Kabanata 24
Ligtas na Nakauwi sa Waka
Nasa ligtas ba tayong landas patungo sa ating walang hanggang tahanan at buhay sa piling ng Ama?
Pambungad
Sa kabuuan ng kanyang ministeryo, binigyang-diin ni Harold B. Lee ang turong ito: “Ang bagay na pinagsisikapan natin ay ang panatilihin ang ating sarili at mamuhay nang nararapat upang balanga-raw ay makabalik tayo sa Diyos na nagbigay sa atin ng buhay—pabalik sa piling ng walang hanggang Ama sa Langit.”1
Paggunita pa niya: “May nabasa ako kamakailan na isang lathalain na isinulat ng isang tanyag na manunulat sa pahayagan na nagpaliwanag kung paano siya nakipag-ayos para sa makabuluhang pag-uusap sa ilang tao na nais niyang makapanayam. Nagtanong siya ng tulad nito: ‘Maaari ba ninyong sabihin sa akin ang nais ninyong maisulat sa inyong lapida?’ Iniulat niya na marami ang sumasagot ng tulad ng ‘magsaya ka,’ ‘nagpunta sa isa pang pulong,’ at marami pang iba. Pagkatapos ay tinanong ang manunulat kung ano ang nais niyang maisulat sa kanyang lapida. Tahimik at buong-puso siyang sumagot, ‘Ligtas na nakauwi, sa wakas.’
“Kapag nakintal na sa ating isipan ang buong kahalagahan ng pangungusap na ito, maaari din nating itanong sa ating sarili, ‘Pagkatapos ng lahat, ano nga ba ang kabuluhan ng buhay, at ano ang aasahan natin sa kabilang buhay, kung naniniwala tayo, tulad ngayon, sa kabilang buhay?’ Halos lahat, ano man ang kanyang pananampalataya, ay umaasam sa buhay sa hinaharap na maaaring ilarawan sa iba’t ibang paraan. Kung tama ang palagay ko, kung gayon, nanaisin nating lahat na maisulat sa ating mga lapida, bilang pahimakas ng ginawa natin sa buhay, na tayo’y ‘ligtas na nakauwi, sa wakas.’ ”2
Mga Turo ni Harold B. Lee
Ano ang layunin ng ating mortal na buhay?
Ano ang layunin ng buhay…? Ang tanging sagot ay matatagpuan sa isang banal na kasulatan na naghahayag sa layunin ng Diyos sa pagbibigay ng buhay sa lahat, at ang layuning iyon ay ipinaliwanag sa isang paghahayag sa propetang si Moises: “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” [Moises 1:39.] Kung ang isang tao ay hihinga sandali sa mortal na buhay at pagkatapos ay babawian na ng buhay, o kaya’y mabuhay siya na kasing tanda ng punongkahoy, ang layunin ng ating Ama ay naisakatuparan na rin kung ang pag-uusapan ay ang pagkakaroon ng kawalang-kamatayan. At ang tinatawag na buhay na walang hanggan ay ang mamuhay ang isang tao upang, sa pamamagitan ng kanyang pamumuhay, siya’y maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos Ama at ng Anak.3
Ang tao sa daigdig ng mga espiritu ay anak ng Maykapal. Ang mundo ay nilikha at binuo upang maging tirahan ng mga espiritung isinilang sa langit sa mga mortal na katawan nang sa gayo’y “[subukin] sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.” [Tingnan sa Abraham 3:25.] Ang layunin ng Diyos sa paggawa ng gayon ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” o, sa madaling salita, bilang bunga ng matagumpay na mortal na buhay, ibalik ang bawat kaluluwa sa piling ng “Diyos na sa kanila ay nagbigay-buhay.” Sa pamamagitan ng nabuhay na mag-uling katawan na hindi na sasailalim sa kamatayan at sa gayo’y naging perpekto, mamumuhay sila nang walang hanggan sa piling ng Panginoon na ating Guro at Ama nating lahat.4
Isinalaysay ni [Pangulong George F. Richards] ang kuwento tungkol sa isang binata na matindi ang paghahangad na makapag-aral. Hindi siya mapag-aral ng kanyang mga magulang sa kolehiyo, kung kaya nagpunta siya sa kolehiyo sa lungsod, at matapos ang masigasig na pagtatanong nakakita siya ng lugar [kung saan] siya makapangungupahan. Sa huli ay binigyan siya ng trabaho ng isa sa mga propesor sa kolehiyo. Pinagsibak siya ng kahoy para maipambayad sa kanyang matrikula. Ang iba naman, nang malaman ang kanyang tagumpay bilang tagasibak ng kahoy, ay kinuha siya upang magsibak din ng kahoy para sa kanila. Di nagtagal ay natuklasan niyang wala na siyang panahon para pumasok sa kolehiyo, at nasiyahan na siya sa kanyang tagumpay bilang tagasibak ng kahoy.
