Kabanata 14
Pag-ibig sa Tahanan
Paano mapatatatag ng mga magulang ang bigkis ng pagmamahal sa pagitan nila at ng kanilang mga anak?
Pambungad
“Ang pamilya ang pinakamahalaga sa paghahanap natin ng kadakilaan sa kaharian ng ating Ama sa Langit,” ang turo ni Pangulong Harold B. Lee.1 Taglay ang mataas na layuning ito sa ating isipan, nagsalita siya nang madalas tungkol sa kahalagahan ng pagmamahal sa pagpapatatag ng mga ugnayan ng pamilya. Hinimok niya ang mga magulang at mga anak na isagawa ang diwa ng misyon ni Elijah sa mga nabubuhay na miyembro ng kanilang pamilya at ibaling ang kanilang mga puso tungo sa isa’t isa nang may pagmamahal. Sabi niya:
“Ipinagunita sa inyo ang isang bagay na isinagawa lamang ninyo sa gawain sa templo—ang misyon ng propetang si Elijah kung saan sinabi ni Malakias, at inulit ito sa makabagong paghahayag: ‘Masdan, ipahahayag ko sa inyo ang Pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kamay ni Elijah, ang propeta, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon. At kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama. Kung hindi magkagayon, ang buong mundo ay lubusang mawawasak sa kanyang pagparito.’ (D at T 2:1–3.)
“Sa ngayon ay walang alinlangan na may maraming mahahalagang kahulugan ang banal na kasulatan. Maliban na mabaling ang mga puso ng mga anak sa kanilang mga magulang at ang mga puso ng mga magulang ay mabaling sa kanilang mga anak sa panahong ito, sa mortalidad, ang mundo ay lubusang mawawasak sa Kanyang pagparito. Hindi kailanman nagkaroon ng panahon kung saan malaki ang kinailangan sa mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa mundo sa pangkalahatan, maliban sa ngayon. Ang karamihan sa mga problemang dinaranas ng mga kabataan sa ngayon ay dahil sa pagkawasak ng mga tahanan. Kailangang bumaling ang puso ng mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama, kung nais nating maligtas ang mundo at maihanda ang mga tao sa pagparito ng Panginoon.”2
Mga Turo ni Harold B. Lee
Paano tayo makahihikayat ng dagdag na pag-ibig at kaligayahan sa ating mga tahanan?
Nagkaroon ako ng pagkakataon na palagiang dumalaw, kasama ang iba pang Pangkalahatang Awtoridad, sa mga tahanan ng ating mga miyembro, at mula sa mga pagdalaw na ito’y nakapulot ako ng ilan…sa mga sangkap na bumubuo sa katatagan at kaligayahan sa tahanan. …
Nakita ko ang mga pamilyang ito na gumagalang sa isa’t isa; ang ama sa ina, at pagmamahal ng ama sa kanya, at ng ina sa ama; di nag-aaway, kahit paano’y di nagtatalo sa harapan ng mga anak, pinag-uusapan ang mga di-pagkakaunawaan—nakakita ako ng gayong tahanan na may siyam na magagandang anak kung saan nagpatotoo ang mga anak sa katunayang hindi nila kailanman narinig na nag-away ang kanilang ama at ina. Ang bunga nito sa ngayon sa tahanan ng siyam ng mga anak na ito, kasunod ng panahong ito ng pagtuturo, at mabuting halimbawa ng mga magulang, ay mayroong siyam pang pamilya na higit na kaibigibig at matatag at masayang namumuhay nang sama-sama. …
Ang pananatili ng mga espirituwal na ugnayan, pagkakaroon ng mga pangmag-anak na panalangin, palagiang pagbibigaypansin sa mga tungkulin sa Simbahan, lahat ng ito’y ilan sa mga bagay na nakatulong sa pagtatagumpay ng mga tahanang ito.3
