Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 36: Ang Salita ng Karunungan: Isang Batas Para sa Kalusugang Pisikal at Espirituwal ng mga Banal


Kabanata 36

Ang Salita ng Karunungan: Isang Batas Para sa Kalusugang Pisikal at Espirituwal ng mga Banal

Ang pagsunod sa Salita ng Karunungan ay magpapalakas sa ating mga katawan, magpapadakila sa ating mga kaluluwa, at magpapalapit sa atin sa Diyos.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith na ang Salita ng Karunungan ay higit pa sa pagbabawal laban sa tsaa, kape, tabako, at alkohol; naglalaman ito ng mga praktikal na payo para sa mabuting kalusugan at pag-unlad espirituwal, at ang mga Banal na sumusund dito ay mapapalapit sa Panginoon at higit na magiging katulad Niya. Upang paalalahanan ang mga Banal tungkol sa kahalagahan ng Salita ng Karunungan, binabasa niya kung minsan ang Doktrina at mga Tipan 89 sa kabuuan nito sa isang pagpupulong. “Ngayon, tila hindi na kinakailangan at wala sa lugar, marahil para sa marami, na gugulin ko ang oras ng malaking kongregasyong ito upang basahin ang pahayag na ito,” sabi niya minsan, ngunit gayunman ay binasa pa rin niya ang bawat salita upang bigyang-diin ang malaking halaga ng mensaheng ito.1

Sinabi niya: “May naaalala akong pangyayari na naganap tatlong taon na ang nakalilipas sa isang grupo ng mga tao na kasama kong naglalakbay. Mayroong isa o dalawa na pinipilit na makapagkape o makainom ng tsaa sa bawat lugar na hinihintuan nila. Ipinangaral ko ang Salita ng Karunungan sa buong paglalakbay na iyon; ngunit sinabi nila, ‘Ano ba ang halaga niyan? Narito si ganito at ganoon, na umiinom ng tsaa at kape.’ … Sinabi ko minsan, ‘Oo, sinabi mo na ayos lang ang uminom ng kaunting tsaa o kape, ngunit sinabi ng Panginoon na hindi. Ano ang susundin ko?’ Sinabi ng Panginoon na kung tutuparin natin ang Salita ng Karunungan, magkakaroon tayo ng daan patungo sa malaking kayamanan ng kaalaman, at mga natatagong kayamanan; tatakbo tayo at hindi mapapagod, at lalakad tayo at hindi manghihina; at ang mapangwasak na anghel ay lalampasan tayo, gaya ng mga anak ni Israel, at hindi tayo papatayin.… Ipagdarasal ko kayo at masikap na nagsusumamo sa inyo, aking mga kapatid, … na huminto sa paggamit ng mga ipinagbabawal na bagay na ito, at tuparin ang mga batas ng Diyos.”2

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Dapat nating sundin ang Salita ng Karunungan para sa ating kapakinabangan at kaunlaran.

Nakakikita tayo ng malalaking dahilan upang ang mga alituntunin na nilalaman ng kabanatang ito ng aklat ng Doktrina at mga Tipan [bahagi 89] ay maituro sa mundo, lalo na sa mga Banal sa mga huling-araw. Walang iba ito kundi ang payak na Salita ng Karunungan na ibinigay noong 1833, para sa kapakinabangan, pantulong, at sa kaunlaran ng mga Banal sa mga Hulingaraw, upang kanilang dalisayin at ihanda ang kanilang sarili na lumapit sa kinaroroonan ng Panginoon, upang sa pamamagitan ng pagtupad sa batas na ito, ay maihahanda nila ang kanilang sarili na tamasahin ang mga biyaya na higit Niyang nais na ipagkaloob sa kanila, kung sila ay karapat-dapat.…

