Kabanata 1
Daan Patungo sa Buhay na Walang Hanggan
Paano natin makakamtan ang ating pinakamimithing layunin—ang makabalik sa Diyos na nagbigay-buhay sa atin?
Pambungad
Sa kabuuan ng kanyang paglilingkod, binigyang-diin ni Pangulong Harold B. Lee na ang pinakamalagang layunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ang tulungan tayong makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit. Madalas niyang ituro ang kahalagahan ng pamumuhay sa pamamagitan ng pananampalataya hanggang sa marating natin ang ating makalangit na layunin.
Nataon ang paglilingkod ni Pangulong Lee sa pagsisimula ng magiting na paglalakbay sa kalawakan noong mga dekada 1960 at 1970. Nang mapilitang bumalik nang maaga sa mundo ang mga astronot ng sasakyang pangkalawakan na Apollo 13 dahil sa isang aksidente noong 1970, mula sa mga dako ng buwan, humanga si Pangulong Lee sa maingat na pagsunod sa mga direksiyon at tiyak na pagkilos na kinailangan upang ligtas na maibalik sa mundo ang mga kalalakihan na nasa loob ng sasakyang pangkalawakan. Nakita nita sa karanasang ito ang pagkakatulad nito sa pananampalataya at pagsunod na kinakailangan upang matapos ang ating paglalakbay sa buhay sa mundo patungong tahanan natin sa langit. Sa pananalita niya noong Oktubre 1970 sa pangkalahatang komperensiya, ginamit niya ang kuwento tungkol sa sasakyang pangkalawakan na Apollo 13, ang Aquarius, upang ilarawan ang kahalagahan ng pagtahak sa daan na itinakda para sa atin ng Panginoon.
Patuloy na binibigyang-diin ng mga mesahe ni Pangulong Lee na ang pinakamimithi nating layunin sa paglalakbay nating ito sa mortalidad ay ang makabalik sa ating Ama sa Langit. Nakatutulong sa atin ang mga mensaheng ito na mapagsikapang tiyakin na ang “lahat ng kilos sa ating buhay, lahat na desisyong ginagawa natin ay upang makapamuhay tayo sa paraang magpapahintulot sa ating makapasok sa kinaroroonan ng Panginoon na ating Ama sa Langit.”1
Binabalangkas ni Pangulong Lee sa kabanatang ito ang daan kung saan payapa at ligtas tayong makababalik sa kinaroroon ng ating Ama sa Langit.
Mga Turo ni Harold B. Lee
Paano tayo magagabayan tungo sa kaligtasan sa mga panahong ito ng kaguluhan?
Ilang buwan na ang nakalilipas, milyun-milyong tagapanood at tagapakinig sa buong mundo ang naghintay nang sabik at halos pigil ang hininga sa walang katiyakang paglipad ng Apollo 13. Waring iisa lamang ang ipinagdarasal ng buong mundo: ang ligtas na pagbabalik sa mundo ng tatlong magigiting na lalaki.
Nang ipahayag ng isa sa kanila nang may pigil na pagkabalisa ang nakabibiglang impormasyon, “Nagkaroon ng pagsabog!” pinagalaw ng mga nangangasiwa sa Houston ang lahat ng siyentipikong dalubhasa sa teknikal na aspeto ng sasakyang ito na sa loob ng ilang taon ay nagplano sa lahat ng maiisip na detalye tungkol sa paglalakbay na ito sa himpapawid.
Nakasalalay ngayon ang kaligtasan ng tatlo sa dalawang mahalagang kwalipikasyon: sa kasanayan at kaalaman ng mga tekniko na nasa sentro ng pangasiwaan sa misyon sa Houston, at sa ganap na pagsunod ng mga kalalakihan sa Aquarius sa bawat direksiyon mula sa mga tekniko, na dahil sa kanilang pag-unawa sa mga problema ng mga astronot, ay higit na kwalipikado na makakita ng mga kinakailangang solusyon. Dapat maging tama lahat ng desisyon ng mga tekniko kung hindi ay malilihis ang paglipad ng Aquarius ng libu-libong milya mula sa mundo.