Isinasagisag nito ang kalagayan ng marami sa atin. Naparito tayo sa mundo dahil sa isang partikular na layunin—ang isakatuparan ang ating sariling kaligtasan, o sa madaling salita, maghanda para sa darating na buhay, na walang katapusan. Tila nalilimutan ng ilan sa atin ang layunin natin noon, at nasisiyahan na sa ating paghahanap ng kayamanan at katanyagan na ibinibigay ng buhay, sa madaling salita, nasisiyahan na lamang sa “pagsisibak ng kahoy.”5
Nawa tayo na may patototo [kay Jesus]…ay buong-pusong manawagan sa ating Ama: “[Panginoon,] salitain sa [akin] ang dapat [kong] gawin.” [Mga Gawa 9:6.]
At kung mananalangin tayo nang buong katapatan at may pananampalataya, babalik sa atin mula sa mga banal na kasulatan ang sagot sa mapanalanging pagtatanong na iyon. Ang sagot ay paulit-ulit na dumarating, tuwi-tuwina, na ang lahat ng ating ginagawa ay dapat gawin “na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.” [D at T 82:19.] Ano ang kaluwalhatian ng Diyos? Sinabi ng Panginoon kay Moises na:
“…ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” (Mahalagang Perlas, Moises 1:39.)
Taglay ang layuning iyan, na tinitiyak na ang bawat kilos sa ating buhay, ang bawat pagpapasiyang ating ginagawa ay naaayon sa pag-unlad ng buhay na magpapahintulot sa ating makapasok sa kinaroroonan ng Panginoon na ating Ama sa Langit, at ang pagkakamit ng gayon ay pagkakamit ng buhay na walang hanggan, gaano pa nga bang karunungan ang matatagpuan sa maraming bagay ng buhay.6
Mula sa mga banal na kasulatan, mula sa mga isinulat ng mga inspiradong pinuno ng Simbahan, at mula sa mga sekular na komentaryo, ang buhay na walang hanggan ay maaaring ipakahulugan bilang buhay sa piling ng mga walang-hanggang Nilalang, ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Upang paikliin ang kahulugang iyon, maaari nating sabihin na ang buhay na walang hanggan ay ang buhay ng Diyos. …
Ang makamtan sa dakong huli ang selestiyal na kahusayang ito ang siyang dapat patuloy na hangarin ng lahat ng mortal na nilalang.7
Handa na ba tayong humarap sa hukumang-luklukan ng Diyos?