Nais kong sabihin nang malinaw sa inyo, mga kapatid, na wala nang iba pang landas na maaari nating tahakin sa mundo, hinggil sa ating kagalingan at kalusugang temporal, nang higit na mainam kaysa itinuro ng Diyos sa atin. Bakit hindi natin mapagtanto ito? Bakit hindi natin lubusang maunawaan ito? Bakit hindi natin maipagkait sa ating sarili ang ninanais ng ating mga duwag na pagnanasa? Bakit hindi natin higit na matutupad ang kalooban ng Panginoon na ipinabatid sa atin sa pahayag na ito? … Kung tutuparin ng lahat ng tao ang kautusang ito, ang napakalaking halaga ng pera na napupunta sa mundo para sa mga matatapang na inumin at sa iba pang mga bagay na ito na ipinagbabawal ng salita ng karunungan, ay matitipid sa tahanan, at ang kalusugan, kaunlaran at kaligtasang temporal ng mga tao ay madaragdagan nang naaayon. Walang sinumang tao ang makalalabag sa mga batas ng Diyos na may kaugnayan sa kalusugan at kaligtasang temporal, at makatatamasa sa mga biyayang ito sa antas na maaari niyang matamo at matatamo kapag kanyang sinusunod ang mga utos ng Diyos.…

Walang sinumang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling-araw ang dapat na tumanggap sa kanyang sarili ng kawalan ng dangal o magdala sa kanyang sarili ng kahihiyan sa pagpasok sa pintuan ng tindahan ng alak o bahaypasugalan.… Walang sinumang Banal sa mga Huling-araw, walang miyembro ng Simbahan ang makagagawa nito, sapagkat ito ay kahiya-hiya sa kanya, kakutya-kutya sa kanya ang gawin ito, at ang Diyos ay hahatulan siya alinsunod sa kanyang mga gawa. Ang isang lalaki o babae na tunay na naniniwala sa mga doktrina ng Simbahan o nagsasabing kasapi siya sa Simbahan, na naniniwala at ipinamumuhay ang mga alituntunin na nilalaman sa “Salita ng Karunungan” ay hindi kailanman maibibilang sa mga yaong nagdadala ng kahihiyan sa kanilang sarili, sa kanilang mga kapit-bahay, o sa Simbahan na kung saan kabilang sila; hindi nila ito gagawin kailanman.

… Ang Panginoon ay hindi nalulugod sa kawalan ng kahinahunan, sa kalasingan, ni magkakaroon Siya ng kasiyahan sa kahirapan, sa pagkaimbi at pagkawasak na idinudulot ng mga gawaing ito sa mga lasenggo at sa mga yaong umaasa sa kanila, ang pagkawasak ng pagkalalaki, ang pagkawasak ng samahan sa mga pamilya at ang pagkaimbi ng mga yaong gumagawa nito, na nagdudulot ng kahirapan, pagkawasak, at kamatayan sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya. Ang bawat miyembro ng Simbahan, lalaki at babae ay dapat na labanan nang may katatagan ang anumang bagay na labag sa mga batas ng Diyos, upang kailanman ay hindi sila magapi o sumunod sa panunukso ng kasamaan. Dapat na magkaroon tayo ng higit na dalisay na mga komunidad, mga komunidad na hindi gumon sa bisyo, at mapanirang mga kaugalian at gawain.…

Marahil, ang mga yaong nasanay na sa mga kaugaliang ito ay nag-aakala na ito ay maliit na bagay o isang bagay na hindi mahalaga upang pag-usapan sa isang malaking kongregasyong kagaya nito ngunit sa tuwing makikita ko ang isang kabataang lalaki o isang lalaki, bata o matanda man, na gumon sa kaugaliang ito at ginagawa ito nang harap-harapan, napipilitan akong tanggapin ang paniniwala sa aking isipan na siya ay walang malay sa kalooban ng Diyos tungkol sa tao o kinakalaban niya ang kalooban ng Diyos at walang anumang pakialam sa salita ng Panginoon, at ito lamang ay sapat na upang makapaghatid ng kalungkutan sa puso ng sinumang tao na may pagpapahalaga o paggalang sa salita o kalooban ng Panginoon at naghahangad na matupad ito.…

Nananalangin tayo sa Diyos na pagalingin tayo kapag tayo ay maysakit, at pagkatapos ay tumatalikod tayo sa ating panalangin upang gamitin ang mga bagay na sinabi Niyang hindi mabuti para sa atin! Gaano kalihis para sa isang tao na humiling sa Diyos na basbasan sila, kung sila mismo ay tumatahak sa landas upang masaktan o makapagdulot ng kasamaan sa kanila. Hindi nakapagtatakang hindi nasasagot ang ating mga panalangin, at hindi nakapagtatakang ang ating kalusugan ay hindi bumubuti kaysa kalagayan nito, kapag tayo ay nagugumon sa mga gawaing sinabi ng Diyos na hindi mabuti para sa atin at dahil dito ay nagdudulot tayo ng kasamaan sa ating buhay at pangangatawan; at pagkatapos ay babaling tayo sa Panginoon at hihilingin sa Kanya na pagalingin tayo mula sa mga kinalabasan ng ating kalokohan, at mga mapanirang gawain; mula sa mga bunga ng kasamaan na dinala natin sa ating sarili na batid nating hindi dapat gawin. Kaylaking kalokohan ang ganito!

