Kabanata 15
Ang Mabuting Impluwensiya ng mga Ina
Paano magagampanan ng mga ina ang sagrado nilang tungkulin na pagtuturo at pangangalaga sa kanilang mga anak?
Pambungad
Minsa’y nagkuwento si Pangulong Harold B. Lee tungkol sa isang ina na pinakikinang ang kanyang mga kagamitan sa kusina bilang paghahanda sa handaan nang gabing iyon. “Habang abala siya sa paghahanda, lumapit ang kanyang anak na lalaki na walong-taong-gulang na dala ang kanyang alkansiya at sinabi sa kanyang ina, ‘Inay, paano po kayo nagbabayad ng ikapu?’
“Ayaw na ayaw niyang naaabala sa mga sandaling tulad nito, ngunit nagpunas siya ng kamay at naupo at inilabas nila mula sa alkansiya ang mga barya at pagkatapos ay ipinaliwanag kung paano siya magbabayad ng ikapu. Nang matapos siya’y nayakap siya ng anak at nagsabing, ‘Salamat po Inay sa pagtulong n’yo sa ‘kin; alam ko na ngayon kung paano magbayad ng ikapu.’ ”
May sinabi ang ina tungkol sa karanasang ito, isang bagay na “lubhang napakahalaga sa lahat…ng ina. ‘Habambuhay akong may panahon sa pagpapakinang ng mga kasangkapan, ngunit baka ito lamang ang sandali na maituturo ko sa aking anak ang alituntunin ng ikapu.’ ”1
Itinuro ni Pangulong Lee na, “ang matagumpay na pagiging ina ngayon ay tumatagal sa paglipas ng mga taon at sa kawalanghanggan.”2 Binigyang-diin niya na ang dakilang layunin ng ina “ay ang pagtatatag ng isang tahanan dito at pagtatatag ng pundasyon para sa isang tahanan sa kawalang-hanggan.”3
Mga Turo ni Harold B. Lee
Paano magkakaroon ng mabuting impluwensiya ang mga ina sa kanilang mga anak?
Taglay ng babae sa kanyang sarili ang kapangyarihan ng paglikha kasama ang kanyang legal na asawa dito ayon sa batas, at kung mabubuklod sa selestiyal na kasal, maaari siyang magkaroon ng walang hanggang pag-unlad sa daigdig na darating. Ang babae ang tagapangasiwa sa kanyang sariling tahanan at halimbawa sa kanyang inapo sa mga susunod pa niyang henerasyon. Ang babae ay katuwang ng kanyang asawa at magagawa niyang higit na perpekto ang lalaki na di-mangyayari kung mag-isa lamang ito. Mapagpapala ng impluwensiya ng babae ang isang pamayanan o bansa batay sa maaabot na pag-unlad ng kanyang espirituwal na kapangyarihan sang-ayon sa mga kaloob sa langit na ipinagkaloob sa kanya ng kalikasan. … Sa paglipas ng mga taon, lumalawak ang kanyang mapagpayapa at nakapagpapadalisay na impluwensiya upang matiyak na magkakaroon ang kanyang mga inapo ng mga pagkakataon upang maabot nila ang sukdulan ng kanilang likas na potensiyal sa espirituwal at pisikal.4
Ang mga ina ang lumilikha ng kapaligiran sa tahanan at malaki ang nagagawa upang maging matatag ang pundasyon ng kanilang mga anak, na magbibigay sa kanila ng lakas kapag nilisan na nila ang impluwensiya ng kanilang mga tahanan.5
Mga ina, mamalagi sa tahanan kung saan nagkikita-kita ang mga miyembro ng pamilya. Minsan noon, dumalo ako sa komperensiya ng istaka na idinadaos tuwing ikatlong buwan. … Ang sabi ko sa pangulo ng istaka,… “May mga ina ba rito, iyong may edad na, na malaki ang pamilya at nagkaroon ng kagalakan na makita ang bawat isa sa kanyang pamilya na makasal sa templo?”
Tumingin siya sa madla at sabi niya, “May isa, si Sister (tatawagin ko siyang Sister Jones), labing-isa ang miyembro ng kanyang pamilya, at lahat sila’y nakasal na sa templo.”…
At habang nakatayo kami ng inang ito na puti na ang buhok sa tabi ng mikropono, sinabi kong, “Maaari ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan, kung ano ang ginawa ninyo upang magawa ang gayon?”
At sumagot siya,… “Dalawa siguro ang maimumungkahi ko. Una sa lahat, habang lumalaki ang aming pamilya, lagi akong nasa tahanan kapag dumarating at umaalis ang aking mga anak. At pangalawa: anumang gawain ay sama-sama naming ginagawa bilang pamilya. Sama-sama kaming naglalaro, sama-sama kaming nananalangin, magkakasama kami sa lahat ng gawain. Wala na akong ibang maisip.”
