Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 17: Pagbabahagi ng Ebanghelyo


Kabanata 17

Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Paano natin magagampanan ang responsibilidad na ibinigay sa atin ng Diyos na ibahagi ang ebanghelyo sa iba?

Pambungad

Paminsan-minsan si Elder Gordon B. Hinckley, ng Korum ng Labindalawa, at ang kanyang asawang si Marjorie ay naglalakbay na kasama nina Pangulo at Sister Harold B. Lee. “Sumama kami sa dalawang magkahiwalay na okasyon kina Pangulo at Sister Lee sa England, Germany, Austria, Italy, Greece, at sa Banal na Lupain, kung saan nakipagkita kami sa mga misyonero, miyembro, kabataan at sundalo,” sabi ni Sister Hinckley. “Wala na marahil na mas magigiliw, mas magagalang, at mas mababait na kasama sa paglalakbay.”

“Nasa England kami isang araw ng Linggo. Abala kami nang araw na iyon: dalawang sesyon ng komperensiya at isang fireside sa gabi. Nang makabalik kami sa hotel dakong alas 9:30, pagod na pagod at gutom na kami. Nagpunta kami sa kainan ng hotel para may makain kahit kaunti. Tapos na ang maghapon—makapagpapahinga na kami. Kahit paano iyon ang nasa isip ko. Kasunod niyo’y nakita ko na lamang ang serbidora na hawak ang lapis upang isulat ang aming order na pagkain. Tiningnan siya ni Pangulong Lee at nagsabing, ‘Anong simbahan ang kinabibilangan mo?’ Hindi pa tapos ang araw para sa kanya. Sinimulan niya ang pagtuturo. Bago matapos kumain nalaman niya ang lahat tungkol sa babaing ito. Patay na ang kanyang asawa at nalulungkot at natatakot siya. Nangako siyang makikipagkita sa mga misyonero at mag-aaral pa. Napakagandang makita na isinasagawa ng pangulo ng Simbahan ang ipinangaral niya nang araw na iyon. Nang malaman ng serbidora (na marahil ay tatlumpu’t limang taong-gulang) na ang lalaking kausap niya’y ang pangulo, ang propeta, tagakita, at tagahayag ng Simbahan ni Jesucristo, hindi siya makapaniwala na makikihalubilo ang gayong tao sa taong tulad niya. Naantig siya nang labis.”1

Tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, sinabi ni Pangulong Lee na, “Nawa’y [matanto] natin na responsibilidad ito na ibinigay ng Panginoon sa kanyang Simbahan sa bawat dispensasyon,… upang ituro ang ebanghelyo sa lahat ng nilalang nang sa gayo’y walang maidahilan ang bawat isa sa araw ng paghuhukom, at lahat ay matubos mula sa Pagkahulog at maibalik sa kinaroroonan ng Panginoon.2

Mga Turo ni Harold B. Lee

Bakit mahalagang ibahagi natin ang ebanghelyo sa iba?

Iniingatan natin ang ating patotoo sa pamamagitan ng pamumuhay, pananalangin at pagiging aktibo sa simbahan at sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Doon pa lamang mapapasaatin ang gumagabay na Espiritu, isa sa pinakamahalagang pag-aari na maaaring makamtan ng miyembro ng simbahan.

Sa pamamagitan ng patotoong ito, responsibilidad nating lahat na malaman ang ating tungkulin na magbigay patotoo sa banal na misyon ng Panginoon sa tuwing magkakaroon tayo ng pagkakataon. Kung gagawin natin, maraming pagkakataon upang ituro ang ebanghelyo, araw-araw at oras-oras, saan man tayo naroon. Kung nabuhay tayo para dito, kung naghanda tayo para dito at hangad natin ito, ipagkakaloob sa atin ng gumagabay na Espiritu ang kakayahan na magturo. Tandaan, ang mga salita ay salita lamang, sa pagtuturo ng ebanghelyo, maliban kung lakip nito ang Espiritu ng Panginoon. …

Responsibilidad natin ang ihatid sa daigdig ang mensahe ng katotohanan, ang ipakita sa daigdig na sa mga turo lamang ng ebanghelyo ni Jesucristo matatagpuan ang mga kalutasan sa bawat problema na dinaranas ng sangkatauhan.3

Dapat nating tanggapin ang bawat pagkakataon na ihatid ang kaalaman ng ebanghelyo sa iba—sa kasama nating mga diaktibong miyembro ng Simbahan, sa ating mga kaibigang di miyembro na nasa kolehiyo, serbisyo-militar, at negosyo, sa ating mga kapitbahay at kaibigan.

Ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na ito sa Propeta: “Sapagkat marami pa sa mundo sa lahat ng pangkat, grupo, at sekta, na binubulag ng pandaraya ng mga tao, kung saan sila ay naghihintay upang manlinlang, at na napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.” (D at T 123:12.)4

Wala nang tinig na mas mainit ang pagtanggap sa matatapat ang puso kaysa sa tinig ng tunay na sugo na nangangaral ng ebanghelyo ni Jesucristo.5

Magugunita ninyong sinabi sa atin [ni Elder Charles A. Callis] na minsa’y nagpunta siya sa Montana upang dalawin ang isang taong nagmisyon noon sa Ireland. Matapos ang paghahanap sa taong ito, na matandang-matanda na ngayon, nagpakilala siya at nagsabing, “Kayo ba ang misyonerong naglingkod sa Ireland maraming taon na ang nakalilipas?” At sumagot ang lalaki ng oo. “Kung gayon,” sabi niya, “kayo ang lalaki na noong magpaalam sa misyon ay nagsabing sa wari ninyo’y bigo kayo sa loob ng tatlong taon ng paglagi doon dahil isang gusgusing batang taga Ireland lang ang inyong nabinyagan? Sinabi n’yo ho ba ‘yon?” “Oo, natatandaan kong sinabi ko nga iyon.” Sabi ni Brother Callis, “Kung gayon, gusto ko hong magpakilala. Ako si Charles A. Callis ng Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ako ang gusgusing batang taga Ireland na nabinyagan ninyo noong misyonero pa kayo sa Ireland.” Isang kaluluwa na naging apostol ng Simbahan at Kaharian ng Diyos.6

Walang sinumang tao na nag-aabot ng kamay upang tulungan ang iba na di nakatatanggap sa kanyang sarili ng karapatan na maligtas dahil sa kanyang kahandaang tumulong sa iba. Ngayon, tandaan na tayong lahat ay anak ng ating Ama, miyembro man tayo o hindi ng Simbahan sa kasalukuyan. Dapat nating higit na pagmalasakitan ang iba pang anak ng ating Ama. Mahal din Niya sila tulad ng mga kasalukuyang miyembro ng Simbahan. Kung ang sinuman sa atin ay magsikap na dalhin ang iba sa kawan, sabi ng Panginoon siya’y nagdudulot ng kaligtasan sa kanyang sariling kaluluwa [tingnan sa D at T 4:4].7

Bakit mahalaga sa pagbabahagi ng ebanghelyo ang kahandaang magsakripisyo?

Ang pinakabuod ng tinatawag nating Kristiyanismo ay matatagpuan sa tala ng manunulat ng ebanghelyo ni Juan kung saan binanggit niya ang patotoo ng Guro tungkol sa kanya mismong banal na misyon bilang Tagapagligtas ng daigdig. Narito ang kanyang mga salita:

“Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16.)

Sa gayon nasaad ang pinakamataas na paglilingkod na magagawa natin sa buhay sa mundo, ang kahandaang isakripisyo ang ating sarili para sa kapakanan ng iba. Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith ang kinalalagyan ng sakripisyo at paglilingkod sa nakapagpapabanal na prosesong ito ng buhay:

“Ang relihiyon na hindi nangangailangan ng sakripisyo ng lahat ng bagay ay hindi kailanman magkakaroon ng kapangyarihang sapat upang magkaroon ng pananampalataya na kailangan tungo sa buhay at kaligtasan. …

“Sa pamamagitan ng sakripisyong ito, at tanging ito lamang, inordena ng Diyos na dapat magtamasa ng buhay na walang hanggan ang tao.” [Lectures on Faith (1985), 69.]

Kung magagawa lamang natin sa ating sarili at sa ating buhay ang alituntuning iyon kung saan maaari nating mahawakan ang mahalagang kaloob, tayo’y magiging tunay na matalino. Si Haring Benjamin ang siyang nagturo sa kanyang mga tao sa kanyang pangwakas na talumpati:

“…kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.” (Mosias 2:17.)…

Ang pagbibigay, kung gayon, ay pahiwatig ng pagmamahal ng isang tao, at kapag tunay na ibinigay ng isang tao ang kanyang sarili, ito ay katibayan ng namamalaging pagmamahal sa taong iyon na handang magbigay. …

Mahal na mahal ni Propetang Joseph Smith ang katotohanang inihayag sa kanya kung kaya handa niyang isakripisyo ang lahat ng ari-arian niya sa daigdig, maging ang kanyang buhay, na ginagawa ang lahat sa layuning maibigay niya ang patotoong iyon at marinig iyon ng mga bansa ng mundo. …

Dumalaw ako sa isang istaka ilang buwan na ang nakalilipas at nahilingan akong kapanayamin ang ilang kabinataan na posibleng maging mga misyonero. Sinabihan ako ng pangulo ng istaka na isa sa mga binata, matapos ang matagal na paglagi sa hospital, ang gumaling mula sa matinding pagkatulala na sanhi ng digmaan noong nasa serbisyo-militar pa siya. Nang harapin ko ang binatang ito para kapanayamin, tinanong ko siya, “Bakit gusto mong magmisyon?”

