang nasa ebanghelyo ni Jesucristo para sa mga yaong nakapagpasiyang dalisayin ang kanilang sarili at tuparin ang batas ng kalinisang-puri?

Mga Tala

  1. Life of Joseph F. Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1938), 450–51.

  2. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 312.

  3. Gospel Doctrine, 334.

  4. Gospel Doctrine, 274.

  5. Gospel Doctrine, 313.

  6. Gospel Doctrine, 275–76.

  7. Gospel Doctrine, 310; binago ang mga ayos ng pagtatalata.

  8. Gospel Doctrine, 309–10.

  9. Gospel Doctrine, 335.

  10. Gospel Doctrine, 273–74.

  11. Gospel Doctrine, 335.

  12. Gospel Doctrine, 309–10.

  13. Gospel Doctrine, 312.

  14. “Unchastity the Dominant Evil of the Age,” Improvement Era, Hunyo 1917, 739.

  15. Gospel Doctrine, 274.

  16. Gospel Doctrine, 309.

  17. Gospel Doctrine, 311.

  18. Gospel Doctrine, 310–11.

  19. Gospel Doctrine, 27–28.

  20. “Unchastity the Dominant Evil of the Age,” 743.

  21. Gospel Doctrine, 312.