Kabanata 7
Ang mga Banal na Kasulatan, “Malawak na Imbakan ng Espirituwal na Tubig”
Paano nakadaragdag sa ating espirituwalidad at umaakay sa atin patungo sa buhay na walang hanggan ang masigasig na pag-aaral ng mga banal na kasulatan?
Pambungad
Si Pangulong Harold B. Lee at ang kanyang asawang si Freda Joan Lee, ay naglakbay sa Europa at sa Banal na Lupain noong 1972, nagturo sa mga misyonero at miyembro ng mga doktrina ng ebanghelyo. Sina Elder Gordon B. Hinckley at ang kanyang asawang si Marjorie Pay Hinckley, ay kasama nila. Ginunita ni Sister Hinckley: “Nakatutuwang pagmasdan kung paano kumilos si Pangulong Lee sa isang sitwasyon. Kapag nakikipagpulong kami sa mga misyonero kadalasang ito ay sa umaga sa kapilyang puno ng full-time at part-time na lokal na mga misyonero. Sa pagtayo niya upang magsalita sa kanila, bibihira siyang magsimula sa pagbati o pang-unang pananalita, sa halip ay binubuksan niya ang mga banal na kasulatan at nagsisimulang magsalita. Walang kahirap-hirap niyang binabanggit ang mga banal na kasulatan kung kaya minsan ay mahirap malaman kung kailan siya gumagamit ng sarili niyang salita at kung kailan siya bumabanggit mula sa banal na kasulatan. Pagkatapos ng isa sa mga pulong na iyon, tinanong ko siya kung paano niya nasaulo ang mga banal na kasulatan. … Nag-isip siya sandali at pagkatapos ay nagsabing, ‘Wala akong matandaan na talagang isinaulo ko ang mga banal na kasulatan. Palagay ko talaga lang pinag-aralan ko sila nang husto kung kaya naging bahagi na sila ng buhay ko at ng aking bokabularyo.’ ”1
Mga Turo ni Harold B. Lee
Bakit dapat nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan?
Tulad din na ang tubig ay mahalaga noon at ngayon sa pisikal na buhay…, gayon din naman na mahalga ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo sa espirituwal na buhay ng mga anak ng Diyos. Ang pagkakatulad na iyan ay ipinahiwatig sa mga salita ng Tagapagligtas sa babae sa tabi ng balon ng Samaria, nang sabihin Niya: “…sinumang umiinom ng tubig na sa kanya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailanman; ngunit ang tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.” [Juan 4:14.]
Ang malalawak na imbakan ng espirituwal na tubig, na tinatawag na mga banal na kasulatan, ay inilaan sa panahong ito at pinag-ingatan upang ang lahat ay makasalo at espirituwal na mapakain, at nang sila ay hindi na mauhaw. Ang kahalagahan ng banal na kasulatang ito ay tinukoy sa mga salita ng Tagapagligtas, “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan; sapagkat iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan: at ang mga ito ay siyang nangagpatotoo tungkol sa akin” (Juan 5:39); at ang karanasan ng mga Nephita na pinabalik upang kunin ang mga laminang tanso na naglalaman ng mga kasulatang napakahalaga sa kapakanan ng mga tao. Ang paggamit ng mga banal na kasulatang iyon ay isinaad sa pahayag ni Nephi nang sabihin niya, “…sapagkat inihahalintulad ko sa amin ang lahat ng banal na kasulatan, upang ito ay maging para sa aming kapakinabangan at kaalaman.” (1 Nephi 19:23.) Sa mga salinlahing ito ang mga mensahe mula sa ating Ama ay naitabi at napag-ingatang mabuti, at mapapansin din ninyo na sa panahong ito ang mga banal na kasulatan ang pinakadalisay sa kanilang pinagmumulan, tulad din ng ang tubig ay pinakadalisay sa bundok na pinagmumulan ng bukal nito; ang pinakadalisay na salita ng Diyos, at marahil ang hindi marurumihan, ay ang nagmumula sa mga labi ng mga buhay na propetang itinalaga upang gabayan ang Israel sa atin mismong araw at panahon.2
