Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 16: Pagkakaisa na Iligtas ang mga Kaluluwa


Kabanata 16

Pagkakaisa na Iligtas ang mga Kaluluwa

Paano nakatutulong ang mga alituntunin ng pag-uugnayugnay sa Simbahan sa pagtutulungan ng Simbahan at ng pamilya na iligtas ang mga kaluluwa?

Pambungad

Habang naglilingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, inatasan si Harold B. Lee ng Unang Panguluhan na pangasiwaan ang pagsisikap na ituon ang lahat ng programa ng Simbahan sa pinakalayunin ng ebanghelyo ni Jesucristo—“ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang pagsisikap na ito’y tinawag na pag-uugnay-ugnay (correlation). Kabilang sa pag-uugnay-ugnay ang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng pamilya at ng tahanan sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga pantulong na samahan, programa, at aktibidad sa Simbahan ay magpapatatag at magtataguyod sa pamilya. Kabilang din dito ang pagsasailalim sa lahat ng samahan at gawain ng Simbahan sa pamamahala ng pagkasaserdote. Noong mga 1960 maraming hakbang ang ginawa upang maisakatuparan ang mga layuning ito, kabilang ang muling pagbibigay-diin sa gabing pantahanan ng mag-anak at pagrerepaso ng kurikulum ng Simbahan upang matiyak na pinatatatag nito ang tahanan at pamilya. Patuloy hanggang ngayon ang pag-uugnay-ugnay sa Simbahan sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan, habang sinusunod ang mga alituntuning inihayag ng Panginoon.

Itinuro ni Pangulong Lee: “Lahat ng ginagawa natin ay dapat gawin ‘na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.’ [D at T 82:19.] At ano ang kaluwalhatian ng Diyos? Tulad ng ipinaliwanag ng Panginoon kay Moises, ito ay ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao. … Sa lahat ng ating mga pagsisikap sa…programa ng pag-uugnayugnay ay isaisip natin sa tuwina ang pagmamasid na ito. Sa madaling salita, ang dalawa lamang nating layon sa pag-uugnay-ugnay ay ang panatilihing kumikilos ang pagkasaserdote tulad ng malinaw na pagkapaliwanag ng Panginoon, pati na ang angkop na pagkakaugnay dito ng mga pantulong na samahan. At pangalawa, gampanang mabuti ng mga magulang at ng pamilya ang kanilang mga tungkulin tulad ng ipinag-utos ng Panginoon. Kaya makikita natin na ang lahat ng ginagawa ay dapat gawin na taglay sa isipan ang isang tanong: isinusulong ba ng gawain na ito ang kaharian, nakatuon ba ang ating mata sa pangunahing layunin ng samahan ng Panginoon—ang iligtas ang mga kaluluwa at isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao?”1

Mga Turo ni Harold B. Lee

Paano tumutulong ang Simbahan na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao”?

Nasa atin ang simbahan upang ihanda tayo sa pagiging karapat-dapat sa harapan ng Panginoon. Ano na nga ang sinabi ni Apostol Pablo—pinagkalooban niya ang mga iba na maging apostol; at ang mga iba’y propeta; at ang mga iba’y evangelista— ibig sabihin, itinayo ang Simbahan—para saan? “Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo: Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao.” [Tingnan sa Efeso 4:11–13.] Alam ng Panginoon na di tayo perpekto, at ibinigay niya sa atin ang Simbahan upang tulungan tayong maging gayon.2

Ang gawain ng Simbahan ay hindi lamang upang magtatag ng samahang panlipunan o magkaroon ng iba pang layunin maliban sa pagliligtas ng mga kaluluwa.3

Ang layunin [ng Simbahan ay] gawing perpekto ang buhay ng mga miyembro sa Simbahan. … Tuturuan [nito] ang mga miyembro ng Simbahan hinggil sa mga doktrina at turo nito, upang maabot ng mga miyembro ang pagkakaisa ng pananampalataya at ang pagkakilala sa Anak ng Diyos hanggang sa pagiging perpekto ng tao. Ang kaalamang ito ay, sang-ayon mismo sa Guro, tulad ng ipinahayag Niya sa [di-malilimutang] panalangin sa Bagong Tipan, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo” (Juan 17:3).4