Isang ama ang lumapit sa akin ilang taon na ang nakalilipas. Nagdalamhati siya sa katotohanang ang lahat ng miyembro ng kanyang pamilya—lahat ng kanyang anak—ay may problema sa kani-kanilang pamilya, ngayong may-asawa na sila. Buong kalungkutang sinabi niya sa akin, “Ano kaya ang diperensiya ng aking pamilya at lahat sila’y may problema? Wala ni isa sa kanila ang masaya at kawili-wiling tahanan.” Mangyari pa, hindi ko ito sinabi, ngunit nakita ko ang tahanan ng lalaking iyon nang ang mga batang iyon ay wala pang asawa, na nakapalibot sa mesa. Nakita ko ang kasakiman, pagtangging magsakripisyo para sa kapakanan ng bawat isa. Nakita ko ang pag-aagawan, pagsisigawan, pagmumurahan, pag-aawayan, at pagkakalampagan. Alam ko kung ano ang ipinakain sa kanila noong bata pa sila. Hindi nakagugulat na hindi sila nagkaroon ng masasayang tahanan.4
Ang kaligayahan ay nagmumula sa di-makasariling paglilingkod. At ang masasayang tahanan ay iyon lamang kung saan may pagsisikap sa araw-araw na gumawa ng mga sakripisyo para sa kaligayahan ng bawat isa.5
Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi isang bagay na nakakamtan ninyo sa pamamagitan lamang ng paghiling. Si Juan ang nagsabing, “Kung sinasabi ng sinoman, Ako’y umiibig sa Dios, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling; sapagka’t ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita, ay paanong makaiibig siya sa Dios na hindi niya nakita?” (1 Juan 4:20.) Hindi ninyo maaaring ibigin ang Diyos at kapagdaka’y kasuklaman ang inyong kapatid na palagi ninyong kasama. Ang sinumang lalaki na nag-aakalang siya’y magaling sa espirituwal samantalang magulo ang kanyang tahanan dahil sa kapabayaan at kabiguang pangalagaan ang kanyang maybahay at sarili niyang mga anak, ang lalaking iyon ay hindi patungo sa pagkakaroon ng pag-ibig sa Diyos.6
Huwag nating kalimutan ang matalinong payo ni Pablo nang sabihin niyang “papagtibayin” ang ating pagmamahal sa nakapaligid sa atin, lalo na sa mga labis ang kalumbayan (tingnan sa II Corinto 2:7–8). Halos gayundin ang sinabi ni Pedro sa 1 Pedro, sa unang kabanata, sa paghimok sa mga miyembro na hindi lamang magpakita ng “pagibig na hindi pakunwari” kundi “mangagibigan kayo ng buong ningas ng inyong puso sa isa’t isa” (I Pedro 1:22). Sa kaharian ang ating kakayahang magmahal ay mahalaga dahil nabubuhay tayo sa panahon kung kailan “ang pagibig ng tao ay manlalamig” (D at T 45:27).7
Patatagin ang mga ugnayan ng inyong pamilya at asikasuhin ang inyong mga anak. … Tiyakin na ang tahanan ay gagawing matatag na lugar kung saan maaaring magpunta ang mga anak para sa katatagang kailangan nila sa panahong ito ng kaguluhan at kaligaligan. Sa gayon ay lalaganap ang pag-ibig at madaragdagan ang inyong kagalakan.8
Paano makapagpapakita ang mga ama at ina ng dagdag na pagmamahal sa kanilang mga anak?
May karanasan ako na nagturo sa akin ng isang bagay bilang isang lolo. Gabi iyon ng sayawan [sa Simbahan] na ginanap sa istadyum, at ang dalawang pinakamatandang apo ko sa anak kong babae…ay nagbigay sa kanya ng problema, ayon sa kanya. Kaya sinabi kong, “Gusto mo bang isama ko ang mga anak mo sa sayawan sa istadyum?”
Sabi niya, “Oho, Itay. Naku, magiging masayang-masaya ako.”
