Kabanata 21
Pagsisikap na Maging Perpekto
Paano natin sisikaping tuparin ang kautusang “Kayo nga’y mangagpakasakdal”?
Pambungad
Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee ang kahalagahan ng sumusunod na halimbawa ng Tagapagligtas habang nagsisikap tayong maging perpekto:
“Naniniwala ako na hindi lamang bilang paghahambing ang inisip ng Guro nang sabihin niyang, ‘Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.’ [Mateo 5:48.] … Sa akala ba ninyo’y nagmumungkahi lamang ang Tagapagligtas ng mithiing di naman pala kayang abutin at sa gayo’y kukutyain tayo sa pagsisikap na mamuhay upang makamtan ang pagiging perpekto? Imposible para sa atin sa mortalidad na marating ang kalagayang iyon ng pagiging perpekto na binanggit ng Guro, subalit sa buhay na ito natin inilalatag ang pundasyon na pagbabatayan ng kawalang hanggan. Samakatuwid, kailangan nating tiyakin na ang ating pundasyon ay batay sa katotohanan, kabutihan at pananampalataya. Upang marating natin ang mithiing iyon kailangan nating tuparin ang mga kautusan ng Diyos at maging tapat hanggang sa huling sandali ng buhay natin dito, at magpatuloy sa kabilang buhay sa kabutihan at kaalaman hanggang sa maging katulad tayo ng ating Ama sa Langit. …
“…Itinuro [ni Apostol Pablo] ang landas na pinagmumulan ng pagiging perpekto. Sa pagsasalita tungkol kay Jesus, sinabi niya, ‘Bagama’t siya’y Anak, gayon may natuto ng pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis; at nang siya’y mapaging sakdal, ay siya ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan ng lahat na mga nagsisitalima sa kaniya.’ (Mga Hebreo 5:8–9.) …
“…Kung gayo’y huwag palampasin ang bawat araw nang hindi natin natututuhan mula sa dakilang aklat ng aralin na siyang buhay ni Cristo, ang kanyang landas tungo sa perpektong buhay at lumakad tayo doon patungo sa ating walang hanggang mithiin.”1
Mga Turo ni Harold B. Lee
Paano nakatutulong sa atin sa pagiging perpekto ang pagkaunawa sa bagay na wala sa atin?
[May] tatlong mahahalagang bagay na kailangan upang mabigyang-inspirasyon ang isang tao na mamuhay nang tulad ni Cristo—o, sa mas wastong salita ayon sa wika ng mga banal na kasulatan, mamuhay nang mas perpekto tulad ng pamumuhay ng Guro. Ang unang mahalagang bagay na aking babanggitin upang maging karapat-dapat ay: Kailangang mapukaw sa taong tuturuan o mamumuhay nang perpekto ang kabatiran sa kanyang mga pangangailangan.
Ang mayamang lalaking pinuno ay hindi kinailangang turuan ng pagsisisi na bunga ng pagpatay o kaya’y ng kaisipang pumatay. Hindi na siya kailangang turuan pa kung paano pagsisisihan ang pangangalunya, o pagnanakaw, pagsisinungaling, pandaraya, o pagkabigong igalang ang kanyang ina. Lahat ng ito sabi niya ay nasunod niya mula pa sa pagkabata; ngunit ang tanong ay, “Ano pa ang kulang sa akin?” [Tingnan sa Mateo 19:16–22.]
Napag-alaman lahat ng Guro, sa pamamagitan ng Kanyang matalas na pakiramdam at kapangyarihan ng isang Dakilang Guro, ang kalagayan ng lalaki: Ang kailangan niya at kakulangan ay ang mapaglabanan ang kanyang pagpapahalaga sa mga bagay ng mundo, ang tendensiya na magtiwala siya sa kayamanan. Pagkatapos ay ipinayo ni Jesus ang mabisang kalutasan: “Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.” (Mateo 19:21.)
