Kabanata 5
Pamumuhay sa Liwanag ng Patotoo
Paano natin mapaniningning ang liwanag ng ating patotoo tungo sa “tiyak na kaliwanagan”?
Pambungad
Sa loob ng mahigit na 32 taon, si Pangulong Harold B. Lee ay isang natatanging saksi ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Nagpatotoo siya, “Nang buong kataimtiman, at nang buo kong kaluluwa, nagpapatotoo ako sa inyo na alam ko na si Jesus ay buhay, na siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”1
Sa kanyang pagsasalita tungkol sa paraan ng pagkakaroon ng patotoo, sinabi niya:
“Dinalaw ako minsan ng isang batang paring Katoliko na dumating kasama ang isang misyonero ng istaka mula sa Colorado. Tinanong ko kung bakit siya pumunta, at sumagot siya, ‘Pumunta ako upang makita ka.’
“ ‘Bakit?’ tanong ko.
“Sabi niya, ‘Matagal na akong nagsasaliksik tungkol sa ilang konsepto na hindi ko matagpuan. Pero palagay ko nakikita ko na ito ngayon sa komunidad ng Mormon.’
“Humantong iyon sa kalahating oras na pag-uusap. Sabi ko sa kanya, ‘Padre, kapag nagsimulang sabihin sa iyo ng puso mo ang mga bagay na hindi alam ng isip mo, samakatwid napapasaiyo ang Espiritu ng Panginoon.’
“Ngumiti siya at nagsabing, ‘Palagay ko nangyayari na iyan sa akin.’
“Kung gayon huwag mo nang patagalin pa,’ ang sabi ko sa kanya.
“Ilang linggo pagkalipas noon nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa kanya. Sabi niya,’ Sa susunod na Sabado ay bibinyagan na ako bilang miyembro ng Simbahan, dahil nagsabi sa akin ang puso ko ng mga bagay na hindi alam ng isip ko.’
“Siya ay nagbalik-loob. Nakita niya ang dapat niyang makita. Narinig niya ang dapat niyang marinig. Naunawaan niya ang dapat niyang maunawaan, at mayroon siyang ginagawa ukol dito. Mayroon siyang patotoo.”2
Mga Turo ni Harold B. Lee
Ano ang Patotoo?
Ang patotoo ay simple lang ipaliwanag. Ito’y banal na paghahayag sa taong may pananampalataya. Binanggit din ng mangaawit (psalmist) ang gayong kaisipan: “ … ang patotoo ng Panginoon ay tunay. … ” (Mga Awit 19:7.) Ipinahayag ni Apostol Pablo, “ … walang sinumang makapagsasabi [ o makaaalam] na si Jesus ay ang Panginoon, kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.” [1 Corinto 12:3.] Itinuro pa ng mga propeta na kung kayo ay “magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. At sa pamamagitan ng Espiritu Santo malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.” (Moroni 10:4–5.) …
Buhay ang Diyos! Si Jesus ang Tagapagligtas ng sanlibutan! Ang ebanghelyo ni Jesucristo tulad nang nakapaloob sa kabuuan ng mga sinauna at makabagong kasulatan ay totoo! Nalalaman ko ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagsaksi ng Espiritu sa aking espiritu.3
Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang isa kong karanasan sa isa sa aming tagapangasiwa sa negosyo. Ang asawa niya at mga anak ay miyembro, ngunit siya’y hindi … Sinabi niya sa akin, “hindi ako makakasapi sa Simbahan hangga’t wala akong patotoo.” Sabi ko sa kanya, “Sa susunod na pumunta ka sa Salt Lake, tumuloy ka at dalawin mo ako.” Sa aming pag-uusap pagkaraan ng aming pagpupulong sa negosyo ilang linggo pagkaraan noon ay sinabi ko sa kanya, “Ewan ko kung natatanto mo kung may patotoo ka o wala; o kung alam mo kung ano ang patotoo.” Kung kaya’t ninais niyang malaman kung ano ang patotoo. Sinagot ko siya nang ganito, “Kapag dumating na ang panahon na sinasabi ng puso mo ang mga bagay na hindi alam ng isip mo, iyan ang Espiritu ng Panginoon na nagdidikta sa iyo.” At pagkatapos sinabi ko, “Sa pagkakakilala ko sa iyo, may mga bagay na alam mo sa puso mo na totoo.” Walang anghel na tatapik sa balikat mo at magsasabi sa iyo na ito ay totoo.” Ang Espiritu ng Panginoon ayon na rin sa sinabi ng Guro ay: “Umiihip ang hangin kung saan niya ibig, at maririnig mo ang kanyang tunog, ngunit hindi mo masasabi kung saan ito nanggagaling at kung saan ito paroroon; gayon din ang bawat isa na ipinanganak ng Espiritu” (Juan 3:8). Kaya sinabi ko sa kaibigan kong tagapangasiwa ng negosyo: “Ngayon, tandaan mo, hindi darating sa kagilagilalas na paraan ang iyong patotoo, ngunit kapag dumating ito, babasain ng mga luha ng kagalakan ang iyong unan sa gabi. Malalaman mo, mahal kong kaibigan, kapag dumating ang patotoong iyon.”4
Pinatototohanan ko sa inyo na alam kong buhay ang Tagapagligtas, na ang pinakamabisang saksi na mapapasainyo na Siya ay buhay ay darating kapag nagbigay saksi ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa iyong kaluluwa na tunay ngang Siya ay buhay. Higit pang makapangyarihan kaysa sa paningin, mas makapangyarihan kaysa sa paglakad at pagkausap sa Kanya, ay ang pagsaksi ng Espiritu kung saan kayo ay hahatulan kung kayo ay babaling sa Kanya. Ngunit ito ay sa pananagutan ninyong lahat, at pananagutan ko rin, na mapatibay ang patotoong iyan. Madalas tayong tinatanong, paano ba talaga nakatatanggap ng paghahayag ang isang tao? Sinabi ng Panginoon sa isang paghahayag sa mga sinaunang pinuno, “Sasabihin ko sa inyo sa inyong isipan at sa inyong puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ito ay mananahanan sa inyong puso. Ito ang paghahayag kung paano nadala ni Moises ang mga anak ng Israel patawid sa Pulang Dagat at sa kabila nito.” [Tingnan sa D at T 8:2–3.] Kapag ang Espiritung iyan ay sumaksi sa ating espiritu, iyan ay paghahayag mula sa Makapangyarihang Diyos.5
[Nang namatay si Lazaro, ipinahayag ng Tagapagligtas kay Marta,] “Ako ang pagkabuhay na mag-uli, at ang buhay: siya na naniniwala sa akin, bagama’t siya’y patay, gayon ma’y mabubuhay siya: “At ang sinumang buhay at naniniwala sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman.” Pagkatapos ay tumingin Siya kay Marta at sinabi Niya, “Pinaniniwalaan mo ba ito?” At mula sa kaibuturan ng mapagkumbabang babaing ito, ay may napukaw na damdamin at sinabi niya sa gayon ding pananalig na sinabi ni Pedro, “Oo, Panginoon: naniniwala ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, na siyang paparito sa sanlibutan.” [Juan 11:25–27.]
