Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 1: Batid Kong Buhay ang Aking Manunubos


Kabanata 1

Batid Kong Buhay ang Aking Manunubos

Sa pamamagitan ng pagpapatotoo ng Espiritu Santo, ang bawat isa sa atin ay makababatid na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Sa loob ng mahigit sa kalahating siglo, si Pangulong Joseph F. Smith ay naglingkod bilang isang natatanging saksi ng Tagapagligtas bilang isang Apostol, bilang isang Tagapayo sa Unang Panguluhan, at bilang isang Pangulo ng Simbahan. Ang kanyang patotoo—na ipinahayag sa mga pulpito sa sariling bansa at sa ibayong dagat, sa mga kapulungan ng Simbahan, at sa loob ng sarili niyang pamilya—ay nagsasabi tungkol sa isang puso at kaluluwang matapat kay Jesucristo at sa Kanyang maluwalhating ebanghelyo. Malinaw ang kanyang mga salita; maliwanag ang kanyang mensahe: “Nais kong sabihin bilang isang tagapaglingkod ng Diyos, nang hindi umaasa sa patotoo ng lahat ng tao o sa bawat aklat na naisulat, na aking natanggap ang patotoo ng Espiritu sa sarili kong puso, at nagpapatotoo ako sa harapan ng Diyos, mga anghel at mga tao, nang hindi natatakot sa mga kalalabasan nito, na batid kong buhay ang aking Manunubos, na makikita ko siya nang harapan, at tatayo sa tabi niya sa aking katawang nabuhay na mag-uli dito sa lupa, kung ako ay matapat; sapagkat inihayag ito sa akin ng Diyos. Natanggap ko ang patotoo, at nagpapatotoo ako, at tunay ang aking patotoo.”1

Sa kanyang pagkamatay, isang natatanging serbisyo sa paglilibing ang ginawa sa Sementeryo ng Lungsod ng Salt Lake, kung saan ang mga miyembro ng Koro ng Tabernakulo ay inawit, bilang pagbibigay-pugay, ang isa sa mga paborito niyang himno, ang “Buhay ang aking Manunubos” Ang pariralang ito, para sa kanya, ang pinakabuod ng kanyang pananampalataya at siyang pinagtuunan ng kanyang mensaheng may propesiya: “Batid kong buhay ang aking Manunubos. Nadarama ko ito sa bawat himaymay ng aking katauhan. Hindi ako nakadarama ng katiyakan ng aking sariling pagkatao nang higit sa nadarama kong katiyakan na buhay ang aking Manunubos.”2

Ang sumusunod na patotoo ay hinango mula sa isang talumpati na ibinigay ni Pangulong Smith sa isang kumperensiya sa Istaka ng Weber noong ika-18 ng Oktubre 1896.3

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ang buhay at ang mga turo ng Tagapagligtas ay patunay ng Kanyang pagka-Diyos.

Pamilyar tayong lahat sa kasaysayan ng ating Tagapagligtas gaya ng pagkakatala nito sa Bagong Tipan; kung paanong ipinanganak Siya ng isang Birhen; na lumaki Siya sa piling ng kanyang mga kapatid, at kung anu-anong kamangha-manghang bagay ang Kanyang ginawa kahit na noong bata pa Siya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang pagkakatalaga at misyon; kung paano Niya tinuruan ang mga manananggol at mga manggagamot sa sinagoga at sa templo, at kung paano Niya nilito ang mga yaong naghangad na ipahamak Siya sa isang usapin. Pamilyar tayong lahat sa kapangyarihan na Kanyang ipinakita sa pagpapagaling ng maysakit, sa pagpapanumbalik ng paningin ng bulag at pandinig ng bingi, at sa paglilinis ng ketongin, at pagpapalukso sa kagalakan sa mga lumpo.

