Kabanata 22
Kapayapaan ay Mapasainyong Kaluluwa
Bakit kailangan ang paghihirap upang maisakatuparan ang mga walang hanggang layunin ng Panginoon?
Pambungad
“Ang lahat ng nabubuhay sa mundong ito ay susubukan sa pamamagitan ng paghihirap,” sabi ni Harold B. Lee.1 Walang dayuhan sa paghihirap, namatay ang asawa ni Harold B. Lee na si Fern Tanner Lee, at ang kanyang anak na babaing si Maurine Lee Wilkins noong mga 1960. Nagkaroon din siya ng matinding problema sa kalusugan noong siya’y Pangkalahatang Awtoridad. Inamin niya sa pangkalahatang komperensiya noong 1967: “Kinailangan kong sumailalim sa ilang pagsubok, ilang matitinding pagsubok, sa harap ng Panginoon, na sa palagay ko’y upang mapatunayan kung handa akong sumailalim sa lahat ng bagay na inaakala ng Panginoon na nararapat ibigay sa akin, tulad din ng pagpapasailalim ng isang bata sa kanyang ama.” [Tingnan sa Mosias 3:19.]2
Ngunit nag-alok si Pangulong Lee ng kaaliwan sa gitna ng kalungkutan: “Ang taong may pagtitiwalang umaasam sa walang hanggang gantimpala sa kanyang pagsisikap sa mortalidad ay palaging aalalayan sa kanyang mabibigat na pagsubok. Kapag nabigo siya sa pag-ibig, hindi siya magpapakamatay. Kapag namatay ang mga mahal sa buhay, hindi siya nawawalan ng pag-asa; kapag natalo siya sa pinakaaasam na paligsahan, hindi siya sumusuko; kapag nasira ng digmaan at kapahamakan ang kanyang kinabukasan, hindi siya labis na nalulumbay. Namumuhay siya nang mas mataas kaysa kanyang daigdig at hindi kailanman nawawalan ng pag-asa sa layon niyang kaligtasan.”3
“Ang landas tungo sa [kadakilaan] ay baku-bako at matarik.. Marami ang natitisod at nadadapa, at dahil sa kahinaan ng loob ay di na tumatayo pa upang muling magsimula. Nalalambungan ng mga puwersa ng kasamaan ang landas sa pamamagitan ng makapal na hamog na humahadlang, na kadalasang nagsisikap na iliko tayo sa mga nakaliligaw na landas. Subalit sa kabila ng lahat ng paglalakbay na ito,” ang pagtiyak ni Pangulong Lee, “ay may nakapagpapayapang katiyakan na kung pipiliin natin ang tama, mapapasaatin ang tagumpay, at ang pagkakamit nito ang huhubog at bubuo at lilikha sa atin sa uri ng taong karapat-dapat na tanggapin sa kinaroroonan ng Diyos. Ano bang tagumpay ang hihigit pa kaysa makamtan ang lahat ng mayroon ang Diyos?”4
Mga Turo ni Harold B. Lee
Paano tayo tinutulungan ng paghihirap na maging higit na katulad ng Diyos?
May nakapagpapadalisay na proseso na nagmumula sa pagdurusa, sa palagay ko, na hindi natin mararanasan sa ibang paraan maliban sa pagdurusa. … Nagiging mas malapit tayo sa Kanya na nag-alay ng Kanyang buhay upang ang tao ay maging gayon nga. Nadarama natin ang ugnayang-pampamilya na di natin nadama noon. … Nagdusa Siya nang higit sa maaari nating maisip. Subalit sa ating naging pagdurusa, kahit paano tila ang epekto nito ay ilapit pa tayo sa banal na bagay, tumutulong sa pagdadalisay ng ating kaluluwa, at tumutulong sa pag-aalis ng mga bagay na hindi kanais-nais sa paningin ng Panginoon. 5
Sinabi ni Isaias: “Ngunit ngayon, O Panginoon, ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik, at ikaw ay magpapalayok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay.” (Isaias 64:8.)
