Kabanata 20
Ang Walang Hanggang Pagsasama ng Mag-Asawa
Maaaring makamtan ng lalaki at babae na pinagbuklod para sa kawalang-hanggan sa pamamagitan ng karapatan ng banal na pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kanilang katapatan, makamtan ang kadakilaan sa kahariang selestiyal ng Diyos.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Habang siya ay naglilingkod bilang tagapayo kay Pangulong John Taylor, naglakbay si Joseph F. Smith sa Hawaii kasama ng kanyang asawa na si Julina, na sinabi niya na “kasing tibay ng bakal; hindi nagbabago katulad ng bituin sa Hilaga; matapat katulad ng panahon at mainam pa sa ginto.”1 Sa Hawaii si Pangulong Smith ay dumanas ng malubhang karamdaman at siya’y inalagaan ni Julina hanggang sa bumalik ang kanyang kalusugan. Makalipas ang ilang buwan, noong Marso 1887, kinailangan ni Julina at ng kanyang mga anak na bumalik sa Estados Unidos habang si Joseph F. ay maiiwan sa isla.
Noong ika-15 ng Marso, isinulat niya sa kanyang talaarawan: “Ang barko ay inihanda na sa pag-alis ng alas-12 ng tanghali at pagsapit ng alas-12:15 nagsimula na siyang maglakbay; at ibinigay ko ang huling sulyap sa mga papalayong anyo ng aking mahal at minamahal sa buhay hanggang sa ang Diyos sa kanyang awa ay pahintulutan kaming magkitang muli. Nang ang barko ay malapit nang mawala sa aking paningin, dali-dali akong nagtungo [sa isang magandang puwesto] … upang tanawin muli ang pag-alis ng barkong Australia kasama ng kanyang mahahalagang banal na kayamanan hanggang sa mawala ito sa aking paningin pagdaan sa Diamond Head. Nang muli akong mapag-isa, ang aking kaluluwa ay tumangis hanggang sa ang aking mga luha’y masaid at naramdaman ang matinding kirot at dalamhati sa pagalis ng aking pinakamahahalagang kayamanan sa mundo.”2
Sa kabila ng sakit na dala ng paghihiwalay, alam ni Pangulong Smith ang kapangyarihan at pangako ng walang hanggang alituntunin na inihayag sa daigdig sa pamamagitan ng Propetang si Joseph Smith: “Ano ito? Ang pagsasama ng mag-asawa sa panahon at sa lahat ng kawalang-hanggan. … Sino ang nakauunawa sa pananagutan na nakapaloob sa pagsasama ng mag-asawa, hanggang sa inihayag ito ni Joseph Smith sa kapayakan at kalinawan nang gayon sa daigdig? … Iminulat nito ang aking mga mata. Kung may mga bagay na dito sa daigdig na naging dahilan upang ako ay maging mabuting tao o mabuting asawa, … ito ang yaong alituntunin na inihayag ng Panginoon, na siyang nagpakita ng mga pananagutan na mayroon ako.3
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Itinatag ng Diyos ang kasal para sa ating walang hanggan kaluwalhatian at kadakilaan.
