Kabanata 9
Pakikinig sa Tunay na Sugo ni Jesucristo
Paano tayo mas matapat na makasusunod sa buhay na propeta?
Pambungad
Si Harold B. Lee ang naging ikalabing-isang Pangulo ng Simbahan sa pagkamatay ni Pangulong Joseph Fielding Smith noong Hulyo 1972. Kasunod niyon, dinalaw ni Pangulong Lee ang silid sa Salt Lake Temple kung saan nakasabit ang mga larawan ng sampung nauna sa kanya. “Doon, sa mapanalanging pagmumuni-muni,” paggunita niya, “Tiningnan ko ang mga ipinintang larawan ng mga kalalakihang ito ng Diyos—tunay, dalisay na kalalakihan, magigiting na kalalakihan ng Diyos—na nauna sa akin sa tungkulin ding ito.” Pinagbulay-bulay niya ang katangian at mga nagawa ng bawat isa sa mga propeta ng huling dispensasyong ito at sa huli’y dumating sa huling larawan. “Naroon si Pangulong Joseph Fielding Smith na nakangiti, ang mahal kong propetang-pinuno na hindi inilagay sa kompromiso ang katotohanan. … Sa maikling sandaling iyon ay tila ipinapasa niya sa akin, ang setro ng kabutihan na tila sinasabi sa aking, ‘Humayo ka, at gayon din ang gawin mo.’…
“Alam ko, nang may patotoong na higit na mabisa kaysa nakikita ng tao, na tulad ng ipinahayag ng Panginoon, ‘Ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay ipinagkatiwala sa tao sa mundo [mula sa Propetang Joseph Smith tungo sa mga sumunod sa kanya hanggang sa kasalukuyan], at mula rito ang ebanghelyo ay lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo.’ ” [D at T 65:2.]1
Ang Pangulo ng Simbahan ang tanging tao sa mundo na binigyang karapatan upang gamitin ang lahat ng susi ng pagkasaserdote. Itinuro ng isang propeta sa huling araw na: “Kapag ang Pangulo ng Simbahan ay maysakit o hindi kayang gampanan nang lubusan ang lahat ng tungkulin sa kanyang katungkulan, ang dalawa niyang Tagapayo, na kasama niyang bumubuo sa Korum ng Unang Panguluhan, ang gumagawa sa katungkulan ng Panguluhan. Ang anumang mahalagang katanungan, patakaran, programa, o doktrina ay may panalanging isinasaalang-alang sa lupon ng mga Tagapayo sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Walang desisyong manggagaling sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa kung walang lubos na pagkakaisa ang lahat ng kinauukulan. Sa pagsunod sa inspiradong huwarang ito, ang Simbahan ay susulong nang walang sagabal.”2
Bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon, maaari tayong magtiwala nang lubusan sa patnubay ng buhay na propeta, na tinawag ni Pangulong Lee na “tunay na sugo” ng Panginoon. Itinuro ni Pangulong Lee na “kung ang mga anak ng Panginoon, na kinabibilangan ng lahat ng nasa mundo, anuman ang nasyonalidad, kulay, o paniniwala, ay makikinig sa tawag ng tunay na sugo ng ebanghelyo ni Jesucristo,…darating ang panahon na makikita ng bawat isa ang Panginoon at malalaman na Siya nga iyon.”3
Sa pagsunod sa propeta ng Panginoon, ligtas tayong makararating sa ating talagang patutunguhan—ang kinaroroonan ng ating Ama sa Langit.
Mga Turo ni Harold B. Lee
Sa anu-anong paraan nagiging tagapangalaga ng kaharian ng Panginoon ang Pangulo ng Simbahan?