Wala akong alam sa pinasukan ko. … Nang magsimula na ang pagtatanghal, hindi ko alam na malaki pala ang kaibahan ng isang pitong-taong-gulang at isang limang-taong-gulang. Tuwang-tuwa ang pitong-taong-gulang sa pagtatanghal na iyon. Ngunit ang limang-taong-gulang ay mas mainipin pala. Maglilikot siya at tapos ay gustong lumabas at bumili ng hotdog at gustong bumili ng maiinom at gustong magpunta sa palikuran. Palagi siyang malikot. At heto ako’t nakaupo sa harapan at katabi ng mga Pangkalahatang Awtoridad, at nangingiti sila sa panonood sa amin at habang hinahatak-hatak ko ang apo ko at sinisikap na patahimikin siya. Sa huli’y binalingan ako ng limang-taong-gulang na iyon at sinuntok ako sa pisngi ng maliit niyang kamao at sabi niya, “Lolo, huwag n’yo po akong itulak!” Alam n’yo, masakit iyon. Noong takipsilim na iyon, pakiramdam ko’y nakikita ko ang aking mga kapatid na natatawa nang bahagya nang makita nila ito. Ang una kong naisip ay ilabas siya at paluin; dapat lang sa kanya iyon. Ngunit, may nakita akong ginagawa ng kanyang ina. Nakita ko siya noong may sumpong ang batang ito at may kasabihan siyang, “Dapat mong mahalin ang mga anak mo kapag hindi sila kaibig-ibig.” Kaya naisip kong susubukan ko iyon. Nabigo ako sa isang proseso.
Kaya kinuha ko siya at sinabi ko sa kanyang, “Apo ko, mahal ka ng Lolo. Gusto kong lumaki kang mabuting bata. Gusto ko lang na malaman mong mahal kita, apo ko.” [Napanatag] ang maliit niyang katawan na galit, at niyakap niya ako’t hinalikan niya ako sa pisngi, at minahal niya ako. Nagapi ko siya dahil sa pagmamahal. At di-sinasadyang nagapi niya ako dahil din sa pagmamahal.9
Ang matagumpay na ina na may mga anak ay magsasabi sa inyong kailangang mahalin ang mga tinedyer at dapat na lalong pakamahalin kapag hindi sila kaibig-ibig. Isipin ninyo iyan, kayong mga ama at ina.10
Naaalala ko ang isang pangyayari sa sarili kong pamilya kung saan ang isa sa aking mga batang apo ay pinuna ng kanyang ama sa hindi niya pag-aayos sa kanyang silid, pagliligpit ng kanyang higaan, at marami pang iba. Matapos iyon ay sinabi niya na may damdamin ng pagsasaalang-alang na, “Eh, Itay, bakit ang nakikita n’yo lang ay ang mga bagay na dapat punahin at di kailanman nakikita ang mabubuting bagay na ginagawa ko?” Dahil dito’y nagisip na mabuti ang ama, at nang gabing iyon inilagay niya sa ilalim ng unan ng anak ang isang liham ng pagmamahal at pagunawa na sinasabi sa anak ang lahat ng bagay na hinahangaan niya sa kanya. Sa gayo’y nagsimulang pagalingin ang sugat na nalikha ng palagiang pamumuna na di nagbigay-pansin noon sa mabubuting bagay.11
Naaalaala ko pa ang isang karanasan ko noong ako’y bata pa. May mga baboy kami noon na naninira sa halamanan at nagdudulot ng malaking pinsala sa taniman. Pinapunta ako ni itay sa tindahan na dalawang milya ang layo upang bumili ng kagamitan para malagyan namin ng hikaw ang nguso ng mga baboy. Nahirapan kami sa pagsalikop sa mga ito at pagpapapasok sa kulungan, at habang nilalaro-laro ko ang kagamitang ito na ipinabili sa akin, sumobra ang diin ko dito at nasira ito. Tama lamang kung pinagalitan ako ni itay noon ding oras na iyon, matapos ang hirap at masayang ang salapi, subalit tumingin lamang siya sa akin, ngumiti, at nagsabing, “Anak, sa tingin ko’y di natin malalagyan ngayon ng hikaw sa nguso ang mga baboy. Pawalan mo ang mga ito at babalik tayo bukas at susubukan natin muli.” Mahal na mahal ko ang tatay kong iyon, hindi niya ako pinagalitan sa munting pagkakamali ng isang musmos na disin sana’y naglayo sa aming dalawa.12
Maaaring disiplinahin ng isang ama ang kanyang anak, ngunit di niya dapat gawin ito nang may galit. Dapat siyang magpakita ng ibayong pagmamahal pagkatapos niyon, at baka ituring siyang kaaway ng taong kanyang pinagalitan (tingnan sa D at T 121:43). Huwag nawang itulot ng Panginoon na madama ng isang bata na kaaway niya ang kanyang ama o ina.13
