Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 10: Mapagmahal, Matapat na Paglilingkod ng Pagkasaserdote


Kabanata 10

Mapagmahal, Matapat na Paglilingkod ng Pagkasaserdote

Paano mapagpapala ng mapagmahal at matapat na paglilingkod ng pagkasaserdote ang lahat ng miyembro ng Simbahan?

Pambungad

Isinalaysay ni Pangulong Harold B. Lee ang sumusunod na kuwento tungkol sa Salt Lake Temple: “Noong kasalukuyang ginagawa ang plano ng Salt Lake Temple, si Truman O. Angell, ang arkitekto, ay hinilingang sumulat ng isang lathalain…at bigyan ang mga tao ng Simbahan ng ideya kung ano ang magiging hitsura ng templo, kapag nayari na ito. … Kabilang sa mga ito, tinukoy niya ang isang bagay na makikita mo sa gawing kanluran ng templo. … Sa ilalim ng gitnang tore sa dulong kanluran, malapit sa tabernakulo, matatagpuan mo ang tinutukoy sa konstelasyon ng mga bituin na Dipper (Panabo). Mapapansin mo na ang mga panturo ng Dipper ay nakatingala sa isang maliwanag na bituin na karaniwan nating tinatawag na Bituin sa Hilaga (North Star). Nang ilarawan ni Truman O. Angell kung ano ang matatagpuan sa lugar na iyo, ang sabi niya, “Ipinahihiwatig nito na sa pamamagitan ng pagkasaserdote ay matatagpuan ng mga nawala ang kanilang landas.’ ”

Sa gayo’y binigyang-diin ni Pangulong Lee na, “Sa pamamagitan ng pagkasaserdote at tanging sa pagkasaserdote lamang natin maaaring, bilang mga anak ng Diyos, matagpuan ang ating landas pauwi.”1

Mga Turo ni Harold B. Lee

Ano ang pagkasaserdote?

Sa paglipas ng mga taon ay dalawang konsepto ang ipinahiwatig sa pagbibigay kahulugan sa pagkasaserdote. Ang isa pang pagkasaserdote ang awtoridad na ibinigay ng ating Ama sa Langit sa tao upang bigyan siya ng karapatan na mangasiwa sa lahat ng bagay na may kinalaman sa kaligtasan ng sangkatauhan sa lupa. Ang ikalawang konsepto ay inilarawan sa pamamagitan ng isa pang makahulugang ideya na ang pagkasaserdote ang kapangyarihan kung saan kumikilos ang Diyos sa pamamagitan ng tao.2

Narito ang pagkasaserdote ng Diyos at ipinasa-pasa ito simula noong ipanumbalik ang Simbahan sa pamamagitan ng mga sugo na ipinadala upang ipanumbalik ang awtoridad nang sa gayon ang mga ordenansa ng kaligtasan ay maaaring maigawad sa lahat ng matatapat sa lupa. Taglay ng pagkasaserdote ng Diyos ang mga susi ng kaligtasan.3

Sinabi ng Guro kay Pedro at sa iba pang mga apostol ang tungkol sa isang kapangyarihang higit pa sa kapangyarihan ng tao na tinawag niyang “mga susi ng kaharian ng langit,” at sinabi niyang sa kapangyarihang ito, “Anoman ang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit.” (Mat. 16:19.) Ang kapangyarihan at awtoridad na iyon, kung saan naisasagawa ang mga banal na ordenansa, ay kilala bilang banal na pagkasaserdote at palaging matatagpuan sa Simbahan ni Jesucristo sa bawat dispensasyon ng ebanghelyo sa lupa.4

[Ang pagkasaserdote] ay ang karapatan na mangasiwa sa mga ordenansa batay sa huwarang inihayag ng [Panginoon]. Ang kapangyarihang ito…ay ang karapatang itinalaga ng Panginoon sa tao upang kumilos sa Kanyang pangalan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao. …