Pamilyar tayo sa mga doktrina na kanyang itinuro; at sa akin, tila baga palaging wala nang kinakailangang karagdagang patunay ng pagka-Diyos ni Jesucristo kaysa doktrina na Kanyang itinuro na dapat na mahalin ng mga tao ang mga yaong gumagamit at umuusig sa kanila, at kailangang suklian nila ng kabutihan ang kasamaan. Hanggang sa kanyang kapanahunan, ang doktrinang itinuro sa sanlibutan ay “mata sa mata, at ngipin sa ngipin.” [Mateo 5:38.] Ito ang pilosopiya ng panahong iyon. Ngunit tahasang itinuro ni Jesus ang kabaliktaran nito. Iniatas niya sa Kanyang mga disipulo na hindi nila dapat na suklian ng kasamaan ang kasamaan, at sa halip ay dapat nilang suklian ng kabutihan ang kasamaan. “Sa sinomang sa iyo’y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila.” [Mateo 5:39.] Bago sa mundo ang doktrinang ito. Ito ay isang doktrinang hindi naaayon sa nahulog na katayuan ng tao.… Samakatuwid, hindi ito galing sa tao. Hindi maaaring magturo ng ganitong doktrina ang mga tao at isakatuparan ito sa kanilang buhay nang walang inspirasyon at kapangyarihang galing sa itaas.

“Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka’t kanila ang kaharian ng langit.

“Mapapalad ang nangangahapis: sapagka’t sila’y aaliwin.

“Mapapalad ang maaamo: sapagka’t mamanahin nila ang lupa.

“Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran: sapagka’t sila’y bubusugin.” [Mateo 5:3–6.]

Basahin ang Sermon sa Bundok [tingnan sa Mateo 5–7], at tanungin ang inyong sarili kung ito ay lagpas at higit na mataas sa anumang bagay na naituro ng tao. Pinagtitibay nito ang aking paniniwala na si Jesus ay hindi lamang isang tao, na Siya ay isang Diyos na nagkatawang-tao. Ito ang doktrina ng buhay na walanghanggan, na kung ipamumuhay ng isang tao siya ay hindi mamamatay; na kung lalakad siya sa pamamagitan nito ay makalalakad siya sa mga kanais-nais na landas; at na kung kanyang susundin ang mga doktrina ng buhay na walang hanggan ay makikilala niya ang katotohanan, at ang katotohahan ang siyang magpapalaya sa kanya.

At dumating tayo sa araw ng paglilitis sa Kanya, nang ang isang pinili Niya upang maging Apostol at Kanyang saksi ay maging isang traydor at ipinagkanulo ang Panginoon sa Kanyang mga kaaway. Dumating silang may mga espada at mga panghampas upang dakpin ang isang lalaki ng kapayapaan, na hindi sumasang-ayon sa karahasan, na hindi kailanman nagtaas ng tinig o ng Kanyang mga kamay sa mga walang kasalanan at sa mabubuti, o kahit kaninumang tao, maliban sa makasalanan nilang mga gawi at masasamang gawain—dumating sila upang dakpin Siya at idaan Siya sa isang huwad na paglilitis, upang makakita sila ng pagkakataon na mahatulan Siya ng kamatayan.

Sa isang pagkakataon, noong tinuturuan Niya ang mga tao ng makatwirang mga alituntuning ito at nagpatotoo na Siya ang Anak ng Diyos, dumampot sila ng mga bato upang pukulin siya. Sumagot si Jesus, “Maraming mabubuting gawa na mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo; alin sa mga gawang yaon ang ibinabato ninyo sa akin?” [Juan 10:32.] Wala Siyang ginawang masama sa kanila; ang lahat ng Kanyang ginawa ay mabuti; gayunman ay hinangad nilang patayin Sila. Nang si Pedro, na galit na galit, ay hinugot ang kanyang espada at tinagpas ang tainga ng alipin ng mataas na saserdote, pinagsalitaan siya ni Jesus at sinabing, “Isauli mo ang iyong tabak sa kaniyang lalagyan: sapagkat ang lahat ng nangagtatangan ng tabak ay sa tabak mamamatay.” [Mateo 26:52.] Sa gitna ng paglilitis sa kanya, nang kutyain, nang saktan, nang putungan ng tinik, at nang laitin, hindi Siya nanlait, bagkos ay maamong tinanggap ang Kanyang kapalaran at tiniis ang yaong ipinahintulot ng Diyos na gawin sa Kanya ng masasama.