Sa mahimalang pagbabalik-loob ni Apostol Pablo, nang pisikal siyang mabulag ng liwanag habang nasa daan patungong Damasco…, narinig niya ang isang tinig na nagsabi sa kanya: “Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig?” [Mga Gawa 9:4.] At mula sa kaibuturan ng kanyang abang kaluluwa ay dumating ang katanungan na laging itinatanong ng taong nakadarama na kailangan niya ang isang bagay: *Panginoon, ano po ang ipagagawa mo sa akin? [Mga Gawa 9:6.] …
Ikinuwento ni Enos na apo ni Lehi, ang pakikipagtunggali niya sa Diyos, bago siya nakatanggap ng kapatawaran ng kanyang mga kasalanan. Hindi sinabi sa atin kung ano ang mga kasalanan niya, ngunit makikitang malaya niyang ikinumpisal ang mga ito. At pagkatapos ay sinabi niya, “At ang aking kaluluwa ay nagutom. …” [Enos 1:4.] Nakita ninyo, ang kabatiran at damdaming iyon ng malaking pangangailangan, at ang pagsusuri ng kaluluwa, ang nagpakita sa kanya ng kanyang pangkukulang at pangangailangan.
Ang katangiang ito ng pagkadama sa pangangailangan ng isang tao ay ipinahiwatig sa dakilang Pangaral sa Bundok nang sabihin ng Guro na, “Mapapalad ang mga mapagpakumbabangloob: sapagka’t kanila ang kaharian ng langit.” (Mateo 5:3.) Mangyari pa ang ibig sabihin ng mapagpakumbabang-loob ay ang mga taong may espirituwal na pangangailangan, na nadaramang nanghihina sila sa espirituwal kung kaya naghahangad sila ng malaking tulong. …
Bawat isa sa atin, kung nais nating marating ang pagiging perpekto, ay kailangang itanong ito minsan sa ating sarili, “Ano pa ang kulang sa akin?” kung nais na nating simulan ang pag-akyat tungo sa landas ng pagiging perpekto. …
Paano tayo natutulungang maging perpekto ng pagkapanganak na muli?
Ang pangalawang mahalagang bagay sa pagiging perpekto na babanggitin ko’y matatagpuan sa pakikipag-uusap ng Guro kay Nicodemo. Nadama Niya habang papalapit sa Kanya si Nicodemo na naghahangad ito ng kasagutan sa itinanong na ng marami sa Kanya: “Ano ang kailangan kong gawin upang maligtas?” At sumagot ang Guro, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios.” Pagkatapos ay sinabi ni Nicodemo, “Paanong maipanganganak ang tao kung siya’y matanda na?…” Sumagot si Jesus, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya, makapapasok sa kaharian ng Dios.” (Juan 3:3–5.)
Ang tao’y kailangang “maipanganak na muli” upang marating niya ang pagiging perpekto, upang makita o makapasok siya sa kaharian ng Diyos. At paano ipanganganak muli ang isang tao? Iyan din ang tanong ni Enos. At natatandaan ba ninyo ang simpleng sagot: “Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo, na hindi mo pa kailanman narinig o nakita. At maraming taon ang lilipas bago niya ipakikita ang kanyang sarili sa laman; samakatwid humayo ka, ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo.” [Enos 1:8.]
Nakaupo kami sa opisina ni Brother Marion G. Romney isang araw nang pumasok ang isang binata. Naghahanda na siya sa pagpunta sa misyon, at kinapanayam na siya at ipinagtapat niya ang ilang kasalanan ng kanyang kabataan. Ngunit sinabi niya sa amin, “Hindi ako nasisiyahan sa pag-amin ko lamang. Paano ko malalaman na napatawad na ako?” Sa madaling salita, “Paano ko malalaman na naipanganak na akong muli?” Nadama niyang hindi siya makapagmimisyon sa kanyang katayuan sa kasalukuyan.
