Kabanata 8
Joseph Smith, Propeta ng Diyos na Buhay
Bakit mahalaga sa ating patotoo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo ang patotoo hinggil sa misyon ni Joseph Smith bilang propeta?
Pambungad
May malakas na patotoo si Pangulong Harold B. Lee sa Propetang Joseph Smith at kadalasan ay gamit niya ang mga salita ng Propeta habang nagtuturo siya ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Alam niyang ang patotoo sa misyon ng Propetang Joseph Smith ay mahalaga sa patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nakasalamuha niya ang maraming tao na hindi nagbahagi ng patotoong ito tungkol sa Propeta. Ang isa’y kaibigan na nakabasa sa Aklat ni Mormon at nagsalita tungkol sa kanyang “pagpipitagan sa mga turo nito.” Tinanong siya ni Pangulong Lee, “Bakit wala kang ginagawa tungkol dito?… Bakit di ka sumapi sa Simbahan?” Nag-iisip ang lalaki na tumugon: “Palagay ko ang dahilan ay sapagkat napakalapit ni Joseph Smith sa akin. Kung nabuhay siya noong mga dalawang libong taon, marahil maniniwala ako. Ngunit dahil napakalapit niya, palagay ko, ‘yan ang dahilan kung bakit di ko matanggap.” Ang sabi ni Pangulong Lee sa sagot ng kanyang kaibigan, “Narito ang isang taong nagsasabing, ‘Naniniwala ako sa nangamatay na mga propeta na nabuhay libu-libong taon na ang nakalilipas, ngunit nahihirapan akong paniwalaan ang isang buhay na propeta.’ ”1
Sa isa pang pagkakataon ay sinabi ng isang babae, “Alam mo, madali kong matatanggap ang lahat sa Simbahan maliban sa isang bagay. … Hindi ko matanggap ang katotohanang si Joseph Smith ay Propeta ng Diyos.” Puna ni Pangulong Lee, “Kung paano matatanggap ng isang tao ang Ebanghelyo nang di tinatang gap ang taong naging kasangkapan sa pagpapanumbalik nito ay di ko kailanman mauunawaan.”2
Isinaad ni Pangulong Lee: “Kailangan nating malaman nang may katiyakan sa ating mga puso at isipan na si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas ng daigdig. Kailangan nating malaman na ito ang tunay na Simbahan ni Jesucristo, ang kaharian ng Diyos sa mundo sa mga huling araw na ito; at sa huli’y kailangan tayong magkaroon ng patotoo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos.”3
Mga Turo ni Harold B. Lee
Bakit kailangan tayong magkaroon ng patotoo kay Joseph Smith bilang propeta ng Diyos?
Ano nga ba ang katangian ng totoong Propeta ng Diyos? Una, siya ang tagapagsalita ng Diyos sa panahong iyon at sa mga taong pinangangasiwaan niya. Ikalawa, binibigkas niyang muli ang mga sinaunang katotohanan at naghahangad na sundin ng mga tao ang di-nagbabagong mga batas ng ebanghelyo. Ikatlo, nakatatanggap siya ng karagdagang mga paghahayag mula sa Panginoon upang matugunan ang mga problema ng sumusulong na inihahayag na plano. Ang gayong mga bagong katotohanan na nagmumula sa Maykapal ay dumarating lamang sa pamamagitan ng Propeta ng panahong iyon. Gayon si Joseph Smith, Propeta ng Diyos sa bawat diwa. Oo, totoong tulad ng sinabi ni Propetang Amos, “Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.” [Amos 3:7.] 4
Mula sa kaibuturan ng aking kaluluwa…alam kong si Joseph Smith ay propeta ng Diyos na buhay. Alam kong nabuhay siya at namatay upang ibigay sa salinlahing ito ang paraan upang makamit ang kaligtasan. Alam kong mataas ang kanyang kinaluluklukan at taglay niya ang mga susi sa huling dispensasyong ito. Alam kong para doon sa mga sumusunod sa kanya at nakikinig sa kanyang mga aral at tumatanggap sa kanya bilang totoong propeta ng Diyos at sa kanyang mga paghahayag at aral bilang mga salita ng Diyos, ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa kanila. [Tingnan sa D at T 21:4–6.] 5
