Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 12: Ang Banal na Layunin ng Kasal


Kabanata 12

Ang Banal na Layunin ng Kasal

Ano ang magagawa natin upang mapatatag ang mga walang hanggang kasal at maihanda ang mga kabataan na magpakasal sa templo?

Pambungad

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee ang malaking kahalagahan ng pagpapakasal sa templo at pagtutulungan ng mga mag-asawa sa buong buhay nila upang mapatatag ang kanilang pagsasama:

“Ang kasal ay pagtatambalan. May nakapansin sa kuwento ng Biblia tungkol sa paglikha kung saan ang babae ay hindi hinubog mula sa bahagi ng ulo ng lalaki, na nagpapahiwatig na maaari siyang mamuno sa lalaki, ni hindi mula sa bahagi ng paa ng lalaki upang siya’y kanyang tapak-tapakan. Kinuha ang babae mula sa tagiliran ng lalaki tila upang bigyang-diin ang katotohanan na dapat palagi siya sa kanyang tabi bilang kabiyak at kasama. Sa altar ng kasal sumumpa kayo sa isa’t isa na simula sa araw na iyon ay pagtutulungan ninyong lutasin ang mga problema sa buhay, gaya ng pagtutulungan ng mga hayop na may pamatok. Ang Apostol Pablo ay nagpayo tungkol sa pag-aasawa: ‘Huwag kayong makipamatok ng kabilan.’ (II Corinto 6:14.) Bagaman ang kanyang payo ay mas may kinalaman sa mga bagay na nauukol sa pagkakapantay ng relihiyon at mga espirituwal na hangarin, gayunman ang iminumungkahing larawan ng kanyang pangungusap ay di dapat ipagwalang-bahala. Tulad ng pamatok ng mga baka na may hatakhatak sa daan, kung mag-alangan ang isa, maging tamad at batugan o magmaramot at magmatigas, ang hatak-hatak ay masisira. Sa gayunding dahilan kung kaya nasisira ang kasal ng mag-asawa kapag ang isa o kaya’y silang dalawa na bahagi ng kasal na iyon ay nabigong gampanan ang kanilang mga tungkulin sa isa’t isa. …

“Ngunit ang higit na mahalaga pa kaysa ‘pantay na pamatok’ sa mga pisikal na bagay ay ang pantay na pamatok ninyo sa mga espirituwal na bagay…. Tiyak na ang alinmang tahanan at pamilya na binuo sa layuning itatag ito maging sa kawalang-hanggan at kung saan mainit ang pagtanggap sa mga bata bilang ‘mana na mula sa Panginoon’ [tingnan sa Mga Awit 127:3] ay may mas malaking pagkakataon na maligtas dahil sa kabanalan na bumubuo sa tahanan at pamilyang iyon.”1

Mga Turo ni Harold B. Lee

Bakit mahalaga sa ating kadakilaan ang kasal na walang hanggan?

Tingnan natin ang unang kasal na isinagawa matapos mabuo ang mundo. Si Adan, ang unang tao, ay nilikha at gayundin ang mga hayop at ibon at bawat nilalang na gumagalaw sa ibabaw ng lupa. Sa gayon ay makikita natin na nakatala ito: “At sinabi ng Panginoong Diyos, Hindi mabuti na ang lalake ay magisa; siya’y ilalalang ko ng isang katulong niya.” Matapos hubugin ng Panginoon si Eva, “ito’y dinala niya sa lalake. At sinabi ng lalake, Ito nga’y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya’y tatawaging Babae, sapagka’t sa Lalake siya kinuha. Kaya’t iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila’y magiging isang laman.” (Genesis 2:18, 22–24.)… Sa pagtatapos ng kasalang iyon inutusan sila ng Panginoon na “magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin.” (Genesis 1:28.)

Narito ang isang kasal na isinagawa ng Panginoon sa pagitan ng dalawang nilalang na walang-kamatayan, sapagkat noong wala pa ang kasalanan sa mundo ang kanilang mga katawan ay hindi nakapasailalim sa kamatayan. Ginawa niya silang isa, hindi lamang sa panahong ito, ni sa alinmang may-hangganang panahon; magiging isa sila sa mga panahon ng walang hanggan. … Ang kamatayan sa kanila ay hindi diborsiyo; pansamantalang paghihiwalay lamang ito. Ang pagkabuhay na mag-uli tungo sa kawalang-kamatayan ay nangangahulugan sa kanila ng muling pagsasama at walang hanggang buklod na di na kailanman makakalas. “Sapagkat kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.” (I Corinto 15:22.)