Laging tandaan na ang pinuno ng simbahang ito ay hindi ang Pangulo ng Simbahan. Ang pinuno ng simbahang ito ay ang Panginoon at Guro, si Jesucristo, na naghahari at namumuno. … Sa lahat ng kaguluhang ito ay makatitiyak tayo na Siya ang papatnubay, [sinasabi ko iyan] upang di natin malimutan.4
“[Si Jesus] ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga’y ng iglesia: na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan.” (Colosas 1:18.) Gayunma’y totoo na sa bawat dispensasyon na nasa lupa ang kanyang ebanghelyo at nakatatag ang kanyang Simbahan, inaatasan at binigyang-karapatan ng Panginoon ang isang tao sa bawat dispensasyong tulad nito at siya’y tinatawag na pangulo ng Simbahan, o propeta, tagakita at tagapaghayag sa Simbahan. Ang gayong mga titulo, o ang pagkakaloob ng gayong awtoridad, ay hindi sanhi ng pagiging “Pinuno ng Simbahan” ng isang tao. Ito ay titulo ni Jesucristo. Gayunman, dahil dito siya’y nagiging tagapagsalita ng Diyos at siya ang kumikilos para sa Diyos. Sa kanya ipinararaan ng Diyos ang pakikipag-usap Niya sa kanyang mga tao sa pamamagitan ng tagubilin, upang magbigay o magkait ng mga alituntunin at ordenansa, o magbigay babala sa mga kahatulan. …
…Ang pangulong Simbahan ang tagapangalaga ng Bahay o Kaharian ng Panginoon. Nasa kanyang mga kamay ang lahat ng susi. Sa utos ng Panginoon ay nagbibigay siya ng mga susi ng awtoridad sa iba pang mga miyembro ng Simbahan upang magbinyag, ipangaral ang ebanghelyo, ipatong ang mga kamay sa ulo ng maysakit, mamuno o magturo sa maraming katungkulan. Iilan lamang ang binibigyan niya ng awtoridad na magsagawa ng mga ordenansa sa mga templo o kaya’y magsagawa ng kasal sa loob nito upang “anumang…talian sa lupa ay tatalian sa langit.”5
Ang propeta ay inspirado at banal na inatasang tagapaghayag at tagapagsalin ng kaisipan at kalooban ng Diyos. Hawak niya ang mga susi sa kaharian ng Diyos sa ating panahon, tulad ng mga ibinigay kay Pedro na siyang pinuno ng Simbahan sa lupa noong kanyang kapanahunan.6
Hayaan ninyong basahin ko ang isang bagay na isinulat [ni Pangulong J. Reuben Clark Jr.] para sa isa pang okasyon: “Dapat nating tandaan…na tanging ang Pangulo ng Simbahan, na Namumunong Mataas na Saserdote,…ang may karapatang tumanggap ng mga paghahayag para sa Simbahan, maging ito ma’y bago o kaya’y iwawasto, o upang magbigay ng may karapatang pakahulugan ng mga banal na kasulatan na may bisa sa Simbahan. … Siya ang tanging tagapagsalita ng Diyos sa lupa para sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang tanging totoong Simbahan. Siya lamang ang makapagpapahayag sa isip at kalooban ng Diyos tungkol sa kanyang mga tao. Walang sinumang pinuno ng alinmang Simbahan sa daigdig ang nagtataglay ng mataas at dakila at tanging karapatan na ito.” [Church News, ika-31 ng Hulyo, 1954, 10.]7
Ang tanging binigyan ng karapatan na maghatid ng anumang bagong doktrina ay ang Pangulo ng Simbahan, na, kapag ginawa niya ang gayon, ay ipapahayag ito bilang paghahayag mula sa Diyos. Ito ay tatanggaping gayon nga ng Kapulungan ng Labindalawa at sasang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan.8
Paano pinipili ang Pangulo ng Simbahan?
Sa mga nagtatanong: Paano pinipili o inihahalal ang Pangulo ng Simbahan? ang tama at simpleng sagot ay ang pagbanggit sa ikalimang saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon.”