Dapat nating tanggapin ang banal na misyon ng Propetang Joseph Smith bilang paraan sa panunumbalik ng ebanghelyo at pagkakabuo ng Simbahan ni Jesucristo. Bawat miyembro ng Simbahan, upang maging handa sa 1,000-taong pamamahala ni Cristo sa lupa, ay kailangang tumanggap ng kani-kanyang patotoo tungkol sa kabanalan ng gawaing itinatag ni Joseph Smith. Ito ang buong kapayakang itinuro ng mga Banal matapos pumarito ang Tagapagligtas sa lupa. Binanggit ito muli ng isa sa mga pinuno ng ating panahon, nang sabihin niya, palagay ko bilang pagtukoy sa talinghaga ng limang hangal at limang matatalinong dalaga sa talinghaga ng Guro [tingnan sa Mateo 25:1–3], “Darating ang panahon na walang sinumang lalaki ni babae na makatatagal sa hiram na liwanag. Bawat isa’y kakailanganing magabayan ng liwanag na nagmumula sa kanyang sarili.” [Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball (1945), 450.]6
Kayo na nagsaliksik na mabuti sa mga banal na kasulatan, kayo na naghangad na magkaroon ng patotoo ng banal na pagsaksi ng Espiritu na karapatan ng bawat isa sa inyo na tanggapin sa pamamagitan ng pagpapatotoo ng Espiritu Santo, maaaring taglay ninyo…ang isa sa lubos na kapana-panabik na karanasan na maaaring dumating sa inyo kapag sinabi ninyo sa inyong puso, “Alam ko nang buong kaluluwa ko ngayon higit kailanman na si Jesus ang Panginoon, ang Tagapagligtas ng daigdig, at si Joseph Smith, ang martir, ay ang propeta ginamit ng Panginoon upang pairalin ang Kanyang Simbahan sa panahong ito.”7
Paano inihanda si Joseph Smith para sa kanyang tungkulin bilang Propeta ng Pagpapanumbalik?
Si Joseph Smith ang inalagaan ng Panginoon mula pagkabata at pinagkalooban ng banal na awtoridad at tinuruan ng mga bagay na kailangan niya upang malaman at makamtan ang pagkasaserdote at mailatag ang pundasyon para sa kaharian ng Diyos sa mga huling araw na ito. 8
Batay sa kasaysayan, ang mga pinunong propeta ay pinipili mula sa karaniwang kalakaran ng buhay, hindi mula sa mga taong sinanay sa teolohiya sa mga seminaryo. Tingnan natin ang maraming propeta. Nais kong balikan ang kasaysayan: si Eliseo ay isang maunlad na magsasaka; si Amos ay pastol sa Judea; ang propetang si Isaias ay mamamayan sa Jerusalem; si Mikas ay mula sa nayon ng Judea; si Jeremias ay isang binatilyong mula sa angkan ng mga saserdote; si Ezekiel ay saserdote sa templo; sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan ay mga mangingisda; si Jesus at ang kanyang amang si Jose ay mga karpintero. Marahil ito ang magpapaliwanag kung bakit pinili ng Panginoon [ang Propetang Joseph Smith bilang] pinunong propeta ng dispensasyong ito. … Pinili Niya ang taong magiging matalino sa mga bagay na ukol sa Diyos— mga bagay na malamang na maging kahangalan sa mga naturuan lamang sa mga bagay na ukol sa daigdig.9
Sa buhay ng batang propetang si Joseph Smith, bago ipagkaloob sa kanya ang dalawa sa mga dakilang paghahayag na naibigay sa tao, ay may naunang pagpapamalas ng kapangyarihan ng masama sa kapwa paghahayag na ito—sa Sagradong Kakahuyan, at sa Burol ng Cumora. Tila kinailangang maunawaan ng Propeta ang katangian at kapangyarihan ng puwersang iyon upang maging handa siya sa matagumpay na pakikipaglaban dito.10
Ang isang propeta ay hindi nagiging espirituwal na pinuno sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga aklat tungkol sa relihiyon, ni hindi siya nagiging propeta sa pagdalo sa seminaryong nagtuturo tungkol sa Diyos. … Ang isang tao’y nagiging propeta o pinuno ng relihiyon sa pamamagitan ng tunay na karanasang espirituwal. Sa gayon ang totoong dalubhasa sa espirituwal ay tumatanggap mismo ng diploma mula sa Diyos.11
Anong mga dakilang bagay ang itinatag ng Panginoon sa pamamagitan ng Propetang Joseph Smith?