Kung maingat ninyong nasundan ang paliwanag sa unang kasal na ito, handa na ninyong maunawaan ang paghahayag na ibinigay sa Simbahan sa ating henerasyon sa mga salitang ito:

“Kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa pamamagitan ng aking salita, na siyang aking batas, at sa pamamagitan ng bago at walang hanggang tipan, at ito ay ibinuklod sa kanila ng Banal na Espiritu ng pangako, sa pamamagitan niya na siyang hinirang, kung kanino ko itinakda ang kapangyarihang ito at ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito…, ito ay magagawa sa kanila sa lahat ng bagay anuman ang ipataw sa kanila ng aking tagapaglingkod, sa panahon, at sa lahat ng kawalang-hanggan; at magkakaroon ng buong bisa kapag sila ay wala na sa daigdig at sila ay makararaan sa mga anghel, at sa mga diyos, na inilagay roon, tungo sa kanilang kadakilaan at kaluwalhatian sa lahat ng bagay, na ibinuklod sa kanilang mga ulo.” (D at T 132:19.)…

Ang kasal sa panahon at sa kawalang hanggan ay ang makipot na pasukan at makitid na landas (na binanggit sa mga banal na kasulatan) “na patungo sa kadakilaan at pagpapatuloy ng mga buhay, at kakaunti ang makasusumpong noon,” ngunit “malapad ang pintuan, at maluwang ang daan na patungo sa mga kamatayan; at marami roon na nagsisipasok.” (D at T 132:22, 25.) Kung mahihikayat kayo ni Satanas at ng kanyang mga kampon na dumaan sa maluwang na daan ng kasal ng daigdig na nagtatapos sa kamatayan, natalo niya kayo sa inyong oportunidad para sa pinakamataas na antas ng walang hanggang kaligayahan na matatamo lamang sa pamamagitan ng kasal at pag-unlad sa kawalang-hanggan. Dapat ay maliwanag na ngayon sa inyong kaisipan kung bakit ipinahayag ng Panginoon na upang makamtan ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatiang Selestiyal, ang isang tao ay kailangang pumasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal. Kundi siya papasok dito, hindi niya makakamtan ito. (D at T 131:1–3.)2

Ang mga taong ginagawang karapat-dapat ang kanilang sarili at pumapasok sa bago at walang hanggang tipang ito ng kasal sa templo para sa panahon at lahat ng kawalang hanggan ay maglalatag ng unang batong panulok para sa walang hanggang tahanan ng pamilya sa kahariang selestiyal na magtatagal sa habampanahon. Ang gantimpala nila ay ang magtamo ng “kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan” (tingnan sa Abraham 3:26).3

Ano ang magagawa ng mga mag-asawa upang mapatatag ang kanilang kasal sa templo sa buong buhay nila?

Kung magpapasiya ang [mga kabataan] mula sa sandali ng kanilang kasal, na simula sa oras na iyon ay lulutasin nila at gagawin ang lahat sa abot ng kanilang makakaya na paligayahin ang bawat isa sa mga bagay na tama, maging sa pagsasakripisyo ng kanilang sariling kasiyahan, ng kanilang sariling hilig, ng kanilang sariling hangarin, ang problema ng pakikibagay sa buhay may-asawa ay malulutas mismo, at ang tahanan nila ay magiging tunay na maligayang tahanan. Ang pundasyon ng dakilang pagibig ay dakilang pagsasakripisyo, at ang tahanan kung saan naipakikita sa araw-araw ang alituntunin ng pagsasakripisyo para sa kapakanan ng bawat isa ay ang tahanan kung saan nananahan ang dakilang pag-ibig.4