Ang ating Ama sa bawat dispensasyon ay nagbigay sa atin, na Kanyang mga anak, ng mga banal na kasulatan na Kanyang binigyang-inspirasyon upang gawin tayong matalino sa pagdaig sa tukso sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya. Ang mga banal na kasulatang ito ay “mapapakinabangan sa doktrina, sa panunumbat, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katwiran. Upang ang tao ng Diyos ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawaing mabuti.” (II Timoteo 3:16–17.) Dahil napakahalaga ng mga banal na kasulatan sa plano ng kaligtasan ng Ama kung kaya itinala ang mga pangyayaring iyon kung saan iniutos ng Diyos ang pagkitil ng buhay upang maangkin ang mahahalagang kasulatan dahil kung wala ang mga ito ang Kanyang mga anak ay magpapahapay-hapay at mabubulagan sa kadiliman ng sanlibutan [tingnan sa 1 Nephi 4:13].3
Sa ngayon mas binibigyang-pansin natin ang pagbabasa ng mga komentaryo tungkol sa mga banal na kasulatan. Subalit wala nang mas mahalaga pa kaysa sa hawakan ng ating mga kamay ang mga banal na kasulatang iyon at basahin ang mga ito. … [M]ayroong bagay na higit na nakakapukaw, higit na espirituwal, bagay na higit na makahulugan kapag binabasa ko ang mismong banal na kasulatan. … Wala nang mas mahalaga, lubos na kailangan ngayon, kundi ang ikintal sa inyong mga anak ang pagmamahal ding yaon sa mga banal na kasulatan.4
Pinayuhan tayo ng Guro na saliksikin ang mga banal na kasulatan, sapagkat dito natin matatagpuan ang landas patungo sa buhay na walang hanggan, sapagkat pinatototohanan nila ang landas na dapat tahakin ng mga tao upang magtamo ng buhay na walang hanggan na kasama Niya at ng “Ama na nagsugo sa [Kanya]” (Juan 5:30).5
Paano nakakatulong ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa ating pagpapaunlad at pagpapanatili ng ating espirituwalidad?
Lagi nang sumasaisip ko ang mga salita ni Propetang Joseph Smith sa pakikipagpulong niya sa mga kapatid na kalalakihan, ikinintal sa kanila ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon, may higit na kahulugan kaysa sa iniisip ng marami sa atin. Ang pahayag niya ay: “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ay ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat” (History of the Church, 4:461).
Para sa akin nangangahulugan ito na hindi lamang sa daming ito ng mga banal na kasulatan natin nailalarawan ang mga naaangkop na katotohanan ng ebanghelyo, kundi sa pamamagitan din ng pangalawang saksing ito ay maaari nating malaman nang may higit na katiyakan ang kahulugan ng mga turo ng mga sinaunang propeta at, sa katunayan, maging ng Guro at ng Kanyang mga disipulo noong sila ay namuhay at nagturo sa mga tao.6
Kung nais ng isang taong mapalapit sa Diyos, magagawa niya ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon.7
Kayo…ay wala nang magagawa pa upang mapag-ibayo ang inyong espirituwal na pagkahilig at mapanatili ang inyong espirituwal na sigla maliban sa pagbabasang muli taun-taon ng mahahalagang bagay na itinuro sa Aklat ni Mormon. Ibinigay ito sa atin, ang kabuuan ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Anghel Moroni upang ipangaral sa tao. Nagkaroon tayo, halimbawa, ng kuwentong isinalaysay sa atin ni Pangulong German E. Ellsworth, na nagbahagi ng kanyang patotoo sa templo sa harap ng ibang pangulo ng misyon. Sinabi niya na maraming taon na ang nakalipas habang pinamumunuan niya ang Northern States Mission ay nagkaroon siya ng panaginip o pangitain kung saan dinadalaw niya ang Burol ng Cumora at napuno ang kanyang isipan ng mga pangyayaring naganap sa sagradong lugar na iyon. Doo’y dumating sa kanya ang hindi mapag-aalinlanganang hamon: “Ipangaral sa sanlibutan ang Aklat ni Mormon. Aakayin nito ang sanlibutan kay Cristo.”8
Kung nais ninyong patatagin ang mga estudyante laban sa…mga taliwas na turo, ang tinatawag na mga nakatataas na kritiko na humahamon sa pananampalataya nila sa Biblia, bigyan ninyo sila ng pangunahing kaalaman sa mga turo ng Aklat ni Mormon. Paulit-ulit na repasuhin ito.