Mga magulang, tandaan na ngayon ang inyong pagkakataon; maaaring makadama kayo ng pagkayamot sa araw-araw ninyong pakikitungo sa isang anak na matigas ang ulo, subalit kayo’y nasa pinakamaligaya at ginintuang mga taon ng inyong buhay. Habang pinatutulog ninyo sila sa gabi, maging mabait sana kayo sa kanila. Hayaang marinig nila ang magiliw na tinig sa kabila ng lahat ng galit at mga nakaririmarim na boses na maririnig nila habambuhay. Hayaang magkaroon sila ng kanlungan kung saan maaaring bumaling ang mga musmos na ito kapag nabigo na ang lahat. Tulungan nawa kayo ng Panginoon na gawin ang gayon.14
May isang doktor na lumapit sa akin. Siya’y siruhano sa utak. … Binigyan niya ng paragos (sled) ang [kanyang] munting anak bilang regalo sa Pasko ngunit wala namang niyebe. Ang unang bagsak ng niyebe ay dumating mga tatlumpung araw makaraan ang Pasko nang taong iyon. Sabi [ng doktor], habang nagmamadali siya patungong ospital, “Pag-uwi ko’y magpapadausdos tayo sa niyebe,” at sumagot ang batang lalaki, “Hindi totoo ‘yan Itay, wala ka namang panahon sa akin.” Buong umaga siyang binagabag ng salitang ito ng anak dahil, totoo namang marami siyang oras na ginugol sa kanyang propesyon kaya’t wala siyang panahon na dapat sana’y iukol niya sa kanyang maliliit na anak. Kaya ang maligalig niyang tanong ay, “Maaari mo bang sabihin sa akin sandali kung paano ko mababalanse ang aking buhay? Sa mabilis na pagsulong ngayon ng pag-oopera sa utak, malilimutan ko ang sarili ko at wala nang maiisip kundi ang basahin ang lahat ng bagong impormasyon tungkol sa aking propesyon.” Habang nag-uusap kami, nasabi namin na may responsibilidad ang tao sa kanyang sarili, may responsibilidad siya sa kanyang pamilya, may responsibilidad siya sa Simbahan, at may responsibilidad siya sa kanyang propesyon; at upang maging balanse ang kanyang buhay kailangan siyang humanap ng mga paraan upang makapaglingkod sa bawat aspetong iyon.15
Kung matindi ang pagmamahal ng isang ama sa kanyang mga anak, at mula sa pagkabata nila’y niyakap sila nang buong pagmamahal at ipinadama sa kanila ang kanyang pagmamahal, naniniwala ako na ang gayong samahan ay mas tatamis pa sa kanilang pagtanda. Pananatilihin silang malapit nito kapag kinailangan ng isang problema sa buhay ng anak ang nagpapayapang kamay ng isang ama na nakauunawa. Ang ina na sabik na naghihintay sa gabi sa pag-uwi ng kanyang anak na babae mula sa sayawan upang mahagkan siya ng anak at marinig niya ang mahalagang pagkukuwento na may kasabikan at tuwa ng isang dalagita, ay gagantimpalaang mabuti ng walang-maliw na pagmamahal ng anak. Ito ang magiging walang hanggang proteksiyon niya laban sa kasalanan dahil pinagkatiwalaan siya ng kanyang ina.
Ang mga magulang na masyadong abala o pagod na upang magambala pa ng kaguluhan ng mga musmos at pinatatabi ang mga ito o pinalalabas ng tahanan dahil sa takot na marumihan nila ang malinis na tahanan ang maaaring nagtutulak sa kanila, dahil na rin sa kalungkutan, tungo sa isang lipunan kung saan laganap ang kasalanan, krimen at kataksilan. Ano ang magiging pakinabang ng isang ama, na dapat sana’y karapat-dapat sa Kahariang Selestiyal, kung naligaw ang kanyang anak sa kasalanan dahil na rin sa kanyang kapabayaan? Ang lahat ng kasiyasiyang lipunan o samahan sa daigdig na tumutulong sa mga taong nangangailangan, maging ito ma’y ukol sa tao o relihiyon, ay di kailanman magiging kabayaran sa pagsisikap ng isang ina sa labas ng kanyang tahanan na iligtas ang sangkatauhan o isang mithiin, gaano man kabuti ito, kung ang kapalit naman nito’y ang pagkaligaw ng mga kaluluwa sa kanya mismong tahanan.16
Madalas kong ipayo, at muli kong uulitin sa inyong lahat na narito: “Ang pinakamahalagang gawain ng Panginoon na gagawin ninyo ay ang nasa loob mismo ng inyong mga tahanan.” Hindi natin dapat kalimutan ito kailanman.17
Ano ang maaaring maging impluwensiya ng pagmamahal ng magulang at pagtuturo ng ebanghelyo sa mga anak na naliligaw ng landas?