Itinatag ng Diyos ang kasal sa simula pa. Nilalang Niya ang tao sa kanyang sariling larawan at wangis, lalaki at babae, at sa kanilang pagkalikha, itinalaga na nararapat silang maging isa sa banal na pagbibigkis ng kasal, at ang isa ay hindi magiging ganap kung wala ang isa.4
Ang matwid na pagsasama ng lalaki at babae ay isang paraan na makakamtan nila ang pinakamataas at pinakabanal na mithiin. Para sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ang kasal ay hindi itinalaga ng ating Ama sa Langit para lamang sa pagsasama rito sa lupa, kundi upang lampasan ang pagsubok ng panahon, makapagtiis para sa kawalang-hanggan, makapagbigay ng karangalan at kagalakan sa daigdig na ito, kaluwalhatian at buhay na walang hanggan sa darating na daigdig.5
[Ang ebanghelyo] ang siyang nagdadala sa kalalakihan at kababaihan at pinagbubuklod sila nito sa walang hanggang tipan ng kasal, na banal at dalisay, na ibinigay ng Diyos, na siyang nagbibigay ng mga pangangailangan at tinutugon ang mga pinakadalisay at pinakamalakas na hangarin ng kaluluwa. Ginagawa nitong buo ang mga kalalakihan at kababaihan—mga mag-asawa sa panahon at sa lahat ng kawalang-hanggan. O napakaluwalhating isipin ito!6
Ang Diyos ay hindi lamang naghabilin kundi iniutos niya ang pagpapakasal. Noong ang tao ay wala pang kamatayan, bago pa pumasok ang kasalanan sa daigdig, ang ating Ama sa Langit ang siyang nagsagawa ng unang kasal. Pinag-isa Niya ang ating mga unang magulang sa pagbibigkis ng banal na pagkakasal, at inutusan silang magpalaanakin, at magpakarami at kalatan ang lupa. Ang kautusang ito ay hindi niya kailanman binago, inalis o pinawalang-bisa; datapuwa’t nagpatuloy ito at umiiral sa lahat ng henerasyon ng sangkatauhan.7
(Ang mga tao) … ay higit at higit pang nagkakaroon ng makasarili at hindi makadiyos na ideya na ang pagpapakasal ay mali at kahihiyan ang pagkakaroon ng mga anak. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may ganap na pang-unawa na salungat sa kanilang pananaw, at naniniwala, at itinuturo bilang katotohanan ng ebanghelyo, ang una at dakilang banal na kautusan ng Diyos sa tao: “Kayo’y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin.” [Genesis 1:28.]
… Inutos, binigyan ng karapatan at itinatag ng Diyos ang pakikipag-ugnayan sa kasal. Ito ay ginawang napakapayak sa paghayag ng Diyos kay Propetang Joseph Smith, bilang patotoo ang salitang ito ay nasa Doktrina at mga Tipan, bahagi 49:15: “At muli, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sinuman ang magbabawal ng pagpapakasal ay hindi inorden ng Diyos, sapagkat ang kasal ay inorden ng Diyos sa tao.8
Ang kasal ay … isang alituntunin o ordenansa ng ebanghelyo, pinakamahalaga sa kaligayahan ng sangkatauhan, kahit na sa wari’y hindi ito mahalaga o hindi gaanong pinag-uukulan ng pansin ng marami. Walang labis o hindi kailangang alituntunin sa plano ng buhay, ngunit walang alituntunin na mas may dakila pang pagpapahalaga o may higit na pangangailangan para sa kaligayahan ng tao—hindi lang dito, ngunit lalung-lalo na pagkatapos ng buhay na ito, kaysa sa yaong pagpapakasal.9
Ito ay isang maluwalhating pribilehiyo upang pagsamahin bilang mag-asawa sa panahon at sa lahat ng kawalang-hanggan.
Isang maluwalhating pribilehiyo na mapahintulutan na makapasok sa Templo ng Diyos upang pagsamahin bilang mag-asawa sa pagbibigkis ng banal na kasal sa panahon at sa lahat ng kawalang hanggan sa pamamagitan ng karapatan ng Banal na Pagkasaserdote, na siyang kapangyarihan ng Diyos, sapagkat sila na pinagsama “ay huwag papaghiwalayin ng tao,” sapagkat pinagsama sila ng Diyos.10
Ang lalaki at babae na nangako sa ordenansang ito ng kasal ay nangangako sa mga bagay na lubhang may malaking epekto sa kanilang pagkatao, at may gayong kalaking kahalagahan, na nakasalalay doon ang buhay at kamatayan, at walang hanggang pagunlad. Doon nakasalalay ang walang hanggang kaligayahan, o walang hanggang kalungkutan.11
Bakit itinuro ng [Diyos] sa atin ang alituntunin ng walang hanggang pagsasama ng mag-asawa? … Nang sa gayon ang lalaking tinanggap ang kanyang asawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, sa panahon at sa lahat ng kawalang-hanggan ay may karapatang angkinin siya at ang babae na angkinin din naman ang kanyang asawa, sa darating na daigdig.12
