Kabanata 43
Mga Ama ng Tahanan
Ang bawat ama ay dapat na magsikap na maging karapat-dapat sa kanyang banal na tungkulin bilang ama ng kanyang pamilya.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Sa buong buhay niya, dala-dala ni Joseph F. Smith ang alaala ng minartir niyang ama na si Hyrum Smith. Noong ika-27 ng Hunyo 1918, si Pangulong Smith ay nangulo sa Sementeryo ng Salt Lake City, kung saan itinayo ang bantayog ng kanyang ama bilang pagpaparangal. Sa pagkakataong ito, sinabi niya: “Ako ay pinagpala sa pagkakaroon ng tatlumpu’t limang buhay na mga anak, at lahat sila, sa aking pagkakaalam ay karapat-dapat na miyembro sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at naniniwala ako na ang kanilang mga puso ay nasa gawain ng Panginoon. Ipinagmamalaki ko ang aking mga anak. Sa ngayon ako ay may walumpu’t anim na apo … ako ay mayaman; binigyan ako ng Panginoon ng mahahalagang kayamanan sa mga anak at sa anak ng aking mga anak.… Nais kong tumingin kayo dito sa maliit na grupo ng aking mga apo … sa dako rito, ang bawat isa sa kanila. Mahal ko sila. Kilala ko silang lahat. Hindi kami madalas magkita subalit hinahagkan ko sila tulad ng ginagawa ko sa sarili kong mga anak.”1
Di-nagtagal ang kanyang anak na si Joseph Fielding Smith, na naglingkod bilang Pangulo ng Simbahan mula 1970 hanggang 1972, ay nakita na ang pagmamahal ng kanyang ama sa kanyang pamilya “ay walang hangganan sa kadakilaan at kadalisayan. Hindi alam ng daigdig … hindi magagawang malaman—ang lalim ng kanyang pagmamahal sa kanila. Ang masasama at napakasamang tao ay pinagtatawanan at sinisiraan siya; subalit ang tunay na kalagayan ng buhay ng kanyang pamilya at kahanga-hangang pagmamahal para sa kanyang pamilya ay di-maabot ng kanilang pang-unawa. O gaano niya ipinapanalangin na ang kanyang mga anak ay manatiling tapat —tapat sa Diyos, tapat sa kanyang kapwa; tapat sa isa’t isa at tapat sa kanya! … Pahintulutan sila, ang bawat isa sa kanila at ang lahat sa kanila; na maging tapat sa kanya at sa layunin na kanyang ginampanan nang buong katapatan sa buong panahon ng kanyang buhay dito sa mundo, at ang siyang pinakamahalagang bagay sa kanyang buong buhay.” 2
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Walang hahalili sa tahanan.
Walang hahalili sa tahanan. Ang saligan nito ay kasing tanda pa ng daigdig, at ang misyon nito ay inordena ng Diyos noong pinakaunang panahon.… Ang tahanan sa gayon ay higit pa sa isang tirahan, ito ay institusyon na itinayo para sa katatagan at pagmamahalan ng bawat isa at ng buong bansa.
Walang tunay na kaligayahan kung nakahiwalay at malayo sa tahanan at ang bawat pagsisikap na ginawa upang pabanalin at pangalagaan ang impluwensiya nito ay nagpapasigla sa mga nagpakahirap at nagsakripisyo sa pagtatag nito. Ang mga kalalakihan at kababaihan ay kadalasang naghahangad na palitan ng ibang pamumuhay ang yaong ginagawa sa tahanan; pinapaniwala nila ang mga sarili na ang tahanan ay nangangahulugan ng pagpigil; na ang pagiging lubusang malaya ang pinakamimithing pagkakataon na makakilos ayon sa kanilang kagustuhan. Walang kaligayahan kung walang paglilingkod, at walang paglilingkod na mas hihigit pa sa tahanang ginawang dakilang institusyon, na siyang magpapaunlad at mangangalaga sa buhay ng pamilya.
Ang sinumang magpabaya sa kanyang tungkulin sa tahanan ay nagkukulang sa mahalagang bahagi ng kapakanang panlipunan. Maaari silang magpakasawa sa mga panlipunang kasiyahan, subalit ang kasiyahang yaon ay panandalian lamang at magbubunga ng kabiguan sa darating na panahon. Kung minsan ang hanapbuhay ng tao ang naglalayo sa kanila sa tahanan; subalit ang pagsisikap sa tuwina ng pag-uwi sa tahanan ang siyang nagbibigay ng inspirasyon sa paggawa ng mabuti at pagmamahal.3
Sa huwarang tahanan ang kaluluwa ay hindi nagugutom, ni ang paglaki at pag-unlad ng magagandang damdamin ay napipigil ng magaslaw at makamundong kasiyahan. Ang pangunahing layunin ay hindi upang magtipon ng labis na kayamanan, na kadalasa’y humihila palayo sa tapat, sa huwaran, sa espirituwal na pamumuhay; ngunit upang makagawa ng pagpapayaman sa kaluluwa, ang pagkaalam sa mga dakilang bagay na nagawa, ang pagdaloy ng pagmamahal at pagiging matulungin.