Sabi ko sa kanya, “Naibigay ninyo ngayon ang dalawang dakilang pangaral.”6
Panatilihin ang ina ng inyong tahanan sa “mga sangandaan” ng tahanan. Malaki ang panganib ngayon na mawasak ang mga tahanan dahil sa pagkabighani sa mga pang-aakit sa mga ina na huwag na silang manatili sa tahanan habang parating at paalis sa tahanan ang mga miyembro ng pamilya. Ngayon, alam kong kailangan ng ilang ina na kumita ng salapi para sa kanilang pamilya. Ngunit maging sa ganitong katayuan, dapat mag-ingat ang mga pangulo ng Samahang Damayan at obispo upang di sila mabigo sa pagtulong sa ina ng maliliit na bata at tulungan siya, hangga’t maaari, sa pagpaplano sa uri ng trabaho o sa iskedyul. Lahat ng ito’y nakasalalay sa pakikitungo ng Samahang Damayan na nakikipagtulungan sa tahanan.7
Ngayo’y dama ko na nabibiktima ang mga babae ng bilis ng takbo ng makabagong pamumuhay. Nasa pagkakaroon nila ng damdamin ng isang ina at pagiging malapit sa kanilang mga anak ang pagkaramdam nila sa pangangailangan ng kanilang mga anak at pag-unawa sa unang palatandaan ng problema, ng panganib at pagkaligalig, na kung mababatid kaagad ay magliligtas sa kanila sa kapahamakan.8
Nabasa kong muli kamakalawa ang mga salita ng kapuri-puring ina ni Propetang Joseph noong gabing kunin niya ang mga lamina. Ganito ang isinulat niya:
“Noong gabi ng [ika-21 ng Setyembre] gabing-gabi na’y gising pa ako. … Lampas nang alas dose ng gabi nang matulog ako. Nagpunta sa akin si Joseph nang dakong alas dose at nagtanong kung mayroon akong kahon na may kandado at susi. Alam ko kaagad kung saan niya gagamitin ito, at dahil wala ako niyon ay nabahala ako at naisip kong napakahalaga niyon. Ngunit nang malaman ni Joseph ang aking pagkabalisa ay sinabi niyang, ‘Huwag kayong mag-aalala, puwede naman kahit wala nito sa ngayon—pumanatag lang kayo—magiging maayos ang lahat.’
“Pagkataps nito ay dumaan sa silid ang asawa ni Joseph na suot ang kanyang bunete at damit na pambiyahe, at ilang sandali pa’y magkasama silang umalis, tangay ang kabayo at bagon ni G. Knight. Magdamag akong nanalangin at sumamo sa Diyos, dahil di ako makatulog sanhi ng aking pagkabalisa. … ” [Lucy Mack Smith, History of Joseph Smith, inedit ni Preston Nibley (1958), 102].
Sinasabi ko sa inyong mga ina, na kung mayroon kayong mga anak na may halaga sa daigdig, ito’y di-hamak na mahalaga dahil sa katotohanang ang inyong mga anak ay may inang nakaluhod na dumadalangin sa gabi, nananalangin sa Diyos na ang kanyang anak na lalaki, o anak na babae ay huwag mabigo. Naaalala ko pa noong kapilyuhan ko noong tinedyer ako, na lumapit sa akin ang aking ina na may kutob at babala na di ko pinansin tulad ng ginagawa ng mga pilyong tinedyer. “Inay naman, di totoo ‘yan,” sabi ko. Pagkatapos, sa loob ng isang buwan ay nakaharap ko ang tukso na ibinabala ni inay. Hindi ako kailanman nagkaroon ng lakas ng loob na bumalik at sabihin sa kanya na talagang tama siya, gayunman nakaiwas ako dahil may nagbabala—ang aking ina.9
Isang pamilya na binubuo ng aking lola, aking ina, at dalawa o tatlo sa mga nakababatang anak ang nakaupo sa harap ng bukas na pinto, nanonood sa dakilang pagpapamalas ng mga likas na ingay habang rumaragasa ang isang bagyo malapit sa bundok na kinatitirikan ng aming tahanan. Ang kislap ng magkakasunod na kidlat na sinundan ng kagyat na malakas na tunog ng kulog ay nagpahiwatig na may tinamaan ang kidlat di-kalayuan.