Ang umpisa ng tungkulin ng isang magiging Pangulo ng Simbahan ay nagsisimula kapag siya ay tinawag, inordenan, at itinalaga na upang maging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang gayong tawag sa pamamagitan ng propesiya, o sa madaling salita, ng inspirasyon ng Panginoon sa isang nagtataglay ng mga susi ng panguluhan, at ang kasunod na ordenasyon at pagtatalaga sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng awtoridad ding yon, ay naglalagay sa bawat Apostol sa korum ng pagkasaserdote na may labindalawang kalalakihang nagtataglay ng pagka-apostol.
Ang bawat Apostol na naordenan nang gayon sa ilalim ng kamay ng Pangulo ng Simbahan, na natataglay ng mga susi ng kaharian ng Diyos kasama ang lahat ng iba pang inordenang mga Apostol, ay pinagkalooban ng awtoridad ng pagkasaserdote. Ito’y kailangan upang mahawakan ang bawat posisyon sa Simbahan, maging ang posisyon ng panguluhan sa Simbahan kung tatawagin siya ng namumunong awtoridad at sasangayunan ng boto ng bumubuong kapulungan ng mga miyembro ng Simbahan.
… Kasunod ng pagkamatay ng isang Pangulo, ang kasunod na pangkat, ang Korum ng Labindalawang Apostol, ang nagiging namumunong awtoridad, at ang Pangulo ng Labindalawa ang kagyat na nagiging gumaganap na Pangulo ng Simbahan hanggang sa opisyal na maordenan at maitalaga ang Pangulo ng Simbahan sa kanyang katungkulan. …
Lahat ng miyembro ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ay regular na sinasang-ayunan bilang “mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.” … Ibig sabihin nito ang sinumang Apostol, na hinirang at inordenan, ay makapamumuno sa Simbahan kung siya ay “pinili ng pangkat [na pinapakahulugang tumutukoy sa buong Korum ng Labindalawa], itinalaga at inordenan sa tungkuling yaon, at pinagtibay ng pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin ng simbahan.” Ito’y bilang pagbanggit sa paghahayag tungkol sa paksang ito, sa isang kondisyon, at ito’y ang kanyang pagiging pinakamatagal na nanunungkulan na miyembro, o Pangulo, ng pangkat na iyon (tingnan sa D at T 107:22).9
Nang maupo ako bilang nakababatang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa, ang unang muling pagsasaayos ng Simbahan na napahintulutan akong makilahok ay noong mamatay si Pangulong [Heber J.] Grant. … Nang banggitin ng [bagong] Pangulo ang pangalan ng kanyang mga tagapayo at maupo na sila sa kanilang puwesto sa uluhan ng silid, sa kalooban ko’y nagkaroon ako ng patotoo na ang kalalakihang ito ang nais ng Panginoon na maging Panguluhan ng Simbahan. Dumating ito sa akin nang may matibay na paniniwala na tila ba isinisigaw ang katotohanan sa aking tainga.
… Hangga’t walang matibay na paniniwala ang mga miyembro ng simbahang ito na sila ay inaakay sa tamang landas, at hangga’t wala silang matibay na paniniwala na ang kalalakihang ito ng Diyos ay kalalakihang binigyang-inspirasyon at hinirang ng kamay ng Diyos, sila ay hindi tunay na nagbalik-loob.10
Inihahayag [ng Panginoon] ang batas at hinihirang, pinipili, o inaatasan Niya ang mga pinuno at may karapatan Siyang pagalitan, itama, o kaya’y alisin sila ayon sa Kanyang kagustuhan. Kung kaya kailangan ang palagiang [komunikasyon] sa pamamagitan ng tuwirang paghahayag sa pagitan Niya at ng Kanyang Simbahan. Bilang pamarisan ng nabanggit na katotohanan, tingnan natin ang mga halimbawa ng lahat ng kapanahunan na nakatala sa mga banal na kasulatan. Ang kaayusang ito ng pamamahala ay nagsimula sa Eden. Inatasan ng Diyos si Adan na pamahalaan ang mundo at binigyan siya ng batas. Ipinagpatuloy ito sa regular na paghalili mula kay Adan hanggang kay Noe at mula kay Noe hanggang kina Melquisedec, Abraham, Isaac, Jacob, Jose, Moises, Samuel na propeta, Juan, Jesus, at Kanyang mga Apostol, lahat at bawat isa sa kanila ay hinirang ng Panginoon at hindi ng mga tao.