Ang mga kalalakihan at kababaihan ay maaaring maligtas nang nag-iisa, subalit hindi sila madadakila nang magkahiwalay. Dapat silang pagsamahin sa yaong pagbibigkis na inihayag dito sa dakilang huling dispensasyon. Ang lalaki ay di maaaring walang babae sa Panginoon, at ang babae ay di maaaring walang lalaki sa Panginoon. Ano man ang sabihin o isipin ng mga kalalakihan at kababaihan na may kaugnayan dito, hindi nila makakamtan ang kadakilaan sa kaharian ng Diyos nang nag-iisa. …
Dumating tayo rito sa mundo upang iayon sa wangis ng Diyos. Nilikha Niya tayo sa simula pa sa Kanyang sariling larawan at sa Kanyang sariling wangis, at nilalang Niya tayo na lalaki at babae. Kailanman ay hindi tayo magiging kawangis ng Diyos kung hindi tayo lalaki at babae. … Kapag tayo ay naging tulad Niya makikita ninyo na tayo ay ihaharap sa Kanya sa anyo kung saan tayonilikha, lalaki at babae. Ang babae ay hindi magtutungo roon nang nag-iisa, at ang lalaki ay hindi magtutungo roon nang nagiisa, at aangkinin ang kadakilaan. Maaari nilang makamtan ang antas ng kaligtasan nang nag-iisa, ngunit kapag sila ay nadakila, ito ay naaayon sa batas ng kahariang selestiyal. Hindi sila maaaring dakilain sa ibang paraan.13
Hindi magkakaroon ng ganap na pagsasama sa panahon at kawalang-hanggan sa labas ng batas ng Diyos, at ng kaayusan ng kanyang bahay. Maaaring hangarin ito ng mga tao, maaari nilang maisagawa ito sa gayon ding pamamaraan, sa buhay na ito, ngunit wala itong bisa maliban kung ito ay ginawa at pinagtibay sa pamamagitan ng banal na karapatan, sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.14
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagpapakasal sa panahon at kawalang-hanggan, hindi upang paghiwalayin ang magasawa ng kamatayan. Ang pagkakasal na isinasagawa sa ilalim ng batas-sibiko at ng mga ministro ng ibang sekta ay isinasaalangalang na marangal at may-bisa hangga’t nauugnay sa buhay na ito, subalit upang magkaroon ng bisa sa kabilang buhay, may mga tipang dapat gawin para sa kawalang-hanggan, ang gayong pagsasama ay kinakailangang isagawa nang naaayon sa batas ng Diyos o sa ilalim ng kanyang karapatan o hindi ito magkakaroon ng lakas o bisa sa kabilang buhay. Ang mag-anak ang pundasyon ng walang hanggang kaluwalhatian, ang panimula ng isang kahariang walang katapusan. Makakasama ng lalaki ang kanyang asawa, ganoon din ang babae sa kanyang asawa, ang mga magulang sa mga anak, magpakailanman, kung tiniyak nilang makakasama sila sa paraang iniutos Niya na siyang may karapatan upang pangasiwaan ang lahat ng bagay na may kinalaman sa kanyang kaharian.15
Magpakasal sa isang miyembro ng Simbahan, sa tamang panahon, at sa bahay ng Panginoon.
Sinasabi namin sa kabataan, magsipag-asawa, at magpakasal sa tamang paraan. Magpakasal sa katulad ang pananampalataya, at hayaang isagawa ang seremonya sa lugar na inilaan ng Diyos. Mabuhay ka upang maging karapat-dapat ka sa biyayang ito.16
Nais kong maunawaan ng mga kabataang lalaki ng Sion na ang institusyong ito ng kasal ay hindi institusyong gawa ng tao. Ito ay sa Diyos. Ito ay kagalang-galang … ito ay hindi ganap na ginawa para sa kaginhawaan ng tao lamang, na mabigyang kasiyahan ang kanyang sariling kagustuhan at mga ideya; na magpakasal at pagkatapos ay maghiwalay, na tanggapin at pabayaan, dahil makasisiya ito sa kanya. Mayroong malaking kaparusahang kaugnay ito, mga kaparusahang umaabot nang lampas pa sa kasalukuyang panahon tungo sa lahat ng kawalang-hanggan, sapagkat sa gayong paraan ang mga kaluluwa ay isinilang sa daigdig, at nakakamtan ng mga kalalakihan at kababaihan ang pagiging tao sa daigdig. Ang kasal ay nagpapanatili sa lahi ng mga tao. Kung wala ito mabibigo ang mga layunin ng Diyos; mapipinsala ang kabutihan, magkakaroon ng lugar para sa kasamaan at katiwalian, at mawawalan ng kabutihan at saysay ang mundo.17
Ang hindi pag-aasawa at ang pagkakaroon lamang ng maliit na pamilya ay nagdadala ng ideya sa may mababaw na pag-iisip na ito ay kaaya-aya dahil nagbibigay ito ng maliit na responsibilidad. Ang espiritu na umiiwas sa responsibilidad ay umiiwas sa paggawa. Ang katamaran at pagiging mahilig sa kasayahan ang siyang nagaalis sa kasipagan at walang tigil na pagpupunyagi. Ang pagmamahal sa kasayahan at maginhawang buhay ang nagbibigay ng dahilan sa mga kabataang lalaki na ipagwalang-bahala ang pagaasawa at pagkakaroon ng pamilya bilang sagradong tungkulin.