Ang madamdaming tagpong ito ay waring kahalintulad ng [magulong] panahon natin ngayon. … Marami ang natatakot kapag nakakikita at nakaririnig sila ng di-kapani-paniwalang mga bagay na nagaganap sa buong mundo—mga intriga sa pulitika, digmaan at alitan sa lahat ng dako, kabiguan ng mga magulang na nagsisikap na malutas ang mga problemang panlipunan na nagbabantang sisira sa kabanalan ng tahanan, ang kabiguan ng mga bata at kabataan sa pagharap nila sa mga hamon sa kanilang pananampalataya at kanilang kagandahang-asal.
Tanging kapag handa kayong makinig at sumunod, tulad ng mga astronot ng Aquarius, kayo magagabayan pati na ang inyong sambahayan tungo sa kaligtasan at katiyakan sa paraan ng Panginoon. …
Mula sa nangyari sa Apollo 13…, ibubuod ko ngayon, sa loob ng ilang sandali, ang kahanga-hangang naisip na plano. Sa pagsunod sa planong ito nakasalalay ang kaligtasan ng bawat kaluluwa sa kanyang paglalakbay sa mortalidad patungo sa kanyang huling patutunguhan—ang pagbabalik sa Diyos na nagbigay sa kanya ng buhay. …
Ano ang mga layunin ng plano ng ating Ama sa Langit?
Ang planong ito ay may pangalan, at ang pangunahing layunin nito’y malinaw na binanggit sa isang pahayag sa Simbahan sa pagsisimula ng dispensasyong ito ng ebanghelyo.
Mahigit na sa isang siglo ngayon nang ipahayag ng Panginoon:
“At sa gayon ay ipinadala ko ang aking walang hanggang tipan sa daigdig, upang maging ilaw ng sanlibutan, at maging pinakawatawat para sa aking mga tao, at para sa mga Gentil upang hanapin ito, at maging sugo sa harapan ko upang ihanda ang daan para sa aking pagparito.” (D at T 45:6.)
Ang planong ito, kung gayon, ay magiging tipan, na nagpahiwatig ng kontrata na sasalihan ng mahigit sa isang tao. Magiging pamantayan ito para sa mga hinirang ng Panginoon at ng buong daigdig na makikinabang dito. Layunin nito ang tugunan ang mga pangangailangan ng lahat ng tao at ihanda ang daigdig para sa ikalawang pagparito ng Panginoon.
Ang mga kalahok sa pagbuo ng planong ito sa daigdig bago pa ang buhay na ito ay ang lahat ng mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit. Ang ating pinakamatandang banal na kasulatan mula sa mga panulat ng mga sinaunang propeta na sina Abraham at Jeremias, ay nagpapatunay din na naroon ang Diyos, o si Elohim; ang kanyang Panganay na Anak na si Jehova; si Abraham; Jeremias, at marami pang ibang mahahalagang tao ang naroon.
Ang mga katalinuhang binuo bago pa ang mundo, na naging mga espiritu, ay naroon, kabilang ang mga marangal at dakila na ang ginawa at ikinilos sa kalagayang iyon bago pa ang buhay na ito ang dahilan kung kaya naging karapat-dapat sila na maging mga mananakop at pinuno sa pagsasakatuparan ng walang hanggang planong ito. …
Sa ilalim ng tagubilin ng Ama at sa pamamahala ni Jehova, ang mundo at ang lahat ng may kaugnayan dito ay inayos at hinubog. “Inayos” nila, “binantayan” nila, at “inihanda” ang mundo. “Nagsanggunian sila sa isa’t isa” tungkol sa pagdadala ng lahat ng uri ng buhay sa mundo at lahat ng bagay, kabilang na ang tao, at inihanda ito para sa pagsasakatuparan ng plano, na maihahalintulad natin sa balangkas, kung saan matuturuan at sasanayin ang lahat ng anak ng Diyos sa lahat ng bagay na kailangan para sa dakilang layunin na isakatuparan, “ang kaluwalhatian ng Diyos, ang pagkakataon ng bawat kaluluwa na magkaroon ng “kawalangkamatayan at buhay na walang hanggan.” Ang ibig sabihin ng buhay na walang hanggan ay magkaroon ng buhay na walang katapusan sa selestiyal na kalagayan kung saan naninirahan ang Diyos at si Cristo, sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng bagay na ipinag-uutos sa atin. (Tingnan sa Abr. 3:25.)
