Kabanata 4
Ang mga Pangunahing Alituntunin at Ordenansa ng Ebanghelyo
Paano tayo higit na mamumuhay nang tapat sa pagsunod sa mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo at magtitiis hanggang wakas?
Pambungad
Ang maging dalisay at banal sa buhay at pagkatao ay ang hangarin ng lahat ng tapat na Banal sa mga Huling Araw. Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee na ang daan sa kadalisayan at kabanalan ay ang pagtanggap sa pangunahing apat na alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo—pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag, at pagtanggap ng kaloob ng Espiritu Santo—at kasunod ang pagtitiis hanggang wakas sa pagsunod sa lahat ng mga kautusan ng Diyos. Sabi niya:
“Ang mga batas ng Diyos na ibinigay sa sangkatauhan ay nakapaloob sa plano ng ebanghelyo, at ang Simbahan ni Jesucristo ang may pananagutan na ituro ang mga batas na ito sa sanlibutan. Ibinigay ito ng ating Ama sa Langit para sa isa lang layunin, na kayong pinamamahalaan ng batas ay mangyaring mapangalagaan din ng batas at gawing ganap at pabanalin ng gayon din (tingnan sa D at T 88:34). Ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos sa atin ay ang kaloob na kaligtasan sa Kanyang kaharian.”1
Itinuro rin niya, “Ang kaalaman tungkol sa Diyos at kay Jesus, na Kanyang Anak, ay mahalaga sa buhay na walang hanggan, ngunit ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay dapat mauna bago ang pagtatamo ng kaalaman o karunungang iyan.”2
Ang kabanatang ito ay magtuturo rin kung paano ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo at ang pagtitiis hanggang sa wakas sa pamamagitan ng kabanalan ay magaakay sa atin tungo sa buhay na walang hanggan.
Mga Turo ni Harold B. Lee
Ano ang pananampalataya, at paano tayo ginagabayan nito sa pagsisikap nating matanggap ang buhay na walang hanggan?
Ang pananampalatayang isinasagawa sa relihiyon ay ang saligang alituntunin nito at tunay na pinagmumulan ng lahat ng kabutihan na gumagabay sa tao sa kanyang pagsisikap na matamo ang buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Nakasentro ito sa Diyos na sa pamamagitan ng pananampalataya ay kinikilala bilang pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihan at lahat ng karunungan sa sansinukob at siyang karunungang namamahala sa “lahat ng bagay na nakikita o hindi nakikita na naglalarawan ng kanyang karunungan.” Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos kung gayon, kayo rin … ay makaaayon sa Walang Hanggan at sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungang natamo, mula sa inyong Ama sa Langit magagamit ninyo ang mga kapangyarihan ng sansinukob upang matulungan kayo nito sa paglutas ng mga suliraning napakabigat para sa inyong lakas o pang-unawa.
Paano [tayo] magkakaroon ng ganitong pananampalataya? Ang kasagutan ay sa pamamagitan ng pag-aaral, pagtatrabaho at pananalangin. Itinanong ito ni Apostol Pablo, “Paano silang magsisisampalataya sa kanya na hindi nila napakinggan? at paano sila makikinig na walang tagapangaral?” (Roma 10:14.) Dapat natin isagot na hindi nila kaya. Kung gayon dumarating lang ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagdinig sa salita ng Diyos mula sa mga mangangaral ng katotohanan. Ang pangangaral ng katotohanan hinggil sa Diyos at sa kanyang mga layunin ay inihahambing sa pagtatanim ng binhi. Upang magsimulang sumibol at tumubo ang isang mabuting binhi sa inyong puso, kailangan ang mga kondisyong ito: Una, ito ay nakatanim sa mayaman, matabang lupa ng katapatan at tunay na hangarin; pangalawa, ito ay binubungkal sa pamamagitaan ng masigasig na pag-aaral at pagsasaliksik; at pangatlo, ito ay magiliw na dinidiligan ng espirituwal na “hamog” at pinaiinitan ng mga sinag ng inspirasyon na nagmumula sa mapagkumbabang panalangin. Ang pag-ani mula sa gayong pagtatanim ay dumarating lang sa taong kumikilos ayon sa mga katotohanang natutuhan niya at binabago ang kanyang buhay na makasalanan at pinupuno ang kanyang mga araw nang may layuning sundin ang mga kautusan ng Diyos na kanyang sinasampalatayanan, at paglingkuran ang kanyang kapwa.3
Sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga kautusan ng dekalogo mula sa Bundok ng Sinai ay nabago mula sa pagiging bukambibig lang ng isang pilosopo tungo sa pagiging isang umuugong na tinig ng kapangyarihan mula sa itaas, at ang mga turo ng mga propeta ay naging ipinahayag na salita ng Diyos na gagabay sa atin patungo sa ating tahanang Selestiyal. … Sa pamamagitan ng pananampalataya mauunawaan natin na anumang bagay sa buhay na nakapag-aambag sa pamantayan ni Jesus na “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal” [Mateo 5:48] ay para sa ating kabutihan at walang hanggang kapakinabangan kahit na nga ang paghubog na iyon ay maaaring samahan ng matinding parusa ng pinakamarunong na Diyos, “Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang kanyang iniibig, at pinahihirapan ang bawat tinatanggap na anak.” [Mga Hebreo 12:6.]4
Dapat matutuhan ng bawat anak na ang sapat na pananampalataya na makapagpapakasakdal ay matatamo lamang sa pamamagitan ng sakripisyo at kung hindi niya matututuhang isakripisyo ang kanyang mga hilig at [pisikal] na hangarin upang makasunod sa mga batas ng Ebanghelyo, hindi siya mapapabanal at madadakila sa harapan ng Panginoon.5
Bakit kailangan ang araw-araw na pagsisisi?
Upang mapalago ang kabutihan dapat na linangin at gamitin ito palagi, at upang tunay na maging mabuti kinakailangan ang araw-araw na pagputol ng paglaki ng kasamaan sa ating pagkatao sa pamamagitan ng araw-araw na pagsisisi mula sa kasalanan. …
Ngayon anu-anong hakbang ang dapat gawin sa pagtahak sa landas ng pagsisisi nang sa gayon ay maging karapat-dapat sa kapatawaran ng Diyos, sa pamamagitan ng pagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoon, at ang mga pribilehiyo ng buhay na walang hanggan sa darating na daigdig? Ang pinakamarunong na Ama, na nakita na noon pa man na may ilang magkakasala at kakailanganin ng lahat na magsisi, ay ibinilang sa mga turo ng kanyang ebanghelyo at sa pamamagitan ng kanyang Simbahan ang plano ng kaligtasan na nagsasaad ng malinaw na landas ng pagsisisi.
Una, yaong mga nagkasala ay dapat aminin ito. “Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon.” (D at T 58:43.) Ang pag-aming iyan ay dapat munang gawin sa kanya na siyang nasaktan nang labis sa iyong ginawa. Ang matapat na pag-amin ay hindi lamang pag-amin ng kasalanan matapos na maihayag na ang katibayan. Kung ikaw ay “nagkasala sa marami nang lantaran,” ang pagamin mo ay dapat gawin nang lantaran at sa harapan ng iyong pinagkasalanan upang maipakita mo ang iyong kahihiyan at kapakumbabaan at kahandaang tumanggap ng nararapat na kaparusahan. Kung ang ginawa mo ay palihim at nagdulot ng kapinsalaan sa iyo at wala ng iba, dapat na umamin ka nang palihim, nang ang iyong Ama na nakikinig sa iyo nang lihim ay bukas kang gagantimpalaan. Ang mga hakbang na maaaring makaapekto sa katayuan mo sa Simbahan, o sa iyong mga karapatan at pribilehiyo o pagsulong sa Simbahan, ay dapat aminin kaagad sa obispo na siyang hinirang ng Panginoon bilang pastol sa bawat kawan at inatasang maging pangkalahatang hukom ng Israel. Maaaring dinggin niya ang gayong pag-amin nang palihim at suriin ito nang may katarungan at awa, ayon sa hinihingi ng bawat pagkakataon. … Kasunod ng pag-amin, dapat ipakita ng nagkasala ang mga bunga ng kanyang pagsisisi sa pamamagitan ng mabuting gawa na makahihigit sa masasamang gawa. Dapat niyang gawin ang nararapat na pagsasauli hanggang sa abot ng kanyang makakaya upang maibalik yaong nawala o ayusin ang pinsalang kanyang nagawa. Siya na nagsisisi ng kanyang mga kasalanan at tatalikdan ang mga ito, at hindi na gagawin pang muli ang mga ito, ay may karapatan sa pangako ng kapatawaran ng kanyang mga kasalanan, kung hindi siya nakagawa ng walang kapatawarang kasalanan, tulad ng ipinahayag ng Propetang Isaias, “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay tila matingkad na pula, ang mga ito ay magiging kasingputi ng niyebe; bagaman ang mga ito ay tila pula kagaya ng krimson, ang mga ito ay magiging tila balahibo ng tupa.” (Isaias 1:18.)6
