Kabanata 23
Ang Pagkabuhay na Mag-uli, Isang Angkla sa Kaluluwa
Paano tayo pinalalakas sa ating mga pagsubok sa lupa ng patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo at ng ating pagkabuhay na mag-uli sa hinaharap?
Pambungad
Si Pangulong Harold B. Lee ay may malakas na patotoo hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, na lalo pang lumakas matapos na siya’y tawagin sa Korum ng Labindalawang Apostol noong Abril 1941. Paggunita niya: “Lumapit sa akin ang isa sa Labindalawa at nagsabing, ‘Gusto naming ikaw ang magsalita sa serbisyo sa gabi ng Linggo. Para iyon sa Linggo ng Pagkabuhay. Bilang naordenang apostol, ikaw ay magiging natatanging saksi ng misyon at pagkabuhay na mag-uli ng Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.’ Iyon, sa palagay ko, ang nakakagulat sa lahat, ang pinakamatinding pagmumuni-muni ng lahat ng nangyari.
“Nagkandado ako sa isa sa mga silid ng Gusaling Tanggapan ng Simbahan at kinuha ko ang Biblia. Nagbasa ako sa apat na Ebanghelyo, lalo na ang mga banal na kasulatan na may kinalaman sa pagkamatay, pagpapako sa krus, at pagkabuhay na maguli ng Panginoon, at habang nagbabasa ako, bigla kong nadama na may nangyayaring kakaiba. Hindi lamang isang kuwento ang binabasa ko, dahil naging tila totoo ang mga pangyayaring binabasa ko na para bang nararanasan ko mismo ang mga iyon. Gabi ng Linggo nang ibigay ko ang aking abang mensahe at nagsabing, ‘At ako, na isa sa pinakaaba sa mga apostol dito sa lupa ngayon, ay nagpapatotoo sa inyo na alam ko nang buong puso ko na si Jesus ang Tagapagligtas ng daigdig at siya’y nabuhay at namatay at nabuhay na mag-uli para sa atin.’
“Nalaman ko dahil sa kakaibang uri ng patotoo na dumating sa akin noong nakaraang linggo. Pagkatapos ay may nagtanong, ‘Paano mo nalaman? Nakita mo ba?’ Masasabi kong mas malakas kaysa paningin ng tao ang patotoo na nagmumula sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na nagpapatotoo sa ating espiritu na si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas ng daigdig.”1
Mga Turo ni Harold B. Lee
Paanong ang katunayan ng pagkabuhay na mag-uli ay “pangakong nakapagpapasaya”?
“Datapuwa’t nang unang araw ng sanglinggo, pagkaumagangumaga, ay nagsiparoon sila sa libingan. … Nasumpungan nilang naigulong na ang bato mula sa libingan. At sila’y nagsipasok, at hindi nila nangasumpungan ang bangkay ng Panginoong Jesus. At nangyari, na samantalang sila’y nangatitilihan dahil dito, narito, tumayo sa tabi nila ang dalawang lalake na nakasisilaw ang mga damit! At nang sila’y nangatatakot at nangakatungo ang kanilang mga mukha sa lupa ay sinabi nila sa kanila, Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay? Huwag kayong mangatakot; sapagka’t nalalaman ko na inyong hinahanap si Jesus na ipinako sa krus.
“Siya’y wala rito; sapagka’t siya’y nagbangon, ayon sa sinabi niya. Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang dakong kinalagyan ng Panginoon.
“At magsiyaon kayong madali, at sa kaniyang mga alagad ay sabihin ninyo, Siya’y nagbangon sa mga patay; at narito, siya’y nangunguna sa inyo sa Galilea; doon makikita ninyo siya: narito, nasabi ko na sa inyo.” [Tingnan sa Lucas 24:1–7; Mateo 28:5–7; Marcos 16:5–7.]
Sa gayong paraan itinala ng mga manunulat ng ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas ang pinakadakilang pangyayari sa kasaysayan ng daigdig, ang literal na pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Jesucristo, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ipinakita sa kagila-gilalas na paraan ang pinakadakila sa lahat ng banal na kapangyarihan ng nagkatawang-tao na Anak ng Diyos. Sinabi niya sa nagdadalamhating si Marta, noong mamatay ang kanyang kapatid na si Lazaro: “Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya.” (Juan 11:25.)
Sa mga Judio na nagbabalak pumatay, ang Kanyang pahayag tungkol sa Kanyang banal na kapangyarihan ay higit na malinaw at makahulugan. “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dumarating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Dios; at ang mangakarinig ay mangabubuhay.
