Kabanata 29
Huwag Magkakaroon ng Malisya Kaninuman
Sundan natin ang halimbawa ng Panginoon sa pagpapakita ng kapatawaran at awa sa mga yaong nagkasala sa atin.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Sa malaking bahagi ng kanyang buhay, nasaksihan ni Joseph F. Smith ang mga pang-uusig laban sa Simbahan at sa mga miyembro nito. Paulit-ulit siyang ginulo ng mga yaong laban sa gawain ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan, at labis siyang nagdusa sa mga sinabi at ginawa nila. Sa kabila ng pang-aabusong ito, patuloy niyang ginampanan ang kanyang mga gawain nang may kapayapaan, na hindi natatakot at madalang na humarap sa kanyang mga kaaway—mga kaaway na sinabi niyang “hindi sa akin” ngunit “sa kanya kung kanino nagsisikap akong maglingkod.”1
Naaalaala ang kanyang anak na si Edith Eleanor ang isang pagkakataon sa kanyang kabataan nang ang “mga mamamahayag ay tunay na pinag-uusig ang aking ama. May mga hawak na maling ulat at kasinungalingan ang ilang tao sa paaralan tungkol kay Ama. Umuwi ako isang araw na galit na galit galing sa paaralan. Nang umuwi ang aking ama kinagabihan, sinabi ko sa kanya, ‘Tatay, bakit wala kang ginagawa? Wala kang ginagawa samantalang inaapi ka ng masasamang taong ito, naglalathala ng mga kasinungalingang ito, at wala ka man lamang ginagawa!’ Tiningnan siya ng kanyang ama at ngumiti at nagsabing “‘Mahal, huwag kang mainis. Hindi nila ako sinasaktan kahit na bahagya; sinasaktan lamang nila ang kanilang sarili. Hindi mo ba alam, Mahal, na kapag may mga taong nagsasabi ng kasinungalingan, sinasaktan lamang nila ang kanilang sarili nang higit kaninuman?’”2
Sinadya ni Pangulong Smith na suklian ng kabutihan ang kasamaan at nagpasiyang gumawa ng mabuti na kapag nalalaman niyang nagkamali siya sa iba, hindi siya matatahimik hangga’t hindi napapatawad. Sinabi niya minsan, “May nagawa o nasabi ba ako na nakasakit sa iyo? Kung mayroon, nais kong sabihin na hindi iyon sinasadya. Hindi ko kailanman sinadya sa buong buhay ko na makasakit ng damdamin ng sinumang tao.… Lahat kayo na nasaktan ko, lahat kayo na kung kanino ako may pagkakasala, kung mayroong sinuman, mangyaring ipaalam sa akin kung saan ako nagkasala sa inyo, at gagawin ko sa abot ng aking kakayahan na ituwid ito. Wala akong masamang hangarin sa aking puso para sa aking mga kapatid; mayroon lamang akong pagmamahal, pag-ibig sa kapwa at masikap na paghahangad na makagawa ng mabuti.”3
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Huwag magkakaroon ng masamang hangarin kaninuman.
Aming pinapayuhan, pinakikiusapan ang ating mga kapatid, sa ebanghelyo ni Jesucristo, na hindi lamang bigyang-dangal ang kanilang mga sarili ng isang maayos na pamumuhay, kundi bigyang dangal at pag-ibig at pagkakawanggawa ang kanilang kapwa, lahat bawat isa sa kanila. Pinapayuhan namin kayo na huwag lamang susundin ang pinakadakila sa lahat ng mga kautusan na ibinigay ng Diyos sa tao, na ibigin ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso, at isip, at lakas, ngunit hinikayat namin kayo na sundin din ang pangalawang batas, na kasunod nito, na ibigin ang inyong kapwa kagaya ng inyong sarili [tingnan sa Mateo 22:36–40]; suklian ng kabutihan ang kasamaan, huwag manlait sa iba dahil nilalait o nilait kayo. Hindi natin kinakailangan na gibain ang mga bahay ng ibang tao (ginamit ang kasabihang ito bilang simbolo). Ganap na ninanais natin na sila manirahan sila sa mga bahay na kanilang itinayo para sa kanilang sarili, at tatangkain nating ipakita sa kanila ang isang higit na mabuting paraan … at ipagtatayo sila ng higit na mabuting bahay, at anyayahan sila nang may kabaitan, sa diwa ni Cristo, ng tunay na Kristiyanismo, na pumasok sa isang higit na mabuting tirahan. 4