Totoo na ang mga tao ay may tinig sa pamamahala ng kaharian ng Diyos, ngunit una sa lahat ay hindi sila ang naggagawad ng awtoridad, ni hindi nila mababawi ito. Halimbawa: Hindi inihalal ng mga tao ang labindalawang Apostol ni Jesucristo, ni hindi rin nila maipagkakait sa kanila ang pagka-apostol sa pamamagitan ng maramihang boto. Dahil umiral noong sinauna ang pamamahala sa kaharian, kung kaya ipinanumbalik ito ngayon. Hindi pinili ng mga tao ang dakilang makabagong Propeta at Apostol na si Joseph Smith, kundi ang Diyos ang pumili sa kanya, sa karaniwang paraan ng pagpili Niya sa iba na nauna kay Joseph—sa pamamagitan ng pangitain at sa Kanyang sariling tinig mula sa mga kalangitan.11
Batid ko dahil pinag-iisipan ko ang responsibilidad na ito [bilang propeta] at sa pagiging malapit sa mga Kapatid sa paglipas ng mga taon, na ang taong nasa ganitong posisyon ay palaging minamatyagan Niya na ating pinaglilingkuran. Hindi Niya kailanman papayagan ang sinumang nasa posisyon na iligaw ang simbahang ito. Makatitiyak kayo diyan. Kapag iniisip ko ang proseso ng kung paano nagkakaroon ng pamumuno ang isang tao sa Simbahan, naiisip ko ang sarili kong karanasan sa loob ng tatlumpu’t isa’t kalahating taon, at ang lahat ng mga situwasyong naranasan ko sa aking buhay—ito’y kagila-gilalas na programa sa pagsasanay! Nang magkaroon ng pagbabago sa Unang Panguluhan, inihambing ko ito sa paraan ng pagluluklok ng mga partido sa pulitika sa pangulo ng Estados Unidos, o ang pasinaya ng isang hari, upang makita kung paano, sa plano ng Panginoon, nagagawa ang mga pagbabagong ito nang walang matinding hinanakit at walang awayan. Nakatakda ang plano at hindi nagkakamali ang Panginoon, gayon ang sabi Niya sa atin.12
Bakit kailangan nating sundin ang propeta?
Ngayon, nawa’y ito na ang araw upang pag-isipan nating mabuti, na alalahanin ang sinabi na sa atin ng Panginoon. Ang Kanyang propeta ay nasa lupa sa ngayon, at kung nais ninyong malaman ang huling paghahayag na dumating sa mga taong ito, kuhanin ninyo ang huling ulat sa komperensiya at basahing mabuti lalo na ang sinabi ng Unang Panguluhan. … Mapapasainyo ang pinakamainam at pinakahuling salitang ibinigay mula sa ating Ama sa Langit. Hindi tayo dapat umasa na lamang sa nakasaad sa mga pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan. Bilang karagdagan sa sinabi sa atin ng mga banal na kasulatan, nasa atin din ang sinasabi ngayon dito ng mga propeta sa panahong ito. Tayo ang magpapasiya kung nais nating maligtas sa burol ng Sion, kapag dumating ang mga panganib na ito, na makinig at sumunod.13