“Sapagka’t kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili;
“At…ng kapamahalaang makahatol, sapagka’t siya’y Anak ng [Diyos].” [Juan 5:25–27.]
Kasunod na kasunod ng Kanyang sariling pagkabuhay na maguli, dumating ang katibayan ng ikalawang kakaibang kapangyarihan na ibangon mula sa patay, hindi lamang ang Kanyang sarili, kundi ang iba pa “na bagama’t patay, ay naniwala sa Kanya.” Ginawa ni Mateo ang simple at tuwirang tala na ito ng mahimalang pagkabuhay na mag-uli ng matatapat, mula sa mortal na kamatayan, “At nangabuksan ang mga libingan; at maraming katawan ng mga banal na nangakatulog ay nangagbangon, At paglabas sa mga libingan pagkatapos na siya’y mabuhay na maguli ay nagsipasok sila sa bayang banal at nangapakita sa marami.” [Mateo 27:52–53.]
Ni hindi rin dito nagtatapos ang mga nakatutubos na kapangyarihan ng tanyag na Anak ng Diyos na ito. Sa paglipas ng mga panahon, sa bawat dispensasyon, ay dumarating ang nakapagpapasayang pangako: “Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin,” (I Corinto 15:22), “…ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol.” (Juan 5:29.) Mabilis na lumilipas ang panahon tungo sa kumpletong katuparan ng Kanyang banal na misyon.
Kung ang buong kahulugan ng makapigil-hiningang pangyayaring ito ay mauunawaan sa panahong ito kung kailan, tulad ng naipropesiya ng mga propeta: Naghahanda ang masasama upang patayin ang masasama; at “takot ang mananaig sa bawat tao” (D at T 63:33), ang pang-unawang ito ang papawi sa maraming takot at pagkabahala na dinaranas ng mga tao at bansa. Tunay na kung “mangatakot kayo sa Dios, igalang ninyo ang hari” [tingnan sa 1 Pedro 2:17] ay makakamtan natin ang maluwalhating pangako ng Guro: “Yayamang sinisikap ninyong alisan ang inyong sarili ng mga inggit at takot, …inyo Akong makikita” [tingnan sa D at T 67:10].2
Ang layunin ng buhay ay isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan [tingnan sa Moises 1:39]. Ngayon, ang ibig sabihin ng kawalang-kamatayan ay magkaroon sa dakong huli ng katawan na hindi na daranas pa ng mga sakit ng mortalidad, hindi na sasailalim pa sa isa pang mortal na kamatayan, at hindi na mababago pa ng maling akala o palagay, lahat ng mga bagay na ito noong una ay mapaparam.3
Paano tayo itinataguyod ng kaalaman ng pagkabuhay na mag-uli sa mga panahon ng pagdurusa o kamatayan?
Nakadama na ba kayo ng espirituwal na pagkawasak na dulot ng di-mapawing pagdadalamhati?
Hayaan ninyong dalhin ko kayo sa isang sagradong tagpo na nagpapakita sa isang taong tila binawian na ng lahat ng nasa kanya at nagpapadama sa inyo ng kanyang lakas sa makasaysayang sandali! Nakasiksik sa paanan ng krus ang isang tahimik na katauhan ng isang magandang ina na nasa kalagitnaan ng kanyang edad na may balabal na bahagyang nakabalot sa kanyang ulo at balikat. Buong kalupitang pinahirapan sa krus sa gawing uluhan niya ang kanyang panganay na anak na lalaki. Bahagya lamang mauunawaan ng tao ang tindi ng paghihirap ni Maria na may pusong-ina. Tunay na kaharap niya ngayon ang malungkot na ibinabadya ng matandang si Simeon nang basbasan niya ang anak na ito noong sanggol pa lamang, “Siya ang pinakatandang tudlaan ng pagsalangsang; Oo, at paglalampasanan ng isang tabak ang iyong sariling puso.” [Tingnan sa Lucas 2:34–35.]
