Kabanata 3
Ang Kordero na Pinatay Buhat Noong Itatag ang Sanlibutan
Paano napagtagumpayan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang Pagkahulog ni Adan at napangyari sa ating makabalik sa kinaroroonan ng Ama?
Pambungad
Itinuro sa atin ni Pangulong Harold B. Lee na dapat nating maunawaan ang Pagkahulog na ito upang maunawaan natin ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, na napagtagumpayan ang mga epekto ng Pagkahulog at ginawang posible ang buhay na walang hanggan. Sinabi niya, “Napakahalagang…maunawaan ang Pagkahulog, na dahilan kung bakit kinailangan ang Pagbabayadsala…na siyang misyon ng Panginoong Jesucristo.”1
Si Pangulong Lee ay madalas na magpatotoo sa banal na misyon ng Tagapagligtas, na siyang nagpangyari na mailigtas tayo mula sa kamatayan at kasalanan. Ipinahayag niya: ”Ang Anak ng Diyos…ay may kapangyarihang lumikha ng mga daigdig, at pangasiwaan ang mga ito. Pumarito Siya bilang Bugtong na Anak upang isakatuparan ang isang misyon, upang maging Kordero na pinatay bago itinatag ang sanlibutan, upang magdala ng kaligtasan sa buong sangkatauhan. Sa pag-aalay ng Kanyang buhay binuksan Niya ang pinto ng pagkabuhay na mag-uli at nagturo sa paraang matatamo natin ang buhay na walang hanggan, na ang ibig sabihin ay pagbalik sa kinaroroonan ng Ama at ng Anak. Iyan si Jesus sa lahat Niyang kadakilaan.”2
Tinatalakay ng kabanatang ito ang Pagkahulog nina Adan at Eva, ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na nagtagumpay laban sa mga epekto ng Pagkahulog, at ang ating mga pananagutan kung tatanggapin natin ang buong pagpapala ng Pagbabayad-sala.
Mga Turo ni Harold B. Lee
Paano nagawang posible ng Pagkahulog nina Adan at Eva ang mga biyaya ng mortalidad?
Sa sarili nilang kagustuhan at sa pagpili nila, kinain nina Adan at Eva ang bunga, na ipinagbawal sa kanilang kainin; kung kaya napasailalim sila sa batas ni Satanas. Sa pagsuway na iyon, malaya na ang Diyos na hatulan sila. Nalaman nila na maliban sa pagiging maawaing Ama ng Diyos, siya rin ay makatarungang Ama, at nang labagin nila ang batas, kinailangang tanggapin nila ang kaparusahan, kung kaya pinalayas sila sa magandang halamanan. Dinanas nila ang lahat ng malaking pagbabago na dumating sa tao magmula noon. Nalaman nila na dahil sa kanilang pagsuway ay natanggap nila ang kaparusahan ng makatarungang paghatol. Napilitan silang magtrabaho at magpawis upang may makain, sapagkat sila ay mga mortal na.
…Dalamhati, kalungkutan, kamatayan ang naging bunga nito, ngunit kasama ng dalamhating iyon na tulad ng sarili nating mga karanasan mula noon hanggang ngayon ay ang kaalaman at pang-unawa na hindi sana kailanman natamo kung walang pagdadalamhati. …
…Hindi lamang sina Adan at Eva ang naapektuhan ng pagbabagong dulot ng Pagkahulog, naapektuhan ng pagbabagong iyon ang buong kalikasan ng tao, ang lahat ng likas na nilikha, lahat ng hayop, halaman—lahat ng klase ng buhay ay nabago. Maging ang mundo ay napasailalim sa kamatayan. … Walang sinuman ang makapagpaliwanag kung paano nangyari iyon, at sinumang magtatangkang magpaliwanag ay lalampas sa anumang bagay na nasabi na sa atin ng Panginoon. Ngunit ang pagbabago ay lumaganap sa buong kaanyuan ng paglikha, na nang panahong iyon ay hindi pa napasailalim sa kamatayan. Mula noon ang lahat ng likas na nilikha ay unti-unting nanghina hanggang sa oras ng kamatayan nito, kung kailan kailangan ang pagpapanumbalik sa kalagayan na pagkabuhay na mag-uli. …
…Ang isa sa mga pinakadakilang pangangaral, isa sa pinakamaiiksing pangangaral na naibigay ng tao sa palagay ko, ay ibinigay ni Inang Eva. …
“Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin.” [Moises 5:11.]
Kaya dapat lang na tulad ni Eva ay magalak tayo sa Pagkahulog, na nagpahintulot sa pagdating ng kaalaman ng mabuti at masama, na nagpahintulot sa pagparito ng mga tao sa mortalidad, na nagpahintulot ng kagalakan at pagtubos at buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat.