Napunta siya sa kalagayang ang mga doktrinang Kanyang itinuro ay nasubok, at sa lahat ng ito ay pinatotohanan Niya ang katunayan ng Kanyang mga turo. Kahit na sa gitna ng Kanyang paghihirap sa krus, Kanyang winika, “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”[Lucas 23:34.] Magtatanong ako, totoo ba ito? Kung totoo ito, samakatuwid ay walang sinumang tao ang makapagsasabi ng ganitong mga salita sa ganitong pagkakataon; nangangailangan ito ng kapangyarihan at espiritu, ng pagmamahal, awa, pag-ibig sa kapwatao at pagpapatawad ng Diyos mismo. Ibinibigay ko ang aking patotoo sa inyo na ang isang katauhan na makahihiling sa Diyos na patawarin ang mga tao na kung mula kanino ay tumanggap Siya ng walang kadahilanang kalupitan ay Diyos din mismo. Kung wala nang iba pang patunay kaysa dito sa banal na misyon ni Jesucristo, tanging ito ang makakukumbinsi sa akin na si Jesus ang Manunubos ng mundo. Kanyang itinuro at inihalimbawa sa Kanyang buhay ang mga alituntuning tutubos sa mundo.…

Inialay ni Jesus ang Kanyang buhay bilang handog upang maisakatuparan ang plano ng kaligtasan.

Si Jesus … ay ipinako sa krus. Kinuha ng Kanyang mga kaibigan ang Kanyang katawan mula sa krus, hinugasan at binalot sa malinis na lino, at inilagay sa isang bagong libingan, na hindi pa nalibingan ng tao. Gayunman, bago dito, itinuro ni Jesus sa kanyang mga disipulo na ang Anak ng Tao ay papatayin. Sinabi niya sa malilinaw na salita, “Dahil dito’y sinisinta ako ng Ama, sapagka’t ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli. Sinoma’y hindi nag-aalis sa akin nito, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli.” [Juan 10:17–18.] Pumarito siya upang isakatuparan ang propesiya ng mga propeta; na kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamatay, gayon din naman ang lahat kay Cristo ay bubuhayin [tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22].… Kung ang kasalanan ay dumating sa mundo dahil sa pagkakasala ng isang tao, at ang mga kinalabasan ng kasalanang ito ay napunta sa lahat ng tao nang wala naman silang ginagawa, hindi ba makatarungan, hindi ba nararapat na ang sangkatauhan ay mahango mula sa mga kinalabasang ito sa pamamagitan ng gawa ng isang tao? Ito ang planong inihanda mula sa simula at walang makikita dito maliban sa katwiran lamang. Inialay ni Jesus ang kanyang buhay bilang isang handog upang maisakatuparan ito. Pinatay Siya ng taong masasama, na siyang nagpataw sa Kanya ng maling hatol, at ipinikit ang kanilang mga mata at isinara ang kanilang mga puso sa tunay na mga alituntuning kanyang itinuro.

Makaraan siyang ilibing, mababasa natin sa Kasulatan na sa unang araw ng sanglinggo, pumunta sa libingan si Maria Magdalena; ngunit nakitang naalis na ang bato at wala na Siya. Tiningnan niya ang libingan at nakakita ng dalawang anghel na nakadamit puti, “ang isa’y sa ulunan, at ang isa’y sa paanan,” [Juan 20:12] at sinabi nila sa kanya:

“Babae, bakit ka umiiyak? Sinabi niya sa kanila, Sapagka’t kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko maalaman kung saan nila inilagay siya.