Mga kapatid, nais naming magkaisa kayo. Umaaasa at nanalangin kami na uuwi kayo … sa inyong mga tahanan na nakadarama sa inyong mga puso at sa kaibuturan ng inyong mga kaluluwa ng pagpapatawad sa bawat isa, at hindi na kailanman mula sa panahong ito magkakaroon ng masamang hangarin sa kapwa. Hindi na mahalaga kung miyembro man siya ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling-araw o hindi, kung siya ay kaibigan o kaaway, kung siya ay mabuti o masama. Lubos na masakit para sa isang may humahawak ng Pagkasaserdote, na tinatamasa ang kaloob na Espiritu Santo, na magkimkim ng diwa ng pagkainggit, o masamang hangarin, o paghihiganti, o kawalan ng pagpapahinuhod sa kanyang mga kapwa. Nararapat nating sabihin sa ating mga puso, hayaan ang Diyos na humatol sa akin at sa iyo, ngunit para sa akin, ako ay magpapatawad. Nais kong sabihin sa inyo na ang mga Banal sa mga Huling-araw na nagkikimkim ng kawalang pagpapatawad sa kanilang kaluluwa ay higit na may kasalanan at hindi na dapat hatulan kaysa doon sa nagkasala sa kanila. Umuwi na kayo at burahin ang pagkainggit at pagkasuklam mula sa inyong mga puso. Burahin ang damdamin ng kawalang pagpapatawad; at pagyamanin sa inyong mga kaluluwa ang espiritung yaon ni Cristo na naghayag doon sa krus, “Ama, patawarin mo sila; sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” [Lucas 23:34.] Ganitong diwa ang taglayin ng mga Banal sa mga Huling-araw sa lahat ng panahon.
Kung batid ko na may ilang nagdaramdam laban sa akin, malugod ko silang pupuntahan, at hindi titigil hangga’t hindi ko sila nakakausap at nalalaman kung saan ako nagkasala sa kanila. Kung maipakikita na tunay na nakagawa ako ng anumang bagay na nakasakit sa aking kapatid, hindi ko hihilingin sa kanya na makipagkasundo sa akin upang maayos ang gusot—ako mismo ang gagawa ng lahat ng bagay sa abot ng aking makakaya upang gawing tama ito sa kanya. Ang aking misyon ay hindi ang makasakit, hindi ang gumawa ng pagkakasala; kundi ang gumawa ng mabuti.6
Palitan ang pinagtutuunan ng inyong pananaw, at ng inyong mata, mula sa pagtingin sa masama tungo sa pagtingin sa yaong mabuti, sa yaong dalisay, at gumagabay at nanghihimok sa mga yaong nagkakamali patungo sa landas na walang kamalian, at hindi sumasang-ayon sa kamalian. Hanapin ang kabutihan sa mga tao, at kung wala sila nito, tangkaing buuin ito sa kanila; tangkaing mapalaki ang kabutihan sa kanila; hanapin ang mabuti; buuin ang mabuti; ipagpatuloy ang mabuti; at huwag masyadong magsalita tungkol sa kasamaan sa abot nang inyong makakaya. Walang kabutihang makukuha sa pagpapalaki ng kasamaan, sa paglalathala ng kasamaan, o sa pagpapatibay nito sa pananalita o panulat. Wala itong buting matatamo mula rito. Higit na mainam na ibaon ang kasamaan at palakihin ang mabuti, at hikayatin ang lahat ng tao na iwaksi ang kasamaan at matutong gumawa ng mabuti; at hayaan na ang ating misyon ay maging pagliligtas ng sangkatauhan at pagtuturo at paggabay sa landas ng katuwiran, at hindi upang umupo bilang mga hukom at humatol sa mga gumagawa ng kasamaan, bagkos ay maging mga tagapagligtas ng mga tao.7
Kailangan natin ng awa; maging maawain tayo. Kailangan natin ng pag-ibig sa kapwa; maging maibigin tayo sa kapwa. Kailangan natin ng kapatawaran; magpatawad tayo. Gawin natin sa kapwa ang nais natin na gawin nila sa atin [tingnan sa Mateo 7:12].8
Magkaroon ng awa sa inyong mga kaaway.
