Kabanata 14
Pagiging Matapat na mga Mamamayan
Dapat nating sundin ang batas ng Diyos at ng mga tao, na iginagalang ang pagiging miyembro natin sa Simbahan at ang ating pagiging mamamayan sa bansa kung saan tayo nakatira.
Hango sa Buhay ni Joseph Smith
Ang personal na buhay ni Pangulong Joseph F. Smith ay isang halimbawa ng pagiging mabuting mamamayan at paglilingkod sa komunidad. Naglingkod siya bilang mambabatas sa Lehislatura Teritoryal ng Utah sa loob ng ilang magkakaibang panahon mula 1865 hanggang 1882; naglingkod siya sa konsehong panglungsod noong 1867; at miyembro siya ng kumbensiyon noong 1895 na sumulat ng saligang-batas ng estado ng Utah.
Si Pangulong Smith, na nakasaksi sa karahasan ng mga mandurumog sa Nauvoo, ay madalas na magsalita tungkol sa kahalagahan ng kapangyarihan ng batas sa isang sibilisadong lipunan. Siya at ang kanyang mga Tagapayo sa Unang Panguluhan ay hinikayat ang mga Banal na maging mga mamamayang masunurin sa batas at matapat saan man sila nakatira, at tapat sa kanilang sinumpaan sa kanilang mga pamahalaan.1 Sa isang pagkakataon, nang ang isang opisyal ng pamahalaan ay magpahayag ng paglapastangan sa Saligang-batas ng Estados Unidos, ganito ang itinugon ni Pangulong Smith: “Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi maaaring tumanggap ng pag-uugaling ganito. Iyo ay anarkiya. Nangangahulugan ito ng pagkawasak. Ito ang diwa ng paghahari ng karahasan, at batid ng Panginoon na dumanas na tayo ng sapat na paghihirap dahil sa paghahari ng karahasan, at hindi natin nais pang maragdagan pa nito. … Hindi natin mapapayagang magpasailalim sa ganyang diwa o palakasin ito kahit na bahagya. Dapat tayong manindigan nang matatag laban sa bawat diwa o uri ng paglalapastangan o kawalang-paggalang sa saligang-batas ng ating bansa at sa mga batas konstitusyonal ng ating inang bayan.”2
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay tapat sa kanilang bansa.
Gumawa tayo ng tama, tuparin ang mga batas ng Diyos, at ang mga batas ng tao, igalang ang ating pagiging miyembro sa kaharian ng Diyos, ang ating pagiging mga mamamayan … sa bansa kung saan tayo kabilang, at palalakasin at iingatan tayo ng Diyos, at patuloy tayong uunlad kagaya noon sa simula, subalit ang ating pag-unlad ay higit na mabilis at malaki kaysa noong nakaraan.3
Turuan ang inyong mga anak na igalang ang batas ng Diyos at ang batas ng estado, at ang batas ng bansa. Turuan sila na igalang at ituring nang may pagsaalang-alang ang mga yaong pinili ng mga tao upang tumayo bilang kanilang pinuno at ipatupad ang katarungan at pamahalaan ang mga batas. Turuan sila na maging matapat sa kanilang bansa, matapat sa katuwiran at kawastuhan at karangalan, at dahil dito ay magsisilaking mga lalaki at babaing higit sa lahat ng kalalakihan at kababaihan sa mundo.4
Ang maging isang Banal sa mga Huling Araw sa bawat kilos ay pagiging isa sa pinakamabubuting tao o kabataan ng Diyos sa daigdig. … Ang isang mabuting Banal sa mga Huling Araw ay magiging isang mabuting mamamayan, maging siya man ay nakatira sa Gran Britanya, o sa Estados Unidos, Olandes, Alemanya o saan pa mang bansa sa daigdig. Kapag isa siyang mabuting Banal sa mga Huling Araw, siya ay magiging isang mabuting mamamayan sa lupang kanyang sinilangan o tinitirahan. … Ang isang mamamayan sa kaharian ng Diyos ay dapat na tumayo sa kalipunan ng pinakamabubuting tao ng Diyos sa buong daigdig.5