Gaano na ba katagal mula nang mabasa ninyo ang Aklat ni Mormon? Nagulat ako kani-kanina lamang nang makapanayam ang dalawang kalalakihan na kabilang dati sa ating sistema ng seminary maraming taon na ang lumipas at kapwa sila ngayon humahawak ng ibang tungkulin sa pagtuturo, nagtamo na ng kanilang pagkadalubhasa. Lumayo sila sa mga katotohanan ng ebanghelyo at ngayon ay hinahamon at sinasalungat at pilit na winawasak at pinupulaan ang mga turo ng Simbahan.
Nakausap ko silang dalawa, at nang tanungin ko tungkol sa pagbabasa nila ng Aklat ni Mormon, sinabi sa akin ng isa sa kanila: “Labing-apat na taon na ang nakalipas mula nang may mabasa ako sa Aklat ni Mormon.”
Sinabi ng isa pa, “Hindi ko na matandaan pa kung kailan ako huling nagbasa ng Aklat ni Mormon.” Gayundin ang maaaring mangyari sa atin, kung hindi natin ipagpapatuloy na ilubog ang ating sarili sa mga turo ng napakahalagang aklat na ito na ibinigay sa atin ng Panginoon para sa isang layunin–at iyan ay, ang itama ang lahat ng pagkakamali at pagtatalu-talong ito sa ating panahon tulad nang ipinangako Niya na gagawin sa ibang panahon.9
Nakipag-usap ako sa isang taong kilala sa aming pamantasan. … Bagamat miyembro ng Simbahan, tuso siyang nag-uudyok at pinalalala ang mga pag-aalinlangan sa hangaring wasakin ang pananampalataya ng mga kabataang ito. Sabi niya, “Pero hindi ko na ito ginagawa nitong huling tatlong buwan, Kapatid na Lee.”
Nang tanungin ko, “Ano ang nagpabago sa iyo?” nakatutuwa niyang inamin:
“Sa loob ng dalawampung taon kahit kailan ay hindi ko binasa ang Aklat ni Mormon, pero nabigyan ako ng takdang-gawain sa Simbahan. Ang takdang-gawaing iyon ay nagtulak sa aking pagaralan ang Aklat ni Mormon at ang ebanghelyo, at nakiisa akong muli sa Simbahan sa loob ng ilang buwan. Ngayon kapag lumalapit ang mga estudyante ko sa akin, na balisa dahil sa mga turo ng pilosopiya, sinasabi ko sa kanila nang sarilinan, ‘Ngayon, huwag na kayong mabalisa. Alam mo at alam ko na totoo ang ebanghelyo at tama ang Simbahan.’ ”10
Sa anu-anong paraan nakapagbibigay ng pamantayan ng katotohanan ang mga banal na kasulatan?