Maraming ulit ko nang nabasa ang talatang iyan ngunit natanggap ko lamang ang buong kahulugan nito noong ako ay nasa Mexico ilang taon na ang nakalilipas, sa Telacapaca, kung saan hinuhubog ng mga tao ang luwad sa iba’t ibang uri ng palayok. Nakita ko sila doon na kumukuha ng luwad na hinahalo sa magaspang at sinaunang pamamaraan, habang ang tagahulma ay nakalusong sa putik upang maihalo itong mabuti. Pagkatapos ay inilalagay ito sa hulmahan ng magpapalayok at sinisimulan ng magpapalayok ang mabutinting na paggawa ng palayok, na kanyang ibebenta sa palengke. Habang nanonood kami, paminsanminsa’y nakita namin, dahil sa ilang depekto sa paghahalo, na kailangang paghiwa-hiwalayin ang luwad at ibalik ito upang mahalo muli, at minsan ang proseso ay kailangang ulitin nang ilang beses bago mahalong mabuti ang putik.
Habang nasa isip iyan ay nagsimula kong makita ang kahulugan ng banal na kasulatang ito. Oo, tayo rin ay kailangang subukan sa pamamagitan ng kahirapan, ng karamdaman, ng kamatayan ng mga mahal sa buhay, ng tukso, minsan ng pagkakanulo ng itinuturing na mga kaibigan, ng katanyagan at kayamanan, ng katiwasayan at luho, ng mga maling ideya ng edukasyon, at ng pambobola ng daigdig. Isang ama, na nagpapaliwanag nito sa kanyang anak, ang nagsabi:
“At upang maisagawa ang kanyang mga walang hanggang layunin sa kahihinatnan ng tao, matapos na kanyang malikha ang ating mga unang magulang, at ang mga hayop sa parang at ang mga ibon sa himpapawid, at sa lalong maliwanag, lahat ng bagay na nilikha, ay talagang kinakailangan na may isang pagsalungat; maging ang ipinagbabawal na bungang-kahoy na kasalungat ng punungkahoy ng buhay; ang isa ay matamis at ang isa ay mapait.” [2 Nephi 2:15.]
Si Propetang Joseph Smith ang nagsabi, sa pagsasalita ukol sa prosesong ito ng pagpapadalisay, na siya’y tulad ng isang malaki at magaspang na bato na gumugulong sa gilid ng bundok, at ang tanging pagpapakintab na natanggap niya ay nang makiskis sa ibang bagay ang ilang magagaspang na sulok, kung saan natanggal ang mga sulok na iyon. Ngunit, sabi niya, “Sa gayon ako magiging…makintab na hawakan sa sisidlan ng Makapangyarihan,” [History of the Church, 5:401.]
Samakatwid, kailangan tayong mapadalisay; kailangan tayong subukan upang mapatunayan ang lakas at kapangyarihan na nasa atin.6
Sa patnubay ng pananampalatayang itinuro ng salita ng Diyos, nakikita natin ang buhay bilang isang malaking proseso ng pagsasanay ng kaluluwa. Sa palaging nakasubaybay na tingin ng mapagmahal na Ama, natututo tayo sa “mga bagay na ating dinaranas,” nagkakaroon tayo ng lakas sa paggapi sa mga balakid, at nadaraig natin ang takot sa pagtatagumpay sa mga lugar kung saan nagtatago ang panganib [tingnan sa Mga Hebreo 5:8]. Sa pamamagitan ng pananampalataya, tulad ng itinuturo ng salita ng Diyos, nauunawaan natin na ang anumang naibigay sa buhay ay tungo sa mataas na pamantayan ni Jesus—“Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal” (Mateo 5:48)—ay para sa ating ikabubuti at walanghanggang kapakanan kahit na magkaroon sa paghubog na iyon ng matinding pagdisiplina ng napakatalinong Diyos, “Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig, at hinahampas ang bawa’t tinatanggap na anak.” (Mga Hebreo 12:6.)