Habang nag-uusap kami, sinabi ni Brother Romney: “Anak, naaalaala mo pa ba ang sinabi ni Haring Benjamin? Nangangaral siya noon sa mga naantig ang puso dahil sa kanilang makamundong kalagayan, na mababa pa kaysa alabok ng lupa. At lahat sila’y sumigaw nang may iisang tinig, na nagsasabing: ‘O maawa, at gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang kami ay makatanggap ng kapatawaran ng aming mga kasalanan, at ang aming mga puso ay maging dalisay; sapagkat kami ay naniniwala kay Jesucristo, na Anak ng Diyos, na siyang lumikha ng langit at lupa, at lahat ng bagay; na siyang bababa sa mga anak ng tao. At ito ay nangyari na, na matapos na kanilang sabihin ang mga salitang ito, ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanila, at sila ay napuspos ng kagalakan, sa pagkatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at sa pagkakaroon ng katahimikan ng budhi dahil sa labis na pananampalataya nila kay Jesucristo. …’ ” (Mosias 4:2–3.)
Sinabi sa kanya ni Brother Romney, “Anak, maghintay ka at manalangin hanggang sa magkaroon ka ng katahimikan ng budhi dahil sa iyong pananampalataya sa pagbabayad-sala ni Jesucristo, at malalaman mo na napatawad na ang iyong mga kasalanan.” Maliban doon, tulad ng ipinaliwanag ni Elder Romney, ang ating kaluluwa ay maghihirap, at magpapagala-gala tayo sa dilim hanggang sa maipanganak tayong muli. …
Hindi kayo maaaring mamuhay nang tulad ni Cristo…kundi kayo ipanganganak na muli. Hindi kailanman magiging maligaya ang isang tao sa kinaroroonan ng Banal ng Israel kung wala ang paglilinis at pagdadalisay na ito. …
Paano tayo lubos na natutulungan na maging perpekto ng pamumuhay nang naaayon sa mga kautusan?
At sa huli ang pangatlong kailangan: ang tulungan ang nagaaral na malaman ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Ang espirituwal na katiyakang kailangan sa kaligtasan ay dapat pagsikapan muna ng indibiduwal sa abot ng kanyang makakaya. Ang biyaya, o ang libreng regalo ng kapangyarihan ng pagbabayad-sala ng Panginoon, ay kailangan munang kakitaan ng personal na pagsisikap. Sa pag-uulit sa sinabi ni Nephi, “naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.” [2 Nephi 25:23.] …
…Ngayon, [ito] ang isa sa mga kailangan kung mamumuhay kayo nang perpekto. Kailangang “magpasiya” ang tao na ipamumuhay niya ang mga kautusan.
Sinagot ng Guro ang tanong ng mga Judio kung paano sila makatitiyak na ang Kanyang misyon ay mula sa Diyos o kung Siya’y isa lamang tao na tulad rin nila. Sabi Niya: “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.” (Juan 7:17.)
Ang saksi ng katotohanan ay hindi kailanman darating sa taong marumi ang tabernakulo. Ang Espiritu ng Panginoon at karumihan ay hindi makapananahanan nang sabay sa isang tao. “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako.” (D at T 82:10.) “… Maliban sa kayo ay su-munod sa aking batas hindi ninyo matatamo ang kaluwalhatiang ito.” (D at T 132:21.) Paulit-ulit ang katotohanang iyan sa mga banal na kasulatan.
Sa isang banda ang lahat ng alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ay mga paanyaya lamang sa pagkatuto ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga itinuturo nito. Hindi malalaman ng sinumang tao ang alituntunin ng ikapu hangga’t hindi siya nagbabayad ng ikapu. Walang makaaalam sa alituntunin ng Salita ng Karunungan hangga’t hindi niya sinusunod ang Salita ng Karunungan. Hindi paniniwalaan ng mga bata o matatanda ang ikapu, ang Salita ng Karunungan, pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath, o panalangin kung makikinig lamang sa taong nagsasalita tungkol sa mga alituntuning ito. Natututuhan natin ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pamumuhay ayon dito. …
Hayaan ninyong bilang buod ay sabihin kong: Hindi natin talaga malalaman ang anumang turo ng ebanghelyo hangga’t hindi natin nararanasan ang mga pagpapalang nagmumula sa pamumuhay ng bawat alituntunin. May nagsabing, “ang mga turo mismo hinggil sa moralidad ay pahapyaw lamang ang bisa sa espiritu maliban na pagtibayin ito ng mga gawa.” Ang pinakamahalaga sa lahat ng kautusan ng ebanghelyo, sa iyo at sa akin, ay ang kautusan na sa sandaling ito’y nangangailangan ng pagsusuri ng kaluluwa ng bawat isa sa atin upang sumunod. Kailangang alamin ng bawat isa sa atin ang kani-kanyang mga pangangailangan at magsimula ngayon na paglabanan ito, sapagkat tanging kapag napaglabanan natin ito tayo mapagkakalooban ng lugar sa kaharian ng ating Ama.2
Paanong ang Lubos na Pagpapala “ang konstitusyon para sa perpektong buhay”?