“Pagkasabi niya ng gayon, siya’y lumingon, at nakitang nakatayo si Jesus, at hindi nalalaman na yaon ay si Jesus.

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae bakit ka umiiyak? sino ang iyong hinahanap? Siya, sa pagaakalang yao’y maghahalaman, ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at akin siyang kukunin.

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Maria. Lumingon siya, at nagsabi sa kaniyang Raboni; na ang ibig sabihin ay, Guro.

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, huwag mo akong hipuin; sapagka’t hindi pa ako nakaaakyat sa Ama, nguni’t pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.” [Juan 20:13–17.]

Umalis si Maria at sinabi sa mga disipulo na kanyang nakita ang Panginoon, at nagpakita din Siya sa kanila.

Ngayon, sandali natin itong pag-isipan. Narito ang isang totoong salaysay pangkasaysayan na pumunta si Maria sa libingan, at nakita ang dalawang anghel doon, at pagkatapos ay nakita mismo ang nabuhay na mag-uling Manunubos. Mayroon siyang patotoo ng makalangit na mga mensahero, na pinagtibay ng Anak ng Diyos Mismo, na ang Manunubos ay nabuhay na maguli. Ang kanyang mga salita ay nakarating sa atin sa pamamagitan ng patotoo. Pasisinungalingan ba ninyo ang mga ito? Pag-aalinlanganan ba ninyo ang kanyang patotoo? … Pagkatapos ay naabutan Niya ang dalawang disipulong naglalakad patungong Emaus, at sinabayan sila; datapuwa’t “sa mga mata nila’y may nakatatakip upang Siya’y huwag nilang makilala.” [Lucas 24:16.] Tinanong sila ni Jesus kung ano ang sanhi ng labis nilang pagkalungkot, at tumugon sila: “Ikaw baga’y nakikipamayan lamang sa Jerusalem, at hindi nakaalam ng mga bagay na doo’y nangyari nang mga araw na ito.” [Lucas 24:18.] At kinalaunan ay nangabuksan ang kanilang mga mata, at nakilala nila Siya.

Pagkatapos nito ay nagpakita Siya sa kanyang mga disipulo. Narinig ng isa sa mga disipulo na si Jesus ay nabuhay na mag-uli, ngunit nagsabing hindi siya naniniwala rito malibang kanyang makita Siya at maisuot niya ang kanyang kamay sa Kanyang tagiliran at ang kanyang daliri sa mga butas ng pako sa Kanyang mga kamay. Gaano kahalintulad na kahalintulad ng mga tao ngayon si Tomas. Muli Siyang nagpakita sa mga disipulo, at kasama nila si Tomas.

“Sinabi Niya kay Tomas, Idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo siya sa aking tagiliran: at huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin.

“Sumagot si Tomas, at sa Kaniya’y sinabi, Panginoon ko at Dios ko.

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Tomas, sapagka’t ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon may nagsisampalataya.” [Juan 20:27–29.]

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay mababatid natin na buhay ang Manunubos.