Ano ang nagtaguyod sa kanya sa malungkot niyang karanasan? Alam niya ang katotohanan ng pag-iral pagkatapos ng mortal na buhay na ito. Hindi nga ba’t nakipag-usap siya sa isang anghel na sugo ng Diyos? Walang alinlangang narinig niya ang huling naitalang panalangin ng kanyang anak bago ang pagkakanulo sa Kanya ayon na rin sa isinulat ni Juan: “At ngayon, Ama,” ang dalangin niya, “luwalhatiin mo ako sa iyo rin ng kaluwalhatiang aking tinamo sa iyo bago ang sanglibutan ay naging gayon.” (Juan 17:5.) Narinig ng banal na inang ito, habang nakayuko, ang Kanyang huling panalangin na ibinulong ng mga pinahirapang labi mula sa krus: “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu,” (Lucas 23:46). Ito ang nagbigayinspirasyon sa kanyang pagpapaubaya at patotoo ng katiyakan na muli Siyang makakapiling at ang Diyos na kanyang Ama sa Langit. Hindi lumalayo ang langit sa tao, na sa matinding kalungkutan, ay buong pagtitiwalang umaasam sa maluwalhating araw ng pagkabuhay na mag-uli.4
Mayroon bang anumang katiyakan ng pagsasamang muli at katuparan ng ating mga pangarap sa susunod na buhay? Iyan ang samo ng paghihinagpis ng isang ina habang inihihimlay niya sa libingan ang sanggol na anak. Gayundin ang bulong at kadalasa’y di-marinig na tanong ng maysakit at matanda kapag mabilis na lumilipas ang buhay ng isang tao. Malaking kalakasan at kapanatagan ang dumarating sa kanya sa alinman sa mga kalagayang ito, na nakaririnig sa maluwalhating pangako ng Panginoon:
“Ang iyong mga patay ay mangabubuhay; ang aking patay na katawan ay babangon. Magsigising at magsiawit, kayong nagsisitahan sa alabok: sapagka’t ang iyong hamog ay gaya ng hamog ng mga damo, at iluluwa ng lupa ang mga patay.” (Isaias 26:19.)
Ang mabigat na parusa ng kamatayan ay nagiging mas magaan, ang makapal na lambong ng kalungkutan ay nahahawi at ang malalalim na sugat ay napapawi habang iniaangat tayo ng pananampalataya sa kabila ng matinding pagsubok at pighati sa mortal na buhay at nagbibigay ng pananaw sa mga mas maliliwanag na araw at higit na masayang pag-asam. Tulad ng inihayag, kapag “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan, o ng pananambi tan man, o ng hirap pa man; ang mga bagay nang una ay naparam na” (Apoc. 21:4) sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Sa gayong pananampalataya at pangunawa kayo na maaaring tawagin na maghinagpis ay makaaawit tulad ng nasusulat, “Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan. Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo?” (I Cor. 15:54–55.)5
Malalaman din ninyo na buhay ang inyong Manunubos, tulad ni Job sa gitna ng mga tukso sa kanya na “itakwil mo ang Dios, at mamatay ka,” [tingnan sa Job 2:9; 19:25] at malalaman ninyo na mabubuksan din ninyo ang pintuan at maaanyayahan Siyang “hahapong kasalo [ninyo].” [Tingnan sa Apocalipsis 3:20.] Makikita din ninyo ang inyong sarili balang-araw bilang mga nabuhay na mag-uling nilalang na umaangkin ng pagiging kamaganak Niya na nag-alay ng Kanyang buhay upang ang mga gantimpala sa mga mortal na tao sa pagsisikap at karanasan sa lupa ang maging mga bunga ng buhay na walang hanggan bagaman ayon sa sukatan ng pamantayan ng tao ang mga pagsisikap sa buhay ng isang tao ay tila nabigo.6
Paano nakapagpapatatag sa ating kaluluwa ang pagkaunawa sa pagkabuhay na mag-uli?
Tingnan natin ang halimbawa ni Pedro, [na]…makaitlong ulit na nagtatwa sa Guro noong gabi ng pagkakanulo. Ihambing ang natatakot na Pedro sa katapangang ipinakita niya ilang sandali pagkatapos niyon sa harapan ng mga bulag na tagasunod ng relihiyon na kamakailan lamang ay hiningi ang kamatayan ni Jesus. Sinabi niyang sila’y mga mamamatay-tao at tinawag silang magsisi, siya ay nabilanggo, at sa huli ay walang-takot na hinarap ang kanyang sariling kamatayan.