… Ang kawalan nito sa tahanan ay kawalan na nararapat ding madama ng isang bansa, sa paglipas ng panahon. Panahon ang makapagpapatunay sa mga batas ng Diyos at sa katotohanan na ang kaligayahan ng bawat tao ay matatagpuan sa tungkulin at hindi sa kasayahan at kalayaan sa mga alalahanin.
Ang diwa ng sanlibutan ay nakahahawa. Hindi tayo nabubuhay sa gitna ng gayong kalagayan sa lipunan na hindi nararanasan ang epekto ng kanilang panunukso. Matutukso ang mga kabataan natin na sundin ang halimbawa na ipinakikita ng sanlibutan sa kanila. May malakas na kahiligan na pagtawanan ang obligasyon sa pag-aasawa. Ang kunwaring ambisyon ang siyang ginagawang dahilan upang ipagpaliban ang pag-aasawa hanggang sa ito ay makamit. Karamihan sa magagaling nating kabataan ay naghahangad na tapusin muna ang kanilang pag-aaral sa sarili nilang bansa o sa ibang bansa. Bilang mga likas na pinuno sa lipunan, ang kanilang halimbawa ay mapanganib at ang pagkakaroon ng maraming kadahilanan ay hindi magandang pag-uugali. Mas mainam pa na maraming kabataang lalaki ang hindi makapag-aral sa kolehiyo kaysa gawing dahilan ang pag-aaral sa kolehiyo sa dipag-aasawa gayong lampas na sila sa tamang edad.18
Ninanais ng mga kabataang lalaki na magkaroon ng malapalasyong tahanan, kumpleto sa kagamitan at mas makabago na katulad sa iba bago sila mag-asawa. Sa palagay ko ito ay isang pagkakamali. Sa palagay ko ang mga kabataang lalaki at babae man ay dapat na handa, maging sa panahong ito, at sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay-bagay na, upang pumasok sa banal na pagbibigkis ng kasal at magkasamang nakikipaglaban sa mga hamon ng buhay patungo sa tagumpay, harapin ang mga hadlang at suliranin nila, at tumangan sa isa’t isa upang magtagumpay, at magtulungan sa kanilang mga temporal na gawain nang sa gayon sila ay magtagumpay. Pagkatapos mas matutuhan nilang mahalin ang isa’t isa, at mas nagkakaisa sa buong buhay nila, at higit silang pagpapalain ng Panginoon.19
Nararapat na itanim ng mga may-karapatan sa Simbahan at ang naturo sa isipan ng miyembro ang pagiging banal ng pagpapakasal ituro ang tungkulin ng pag-aasawa, katulad ng inihayag sa atin sa mga huling araw. Kailangang magkaroon ng … pangunawa sa kapakinabangan ng marangal na kasal, at na makahahadlang sa sinumang kabataang lalaki o sinumang kabataang babae, na miyembro ng Simbahan, na may-asawa maliban na lang kung sa pamamagitan ng karapatang pinagtibay ng Diyos.20
Ang pag-aasawa ay nararapat na nakatatag sa alituntunin ng pagmamahal at sagradong pagmamahalan.