Pinaglingkuran ni Jesus ang Kanyang mga disipulo makaraan Siyang mabuhay na mag-uli, at pinagtibay sa kanilang mga pangunawa ang katunayang hindi sila nalinlang, bagkos Siya ay tunay na anak ng Diyos, na ngayon ay nabuhay na mag-uli mula sa mga patay patungo sa imortalidad at buhay na walang-hanggan. Nakakakita sila hindi sa pamamagitan ng kanilang mga likas na mata. Maaari tayong makakita ng napakaraming bagay sa pamamagitan ng ating likas na paningin, ngunit maaari tayong malinlang. Maaari tayong makarinig sa pamamagitan ng ating mga tainga, ngunit maaari tayong malinlang. Ang mga likas nating diwa ay maaaring malinlang.… Ngunit sasabihin ko sa inyo na kapag ang Pinakamakapangyarihan ay naghahayag ng Kanyang sarili sa tao, ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng Espiritu Santo, at hindi sa pamamagitan ng likas na mata o likas na tainga. Nagsasalita Siya sa tao na tila ba nagsasalita Siya sa kanya na walang kinalaman ang kanyang katawan; nagsasalita Siya sa espiritu. Samakatuwid, kung ang Pinakamakapangyarihang Diyos ay magsasalita sa inyo at bigyang patotoo ang Kanyang katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, … kaaalam kayo katulad ng pagkakaalam ng Diyos. Hindi ito isang bagay na basta paniniwalaan lamang ninyo; isang bagay na ipinatalastas sa inyo sa pamamagitan ng likas ninyong mga pandama, kung saan maaari kayong magkamali o malinlang; ngunit ito ang yaong sasabihin ng Diyos sa puso, sa buhay na kaluluwa, sa walang-hanggang katauhan ng tao, na, kagaya ng Diyos, ay hindi mawawasak at walang hanggan.

Sa ganitong paraan binuksan ni Jesus ang mata at pang-unawang espirituwal ng Kanyang mga disipulo pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli, kung kaya’t kanilang nabatid na Siya kapwa ang Panginoon at Cristo. Nabatid nilang nabuhay siya mula sa mga patay. Nabatid nila na Siya ang Anak ng buhay na Diyos, sapagkat inihayag ito ng Diyos sa kanila. Samakatuwid, masasabi nila ang sinabi ng makata,

“Ligayang itong matatalos:

Buhay ang aking Manunubos.” [“Buhay ang aking Manunubos,” Mga Himno.]

…Sino ang makapaglalarawan sa kagalakan at kasiyahan na dumarating sa kaluluwa ng tao na nakatanggap ng patotoong ito mula sa Pinakamakapangyarihang Diyos? Walang taong makasasambit niyon. Hindi ko ito masasabi sa inyo. Walang mga salita ng tao ang makapagsasabi nito. Ito ay madarama lamang. Mauunawaan lamang ito ng walang-hanggang bahagi ng tao. Hindi masasambit ang kagalakan na nadarama ng isang tao na nakatatanggap ng patooong ito mula sa Espiritu Santo.…

Nagsalita sa akin ang Espiritu Santo ng Diyos—hindi sa pamamagitan ng tainga, hindi sa pamamagitan ng mata, ngunit sa aking espiritu, sa aking buhay at sa walang-hanggang bahagi ng aking katauhan,—at inihayag sa akin na si Jesus ang Cristo, at Anak ng buhay na Diyos. Nagpapatotoo ako sa inyo na batid kong buhay ang aking Manunubos. Higit dito, batid ko na makikita ko Siya sa mundong ito, at na makikita ko Siya sa katayuan Niya.… Sapagkat Siya ay darating upang muling dalawin ang mundo; hindi katulad noong una Niyang pagdating, bagkos ay may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian, na maghihiganti sa masasama at sa hindi makadiyos na hindi nakikinig sa tinig ng Espiritu, na pinatitigas ang kanilang mga puso laban sa katotohanan at tinatakpan ang kanilang pang-unawa mula sa mga patotoo ng mga tagapaglingkod ng Diyos. Hahatulan sila; hindi sa pamamagitan ng pagkakarinig ng tainga, o sa pagkakakita ng mata, ngunit sa pamamagitan ng katwiran sila hahatulan, at sila ay parurusahan dahil dumating ang liwanag sa mundo at mahal nila ang kadiliman kaysa sa liwanag.… Inihayag ito ng Panginoon sa akin. Pinuspos niya ang aking kaalaman ng patotoong ito, hanggang sa wala nang puwang para sa pag-aalinlangan.…