Marami pang kagalakan sa hinaharap at, oo, marami pang pagkabalisa kaysa inyong naranasan, kaya tandaan na ang pundasyon ng dakilang pag-ibig ay dakilang pagsasakripisyo at ang araw-araw na pagpupunyagi sa isa’t isa na makapagpaligaya sa mga bagay na tama ang bubuo ng matatag na pundasyon para sa isang maligayang tahanan. Ang pagpupunyaging iyon para sa kapakanan ng bawat isa ay kailangang magmula sa kanilang dalawa at hindi sa isang panig lamang o makasarili. Kailangang makadama ang mag-asawa ng pantay na responsibilidad at obligasyon na turuan ang isa’t isa. Ang dalawa sa mga bagay sa ngayon na nagbabanta sa kaligtasan ng makabagong tahanan ay ang hindi pagkakaroon ng mga asawang lalaki ng ganap na obligasyon sa pagsuporta sa pamilya, at ang pag-iwas ng mga asawang babae sa responsibilidad ng pamamalagi sa marubdob na gawain ng pagaalaga ng isang pamilya at paggawa ng isang tahanan.5

Kaakibat ng kasal ang pinakamataas na kaligayahan ngunit gayunman kinapapalooban ito ng pinakamabigat na responsibilidad na maaaring kasangkutan ng lalaki at babae dito sa mortalidad. Ang banal na simbuyo ng damdamin na nasa bawat tunay na lalaki at babae na nagtutulak sa pakikisama ng lalaki sa babae at ng babae sa lalaki ay binalak ng ating Manlilikha na maging banal na simbuyo ng damdamin para sa banal na layunin— hindi upang bigyang-kasiyahan lamang ang udyok ng katawan o pagnanasa ng laman sa walang-ingat na pakikipag-ugnayan, kundi upang ilaan bilang pahiwatig ng tunay na pag-ibig sa banal na kasal.6

Maraming ulit ko nang sinabi sa mga bagong mag-asawa sa altar ng kasal na: Huwag kailanman hayaang mahinto ang magigiliw na paglalambingan sa inyong buhay may-asawa. Hayaang maging kasing-sigla ng sikat ng araw ang inyong mga kaisipan. Gawing makabuluhan ang inyong mga salita at nagbibigay-inspirasyon at nakapagpapasigla ang inyong pagsasamahan, kung nais ninyong panatilihing buhay ang diwa ng pagmamahal sa buong panahon ng inyong pagsasama.7

Minsan, sa paglalakbay namin sa buong Simbahan, may magasawang lalapit sa amin at magtatanong, dahil sa di sila magkasundo sa kanilang pagsasama—sila na nakasal sa templo— kung makabubuting palayain nila ang isa’t isa at maghanap ng higit na makakasundong kasama. Sa lahat ng gayon ay sinasabi naming, sa tuwing sasabihin ng mag-asawa na ikinasal sa templo na nagkakasawaan na sila, maliwanag na maaaring isa sa kanila o kapwa sila hindi tapat sa kanilang mga tipan sa templo. Ang sinumang mag-asawa na ikinasal sa templo na tapat sa kanilang mga tipan ay higit na mapapamahal sa isa’t isa, at ang pag-ibig ay magkakaroon ng mas malalim na kahulugan sa ginintuang anibersaryo ng kanilang kasal kaysa noong araw na ikasal sila sa bahay ng Panginoon. Huwag kayong magkakamali diyan.8

Ang mga nagpupunta sa altar ng kasal nang may pag-ibig sa kanilang puso, maaaring sabihin natin sa kanila na sa katunayan, kung magiging tapat sila sa mga tipan na ginawa nila sa templo, limampung taon makalipas ang kanilang kasal ay masasabi nila sa isa’t isa na: “Maaaring di natin alam kung ano ang tunay na pag-ibig noong ikasal tayo, dahil higit ang pag-iisip natin sa isa’t isa sa ngayon!” At gayon ang mangyayari kung susundin nila ang payo ng kanilang mga pinuno at susundin ang mga banal at sagradong tagubilin na ibinigay sa seremonya sa templo; magiging higit na perpekto ang kanilang pagmamahalan tungo sa kabuuan ng pagmamahal sa kinaroroonan ng Panginoon mismo.9