Sa pag-aaral at pagsasanay na iyan para sa pakikipagpaligsahan sa mga kapangyarihan ng kadiliman at sa espirituwal na kasamaan, maaaring “sa magkabikabila ay nangagigipit [tayo], gayon ma’y hindi nanganghihinagpis; nangatitilihan, gayon ma’y hindi nangawawalan ng pag-asa; Pinag-uusig, gayon ma’y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayon ma’y hindi nangasisira.” (II Mga Taga Corinto 4:8–9.)7
Nakikita ng isang taong may patotoo sa layunin ng buhay ang mga hadlang at pagsubok sa buhay bilang mga oportunidad sa pagkakaroon ng karanasang kailangan para sa gawain sa kawalang-hanggan. …
Kung nahaharap sa kamatayan, ang gayong tao ay hindi matatakot kung ang kanyang paa ay “may panyapak na paghahanda ng evangelio ng kapayapaan,” [Efeso 6:15] at ang mga nawawalan ng mahal sa buhay ay magkakaroon ng pananampalatayang tulad ng kay Moroni, ang kapitan ng hukbo, na nagsabing, “Sapagkat pinahihintulutan ng Panginoon na mapatay ang mabubuti upang ang kanyang katarungan at kahatulan ay sumapit sa masasama; kaya nga hindi ninyo dapat na akalain na ang mabubuti ay itinakwil dahil sa napatay sila; subalit masdan, papasok sila sa kapahingahan ng Panginoon nilang Diyos.” (Alma 60:13.)8
Pakinggan ang aral ng Guro sa paglilinang ng tao—“Ang bawa’t sanga na sa akin ay hindi nagbubunga, ay inaalis niya: at ang bawat sanga na nagbubunga ay nililinis niya, upang lalong magbunga” (tingnan sa Juan 15:2). …
Bihira, kung mayroon man, ang tunay na dakilang kaluluwa na hindi sinubukan sa pamamagitan ng mga luha, at paghihirap—na sa wari’y pinungusan mismo ng kamay ng punong hardinero. Sa paggamit ng kutsilyo at karit ang sanga ay matatabasan at mahuhubog ayon sa disenyo ng makapangyarihang Diyos, upang mamunga ito nang husto.
Kailangang pagtiisan ng bawat isa sa inyo ang mga pagsubok, at kahirapan, at sakit at panghihina ng kalooban. Kung matatandaan ninyo, kapag may lungkot at dusa, kayo ay maaaliw kung matututuhan ninyo ang aral na ito: “Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig, at hinahampas ang bawa’t tinatanggap na anak” (Mga Hebreo 12:6.)—at muli: “Anak ko, huwag mong hamakin ang parusa ng Panginoon; ni mayamot man sa kaniyang saway: Sapagka’t sinasaway ng Panginon ang kaniyang iniibig: gaya ng ama sa anak na kaniyang kinaluluguran” (Mga Kawikaan 3:11–12).9
Nag-aalala si Propetang Joseph [Smith]…dahil sa mga kilos ng karahasan laban sa mga Banal at natatandaan ba ninyo na sa gitna ng kanyang mga problema ay napabulalas siya na, “O Diyos, gaano ba katagal bago makita ng inyong mga mata at marinig ng inyong tainga ang kaawa-awang daing ng mga Banal at ipaghiganti ang kanilang mga kaapihan sa ulo ng kanilang mga kaaway?” [Tingnan sa D at T 121:1–6.] At para bagang kinalong ng Guro ang nahintakutang bata at nagsabing:
“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang;
“At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas; ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong mga kaaway.” (D at T 121:7, 8)
Pagkatapos ay nakagugulat ang kanyang sinabi:
“…alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.” (D at T 122:7)
…Tapos ay sinabi ng Guro:
“Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?