Nasa atin ang patotoo ng mga disipulo ni Cristo sa lupalop Asiatiko at ang patotoo ng mga disipulo ni Jesus sa lupalop na to, nagpapatunay sa iisang katotohanan. At mayroon tayong Aklat ng Doktrina at mga Tipan, na naglalaman ng mga pahayag at patotoo ng Diyos sa kanyang mga Tagapaglingkod at Banal sa panahon natin ngayon, ang ikatlong patotoo ng mga bagay na ito. Bilang karagdagan sa lahat ng ito … mayroon tayong patotoo ng Espiritu Santo sa ating mga puso, na hindi maikakaila; sapagkat siyang tumatanggap ng patotoong ito sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu Santo ay hindi malilinlang. Ang Espiritu ng Diyos ay hindi nagpapatotoo sa yaong hindi totoo. Samakatuwid, kung tinanggap ninyo ang patotoo ng Espiritu Santo sa inyong puso, batid ninyo na buhay ang inyong Manunubos.…

… Ibinibigay ko sa inyo ang aking patotoo na buhay ang Manunubos. Nawa’y magkaroon ng puwang ang patotoong ito sa inyong mga puso.… Kung iibigin natin ang isa’t isa at gagawa ng mabuti sa bawat isa, maisasakatuparan natin samakatuwid ang tuntunin ng Ebanghelyo ng Anak ng Diyos, ang doktrina ni Cristo, na pinanukala upang matubos at dakilain ang daigdig at ibalik ang sangkatauhan sa kinaroroonan ng Diyos, na ipinanalangin kong nawa’y magkaroon tayong lahat ng pribilehiyo na matanggap at matamasa ito.

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Anu-anong mga pangyayari o turo mula sa buhay ng Tagapagligtas ang nakatulong sa inyo na makatanggap ng patotoo na Siya ang Anak ng Diyos?

  • Paano sinuklian ni Jesucristo ng kabutihan ang kasamaan kapag Siya ay inuusig? Anu-anong biyaya ang nagiging bunga ng pagsunod sa Kanyang turo na suklian ng kabutihan ang kasamaan? Paano natin lalong masusunod nang mainam ang doktrinang ito? (Tingnan din sa Mateo 5:38–47.)

  • Paano natin maipamumuhay ang payo na “pagtatanim ng salita sa inyong mga puso, upang kayo ay magsikap na subukin ang kabutihan nito” (Alma 34:4) sa mga talata na tinukoy ni Pangulong Smith mula sa Sermon sa Bundok? (Tingnan sa Mateo 5:3–6.)

  • Paano nagiging lakas natin ang kaamuan? Bakit napakahirap sa napakaraming tao sa daigdig ang magkaroon ng kaamuan?

  • Paano nagpapakita ang huling mga salita ng Panginoon habang nakapako Siya sa krus ng “pagmamahal, awa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagpapatawad”? Paano natin matutularan ang Kanyang halimbawa sa panahon ng sarili nating pagsubok at pag-uusig?

  • Paano napalakas ang inyong patotoo ng patunay ni Maria Magdalena tungkol sa nabuhay na mag-uling Manunubos? (Tingnan sa Juan 20:11–18.)

  • Paano“kahalintulad na kahalintulad ng mga tao ngayon” si Tomas? Anu-anong biyaya ang ating matatanggap kung tayo “ay hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya”? (Juan 20:29).

  • Anu-ano ang inyong natutuhan mula kay Pangulong Smith tungkol sa pagbibigay-patotoo sa Tagapagligtas?

  • Ano ang inyong nadarama sa patotoo ni Pangulong Smith tungkol sa Tagapagligtas? Paano makatutulong sa inyo ang patotoong ito na mapalakas ang sarili ninyong patotoo kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos?

Mga Tala

  1. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 447.

  2. Gospel Doctrine, 69.

  3. Deseret News: Semi-Weekly, ika-17 ng Nob. 1896, 1.

Jesus Christ

Ang Panginoong Jesucristo. Mula sa dibuhong Si Cristo at ang Mayamang Binata, ni Heinrich Hofmann.