Bawat isa sa inyo…ay kailangang humarap sa “hukumang-luklukan ng Banal ng Israel…at kailangang hatulan alinsunod sa banal na paghuhukom ng Diyos.” (2 Nephi 9:15.) At sang-ayon sa pangitain ni Juan, “At nangabuksan ang mga aklat; at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.” (Apoc. 20:12.) Ang “mga aklat” na binanggit ay tumutukoy sa “mga talaang [ng inyong mga gawa] iningatan sa lupa. … Ang aklat na siyang aklat ng buhay ang talaang iningatan sa langit.” (D at T 128:7.) Kayong mga namuhay nang matwid at namatay nang hindi nagiging alipin ng kasalanan, o tunay na nakapagsisi ng inyong mga kasalanan, ay makapapasok sa “kapahingahan ng Panginoon,” kung aling kapahingahan “ay kaganapan ng kaluwalhatian ng Panginoon.” [Tingnan sa D at T 84:24.]8
Sinabihan tayo mula sa mga inspiradong panulat na “ang ating mga salita ang hahatol sa atin (o magpapadakila sa atin), …[ang] ating mga gawa ang hahatol sa atin (o mag-aangat sa atin)…[tingnan sa Alma 12:14], kapag dinala na tayo sa harapan ng Dakilang Hukom nating lahat, nawa’y upang tumanggap ng mga papuri ng Guro: “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin.” [Mateo 25:21.] Salungat sa karaniwang konsepto ng mga tagasunod ng relihiyon, na ang Apostol Pedro ang tanod sa pintuan tungo sa buhay pagkatapos nito, sinabihan tayo na “ang Banal ng Israel ang tanod sa pasukan; at wala siyang inuupahang tagapaglingkod doon.” (2 Nephi 9:41.)9
Ang pinakamatinding impiyerno na maaaring danasin ng isang tao ay ang pag-aapoy ng konsiyensiya ng isang tao. Sinasabi ng mga banal na kasulatan na hahatulan siya ng kanyang konsiyensiya, magkakaroon siya ng malinaw na alaala ng kanyang buong buhay (tingnan sa Alma 12:14; 11:43). Matatandaan ninyo na sa mga banal na kasulatan ay binabanggit ang tungkol sa aklat ng buhay ng Cordero, na talaan ng buhay ng tao na iningatan sa langit. … Ang tao ay hahatulan batay sa mga talaan na naglalaman ng kanilang buhay. (Tingnan sa D at T 128:6–7.) Ngayon, kapag di natin nakamtan ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatian at nabatid na ang nawala sa atin, magkakaroon ng pag-aapoy ng konsiyensiya na mas matindi pa kaysa anumang uri ng pisikal na apoy na sa palagay ko’y daranasin ng tao.10
Sa pagdaraan natin sa mga pintuan ng kamatayan…sasabihin Niya sa atin, “Tinaglay ninyo ang aking pangalan. Ano ang ginawa ninyo sa aking pangalan? Nagdulot ba kayo ng kahihiyan sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, bilang miyembro ng aking simbahan?” Isipin ninyo ang pagsimangot, isipin ang pag-iling ng Kanyang ulo at pagtalikod at paglakad palayo. … Ngunit isipin naman na kapag nakita natin Siya ay may maliwanag na ngiti sa Kanyang mukha. Yayakapin Niya tayo at sasabihin sa ating, “Anak ko, naging matapat ka sa mundo. Napanatili mo ang pananampalataya. Natapos mo ang iyong gawain. Mayroong koronang inihanda para sa isang tulad mo sa aking kaharian.” [Tingnan sa II Timoteo 4:7–8.] Wala akong maisip na iba pang lubos na kaligayahan sa buong mundo na hihigit pa sa gayong uri ng pagtanggap sa piling ng Makapangyarihan, sa daigdig na darating.11
Paano tayo naghahanda sa pagharap sa Panginoon?
Binigyan tayo ng Panginoon ng ilan pang araw o ilan pang buwan o ilan pang taon sa paglipas ng panahon—hindi mahalaga kung gaano katagal—dahil sa pagbibigay-sulit sa Makapangyarihan, ang bawat araw ng paghahanda ay mahalaga. Sinabi ng isang propeta, “Ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain. … Sapagkat masdan, kung inyong ipagpapaliban ang araw ng inyong pagsisisi magpahanggang sa kamatayan, …[ang] diyablo ay may buong kapangyarihan sa inyo.” (Alma 34:32, 35.)12
Kailangan nating tandaan na hindi gaanong malaki ang pagkakaiba kung maaga man tayong mamatay o kaya’y sa kalagitnaan ng buhay, ang pinakamahalaga ay hindi ang kailan tayo mamamatay, kundi ang kung gaano tayo kahanda kapag tayo’y namatay. Ito ang araw ng paghahanda para sa mga tao upang maghandang humarap sa kanilang Diyos. Tunay na dakila at maawain Siya sa pagbibigay sa atin ng panahon ng pagsubok kung saan dapat ginagawang perpekto ng tao ang kanyang sarili.13