“Samakatwid, maging matatag sa iyong landas. … Huwag katakutan ang nagagawa ng tao, sapagkat ang Diyos ay kasama mo magpakailanman at walang katapusan.” (D at T 122:8, 9)
Dumating sa buhay ko na kinailangan kong gawin iyan sa aking sarili. Dinanas itong lahat ng Anak ng Tao.10
Ang layunin kung bakit narito tayo ay maliwanag na sinabi sa paghahayag ng Panginoon kay Moises. Sabi niya, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalangkamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” [Moises 1:39.] Ang ibig sabihin ng “buhay na walang hanggan ng tao” ay makabalik sa kinaroroonan ng Diyos Ama at ng Kanyang anak upang mamuhay sa kawalang-hanggan na kasama Nila. Ngayon, hindi Niya sinabing layunin Niya na ang lahat ng Kanyang anak ay mabuhay nang masagana dito sa lupa, na mayaman at matiwasay at hindi sila dapat dumanas ng sakit at dusa. Hindi Niya sinabi iyan. Dahil minsan, tulad ng sabi ni Isaias, mula sa palumpong ng mga tinik ay umuusbong ang magandang puno ng abeto [tingnan sa Isaias 55:13]. … Ang tila kasawiang-palad sa ngayon ay maaaring, kapag nakita na natin ang buong larawan mula sa simula hanggang wakas, ayon sa karunungan ng ating Ama, isa pala sa mga dakilang pagpapala sa halip na malungkot na katapusan na tulad ng ating inaasahan.11
Paano tayo magkakaroon ng lakas at kapayapaan ng kalooban kapag may problema tayo?
Ang bawat kaluluwang lumalakad sa lupa, ikaw at ako, lahat tayo—mayaman man o mahirap, mabuti man o masama, bata o matanda—bawat isa sa atin ay susubukan sa pamamagitan ng mga unos ng paghihirap, ng hangin na kung saan ay dapat nating ipagsanggalang ang ating sarili. At ang tanging hindi mangabibigo ay ang mga taong nagtayo ng kanilang bahay sa ibabaw ng bato. At ano ang bato? Ito ang bato ng pagsunod sa mga alituntunin at aral ng ebanghelyo ni Jesucristo tulad ng itinuro ng Guro.12
Hindi ako hihingi ng paumanhin…sa paghiling sa inyo ngayong umaga, na maniwalang tulad ko sa mga batayang konsepto ng tunay na relihiyon—ang pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo bilang Tagapagligtas ng daigdig. Sa pangalan Niya ay naganap ang mga himala at nagaganap sa ngayon at tanging sa lubos na pagtanggap sa mga katotohanang ito tayo matatag na makatatayo kapag dumaluhong na ang mga unos sa ating buhay.
Kung gayo’y inaanyayahan ko kayo na magpakumbaba…at may panalangin sa pusong sikaping paniwalaan ang lahat ng itinuro sa atin ng mga banal na propeta tungkol sa ebanghelyo na mula sa mga Banal na Kasulatan mula pa sa simula.13
Kung kaya ang pinakamahalaga sa buhay na ito ay hindi ang nangyayari sa inyo, kundi ang mahalaga ay kung paano ninyo tanggapin ito. Iyan ang mahalaga. Sa pagtatapos ng Sermon sa Bundok, naaalala ninyo, nagbigay ang Guro ng isang talinghaga. Sabi Niya:
“Kaya’t ang bawat dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato:
“At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka’t natatayo sa ibabaw ng bato. …” [Mateo 7:24–25.]