Ano ang mga batayang alituntunin ng plano ng kaligtasan?
Tatlong iba’t ibang alituntunin ang nilalaman ng planong ito:
Una, ang pribilehiyong ibibigay sa bawat kaluluwa na makapili para sa kanyang sarili ng “kalayaan at buhay na walang hanggan” sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng Diyos, o “pagkabihag at kamatayan” sa espirituwal na mga bagay dahil sa pagsuway. (Tingnan sa 2 Ne. 2:27.)
Pangalawa sa buhay mismo, ang kalayaan sa pagpili ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Sa pamamagitan nito ay naibibigay sa mga anak ng Diyos ang pinakadakilang pagkakataon na sumulong sa ikalawang kalagayang ito sa mortalidad. Ipinaliwanag ito ng propetang-pinuno ng kontinenteng ito sa kanyang anak tulad ng nakatala sa sinaunang banal na kasulatan: na upang maisakatuparan ang mga ito, ang mga walang hanggang layunin ng Panginoon, kailangang magkaroon ng mga pagsalungat, panggaganyak ng mabuti sa isang panig at ng masama sa kabila, o sa wika ng mga banal na kasulatan, “…ang ipinagbabawal na bungang-kahoy na kasalungat ng punungkahoy ng buhay; ang isa ay matamis at ang isa ay mapait.” Paliwanag pa ng amang ito, “Anupa’t ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa tao na siya ay kumilos para sa kanyang sarili. Samakatwid, ang tao ay hindi makakikilos para sa kanyang sarili maliban kung siya ay nahikayat ng isa o ng iba.” (2 Ne. 2:15–16.)
Ang ikalawang alituntunin sa banal na planong ito ay kinapalooban ng pangangailangan sa tagapagligtas na magbabayadsala kung saan ang lubos na kinalulugdang Anak ng Diyos ang naging ating Tagapagligtas, tulad ng “Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan” (Apoc. 13:8), sang-ayon sa inihayag kay Juan sa Isla ng Patmos. Ipinaliwanag [ng propetang si Lehi] na ang misyon ng Anak ng Diyos ay ang “[mamagitan] para sa lahat ng anak ng tao; at sila na maniniwala sa kanya ay maliligtas.” (2 Ne. 2:9.)
Marami tayong naririnig mula sa limitadong pang-unawa sa posibilidad na pagkaligtas ng isang tao sa pamamagitan ng awa lamang. Ngunit kailangan ang paliwanag ng isa pang propeta upang maunawaan ang tunay na doktrina ng awa tulad ng paliwanag niya sa makabuluhang mga salitang ito:
“Sapagkat,” sabi ng propetang ito, “masigasig kaming gumagawa upang makasulat, upang hikayatin ang ating mga anak, at ang atin ding mga kapatid, na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos; sapagkat nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.” (2 Nephi 25:3.) Tunay na tinubos tayo ng nagbabayad-salang dugo ng Tagapagligtas ng mundo, ngunit ito’y matapos lamang magawa ng bawat isa ang lahat ng kanyang magagawa hinggil sa kanyang sariling kaligtasan.
Ang ikatlong malaking kaibahan ng alituntunin ng plano ng kaligtasan ay ang pasubaling “ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.” (Saligan ng Pananampalataya 3.) Ang mga pangunahing batas at ordenansang ito na pinagmumulan ng kaligtasan ay malinaw na itinakda:
Una, pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.
Ikalawa, pagsisisi mula sa kasalanan, na ang ibig sabihin ay ang pagtalikod mula sa mga kasalanan ng di-pagsunod sa mga batas ng Diyos at hindi na muling pagbaling pa sa mga kasalanang ito. Malinaw na nangusap ang Panginoon hinggil dito. Sabi Niya: “…humayo kayo sa inyong mga lakad at huwag magkasala pa; subalit sa yaong tao na nagkasala [na mangyari pa ang ibig sabihin ay pagbabalik sa kasalanan na pinagsisihan na niya] ay mababalik ang dating kasalanan, wika ng Panginoon ninyong Diyos.” (D at T 82:7.)