Marahil ay nais ninyong malaman ang “mga hakbang” kung paano maisusunod ng isang tao ang kanyang buhay sa kabuuan na magpapagindapat sa kanya bilang mamamayan o “banal” sa kaharian ng Diyos. Ang pinakamainam na sagot ay matatagpuan sa pag-aaral ng buhay ni Jesus sa mga banal na kasulatan. … Si Cristo ay pumarito sa mundo hindi lamang upang gawin ang pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan kundi upang ipakita sa mundo ang halimbawa ng pamantayan ng pagiging perpekto ng batas ng Diyos at ng pagsunod sa Ama. Sa kanyang Sermon sa Bundok ay ibinigay sa atin ng Guro ang isang tila paghahayag ng kanyang sariling pagkatao, na perpekto,…at sa paggawa ng gayon ay binigyan tayo ng huwaran para sa ating sarling buhay. …
Sa walang kapantay na Sermon sa Bundok, binigyan tayo ni Jesus ng walong natatanging paraan kung paano tayo makatatanggap ng…kagalakan. Bawat isa sa kanyang pahayag ay nagsisimula sa salitang “Mapapalad.”… Ang mga pahayag na ito ng Guro ay kilala sa literatura ng daigdig ng Kristiyano bilang Lubos na Pagpapala. … Sa katunayan ay taglay ng mga ito ang konstitusyon para sa perpektong buhay.
Tingnan natin ang mga ito sandali. Apat sa mga ito ang may kinalaman sa ating sarili, sa personal nating pamumuhay, kung nais nating maging perpekto at matagpuan ang pagpapalang dulot ng kagalakan ng kalooban.
Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob.
Mapapalad ang nangahahapis.
Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran.
Mapapalad ang mga may malinis na puso. [Tingnan sa Mateo 5:3–4, 6, 8.]
Pagpapakumbabang-loob
Ang pagpapakumbabang-loob ay ang pagkadama na kayo mismo ay espirituwal na nangangailangan, laging umaasa sa Panginoon para sa inyong kasuotan, sa inyong pagkain at hangin na nilalanghap, sa inyong kalusugan, inyong buhay; batid na walang araw na lilipas nang walang taimtim na panalangin ng pasasalamat, para sa patnubay at kapatawaran at sapat na kalakasan para sa mga pangangailangan sa bawat araw. Kung mababatid ng kabataan ang kanyang espirituwal na pangangailangan, kapag nasa mapanganib na lugar kung saan ang buhay niya mismo ay nanganganib, siya’y makalalapit sa bukal ng katotohanan at mabibigyang-inspirasyon ng Espiritu ng Panginoon sa sandali ng pinakamalaking pagsubok sa kanyang buhay. Tunay na nakalulungkot para sa isang tao, na dahil sa yaman o natutuhan o makamundong paninindigan, ang isipin na kaya niyang magisa ang espirituwal na pangangailangang ito. [Ang pagpapakumbabang-loob] ang kabaligtaran ng kapalaluan o kayabangan. … Kung sa inyong kapakumbabaan ay madama ninyo ang inyong espirituwal na pangangailangan, kayo ay handa na para ampunin sa “Simbahan ng Panganay, at maging hinirang ng Diyos.” [Tingnan sa D at T 76:54; 84:34.]