Naupo siya’t nag-isip nang ilang saglit, at pagkatapos ay sumagot, “Noong pumasok ako sa serbisyo-militar, iyon ang unang pagkakataon na nalayo ako sa aking tahanan. Nakita kong kakaiba ang kalagayan. Kabi-kabila ang nakita kong tukso at paanyaya sa kasalanan. Kinailangan ko ng lakas upang mapaglabanan ang kasalanan, at dumulog ako sa aking Ama sa Langit at dumalangin sa kanya nang may pananampalataya na bigyan ako ng lakas na paglabanan ang masama. Dininig ng Diyos ang dalangin ko at binigyan ako ng lakas. Nang matapos ang pagsasanay at palapit na kami sa digmaan, narinig namin ang tunog ng mga baril na nagbabadya ng mensahe ng kamatayan na palaging dumarating. Natakot ako, at nanginig ang buong katawan ko. Dumalangin ako sa Diyos na bigyan ako ng tapang, at binigyan niya ako ng tapang, at nagkaroon ako ng kapayapaan na hindi ko kailanman naramdaman noon. … Naatasan akong maglingkod bilang advance scout na ang ibig sabihi’y mauuna ako sa puwersa ng mga mandirigma at minsa’y halos napaliligiran ng kalaban. Alam ko noon na isa lamang ang kapangyarihan sa mundo na makapagliligtas sa akin, at dumalangin ako sa kapangyarihang iyon na pangalagaan ako, na iligtas ang buhay ko, at dininig ng Diyos ang aking dalangin at ibinalik ako sa aking pulutong.”

Pagkatapos ay sinabi niya sa akin: “Brother Lee, nasa akin ang lahat ng bagay na dapat kong pasalamatan. Sapat na marahil ang kaunting magagawa ko upang humayo ngayon bilang kinatawan ni Jesucristo, upang ituro sa sangkatauhan ang mga pinagpalang bagay na ito na natanggap ko sa aking tahanan noong bata pa ako.”

Nang marinig ko ang pagpapamalas ng pananampalataya mula sa binatang iyon, inihambing ko ito sa mga naringgan kong nagsabing inaakala nila na sa pagpunta sa misyon ay magkakaroon sila ng kasanayan, makikita nila ang daigdig, magkakaroon sila ng mahalagang karanasan na magiging kapaki-pakinabang sa kanila mismo. …

Ang makasariling paghahangad ng personal na kapakinabangan ay hindi dumarating mula sa mga turo ng katotohanan kundi sa halip ay nagmumula ito sa mga turo niya na kaaway ng katotohanan. …

Ang taong naghahangad ng pansariling kapakinabangan ay hindi kailanman magiging masaya, dahil laging umiiwas sa kanya ang hinahangad niya sa buhay at palaging kukutyain ang kanyang mga pagtatangkang magkamit at makagapi. Ang taong naglilingkod nang walang kasakiman ay ang taong maligaya.8

Nasasaksihan natin sa gawaing misyonero ang kahangahangang tanawin ng mga kabataang lalaki at babae [na huma hayo] … sa lahat ng panig ng mundo, upang sa kanilang dimakasariling paglilingkod ay makatayo sila bilang mga saksi sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar tungkol sa banal na responsibilidad ng Simbahan na ituro ang ebanghelyo.9

Paano natin maituturo ang ebanghelyo nang may kapangyarihan at awtoridad?

Si Alma…at ang mga anak ni Mosias ay nagmisyon at nakagawa sila ng dakilang paglilingkod bilang misyonero. … Nakita ni Alma ang kanyang mga kapatid, ang mga anak ni Mosias, na naglalakbay patungo sa lupain ng Zarahemla.

“Ngayon ang mga anak na ito ni Mosias ay kasama ni Alma sa panahong unang nagpakita ang anghel sa kanya; kaya nga, si Alma ay labis na nagalak na makita ang kanyang mga kapatid; at ang nakaragdag pa sa kanyang kagalakan, sila ay kanya pa ring mga kapatid sa Panginoon; oo, at sila ay naging malakas sa kaalaman ng katotohanan; sapagkat sila’y mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.

“Subalit hindi lamang ito; itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos.” [Alma 17:2–3.]