Ikatlo, pagbibinyag sa tubig at Espiritu, at tanging sa mga ordenansang ito lamang, tulad ng itinuro ng Guro kay Nicodemo, makikita o mapapasok ng isang tao ang kaharian ng Diyos. (Tingnan sa Juan 3:4–5.)
Ang turong ito ay sapilitan ding ipinaunawa ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga banal sa kontinenteng ito, na tila kanyang huling mensahe sa kanyang mga disipulo. Tinuruan ng Guro ang kanyang matatapat na banal na “walang maruming bagay ang makapapasok sa kanyang kaharian; anupa’t walang makapapasok sa kanyang kapahingahan maliban sa mga yaong nahugasan ang kanilang mga kasuotan ng aking dugo, dahil sa kanilang pananampalataya, at sa pagsisisi ng lahat ng kanilang mga kasalanan, at sa kanilang katapatan hanggang sa wakas.
“Ngayon, ito ang kautusan: “Magsisi, lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay pabanalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahiddungis sa aking harapan sa huling araw.
“Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ito ang aking ebanghelyo. … ” (3 Ne. 27:19–21.)
Anu-ano ang pagpapalang ipinangako sa matatapat?
Kung ang mga anak ng Panginoon, na kinabibilangan ng lahat ng nasa mundong ito, anuman ang nasyonalidad, kulay, o relihiyon, ay makikinig sa tawag ng tunay na sugo ng ebanghelyo ni Jesucristo, tulad ng ginawa ng tatlong astronot sa Aquarius sa mga dalubhasang tekniko na nasa Mission Control noong oras na sila’y nasa panganib, makikita ng bawat isa sa takdang panahon ang Panginoon at malalaman na siya nga, tulad ng pangako ng Panginoon. …
Ang pangakong ito ng kaluwalhatian na para sa mga matapat hanggang sa wakas ay maliwanag na inilarawan sa talinghaga ng Guro tungkol sa Alibughang Anak. Sa anak na naging matapat at hindi nilustay ang kanyang pagkapanganay, ang ama, na sa aral ng Guro ay ang ating Ama at ating Diyos, ay nangako sa kanyang matapat na anak: “Anak, ikaw ay palaging nasa akin, at iyo ang lahat ng akin.” (Lucas 15:31.)
Sa isang paghahayag sa makabagong propeta, nangangako ang Panginoon sa matatapat at masunurin sa ngayon: “…lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya.” (D at T 84:38.)
O magiging katulad ba tayo ng mga hangal na nasa ilog sa itaas ng Niagara Falls na papalapit sa mapanganib na mabibilis na agos ng tubig? Sa kabila ng mga babala ng tanod sa ilog na magpunta sa ligtas na lugar bago mahuli ang lahat, at sa pagbale-wala sa mga babala, nagtawanan sila, nagsayawan, nag-inuman, nanuya, at sila’y nangamatay.
Gayundin sana ang sinapit ng tatlong astronot ng Aquarius kung tumanggi silang makinig hanggang sa kaliit-liitang tagubilin mula sa Houston Control. Ang buhay nila’y nakasalalay sa mga pangunahing batas na sumasakop at pumipigil sa mga puwersa ng sansinukob.
Umiyak si Jesus nang makita niya ang daigdig sa kanyang paligid noong kanyang kapanahunan na tila nasiraan na ng bait, at patuloy na kumukutya sa kanyang samo na lumapit sila sa kanya sa “makipot at makitid na landas,” na malinaw na tinandaan sa walang hanggang plano ng Diyos ukol sa kaligtasan.
Kung maririnig lamang natin muli ang kanyang samo sa ngayon na tulad ng isinisigaw niya noon: “Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya! makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ay ayaw kayo!” (Mat. 23:37.)