Ngayon ang araw para simulan nating suriin ang ating kaluluwa. Natuklasan na ba ninyo kung alin ang pinakamahalaga sa lahat ng mga kautusan sa inyo ngayon?… Sisimulan ba ninyong sundin ito ngayon? O maghihintay kayo hanggang sa mahuli na ang lahat? Sabi ng batang lalaki, “Kapag malaki na ako, doon ko gagawin ang ganito at ganyan.” At ano iyon? Kapag binata na siya,… sasabihin niyang, “Kapag nag-asawa na ako, gagawin ko ang ganito at ganyan.” At kapag nakapag-asawa na siya, magbabago nang lahat, at “Kapag nagretiro na ako.” At matapos siyang magretiro, may malamig na hanging iihip sa kanya at bigla ay huli na nang malaman niyang nawala nang lahat sa kanya. At huli na ang lahat. Bagama’t sa buong buhay niya ay nasa kanya ang lahat ng pagkakataon. Hindi nga lamang niya sinamantala ito. Ngayon, ito ang araw para magsimula tayong gumawa ng hakbang, bago mahuli ang lahat.14
[Naalaala ko] ang isang kuwentong nangyari sa mga Isla ng Hawaii noong nakaraang tag-init tungkol sa isang batang babae na nagsama ng kaibigan sa kanyang tahanan. Naglalaro sila habang ginugugol ng lola sa tahanan ang kanyang oras sa pagbabasa ng Biblia. Sa tuwing pupunta ang kapitbahay na batang babae, ang lola ay nagbabasa ng Biblia, at sinabi niya sa huli, sa maliit na apo, “Bakit gumugugol ng maraming oras ang lola mo sa pagbabasa ng Biblia?” At sumagot ang maliit na apo, “Kasi, naghahabol si Lola para sa huling pagsusulit.”
Mangyari pa, hindi din naman siya mali. At palagay ko mas makabubuti kung iisipin nating lahat ang kahalagahan ng paghahabol para sa huling pagsusulit.15
Gaano katagal ninyo ipinagpaliban ang araw ng pagsisisi para inyong sariling mga pagkakamali? Ang kahatulang matatanggap natin ay sa harap ng Matwid na Hukom na magsasaalang-alang sa ating mga kakayahan at limitasyon, sa ating mga oportunidad at ating mga kapansanan. Ang taong nagkakasala at nagsisisi at pagkatapos ay pinupuspos ang kanyang buhay nang may layuning pagsisikap ay hindi gaanong mawawalan sa araw na iyon ng matwid na kahatulan. Di tulad ng taong bagama’t hindi nagkakasala nang mabigat, ay nabibigong tunay sa hindi paggawa ng bagay na kaya niya at may pagkakataong gumawa ngunit ayaw niyang gawin iyon.16
Habang nakaupo tayo ngayon, na pinag-iisipang mabuti ang ating buhay, at halimbawang may mangyari sa paglisan natin sa kongregasyong ito, at tumigil ang ating buhay. Mayroon bang hindi pa natapos na gawain na kailangan pa ninyong gawin bago dumating ang sandaling iyon sa inyo?… May mga pagkakamali ba kayong dapat ituwid bago dumating ang sandaling iyon? May mga kamag-anak ba kayo sa kabila na naghihintay sa inyo na ipagkakapuri ninyong makilala kung gagawin ninyo ang ilang bagay na di-natapos na kailangan ninyong gawin ngayon? Handa ba kayong makaharap ang mga kamag-anak doon sa kabila, matapos gawin ang lahat sa abot ng inyong makakaya para sa kanilang kaligayahan sa hinaharap? May mga kasalanan ba kayong dapat pagsisihan bago kayo magbalik sa Kanya na nagbigay sa inyo ng buhay?17
Dito at ngayon sa mortalidad, bawat isa sa atin ay nagkakaroon ng pagkakataong piliin ang uri ng mga batas na gugustuhin nating sundin. Ipinamumuhay at sinusunod na natin ngayon ang mga selestiyal na batas na magpapahintulot sa ating maging mga kandidato para sa selestiyal na kaluwalhatian, o kaya naman ay ipinamumuhay natin ang mga terestriyal na batas na magpapahintulot sa ating maging mga kandidato para sa terestriyal na kaluwalhatian, o telestiyal na batas. Ang lugar na ating kalalagyan sa mga daigdig na walang hanggan ay mababatay sa pagsunod natin sa mga batas ng iba’t ibang kahariang ito habang narito tayo sa mortalidad sa mundong ito.18
Paano kayo maghahanda sa pagharap sa Panginoon?… Sinabi ng Panginoon, “Samakatwid, pabanalin ang inyong sarili upang ang inyong mga isipan ay matuon sa Diyos, at darating ang mga araw na inyo siyang makikita; sapagkat kanyang aalisin ang tabing ng kanyang mukha sa inyo, at iyon ay sa kanyang sariling panahon, at sa kanyang sariling pamamaraan, at alinsunod sa kanyang sariling kalooban.” (D at T 88:68.) Narito ang pormula na ibinigay niya sa atin sa isang paghahayag…, “Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon: Ito ay mangyayari na ang bawat kaluluwa na tatalikod sa kanyang mga kasalanan at lalapit sa akin, at mananawagan sa aking pangalan, at susunod sa aking tinig, at susunod sa aking mga kautusan, ay makikita ang aking mukha at malalaman na ako na nga.” [D at T 93:1.]19
Ano ang gantimpala sa taong namumuhay “nang karapatdapat sa patotoo na buhay ang Diyos at si Jesus ang Cristo”?