Bakit dapat magmalasakit sa samahan?… Bumubuo tayo ng samahan upang magawa nang mas mabuti at mapadali ang gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtutulungan sa gawain, sa pagpapakatawan sa responsibilidad. Inaayos at pinadadali at pinagbubuti pa ang gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtanggap at pagganap ng tungkulin, na lumilikha ng mga pinuno mula sa mga miyembro. Tulad ito ng sinabi ng Guro nang ibigay Niya sa Kanyang mga dispulo ang isang atas—“Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao”—na siyang sinasabi sa atin ngayon—“ Kung susundin ninyo ang aking mga kautusan, gagawin ko kayong mga pinuno ng mga tao at pinuno sa gitna ng aking mga tao.”5

Ang simbahan at kaharian ng Diyos ay pangkalahatang simbahan at hindi para lamang sa isang bansa o tao. Sinisikap natin sa tuwina na bigyan ang lahat ng Banal ng Kataas-taasan, saanman sila nakatira, ng pagkakataong lumaki at umunlad hanggang sa abot ng kanilang makakaya, upang magkaroon ng lakas at impluwensiya sa kabutihan sa mundo, at kamtan ang gantimpala ng katapatan.6

Bakit mahalagang patatagin ang pamilya sa lahat ng ginagawa natin sa Simbahan?

Nasaan ang unang hanay ng depensa sa simbahang ito? Nasa Primarya ba? Nasa Panlinggong Paaralan ba? Hindi ito inihayag ng ating Ama sa Langit sa ganyang paraan. Basahin ninyo muli ang ika-animnapu’t walong bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Malalaman ninyo na inilagay ng Panginoon sa harapan ng mga pakikipagdigmaan laban sa mga kapangyarihang sisira sa mga depensang ito ang tahanan, na siyang unang hanay ng depensa (tingnan sa D at T 68:25–32).7

Ang mga programa ng pagkasaserdote ay kumikilos sa pagtataguyod ng tahanan; malaki din ang naitutulong ng mga programa ng pantulong na samahan. Ang matalinong pamumuno ng [pagkasaserdote] ay makatutulong sa atin na gawin ang ating bahagi sa pagkakamit ng niyakap na layunin ng Diyos, “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Sinasabi sa atin kapwa ng mga paghahayag ng Diyos at ng kaalaman ng tao kung gaano kahalaga ang tahanan sa paghubog ng buong buhay na karanasan ng indibiduwal. … Kung gayon, ang karamihan sa ginagawa natin bilang isang samahan ay balangkas na susuporta, sa hangarin nating itayo ang indibiduwal, at hindi natin dapat ipagkamali ang balangkas bilang kahalili ng kaluluwa.8

Ang tahanan ang pinakapangunahin at mahalaga sa lahat ng institusyon ng Diyos. Ang susi sa buong programa ng ating paguugnay-ugnay ay ibinigay sa atin nang ipahayag ng Unang Panguluhan ang isa sa pinakapangunahing alituntunin na ating pinagbabatayan: “Ang tahanan ang batayan ng matwid na pamumuhay, at walang ibang kasangkapan na maaaring humalili dito ni tumupad sa napakahalagang gawain nito. Ang pinakamainam na magagawa ng mga pantulong na samahan ay tulungan ang tahanan sa mga problema nito, nagbibigay ng natatanging tulong at sumasaklolo kapag kailangan ito.”

Kapag inilagay iyan sa isipan, ang bawat aktibidad kung gayon sa Simbahan ay dapat planuhing mabuti upang patatagin—hindi bawasan—ang pagkilos ng maayos na tahanan. Kung mahina ang pamumuno ng magulang, dapat ibigay ng mga pagkasaserdoteng tagapagturo sa tahanan at pantulong na samahan ang kinakailangang patnubay. Ibig sabihin nito, ang bawat kaganapan na itinataguyod ng Simbahan ay kailangang planuhin na taglay ito sa isipan, na binibigyang-diin lalo na ang kahalagahan ng panghihimok sa bawat pamilya na matapat na idaos ang lingguhang gabing pantahanan. At himukin at tulungan ang mga ama na nagtataglay ng banal na pagkasaserdote sa pagganap sa kanilang tungkulin bilang mga puno ng kanilang sambahayan.9

Hindi hihilingin ng Diyos sa sinumang tao na isakripisyo ang kanyang pamilya upang gampanan ang iba pa niyang mga tungkulin sa kaharian. Ilang ulit ba naming sinikap na bigyang-diin na ang pinakamahalagang gawain ng Panginoon na gagawin ninyo bilang mga ama at asawa ay sa loob mismo ng inyong sariling tahanan? Ang pagiging ama ay tungkulin ng mga ama na kung saan ay di sila kailanman mahahalinhan.10

Habang iniisip ko ang ginagawa natin ngayon at ang posibleng epekto nito ay naisip ko ang mga salita ng Propetang Mikas, “Ngunit sa mga huling araw ay mangyayari, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at matataas sa mga burol; at mga tao’y paroroon sa kaniya.