Hindi sa mga mahahaling larawan, tapiserya, mga bagay na hindi mabibili ng salapi, iba’t-ibang palamuti, mamahaling kasangkapan, mga bukirin, kawan ng mga hayop, mga bahay at lupa ang bumubuo sa huwarang tahanan, ni ang kasiyahang panlipunan at kaginhawaan na masigasig na hinahangad ng marami; ngunit ito ay nasa kagandahan ng kaluluwa na hinubog, pagmamahal, katapatan, mga tapat na espiritu; mga kamay na matulungin at mga maawaing puso; pag-ibig na hindi naghahangad para sa kanyang sarili, mga kaisipan at gawain na umaantig sa ating buhay patungo sa mas nakabubuting kalagayan—ang mga ito ay nakasalalay sa pundasyon ng huwarang tahanan.4
Sa tahanan ang karapatan sa pamumuno ay ibinigay sa ama.
Walang nakatataas na karapatan sa mga bagay na may kaugnayan sa samahan ng pamilya, at lalung-lalo na kung ang samahang yaon ay pinamumunuan ng isang taong may mataas na Pagkasaserdote, kaysa sa karapatan ng ama. Ang karapatan ay iginagalang noon pa man, at sa mga tao ng Diyos sa lahat ng dispensasyon ito ay labis na pinahahalagahan at madalas na binibigyang-diin sa mga turo ng propeta na binigyan ng inspirasyon ng Diyos. Ang kaayusang patriyarkal ay banal na sa simula pa lamang at ito ay magpapatuloy sa buong panahon at kawalanghanggan. Samakatuwid may natatanging dahilan, bakit dapat na maunawaan ng mga kalalakihan at kababaihan ang kaayusan at karapatang ito sa mga sambayanan ng mga tao ng Diyos at pagsikapang gawin kung ano ang nilalayon ng Diyos dito, ang pagiging karapat-dapat at paghahanda para sa pinakamataas na kadakilaan ng kanyang mga anak.…
Ang karapatang ito ay may kaakibat na mabigat na tungkulin, at gayon din sa mga karapatan at pribilehiyo nito at ang mga kalalakihan ay hindi maaaring maging lubos na kapuri-puri sa kanilang pamumuhay, ni maihanda nang napakaingat ang kanilang mga sarili na mamuhay nang naaayon sa mahalaga at inordenang pamantayan ng pag-uugali ng Diyos sa samahan ng pamilya. Sa karapatang ito nakasalalay ang tiyak na mga pangako at biyaya, at ang sinumang sumunod at igalang ang karapatang ito ay magkakaroon ng tiyak na pag-angkin sa dakilang pagsang-ayon na hindi mapapasakanila maliban na lang kung igagalang at susundin ang mga batas ng Diyos na itinatag para sa pamamalakad at karapatan sa tahanan.5
Hinahangad ko … na itanim sa isipan ng mga namumuno sa simbahan ang pangangailangan ng pagsangguni sa mga ama sa lahat ng bagay na nauukol sa pagkakatawag sa kanilang mga anak na lalaki sa pagkasaserdote, at sa mga gawain sa simbahan, na ang paggalang at pamimitagan na dapat ipakita ng mga anak sa mga magulang ay hindi dapat panghimasukan ng simbahan, ni pakialamanan ng mga pinuno.Sa ganitong paraan ang pagkakasundo at mabuting pagsasama ay ginawa upang pairalin, at ang pagpapatibay ng mga pamilya at ang buhay ng pamilya, na kung saan ang pamahalaan ng simbahan ay nababatay at napapanatili, ay magdaragdag sa mga tungkulin ng banal na pagkasaserdote, nangangalaga ng pagkakaisa, lakas at kapangyarihan sa bawat kilos nito.6
Mga ama, gawin ninyo ang lahat ng inyong tungkulin sa inyong pamilya.