Ang langit, tulad ng karaniwang naiisip natin dito, ay ang tahanan ng mabubuti, matapos nilang lisanin ang buhay sa mundong ito, at ang lugar kung saan nakatira ang Diyos at si Cristo. Ito ang sinabi ni Apostol Pablo tungkol sa masayang kalagayan na ito, “Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya” (I Corinto 2:9).20
Ang tagumpay ay maraming bagay sa maraming tao, ngunit sa bawat anak ng Diyos ito ang pagmamana sa dakong huli ng kanyang kinaroroonan at doo’y maging maginhawa sa piling niya.21
Isa lang naman ang layunin kung pag-uusapan ang gawain ng ating Ama, at ito ay sa wakas, kapag natapos na natin ang ating gawain dito sa mundo, maging ito ma’y sandali o matagal na panahon, ay mapagtagumpayan din natin ang daigdig at magkaroon ng karapatan sa lugar na tinatawag na Kahariang Selestiyal.22
Ang taong namumuhay…nang karapat-dapat sa patotoo na buhay ang Diyos at si Jesus ang Cristo, at handang lumapit sa Kanya at palaging nagtatanong upang malaman kung inaprubahan ang kanyang landas, ay ang taong namumuhay nang may lubos na kasaganaan dito at naghahanda para sa kahariang selestiyal, na ibig sabihi’y mamuhay nang walang hanggan sa piling ng kanyang Ama sa Langit.23
Hayaan ninyong paalalahanan ko kayo na pag-isipang mabuti ang kahanga-hangang pangako ng Panginoon sa lahat ng matatapat:
“At kung ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag, at walang magiging kadiliman sa inyo; at yaong katawan na puno ng liwanag ay nakauunawa sa lahat ng bagay.” (D at T 88:67.)
Na ang bawat isa na naghahangad ng gayon ay magkaroon sa kanyang sarili ng di-natitinag na patotoo na maglalagay sa kanyang mga paa sa tiyak na landas na tiyak na patungo sa maluwalhating layunin ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ang siyang aba kong dalangin.24
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Sa paanong paraan tayo katulad kung minsan ng binatang nagsisibak ng kahoy?
-
Ano ang makatutulong sa atin upang araw-araw na maituon ang pansin natin sa layuning makabalik nang ligtas sa ating Ama sa Langit?
-
Sa anu-anong paraan ninyo pinipili sa ngayon ang lugar na inyong kalalagyan sa mga daigdig na walang hanggan? Ano ang mga ibubunga ng pagpapaliban ng inyong paghahanda na makaharap sa hukumang-luklukan ng Diyos?
-
Ano ang maaari nating gawin sa isa pang araw na mula sa Diyos?
-
Ano ang ibig sabihin ng mamuhay na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos? (Tingnan sa D at T 88:67–68.)
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng taglayin sa inyong sarili ang pangalan ng Panginoong Jesucristo? Ano ang maaari nating gawin upang igalang ang Kanyang pangalan?
-
Ano ang naituro sa inyo ng inyong pag-aaral ng mga turo ni Pangulong Harold B. Lee tungkol sa kung paano makababalik nang ligtas sa inyong Diyos?