Saan niya nakuha iyon? Hindi iyon nagmula sa pagbabasa ng mga aklat. Hindi iyon nagmula sa pag-aaral ng teolohiya o agham o pilosopiya. Siya ay nagkaroon ng saksi sa kanyang puso, tulad din nang kay Pedro. Kung sumagot ang Guro, marahil ang sinabi Niya, “Mapalad ka Marta, sapagkat hindi ipinahayag ito sa iyo ng laman at dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit. Ang pinakamahalaga sa lahat ng bagay na mapapasaiyo ay ang magkaroon ng saksi sa iyong puso na ang mga bagay na ito ay totoo.6
Marami ang hindi nakakita sa Tagapagligtas nang harapan sa mortalidad, ngunit lahat tayo na nabiyayaang makatanggap ng kaloob na Espiritu Santo matapos ang pagbibinyag ay magkakaroon ng ganap na katiyakan na Siya ay buhay. Tunay nga, na kung tayo ay may pananampalataya sa katotohanan na Siya ay buhay, kahit na hindi natin nakita, tulad ng ipinahiwatig ng pahayag na iyan ng Guro kay Tomas, higit na malaki ang biyaya ng “yaong mga hindi nakakita, at gayon ma’y naniwala” (Juan 20:29), sapagkat “tayo ay lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin” (II Corinto 5:7). Bagama’t hindi nakikita, gayon pa ma’y naniniwala, tayo’y nalulugod sa kagalakang di-mabikas sa pagtanggap ng bunga ng ating pananampalataya, maging ng kaligtasan ng ating mga kaluluwa (tingnan sa 1 Pedro 1:8–9).7
Maibubuod ba natin ito at masasabi pagkatapos, na sinumang tao na nakatanggap ng tunay na patotoo ay nakatanggap ng paghahayag mula sa buhay na Diyos, o kung hindi ay hindi niya matatamo ang patotoo? Ang sinumang may patotoo, kung gayon, ay nagtatamasa ng kaloob na propesiya, nasa kanya ang espiritu ng paghahayag. Nasa kanya ang kaloob kung saan ang mga propeta ay nakapagsasalita ng mga bagay tungkol sa kanilang mga pananagutan. …
Tinutulungan tayong lahat ng Panginoon na pagsikapang matamo ang patotong iyon na pinakamahalaga sa ating paghahanda na makaalam. Kapag sa wakas ay makamit na natin ang dakilang kaisipang iyon na si Joseph Smith ay isang propeta at ang ebanghelyo ay totoo, ang lahat ng iba pang mahihirap maunawaan ay parang matigas na yelo na matutunaw sa harap ng papasikat na araw.8
Paano natin inihahanda ang ating sarili sa pagtanggap ng patotoo?
[Ang Tagapagligtas ay] naitalang nagsabi na “ … ang kaharian ng Diyos ay nasa loob ninyo.” (Lucas 17:21.) Marahil ang mas wastong pagsasalin ay magsasabing, “Ang kaharian ng Diyos ay nasa sa inyo o nasa gitna ninyo,” ngunit habang iniisip ko ang pahayag na iyon, “Ang kaharian ng Diyos ay nasa loob ninyo,” naalala ko ang karanasan ko sa isang grupo ng mga estudyante sa Brigham Young University … doon sa Lion House, at doon ang labing-anim na kinatawan mula sa labing-anim na dayuhang mga bansa ay hinilingang tumayo at isalaysay kung paano nila nalaman ang tungkol sa ebanghelyo at tinanggap ito, … at magbigay ng kanilang mga patotoo. Isa itong lubos na nakapupukaw na gabi. Napakinggan namin ang mga kabataang lalaki at babae mula sa Mexico, Argentina, Brazil, mga bansang Scandinavia, France at England. Pare-pareho ang kuwento. Nang simulan nilang ikuwento kung paano nila natagpuan ang ebanghelyo, ito iyon: Naghahangad sila ng katotohanan. Naghahanap sila ng liwanag. Hindi sila kuntento, at sa gitna ng pagsasaliksik nila, may nagdala sa kanila ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Ipinanalangin nila ito at hinanap ang Panginoon nang buong sigasig, buong taimtim, ng kanilang buong puso, at natanggap ang dakilang patotoo kung saan nalaman nila na ito ang ebanghelyo ni Jesucristo. … Kaya sa puso ng bawat isa, bawat matapat na naghahanap ng katotohanan, kung siya ay may hangarin na makaalam, at pinag-aaralan ito nang mataimtim at may pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, ang kaharian ng Diyos ay maaaring nasa puso niya, o sa madaling salita, ang kapangyarihan na matanggap ito ay nasa kanya.9