Hindi mahirap na tanganan ang pinakamataas na antas ng paggalang at maluwalhating pag-iisip sa tahanan, kung ito ay itinatag sa alituntunin ng kalinisan, ng tunay na pagmamahal, ng kabutihan at katarungan. Ang lalaki at ang kanyang asawa na may ganap na tiwala sa isa’t isa, at kung determinado na sundin ang batas ng Diyos sa kanilang buhay at ganap na gampanan ang la- yunin ng kanilang misyon dito sa mundo, ay hindi maaari at dimaaari kailanman, na magkaroon ng kaluguran kung wala ang tahanan. Ang kanilang mga puso, damdamin, pag-iisip, hangarin ay likas na tutungo sa pagtatatag ng isang tahanan at pamilya at ng sarili nilang kaharian; sa pagtatatag ng pundasyon ng walang hanggang pag-unlad at kapangyarihan, kaluwalhatian, kadakilaan at nasasakupan, daigdig na walang wakas.21
Ang tahanan ay hindi tahanan ayon sa ebanghelyo, maliban kung may nananahan doon na ganap na pagtitiwala at pagmamahalan sa pagitan ng mag-asawa. Ang tahanan ay lugar ng kaayusan, pagmamahalan, pagkakaisa, kapahingahan, pagtitiwala at ganap na pananalig; kung saan hindi makapapasok ang bahagyang pagdududa sa pagtataksil; kung saan ang babae at ang lalaki ay magkaroon ng ganap na tiwala sa karangalan at kalinisan ng bawat isa.22
Ang Sion ay hindi pook para sa labanan ng mga lalaki at babae. Nilayon ng Diyos na pag-isahin sila, at ipinahayag nga ito. Hindi ang paggawa ng Kanyang gawain ang nakapaghihiwalay sa kanila, o magparamdam na mayroon silang magkaiba at magkasalungat na hilig, at na ang paghihiwalay, hindi pagsasama, ang layunin ng kanilang pagkakalalang.23
Ano ngayon ang tinatawag na huwarang tahanan—na sadyang dapat pangaraping itayo ng mga Banal sa mga Huling Araw … ? Ito ang lugar kung saan pangalawa lamang ang pagsasaalangalang ng mga bagay ng daigdig. Ang lugar kung saan ang ama ay mapagmahal sa mag-anak na siyang pagpapalang ibinigay ng Diyos sa kanya, pinahahalagahan sila nang una sa lahat, at sa kabilang dako sila bilang ganti ay hinahayaang manahan sa kanilang mga puso. Aang lugar kung saan mayroong pagtitiwala, pagkakaisa, pag-ibig, banal na pagmamahalan sa pagitan ng ama at ina at mga anak at magulang. Ang lugar kung saan ang ina ay nalulugod sa kanyang mga anak, na tinutulungan ng ama—ang lahat sa pagiging mabuti, dalisay, may takot sa Diyos.24
Ang mga magulang—nararapat na mahalin at igalang ang isa’t isa, at pakitunguhan ang bawat isa nang may paggalang at kagandahang- asal at magiliw na pagpapahalaga, sa lahat ng oras. Ang lalaki ay nararapat pakitunguhan ang kanyang asawa nang may lubos na pagpipitagan at paggalang. Hindi niya dapat laitin ang kanyang asawa, hindi magsasalita nang masakit sa kanya, subalit sa tuwina’y pahahalagahan siya sa tahanan, sa harapan ng kanyang mga anak. … Ang babae rin ay dapat na pakitunguhan ang kanyang asawa nang may malaking paggalang at pagpipitagan … Ang babae ay dapat na maging kagalakan sa kanyang asawa, at dapat na mamuhay at kumilos nang maayos sa tahanan nang sa gayon ang tahanan ang maging pinakamasaya, pinakapinagpalang lugar sa mundo sa kanyang asawa. Ito ang dapat na kalagayan ng mag-asawa, ng ama at ina, sa sagradong bakuran ng banal na lugar na iyon, ang tahanan.25