Ipinananalangin ko hindi lamang ang kaunlaran ng Sion kundi ang kaunlaran ng ating bansa. Dapat nating palaging isaisip na hindi lamang tayo mga mamamayan ng kaharian ng Diyos, ngunit tayo rin ay mga mamamayan ng … mga estado kung saan tayo naninirahan. Palagi tayong naging matapat sa ating Estado at Bansa, gayun din naman sa Simbahan ng Diyos. … Maging handa tayong lumaban sa mga pakikipagdigma ng ating bansa, upang ipagtanggol ang kanyang karangalan, upang panatilihin at pagtibayin ang kanyang mabuting pangalan, at pinapanukala nating magpatuloy sa ganitong katapatan sa ating bansa at sa ating mga tao hanggang sa wakas.6
Kung ang kabayanihan at katapatan ay mga katangiang ipinakikita sa panahon ng kapayapaan, sa pamamagitan ng pamumuhay nang makatarungan, mahinahon, mapangkawanggawa, masipag, at malinis; sa panahon ng pagsubok, sa pamamagitan ng pagtitiis, paglaban nang ayon lamang sa mga pamamaraan ng batas sa mga paglabag, at sa pamamagitan ng pagpapasailalim sa mga batas ng bansa, bagamat kakikitaan ng kapighatian at kalungkutan; at sa panahon ng digmaan, sa pamamagitan ng kahandaang lumaban sa mga pakikipaglaban ng bansa,—samakatuwid, walang pagaalinlangan, ang mga “Mormon” ay mga taong may kabayanihan at katapatan.7
Basbasan nawa kayo ng Pinakamakapangyarihang Panginoong Diyos. Punong-puno ang aking puso ng pagbabasbas para sa mga Banal sa mga Huling Araw. Iniibig ko nang buo kong puso, ang taong batid kong isang tapat, matwid, tunay, at matapat na Banal sa mga Huling Araw. Ang isang taong tumutugon sa ganitong paglalarawan ay isa sa pinakamabubuting mamamayan ng anumang bansa; mabuti siyang mamamayan ng anumang lungsod, ng anumang bansa, ng anumang estado, o ng anumang bayang kinabibilangan niya; at siya ay isa sa mga pinakamahuhusay. Ang isang tunay na Banal sa mga Huling Araw ay isang mabuting asawa, isang mabuting ama, isang mabuting kapitbahay, isang mabuting mamamayan, isang mabuting tao sa anumang aspeto ng buhay.8
Ang kabutihan ay nagpapadakila sa isang bansa.
Ang isang pangkaraniwang tahanang “Mormon” ay siyang templo ng mag-anak. … Dito itinuturo at magiliw na ipinatutupad ang mga tuntuning moral at katotohanang pangrelihiyon na, kung pagsasama-samahin, ay bumubuo sa kabutihang nagpapadakila sa isang bansa, at nagwawaksi sa kasalanan na isang kapahamakan sa anumang lipi. … Dito, ang ating mga anak ay humaharap sa anumang maiisip ninyong pagsubok na maihahambing sa iba; pagsaalang-alang sa katotohanan, pagpipitagan sa matatanda, paggalang sa Diyos, pag-ibig sa kapwa, katapatan sa bansa, paggalang sa batas, kahusayan sa mga kilos, at pinakahuli, … kalinisan ng isipan at kadalisayan ng pag-uugali. Hindi isang walang batayang pagpupuri sa sarili ang sabihin na ang mga salinlahi ng ating mga tao, na isinilang at pinalaki sa mga tahanang “Mormon”, ay maihahambing nang mabuti, sa larangan ng mga pag-uugaling Kristiyano, at sa lahat ng bagay na lumilikha ng mabuting pagkamamamayan, sa anumang komunidad sa bansang ito o sa anupamang bansa.9
Ang “Mormonismo” ay nasa daigdig para sa kabutihan ng daigdig. Nagtuturo ng katotohanan, nangangaral ng moralidad, nangangalaga sa kadalisayan ng tahanan, gumagalang sa kapangyarihan at pamahalaan, nagsusulong sa edukasyon, at dumadakila sa kalalakihan at kababaihan, ang ating relihiyon ay tumutuligsa sa krimen, at kalaban ng anumang uri ng pang-aapi. Ang “Mormonismo” ay naghahangad na mag-angat, at hindi upang mangwasak ng lipunan.10