Ang mga nakalipas na taon ay nagpasimula sa mga teoriyang pang-edukasyon at pilosopiya na nag-alinlangan sa lahat ng lumang pamantayan ng relihiyon, moralidad, at ugnayang pampamilya. Ang mga makabagong ikonoklasta ay abala…upang wasakin ang pananampalataya sa dati at pinagkakatiwalaang makapangyarihang turo ng mga banal na kasulatan at upang [palitan ang mga ito] ng mga hindi inspirado at doktrinang etikal na gawa ng tao na pabagu-bago ayon sa panahon at lugar.11
Sinasabi ko na kailangang turuan natin ang ating mga tao na makahanap ng mga sagot sa banal na kasulatan. Kung magiging sapat lamang ang kaalaman ng bawat isa sa atin para masabi na hindi natin masasagot ang anumang tanong maliban kung makakakita tayo ng doktrinal na sagot sa mga banal na kasulatan! At kung maririnig nating nagtuturo ang isang tao na salungat sa nasa mga banal na kasulatan, malalaman ng bawat isa sa atin kung ang mga bagay na binabanggit ay mali—ganoon lang kasimple iyon. Subalit ang nakakalungkot ay marami sa atin ang hindi nagbabasa ng mga banal na kasulatan. Hindi natin alam kung ano ang nasa loob nito, at dahil doon nagmumuni-muni tayo sa mga bagay na dapat sana nating natagpuan sa mga banal na kasulatan. Sa palagay ko iyan ang isa sa pinakamatinding panganib sa ngayon.
Kapag nakikipagpulong ako sa ating mga misyonero at nagtatanong sila tungkol sa mga bagay tungkol sa templo, sinasabi ko sa kanila, kapag tinatapos ko ang talakayan, “Hindi ako mangangahas sumagot sa anuman sa inyong mga katanungan maliban kung makahahanap ako ng kasagutan mula sa mga pamantayang aklat o sa tunay na mga pagpapahayag ng mga Pangulo ng Simbahan.”
Ibinigay sa atin ng Panginoon sa mga pamantayang aklat ang mga paraan kung paano natin dapat sukatin ang katotohanan at di-katotohanan. Nawa’y pakinggan nating lahat ang kanyang salita: “Inyong kukunin ang mga bagay na inyong natanggap, na ibinigay sa inyo sa aking mga banal na kasulatan bilang isang batas, upang maging batas ko upang pamahalaan ang aking simbahan” (D at T 42:59).12
Laging nariyan ang tukso na lumagpas pa sa ipinahayag ng Panginoon at nagtangkang gumamit ng imahinasyon sa ilang pagkakataon o maghaka-haka tungkol sa mga turong ito. Nais kong tandaan ninyo iyan. Huwag kayong mangahas na lumagpas pa sa ipinahayag ng Panginoon. Kung hindi ninyo alam, sabihin ninyong hindi ninyo alam; subalit huwag ninyong sabihing hindi ninyo alam kapag dapat ay inyong alam, sapagkat kayo ay dapat maging mga mag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang mga katanungan tungkol sa mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo ay dapat masagot, hangga’t maaari, mula sa mga banal na kasulatan.13
Mayroon tayo na wala ang ibang simbahan: apat na kagilagilalas na mga aklat, ang katotohanan nito kung babasahin nating lahat, ay napakalinaw kung kaya’t walang dahilan upang magkamali tayo. Halimbawa, kapag gusto nating malaman ang tungkol sa pakahulugan ng talinghaga ng agingay ayon sa ibig sabihin ng Panginoon dito, ang dapat lamang nating gawin ay basahin ang paghahayag na kilala bilang ika-86 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan at nasa atin na ang pakahulugan ng Panginoon. Kung nais nating malaman ang tungkol sa nilalaman ng mga turo ng Mga Pagpapala o ng Panalangin ng Panginoon, mababasa natin ang mas wastong bersyon sa Pangatlong Nephi. Maraming konsepto na hindi maliwanag ang nabigyang-linaw at katiyakan sa ating mga isipan.14
Bakit dapat nating gamitin ang mga banal na kasulatan kapag nagtuturo tayo ng ebanghelyo?