Ano ang nagpabago sa kanya? Siya’y naging personal na saksi sa pagbabagong naganap sa nabugbog at nasaktang katawan na ibinaba mula sa krus, na katawang nabuhay na mag-uli at niluwalhati. Ang payak at simpleng sagot ay nagbago ang pagkatao ni Pedro dahil alam niya ang kapangyarihan ng nabuhay na maguling Panginoon. Hindi na siya mag-iisa pa sa dalampasigan ng Galilea, o sa kulungan, o sa kamatayan. Malalapit na sa kanya ang kanyang Panginoon.7
Alam ko…ang ibig sabihin ng makadama ng nakasisirang pagkawasak na dulot ng kalungkutan sa pagkawala ng mahal sa buhay. Sa buhay ko, tinawag ako at sinikap kong aliwin ang mga nagdadalamhati, ngunit nang sandaling ako na mismo ang bumibigkas sa mga salitang aking sinasabi sa iba, noon ko lamang nakita ang isang bagay na hindi maipaliwanag ng mga salita, na kailangang madama o maranasan sa kaibuturan ng kaluluwa bago makapagbigay ng tunay na kaaliwan ang isang tao. Kailangan mong makita ang bahagi ng iyong sarili na nakabaon sa hukay. Kailangan mong makitang mamatay ang isang mahal sa buhay at pagkatapos ay tanungin ang iyong sarili— Pinaniniwalaan mo ba ang itinuturo mo sa iba? Nakatitiyak ka ba na talagang buhay ang Diyos? Naniniwala ka ba sa Pagbabayadsala ng Panginoon at Guro—na binuksan Niya ang mga pintuan sa pagkabuhay na mag-uli sa mas maluwalhating buhay? Minsan kapag mag-isa tayong nakatayo sa kawalan, doon kailangang maging malalim ang ating patotoo upang hindi tayo mawasak at bumagsak sa tabi ng daan.
Tulad ng sinabi ng asawa ni Job, “Ba’t di mo itakwil ang Dios at mamatay ka.” [Tingnan sa Job 2:9.] Ngunit sa karingalan ng pagdurusa ni Job, nagbigay siya ng pahiwatig sa isang bagay na sa palagay ko’y hindi kumpleto ang serbisyo sa paglilibing kung hindi ito uulitin. Sabi niya, “Talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan; at pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma’y makikita ko ang Dios sa aking laman: Siyang makikita ko ng sarili, at mamamasdan ng aking mga mata, at hindi ng iba; ang aking puso ay natutunaw sa loob ko.” [Job 19:25–27.] Kayong mga tao sa ngayon, kung alam ninyong matatag ang inyong kaluluwa sa banal na patotoong iyon na Siya’y buhay at sa huling araw Siya ay tatayo sa ibabaw ng mundong ito at makikita ninyo Siya nang harap-harapan—kung alam ninyo iyan, ano man ang panganib at responsibilidad at mga kasawiang-palad na dumating—kung itatayo ninyo ang inyong bahay sa ibabaw ng bato, hindi kayo magaalangan. Oo, daranasin ninyo ang nakasisindak na karanasan ng kalungkutan sa pagkamatay ng mahal sa buhay, ngunit hindi kayo mag-aalangan; sa huli’y malalampasan ninyo ito nang may higit na pananampalataya kaysa taglay ninyo noon.8
Kapag nagiging mas masalimuot ang kalagayan ng ating buhay at ng daigdig, mas kailangan nating panatilihing malinaw ang mga layunin at alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi tungkulin ng relihiyon na sagutin ang lahat ng tanong tungkol sa pamamahala ng Diyos sa kagandahang-asal ng sansinukob, kundi sa halip ay magbigay ng lakas ng loob, sa pamamagitan ng pananampalataya, na patuloy na harapin ang mga tanong na hindi niya mahanapan ng kasagutan sa kanyang kasalukuyang kalagayan.9
Ngayon sa paggunita sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo at pagtatagumpay Niya laban sa pisikal at espirituwal na kamatayan, inaanyayahan ko ang matatapat ang puso sa lahat ng dako na may pagpapakumbaba na magbangon at labanan ang kanilang mga takot at pagkasiphayo at magalak tulad ng apostol sa mga Gentil “Salamat sa Dios, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.” (1 Cor. 15:57.)10
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “Ako ang pagkabuhay na mag-uli”? (Juan 11:25). Ano ang nadarama ninyo kapag naiisip ninyo ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas?
-
Paano nakaapekto sa iyong pang-araw-araw na buhay ang pagkaunawa sa katunayan ng pagkabuhay na mag-uli?
-
Paano tayo itinataguyod ng patotoo tungkol sa pagkabuhay na mag-uli kapag namatay ang isa nating mahal sa buhay? Sa alinalin pang kalagayan nagdudulot ng kapanatagan sa atin ang patotoo hinggil sa pagkabuhay na mag-uli at paano tayo nito natutulungang mapaglabanan ang takot?
-
Ano ang maaari nating gawin upang magkaroon ng higit na pang-unawa at patotoo hinggil sa pagkabuhay na mag-uli?