Na sana’y makita ng daigdig sa isa pang talinghaga kay Juan na Tagahayag ang sagradong katauhan ng Guro na tumatawag sa atin ngayon tulad ng ginawa niya noon sa mga nasa Jerusalem:
Wika ng Guro, “Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko.
“Ang magtagumpay, ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang luklukan.” (Apoc. 3:20–21.)
Narito, kung gayon, ang plano ng kaligtasan na itinuro ng tunay na simbahan, na itinatag sa mga apostol at propeta, na si Cristo, ang Panginoon, ang pangunahing batong panulok (Efeso 2:20), na tanging sa pamamagitan niya darating ang kapayapaan, hindi tulad ng pagbibigay ng mundo, kundi tulad ng pagbibigay ng Panginoon sa mga nagtagumpay sa mga bagay ng daigdig, tulad ng ginawa ng Guro.
“At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka’t walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” (Mga Gawa 4:12.)…
Paano makatutulong ang ating mga kilos sa araw-araw na pagsulong natin sa buhay na walang hanggan?
Sa isang pulong kamakailan ay nakinig ako sa makabagbagdamdaming patotoo ng isang batang babae. Ang kanyang ama ay may sakit na ayon sa mga doktor ay wala nang lunas. Matapos ang magdamag na sakit at paghihirap, buong pagmamahal na sinabi ng maysakit na lalaking ito sa kanyang asawa isang umaga, “Lubos ang pasasalamat ko sa araw na ito.” “Para saan?” tanong ng babae. Sumagot ang lalaki, “Sa pagbibigay sa akin ng Diyos ng isa pang araw sa piling mo.”
Sa araw na ito hangad ng puso ko na lahat ng naabot ng pagsasahimpapawid na ito ay magpasalamat din sa Diyos para sa isa pang araw! Para saan? Sa pagkakataong tapusin ang ilang ditapos na gawain. Upang magsisi; upang ituwid ang ilang pagkakamali; upang impluwensiyahan sa kabutihan ang ilang suwail na anak; upang tulungan ang taong nangangailangan—sa madaling salita, pasalamatan ang Diyos para sa isa pang araw ng paghahanda sa pagharap sa Diyos.
Huwag ninyong masyadong isipin ang mga susunod na araw. Maghanap ng kalakasan upang malutas ang mga problema ngayon. Sa kanyang Sermon sa Bundok, nanghikayat ang Guro na: “Kaya’t huwag ninyong ikabalisa ang sa araw ng bukas: sapagka’t ang araw ng bukas ay mababalisa sa kaniyang sarili. Sukat na sa kaarawan ang kaniyang kasamaan.” (Mat. 6:34.)
Gawin ang lahat ng makakaya mong gawin at ipaubaya ang iba sa Diyos, na Ama nating lahat. Hindi sapat ang sabihing gagawin ko ang lahat, sa halip, gagawin ko ang lahat sa abot ng aking makakaya; gagawin ko ang lahat ng kinakailangan.2
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Sa anu-anong paraan ipinakikita ng plano ng kaligtasan ng ating Ama ang Kanyang dakilang pagmamahal sa atin?
-
Paano nagdudulot ng kapayapaan sa inyong buhay ang pagkaunawa sa plano ng kaligtasan?
-
Bakit kailangan ang pagpili sa pagbabalik natin sa Diyos? Bakit kailangan ang Pagbabayad-sala? Bakit kailangan tayong sumunod sa mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo?
-
Ano ang maaaring ilan sa mga ibubunga ng paglihis sa landas na ibinigay ng Ama sa Langit para ating sundan?
-
Ano ang mga bagay na minsan ay dahilan kung bakit naaalis ang pansin ng mga tao sa layuning makabalik sa kinaroroonan ng Ama sa Langit? Anong payo ang maibibigay natin sa mga miyembro ng pamilya at sa iba pa na naliligaw ng landas?
-
Bakit mahalagang maglingkod sa araw-araw? magpahiwatig ng pasasalamat sa bawat araw? magsisi at magsikap na mapaglabanan ang ating mga kahinaan? Paano makatutulong sa ating paghahanda sa pagharap sa Diyos ang paggawa sa bawat isa sa mga bagay na ito?