Sa ugat ng bawat pansariling patotoo ay dapat may matwid at dalisay na buhay, kung hindi ang Espiritu ay hindi makasasaksi sa kabanalan ng misyon ng Panginoon o gawaing ito sa ating panahon.10
Ang unang pinakamahalaga … sa pagtamo ng patotoo ay ang tiyakin na ang pansariling espirituwal na “katayuan” ng isang tao ay nasa ayos na kalagayan. Kailangang malinis ang kanyang isipan at katawan kung nais niyang tamasahin ang nakapananahanang kaloob ng Espiritu Santo kung saan malalaman niya ang katiyakan ng mga espirituwal na bagay.11
Ang pagbabalik-loob ay dapat mangahulugan nang higit pa kaysa sa pagiging “tagadala ng kard” lamang na miyembro ng Simbahan na may resibo ng ikapu, kard ng pagiging miyembro, rekomendasyon sa templo, atbp. Nangangahulugan ito ng pagsupil sa mga pagkahilig na mamintas at patuloy na pagsisikap na pagbutihin ang mga panloob na kahinaan at hindi lang mga panlabas na kaanyuan.12
Ngayon kapag lumalabas ang ating mga misyonero, sinasabi natin sa kanilang mga tinuturuan, “Hindi namin hinihinging sumapi kayo sa Simbahan para lamang mailagay ang inyong pangalan sa talaan. Hindi iyan ang layunin namin. Lumalapit kami sa inyo upang ihandog ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng sanlibutan, ang kaloob ng kaharian ng Diyos. Ito ay narito sa inyo kung tatanggapin at paniniwalaan lamang ninyo.” Ito ngayon ang aming hamon sa sanlibutan. “Maituturo namin sa inyo ang mga doktrina ng Simbahan ni Jesucristo at mapapatotohanan sa inyo ang kadakilaan ng gawaing ito, subalit ang saksi sa katotohanan na aming ituturo ay dapat manggaling sa inyong sariling pagsasaliksik.”
Sinasabi natin sa mga taong ating tinuturuan, “Ngayon, tanungin ninyo ang Panginoon. Mag-aral, magsikap, at manalangin.” Ito ang proseso kung paano nadadala ang mga tao sa Simbahan, at iyon din ang paraan mula sa simula kung paanong ang matatapat ang puso saan man ay nadala sa Simbahan.13
Sa pagtingala ni Jesus sa panalangin habang “[dumarating] na ang kanyang oras,” [tingnan sa Juan 17:1] nagpahayag siya ng malalim na katotohanan na dapat maging puno ng kahulugan sa bawat tao: “At ito ang buhay na walang hanggan, na makikilala ka nila ang nag-iisang tunay na Diyos, at Jesucristo, na siyang iyong isinugo.” (Juan 17:3.) Bagamat ang pahayag na ito ay may mas malalim na kahulugan kaysa sa tatalakayin ko rito, nais kong talakayin ang isang kaisipan mula rito. Paano ninyo makikilala ang Ama at ang Anak? … Sinisimulan nating matamo ang kaalamang iyon sa pamamagitan ng pag-aaral. Ipinayo sa atin ng Tagapagligtas na “Saliksikin ang mga kasulatan; sapagkat sa mga ito isipin ninyo ay mayroon kayong buhay na walang hanggan: at ang mga ito ay siyang nagpapatotoo sa akin.” (Juan 5:39.) Sa loob nito ay matatagpuan ang kasaysayan ng mga pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan sa bawat dispensasyon at ang mga gawain at salita ng mga propeta at ng Tagapagligtas na ibinigay mismo, “sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos,” tulad ng sinabi ni Apostol Pablo, “at mapapakinabangan din sa doktrina, sa panunumbat, sa pagwawasto, sa pagtuturo sa kabanalan: upang ang tao ng Diyos ay maging ganap, tunay na kinakitaan ng lahat ng mabubuting gawain.” (II Timoteo 3:16–17.) Hindi dapat palampasin ng mga kabataan ang maghapon nang hindi nagbabasa mula sa mga sagradong aklat na ito.