Mahapis
Upang mahapis, tulad ng ituturo dito ng aral ng Guro, kailangang ipakita ng isang tao ang “pagkalumbay na ikapagsisisi” at makamtan ng taong nagsisi ang kapatawaran ng mga kasalanan at hindi na balikan pa ang mga gawain na dahilan ng kanyang pagkahapis. [Tingnan sa II Corinto 7:10.] Ito ay upang makita, tulad ni Apostol Pablo, ang “[kagalakan] sa ating mga kapighatian…: nalalamang ang kapighatian ay gumagawa ng katiyagaan; at ang katiyagaan, ng pagpapatunay; at ang pagpapatunay, ng pagasa.” (Mga Taga Roma 5:3–4.) Dapat kayo ay “nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan.” Dapat ay handa kayong makidalamhati sa mga nagdadalamhati at aliwin ang mga nangangailangan ng aliw. (Mosias 18:8–9.) Kapag ang isang ina ay nagdadalamhati sa kalungkutan para sa pagbabalik ng kanyang suwail na anak na babae, kayo sa pamamagitan ng awa ay dapat bawalan ang sinuman na maghanap ng kamalian. … Ang pakikidalamhati sa matatanda, sa balo at sa ulila ang dapat umakay sa inyo sa pagbibigay ng tulong na kailangan nila. Ibig sabihin, dapat kayong maging tulad ng publikano at hindi ng Fariseo. “Dios, ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan.” [Tingnan sa Lucas 18:10–13.] Ang gantimpala ninyo sa paggawa [nito] ay ang pagpapala ng kaaliwan sa inyong sariling kaluluwa sa pamamagitan ng kapatawaran ng inyong sariling mga kasalanan.
Magutom at mauhaw
Naranasan na ba ninyong magutom o mauhaw at maging ang kapirasong panis na tinapay o kahit sipsip lang ng maligamgam na tubig upang mapawi ang pagkagutom at pagkauhaw ay tila pinakamahalaga na sa lahat ng ari-arian? Kung naranasan na ninyo ang gayong pagkagutom ay masisimulan ninyong maunawaan ang ibig sabihin ng Guro na dapat tayong magutom at mauhaw sa katuwiran. Ang pagkagutom at pagkauhaw na iyon ang umaakay sa mga malayo sa tahanan na hangarin ang pakikipagkapatiran ng mga banal sa mga serbisyo ng sakramento at nanghihimok ng pagsamba sa Araw ng Panginoon saanman tayo naroon. Iyon ang nanghihikayat ng taimtim na panalangin at umaakay sa ating mga paa papunta sa mga banal na templo at nagsasabing maging mapitagan tayo doon. Ang taong nagpapanatiling banal sa Araw ng Sabbath ay mapupuspos ng walang katapusang kagalakan na dapat na higit na mithiin kaysa sa panandaliang kasiyahan na nagmumula sa mga gawaing salungat sa kautusan ng Diyos. Kung kayo’y magtatanong nang may “matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan…sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo,” at sa pamamagitan ng kapangyarihan nito, “malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.” (Moroni 10:4–5.) …
Maging malinis ang puso
Kung nais ninyong makita ang Diyos, kailangan ninyong maging malinis. … Ang ilan sa mga kasamahan ni Jesus ay nakita lamang siya bilang anak ni Jose na karpintero. Inakala ng iba na siya ay manginginom ng alak o lasenggo dahil sa kanyang mga salita. Ang iba pa’y nag-akalang sinasapian siya ng mga demonyo. Tanging ang mabubuti ang nakakita sa kanya bilang Anak ng Diyos. Tanging kapag malinis ang inyong puso ninyo makikita ang Diyos, at sa mas mababang antas ay makikita ninyo ang “Diyos” o ang kabutihan sa tao at mamahalin siya dahil sa kabutihan na nakikita ninyo sa kanya. Tandaan ninyong mabuti ang taong pumupuna at kumukutya sa tao ng Diyos o sa hinirang na mga pinuno ng Panginoon sa kanyang Simbahan. Ang gayong tao ay nagsasalita nang may maruming puso.