Hayaang kaawaan ng Panginoong Diyos ang mga yaong naghahangad na masira ang layunin ng Sion. O, Diyos, kahabagan ang nalilihis, ang nagkakamali, ang hangal, ang hindi marunong. Ilagay ang inyong Espiritu sa kanilang mga puso,ibaling sila mula sa pagkakamali ng kanilang mga lakad at ng kanilang mga kahangalan, at ibalik sila sa daan ng katuwiran at sa inyong pagkalugod. Humihiling ako ng awa para sa aking mga kaaway—ang mga yaong nagsisinungaling laban sa akin at naninirang-puri sa akin, at nagsasalita ng lahat ng sarisaring kasamaan na pawang kasinungalingan. Bilang ganti, hinihiling ko sa Diyos, ang aking makalangit na Ama, na kaawaan sila, sa mga yaong gumagawa nito, nang hindi nalalaman ang kanilang ginagawa, na nalilihis lamang, at ang mga yaong gumagawa nito nang nalalaman ang kanilang pagkakasala ay nangangailangan, higit sa lahat, ng awa, ng pakikiramay at awa ng Diyos. Kaawaan nawa sila ng Diyos. Magkaroon nawa siya ng awa sa kanila. Hindi ko sasaktan ang kahit na isang buhok sa kanilang mga ulo, kapalit ng anumang halaga ko sa mundo. Hindi ako maglalagay ng anumang hadlang sa kanilang pag-unlad. Hindi; at hinihiling ko sa aking mga kapatid na huwag pakikialaman ang mga kalaban ng ating mga tao at ang mga yaong naghahanda ng kanilang sariling daan patungo sa kanilang pagkawasak at hindi magsisisi, ay nagkakasala dahil nalalaman nila ang kanilang ginagawa, nababatid na nilabag nila ang mga batas ng Diyos at naninira at nagsisinungaling laban sa mga tagapaglingkod ng Diyos. Nawa’y kaawaan sila. Huwag silang sasaktan; sapagka’t ito ang kanilang ninanais. Hayaan lamang sila. Hayaang silang lumayo.9
Inaamin ko na mahirap para sa akin na ibigin ang aking mga kaaway—ang mga kaaway ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling-araw—kagaya ng pag-ibig ko sa aking mga kaibigan. Mahirap na gawin ito para sa akin. Inaamin ko na hindi ko ito ginagawang ganap; mahirap para sa akin; at gayunman, may mga pagkakataon, na ang Espiritu ng Panginoon ay tumitimo at nagpapalambot nang labis sa aking kaluluwa na madali kong masabi: Ipauubaya ko ang paghatol sa kanila sa mga kamay ng Panginoon.10
Ang pag-ibig sa lahat ng kapwa at ang pag-ibig sa Diyos ay hinihingi sa inyo ng ebanghelyo ni Cristo. Ang pag-ibig sa inyong kapwa, ang diwa ng pagpapatawad, at ang awa sa inyong kapwa, ay hinihingi sa inyo, katulad ng inihalimbawa ng panalangin ng Tagapagligtas sa krus—”Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” [Lucas 23:34.] Kaya’t isipin natin ang ating mga kaaway, manalangin tayo para sa kanila, upang hindi sila ganap na mawala, ngunit upang maipaabot sa kanila ang nakapagliligtas na pagpapala at ang nakapagliligtas na kapangyarihan ng ebanghelyo ni Jesus, at upang tumimo sa kanilang mga puso, at upang magsipagsisi sila sa kanilang mga kasalanan at gumawa ng pagbabayad sa abot ng kanilang magagawa para sa mga pagkakamaling kanilang ginawa, at maging masunurin at malinis mula sa kanilang mga kasalanan, sa pamamagitan ng pagsisisi at pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pamamagitan ng isang may kapangyarihang gumanap sa banal na ordenansang ito.
Iniibig natin ang lahat ng tao. Wala tayong anumang nilalabanan sa sangkatauhan, at hindi sila kailanman sasalungatin hanggat hinahayaan lamang nila tayo. Hindi tayo makikipagdigma sa paniniwala ng iba; hindi tayo makikipagdigma sa kanilang mga simbahan, o sa kanilang mga paniniwalang pangrelihiyon. Hindi natin layunin na gawin ito, at hindi bahagi ng ating misyon na gawin ito, hayaan silang sumamba kung paano o ano o saan mang lugar na naisin nila.… Ang ating tungkulin ay magpatuloy lamang nang matuwid, gampanan ang ating tungkulin, ipangaral ang ebanghelyo sa pamamagitan ng mabuting halimbawa at gayon din sa tuntunin, at hayaang magliwanag ang ating ilaw sa kanilang pang-unawa upang makita nila makita ang ilaw katulad ng pagkakakita rito ng Diyos, at tanggapin ito, at lumakad dito, kung nanaisin nila.11
May mga kaaway ang gawain ng Panginoon, ngunit hindi hahayaan ng Diyos na mabigo ang ating mga pagsusumikap.