Nakatayo ako sa may pintuan nang walang anu-ano’y bigla akong itinulak nang malakas ng aking ina kung kaya napahandusay ako na nakatalikod sa may pintuan. Noon ding sandaling iyon, isang matalim na kidlat ang dumaloy sa tsimenea ng kalan at lumabas sa nakabukas na pintuan at tumama at humati mula sa itaas hanggang sa ibaba ng malaking puno na nasa harapan mismo ng bahay. Kung nanatili ako sa bukana ng pintuan, hindi ko maisusulat ang kuwentong ito ngayon.
Hindi kailanman maipaliwanag ng aking ina ang kanyang napakabilis na desisyon. Ang alam ko lamang ay naligtas ang buhay ko dahil sa kanyang mabilis at dagliang pagkilos.
Makalipas ang mga taon, nang makita ko ang malalim na pilat sa malaking punong iyon sa lumang tahanan ng aming pamilya, ang tanging nasabi ng nagpapasalamat kong puso ay: Salamat sa Panginoon sa mahalagang kaloob na iyon na masaganang taglay ng aking sariling ina at ng marami pang matatapat na ina, at sa pamamagitan nito’y nagiging napakalapit ng langit sa oras ng pangangailangan.10
Paano magagampanan ng mga ina ang kanilang tungkulin sa pagtuturo ng ebanghelyo sa kanilang mga anak?
Ang puso ng ina ang silid-aralan ng isang anak. Ang mga tagubiling natatanggap ng maliliit na anak mula sa kanilang ina, at ang mga pangaral ng magulang kasama ang banal at matatamis na alaala, ay hindi kailanman lubusang napapawi sa kaluluwa.
May nagsabi na ang pinakamainam na paaralan sa disiplina ay ang tahanan, dahil ang buhay ng pamilya ang sariling paraan ng Diyos sa pagtuturo sa mga anak, at ang ginagawa ng mga ina dito ang siyang bumubuo sa tahanan.11
Ano, kung gayon, ang ginagampanan ng ina sa dakilang paglilingkod sa kaharian? Ang una at pinakamahalaga niyang papel ay ang tandaang ituro ang ebanghelyo sa pamilya.12
[Nais kong tukuyin] ang kinalalagyan ng babae sa pagtuturo sa kanyang pamilya. … Sinabi ng Panginoon:
“Subalit masdan, sinasabi ko sa inyo, na ang maliliit na bata ay tinubos mula pa sa pagkakatatag ng daigdig sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak;
“Dahil dito, hindi sila magkakasala, sapagkat ang kapangyarihan ay hindi ibinigay kay Satanas upang tuksuhin ang maliliit na bata, hanggang sa sila ay magsimulang magkaroon ng pananagutan sa akin;
“Sapagkat ibinigay sa kanila maging ang kalooban ko, alinsunod sa sarili kong kagustuhan, upang kagila-gilalas na mga gawa ang hingin sa kamay ng kanilang mga ama.” ( D at T 29:46–48.)
…Ano ang mga dakilang bagay na hinihiling ng Diyos sa mga ama ng mga bata (na, sa pahiwatig, ang ibig sabihin ay mga ina rin) sa panahong ito bago magkaroon ng pananagutan sa harapan ng Panginoon ang maliliit na bata?… Hinihimok ang mga magulang na pabinyagan ang kanilang mga anak kapag sumapit na sila sa walong-taong-gulang at ituro sa kanila ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Ang kanilang mga anak ay bibinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan at pagkatapos ay tatanggapin ang pagpapatong ng kamay. Tuturuan din silang manalangin at lumakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.
Maraming kinakailangang gawin ang mga ama at ina bago magkaroon ng kapangyarihan si Satanas na tuksukin ang maliliit na bata. Responsibilidad ng mga magulang na maglatag ng matatag na pundasyon sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga pamantayan ng Simbahan sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin.
“Sa mga kapatid na babae, ang ibig sabihin nito’y kailangang maging trabaho nila ang pagiging ina. Hindi nila dapat hayaan ang anumang bagay na mangibabaw kaysa sa gawaing ito.13
Kailan lamang ay nakita ko ang talumpating ibinigay ng isa sa aking mga anak na babae sa isang grupo ng mga ina at anak na babae. Ikinuwento niya ang naging karanasan niya sa kanyang panganay na anak na lalaki na nagsimulang magturo sa kanya ng mga responsibilidad na kailangan niyang taglayin bilang isang ina. Sabi niya, “Maraming taon na ang nakalilipas nang maliit pa ang panganay kong anak na lalaki ay natagpuan ko ang sarili ko sa kaalinsanganan ng gabi, matapos kumain ng hapunan, na balisa sa pagsisikap na tapusin ang pagpepreserba ng ilang prutas.” Tiyak na nakikinita ninyong mga batang ina ang tagpong iyon. Lahat ng bagay noong araw na iyon ay humadlang sa paggawa ng proyektong iyon at gusto mo nang tapusin ito. Ngayo’y napatulog na ang sanggol at nakaalis sa oras ang iyong asawa papunta sa kanyang pulong, halos tapos na ang mga anak mong tatlo at apat na taong-gulang sa pagsusuot ng kanilang pajama at handa na ring matulog. Naisip mong, “Ngayon, aasikasuhin ko na ang prutas.”