Aminin natin ito. Lahat tayo ay nakagawa ng isang bagay na hindi natin dapat ginawa, o hindi natin nagawa ang mga bagay na dapat sana nating ginawa. Kung gayon lahat tayo ay nakagagawa ng mga pagkakamali, at lahat tayo ay kailangang magsisi. Pinapaniwala sa inyo ng matandang diyablo na kung nakagawa kayo ng isang kasalanan, bakit hindi na lang kayo magpatuloy sa paggawa ng kasalanan? Iyan si Satanas na pinipilit sabihin sa inyo na walang pagkakataong makabalik. Ngunit dapat ninyong ibaling ang inyong sarili sa tama, at sa pamamagitan ng pagsisisi ay iwasan ang maling bagay na ginawa ninyo at huwag nang balikan pa ito. Sinabi ng Panginoon, “Humayo [kayo sa inyong mga lakad] at huwag nang magkasala pang muli; subalit sa yaong kaluluwa na nagkasala [nangangahulugang muli] ay magbabalik ang dating kasalanan, wika ng Panginoong iyong Diyos” (D at T 82:7).7
Ngayon, kung may nagawa kayong mga pagkakamali, simulan ninyo ngayon ang pagbabago sa inyong mga buhay. Iwasan ang maling bagay na ginagawa ninyo. Ang pinakamahalaga sa lahat ng mga kautusan ng Diyos ay yaong pinakamahirap ninyong masunod ngayon. Kung ito ay ang di pagiging tapat, kung ito ay kawalan ng kalinisang-puri, kung ito ay panlilinlang, hindi pagsasabi ng katotohanan, ngayon ang araw na dapat ninyong iwasan iyan hanggang sa tuluyan ninyong mapaglabanan ang kahinaang iyon. Gawin iyan nang wasto, at pagkatapos ay simulan ninyo ang susunod na pinakamahirap ninyong masunod. Iyan ang paraan ng pagpapakabanal sa inyong sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.8
Bakit ang pagbibinyag ay kinakailangang paghahanda sa pagharap sa Diyos?
Nang lumusong tayo sa tubig ng pagbibinyag, tayo ay nakipagtipan sa Panginoon na gagawin natin ang lahat ng ating makakaya upang masunod ang mga kautusan ng Diyos, na may paguunawa na ibibigay sa atin ng Panginoon ang mga pangako at ang Kanyang kaluwalhatian ay idaragdag sa atin magpakailanman, at ating pahihintulutan na maisaayos ang ating mga buhay upang tayo ay magsisilbing mga saksi ng Diyos sa lahat ng lugar hanggang sa kamatayan. [Tingnan sa Mosias 18:8–10.] Iyan ang tipan na ginawa natin noong tayo ay mabinyagang miyembro ng Simbahang ito.9
Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan … ay para sa taong sumapit na sa gulang ng pananagutan, isang kinakailangang paghahanda para sa pagharap sa Diyos. Sa pamamagitan nito kayo nagiging” mga anak ng Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Sapagkat ang lahat na sa inyo na nabinyagan kay Cristo ay napagtagumpayan si Cristo,” (Galacia 3:26–27) o sa ibang salita sa pamamagitan ng pagbibinyag ay natanggap ang “kapangyarihang maging mga anak na lalaki at babae ng Diyos.” [Tingnan sa Mosias 5:7.] Sa pamamagitan ng paraang ito ninyo maiaangkop ang inyong sarili sa nagbayad-salang dugo ni Cristo, upang makatanggap kayo ng kapatawaran sa inyong mga kasalanan, at mapadalisay ang inyong puso. [Tingnan sa Mosias 4:2.] Upang maging karapat-dapat sa kapatawarang iyon matapos mabinyagan, dapat kayong magpakumbaba at tumawag sa Panginoon araw-araw at lumakad nang masigasig sang-ayon sa mga itinuturo ng ebanghelyo. …
… Tanging ang mga nagsisisi at nabinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan ang makaaasa ng ganap na biyaya ng mapantubos na dugo ng kanyang pagbabayad-sala.10
Ang Tagapagligtas mismo ay bininyagan ni Juan Bautista, tulad nang sinabi Niya, “upang tuparin ang lahat ng kabanalan.” (Mateo 3:15.) Kung ito ay nararapat sa Kanya, ano naman ang sa atin? Sinabi kay Nicodemo: “Maliban na ang tao ay ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos.” (Juan 3:5.) Malinaw na ipinahiwatig ng Panginoon ang dahilan kung bakit dapat ang pagbibinyag na Kanyang itinuro.