At si Adan na pinagpala ng kaloob ng Espiritu Santo ay, “pinapurihan ang Diyos at napuspos, at nagsimulang magpropesiya hinggil sa lahat ng mag-anak sa mundo, nagsasabing: Purihin ang pangalan ng Diyos, sapagkat dahil sa paglabag ko ang aking mga mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan, at muli sa laman aking makikita ang Diyos.” [Moises 5:10.]…
Nawa’y ibigay sa atin ng Panginoon ang Kanyang pang-unawa sa dakilang biyayang dumating sa atin, at bigyang-karangalan natin sa ating mga isipan ang dakilang pamanang ibinigay sa atin nina Adan at Eva, na sa pamamagitan ng kanilang karanasang pumili sa sarili nilang kalooban, ay kinain nila ang bunga na nagbigay sa kanila ng mga binhi ng buhay na mortal at ibinigay sa atin, na kanilang mga inapo sa paglipas ng salinlahi, ang dakilang biyayang iyon kung saan tayo rin ay makatatanggap ng kagalakan sa ating pagkatubos, at sa ating laman ay makikita ang Diyos at magkakaroon ng buhay na walang hanggan.3
Paano napagtatagumpayan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang mga epekto ng Pagkahulog?
Pinalayas ng Panginoong Diyos si Adan mula sa Halamanan ng Eden dahil sa kanyang pagsuway. Dumanas siya ng espirituwal na kamatayan. … Subalit masdan sinasabi Ko sa inyo na ipinangako ng Panginoong Diyos kay Adan na siya ay hindi mamamatay sa temporal na kamatayan hanggang sa Siya ay magpadala ng mga anghel upang magpahayag ng pagsisisi sa pangalan ng Kanyang Bugtong na Anak nang sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay maibangon siya sa buhay na walang hanggan [tingnan sa D at T 29:41–43]. … Nang mapalayas si Adan sa Halamanan ng Eden, dumanas siya ng espirituwal na kamatayan, na pagkawalay sa malapit na kaugnayan sa kinaroroonan ng Panginoon.4
Bakit ipinadala ang Tagapagligtas sa sanlibutan? Sinagot mismo ng Panginoon ang tanong na iyon noong Kanyang ministeryo nang sabihin niyang: “Sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan upang hatulan ng sanlibutan; kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya” [Juan 3:17]. …
Maligtas mula sa ano? Matubos mula sa ano? Una, maligtas mula sa kamatayang mortal sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli mula sa kamatayan. Ngunit sa isang banda nailigtas din tayo ng kanyang nakapagbabayad-salang sakripisyo. Naligtas tayo mula sa kasalanan.5
Sa Banal sa mga Huling Araw, ang kaligtasan ay nangangahulugan ng paglaya mula sa pagkaalipin at mga bunga ng kasalanan dahil sa banal na kalayaan, kaligtasan mula sa kasalanan at walang hanggang kaparusahan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Sa palagay ko wala ng iba pang lugar kung saan magkakaroon tayo ng mas mainam na talakayan ng plano ng Pagbabayad-sala maliban sa isinulat ni Jacob, tulad ng matatagpuan sa Aklat ni Mormon, 2 Nephi, ika-9 na kabanata. Dahil dito tinatawagan ko ang inyong pansin at hinihimok kayong paulit-ulit na basahing mabuti ang napakahalagang paliwanag na iyon: …
“O ang kadakilaan ng awa ng ating Diyos, ang Banal ng Israel! Sapagkat iniligtas niya ang kanyang mga banal mula sa kakila-kilabot na halimaw, ang diyablo, at kamatayan, at impiyerno, at doon sa lawa ng apoy at asupre, na walang katapusang pagdurusa.
“O kay dakila ng kabanalan ng ating Diyos! Sapagkat nalalaman niya ang lahat ng bagay, at walang anumang bagay na hindi niya alam.
“At siya ay paparito sa sanlibutan upang mailigtas ang lahat ng tao kung sila ay makikinig sa kanyang tinig; sapagkat masdan, kanyang titiisin ang sakit ng lahat ng tao, oo, ang sakit ng bawat nilalang kapwa lalaki, babae, at mga bata, na kabilang sa maganak ni Adan.
“At titiisin niya ito upang ang pagkabuhay na mag-uli ay maganap sa lahat ng tao, upang ang lahat ay tumayo sa harapan niya sa dakila at araw ng paghuhukom.
“At kanyang inutusan ang lahat ng tao na kailangang sila’y magsisi, at mabinyagan sa kanyang pangalan, na may ganap na pananampalataya sa Banal ng Israel, o sila ay hindi maaaring maligtas sa kaharian ng Diyos.