Ang isa sa mga layunin ng nakatataas na pagkasaserdote ay ang mangasiwa sa mga ordenansa, na ibigay sa sangkatauhan ang kalaaman tungkol sa Diyos na ipinahayag ng Guro na kailangan at sinabi ni Apostol Pablo, sa pagsasalita sa organisasyon ng Simbahan, na kailangan upang marating “ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao.” [Efeso 4:13.] At muli nariyan ang kapangyarihan ng nakabababang pagkasaserdote na mangasiwa sa iba pang mga ordenansa, gaya ng mga kabataang lalaking ito na nangangasiwa at nagpapasa ng sakramento sa gabing ito. Ang Pagkasaserdoteng Aaron, sabi ng Panginoon, ay ang pagkasaserdote na “may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan,” [D at T 13:1] at ang batas ng makalupang mga kautusan. Kung kaya…ang pagkasaserdote [ay] kailangan sa hayag na layuning bigyan ng kapangyarihan ang mga tinawag upang mangasiwa sa mga ordenansang kailangan para makamit ang kaligtasang nilayon ng Panginoon para sa Kanyang layunin.5

Ang Panginoon ang siyang tunay na naghahari sa gitna ng kanyang mga Banal sa pamamagitan ng kanyang pagkasaserdote, na ipinapakatawan niya sa tao.6

Paano dapat gamitin ang pagkasaserdote?

Sa dakilang paghahayag na kilala natin bilang ika-121 bahagi ng Doktrina at mga Tipan, na ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyon ng Panginoon sa Propetang Joseph Smith, binanggit ng Panginoon ang ilang napakahahalagang bagay. Sabi Niya ang pagkasaserdote ay makokontrol lamang sa pamamagitan ng mga alituntin ng kabutihan, at kung gagamitin natin ang katungkulan sa pagkasaserdote sa di-wastong paraan upang “pagtakpan ang ating mga kasalanan, o bigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan, ang ating walang kabuluhang adhikain, o gumamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit…ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati.” (Tingnan sa D at T 121:37.)…

Ang kaparusahan kung gagamitin natin ang ating pagkasaserdote sa kasamaan ay, ang kalangitan ay lalayo at ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati. Kapag nawala na sa atin ang Espiritu, ang ating awtoridad ng pagkasaserdote ay babawiin sa atin at maiiwan tayong mag-isa “upang sumikad sa mga tinik,” kapag naiinis tayo sa mga panghihikayat at tagubilin ng ating mga pinuno. Sa gayo’y sisimulan nating usigin ang mga banal, na ibig sabihin ay mambabatikos, at sa huli’y lalaban sa Diyos, at magagapi tayo ng kapangyarihan ng kadiliman kung di tayo magsisisi at tatalikod sa masamang landas na iyon. [Tingnan sa D at T 121:37–38.]

Ang mga katangian ng katanggap-tanggap na pamumuno ng pagkasaserdote ay buong ingat ding binigyang kahulugan sa paghahayag na ito. Ang isang tao ay dapat mamuno sa Simbahan nang may tiyaga at mahabang pagtitiis, kahinahunan at kaamuan, at hindi pakunwaring pag-ibig. Kung ang isang tao ay didisiplina at magagalit nang may kataliman, kailangan niyang gawin ito kapag pinakikilos ng Espiritu Santo at pagkatapos ay magpapakita ng dagdag na pagmamahal, dahil baka ituring siyang kaaway ng kanyang pinagsabihan. [Tingnan sa D at T 121:41–43.] Sa lahat ng ating katungkulan sa pagkasaserdote dapat ay di natin malimutan na ang gawain ng simbahan at ng kaharian ng Diyos ay ang iligtas ang mga kaluluwa, at ang lahat ng pinamumunuan natin ay mga anak ng ating Ama, at tutulungan Niya tayo sa ating pagsisikap na iligtas ang bawat isa.

May magandang halimbawa ng kung paano nanaisin ng Panginoon na mangasiwa tayo sa mga nangangailangan ng ating tulong. Noong lapitan nina Pedro at Juan, ayon sa nakatala sa aklat ng Mga Gawa ng mga Apostol, ang isang lalaki na hindi kailanman nakalakad at nasa pintuan ng templo na namamalimos, sa halip na bigyan siya ng salapi, sinabi sa kanya ng apostol na si Pedro, kung natatandaan ninyo, “Pilak at ginto ay wala ako; datapuwa’t ang nasa akin, ay siya kong ibinibigay sa iyo: Sa pangalan ni Jesucristong taga Nazaret, lumakad ka.” (Mga Gawa 3:6.)

Kasunod niyon ang mahalagang pangungusap na naitala ukol sa pangyayaring iyon. Hinawakan siya ni Pedro sa kanang kamay at siya’y itinindig. [Tingnan sa Mga Gawa 3:7.] Tandaan na hindi sapat na inutusan siya ni Pedro na lumakad; pagkatapos niyon ay hinawakan niya ang kamay ng tao at itinindig ito.