Mga kapatid, walang anumang bagay ang dapat na pahintulutang pumagitan sa inyo—ama at ina, mag-asawa, walang dapat na anumang bahagyang pagkakaiba ng nararamdaman; hindi dapat hayaan ang isang bagay na pumagitan sa inyo at paghiwalayin kayo sa isa’t isa; huwag ninyo itong pahintulutan. Mahalaga ito sa inyong kapakanan at kaligayahan at sa pagkakaisa na dapat na naroroon sa inyong tahanan. Lahat tayo ay may mga kahinaan at kamalian. Minsan nakakikita ng kamalian ang lalaki sa kanyang asawa, at pagsasabihan niya ito. Minsan, nararamdaman ng babae na hindi ginagawa ng kanyang asawa ang makabubuti, at pagsasalitaan niya ito. Anong kabutihan ang magagawa nito? Hindi ba’t mas mainam ang kapatawaran? Hindi ba’t mas mainam ang pagibig sa kapwa? Hindi ba’t mas mainam ang pagmamahal? Hindi ba mas magandang huwag nang pag-usapan ang pagkakamali, huwag nang palakihin pa ang kahinaan sa paulit-ulit na pagbanggit nito? Hindi ba mainam ito? At hindi ba’t ang pagsasama na pinagtibay ng pagsilang ng mga anak at ng bigkis ng bago at walang hanggang tipan, ay mas tumitibay kapag kinaligtaan ninyong banggitin ang mga kahinaan at kamalian ng bawat isa? Hindi ba’t mas mainam na kalimutan ang mga ito at huwag nang banggitin pa ang tungkol dito—ibaon ang mga ito at banggitin lamang ang tungkol sa mabuti na nalalaman at nadarama, sa isa’t isa, at sa gayon ibinaon ang kamalian ng bawat isa at hindi na palakihin pa ang mga ito; hindi ba mas mainam ito?26
Ano pa ang higit na mas nakagagalak isipin kaysa sa katotohanang iniibig ng lalaki ang kanyang asawa at umiibig din sa kanya, kung kanino siya ay tapat at tapat din siya sa kanya sa lahat ng panahon ng pakikisama sa kanya bilang asawa at ina, ay magkakaroon ng pribilehiyo na bumangon sa umaga ng unang pagkabuhay na mag-uli na nadadamitan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan, at maipagpatuloy ang ugnayan na mayroon sila sa buhay na ito, ang ugnayan ng mag-asawa, ama at ina, mga magulang sa kanilang mga anak, na itatatag ang saligan ng walang hanggang kaluwalhatian at walang hanggang kadakilaan sa kaharian ng Diyos!27
Ito ay kasal, na pinatibay at pinagtibay ng Diyos, na kung saan itatatag ang maluwalhating tahanan—na nagpapala, nagpapasaya, dumadakila, at di-maglalaon ay umaakay sa pagsasama natin sa ating mga magulang sa langit, at sa walang hanggan, nagkakaisang buhay, at pag-unlad.28
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Sa anong mga layunin itinatag ng Diyos ang kasal? Paano nakatutulong ang walang hanggang kasal sa atin upang maunawaan natin ang ating “pinakamataas at pinakabanal na mithiin”?
-
Bakit “pinakamahalaga sa kaligayahan ng sangkatauhan” ang pagpapakasal? Bakit ipinalalagay ng iba na hindi ito mahalaga?
-
Paano nakasalalay ang walang hanggang pag-unlad at walang hanggang kaligayahan sa walang hanggang pagsasama ng magasawa? Ano ang nararamdaman ninyo sa pagkakaalam na makakasama ninyo ang inyong asawa sa lahat ng kawalang-hanggan?
-
Bakit kailangan nating hangarin na makasal sa templo?
-
Ano ang ibubunga ng inyong paglabag sa pagbibigkis ng bago at walang katapusang tipan ng kasal sa ating mga sarili at sa iba?
-
Anong mga hadlang ang maaaring umakay sa ilang tao upang ipagpaliban o iwasan ang pagpapakasal? Paano natin malalaman kung kailan tayo dapat ikasal?
-
Ipinopropesiya ni Pangulong Joseph F. Smith na ang pag-iwas sa mga responsibilidad ng pag-aasawa ay “isang kawalan na nararapat ding madama ng isang bansa sa paglipas ng panahon.” Paano ngayon nadarama ng bansa ang kawalang ito?
-
Paano mapalalakas ng tipan ng walang hanggang kasal ang magasawa kapag sila’y nahaharap “sa mga hadlang at suliranin”?
-
Bakit mahalaga “ang ganap na pagtitiwala” sa pagitan ng magasawa? Ano pa ang ibang katangian na dapat pagyamanin sa pagitan ng mag-asawa? Paano nakapagpapahina ang mga negatibong pag-uugali—katulad ng pagpuna, panglalait, di pagpapatawad at pagmamalaki sa mag-asawa?
-
Ano ang ibig sabihin ng pagiging isa ng mag-asawa? Anong mga sakripisyo ang kailangang gawin ng mag-asawa upang maging isa? Ano pang ibang bagay ang magagawa ng mag-asawa upang mapatibay ang walang hanggang pagsasama?