“At kung hindi sila magsisisi at maniniwala sa kanyang pangalan, at mabibinyagan sa kanyang pangalan, at magtitiis hanggang wakas, sila ay tiyak na isusumpa; sapagkat ang Panginoong Diyos, ang Banal ng Israel, ang nagsalita nito.” [2 Nephi 9:19–24.] …
Dito’y isinaad … ang pansariling kaligtasan, na dumarating sa bawat tao, na nakasalalay sa kanyang sariling pagkilos at sariling buhay. Ngunit tayo ay mayroon [ding] tinatawag na “pangkalahatang” [kaligtasan], na dumarating sa lahat ng tao, sila man ay mabuti o masama, mayaman o mahirap, noong nabubuhay pa sila—walang pagbabasbas. Ang lahat ay may mga pagpapala ng Pagbabayad-sala at mga pagpapala ng pagkabuhay na mag-uli na ibinigay sa kanila bilang libreng handog dahil sa nagbabayadsalang sakripisyo ng Tagapaligtas. …
Ang mga pangunahing aral na ito, samakatwid, ay malinaw na nagsasaad na sa pamamagitan ng nakapagbabayad-salang kapangyarihan ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sapagkat—kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamatay, gayundin naman kay Cristo ang lahat ay mabubuhay na walang itinatangi. Maging ang mga anak na lalaki ng kapahamakan na nakagawa ng walang kapatawarang kasalanan ay mabubuhay na mag-uli kasama ng iba pang mga inapo ni Adan. … Mayroon tayong pagpapahayag na ganyan sa Mga Saligan ng Pananampalataya: ”Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo.” [Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3.]6
Paano nagpapahintulot sa atin ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at pagiging masunurin na tanggapin ang ganap na mga pagpapala ng Pagbabayad-sala?
Ang katotohanan na ang kaalaman tungkol sa Tagapagligtas at sa kanyang banal na misyon ay napakahalaga ay binigyang-diin ng Panginoon sa isang pangyayari nang sabihin niya sa mga Fariseo na nakapalibot sa kanya, na lagi nilang ginagawa upang subuking ipahiya o linlangin siya, “Ano ang akala ninyo kay Cristo?” [Mateo 22:42.] …
Sa kanyang pagmiministeryo may mga [taong] hindi nananampalataya na nagpahayag tungkol sa Panginoon. Sa kanyang bayang-tinubuan sa Nasaret sinabi nila nang pakutya:
“Hindi baga ito ang anak ng karpintero? Hindi baga tinatawag na Maria ang kanyang ina? At sina Santiago, at Jose, at Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid? … At sila ay nagalit sa kanya.” [Mateo 13:55, 57.] …
Kasalungat nito, … ang kanyang matatapat na tagasunod gaya ni Pedro, ang namumuno sa mga apostol ay nagpahayag: “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos” (Mateo 16:16)—at mula sa kanyang matapat na si Marta, “Oo, Panginoon: sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, na siyang paparito sa sanlibutan” (Juan 11:27). At mula sa isa pa niyang disipulo matapos na makita at mahawakan niya ang Nagbangong Panginoon, ginamit ni Tomas ang mga simpleng salitang ito upang ipahayag ang kanyang patotoo: “Aking Panginoon at aking Diyos”! [Juan 20:28.] …
Iniisip ko ngayon ang dalawang magkasalungat na pangyayari. Isang kaibigan ko ang nakatanggap ng isa sa mga nakapanlulumong balita: “Ikinalulungkot naming sabihin sa inyo na napatay sa digmaan ang inyong anak. Pumunta ako sa tahanan niya, at nakita ko roon ang nagdadalamhating mag-anak, nag-aangkin ng lahat ng bagay na mabibili ng salapi—kayamanan, katayuan, mga bagay na tinatawag ng sanlibutan na marangal, ngunit naroon sila na napapalibutan ng mga wasak na pag-asa at pangarap, naghahagilap ng isang bagay na hindi nila pinagsikapang matamo at mula sa sandaling iyon, ay tila hindi natamo. Ang kaaliwang nalaman sana nila noon ay wala roon.
Inihambing ko iyon sa tagpong nasaksihan ko sa LDS Hospital mga anim na buwan na ang nakalipas kung kailan isa sa mga minamahal naming matapat na pangulo ng misyon ay unti-unting naghihirap. Labis ang sakit na nadarama niya ngunit may galak sa puso niya sapagkat alam niya na madalas, ay sa paghihirap natututuhan ng mga tao ang pagsunod, at ang karapatan ng pakikipag-ugnayan sa kanya na nagdusa nang higit pa sa pagdurusang maaaring danasin ng sinuman sa atin. Nalalaman din niya ang kapangyarihan ng nagbangong Panginoon.