Ano ang nais niyang ituro? Sinisikap Niyang sabihin na ang mga dagok ng paghihirap, ang mga pagbaha ng kasawiang-palad, ang mga kahirapan, ay hahampas sa bahay ng bawat tao sa mundong ito; at ang mga hindi babagsak—kapag nalugi ang banko, kapag namatay ang mahal sa buhay, sa anupamang sakuna—ang tanging magbibigkis sa atin sa kabila ng lahat ng unos at panggigipit na ito ng buhay ay ang pagkakakatatag natin sa mga bato sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. …
Matiyagang hintayin ang Panginoon sa panahon ng pag-uusig at matinding kahirapan. Sabi ng Panginoon,
“Katotohanang sinasabi ko sa inyo aking mga kaibigan, huwag matakot, maaliw sa inyong mga puso; oo, magsaya kailanpaman, at sa lahat ng bagay ay magbigay-pasasalamat;
“Matiyagang naghihintay sa Panginoon, sapagkat ang inyong mga panalangin ay nakarating sa tainga ng Panginoon ng Sabaoth, at natatala sa tatak na ito at testamento—ang Panginoon ay sumumpa at nag-utos na ang mga ito ay ipagkakaloob.” (D at T 98:1–2)14
Ano ang maaari nating sabihin sa mga naghahangad ng kapayapaan ng kalooban upang mapawi ang kanilang takot, maaliw ang pusong nasasaktan, magdulot ng pang-unawa, lampasan ng tingin ang mga hamon ngayon at asamin ang bungang dulot ng pag-asa at mga pangarap sa kabilang daigdig?…
Sinabi ng Guro kung ano ang pinagmumulan ng kapayapaan sa dakong huli nang sabihin niya sa kanyang mga disipulo, “Ang kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” (Juan 14:27.)15
“Sundin ang mga kautusan ng Diyos,” dahil narito ang landas na nagdudulot ng kapayapaan sa kalooban na binanggit ng Guro nang magpaalam Siya sa Kanyang mga disipulo: “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: ngunit laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.” (Juan 16:33.) Nawa mahanap ng bawat isa sa inyo, sa gitna ng lahat ng kaguluhang nakapalibot sa inyo, ang makalangit na katiyakan mula sa Guro na nagmamahal sa ating lahat, na pumapawi sa lahat ng takot kapag, tulad ng Guro, nagapi ninyo ang mga bagay ng mundo.16
Saan ba matatagpuan ang kaligtasan sa daigdig sa ngayon? Ang kaligtasan ay hindi nakakamtan sa pamamagitan ng mga tangke at baril at mga eroplano at bomba atomika. Isa lamang ang ligtas na lugar at iyan ay sa sakop ng kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos na ibinibigay niya sa mga sumusunod sa kanyang mga kautusan at nakikinig sa kanyang tinig, habang nagsasalita siya sa pamamagitan ng mga daluyan na inordena niya para sa layuning iyon. …
Sumainyo nawa ang kapayapaan, hindi ang kapayapaang nagmumula sa paggawa ng batas sa loob ng kongreso, kundi ang kapayapaang nagmumula sa paraang sinabi ng Guro, sa paggapi sa lahat ng bagay ng daigdig. Nawa ay matulungan tayo ng Diyos na maunawaan ang gayon at nawa’y malaman ninyo na alam ko nang may katiyakan at walang pag-aalinlangan na ang gawaing ito ang kanyang gawain, na ginagabayan at pinapatnubayan niya tayo ngayon, tulad ng ginawa niya sa bawat dispensasyon ng ebanghelyo.17
Ngayon, tulad ng naipropesiya, ang buong daigdig ay tila nagkakagulo at ang puso ng mga tao ay nagsisipanlupaypay. Tunay na kailangan nating asahang mamuhay nang may kapayapaan ng kalooban na nagmumula sa pagsasagawa ng ebanghelyo ni Jesucristo sa daigdig ng kaguluhan at kalamidad. Ang pagkabigo sa puso ng tao ay maaaring dumating kahit paano nang dahil sa kawalan ng pag-asa at ang malaking bahagi nito’y mangyayari kapag ang pag-ibig ng tao ay manlalamig. Kailangang gamitin ngayon ang kapangyarihan ng pagkasaserdote na nasa atin at kailangan din nating ibigin ang ating mga kaaway at panatilihing matino ang ating pag-iisip tulad ng ipinayo ni Apostol Pablo kay Timoteo. [Tingnan sa II Timoteo 1:7.] Kung hindi, di tayo maituturing na mabisa. Kaunting katiyakan lamang ang ating matatanggap. Sa gayon ay hindi na kakailanganin pang ibuyo tayo ng kalaban na labagin ang mga kautusan o kaya’y tumalikod sa katotohanan. Sinayang lang pala natin ang ating lakas.18
Isang negosyanteng taga Atlanta, Georgia, na nakilala ko…ang nagsikap na aliwin ako dahil sa matinding kawalan sa aking buhay; kinausap niya ako nang sarilinan at sinabi sa akin, “Ngayon, may gusto akong sabihin sa iyo. Mas matanda ako kaysa sa iyo. Tatlumpu’t apat na taon na ang nakalilipas nang tumunog ang telepono ko sa banko kung saan ako ang pangulo. Ang mensahe ay malubhang nasugatan ang aking asawa sa isang aksidente. Kaagad kong nasabi, ‘Hindi hahayaan ng Diyos na may mangyari sa aking kabiyak—kahanga-hanga siya, lubos na kaibig-ibig, napakaganda.’ Ngunit sa loob ng isang oras ay dumating ang balitang patay na siya. At doon sumigaw ang puso ko, ‘Gusto ko nang mamatay; ayaw ko nang mabuhay; gusto kong marinig ang tinig niya.’ Ngunit hindi ako namatay, at hindi ko narinig ang tinig niya. At pagkatapos ay naupo ako para mag-isipisip. Ano ang maaaring ibig sabihin ng gayong kalungkutan at ng gayong trahedya na sumusubaybay sa landas nating lahat? At dumating sa akin ang kaisipan na ito ang pinakamatinding pagsubok na kailangang harapin sa buhay ng tao. At kung malalampasan mo ito, wala nang iba pang pagsubok na hindi mo malalampasan.”