Ngunit upang makapasok sa Kaharian ng Langit hindi lamang tayo dapat maging mabuti kundi kailangan nating gumawa ng kabutihan sa mundo at maging mabuti sa isang bagay. Kaya kung araw-araw kayong lalakad tungo sa layunin ng pagiging perpekto at kabuuan ng buhay, dapat maituro sa inyo ang natitirang apat na “artikulo” sa Konstitusyon ng Guro para sa perpektong buhay. Ang mga lubos na pagpapalang ito ay may kaugnayan sa pakikitungo ng tao sa iba:
Mapapalad ang maaamo.
Mapapalad ang mga mahabagin.
Mapapalad ang mga mapagpayapa.
Mapapalad ang mga pinaguusig. [Tingnan sa Mateo 5:5, 7, 9–10.]
Maging maamo
Ang ibig sabihin ng taong maamo ay taong hindi madaling magalit o mainis at mapagtiis kapag dumanas ng pinsala o pagkabagot. Ang kaamuan ay hindi kasing-kahulugan ng kahinaan. Ang maamong tao ang matatag, ang malakas, ang taong may lubos na pagpipigil sa sarili. Siya ang taong may lakas ng loob mula sa kanyang paniniwala, sa kabila ng pamimilit ng barkada o ng samahan. Sa kontrobersiya, ang kanyang paghatol ang huling pasiya sa isang bagay at ang kanyang mahinahong payo ang sumusugpo sa karahasan ng mga mandurumog. Hindi matayog ang kanyang kaisipan; hindi siya mapagmayabang. “Siyang makupad sa pagkagalit ay maigi kay sa makapangyarihan.” (Mga Kawikaan 16:32.) Siya’y likas na pinuno at pinili ng hukbong sandatahan at hukbong pandagat, ng negosyo at simbahan upang mamuno kung saan susunod ang ibang tao. Siya ang “asin” ng lupa at mamanahin nila ito.
Maging mahabagin
Ang ating kaligtasan ay nakasalalay sa habag na ipinakikita natin sa iba. Ang malulupit at walang-habag mapapait na pananalita, o mga walang kawawaang kilos ng kalupitan sa tao o hayop, bagama’t tila pagganti lamang, ay hindi nagpapagindapat sa nagpasimuno sa paghingi niya ng awa kapag nangailangan na siya ng habag sa araw ng paghatol sa harapan ng makalupa at makalangit na hukuman. Mayroon bang sinumang hindi nasaktan ng paninirang-puri ng isang tao na inakala niyang kaibigan niya? Naalaala ba ninyo ang pakikibaka ninyo upang maiwasan ang paghihiganti? Mapapalad kayong lahat na mahabagin dahil makatatanggap kayo ng pagkahabag!
Maging mapagpayapa
Ang mga tagapamayapa ay tatawaging mga anak ng Diyos. Ang mga pinagmumulan ng gulo, ang kumakalaban sa batas at kaayusan, ang pinuno ng mandurumog, ang lumalabag sa batas ay nauudyukan ng masamang layunin at kung hindi sila titigil ay makikilala sila bilang mga anak ni Satanas sa halip na sa Diyos. Lumayo kayo sa nagiging sanhi ng mga pag-aalinlangan sa pamamagitan ng pagwawalang-bahala sa mga sagradong bagay dahil hindi kapayapaan ang hangad niya kundi ang palaganapin ang kalituhan. Ang taong iyon ay palaaway o mahilig makipagtalo, at ang pakikipagtalo ay para sa ibang kadahilanan sa halip na palitawin ang katotohanan, ay lumalabag sa pangunahing alituntunin na inilatag ng Guro na mahalaga sa pagkakaroon ng masaganang buhay. “At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan” ang awit ng anghel na nagbalita sa pagsilang ng Prinsipe ng Kapayapaan. [Tingnan sa Lucas 2:14.] …
Magbata ng pag-uusig nang dahil sa katuwiran
Ang usigin nang dahil sa katuwiran sa layunin na kung saan ang katotohanan at kabutihan at karangalan ay nalalagay sa panganib ay katangiang tulad ng sa Diyos. Palaging mayroong mga martir sa bawat dakilang layunin. Ang malaking pinsala na maaaring magmula sa pag-uusig ay hindi mula sa pag-uusig mismo kundi mula sa posibleng ibunga nito sa taong pinag-uusig na sa gayong paraan ay maaaring mahadlangan sa kanilang sigasig para sa kabutihan ng kanilang layunin. Karamihan sa pag-uusig na iyon ay mula sa kakulangan ng pang-unawa, dahil ang tao ay malamang na sumalungat sa hindi nila nauunawaan. Ang ilan ay nagmumula sa mga taong masama ang layunin. Ngunit saan man ito manggaling, ang pag-uusig ay tila pangkalahatan laban sa mga gumagawa nang mabuti kung kaya binalaan tayo ng Guro na, “Sa aba ninyo, pagka ang lahat ng mga tao ay mangagsalita ng magaling tungkol sa inyo! Sapagkat sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga bulaang propeta.” (Lucas 6:26.)