Kung (ang mga ama) ay may espiritu ng Diyos sa pagsasagawa sa kanilang temporal na mga tungkulin, kailanma’y hindi nila pababayaan ang mga ina ng kanilang mga anak, ni ang kanilang mga anak. Hindi sila magkukulang sa pagtuturo sa kanila ng mga alituntunin ng buhay at pasisimulan nila ito ng tamang halimbawa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay sa inyong sarili at sasabihin sa inyong anak na “Huwag mong gawin ito.” Mabuhay nang sa gayon ay masabi ninyong, “Anak ko gawin mo ang ginawa ko, sumunod ka sa akin, tularan ang aking halimbawa.” Ito ang paraan na ang mga ama ay dapat na mamuhay, bawat isa sa atin ; magiging kahihiyan, kahinaan, kahiya-hiyang bagay sa sinumang miyembro ng simbahan na tahakin ang daan na alam niyang hindi tama at lalong hindi dapat tularan ng kanyang mga anak. Ito ay isang bagay na kahiya-hiya para sa isang lalaki na ilagay ang kanyang sarili upang maging sagabal, maging balakid sa pagtupad sa lahat ng kanyang tungkulin para sa mga yaong nagmamahal sa kanya at sa mga dapat ay minamahal niya nang higit pa sa kanyang sarili, sa pamamagitan ng pagsuko sa mga hilig na hindi tama at sa masasamang pag-uugali, at sa paggawa ng mga bagay na hindi niya dapat gawin, at sa gayon ay pagsikapan niyang hadlangan ang kanyang mga anak mula sa paggawa.Gawin ninyo ang inyong tungkulin, mga kapatid ko, at gagawin naman ng Panginoon ang Kanyang tungkulin para sa inyo.7
Mga kapatid, may napakaliit na pagmamalasakit na pangrelihiyon, pagmamahal at takot sa Diyos, sa tahanan; labis na kamunduhan, kasakiman, kapabayaan at kakulangan sa paggalang sa pamilya, o ang mga ito ay hindi kailanman makikita nang gayon sa labas ng tahanan. Kung gayon ang tahanan ay nangangailangan ng pagbabago. Magsikap ngayon at bukas na makagawa ng pagbabago sa inyong tahanan sa pamamagitan ng pagdarasal ng dalawang beses sa isang araw kasama ng inyong pamilya, tawagin ang inyong mga anak at ang inyong asawa na magdasal kasama kayo. Humingi ng pagpapala sa bawat pagkaing inyong kinakain. Maglaan ng sampung minuto sa pagbabasa ng isang kabanata mula sa salita ng Panginoon sa Bibliya, sa Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, bago kayo matulog, o bago kayo magsimula sa inyong pang-araw-araw na gawain. Pakainin ninyo ang sarili ninyong espiritu sa tahanan at gayon din sa mga pampublikong pook. Hayaang ang pagmamahal at kapayapaan at ang espiritu ng Diyos, kabaitan, pag-ibig sa kapwa, pagsasakripisyo para sa iba, ay mamayani sa inyong pamilya. Iwaksi ang mga masasakit na salita, pagkainggit, pagkamuhi, pagsasalita ng masama, mahalay na pananalita t pasaring, kalapastanganan at hayaang ang espiritu ng Diyos ang magmay-ari ng inyong mga puso. Ituro ninyo ang mga bagay na ito sa inyong mga anak, sa diwa at kapangyarihan, itinataguyod at pinagtibay ng personal na pagsasagawa. Ipakita ninyo sa kanila na kayo ay masigasig at gawin ninyo kung ano ang inyong itinuturo.8
Ako’y nanalangin para sa inyo at mananalangin ako sa Diyos na tulungan kayo, mga ama at ina, na turuan ang inyong mga anak ng mga alituntunin at panuntunan ng ebanghelyo ni Jesucristo, nang sa gayon lumaki silang walang kasalanan tungo sa kaligtasan. Ipinapanalangin ko na tulungan kayo ng Diyos na mapalaki ang inyong mga anak sa pagmamahal sa katotohanan, sa pagmamahal sa kabutihan, malaya sa masasamang bisyo ng sanlibutan, malaya mula sa karumihan, mula sa kalasingan, mula sa paggamit ng tabako, sa matatapang na inumin at bawal na gamot, at sa lahat ng mga bisyo; na tuturuan ninyo sila na maging malinis sa kanilang pamumuhay—sa kanilang mga kinagawian, nang sa gayon ay maging banal na templo na kung saan ang Espiritu ng buhay na Diyos ay makapananahan at makatatagpo ng kalugud-lugod na tahanan. Tungkulin ninyo na gawin ito, at ito ay tungkulin ko, at ito ay tungkulin ng bawat kalalakihang nabubuhay na ituro ang mga bagay na ito sa kanyang pamilya, at turuan sila sa daan na dapat nilang lakaran.9
Nawa’y ang mga ama sa Israel ay mamuhay nang nararapat; pakitunguhan ang kanilang mga asawa ng nararapat na pakikitungo sa kanila; gawing maginhawa ang kanilang tahanan sa abot ng makakaya, pagaanin ang pasanin ng kanilang mga asawa hangga’t maaari; magpakita ng magandang halimbawa sa kanilang mga anak; turuan sila na sumama sa kanila sa panalangin, araw at gabi, at kung sila ay kakain, magpasalamat sa awa ng Diyos sa pagbibigay sa kanila ng pagkain at ng damit na kanilang isinusuot, at pasalamatan ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay.10
Ang mga samahan ng mag-anak ay nauukol para sa kawalang-hanggan.