Kadalasan ngayon kapag naririnig nating nagsasalita nang may kapangyarihan ang mga kapatid, may ilan sa atin na tumatayo upang maghamon at sabihing, “Ngayon, saan naman ako makahahanap ng mapagtatanungan tungkol sa sinasabi mo?” Natutukso tayong magsabing, “Basahin mo ulit ang talumpati ng kasalukuyang pinuno ng Simbahan tungkol sa paksang ito, at siya ang awtoridad na hinahanap mo, dahil ito ang paraan ng Panginoon. Narito ang Kanyang propeta, at ang paghahayag ay kailangang-kailangan at katibayan ito tulad din ng ibang kapanahunan ng alinmang dispensasyon ng ebanghelyo sa lupa.”14
Ang tanging kaligtasan natin ngayon bilang mga miyembro ng simbahang ito ay ang gawin mismo ang sinabi ng Panginoon sa Simbahan noong araw na itatag ang Simbahan. Kailangan tayong matutong makinig sa mga salita at kautusan na ibibigay ng Panginoon sa Kanyang propeta, “tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko;… na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya” (D at T 21:4–5). May ilang bagay na mangangailangan ng pagtitiis at pananampalataya. Maaaring hindi ninyo magustuhan ang nagmumula sa awtoridad ng Simbahan. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa pulitika. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa lipunan. Maaaring humadlang ito sa inyong pakikisalamuha. Ngunit kung pakikinggan ninyo ang mga bagay na ito, na tila nagmula mismo sa bibig ng Panginoon, nang may pagtitiis at pananampalataya, ang pangako ay “ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan” (D at T 21:6).15
Sa inyong mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako, ang pangakong iyan [sa D at T 21:4–6] ay mapapasainyo kung susundin ninyo ang pamunuan na inilagay ng Panginoon sa Simbahan, na nakikinig sa kanilang payo nang may pagtitiis at pananampalataya.16
Umasa sa Pangulo ng Simbahan na magtatagubilin sa inyo. Kung mayroon mang di-pagkakasundo, makinig at sumunod sa Pangulo kung nais ninyong lumakad sa liwanag.17
Kung nais ng ating mga tao na ligtas na magabayan sa mga sandaling ito ng [kaguluhan] ng panlilinlang at maling paratang, dapat silang sumunod sa kanilang mga pinuno at hangarin ang patnubay ng Espiritu ng Panginoon upang maiwasang mabihag ng mga tusong nagmamanipula, na may katalinuhang naghahangad na makakuha ng pansin at magkaroon ng tagasunod na magbibigay-daan sa kanilang sariling kuru-kuro at minsa’y masasamang balak.18
Maraming tao noong kapanahunan ng Guro ang hindi tumanggap sa Kanya bilang Anak ng Diyos. May ilan na nagsabing, “Eh, anak lang Siya ni Jose, na karpintero.” Sabi ng iba, “Siya ay Prinsipe ni Beelzebub,” na ibig sabihin ay anak ng demonyo. Nang gawin Niya ang ilan sa mga himalang ito ay sinabi nilang, “Siya ay manginginom ng alak,” na ibig sabihin ay umiinom siya ng matapang na alak. Kakaunti lamang ang nakapagsabing, “Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Dios na buhay.” (Mateo 16:16.) Bakit hindi Siya makita ng lahat bilang Anak ng Diyos?