“At walang maruming bagay ang makakapasok sa kanyang kaharian; anupa’t walang makakapasok sa kanyang kapahingahan maliban sa mga yaong nahugasan ang kanilang mga kasuotan ng aking dugo, dahil sa kanilang pananampalataya, at sa pagsisisi ng lahat ng kanilang mga kasalanan, at sa kanilang katapatan hanggang sa wakas.” (3 Nephi 27:19.)
Iyan ang dahilan kung bakit pinayuhan ni Pedro ang mga nakikinig sa kanya, “Mangagsisi, at magpabinyag ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.” (Mga Gawa 2:38.) Sapagkat sa pamamagitan ng pagbibinyag ng isang nagtataglay ng karapatan, tunay ngang ang tumatanggap ay masasabing naghugas ng kanyang kasuotan sa dugo ng Anak ng Diyos, na nagbayad-sala sa mga kasalanan ng lahat ng tatanggap sa Kanya at pumapasok sa pintuan ng pastol ng mga tupa, sa pamamagitan ng pagbibinyag. “Subalit kung sila ay hindi magsisisi,” ang malinaw na pahayag ng Tagapagligtas, “sila ay kinakailangang magdusa kagaya Ko.” (D at T 19:17.)11
Paano tayo ginagabayan ng Espiritu Santo tungo sa kinaroroonan ng Panginoon?
Bawat nabinyagang miyembro ay napatungan na ng mga kamay at ang mga elder, matapos na mapagtibay siya bilang miyembro ng Simbahan, ay sinasabing, “Tanggapin ang Espiritu Santo.” Pagkatapos marahil ay inuulit nila ang mga salitang binigkas ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo nang sabihin Niya sa mga ito ang tungkol sa Taga-aliw o Espiritu Santo, na darating: Magpapaalala ito sa inyo ng lahat ng bagay. Magtuturo ito sa inyo ng lahat ng bagay. Magpapakita ito sa inyo ng lahat ng bagay na darating. [Tingnan sa Juan 14:26;16:13.] Kaya kung kayo ay pinagtitibay ko bilang miyembro ng Simbahan, igagawad ko sa inyo ang kaloob na Espiritu Santo, na magiging lampara sa inyong mga paa at gabay sa inyong landas, na magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng bagay at magpapakita sa inyo ng mga bagay na darating.12
Sinabi ng Panginoon: “At ito ang aking ebanghelyo—pagsisisi at pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig, at pagkatapos ay darating ang pagbibinyag ng apoy at Espiritu Santo, maging ang Tagaaliw, na nagpapakita ng lahat ng bagay, at nagtuturo ng mga mapayapang bagay ng kaharian.” (D at T 39:6.)