Ang misyon ng Propetang Joseph Smith ay batid na…2,400 taon pa man bago siya isilang. Ang mga propesiya…hinggil kina Moises at Joseph ay nakatala sa laminang tanso at nakuha mula kay Laban ng mga anak ni Lehi, kung natatandaan ninyo. Doon matatagpuan ang propesiyang ito na walang ibang tinutukoy kundi ang Propetang Joseph Smith:
“Oo, tunay na sinabi ni Jose [walang alinlangang tumutukoy kay Jose na ipinagbili sa Egipto]: Ganito ang winika ng Panginoon sa akin: Isang piling tagakita ang ibabangon ko mula sa bunga ng iyong balakang;…at sa kanya ay ipagkakaloob ko ang kapangyarihang isiwalat ang aking salita sa mga binhi ng iyong balakang—at hindi lamang sa pagdadala ng salita ko, wika ng Panginoon, kundi upang mapapaniwala sila sa aking salita, na napasakanila na. … Masdan ang tagakitang yaon ay pagpapalain ng Panginoon; at sila na nagnanais na siya ay pinsalain ay malilito. … At ang kanyang pangalan ay tatawagin sa pangalan ko; at ito ay isusunod sa pangalan ng kanyang ama. At siya ay magiging katulad ko; sapagkat ang bagay na isisiwalat ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga kamay, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon ay magdadala sa aking mga tao sa kaligtasan.” [Tingnan sa 2 Nephi 3:7, 11, 14–15.]12
Sa dispensasyong ito, tulad ng nangyari sa lahat ng nakaraang mga dispensasyon ng ebanghelyo sa mundo, ay ibinigay sa ma kabagong propetang si Joseph Smith ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kanyang Anak, na ating Tagapagligtas. Noon, bilang niluwalhating mga nilalang na nakapagsasalita at nakikita ng tao, ay nakipag-usap sila sa kanya, na tila ipinamamalas ang kanilang katunayan, habang pinasisimulan ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, bilang paghahanda sa ikalawang pagparito ng Panginoon upang maghari bilang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari sa pagsisimula ng milenyo.13
Sa tuwing nababawasan ang ating pananampalataya at kaalaman ay ibinabalik ng Panginoon, sa Kanyang awa, ang higit na kumpletong kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kanyang Anak. At sa tuwing magkakaroon ng pagbuhos ng banal na kaalaman hinggil sa Ama at sa Anak ay sinasabi nating mayroon tayong bagong dispensasyon. Gayundin noong panahon ni Adan; gayundin noong panahon ni Abraham; noong panahon ni Moises; nang Siya’y magpunta sa mga Nephita; sa mga tao ni Enoc; at kung kaya dumating ang Tagapagligtas sa mga tao upang ituro sa kanila ang kaugnayan ng Diyos at ng Anak ng Diyos. …
Makabuluhan kung gayon, upang masimulan ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, kung ano ang nagpasimula nito? Ang paghahayag sa katauhan ng Diyos Ama at ng Anak sa batang propetang si Joseph Smith.14
“Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay” ( D at T 135:3). Ngayon, maaaring isipin ng ilan na labis naman ang pahayag na ito, ngunit [hindi] kapag inisip natin ang ibinigay Niya sa atin sa pamamagitan ng kahanga-hangang binatilyong ito na, sa loob lamang ng dalawang taon ay napalitaw ang malaking tomo ng banal na kasulatan na siyang ikalawang saksi sa misyon ng Panginoon, ang Aklat ni Mormon. … Ang binatilyong ito, bagaman di nakapag-aral, ay pinakilos ng kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos, isinalin ang tala na mula sa di-kilalang wika tungo sa wikang nasa atin sa ngayon, at dito natin matatagpuan ang kaganapan ng walangkatapusang ebanghelyo.15