May mga kaaway sa gawain ng Panginoon, katulad din naman ng Anak ng Diyos na may mga kaaway. May mga yaong nagsasalita ng masama lamang tungkol sa mga Banal sa mga Hulingaraw. May mga yaong … ipinipikit ang kanilang mga mata sa bawat kabutihan at bagay na mabuti tungkol sa gawaing ito sa mga huling araw, at magpapaagos ng pagbaha ng kabulaanan at kasinungalingan laban sa mga tao ng Diyos.12
“Kung kayo’y taga sanglibutan, ay iibigin ng sanglibutan ang kaniyang sarili: nguni’t sapagka’t kayo’y hindi taga sanglibutan, kundi kayo’y hinirang ko sa sanglibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanglibutan.” (Juan 15:19) Ang mga tagasunod ni Jesus ay kanyang mga piniling tao, at dahil pinili sila niya, kinapupuotan sila ng mundo.… Ang paghamak ang pamana ng mga piniling tao. Dapat ba nating hangarin ang panghahamak ng mundo? Tiyak na hindi. Sa kabilang dako, hindi tayo dapat na panghinaan ng loob dahil dumarating ito kahit na hindi hinahangad.13
Hindi ako naniniwala na nagkaroon kailanman ng mga tao na ginabayan ng paghahayag, o kinilala ng Panginoon bilang kanyang mga tao, na hindi kinapuotan at inusig ng makasalanan at masasama.14
Mula sa araw na ipinahayag ng Propetang Joseph Smith ang kanyang pangitain hanggang ngayon, ang kaaway ng lahat ng kabutihan, ang kaaway ng katotohanan, ng kabutihan, ng dangal, ng pagkamatuwid, at kadalisayan ng buhay, ang kaaway ng tanging tunay na Diyos, ang kalaban ng tahasang paghahayag mula sa Diyos at ng mga inspirasyon na nagmumula sa kalangitan tungo sa tao ay inihanay laban sa gawaing ito.15
Sa aking sarili ay wala akong mga kaaway. Ang aking mga kaaway ay hindi sa akin, ngunit sila ay sa kanya na kung kanino nagsisikap akong maglingkod. Ang diyablo ay walang masyadong pakialam sa akin. Wala akong halaga, ngunit kinapupuotan niya ang Pagkasaserdote, na alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos!16
Sa katunayan, ang ebanghelyo ang nagdadala sa atin sa direksyon na salungat sa direksyon na pinatutunguhan ng sanlibutan. Hinahadlangan natin ang landas ng mga gawaing pawang makamundo at sinisira ang makalupang takbo ng buhay sa maraming paraan at sa maraming lugar. Ang mga taong maayos ang kalagayan at nasasagutan ang mga pangangailangan, ay hindi nagnanais na magambala. Ikinagagalit nila ito.… Ang mga Banal ay hindi kailanman ligtas sa pagsunod sa mga pagtutol at payo ng mga yaong naghahangad na palagi tayong makiisa sa mundo. May tiyak na misyon tayong dapat gampanan; at upang magampanan natin ito nang naaayon sa mga banal na layunin, tumatakbo tayong salungat sa mga paraan ng tao. Kinayayamutan tayo. Ang paghamak ng mundo ay napasaatin.17
Huwag matatakot; huwag babagalan ang inyong paggawa para sa katotohanan; mamuhay ayon sa dapat ipamuhay ng mga Banal. Kayo ay nasa tamang daan at hindi hahayaan ng Panginoon na mabigo ang inyong mga pagsusumikap. Nakatayo ang Simbahan na walang panganib mula sa pagsalungat at paguusig mula sa labas. May higit na katatakutan sa kawalang pagiingat, kasalanan at kawalan ng pakialam, mula sa atin mismo; higit na katatakutan ang isang taong mabigo sa paggawa ng mabuti at pag-ayon ng kanyang buhay sa mga inihayag na doktrina ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Kapag ginawa natin ang tama, ang lahat ay maaayos, palalakasin tayo ng Diyos ng ating mga ninuno at ang bawat pagsalungat ay maglilingkod lamang upang tumulong sa paglaganap ng kaalaman ng katotohanan.18
Ipaubaya natin ang ating mga kaaway sa mga kamay ng Diyos.