Ngayon dapat nating tanungin mismo ang ating sarili, bilang sagot sa itinanong ng Panginoon sa mga taong iyon noong kanyang kapanahunan, “Ano ang akala natin kay Cristo?” at sunod ay gawin nating mas personal at itanong, “Ano ang akala ko kay Cristo?” Iniisip ko ba siya bilang Manunubos ng aking kaluluwa? Iniisip ko ba nang walang pag-aalinlangan na siya ang nagpakita sa Propetang Joseph Smith? Naniniwala ba ako na itinatag niya ang Simbahang ito sa lupa? Tinatanggap ko ba siya bilang Tagapagligtas ng sanlibutan? Tapat ba ako sa aking mga tipan, na noon sa tubig ng pagbibinyag, kung aking nauunawaan, ay nangangahulugan na ako ay tatayo bilang saksi niya sa lahat ng panahon, at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar, saan man ako pumaroon, maging hanggang sa kamatayan?7
Bibiyayaan tayo ng Panginoon sa antas din ng pagsunod natin sa Kanyang mga kautusan. Sinabi ni Nephi:
“Sapagkat masigasig kaming gumagawa upang makasulat, upang hikayatin ang ating mga anak, at ang atin ding mga kapatid, na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos; sapagkat nalalaman naming sa pamamagitan ng biyaya tayo maliligtas, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.” (2 Nephi 25:23.)
Maililigtas tayo ng dugo ng Tagapagligtas, ng Kanyang Pagbabayad-sala, ngunit pagkatapos lamang na magawa nating lahat sa abot ng ating makakaya na iligtas ang ating sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Ang lahat ng mga alituntunin ng ebanghelyo ay mga alituntunin na may pangako kung saan naipahayag sa atin ang mga plano ng Makapangyarihan.8
Dapat gawin ng bawat isa ang lahat ng makakaya niya upang iligtas ang kanyang sarili mula sa kasalanan; pagkatapos maaari na siyang umasa sa mga pagpapala ng pagkatubos sa pamamagitan ng Banal ng Israel, nang ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo.
Nagbayad-sala rin si Jesus hindi lamang para sa mga paglabag ni Adan kundi para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan. Ngunit ang pagkatubos mula sa kani-kanyang kasalanan ay nakasalalay din sa kani-kanyang pagsisikap, kung saan bawat isa ay hinahatulan alinsunod sa kanyang mga ginawa.
Nilinaw ng mga banal na kasulatan na bagaman mararanasan ng lahat ang pagkabuhay na mag-uli, yaon lamang sumusunod kay Cristo ang makatatanggap ng pinalawak na biyaya ng walang hanggang kaligtasan. Nagsasalita tungkol kay Jesus, ipinaliwanag ni Pablo sa mga Hebreo na “siya ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya.” (Mga Hebreo 5:9.) …
Mapagkumbaba kong idinadalangin na higit na mauunawaang ganap ng mga tao saan man ang pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para sa buong sangkatauhan, na nagbigay sa atin ng plano ng kaligtasan na aakay sa atin sa buhay na walang hanggan, kung saan ang Diyos at si Cristo ay nananahanan.9
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Paano ninyo sasagutin ang tanong na “Ano ang akala ninyo kay Cristo?”
-
Bakit tinukoy ang Tagaligtas bilang “Kordero na pinatay buhat nang itatag ang sanlibutan”? (Apocalipsis 13:8).
-
Sa anu-anong paraan maituturing na kapwa biyaya at pagsubok ang Pagkahulog para kina Adan at Eva? Paano rin ito pinagmumulan ng kapwa kagalakan at kalungkutan para sa atin?
-
Anu-anong uri ng kaalaman at pang-unawa ang matatamo lamang sa pamamagitan ng pagtitiis ng mga pagsubok at pakikibaka sa mortalidad?
-
Ano ang espirituwal na kamatayan? Paano napagtagumpayan ang espirituwal na kamatayan?
-
Anu-anong mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ang dumarating sa buong sangkatauhan bilang libreng handog? Ano ang dapat gawin ng bawat isa sa atin upang tamasahin ang lahat ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala?
-
Ano ang itinuturo ng dalawang kuwento ni Pangulong Lee tungkol sa mga taong humarap sa kamatayan hinggil sa kahalagahan ng pananampalataya kay Jesucristo?
-
Anu-anong karanasan sa buhay ninyo ang nakapagpalakas ng inyong patotoo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?
-
Paano “umaakay sa atin sa buhay na walang hanggan, kung saan ang Diyos at si Cristo ay nananahanan” ang Pagbabayad-sala?