Kapag nakakikita ako ng isang tao na nagsasabing isa siyang Banal sa mga Huling-araw, o kahit na nagsasabing isa siyang miyembro ng Simbahan, … na pinaaamoy ang kanyang hininga ng nakalalasing na inumin, ng usok ng tabako, o hindi kinakailangang paggamit ng mga gamot, nalulungkot ang aking espiritu, ang aking kaluluwa ay umaabot sa kanya sa pagkaawa at malungkot na panghihinayang, at nagtataka ako kung bakit tayo, bawat isa sa atin, ay hindi mapagtanto ang ating sariling kalokohan, ang sarili nating pagkaimbi sa pagsunod sa mga nakasisirang kaugaliang ito na hindi naman nakabubuti o nakapagpapaganda, o kapaki-pakinabang sa anumang antas, ngunit tunay na mapanganib. Bakit hindi tayo makaangat sa antas ng katalinuhan kung saan magagawa nating sabihin sa manunukso, “Lumagay ka sa likuran ko,” at tumalikod sa paggawa ng kasamaan. Kaylaking kahihiyan marahil sa isang taong nag-iisip na madamang alipin siya ng kanyang mga pagnanasa, sa isang labis-labis at nakasisirang kaugalian, paghahangad, o pagnanasa.4

Sa pamamagitan ng pamumuhay sa Salita ng Karunungan, magagawa nating bigyang-halaga ito.

Dapat nating sundin ang Salita ng Karunungan na ibinigay sa atin.… Ang lasenggo ay nagiging alipin ng kanyang inumin; ang iba ay nagiging mga alipin ng tsaa, kape at tabako, at dahil dito ay itinuturing nilang kinakailangan ang mga ito sa kanilang kaligayahan; ngunit hindi naman talagang kinakailangan ang mga ito sa kanilang kaligayahan o sa kanilang kalusugan. Tunay na mapanira ito sa kanilang kalusugan.… Sa pamamagitan ng pamumuhay ng salita ng Panginoon na magagawa nating mapahalahagan ito, hindi sa pamamagitan ng pagtingin lamang dito nang hindi ito ginagawa. Kapag ginagawa natin ang kalooban ng Diyos, ay makikila natin ang turo, na ito ay sa Diyos; dahil dito ay makapagtatayo tayo ng bahay sa ibabaw ng bato; at kapag bumaha at at hinampas ng hangin ang bahay na yaon, hindi ito babagsak.5

Sa nakalululang pakikipaghabulan ng buhay sa mga makamundong parangal para sa pagkakaroon ng mga nasisirang bagay sa lupang ito, hindi humihinto ang mga tao kapag hindi pa sila pagod, at hindi sila namamahinga kapag hindi pa sila nanghihina. Lumalabas na inaakala nila na ang kinakailangan nila kapag sila ay napapagod at nanghihina ay gumamit ng mga pampasigla upang muli silang maging sariwa, upang makatakbo pa sila nang malayo-layo sa loob ng ilang sandali. Sa ganitong paraan pinalalakas ng isang negosyante ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pag-inom ng malalakas na inumin. Ang isang kabiyak at ina ng tahanan, na may pananagutang pangalagaan ang kanyang pamilya, makaraan siyang gumawa hanggang sa manghina, ay nag-aakala na kailangan niya, upang mapanatili ang kanyang lakas, na uminom ng isang tasang kape o tsaa, at dahil dito ay mapasisigla at mapalalakas niya ang sarili sa loob ng ilang sandali upang matapos niya ang mga gawain sa maghapon. Ngayon, kung ang dalisay na katalinuhan ng Espiritu ng Diyos ang ipapalit sa pampasiglang lakas ng tsaa at alak; kung magagawa natin sa isang paraan na makatamo ng sapat na bahagi ng Espiritu ng Panginoon na nasa atin na siyang magbibigay sa atin ng kabatiran kung ano ang nararapat nating gawin kapag nadarama natin ang pagod at panghihina na dumarating sa atin, nang hindi umiinom ng mga pampasigla at droga na nakasisirang lubha sa ating pangangatawan at ginagawa tayong mga alipin sa isang nakaugaliang pagnanasa, ay higit na mainam ito para sa atin.…