Ang Diyos ang namumuno sa lahi ng tao; kinikilala natin siya bilang Ama nating lahat. Hindi natin siya mabibigyan nang higit na kasiyahan maliban sa pagpapahalaga, at pagpipitagan at paggalang sa ating mga ama at ina, na siyang naging dahilan ng ating buhay dito sa mundo.11
Ang samahan ng mag-anak ay nakabatay sa tunay na pamamahala, ang labis na pagpipilit ay hindi dapat ilagay sa kahalagahan ng pamamahala sa pamilya sa pagiging tunay at ganap, ni sa katotohanang ang lahat ng paggalang sa namamahala sa pamilya ay nararapat na sang-ayunan.12
Ang ating mga ugnayang (mag-anak) ay hindi inilalaan para sa buhay na ito lamang, sa ngayong panahon, tulad ng pagkilala natin nito sa kawalang-hanggan. Nabubuhay tayo sa panahon at sa kawalang-hanggan. Bumubuo tayo ng mga pagsasamahan at pakikipag- ugnayan sa panahon at kawalang-hanggan. Ang ating mga pag-ibig at ating mga hangarin ay nasumpungang karapatdapat at handa upang magtiis hindi lamang sa temporal o buhay na ito kung hindi sa kawalang-hanggan. Sino maliban sa mga Banal sa mga Huling Araw ang nagmumuni-muni sa kaisipang sa kabila ng kamatayan ay magpapatuloy tayo sa samahan ng maganak? Ang ama, ang ina, mga anak na nakikilala ang isa’t isa sa relasyong mayroon sila sa bawat isa, at mananatili sa isa’t isa? Ang samahang ito ng mag-anak na isang bahagi sa dakila at ganap na pagkakatatag ng gawain ng Diyos, at ang lahat ay itinalaga na magpatuloy sa lahat ng panahon at kawalang-hanggan?13
Mayroon akong maluwalhating pangako ng pagsasama-sama ng aking mga mahal sa buhay sa lahat ng kawalang-hanggan. Sa pagsunod sa gawaing ito, sa ebanghelyo ni Jesucristo, titipunin ko ang aking mag-anak sa palibot ko, ang aking mga anak, ang mga anak ng aking mga anak, hanggang sa maging kasing dami ng binhi ni Abraham, o kaya’y hindi mabilang na tulad ng mga buhangin sa karagatan. Dahil ito ang aking karapatan at pribilehiyo, ay karapatan at pribilehiyo rin ng bawat miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na humawak ng Pagkasaserdote at gagampanan ito sa paningin ng Diyos.14
Gayon pa man, ang gawin nang mabuti ang mga bagay na yaon na inordena ng Diyos na maging karaniwang palad ng buong sangkatauhan, ang siyang pinakatunay na kadakilaan. Ang maging matagumpay na ama o ina ay mas dakila pa sa matagumpay na heneral o estadista.15
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang dapat na maging “pangunahing layunin” ng mga ama sa tahanan? Paaanong ang patataguyod sa mag-anak ay umaabot mula sa temporal hanggang sa espirituwal? Paano magkakaroon ng mga damdamin ng “pagpapayaman sa kaluluwa” sa kanyang mag-anak?
-
Anong mga elemento ang “nakasalalay sa pundasyon ng huwarang tahanan”? Bakit tungkulin ng ama na malaman ang mga bagay na makapagpapaunlad sa isang tahanan?
-
Paano aalalayan ng mga asawa at anak ang ama ng kanilang tahanan? Ano ang kinakailangang gawin ng mga asawang lalaki at ama upang maging karapat-dapat sa pag-aalalay at suporta ng mga miyembro ng kanilang mag-anak?
-
Paano naglaan ang Panginoon ng mga pagpapala ng pagkasaserdote sa mga kababaihang walang asawa?
-
Paano pinatatatag ang mga ama at pinagpapala ang mga maganak kapag ang ama ay isinasaalang-alang at iginagalang ng mga pinuno ng pagkasaserdote?
-
Ano ang mga kailangan upang mapagbuti ang ating mga tahanan sa kasalukuyan? Ano ang gagawin ng mga ama upang hadlangan ang kamunduhan at itanim ang pagmamalasakit na pangrelihiyon sa tahanan?
-
Anong mga biyaya ang ating matatanggap sa pagkakaalam na ang ating pagsasama bilang pamilya ay maaaring magpatuloy sa kawalang-hanggan? Ano ang maaaring gawin ng mga ama upang matiyak ang kawalang-hanggan ng sarili niyang maganak?