Ngunit hindi sapat na pag-aralan lamang ang kanyang buhay at mga gawain sa pamamagitan ng pag-aaral. Ang Guro mismo ang sumagot sa tanong kung paano ang isang tao ay makikilala siya at ang kanyang doktrina: “Kung sinomang tao ay gagawa ng kanyang kalooban, malalaman niya.” (Juan 7:17.) Sa palagay ba ninyo magiging awtoridad sa agham ang isang taong hindi pa kailanman nag-eksperimento sa isang laboratoryo? Pakikinggan ba ninyo nang husto ang komentaryo ng isang kritiko sa musika na walang-alam sa musika o kritiko sa sining na hindi marunong magpinta? Kaya nga, ang isang tulad ninyo na gustong “makilala ang Diyos” ay dapat na siyang gumagawa ng kanyang kalooban at sumusunod sa kanyang mga kautusan at ipinamumuhay ang mga kagandahang-asal na ipinamuhay ni Jesus.14
Ang pagtatamo ng kaalaman sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi madaling daan patungo sa pagkatuto. Kinakailangan nito ang matinding pagsisikap at patuloy na pagsusumigasig sa pananampalataya. …
Sa madaling salita, ang pag-aaral sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi madali para sa isang tamad na tao. May nagsabi, sa katunayan, na ang ganoong proseso ay nangangailangan ng paghubog ng buong kaluluwa, ang pagpukaw sa pinakamalalim na kaisipan ng tao at pag-uugnay nito sa Diyos—ang tamang pagdurugtong ay dapat mabuo. Doon lamang darating ang “kaalaman sa pamamagitan ng pananampalataya.”15
Ano ang magagawa natin upang mapalakas ang ating mga patotoo?
[Sinabi nga Panginoon kay Pedro] “Hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maligalig niyang gaya ng trigo: Datapwa’t ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:31-32). Ngayon, pansinin ninyo, sinasabi Niya iyon sa pinakapinuno sa Labindalawa. Ipinananalangin ko kayo; ngayon humayo kayo at magbalik-loob at kapag kayo ay nakapagbalik-loob na, ay humayo kayo at papagtibayin ninyo ang inyong kapatid. Ang ibig sabihin [maaari tayong] hindi makapagbalik-loob tulad din naman na maaari tayong magbalik-loob. Ang inyong patotoo ay isang bagay na maaaring mayroon kayo ngayon subalit maaaring hindi laging mayroon kayo nito.16
Ang patotoo ay kasing-ilap ng hamog; kasing rupok ito ng orkidyas; kinakailangang lagi ninyo itong angkinin, muli at muli, sa bawat umaga ng inyong buhay. Kailangang panatilihin ninyo ito sa pamamagitan ng pag-aaral, at pananampalataya, at panalangin. Kung pahihintulutan ninyong magalit ang inyong sariling, pahihintulutan ninyo ang inyong sarili na mapasama sa maling samahan, makikinig kayo sa maling uri ng mga kuwento, kayo ay mag-aaral ng maling uri ng mga paksa; kayo ay abala sa mga maling gawa, wala nang higit na nakapanlulumo kaysa iwanan kayo ng Espiritu ng Panginoon hanggang sa tila ba lumayo kayo mula sa maliwanag na silid sa pag-alis ninyo sa gusaling ito, na para bang nagtungo kayo sa kadiliman.17
Ang taglay mo ngayong patotoo ay maaaring mawala sa iyo bukas maliban kung mayroon kang gagawin ukol dito. Ang iyong patotoo ay maaaring maragdagan o kaya’y mabawasan, depende sa iyo. Kung gayon, aalalahanin mo ba ang iyong pananagutan? Sinabi ng Panginoon “Kung ang sinomang tao ay gagawa ng kanyang kalooban, ay malalaman niya ang doktrina, kung ito ay sa Diyos, o kung ako ay nagsasalita na mula sa aking sarili” (Juan 7:17).18