[Patuloy ng anak kong babae:] “Ito ang situwasyon ko noong gabing iyon habang sinisimulan kong talupan at alisan ng buto ang prutas, ay nagpunta sa kusina ang dalawa kong anak na lalaki at nagsabing handa na silang magdasal.” Ngunit dahil ayaw maabala, sinabi niya kaagad sa kanyang mga anak, “ ‘Halina kayong dalawa at kayo na lang ang magdasal at itutuloy ni Inay ang paggawa sa prutas na ito.’ Ang panganay na si David ay tumayo nang matuwid sa harapan ko at nagtanong, nang malumanay, ‘Pero, Inay, alin po ang pinakamahalaga, ang dasal o ang prutas?’ Hindi ko gaanong nauunawaan noon bilang isang batang ina at abalang maybahay na sa buhay ko sa hinaharap ay darating ang gayong mahihirap na kalagayan habang ginagampanan ko ang tungkulin bilang asawa at ina sa aking tahanan.”
Iyan ang hamon sa inyong mga ina kapag nagpipilit ang inyong maliliit na anak na mamalagi kayo at tulungan sila sa paglaki. …
Mga ina, kapag nagsisimulang magtanong ang mga anak ninyo, kahit tungkol sa maseselang bagay sa buhay, huwag ninyo silang isantabi. Mag-ukol ng panahon na ipaliwanag sa mura nilang isipan, o habang lumalaki sila, sa mas matanda nilang isipan. Ang matagumpay na ina ay iyong hindi kailanman nagsasawa sa paglapit ng kanyang mga anak at pagbabahagi sa kanya ng kanilang kagalakan at kalungkutan.14
Dalangin ko na mapasainyo [mahal kong mga kapatid na babae] ang mga pagpapala ng Panginoon. Mas malakas ang inyong impluwensiya sa kapakanan ng Simbahang ito kaysa iniisip ninyo. Ang paraan ninyo ng pagganap sa inyong tungkulin bilang mga ina ang malaking batayan kung paano mapalalakad ang Simbahan. Na nawa’y tulungan kayo ng Panginoon na gawin ang gayon at magtayo ng matatag na pundasyon ng tahanan, ang aba kong dalangin. Iniiwan ko sa inyo ang aking abang patotoo na sa Simbahan ni Jesucristo matatagpuan ang mga turo at plano na makapagliligtas sa ating mga tahanan, at pinatototohanan ko iyan sa pangalan ng Panginoong Jesucristo.15
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Anu-anong sakripisyo ang ginagawa ng isang ina para sa kanyang mga anak? Anu-anong biyaya ang nagmumula sa gayong mga sakripisyo?
-
Sa paanong paraan napagpapala ng “matagumpay na pagiging ina sa ngayon” ang mga darating na henerasyon sa kawalanghanggan?
-
Ano ang ibig sabihin ng manatili sa sangandaan ng tahanan? Bakit mahalagang nasa sangandaan ng buhay ng kanilang mga anak ang mga ina?
-
Paano naililihis kung minsan ng panggagambala at mabilis na takbo ng buhay ang kababaihan sa kanilang mga sagradong layunin? Paano mababawasan ang mga panggagambalang ito?
-
Ano ang itinuturo ng mga kuwento tungkol sa ina ni Joseph Smith at ina ni Pangulong Lee hinggil sa kung paano magiging mabuting impluwensiya ang mga magulang sa kanilang mga anak?
-
Paano napagpala ng mga dalangin ng inyong ina ang inyong buhay? Paano napagpala ng inyong mga dalangin bilang ina ang inyong mga anak?
-
Sa paanong mga paraan makatutulong ang mga asawang lalaki at ama sa mga ina upang magampanan nila ang kanilang mga tungkulin sa tahanan? Paano makatutulong ang mga pinuno ng pagkasaserdote at ng Samahang Damayan?
-
Bakit kailangang bigyan ng mga ina ng mataas na priyoridad ang kanilang responsibilidad na ituro ang ebanghelyo sa pamilya? Paano ito magagawa ng mga ina?
-
Sa anu-anong paraan maihahanda ng mga magulang ang kanilang mga anak na babae upang maging mabubuting ina?