…Tandaan ang babalang iyon kapag kayo’y sinusutsutan at nililibak dahil tumanggi kayong ibaba ang inyong pamantayan sa hindi paggamit ng alkohol, tabako, tsaa, o kape, katapatan at moralidad upang matanggap ang papuri ng mga tao. Kung maninindigan kayong mabuti para sa tama sa kabila ng panlilibak ng mga tao o maging ng pisikal na karahasan, kayo’y puputungan ng korona ng pagpapala ng walang hanggang kagalakan. Posible bang sa ating panahon ang ilan sa mga banal o maging ang mga apostol, tulad noong sinauna, ay muling hilingang ibuwis ang kanilang buhay sa pagtatanggol ng katotohanan? Kung darating ang pagkakataong iyan itutulot ng Diyos na sila’y hindi mabibigo!
Unti-unti habang may panalangin nating pinagninilay-nilayan ang lahat ng turong ito, magagawa natin ang maituturing ng ilan na kagila-gilalas na pagkatuklas na sa kabila ng lahat, ang sukatan ng Diyos sa ating kahalagahan sa kanyang kaharian ay hindi ang mataas na katungkulan natin sa kalipunan ng mga tao ni sa kanyang Simbahan, ni ang mga karangalan na ating napanalunan, kundi sa halip ang ating naging pamumuhay at ang kabutihang ating nagawa, batay sa “Konstitusyon para sa Perpektong Pamumuhay” na inihayag sa buhay ng Anak ng Diyos.
Nawa’y gawin ninyong Konstitusyon ng inyong sariling buhay ang mga Lubos na Pagpapala at sa gayon ay tanggapin ang pagpapalang ipinangako sa mga ito.3
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Paano tayo matututo araw-araw mula sa “dakilang aklat ng aral” ng buhay ni Cristo?
-
Habang sinisikap nating maging katulad ni Cristo, bakit mahalagang madalas nating tanungin ang ating sarili kung ano pa ang kulang sa atin?
-
Anu-anong karanasan ang nakatulong sa inyo upang maunawaan na matututuhan natin ang mga aral ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pamumuhay ng mga ito?
-
Kapag natanto nating nakaasa tayo sa Panginoon sa lahat ng mga pagpapala sa ating buhay, paano maaapektuhan ang ating pag-uugali at kilos?
-
Ano ang ilan sa mga kahulugan ng pahayag na, “Mapapalad ang nangahahapis”?
-
Paano pinaparam ng pagmamahal sa mga makamundong bagay ang ating pagkagutom at pagkauhaw sa mga espirituwal na bagay?
-
Paano nakatutulong sa atin ang kalinisan ng puso upang makita ang kabutihan ng iba?
-
Paano tayo tinutulungang maging malakas ng kababaang-loob?
-
Sa paanong mga paraan tayo makapagpapakita ng habag sa iba sa ating pang-araw-araw na buhay?