Pananagutan ng mga nagtuturo sa Kanyang mga anak ang ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Hindi tayo itinalaga upang magturo ng mga kuru-kuro o hula-hula sa katotohanan. Hindi tayo itinalaga upang magturo ng mga pilosopiya o agham ng sanlibutan. Itinalaga tayo upang magturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo tulad nang makikita sa apat na pamantayang aklat—ang Biblia, ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas.
Kapag inisip natin iyan bilang ating limitasyon, pribilehiyo nating malaman ang mga katotohanang iyon at ang magkaroon ng pinakakumpletong pamantayan ng mga banal na kasulatan na kilala sa sanlibutan. Tanging mga miyembro lamang ng Simbahan ang may pribilehiyong gayon.15
Naniniwala kami na ang ating mga miyembro ay gutom sa ebanghelyo, na hindi malabnaw, at sagana sa katotohanan, at kabatiran. … [H]uwag tayong magkamali na bagutin [ang ating mga miyembro]…sa ating mga tahanan o klase sa Simbahan sa pagbibigay sa kanila ng malabnaw na paghigop ng ebanghelyo gayong makaiinom sila ng pamatiduhaw sa balon ng buhay na tubig!… Tila may mga taong nakakalimot na ang pinakamakapangyarihang sandatang ibinigay sa atin ng Panginoon laban sa lahat ng kasamaan, ay ayon na rin sa sarili Niyang mga pagpapahayag, ang mga payak at simpleng doktrina ng kaligtasan na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Nagulat kami nang aming marinig na ilan sa ating mga kapatid na kalalakihan sa tinatawag na mauunlad na komunidad…ay piniling balewalain ang nakabalangkas na kurso ng pag-aaral bilang kapalit ng iba’t ibang makukulay na pagtalakay sa mga paksang kakaunti lamang ang pagkakatulad sa mga pangunahing katotohanan ng ebanghelyo.16
Lahat ng itinuturo natin sa Simbahang ito ay dapat nakabatay sa mga banal na kasulatan. … Kailangang piliin natin ang ating mga paksa mula sa mga banal na kasulatan, at sa tuwing may paglalarawan kayo sa mga banal na kasulatan o paghahayag sa Aklat ni Mormon, gamitin ito, at huwag kumuha sa ibang mapagkukunan kung makikita naman ninyo ito sa mga aklat na ito. Tinatawag natin itong mga pamantayang aklat ng Simbahan sapagkat sukatan ang mga ito. Kung nais ninyong sukatin ang katotohanan, sukatin ito sa pamamagitan ng apat na pamantayang aklat ng Simbahan. … Kung wala ito sa mga pamantayang aklat, maaaring ipalagay ninyo ito bilang isang haka-haka. Ito ay sariling opinyon ng tao, sa madaling salita; at kung sumalungat ito sa mga nasa banal na kasulatan, malalaman ninyo sa ganoon ding palatandaan na ito ay hindi totoo. Ito ang pamantayan kung paano ninyo masusukat ang katotohanan. Subalit kung hindi ninyo alam ang mga pamantayan, wala kayong sapat na panukat.17
Naaalala ko…kung paano itinuro sa akin ang mga banal na kasulatan noong ako ay nasa Primarya pa lamang. … Tandaan, dumarating ang pananampalataya sa pakikinig sa salita ng Diyos, tulad ng sinabi ni Pablo [tingnan sa Mga Taga Roma 10:17]. … Sa klase ko sa Primarya, mayroon akong mahusay na guro—hindi mahusay dahil sa nakapag-aral siya sa paaralan at nakatanggap ng pagkadalubhasa sa agham ng pagtuturo, sining ng pagtuturo, kundi dahil may paraan siya ng paniniwala…na upang magkaroon siya ng sampalataya sa amin kailangang ituro niya sa amin ang mga banal na kasulatan.18
Umuunlad ba tayo sa patotoo at espirituwalidad sa masigasig na pag-aaral ng mga banal na kasulatan?