Gayundin naman tayo, sa pakikitungo sa nanghihina nating mga banal, ay di maging mga nagtataglay ng pagkasaserdote na bumabatikos, nagagalit, at humahatol lamang. Kailangan nating, tulad ng apostol na si Pedro, hawakan sila sa kamay, himukin sila, at ipadama sa kanila ang kaligtasan at paggalang sa sarili hanggang sa makabangon sila sa kanilang mga kahirapan at makatayo sa sarili nilang mga paa.

Iyan ang paraan na makapagdudulot ang pagkasaserdote ng Diyos ng kaligtasan at pagkakaibigan sa mahihina, upang sila ay maging malakas.7

Bahagi ng tagumpay natin…ay masusukat sa ating kakayahang mahalin ang mga ninanais nating pamunuan at paglingkuran. Kapag tunay nating minamahal ang iba mapapawi nito ang masasamang layunin na kadalasang namamayani sa mga ugnayan ng tao. Kapag tunay nating minamahal ang iba, gagawin natin ang mga bagay na makatutulong sa kanila sa kawalanghanggan at hindi natin bibigyang-kasiyahan ang paghahangad natin ng sariling kaligayahan.8

Paano “[maglulumagak] sa bahay ng [kanilang] Ama” ang mga nagtataglay ng pagkasaserdote?

Noong labindalawang taong gulang si Jesus, matapos matagpuan sa templo nina Jose at Maria, bilang tugon sa kanilang katanungan ay nagtanong din naman siya: “Di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama?” (Lucas 2:49.) Ano ang ibig niyang sabihin sa bahay ng Kanyang Ama?

Sa isa pang paghahayag binigyan ng Panginoon ng kahulugan ang tanong na iyon ng batang lalaki. Sa mga elder ng Simbahan na nagtitipon sa Kirtland, Ohio, ikinintal Niya sa kanilang isipan ang malaking responsibilidad nila bilang mga nagtataglay ng sagradong katungkulan ng elder sa pagkasaserdote. “Dahil dito,” sabi niya, “yayamang kayo ay mga kinatawan, kayo ay nasa paglilingkod sa Panginoon; at anuman ang inyong gagawin alinsunod sa kalooban ng Panginoon ay gawain ng Panginoon.” (D at T 64:29.)

Kapag ang isang lalaki ay nagtaglay ng pagkasaserdote, siya’y nagiging kinatawan ng Panginoon. Dapat niyang isipin ang kanyang katungkulan na tila ba nasa paglilingkod siya ng Panginoon. Iyan ang ibig sabihin ng gampanang mabuti ang pagkasaserdote. Isipin na tinatanong ng Guro ang bawat isa sa inyo, tulad ng gi nawa ng batang lalalaking ito kina Jose at Maria, Di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama? Anuman ang inyong gawin alinsunod sa kalooban ng Panginoon ay gawain ng Panginoon.9

Kapag kumikilos tayo sa pangalan ng Panginoon, bilang mga nagtataglay ng pagkasaserdote, ginagawa natin ito sa pangalan at kapakanan ng ating Ama sa Langit. Ang pagkasaserdote ang kapangyarihan kung saan kumikilos ang ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng mga tao. …

…Natatakot ako na baka di nauunawaan ng ilan sa ating mga elder ang bagay na ito, na kapag kumikilos sila bilang mga elder ng Simbahan…o bilang mga mataas na saserdote, sa pagsasagawa nila ng ordenansa ay para na ring ang Panginoon ang kumikilos sa pamamagitan nila sa uluhan ng mga taong kanilang pinangangasiwaan. Madalas kong naiisip na ang isa sa mga dahilan kung bakit di natin ginagampanang mabuti ang ating pagkasaserdote ay dahil hindi natin nauunawaan na bilang mga nagtataglay ng pagkasaserdote, Siya ay kumikilos sa pamamagitan natin sa kapangyarihan ng banal na pagkasaserdote. At nais kong taglayin nating lahat ang damdaming iyon, at sa gayo’y ituro sa ating kabataan ang ibig sabihin ng taglayin ang pagkasaserdote at gampanan itong mabuti.10

Ano ang ibig sabihin ng maipatong ang mga kamay sa inyong ulo? Hayaan ninyong ibaling ko kayo sa ikatatlumpu’t anim na bahagi ng Doktrina at mga Tipan at basahin sa inyo ang isang talata na maaaring nabasa ninyo nang pahapyaw at di nakita ang kahalagahan nito. Ito ay paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith kay Edward Partridge, ang unang Namumunong Obispo. Ito ang sabi ng Panginoon: “At aking ipapatong ang aking kamay sa iyo sa pamamagitan ng kamay ng aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon, at iyong matatanggap ang aking Espiritu Santo, maging ang Mang-aaliw, na siyang magtuturo sa iyo ng mga mapayapang bagay ng kaharian” (D at T 36:2).