Ang mga pagkakamali at kabiguan at kababawan ng pisikal na paghanga lamang ay walang halaga kung ihahambing sa kadalisayan ng mabuting pag-uugali na tumatagal at mas gumaganda sa paglipas ng mga taon. Kayo rin ay maaaring mabuhay sa pagkabighani sa inyong maligayang tahanan maging sa inyong pagtanda kung inyo lamang hahanapin ang dalisay na uri ng diyamante na nasa bawat isa sa inyo. Ang tanging kailangan ay ang pagpapakintab ng tagumpay at kabiguan, kahirapan at kaligayahan upang magdulot ng kinang at ningning na magliliwanag na mabuti maging sa pinakamadilim na gabi.10

Anong payo ang ibinigay sa mga hindi pa nakakasal sa kawalang-hanggan?

Ang ilan sa inyo’y walang kasama ngayon sa inyong tahanan. Ang ilan sa inyo’y namatayan ng asawa o maaaring di pa kayo nakahahanap ng makakasama. Kabilang sa inyo ang pinakamagigiting na miyembro ng Simbahan—matatapat, magigiting, nagsisikap na ipamuhay ang mga kautusan ng Panginoon, upang itayo ang kaharian sa lupa, at paglingkuran ang inyong kapwa-tao.

Maraming inilalaan ang buhay para sa inyo. Maging malakas sa pagharap sa inyong mga hamon. Napakaraming paraan upang makatagpo ng kasiyahan, sa paglilingkod sa mga mahal ninyo, sa paggawa nang mabuti sa mga gawain ninyo sa trabaho o sa tahanan. Ang Simbahan ay nag-aalok ng maraming oportunidad upang matulungan ninyo ang mga kaluluwa, unang-una na kayo, upang matagpuan ang kagalakan ng buhay na walang hanggan.

Huwag hayaang ilayo kayo ng awa sa sarili o ng kawalan ng pag-asa sa landas na alam ninyong tama. Ituon ang inyong mga isipan sa pagtulong sa iba. Sa inyo ay may natatanging kahulugan ang mga salita ng Guro: “Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon.” (Mateo 10:39.)11

Hinuhusgahan tayo ng Panginoon hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga kilos kundi maging sa layunin ng ating mga puso…. Kung kaya, [ang kababaihan] na napagkaitan ng pagpapala ng pagiging asawa o pagiging ina sa buhay na ito—na nagsasabi sa kanilang puso, kung magagawa ko lamang ay gagawin ko sana, o magbibigay ako kung mayroon lang sana ako, ngunit hindi ko magawa dahil wala naman ako—pagpapalain kayo ng Panginoon na tila ba nagawa ninyo, at bibigyang pagkakataon ng mundong darating ang mga naghangad sa kanilang puso ng mga matwid na pagpapala na hindi nila kasalanan na di nakamtan.12

Kayong mga maybahay na naghahangad na sana’y aktibo sa Simbahan ang inyong asawa, naghahangad na sana’y narito sila sa halip na magkimkim ng pait sa kanilang puso, nag-iisip kung ano ang dapat gawin upang balang-araw…ay makasama ninyo sila sa templo ng ating Diyos. At kayong mga asawang lalaki na naghahangad na sana’y kasama ninyo ang inyong kabiyak. Sinasabi namin sa inyo na kung mananatili kayong tapat, mamahalin ninyo ang inyong asawa, at palagi kayong mananalangin sa gabi at umaga, araw at gabi, ay darating ang kapangyarihan sa inyong mga miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na karapatan ninyong tamasahin, kayo na nangabinyagan at matatapat. Ang gayong kapangyarihan ay makapagdudulot sa inyo ng kakayahan na pawiin ang pakikipagsalungatan sa inyong mga kasama at mas ilapit sila sa pananampalataya.13

Ang ilan sa inyo’y magpapasiyang mag-asawa sa labas ng Simbahan na lihim na umaasang mapagbabalik-loob ang inyong kasama sa inyong pananaw sa relihiyon. Ang pagkakataon ninyong lumigaya sa inyong buhay may-asawa ay mas malaki kung gagawin ninyo ang pagpapabalik-loob bago magpakasal sa kanya.14

Ano ang magagawa natin upang matulungan ang mga kabataan na maunawaan ang mga pagpapala ng kasal sa templo at maghanda para dito?