Kahit paano, habang nakasakay ako sa eroplano at pauwi na nang gabing iyon, mayroong kapayapaan, at sa unang pagkakataon nagsimula kong iwanan ang mga anino ng nakaraan. At dumating sa akin ang sinabi ni Apostol Pablo tungkol sa Guro. “Bagama’t siya’y Anak” ibig sabihin ang Anak ng Diyos—gayon may natuto ng pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis; at nang siya’y mapaging sakdal, ay siya ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan ng lahat na mga nagsisitalima sa kaniya” (Mga Hebreo 5:8–9). Ngayon, kung iisipin ninyo iyan, na sa pamamagitan ng nagpapadalisay na proseso ng paghihiwalay, ng kalungkutan, ng kasawiang-palad, inaakala kong darating ang dapat mangyari bago tayo maging handa sa pagharap sa ilan pa sa ibang pagsubok ng buhay.19
Tinawag tayo sa mahihirap na gawain sa mahirap na panahon, ngunit para sa bawat isa sa atin ito’y maaaring panahon ng maraming karanasan, ng pagkatuto sa maraming bagay, ng malaking kasiyahan ng kalooban. Dahil ang maraming hamon na dulot ng digmaan, urbanisasyon, halu-halong doktrina, at pagkasira ng tahanan ay tiyak na nagbibigay sa atin ng makabagong katumbas ng pagtawid sa kapatagan, pagtitiis sa di-pagkakauna-waan, pagtatayo ng kaharian sa buong daigdig sa gitna ng paghihirap. Dalangin ko na magampanan natin ang ating bahagi sa paglalakbay, at makasama, at manguna, sa karaban ng Simbahan habang papasok ito sa huling piling hantungan—ang Kanyang kinaroroonan.20
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Ano ang pinagmumulan ng ating kaligtasan at kapayapaan sa panahon ng paghihirap? Ano ang nakapagpalakas at nakapagbigay ng kapayapaan sa inyo sa panahon ng mga pagsubok sa inyong buhay?
-
Bakit sumasailalim ang bawat isa—kapwa ang mabuti at masama—sa mga pagsubok at paghihirap?
-
Sa anu-anong paraan pagpapala sa ating buhay ang paghihirap? Sa anu-anong paraan tayo matutulungan ng mga pagsubok na maging mas matatag at higit na makapaglingkod sa Panginoon?
-
Bakit kailangan tayong magtiwala sa “makapangyarihang disenyo” ng ating Ama sa Langit? Ano ang ibig sabihin ng maging tulad ng luwad sa mga kamay ng Panginoon?
-
Ano ang ibig sabihin ng matiyagang hintayin ang Panginoon sa panahon ng pagsubok? Ano ang natutuhan ninyo nang gawin ninyo ito?
-
Sa paanong paraan tayo pinagkakalooban ng Diyos ng kapayapaan upang itaguyod tayo sa mga sandali ng paghihirap?