Kapag nasa isang tao ang kaloob ng Espiritu Santo, nasa kanya ang kinakailangan upang ipahayag sa kanya ang bawat alituntunin at ordenansa ng kaligtasan na patungkol sa tao rito sa mundo.13
Naaangkop na sabihin na kapag ang isang tao ay nabinyagan ng tubig at tinatanggap ang mga pagpapala ng Espiritu sa pamamagitan ng papapatong ng mga kamay, na ito ay isang bagong pagsilang. Ito ay isang bagong pagsilang sapagkat siya ay kinuha mula sa espirituwal na kamatayang iyon patungo sa kinaroroonan ng isa sa Panguluhang Diyos, maging ang Espiritu Santo. Kaya nga sinasabi namin sa inyo “Tanggapin ang Espiritu Santo” noong kayo ay pinagtibay. Ang kaloob na iyon ay ibinibigay sa matapat na naniniwala at umaasang matamo ang pagpapalang iyon, ang karapatang makasama ang isa sa Panguluhang Diyos upang mapagtagumpayan ang espirituwal na kamatayang iyon.14
Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog ay sumasagisag sa kamatayan at paglilibing ng makasalanang tao; at ang pagahon mula sa tubig, ay ang pagkabuhay na mag-uli sa isang bagong espirituwal na buhay. Pagkatapos ng pagbibinyag, ang mga kamay ay ipinapatong sa ulo ng naniniwalang nabinyagan, at siya ay binasbasan upang matanggap ang Espiritu Santo. Sa gayon natatanggap ng bininyagan ang pangako o kaloob ng Espiritu Santo, o ang pribilehiyong maibalik na muli sa kinaroroonan ng isa sa Panguluhang-Diyos; sa pamamagitan ng pagsunod at sa kanyang katapatan, ang isang lubos na pinagpala ay maaaring makatanggap ng paggabay at patnubay ng Espiritu Santo sa araw-araw niyang paglakad at pagsasalita, tulad din noong nakasama at nakausap ni Adan ang Diyos sa Halamanan ng Eden, ang kanyang Ama sa Langit. Ang makatanggap ng gayong paggabay at tagubilin mula sa Espiritu Santo ay tulad ng pagiging espirituwal na isinilang muli.15
Sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo—pananampalataya, pagsisisi, pagbibinyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo, kung saan ang lahat ng kapangyarihan ay maihahayag— masisimulan nating maunawaan kung ano ang maaaring gustong sabihin ni Propetang Joseph Smith nang sa isang pagkakataon ay tinanong siya kung bakit kakaiba ang simbahang ito sa ibang simbahan—sapagkat mayroon tayong Espiritu Santo. [Tingnan sa History of the Church, 4:42.] Dahil nasa atin ang kapangyarihan kung saan ang lahat ng bagay ay maihahayag, naririto ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay maitatatag.16
Paano tayo makapagtitiis hanggang sa wakas?
Anu-ano ang mga batas at ang paraan na matatanggap natin [ang pagpapala ng selestiyal na kaluwalhatian]? Una, mayroon tayong pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo— pananampalataya, pagsisisi, pagbibinyag, at ang Espiritu Santo; at sa kaharian ng Diyos ay may mga batas na nagtuturo sa atin ng landas patungo sa pagiging perpekto. Sinumang miyembro ng Simbahan na natutuhang ipamuhay nang perpekto ang bawat isa sa mga batas na ito na nasa kaharian ay natututuhan ang landas patungo sa pagiging perpekto. Walang miyembro ng Simbahang ito ang hindi makapamumuhay ng batas, sa perpektong paraan. Matututo tayong lahat na makipag-usap sa Diyos sa panalangin. Matututuhan nating lahat na ganap na ipamuhay ang Salita ng Karunungan. Matututuhan nating lahat na mapanatiling banal ang araw ng Pangilin, nang perpekto. Matututuhan nating lahat na ganap na tuparin ang batas ng pag-aayuno. Alam natin kung paano ganap na masusunod ang batas ng kalinisang-puri. Ngayon habang pinag-aaralan nating masunod nang perpekto ang isa sa mga batas na ito tayo mismo ay nasa landas na ng pagiging perpekto.17
Maaaring tanungin ninyo ako, paano pinapabanal ng isang tao ang kanyang sarili, at gagawing dakila ang kanyang sarili upang maging handa siya na lumakad sa kinaroroonan ng Panginoon? … Sinasabi ito ng Panginoon, “At muli, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na yaong pinamamahalaan ng batas, ay pinangangalagaan din ng batas at ginagawang ganap at pinapabanal ng gayon din” (D at T 88:34). Anong batas? Ang mga batas ng Panginoon tulad nang nakapaloob sa ebanghelyo ni Jesucristo, kung saan ang pagsunod sa mga batas at ordenansang ito ay ang paraan upang tayo ay mapadalisay at mapabanal. Ang pagsunod sa bawat batas na ibinigay sa atin ng Panginoon ay isang hakbang palapit sa pagtanggap ng karapatang makapasok balang-araw sa kinaroroonan ng Panginoon.