Higit kong nanaisin na makadama ng pagod at pagkahapo dahil sa paggawa, at hayaan ang kalikasan na magkaroon ng pagkakataon na ibalik ang lakas ng aking sarili, kaysa tangkain kong gamutin ito sa pamamagitan ng paggamit ng narkotika at droga na sisipsip sa kaibuturan ng aking kalusugang pisikal at espirituwal. Ngunit, dahil sa hindi natin sinusunod ang Salita ng Karunungan, paano tayo magkakaroon ng karunungan, kaalaman at kaunawaan na siyang mangangasiwa sa ating mga kilos? Ang pangako ay kapag susundin natin ito, magkakaroon tayo ng kaalaman, at lalampasan tayo ng mangwawasak, at makalalayo tayo sa mga yaong kasamaan na dumarating sa mga masasama.6

Ang pagtalima sa Salita ng Karunungan ay magpapalapit sa atin sa pagiging katulad ng Panginoon.

Naniniwala ako na nalalapit na tayo sa punto kung saan maaari nating matupad ang dakila at maluwalhating batas ng kaninahunan na ibigay sa atin ng Pinakamakapangyarihang Panginoon, kung saan sinabi Niya na ang matatapang na inumin ay hindi mabuti, na ang tabako ay hindi para gamitin ng tao, o para sa tiyan.… Nalalapit na tayo sa pagpapasiya na batid ng Panginoon ang pinakamainam, nang ibigay Niya sa Simbahan, sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, yaong “Salita ng Karunungan,” na nilalaman sa aklat ng mga pahayag mula sa Panginoon.… Ang malaking bahagi ng mga tao ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling-araw ay palapit nang palapit sa tamang pagsunod sa batas na ibinigay sa atin ng Panginoon para sa ating kalusugan, para sa pag-iingat sa ating mga buhay; nang tayo ay magkaroon ng pagkakaisa sa Kanyang Espiritu at sa Kanyang kalooban, nang tayo ay maging malinis at walang dungis, nang tayo ay mapalapit sa pagiging katulad Niya na kung Sino ay walang kasalanan, na kung Sino ay tunay na dalisay at banal katulad ng Diyos na dalisay at banal.7

Ang isang kabataang lalaki na nagnanais na makayanan ang mundo, na magkaroon ng sigla, at sariwa para sa mga pakikibaka sa buhay, ay makasusumpong ng lakas sa pamumuhay alinsunod sa salita ng Panginoon; sapagkat ang pangako ay ang lahat “na makatatandang sumunod at gawin ang mga salitang ito, lumalakad sa pagsunod sa mga kautusan, ay tatanggap ng kalusugan sa kanilang pusod at kanilang utak-sa-bato, at makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan; at tatakbo at hindi mapapagod, at lalakad at hindi manghihina; at ako, ang Panginoon, ay nagbibigay sa kanila ng pangako, na ang mapangwasak na anghel ay lalampasan sila, gaya ng mga anak ni Israel, at hindi sila papatayin.” [Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89:18–21.]8

Hindi pa ba sapat ang mga maluwalhating pangakong ito upang mayakag tayo na sumunod sa Salita ng Karunungan na ito? Wala bang bagay dito na karapat-dapat sa ating pagpansin? Hindi ba ang “malaking kayamanan” ng kaalaman, maging “mga natatagong kayamanan,” ay mga bagay na dapat hangarin? Ngunit kapag nakikita ko ang kalalakihan at kababaihan na ginagawang sugapa ang kanilang mga sarili sa paggamit ng tsaa at kape, o malalakas na inumin,o tabako sa anumang uri, sinasabi ko sa aking sarili, narito ang kalalakihan at kababaihan na hindi pinahahalagahan ang pangako na ginawa ng Diyos sa kanila. Niyuyurakan nila ito sa ilalim ng kanilang mga paa, at itinuturing na walang-saysay. Hinahamak nila ang salita ng Diyos, at sumasalungat dito sa kanilang mga kilos. At kapag ang mga paghihirap ay dumarating na sa kanila, halos handa na silang isumpa ang Diyos, dahil hindi niya dinidinig ang kanilang mga panalangin, at hinahayaan silang tiisin ang karamdaman at sakit.9