Ang bisa ng tahanan ng Banal sa mga Huling Araw ay nakasalalay sa paraan ng ginawang kasal para sa tahanang iyon. Ang kasal na para lamang dito at sa ngayon ay natural na magtuon lamang sa daigdig na ito. Ang kasal sa kawalang hanggan ay may kakaibang pananaw at saligan….

…Mangyari pa, nalaman natin na ang pagpunta lamang sa templo nang walang angkop na paghahanda sa anumang paraan ay hindi nagdudulot ng mga pagpapalang hangad natin. Ang walang hanggang kasal ay nakasalalay sa kahustuhan ng isip at pananagutan na—kasama ng endowment at mga ordenansa—ay makapagbubukas sa mga pintuan ng langit upang dumaloy sa atin ang maraming pagpapala.

…Ang kasal sa templo ay hindi lamang lugar na pinagdarausan ng seremonya; ito’y buong oryentasyon sa buhay at pagaasawa at tahanan. Ito ang kasukdulan ng pagbuo ng mga paguugali sa Simbahan, kalinisang-puri, at ng ating personal na pakikipag-ugnayan sa Diyos—at marami pang iba. Kung kaya ang pangangaral ng tungkol sa kasal sa templo ay hindi sapat. Ang ating mga gabing pantahanan ng mag-anak, seminary, institute at pantulong na samahan ay kailangang maitatag tungo sa layuning ito—hindi sa pamamagitan lamang ng panghihikayat— kundi sa pagpapakita na ang mga pinaniniwalaan at pag-uugaling may kinalaman sa kasal sa templo ay yaong mga makapagdudulot ng uri ng buhay na tunay na ninanais ng bawat tao para sa kanilang sarili dito at sa kawalang-hanggan. Kapag nagawa nang wasto, maipakikita natin ang kaibahan ng “banal at ng karaniwan” [tingnan sa Ezekiel 44:23] upang ang makapangyarihang likas na katutubong ugali ng pagiging ina ay makita sa kabataang babae na nalilito sa kaibahan ng mga banal na katutubong ugali at ng landas ng paghahanap ng kasiyahan. Sa pamamagitan ng tunay na paghatol at pinagsamang pagsisikap, maipakikita natin sa kabataang lalaki na ang landas ng daigdig—gaano man kahali-halina at gaano man kaganda ito lumitaw—ay landas ito ng kalungkutan; ito ang landas na sa dakong huli’y bibigo sa kanyang matinding paghahangad sa sarili niyang tahanan at sa mga kagalakan ng pagiging ama.15

Bagaman hindi nalulutas ng kasal sa templo ang lahat ng problema sa buhay, gayunman, tiyak na sa lahat ng karapat-dapat na pumapasok dito, ito’y nagiging kanlungan ng kaligtasan at angkla ng kaluluwa kapag bumuhos nang matindi ang mga unos ng buhay….

Marami akong karanasan, sa halos dalawampung taon, sa pagdalaw tuwing Sabado’t Linggo sa ilan sa mga pinakamatagumpay na tahanan ng Simbahan, at sa paghahambing, halos linggolinggo ay nasusulyapan ko ang ilan sa di-masasayang tahanan. Mula sa mga karanasang ito ay may naisip akong ilang tiyak na konklusyon: Una, ang pinakamaliligaya nating tahanan ay iyong may mga magulang na nakasal sa templo. Ikalawa, ang kasal sa templo ay lubos na matagumpay kapag ang mag-asawa ay pumasok sa mga sagradong ordenansa ng templo na malinis at dalisay ang katawan, isip, at puso. Ikatlo, ang kasal sa templo ay lubos na sagrado kapag ang bawat isa sa magkatuwang ay naturuang mabuti sa layunin ng banal na endowment at sa mga obligasyon ng mag-asawa matapos iyon, bilang pagsunod sa mga tagubiling natanggap sa templo. Ikaapat, ang magulang mismo na hindi pinahalagahang mabuti ang kanilang mga tipan sa templo, ay di gaanong makaaasa sa kanilang mga anak dahil sa kanilang masamang halimbawa.