Nakikita ba ninyo ang Kanyang sinasabi—na tuwing maglilingkod kayo sa pamamagitan ng awtoridad ng inyong pagkasaserdote ay tila ipinapatong ng Panginoon ang Kanyang kamay sa taong iyon sa pamamagitan ng inyong kamay upang maigawad ninyo ang mga pagpapala ng buhay, ng kalusugan, ng pagkasaserdote, o maging anuman ito. At tuwing gagamitin natin ang ating pagkasaserdote, ginagawa natin ito na tila kasama natin ang Panginoon, at sa pamamagitan natin, tinutulungan tayong isagawa ang ordenansa.11

Ngayon, kayong mga lalaking miyembro ng Simbahan: May karapatan kayong taglayin ang tinatawag na pagkasaserdote ng Diyos. … Ang ilan ay pinatungan ng kamay sa kanilang ulo upang matanggap ang kapangyarihan at awtoridad na ito, ngunit di ito kailanman natanggap. At bakit di nila ito matanggap? May dalawang bagay na sinabi ang Panginoon: sapagkat ang kanilang mga puso ay labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito, at ikalawa, naghahangad sila ng mga parangal ng tao (tingnan sa D at T 121:35). Isipin nga ninyo muli ang inyong mga kakilala at tingnan kung bakit ang ilan ay nagiging di-aktibo sa espirituwal na mga bagay, at makikita ninyo ang sagot sa isa sa dalawang bagay na ito. Maaaring ang puso nila’y labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito—ito ba’y salapi? ito ba’y katayuan sa lipunan? mga bagay ba ito ukol sa larangan ng edukasyon?—o naghahangad ba sila nang labis na parangal ng tao kung kaya di sila magambala ng mga bagay sa Simbahan. Oo, kung magiging mga pinuno kayo sa Simbahan at tataglayin…ang mga pribilehiyong ito, kailangan ninyong pagbayaran ang halaga.12

Mga kapatid, nakasalalay sa inyong mga kamay ang dakilang pagtitiwala hindi lamang upang taglayin ang awtoridad na kumilos sa pangalan ng Panginoon, kundi upang ihanda ang inyong sarili bilang malilinis at dalisay na nagtataglay ng pagkasaserdote upang maipamalas ang kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos sa pamamagitan ninyo habang nangangasiwa kayo sa sagradong mga ordenansa ng pagkasaserdote. Huwag kailanman dalhin ang inyong pagkasaserdote sa mga lugar na mahihiya kayong makita ng Pangulo ng Simbahan.13

Kailangan nating sabihin, “Dahil nagtataglay ako ng pagkasaserdote ng Diyos na buhay, ako ay kinatawan ng ating Ama sa Langit at taglay ko ang pagkasaserdote kung saan maaari siyang kumilos sa pamamagitan ko; hindi ko magagawang ibaba ang aking sarili upang gawin ang mga bagay na maaaring di ko gawin dahil sa aking kapatiran sa pagkasaserdote ng Diyos.”…

Mga kapatid, umaasa kami na gagampanan ninyong mabuti ang banal na pagkasaserdote ng Diyos. … Ituon natin ang ating mga mata sa walang hanggang kahalagahan ng mga bagay, na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos. Sabihin ng bawat isa sa kanyang sarili, na “mula ngayon, sa tulong ng Diyos, hindi ako gagawa ng anumang gawain maliban na makatutulong ito sa akin na isulong ang aking sarili sa mithiin ng buhay na walang hanggan, upang sa dakong huli’y makabalik sa kinaroroonan ng aking Ama sa Langit.”14

Mga kapatid ng pagkasaserdote, kapag natawag kayo sa mga katungkulan, kayong mga ama sa tahanan, may karapatan kayong tumanggap ng pagbabasbas ng pagkasaserdote, at may karapatan kayong tumanggap ng mga paghahayag ng Espiritu upang gabayan at akayin kayo kung ayos ang inyong pamumuhay. Upang mabuksan ng Panginoon ang mga durungawan ng langit sa inyo at bigyan kayo ng patnubay sa partikular na mga tungkulin kung saan kayo tinawag. Mga kapatid, para matanggap iyan, kailangan mamuhay kayo para dito. Kailangang maging karapat- dapat kayo.15

Alalahanin ang mga kagila-gilalas na pangako ng Panginoon sa inyo kung mapupuspos kayo ng pag-ibig sa kapwa-tao at “puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisp nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.