Walang tunay na nagbalik-loob na Banal sa mga Huling araw ang maaaring maging imoral. Walang tunay na nagbalik-loob na Banal sa mga Huling araw ang maaaring maging mapanlinlang, o sinungaling, o magnanakaw. Ibig sabihin niyan na maaaring ang isang tao ay may patotoo sa ngayon, subalit sa sandaling pababain niya ang kanyang pagkatao sa paggawa ng mga bagay na salungat sa mga batas ng Diyos, ito ay dahil sa nawala niya ang kanyang patotoo at kailangan siyang magpunyagi upang mabawi itong muli. Ang patotoo ay hindi isang bagay na nasa iyo ngayon at nasa iyo palagi. Ang patotoo ay maaaring patuloy na magningning hanggang sa tiyak na kaliwanagan, o ito ay maaaring patuloy na mabawasan hanggang sa tuluyan nang mawala, depende sa kung ano ang gagawin natin tungkol dito. Masasabi ko, na ang patotoong inaangkin natin araw-araw ay ang bagay na magliligtas sa atin mula sa mga patibong ng kaaway.19
Paano nagiging angkla sa kaluluwa ang patotoo?
May pangyayari noong ministeryo ni [Cristo] kung saan taimtim na ipinahayag ng Kanyang punong apostol, si Pedro, ang kanyang patotoo at pananampalataya sa kabanalan ng misyon ng Guro: “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos.” Sumagot ang Panginoon kay Pedro sa pamamagitan ng paghahayag na, “ … hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit” at sa yaong “bato”—o sa madaling salita, ang ipinahayag na patotoo ng Espiritu Santo, ang paghahayag na si Jesus ay ang Cristo—ang Kanyang simbahan ay itinatag, at “ang tarangkahan ng impiyerno ay hindi papanig laban dito.” (Mateo16:16–18.)20
Parating na ang panahon at nakaharap na sa iyo ngayon … kung kailan maliban na kayo ay may tiyak na patotoo na ang mga bagay na ito [ang ebanghelyo, ang Simbahan, at iba pa] ay totoo ay hindi ninyo makakayang tiisin ang mga pagsubok na hahampas sa inyo at pipiliting muli na wasakin kayo mula sa mga pinagkakanlungan ninyo ngayon. Subalit kung nalalaman ninyo nang buong kaluluwa na ang mga bagay na ito ay totoo …, malalaman ninyo na si Jesus ang inyong Tagapagligtas at ang Diyos na inyong Ama; malalaman ninyo ang impluwensiya ng Espiritu Santo. Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na iyon magsisilbi kayong angkla laban sa lahat ng unos na hahampas sa inyong bahay, tulad ng inilarawan ng talinghaga ng Guro. Yaong nakikinig sa Kanyang mga salita at sumusunod sa Kanyang mga kautusan ay matutulad sa bahay na itinayo sa bato, at nang dumating ang unos at hinampas ng baha ang bahay na iyon at umihip ang hangin, hindi ito bumagsak, sapagkat nakatayo ito sa bato. “At ang bawat isang nakakarinig ng aking mga salitang ito, at hindi ginagawa, ay matutulad sa isang taong mangmang, na nagtayo ng kanyang bahay sa buhangin: At bumagsak ang ulan, at dumating ang baha, at umihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at ito ay bumagsak: at napakalakas ng kanyang pagbagsak” (Mateo 7:26–27).