Sa panahong ito ay binaluktot na mabuti ng mga moda, pagkukunwari, at halina ng daigdig ang mga banal na konsepto ng tahanan at kasal, at maging ang mismong seremonya ng kasal. Pinagpala ang matalinong ina na nagpipinta ng buhay na larawan sa isipan ng kanyang anak na babae. Larawan ng sagradong tagpo sa napakaganda at makalangit na silid ng pagbubuklod kung saan ang isang maganda at batang magkasintahan ay magkahawak-kamay sa banal na altar, malayo sa mga makamundong bagay at kasama ang mga magulang at malalapit na kaibigan ng pamilya. Salamat sa Diyos sa inang iyon na ipinakikita sa kanyang anak na babae na dito, ang lugar sa lupa na pinakamalapit sa langit, ang puso ay nakikipag-ugnayan sa puso. Isang pagsasalo ng pagmamahalan na nagsisimula sa pagiging isa na kumakalaban sa malalaking pinsalang dulot ng kahirapan, dalamhati, o kabiguang gumagapi, at nagbibigay ng pinakamainam na pampasigla sa pinakamatataas na maaabot sa buhay!16

Nawa’y ipahintulot ng Diyos na pagpalain ang mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw at dumating sa kanila ang kaligayahan dito at ang pundasyon para sa kadakilaan sa kahariang selestiyal sa daigdig na darating.17

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ano ang maaaring gawin ng mga mag-asawang ikinasal upang mapanatili araw-araw ang mataas na pagpapahalaga sa mga tipan ng kanilang walang hanggang kasal? Paano dapat makaapekto ang pagiging kasal sa kawalang-hanggan sa paraan ng pakikitungo nila sa isa’t isa at sa kanilang mga anak?

  • Paano natin maituturo ang kahalagahan ng walang hanggang kasal sa ating mga anak?

  • Bakit ang “pundasyon ng dakilang pag-ibig ay dakilang pagsasakripisyo”? Paano napalalakas ng pagiging di-makasarili ang pagsasama ng mag-asawa?

  • Ano ang maaaaring gawin ng mga taong ang kabiyak ay diaktibo sa Simbahan upang mapalakas ng kanilang pagsasama? Paano mapupuno ng pagpapahiwatig ng maka-diyos na pagmamahal at sakripisyo ang buhay ng mga taong hindi kasal sa kasalukuyan?

  • Ano ang ibig sabihin ng “makipamatok nang pantay” sa pag-aasawa?

  • Paano “magiging higit na perpekto ang pagmamahalan [ng isang mag-asawa] tungo sa kabuuan ng pagmamahal sa kinaroroonan ng Panginoon”?

Mga Tala

  1. Decisions for Successful Living (1973), 174–75.

  2. Decisions for Successful Living, 125–27; idinagdag ang paglikha ng talata.

  3. The Teachings of Harold B. Lee, inedit ni Clyde J. Williams (1996), 169.

  4. The Teachings of Harold B. Lee, 239–40.

  5. Ye Are the Light of the World (1974), 339.

  6. The Teachings of Harold B. Lee, 236.

  7. The Teachings of Harold B. Lee, 254.

  8. The Teachings of Harold B. Lee, 249.

  9. The Teachings of Harold B. Lee, 243.

  10. Decisions for Successful Living, 177–78.

  11. Decisions for Successful Living, 249.

  12. Ye Are the Light of the World, 291–92.

  13. Talumpati sa komperensiya ng Virginia Stake, ika-30 ng Hunyo, 1957, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  14. Decisions for Successful Living, 129.

  15. “Special Challenges Facing the Church in Our Time,” seminar ng mga kinatawan ng rehiyon, ika-3 ng Okt. 1968, 13–14.

  16. “My Daughter Prepares for Marriage,” Relief Society Magazine, Hunyo 1955, 349–51.

  17. Sa Conference Report, Okt. 1948, 56.

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee na “ang pundasyon ng dakilang pag-ibig ay dakilang pagsasakripisyo, at ang tahanan kung saan naipakikita sa araw-araw ang alituntunin ng pagsasakripisyo para sa kapakanan ng bawat isa ay ang tahanan kung saan nananahan ang dakilang pag-ibig.”