Ang isang mabuting Banal sa mga Huling Araw ay isang mabuting mamamayan sa anumang bagay. Nais kong banggitin sa mga kabataang lalaki ng ating komunidad: maging huwarang mga Banal sa mga Huling Araw, at huwag hayaan ang anumang bagay na pumigil sa inyo na hangarin ang pinakamataas na mga katayuan na maiaalok sa inyo ng ating bansa. Kapag kayo ay nasa isang katayuan na, hayaan ang inyong kabutihan, ang inyong integridad, ang inyong katapatan, ang inyong kakayahan, ang mga itinuro sa inyo ng inyong relihiyon, na naitanim sa inyong mga puso noong kayo ay kalong pa ng inyong mga inang “Mormon” na “lumiwanag na gayon … sa harap ng mga tao, upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin
Basbasan nawa ng Panginoon ang ating pamahalaan at gabayan ang mga yaong may hawak ng kapangyarihan sa kanilang mga kamay na gawin ang yaong matwid, kaaya-aya at katanggaptanggap sa Diyos.12
Naniniwala tayo sa doktrina ng paghihiwalay ng Simbahan at estado.
Ang mga miyembro ng Simbahan ay inaatasan sa pamamagitan ng Banal na paghahayag … : “Walang sinumang tao ang lalabag sa mga batas ng lupain, sapagkat siya na sumusunod sa mga batas ng Diyos ay hindi kailangang lumabag sa mga batas ng lupain.” [Doktrina at mga Tipan 58:21.]13
Tungkol sa mga batas ng Simbahan, malinaw na sinasabing. …
“Masdan, ang mga batas na inyong tinanggap mula sa aking kamay ay mga batas ng Simbahan, at sa ganitong pananaw inyo itong panghahawakan.” [Doktrina at mga Tipan 58:23.]
Ang ibig sabihin, walang batas o paghahayag na tinaggap ng Simbahan, ang ipinaiiral para sa Estado. Ang ganitong mga batas at paghahayag ay ibinigay para lamang sa pamamahala ng Simbahan.
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala sa doktrina ng paghihiwalay ng simbahan at estado; ang hindi pakikialam ng pamahalaang simbahan sa mga bagay pulitikal; at ang lubos na kalayaan at kasarinlan ng isang tao sa pagtalima sa kanyang mga tungkuling pulitikal. Kung may pagkakataon mang may mga nalilihis sa doktrinang ito, ito ay paglabag sa matagal nang pinaiiral na mga alituntunin at patakaran ng Simbahan.
Ating ipinahahayag na mula sa alituntunin at patakaran, ating kinakatigan: Ang ganap na paghihiwalay ng Simbahan at estado; Hindi pangingibabaw ng simbahan sa estado; Hindi pakikialam ng simbahan sa mga gawain ng estado; Hindi pakikialam ng estado sa mga gawain ng simbahan, o sa malayang pamumuhay ng relihiyon; Ang ganap na kalayaan ng tao mula sa pangingibabaw ng pamahalaang simbahan sa mga gawaing pulitikal; Ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng simbahan sa harapan ng batas.14
Hindi lumalahok ang Simbahan sa pulitika; ang mga miyembro nito ay kabilang sa mga lapiang pulitikal nang ayon sa kanilang kagustuhan. … Hindi hinihiling sa kanila, at lalong hindi kinakailangan, na bumoto nang ganito o ganyan. … Ngunit hindi maaaring ipagkait sa kanila ang kanilang mga karapatan bilang mga mamamayan, at walang dahilan para ipagkait ito, dahil sila, sa pangkalahatan, ay kasing tapat, at hinahon, kasing edukado, kasing sipag, kasing buti, kasing moral, kasing tipid, at kasing karapat-dapat sa anumang bagay sa sinumang mga tao sa bansa, o sa mundo.15
Tayo ay dapat magpasakop sa kapangyarihang umiiral hanggang sa pagdating ng kaharian ng Diyos.