“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang iyong pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan.” (D at T 121:45–46.)

Ang mga inspiradong salitang iyon ay mula sa Panginoon, at inuulit ko ang mga ito upang ipaalala sa bawat isa sa inyo ang mga responsibilidad ninyo bilang mga nagtataglay ng pagkasaserdote at ang mga dakilang pagpapala na mapapasainyo kung gagampanan ninyong mabuti ang iyong mga tungkulin bilang mga tagapaglingkod ng Kataastaasang Diyos.16

Paano napagpapala ang lahat ng mga miyembro ng Simbahan kapag naglilingkod sa kabutihan ang mga nagtataglay ng pagkasaserdote?

Sa katunayan ang mga nagtataglay ng pagkasaserdote ang bantay sa mga tore ng Sion. Kayo ang mga itinalaga upang mamuno sa alinmang sangay ng Simbahan at upang maging handa sa mga panganib na nakapaligid sa daigdig, kapwa ang nakikita at di-nakikita. Ilan lamang kayo sa mga nagtataglay ng pagkasaserdote na tila mga pastol ng kawan, mga kawan ng mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako. Marami kayong responsibilidad. Kailangan ninyong kaibiganin ang mga bagong miyembro sa pagsapi nila sa Simbahan; hanapin ang matatapat na nagsasaliksik ng katotohanan at ipakilala sila sa mga misyonero; patuloy na alalahanin ang mga pangangailangan ng mga ulila at balo. Lalo na, upang gawin iyon at panatilihing walang bahid-dungis ang inyong sarili sa mundo, tulad ng sinabi ng apostol na si Santiago, “ang dalisay na relihiyon at walang dungis.” (Santiago 1:27.) Dapat ninyong tiyakin na di lalaganap ang kasamaan at tiyakin na lahat ng miyembro ay nahikayat na maging aktibo sa Simbahan. Dapat ninyong ituro ang mga tamang alituntunin upang malaman ng mga miyembro, pinuno, at guro kung paano pamamahalaan ang kanilang sarili. …

Kayong mga namumunong awtoridad ay inatasan ng tungkulin sa kawan, o sa mga sangay, distrito, purok, o istaka na inyong pinamumunuan. Dapat kayong maging mga ama, buong ingat at patuloy na itinuturo sa mga ama na pangalagaan at turuan ang kanilang sariling pamilya at maglingkod kapag tinawag sa iba’t ibang katungkulan sa Simbahan, upang maging tagapagtanggol ng pananampalataya.17

Ang tunay na lakas ng simbahang ito’y nakasalalay sa kapangyarihan at awtoridad ng banal na pagkasaserdote na ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit sa panahong ito. Kung gagamitin natin nang wasto ang kapangyarihang iyon at gagampanang mabuti ang ating tungkulin sa pagkasaserdote, titiyakin natin na susulong ang gawaing misyonero, na babayaran ang ikapu, na uunlad ang planong pangkapakanan, na magiging ligtas ang ating mga tahanan, at na maiingatan ang moralidad sa mga kabataan ng Israel.18

Ilang taon na ang nakalilipas nang magpunta ako sa komperensiya ng istaka kung saan matatagpuan ang Manti Temple sa gawing ibaba ng katimugang Utah. Madilim at maunos ang gabing iyon at umuulan ng niyebe. Nang iwanan namin ang pulong at magpunta sa tahanan ng pangulo ng istaka, tumigil kami sa sasakyan at tumingala sa templo na nasa taas ng burol. Habang nakaupo kami’t humahanga sa tanawin ng nagliliwanag na templong iyon na nailawan nang maganda sa kabila ng maniyebe at madilim na gabi, may sinabi sa akin ang pangulo ng istaka na lubhang makahulugan. Sabi niya, “Ang templong iyan, bagaman naiilawan, ay higit na maganda kapag may unos o kapag may makapal na hamog.” Upang maunawaan ang kahalagahan niyon, hayaan ninyong sabihin ko sa inyo na lalong mahalaga ang ebanghelyo ni Jesucristo kapag may unos o kapag nahihirapan kayong mabuti. Ang kapangyarihan ng pagkasaserdote na inyong taglay ay higit na kahanga-hanga kapag may krisis sa inyong tahanan, may mabigat na karamdaman, o may ilang malalaking desisyon na kailangang gawin, o may malaking panganib ng anumang uri ng pagbaha, o sunog, o taggutom. Nakapaloob sa kapangyarihan ng pagkasaserdote, na siyang kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos, ang kapangyarihang gumawa ng mga himala kung kalooban ng Diyos ang gayon, ngunit upang magamit natin ang pagkasaserdoteng iyon, kailangang karapat-dapat tayo na gamitin ito. Ang kabiguang maunawaan ang alituntuning ito ay kabiguang tumanggap ng mga pagpapala ng pagtataglay ng dakilang pagkasaserdoteng iyon.19