Ngayon, inaasam ko nang buong puso—dahil sinasabi ko ito, kundi dahil ito ay nasusulat sa salita ng Panginoon—na susundin ninyo ang Salita ng Karunungan na ito. Ibinigay ito sa atin … para gabayan tayo, para sa ating kaligayahan at pagsuong sa bawat alituntunin na may kaugnayan sa kaharian ng Diyos, sa panahon at sa kawalang-hanggan, at nakikiusap ako sa inyo na sundin ito. Gagawa ito ng mabuti sa inyo; padadakilain nito ang inyong mga kaluluwa; palalayain nito ang inyong mga pag-iisip at ang inyong mga puso mula sa diwa ng pagkawasak; padaramahin kayo nito na tulad ng Diyos, na tinutulungan maging ang maya, upang hindi ito mahulog sa lupa, nang hindi nito namamalayan; gagawin kayo nitong higit na malapit sa pagkakatulad sa Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas ng mundo, na nagpagaling sa maysakit, na pinatalon sa kagalakan ang isang lumpo, na pinanumbalik ang pandinig sa bingi at paningin sa bulag, na namahagi ng kapayapaan, kagalakan, at ginhawa sa lahat ng makasama niya.10

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Para sa anu-anong layunin ibinigay ang Salita ng Karunungan sa atin? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 89:1–4.)

  • Paano gumagapos ang mga nakasusugapang sustansiya o gawain sa ating mga katawan at nagpapapurol sa ating pagkakakilala sa mga impluwensiya ng Espiritu?

  • Anu-anong uri ng “pagkawasak at pagkasira” ang madalas na kaakibat nang hindi pagsunod sa Salita ng Karunungan? Kapag binabale-wala ng mga tao ang payo sa Salita ng Karunungan, paano madalas na magdusa ang kanilang mga mahal sa buhay?

  • Paano makatutulong ang pagsunod sa Salita ng Karunungan sa atin na magkaroon ng “higit na dalisay na mga komunidad, mga komunidad na hindi gumon sa bisyo, at mapanirang mga kaugalian at gawain”?

  • Sa anu-anong paraan natutuhan ninyong pahalagahan ang Salita ng Katunungan sa pamamagitan ng “pamumuhay ng salita ng Panginoon”? (Tingnan din sa Juan 7:17.)

  • Paano ninyo nakita ang mga pangako na ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 89 na natupad sa inyong buhay o sa buhay ng iba (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 89:18–21.)

  • Paano makatutulong ang pagtupad sa Salita ng Karunungan sa atin na magkaroon ng “katalinuhan, kaalaman at kaunawaan” na kung alin ay mapangangasiwaan natin ang ating mga kilos?

  • Paano pinadadakila ng pagsunod sa Salita ng Karunungan ang ating mga kaluluwa? Paano nito pinalalaya ang ating mga pagiisip at mga puso mula sa diwa ng pagkawasak? Paano magagawa ng pagtupad sa batas na ito na tayo ay “maging higit na malapit sa pagkakatulad sa Anak ng Diyos”?

Mga Tala

  1. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latterday Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 tomo (1965–75), 4:180–81.

  2. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon, (1939), 366–67.

  3. Sa Messages of the First Presidency, 4:179-80, 182–85; idinagdag ang pagtatalata.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1908, 4.

  5. Deseret News: Semi-Weekly, ika-20 ng Nob. 1894, 1.

  6. Deseret News:Semi-Weekly, ika-7 ng Abr. 1895; idinagdag ang pagtatalata.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1908, 4.

  8. Gospel Doctrine, 241.

  9. Gospel Doctrine, 366.

  10. Gospel Doctrine, 365–66.

Daniel Refusing the King’s Meat and Wine

Tinatanggihan ni Daniel ang Karne at Alak ng Hari, ni Del Parson. Tinanggihan ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan ang pagkain at inumin ng hari ng Babilonia dahil batid nilang hindi ito mabuti para sa kanila. Lumaki silang malusog at malakas at nabiyayaan ng karunungan dahil pinili nilang kumain ng mga pagkaing mabuti para sa kanila.