Ibinibigay niya sa atin sa isa pang pahayag ang pormula kung saan maihahanda natin ang ating sarili sa paglipas ng mga taon. “Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon: Ito ay mangyayari na ang bawat kaluluwa na tatalikod sa kanyang mga kasalanan at lalapit sa akin, at tatawag sa aking pangalan, at susunod sa aking tinig, at susunod sa aking mga kautusan, ay makikita ang aking mukha at malalaman na ako na nga” (D at T 93:1) Simple, di ba? Ngunit makinig muli. Ang dapat lamang ninyong gawin ay talikuran ang inyong mga kasalanan, lumapit sa Kanya, tumawag sa Kanyang pangalan, sundin ang Kanyang tinig, at tuparin ang Kanyang mga kautusan, at pagkatapos ay makikita ninyong muli ang Kanyang mukha at makikilala na Siya nga.18
Ito ang gawain ng Panginoon at kapag nagbibigay siya ng kautusan sa mga anak ng tao, naghahanda siya ng paraan upang maisagawa ang kautusang iyan. Kung gagawin ng kanyang mga anak ang lahat ng makakaya nila upang tulungan ang kanilang sarili, sa gayon pagpapalain ng Panginoon ang kanilang mga pagsisikap.
… Inaasahan ng Panginoon na gagawin natin ang lahat upang iligtas ang ating sarili, at … matapos na magawa natin ang lahat upang iligtas ang ating sarili, ay maaari na tayong makaasa sa mga awa ng biyaya ng ating Ama sa Langit. Ibinigay niya ang kanyang Anak upang sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ay maaari nating matamo ang ating kaligtasan, ngunit ito ay mangyayari lamang kapag nagawa na nating lahat ang makakaya natin para sa ating mga sarili.19
Binibigyan tayo ng Panginoon, ang bawat isa, ng madadalang lampara, ngunit kung may langis man o wala sa ating mga lampara ay nakasalalay na sa bawat isa sa atin. Sundin man natin o hindi ang mga kautusan at maglagay ng kinakailangang langis upang ilawan ang ating landas at gabayan tayo sa ating landas ay nakasalalay na sa bawat isa sa atin. Hindi natin mahihiram ang pagiging miyembro ng Simbahan. Hindi natin mahihiram ang isang tanyag na ninuno. May langis man tayo o wala sa ating mga lampara, inuulit ko, nakasalalay ito sa bawat isa sa atin; ito ay masusukat sa katapatan natin sa pagsunod sa mga kautusan ng Buhay na Diyos.20
Lahat ng alituntunin ng ebanghelyo at lahat ng ordenansa ng ebanghelyo ay mga paanyaya lamang na matutuhan ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga turo nito. Ganyan ang mga ito—mga paanyaya na lumapit at isagawa ito upang malaman ninyo. … Tila malinaw na sa akin na masasabi nating mabuti, na kailanman ay hindi natin tunay na malalaman ang alinman sa mga turo ng ebanghelyo hangga’t hindi natin nararanasan ng bawat isa sa ating ang mga ito sa pamamagitan ng pamumuhay sa mga ito. Sa madaling salita, natutuhan natin ang ebanghelyo sa pamumuhay nito.21
Ang pinakadakilang mensahe ng isang taong nasa katayuang ito na maibibigay sa mga miyembro ng Simbahan ay ang sundin ang mga kautusan ng Diyos, sapagkat dito nakasalalay ang kaligtasan ng Simbahan at ang kaligtasan ng indibiduwal. Sundin ang mga kautusan. Wala na akong ibang masasabi na higit na makapangyarihan o mahalagang mensahe ngayon.22
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Paano tayo magkakaroon ng mas matibay na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo? Paano nakatutulong sa atin ang pananampalataya na ipamuhay ang mga kautusan sa halip na di ito gaanong pahalagahan? Kailan nakatulong sa inyo ang pananampalataya sa Diyos na harapin ninyo ang “mga suliraning napakabigat para sa inyong lakas o talino”?
-
Bakit mahalaga ang pagtatapat sa proseso ng pagsisisi? Bakit kailangan nating simulan ngayon na magsisi ng ating mga kasalanan at baguhin ang ating buhay, sa halip na maghintay pa ng ibang araw?
-
Paano natin “mailalarawan ang paghugas ng [ating] mga kasuotan sa dugo ng Anak ng Diyos”?
-
Sang-ayon kay Pangulong Lee, paano nakakatulong sa atin ang pagtanggap ng kaloob ng Espiritu Santo sa pagtatagumpay sa espirituwal na kamatayan? Ano ang magagawa natin upang higit na mapasaatin ang patnubay ng Espiritu Santo sa ating “araw-araw na paglalakad at pananalita”?
-
Ano ang itinuturo ng Doktrina at mga Tipan 93:1 tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa mga kautusan hanggang sa wakas?
-
Paano nakatutulong ang pamumuhay sa isang partikular na turo ng ebanghelyo upang inyong malaman na ito ay totoo?