Si Joseph Smith, ang binatilyong di nakapag-aral ng mga teolohiya ng ating panahon, di nakapag-aral sa matataas na paaralan noong kanyang kapanahunan…[ay] maaaring magpakumbaba sa mga aral at bulong ng Espiritu. Kung hindi ay di niya naitayo ang simbahang ito. Hindi niya sana naihatid ang gawain ng Panginoon, ang Aklat ni Mormon. Maaari nilang hamakin ang Propetang Joseph Smith bilang isang tao. Maaari nilang batikusin kung paano nagsimula ang simbahang ito, ngunit narito ang tumatayong bantayog—ang Aklat ni Mormon mismo. Hindi sana ito magagawa ng taong si Joseph, ngunit dahil naganyak ng kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos, nakaya at nagawa ni Joseph ang mahimalang paglilingkod na maipakita mula sa pagkakatago at mula sa kadiliman ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.16
Ibinalita [ni Moroni] sa Propeta…na panahon na upang mabisang ipangaral sa lahat ng bansa ang kabuuan ng ebanghelyo. Ito’y bilang katuparan ng ipinangako ni Juan na lilipad ang anghel sa gitna ng langit, “na may [kaganapan ng] mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa” (Apocalipsis 14:6). Ang pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ay naisakatuparan nang ang Aklat ni Mormon, na ipinahayag na talaan na naglalaman ng kaganapan ng ebanghelyo, ay naipanumbalik sa daigdig sa pamamagitan ng Propetang Joseph Smith.17
Noong ika-21 ng Setyembre, 1823 [nagpakita si Moroni kay Joseph Smith at ipinahayag ang bahaging ito,] “na ang gawain ng paghahanda para sa ikalawang pagparito ng Mesiyas ay mabilis na magsisimula; na sumapit na ang oras para ipangaral nang may kapangyarihan ang kabuuan ng Ebanghelyo, sa lahat ng bansa…upang maihanda ang isang grupo ng mga tao para sa paghahari sa Milenyo,” na ang ibig sabihin ay ang pagdating ng Panginoon (History of the Church, 4:537). Sa madaling salita, ang pangunahing layunin ng pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay ihanda ang isang grupo ng mga tao na makatatayo sa harapan ng Panginoon kapag Siya ay dumating; kung hindi,…di natin matatagalan ang Kanyang presensiya.18
Ngayon ang gawain ng kaharian ng Diyos sa lupa ay isang bantayog sa pangalan ng Propetang Joseph Smith. Milyun-milyon na ang lubusang tumanggap sa kaluwalhatian ng kanyang misyon, tulad ng pagkahayag at pangangasiwa niya rito sa buong mundo. Tayo ang mga tagapagmana ng walang katumbas na mahalagang perlas na iyon, ang ebanghelyo ni Jesucristo, na ipinanumbalik sa pamamagitan niya na naging kasangkapan ng Panginoon, upang tulungan tayong mamuhay, at mamatay kung kinakailangan, upang sa tamang oras ay maging handa tayo sa paghaharing iyon sa Milenyo. Hindi natin ito dapat kalimutan kailanman. Ito ang panahon upang tayo, habang may panahon pa, ay maging handa sa pagharap sa ating Diyos.19
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Paano mapatatatag ng bawat isa sa atin ang ating patotoo tungkol sa misyon ng Propetang Joseph Smith? Ano ang nakapagpatatag sa inyong patotoo tungkol sa Propeta?
-
Paano natin masusundan ang halimbawa ng Propetang Joseph upang dagdagan ang sarili nating karunungan at espirituwalidad? Anong mga katangian ni Cristo ang makikita sa buhay ng Propetang Joseph Smith?
-
Ano ang ilan sa mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo na inihayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith?
-
Ano ang nagawa ni Joseph Smith para sa kaligtasan ng lahat ng anak ng Diyos? Sa anong mga paraan naging kaiba ang iyong buhay dahil sa mga paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith?
-
Paano ninyo maibabahagi sa iba ang inyong patotoo tungkol sa Propetang Joseph Smith?