Sinabi ng Guro, at sinasabi ko ito sa inyo ngayon, na ang mga ulan ng kapahamakan, ang mga ulan ng paghihirap, ang mga baha at hangin ng matitinding pagsubok ay hahampas sa bahay ng bawat isa sa inyo. Tutuksuhin kayo na magkasala, magkakaroon kayo ng paghihirap, may mga suliranin kayong haharapin sa buhay ninyo. Ang mga taong hindi babagsak kapag dumating ang mga pagsubok na iyon ay ang mga taong ang bahay ay nakatayo sa bato ng patotoo. Malalaman ninyo na anuman ang mangyari; hindi ninyo makakayang tumayo sa hiram na liwanag. Makatatayo lamang kayo sa liwanag na nasa inyo sa pamamagitan ng pagsaksi ng Espiritu na karapatan ninyong lahat na matanggap.21
Hindi sapat na sundin lamang nating mga Banal sa mga Huling Araw ang ating mga pinuno at tanggapin ang kanilang payo. Nasa atin ang mas malaking obligasyon na matamo para sa ating sarili ang di-natitinag na patotoo ng banal na pagkahirang ng mga taong ito at ang saksi na ang sinabi nila sa atin ay kalooban ng ating Ama sa Langit.22
Nagsasalita ako sa inyo ngayon bilang natatanging saksi na higit sa lahat ay may pananagutang ibahagi ang patotoong iyan. May mga lubos na personal na pangyayari kung kaya’t nalaman ko ito nang may katiyakan. Noong hinahangad ko ang Espiritu upang makapagbigay ng pananalita tungkol sa paksang Pasko ng Pagkabuhay, ang pagkabuhay na mag-uli ng Panginoon, nagkulong ako sa kuwarto, binasa ang apat na ebanghelyo, lalung-lalo na ang tungkol sa Pagpapako sa Krus, ang Pagkabuhay na Maguli, at may nangyari sa akin. Habang nagbabasa ako, para bang binubuhay kong muli, halos, ang mismong pangyayari, at hindi isang kuwento lamang. At pagkatapos ay ibinigay ko ang aking mensahe at nagpatotoo na ngayon, bilang isa sa pinakahamak sa aking mga kapatid, ako ay nagkaroon rin ng pansariling saksi sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoon at Guro. Bakit? Sapagkat may nag-aalab sa aking puso kung kaya nakapagsasalita ako nang may katiyakan at walang-alinlangan. Gayon din kayo. At ang lubos na nakasisiyang bagay sa buong sanlibutan, ang pinakamahusay na angkla sa inyong kaluluwa, sa oras ng kaguluhan, sa oras ng tukso, sa oras ng karamdaman, sa oras ng pag-aalinlangan, sa oras ng inyong mga pakikibaka at pagpupunyagi, [ay ang] malaman ninyo nang may katiyakang dadaig sa lahat ng pag-aalinlangan na ang Diyos ay buhay.23
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Bakit ang paghahayag mula sa Espiritu Santo “ang pinakamabisang saksi na mapapasainyo” na ang Tagapagligtas ay buhay?
-
Anong payo ang ibinigay ni Pangulong Lee tungkol sa kung paano makatatanggap ng patotoo ng ebanghelyo? Ano ang nakatulong sa inyo upang matanggap ang inyong patotoo?
-
Paano natin makikilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Lee nang sabihin niyang, “Ang patotoo ay kasing-ilap ng hamog; … kailangang lagi ninyo itong angkining muli at muli bawat umaga ng inyong buhay”?
-
Ano ang maaaring maging dahilan para mabawasan o mamatay ang ating mga patotoo? Ano ang dapat nating gawin upang ang liwanag ng ating mga patotoo ay “magningning hanggang sa tiyak na kaliwanagan”?
-
Sa sandaling magtamo tayo ng patotoo, paano natin matutulungan ang iba na palakasin ang kanilang mga patotoo?
-
Sa anu-anong paraan nagiging angkla sa ating mga kaluluwa sa oras ng kaguluhan ang kaalaman na buhay ang Diyos? Kailan pinagmumulan ng inyong ng lakas ang patotoo ninyo tungkol sa Tagapagligtas?