May mag-asawang problemado na lumapit sa akin kamakalawa lamang. Ang panganay nilang anak na babae na labing-anim-nataong- gulang ay nagdudulot ng maraming problema. Halos sumuko na sila. Binanggit ko ang sinabi ni Brother Marvin J. Ashton, na ang isang tahanan ay hindi bigo hangga’t hindi ito sumusuko (tingnan sa Conference Report, Abril 1971, p. 15). Totoo iyan. Ang tahanan ay dapat patuloy na magmahal at makipagtulungan [sa kabataan], hanggang sa maitawid natin ang kabataan sa mapanganib na edad. Walang bigong tahanan maliban kung titigil ito sa pagtulong.18
Ang pinakadakilang pagpapamalas ng kapangyarihan ng Makapangyarihan na nakikita natin ngayon ay ang pagkatubos ng mga kaluluwa ng tao mula sa espirituwal na kadiliman tungo sa espirituwal na kaliwanagan. Narinig at nakita ko ang gayong himala kamakailan lamang nang ang isang lalaking ayaw magbago sa kanyang buhay, na ngayo’y halos nasa kalagitnaan na ang edad, ay nagsalita, ayon na rin sa kanyang kahilingan, sa burol ng kanyang matanda nang ina. Ang kanyang ama’t ina, na masunurin sa bilin ng Panginoon, ay patuloy na nagturo sa kanilang mga anak, pati na sa lalaking ito, na buong lakas at walang-galang na tumutol sa kanila. Sa kabila ng pagtutol, patuloy na ginampanan ng ama ang pagiging matapat na ama; hindi lamang siya nagturo, kundi tuwing Linggo siya’y nag-ayuno at nanalangin, lalo na para sa suwail na anak na ito. Ipinakita sa ama sa isang panaginip, tila upang tiyakin sa kanya, ang kanyang suwail na anak na lumalakad sa makapal na hamog. Sa panaginip ay nakita niya ang anak na ito na lumakad palabas sa hamog tungo sa maliwanag na sikat ng araw, na nalinisan ng taos-pusong pagsisisi. Nakita namin ang anak na iyon na bagong tao na ngayon at tinatamasa ang ilan sa mga piling pagpapala ng Panginoon sa Simbahan dahil sa kanyang matatapat na magulang na hindi bumigo sa kanya.19
Ito ang nais ko ngayong sabihin sa inyong mga ina: Huwag sumuko sa [suwail] na anak na iyon; isang araw maaaring, tulad ng Alibughang Anak, siya’y magbalik sa tahanang kanyang pinanggalingan, tulad ng barko sa unos na nagbabalik sa ligtas na daungan.20
Bilang kabataan ang isang tao’y maaaring humiwalay sa impluwensiya ng mabuting tahanan at maaari siyang maging dimaingat at suwail, ngunit kung ang mga turo ng mabuting ina sa kanyang kabataan ay makikintal sa kanyang puso, magbabalik siya dito para sa kaligtasan, tulad ng pagdaong ng barko kapag may unos.21
Huwag sumuko sa anak na iyon na nasa hindi mapagtiisang kalagayan ng [pagkamakasarili] na pinagdaraanan ng ilang tinedyer. Sumasamo ako sa inyo para sa kapakanan ng mga anak na iyon. Huwag sumuko sa isang anak na nasa imposibleng kalagayan ng pagsasarili at di-pagpansin sa pagdisiplina ng pamilya. Huwag kayong sumuko kapag kinakikitaan sila ng nakagigimbal na kawalan ng pananagutan. Ayaw ng mga taong alam-ang-lahat at makapamumuhay nang mag-isa ang anumang payo, na sa kanya’y pangangaral lamang ng isang makaluma na di-nakauunawa sa kabataan. …
May apo kaming lalaki na naging misyonero sa North British Mission. Hindi pa siya nagtatagal doon nang sumulat siya ng nakatutuwang liham kung saan sinabi niyang ang payo ng kanyang mga magulang ay bumabalik sa kanya ngayon nang buong linaw. Tulad ito ng isang aklat sa estante na labingsiyam na taon nang naroon at ngayon lang niya kinuha at sinimulang basahin sa kauna- unahang pagkakataon. Ganyan ang inyong anak na lalaki at babae. Maaaring sa tingin ninyo’y di sila nakikinig. Maaaring akala nila’y di sila nakikinig, ngunit isang araw maaaring hanapin nila ang inyong payo at halimbawa at isaalang-alang ang mga ito kapag kailangang-kailangan na nila.