Inaawit natin na, “Ninanais ko na ako’y makasama, Nang tawagin ang mga bata.” [Tingnan ang “Sa T’wing Mababasa ang Kuwento,” Aklat ng mga Awiting Pambata.] Marami sa ating mga tao ang hindi makatatanggap sa Kanya tulad ng di nila pagtanggap sa mga doktrina na nagmumula sa mga guro ng kabutihan na binigyang-inspirasyon ng Tagapagligtas ding iyon. Kung hindi natin matanggap ang mga kumakatawan sa Kanya dito, hindi magiging madaling tanggapin ang Guro mismo, kung sakaling magpakita Siya. …
Noong nasa misyon pa ako, sumama minsan ang grupo naming mga misyonero sa aming pangulo ng misyon sa Carthage Jail. Sa pagkamangha sa kapaligiran kung saan namatay bilang martir ang Propeta at ang kanyang kapatid na si Hyrum, hiniling naming isalaysay niya muli ang mga pangyayaring humantong sa pagmamartir. Labis akong humanga nang sabihin ito ng pangulo ng misyon: “Nang mamatay ang Propetang Joseph Smith, marami ang espirituwal na namatay kasama niya. Gayundin sa bawat pagbabago ng pamamahala sa kaharian ng Diyos. Noong mamatay si Brigham Young, marami ang espirituwal na namatay kasama niya, at gayundin kay John Taylor, at sa pagpanaw ng bawat Pangulo ng Simbahan.”…
Minsan tayo’y espirituwal na namamatay at inihihiwalay natin ang ating sarili sa dalisay na espirituwal na liwanag at nalilimutan na ngayon, dito at sa kasalukuyan, ay mayroon tayong propeta.19
Ang katayuan ng mga sugong ito na pinagkalooban ng langit na kumakatawan sa Panginoon sa bawat dispensasyon ng ebanghelyo sa lupa ay mailalarawan sa pamamagitan ng pangyayaring may kinalaman sa isang manlalakbay sa hilagang Europa. Ang ating manlalakbay ay paalis na sakay ng barko mula Stockholm, Sweden, na maglalakbay palabas sa Baltic Sea. Upang magawa ito, kailangang dumaan ang barko sa libu-libo o marami pang isla. Habang nakatayo sa itaas na palapag ng barko, natagpuan ng manlalakbay ang kanyang sarili na nawawalan na ng pasensiya dahil para sa kanya ay tila di ligtas ang landas. Bakit di dumaan sa malapit sa islang ito o sa isa pa at mas kawili-wili kaysa sa pinili ng piloto? Halos pagalit na niyang nasasabi sa kanyang sarili na, “Ano ba’ng problema ng pilotong ito? Hindi ba niya alam kung saan pupunta?” Walang anu-ano’y nakita niya ang mga palatandaan sa itinakdang landas na tila mga hawakan ng walis na nakalutang sa tubig. May taong maingat na gumalugad sa mga daanan na ito at itinakda ang pinakaligtas na landas na daraanan ng mga barko. Gayundin sa landas ng buhay patungo sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan: ang mga “inhinyero ng Diyos,” sa pagsunod sa balangkas na ginawa sa langit, ang nagtakda ng landas na pinakaligtas at pinakamasayang daanan at nagbigay babala sa atin kung alin ang mga mapanganib na lugar.20
Bibigyang inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang mga tagapaglingkod upang akayin sa tama ang Kanyang simbahan. Matatanggap ng Kanyang mga propeta ang inspirasyon ng Panginoon upang sabihin sa mga miyembro ng Simbahan, “Ito ang daan, lakaran ninyo” (Isaias 30:21). Maging sa mga oras ng krisis na dumarating sa ating kapanahunan, tulad ng inilarawan sa makabagong paghahayag, ang larawang nais ng Panginoon na makita natin ay ang katatagan at pagkakaisa. Naaalala ninyo ang sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, “Subalit ang aking mga disipulo ay tatayo sa mga banal na lugar, at hindi matitinag” (D at T 45:32).21
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Sino ang tunay na Pinuno ng Simbahan? Sa pamamagitan nino nagbibigay ang Panginoon ng direksiyon at tagubilin sa Kanyang Simbahan?
-
Paano lumilitaw ang bagong doktrina sa Simbahan?
-
Paano nakapaghahanda ang Pangulo ng Simbahan sa kanyang malaking tungkulin? Paano pinangangasiwaan ng Panginoon ang pagpili ng mga Pangulo ng Kanyang Simbahan?
-
Anong payo na ibinigay ng buhay na propeta ang lalong nagpala sa inyong buhay?
-
Bakit sa palagay ninyo iginagalang ng ilang tao ang mga propeta ng nakaraan ngunit nabibigong igalang ang buhay na propeta? Ano ang mga ibubunga ng hindi pakikinig sa mga salita ng buhay na propeta o ng paghamon sa kanyang awtoridad?
-
Anong mga pangako ang ibinigay sa mga nakikinig sa mga salita at kautusan ng buhay na propeta?