“At maraming bansa’y magsisiparoo’t mangagsasabi, Magsiparito kayo, at tayo’y magsiahon sa bundok ng Panginoon, at sa bahay ng Dios ni Jacob; at siya’y magtuturo sa atin ng kanyang mga daan, at tayo’y magsisilakad sa kaniyang mga landas. Sapagka’t sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem.” (Mikas 4:1–2.)

Sinasabi ko sa inyong mga ama at inang Banal sa mga Huling Araw na kung gagawin ninyo ang responsibilidad ng pagtuturo sa inyong mga anak sa tahanan—kung ihahanda ng mga korum ng pagkasaserdote ang mga ama, ng Samahang Damayan ang mga ina—darating ang araw na ang buong daigdig ay kakatok sa inyong pintuan at magsasabing, “Ituro ninyo sa amin ang daan upang matahak namin ang inyong landas.”11

Paano magtutulungan ang mga pantulong na samahan sa ilalim ng pamamahala ng pagkasaserdote sa pagpapatatag ng pamilya?

Kung sasabihin sa pangkalahatang paraan, ang ibig sabihin ng pag-uugnay-ugnay ay…ilagay ang pagkasaserdote ng Diyos ayon sa sinabi ng Panginoon na dapat kalagyan nito—sa sentro at kaibuturan ng Simbahan at kaharian ng Diyos—at tiyakin na ang mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may lugar din sa banal na plano ng pagliligtas ng mga kaluluwa.12

May naitatag ngayon sa Simbahan na mga pantulong na samahan na kaantabay ng mga samahan ng pagkasaserdote, o tulad ng tinukoy sa Bagong Tipan, “mga pagtulong, mga pamamahala” bilang karagdagan sa pagkasaserdote [tingnan sa 1 Corinto 12:28]. Ginawa ni Pangulong Joseph F. Smith ang pahayag na ito tungkol sa mga samahang ito: “Nasa isip ko ang ating mga pantulong na samahan; ano ba ang mga ito? Pantulong sa mga pamantayang samahan ng Simbahan. Hindi nagsasarili ang mga ito. Gusto kong sabihin sa Mutual Improvement Associations ng Mga Kabataang Lalaki at Mga Dalaginding, at sa Samahang Damayan, at sa mga Primarya, at sa Panlinggong Paaralan, at klase sa Relihiyon, at sa lahat ng iba pang samahan sa Simbahan, na wala isa man sa kanila ang makatatayong mag-isa kung wala ang Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos. Wala isa man sa kanila ang makaiiral nang kahit sandali sa harap ng Panginoon kapag lumayo sila sa tinig at sa payo ng mga nagtataglay ng Pagkasaserdote at namamahala sa kanila. Nakapailalim sila sa mga kapangyarihan at awtoridad ng Simbahan, at di sila makatatayong mag-isa kung wala ang mga ito; ni hindi sila magkakaroon ng anumang karapatan sa kanilang mga samahan kung wala ang Pagkasaserdote at ang Simbahan.” [Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 383.]13

Sa dakila at makabagong paghahayag tungkol sa pamamahala sa Simbahan, nagtapos ang Panginoon sa ganitong pangungusap:

“Masdan, ito ang pamamaraan kung paano ang aking mga apostol, noong unang panahon, ay itinayo ang aking simbahan para sa akin.

“Samakatwid, ang bawat tao ay tumayo sa kanyang sariling katungkulan, at gumawa sa kanyang sariling tungkulin; at huwag sabihin ng ulo sa mga paa na hindi nito kailangan ang mga paa; sapagkat kung wala ang mga paa ay paano makatatayo ang katawan?

“Gayon din ang katawan ay kailangan ang bawat bahagi, upang ang lahat ay mapabanal na magkakasama, upang ang katawan ay mapanatiling ganap.” (D at T 84:108–110.)

Kitang-kita, habang iniisip ninyo ang mga banal na kasulatang ito, na ibinigay ang mga ito upang bigyang-diin na kailangan ang mga palagian at patuloy na pagsangguni at pag-uugnay-ugnay ng iba’t ibang dibisyon, ang mga korum ng pagkasaserdote at pantulong na samahan at lahat ng iba pang yunit sa loob ng kaharian ng Diyos, sa apat na dahilan:

Una, na ang bawat samahan ay dapat magkaroon ng tiyak na gagawin, at hindi nito dapat panghimasukan ang iba, na tila ba sinasabi ng mata sa kamay na, “Hindi kita kinakailangan.”