May mga puwersang pumapasok sa eksena matapos magawa ng mga magulang ang lahat sa abot ng kanilang makakaya na turuan ang kanilang mga anak. Ang gayong puwersa ang nakaimpluwensiya sa nakababatang Alma, na, kasama ng mga anak ni Mosias, ay humayo upang sirain ang gawain ng kanilang mga dakilang ama. Isang anghel, kung natatandaan ninyo, ang isinugo, at pinalugmok niya si Alma. Tila patay na nahandusay si Alma sa loob ng tatlong araw at gabi, at sinabi ng anghel:
“Masdan, napakinggan ng Panginoon ang mga panalangin ng kanyang mga tao, at gayon din ang mga panalangin ng kanyang tagapaglingkod na si Alma, na iyong ama; sapagkat nanalangin siya nang may labis na pananampalataya hinggil sa iyo na baka sakaling madala ka sa kaalaman ng katotohanan; anupa’t dahil sa layuning ito ako ay naparito upang papaniwalain ka sa kapangyarihan at karapatan ng Diyos, upang ang mga panalangin ng kanyang mga tagapaglingkod ay matugon alinsunod sa kanilang pananampalataya.” (Mosias 27:14.)22
Marahil walang ina o ama na di nagsabing, “Tulungan nawa ako ng Panginoon na mabuhay nang dalawampu’t limang oras araw-araw upang mailaan ang aking buhay sa pagiging ina at pagiging ama nang sa gayo’y wala ni isa man sa aking mga anak ang makapagsabi na hindi ko ginawa ang lahat sa abot ng aking makakaya upang mahikayat silang umiwas sa masama.” Ilan sa ating mga anak ang nananatiling matatag at tapat, subalit ang iba ay nagsisimulang maligaw ng landas, at minsa’y di natin nauunawaan kung bakit. Ngunit lahat tayo’y maaaring magpasiya na bilang mga magulang sa ngayon ay magiging malapit tayo sa ating mga anak, papayuhan natin sila, ibibigay sa kanila ang pundasyon ng mga pangunahing alituntunin ng banal na katotohanan.23
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Bilang mga magulang, ano ang nakatulong sa inyo upang patatagin ang pagmamahal sa pagitan ninyo at ng inyong mga anak? Paano mapagtutuunan ng pansin ng mga magulang ang mga natatanging pangangailangan ng bawat anak?
-
Bakit dapat palaging magpakita ng paggalang sa isa’t isa ang mga magulang maging sa publiko at sa loob ng kanilang tahanan?
-
Paano mahihimok ng mga magulang ang pagiging di-makasarili at pagsasakripisyo para sa kabutihan ng iba sa kanilang tahanan?
-
Bakit mahalagang mahalin ng mga magulang ang kanilang mga anak maging kapag hindi sila kaibig-ibig? Sa paanong mga paraan maipakikita ng mga magulang ang pagsang-ayon sa mabubuting bagay na ginagawa ng kanilang mga anak?
-
Paano mababalanse ng mga magulang ang mga hinihingi ng pamilya, simbahan, at trabaho?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Lee nang sabihin niyang, “Ang pinakamahalagang gawain ng Panginoon na gagawin ninyo ay ang nasa loob mismo ng inyong mga tahanan.?”
-
Paano nakatutulong ang ebanghelyo sa mga magulang upang hindi maligaw ng landas ang kanilang mga anak? Bakit mahalagang malaman na matapos ang lahat ng ating magagawa, ang ating mga anak ay maaaring makagawa pa rin ng ilang maling pagpili? Anu-anong katiyakan ang ibinibigay ng ebanghelyo sa matatapat na magulang na patuloy na nagmamahal at nakikipagtulungan sa kanilang mga anak?