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Paano tayo tinutulungan ng pagkasaserdote na “mahanap ang ating landas pauwi” sa ating Ama sa Langit?

  • Bakit mahalaga para sa mga nagtataglay ng pagkasaserdote na tandaan na ang pagkasaserdote ay dapat gamitin upang magligtas ng mga kaluluwa at pangasiwaan ang mga nangangailangan? Sa pangyayaring matatagpuan sa Mga Gawa 3:1–9, paano nagpakita sina Pedro at Juan ng halimbawa ng mabuting paggamit ng kapangyarihan ng pagkasaserdote?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 121:41–44 tungkol sa kung paano dapat gamitin ng mga nagtataglay ng pagkasaserdote ang pagkasaserdote?

  • Bakit kailangang maging matwid ang mga nagtataglay ng pagkasaserdote kung magbibigay sila ng matapat na paglilingkod ng pagkasaserdote? Sang-ayon kay Pangulong Lee, ano ang kaparusahan ng pagkabigong gamitin nang matwid ang pagkasaserdote?

  • Bilang nagtataglay ng pagkasaserdote, paano kayo matutulungan ng kaalaman na kayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon sa pagganap na mabuti ng inyong mga tungkulin sa pagkasaserdote?

  • Paano matutulungan ng mga kapatid na babae ang mga nagtataglay ng pagkasaserdote na magampanan nilang mabuti ang kanilang mga tungkulin sa pagkasaserdote?

  • Ano ang ilang partikular na paraan kung saan napagpala ng kapangyarihan ng pagkasaserdote ang inyong buhay?

Mga Tala

  1. Be Loyal to the Royal within You, Brigham Young University Speeches of the Year (ika-20 ng Okt. 1957), 1–2.

  2. Stand Ye in Holy Places (1974), 251–52.

  3. Sa Conference Report, Munich Germany Area Conference 1973, 8.

  4. Decisions for Successful Living (1973), 123.

  5. Talumpati sa Mutual Improvement Association, 1948, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 2.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1972, 64; o Ensign, Ene. 1973, 63.

  7. Stand Ye in Holy Places, 253–55.

  8. The Teachings of Harold B. Lee, inedit ni Clyde J. Williams (1996), 481.

  9. Stand Ye in Holy Places, 255.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1973, 129; o Ensign, Hulyo 1973, 98.

  11. The Teachings of Harold B. Lee, 487–88.

  12. The Teachings of Harold B. Lee, 487.

  13. The Teachings of Harold B. Lee, 501.

  14. Sa Conference Report, Okt. 1973, 115, 120; o Ensign, Ene. 1974, 97, 100–101.

  15. The Teachings of Harold B. Lee, 488.

  16. Stand Ye in Holy Places, 256–57.

  17. Sa Conference Report, Munich Germany Area Conference 1973, 68.

  18. The Teachings of Harold B. Lee, 486–87.

  19. The Teachings of Harold B. Lee, 488.

Pinayuhan ni Pangulong Harold B. Lee ang mga nagtataglay ng pagkasaserdote na, “Ihanda ang inyong sarili bilang malilinis at dalisay na nagtataglay ng pagkasaserdote upang maipamalas ang kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos sa pamamagitan ninyo habang nangangasiwa kayo sa sagradong mga ordenansa ng pagkasaserdote.”

Ang bawat nagtataglay ng pagkasaserdote ay dapat “isipin ang kanyang katungkulan na tila ba nasa paglilingkod siya ng Panginoon. Iyan ang ibig sabihin ng gampanang mabuti ang pagkasaserdote.”