Nasusulat, at ito ay totoo, na bagamat kailangan ang mga kadahilanan, sa aba ng taong yaong pinanggalingan ng kadahilanan [tingnan sa Mateo 18:7]; ngunit sila ay nasa mga kamay ng Panginoon katulad rin natin. Hindi tayo dapat na magbigay ng malupit na paghahatol sa kanila. Nakahanda tayong ipaubaya sila sa mga kamay ng Pinakamakapangyarihan na siyang makikitungo sa kanila sa inaakala niyang makabubuti. Ang ating gawain ay ang gumawa ng kabutihan sa lupa, maghangad na makabuo ng kaalaman sa kalooban ng Diyos at pamamaraan ng Diyos, at ng kanyang mga dakila at maluluwalhating katotohanan na kanyang inihayag sa pamamagitan ni Joseph, ang propeta, hindi lamang para sa kaligtasan ng buhay kundi pati sa pagtubos at kaligtasan ng mga patay.19
Pakikitunguhan ng Diyos [ang ating mga kaaway] sa kanyang sariling panahon at sa kanyang sariling pamamaraan, at kailangan lamang nating gawin ang ating tungkulin, panatilihin sa atin mismo ang pananampalataya, gumawa tayo ng kabutihan sa mundo, at ipaubaya ang mga bunga sa mga kamay niya na naghahari sa lahat ng bagay para sa kabutihan ng mga yaong umiibig sa kanya at tumutupad sa kanyang mga kautusan.20
Wala tayong masamang damdamin sa ating mga puso sa sinumang nabubuhay na nilalang. Pinatatawad natin ang mga nagkakasala sa atin. Sa mga yaong nagsalita ng masama laban sa atin, at nagsinungaling tungkol sa atin sa harapan ng mundo, wala tayong masamang hangarin sa ating mga puso tungo sa kanila. Sinasabi natin, hayaan ang Diyos na humatol sa kanila at sa atin; hayaan siyang hatulan sila sa kanilang mga ginawa [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:11]. Hindi tayo magbubuhat ng kamay laban sa kanila; ngunit iaabot natin ang kamay ng pakikipagmabutihan at pakikipagkaibigan sa kanila, kung pagsisisihan nila ang kanilang mga kasalanan at lalapit sa Panginoon at mabuhay. Gaano man sila naging malisyoso, o gaano man kahangal ang mga ikinilos nila, kung pagsisisihan nila ito, tatanggapin natin sila nang may nakabukas na mga bisig at gagawin natin sa abot ng makakaya na tulungan silang iligtas ang kanilang sarili.21
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang inyong nadarama kapag nakapagpatawad kayo ng mga yaong nagkasala sa inyo? Sa palagay ninyo, bakit ang mga Banal sa mga Huling-araw na hindi nagagawang magpatawad ay higit na may kasalanan kaysa sa yaong nagkasala laban sa kanila? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 64:9–11.)
-
Kung batid natin na may isang taong masama ang loob sa atin, ano ang dapat nating gawin?
-
Paano nakatutulong sa atin ang “pagpapalaki sa kabutihan” sa ibang tao upang higit na magampanan “ang ating misyon … na iligtas ang sangkatauhan”?
-
Bakit kinakailangan na magkaroon tayo ng awa at pakikiramay sa ating mga kaaway? Anu-ano ang maaari nating isama sa ating mga panalangin para sa ating mga kaaway?
-
Bakit madalas na nararanasan ng mga Banal “ang paghamak ng mundo”? Paano tayo dapat na tumugon sa paghamak na ito? Bakit nakatayo ang Simbahan “na walang panganib mula sa pagsalungat at pang-uusig mula sa labas”?
-
Kapag tayo ay nasasaktan ng iba, bakit dapat na maging handa tayo na ipaubaya ang kanilang kaparusahan “sa mga kamay ng Pinakamakapangyarihan”?
-
Paano itinuring ng Tagapagligtas ang Kanyang mga kaaway? (Tingnan sa Lucas 23:34.) Paano natin matutularan ang Kanyang halimbawa ng “pag-abot ng kamay ng pakikipagmabutihan at pakikipagkaibigan” sa ating mga kaaway?