Pangalawa, na ang bawat dibisyon ay magkapareho ang halaga sa gawain ng kaligtasan, tulad ng kahalagahan ng bawat bahagi ng katawang pisikal sa buong pagkatao.

Pangatlo, upang ang lahat ay mapabanal o maturuan na magkakasama; at

Pang-apat, upang mapanatiling perpekto ang sistema, o sa madaling salita, upang sa balangkas ng plano ng Panginoon sa pagsasaayos ng kaligtasan ng kanyang mga anak, ang Simbahan ay makaganap tulad ng katawan ng tao na perpektong isinaayos, kasama ang pagkilos ng bawat miyembro batay sa nilayon dito.14

Minsan, noong mga nakaraan, binalikan natin ang paggawa ng mga bagay na tila nagbibigay-diin sa ating pananagutan sa mga programa sa halip na sa mga miyembro ng Simbahan. Hinihimok namin ang lahat ng kasangkot…na sundin ang pangunahing atas batay sa layunin ng lahat ng ito: “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Sa tuwina, kung nais natin ng sukatan ng pagiging karapat-dapat ng programang ito o ng programang iyon: itinataguyod ba nito ang pag-unlad ng indibiduwal tungo sa layuning iyon na buhay na walang hanggan sa kinaroroonan ng Ama? Kung hindi, at wala itong kinalaman sa pag-unlad ng indibiduwal tungo sa layuning iyon na buhay na walang hanggan, hindi ito dapat himukin sa Simbahan.15

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Bakit mahalaga na sa lahat ng ginagawa natin sa Simbahan ay alalahanin natin ang pinakalayunin ng Simbahan—“ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao”? (Moises 1:39).

  • Paano tayo tinutulungan ng Simbahan na gawing perpekto ang ating buhay? Paano tayo nito natutulungan sa “paglaki at pag-unlad hanggang sa abot ng ating makakaya”?

  • Bakit ang tahanan ang pinakapangunahin at pinakamahalaga sa lahat ng institusyon ng Diyos? Ano ang maaari nating gawin sa ating mga responsibilidad sa Simbahan upang patatagin ang pamilya?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Lee nang sabihin niyang ang pagkasaserdote ang “sentro at kaibuturan ng Simbahan”? Paano nakatutulong sa atin ang payo na ibinigay sa D at T 84:108–10 sa pag-unawa kung paano dapat magtulungan ang pagkasaserdote at mga pantulong na samahan ng Simbahan?

  • Paano “kumikilos sa pagtataguyod sa tahanan” ang mga programa ng pagkasaserdote at ng mga pantulong na samahan? Paano nasuportahan ng mga programang ito ang inyong tahanan?

  • Sa ating mga pagsisikap na makapaglingkod sa Simbahan, bakit kailangan tayong maging maingat na hindi maging mas mahalaga ang mga programa kaysa sa mga tao? Paano natin magagawa ito?

Mga Tala

  1. Talumpating ibinigay sa pangkalahatang komperensiya ng Panlinggong Paaralan, ika-2 ng Okt. 1970, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 7.

  2. Talumpating ibinigay sa Brigham Young University, ika-3 ng Okt. 1950, Harold B. Lee Library Archives, Brigham Young University, 9–10.

  3. Talumpating ibinigay noong itatag ang Virginia Stake, ika-30 ng Hunyo 1957, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  4. The Teachings of Harold B. Lee, inedit ni Clyde J. Williams (1996), 587.

  5. The Teachings of Harold B. Lee, 565.

  6. The Teachings of Harold B. Lee, 385.

  7. The Teachings of Harold B. Lee, 262.

  8. The Teachings of Harold B. Lee, 267.

  9. The Teachings of Harold B. Lee, 559.

  10. The Teachings of Harold B. Lee, 292–93.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1964, 87; o Improvement Era, Dis. 1964, 1081.

  12. The Teachings of Harold B. Lee, 563.

  13. Talumpati sa Mutual Improvement Association, 1948, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.

  14. Sa Conference Report, Okt. 1961, 77–78.

  15. Talumpating ibinigay sa seminar ng mga kinatawan ng rehiyon, ika-4–5 ng Abr. 1973, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.10