Patuloy ba ninyong…pinag-iibayo ang inyong patotoo sa masigasig na pag-aaral ng mga banal na kasulatan? Nakaugalian na ba ninyong magbasa ng mga banal na kasulatan araw-araw? Kung hindi tayo nagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, hihina nang hihina ang ating patotoo, hindi lalalim ang ating espirituwalidad. Tayo, mismo, ay dapat mag-aral ng mga banal na kasulatan at ugaliin ito araw-araw.19
Ang paraan ng pagtatatag ng espirituwalidad [ay] sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo.20
Sikapin sa inyong mga tahanan, at turuan ang iba, na gumugol ng panahon bawat araw na magkaroon ng tahimik na sandali, magnilay-nilay. Pag-aaralan ang mga banal na kasulatan, kahit tatlumpung minuto bawat araw. Sa umagang-umaga, o sa kalaliman ng gabi, anuman ang angkop sa inyong iskedyul, bigyan ang inyong sarili ng isang oras ng mapanalanging pagninilay-nilay kung kailan maitutuon ninyo nang husto ang inyong sarili sa Diyos at talakayin sa Kanya ang mga suliraning labis-labis para sa pangunawa ng tao, na hindi kaya ng lakas ng tao.21
Huwag palampasin ang isang araw nang hindi nagbabasa mula sa mga sagradong aklat na ito. Subalit hindi sapat na matutuhan lang ang Kanyang buhay at gawa sa pamamagitan ng pag-aaral. Ang Guro mismo ay tumugon sa katanungan kung paano Siya makikilala ng tao at ang Kanyang doktrina: “Kung ang sinumang tao ay gagawa ng Kanyang kalooban, ay malalaman niya” (Juan 7:17). Sa palagay ba ninyo magiging awtoridad sa agham ang isang taong hindi pa kailanman nag-eksperimento sa isang laboratoryo? Pakikinggan ba ninyo nang husto ang komentaryo ng isang kritiko sa musika na walang alam sa musika…? Kaya nga, ang tulad ninyo na gustong “makilala ang Diyos” ay dapat na gumagawa ng Kanyang kalooban at sumusunod sa Kanyang mga kautusan at ipinamumuhay ang mga kagandahang-asal na ipinamuhay ni Jesus.22
Tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon. May karapatan tayo sa espirituwal na gabay, kung mamumuhay tayo nang karapat-dapat. Ipinagkaloob ng Diyos na mamuhay tayo at pag-aralan ang mga banal na kasulatan, at gawin itong pang-araw-araw na kaugaliang magbasa upang hindi tayo bumagsak sa matataas na tungkuling itinalaga sa atin sa kaharian ng Ama.23
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Sa anu-anong paraan nagiging mahalaga ang mga banal na kasulatan sa ating espirituwal na buhay tulad ng kahalagahan ng tubig sa ating pisikal na buhay? Paano nakatutulong sa atin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan na mapaglabanan ang tukso?
-
Sa anong paraan tayo naaakay ng Aklat ni Mormon tungo kay Jesucristo? Paano tayo natutulungan ng Aklat ni Mormon na matukoy ang kaibahan ng katotohanan sa kamalian? Paano naimpluwensiyahan ng inyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon ang inyong buhay?
-
Anu-anong karanasan ang naganap sa inyo sa paghahanap ng mga kasagutan sa inyong mga katanungan sa banal na kasulatan?
-
Kapag nagtuturo tayo, bakit mahalagang umasa sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga propeta?
-
Paano ninyo nagawang i-priyoridad ang pag-aaral ng banal na kasulatan sa inyong buhay? Paano ninyo nahikayat ang inyong mga anak o ibang miyembro ng mag-anak na mag-aral ng mga banal na kasulatan?
-
Paano nadagdagan ang ating kakayahan sa ating pag-aaral ng mga banal na kasulatan upang matupad ang “matataas na tungkuling itinalaga sa atin sa kaharian ng Ama?”