Ang Biblia, na isa sa mga nakasulat na pamantayan ng Simbahang “Mormon” ay punong-puno ng mga pagbabadya at mga pangako ng pagtatatag ng Banal na pamahalaan sa lupa; ng pagdating ng pamumuno ng katuwiran na sasakop sa lahat ng lupalop ng daigdig. Si Cristo ang magiging Hari at ang lahat ng mga bansa at mga tao ay maglilingkod at susunod sa Kanya. Iyon ang magiging Kaharian ng Diyos sa lahat-lahat. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay itinatag para sa paghahanda sa Kahariang iyon. Ang ebanghelyo nito ang “ebanghelyo ng kaharian.” Ang mga alituntunin, ordenansa, kapangyarihan at kaloob nito ay nagmula sa kalangitan. Ito, samakatuwid, ang espirituwal na “kaharian ng langit,” na nagtataglay ng impluwensiya at kapangyarihan na siyang magbubukas ng daan para sa katuparan ng mga propesiya tungkol sa pandaigdigang paghahari ng Anak ng Diyos.16
Sinasabi kung minsan, na ang mga miyembro ng Simbahan ay naghihintay sa aktuwal na pagdating ng isang Kaharian ng Diyos sa lupa, na siyang magtitipon ng lahat ng kaharian sa mundo tungo sa isang maliwanag at banal na imperyo, na kung saan ang nabuhay na mag-uling Mesiyas ay mamumuno.
Ang lahat ng ito, sinasabi nila, ang siyang pumipigil sa isang “Mormon” na magkaroon ng tunay na katapatan sa kanyang bansa, o sa anumang makalupang pamahalaan.
… Itinatanggi natin na ang ating paniniwala sa isang banal na paghahayag, o sa ating pag-asam sa pagdating ng kaharian ng Diyos ay nagpapahina sa anumang antas sa katunayan ng ating katapatan sa ating bansa. Kung kailan maitatatag ang banal na imperyo ay hindi natin alam kagaya rin naman ng ibang Kristiyano na nanalangin, “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa;” [Mateo 6:10] ngunit batid natin na ang ating panunumpa at katapatan sa ating bansa ay pinalalakas ng katotohanan na habang naghihintay sa pagdating ng kaharian ng Mesiyas, tayo ay nasa ilalim ng kautusan mula sa Diyos sa magpasakop sa kapangyarihang umiiral, hanggang sa pumarito Siya “na may karapatang maghari.” [Doktrina at mga Tipan 58:22.]17
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Bakit dapat na maging tapat ang mga Banal sa mga Huling Araw sa bansa kung saan sila nakatira? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 134:5.) Paano natin maipakikita ang katapatan at paggalang sa ating bansa bagamat hindi natin sinasang-ayunan ang ilan sa mga patakaran nito?
-
Paano natin matuturuan ang ating mga anak na maging mabuting mga mamamayan?
-
Anu-ano ang mga pananagutan natin bilang mga mamamayan? Bakit ang isang matapat na Banal sa mga Huling Araw ay dapat na maging “isa sa pinakamabubuting mamamayan ng anumang bansa”?
-
Paano nakapagpapadakila ang personal na kabutihan sa isang bansa? Bakit isang mahalagang bahagi ng pagiging mabuting mamamayan ang personal na kabutihan? Anong tungkulin ang gagampanan ng personal na kabutihan sa buhay ng mga yaong naghahangad na humawak ng tungkuling pambayan?
-
Paano nakatutulong ang paghihiwalay ng simbahan at estado sa mga tao sa pamumuhay sa kanilang mga paniniwalang panrelihiyon? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 134:7, 9.) Bakit mahalaga na magkaroon ng pansariling kalayaan mula sa pamahalaang simbahan sa mga gawaing politikal?
-
Ano ang kaharian ng Diyos na darating pa lamang, at sinu-sino ang masasakupan ng kahariang ito?