Ngayon, [nauunawaan] ba ninyo ang pormula kung paano kayo makapagtuturo nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos? Maging malakas sa kaalaman ng katotohanan, maging kalalakihang may malinaw na pang-unawa, saliksikin nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman natin ang mga salita ng Diyos. At hindi lamang ito. Kailangan nating manalangin, at kailangan nating mag-ayuno, at kailangan nating taglayin ang diwa ng propesiya; at kapag nagawa na natin ang lahat ng ito, makapagtuturo na tayo nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos.10

Sinabi…ng Panginoon: “At binibigyan ko kayo ng kautusan na turuan ninyo ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian,” at idinagdag na, “Masigasig kayong magturo at ang aking biyaya ay dadalo sa inyo” (D at T 88:77–78). Sinikap kong bigyang-kahulugan ang mga salitang “masigasig” at “biyaya.” Ang masigasig, sang-ayon sa diksyunaryo, ay “matiyagang nagmamasid, nagsasagawa nang may maingat na pagpansin,” na kabaligtaran ng katamaran, o kawalangingat, o pagwawalang-bahala. …

…Naniniwala ako na ang kahulugan ng “biyaya” ay ipinahiwatig sa ikaapat na bahagi ng Doktrina at mga Tipan kung saan nangako ang Panginoon sa mga taong buong-siglang makikilahok sa gawaing misyonero: “…at narito, siya na humahawak sa kanyang panggapas nang buo niyang lakas, siya rin ay nag-iimbak nang hindi siya masawi, kundi nagdadala ng kaligtasan sa kanyang kaluluwa.” [D at T 4:4.] Ang nagliligtas na “biyaya” ng kapangyarihan ng pagbabayad-sala ng Panginoon ay para sa nagbibigay at gayundin sa mga tatanggap ng mga nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo.11

Ngayon, sa huli, ang bagay na ito na para sa akin ay tila kasinghalaga o higit na mahalaga kaysa sa iba pa:

“At ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya; at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo.” [D at T 42:14.]

Ngayo’y maibibigay na namin sa inyo ang mga kagamitan sa planong ito ng misyonero para sa paglalahad at pag-aaral ng ebanghelyo; narito nang lahat. Ngunit maliban na masigasig na manalangin ang misyonero, hindi niya kailanman makakamtan ang Espiritu, na siyang paraan upang maituro niya ang ebanghelyo. Ito ang ibig sabihin ni Nephi [nang kanyang] sabihing:

“At ngayon ako, si Nephi, ay hindi maisusulat ang lahat ng bagay na itinuro sa aking mga tao; ni ako ay hindi magaling sa pagsusulat, na tulad sa pagsasalita; sapagkat kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao.” (2 Nephi 33:1.)

…Kapag nasa inyo ang Espiritu at nakikinig kayo at ginagabayan at napupukaw kayo nito sa pamamagitan ng diwa ng pagkakilala, na karapatang tamasahin ng bawat isa sa inyo na tinawag na maglingkod sa Kanya, sa gayon ay malalaman ninyo at magagabayan kayo at ang inyong salita ay sasamahan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at kung wala ito walang sinumang magiging epektibong guro ng ebanghelyo ni Jesucristo.12

Bakit mahalagang bahagi ng pagbabahagi ng ebanghelyo ang pamumuhay ng ebanghelyo?

Ang pinakamainam na paraan sa daigdig upang maging interesado ang mga tao sa ebanghelyo ay ang ipamuhay ang mga huwaran at pamantayan na inaasahan natin sa mga nagsasabing miyembro sila ng Simbahan. Iyan ang unang bagay na umaakit sa isang dayuhan. Paano tayo, na nagsasabing mga miyembro, kikilos bilang mga miyembro ng Simbahan?…

…Walang lalaki o babae ang makapagtuturo ng ebanghelyo kung hindi niya ito ipinamumuhay. Ang unang hakbang upang gawing karapat-dapat ang inyong sarili na maging misyonero ay ipamuhay ang mga alituntuning itinuturo ninyo. Sa palagay ba ninyo’y magiging napakagaling na guro ng pagsisisi ang isang makasalanan? Sa palagay ba ninyo’y magiging epektibo ang sinuman sa pagtuturo sa iba na panatilihing banal ang araw ng Sabbath kung hindi niya mismo ginagawang banal ang araw ng Sabbath? Sa palagay ba ninyo’y maituturo ninyo ang alinman sa iba pang alituntunin ng ebanghelyo kung hindi sapat ang paniniwala ninyo dito upang ikintal ito sa inyong sariling buhay?13

[Sinabi] ni Jesus: “Samakatwid, itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas—yaong kung alin ay nakita ninyong aking ginawa. Masdan, nakita ninyo na ako ay nanalangin sa Ama, at lahat kayo ay nakasaksi.” (3 Nephi 18:24.) Ang trabaho nati’y “itaas” (o ipakita) sa daigdig ang ginawa ni Jesus para sa tao: ang pagbabayadsala, ang ipinakita Niyang halimbawa, at ang mga turong ibinigay Niya sa atin mismo at sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, noong sinauna at ngayon. Pinayuhan din tayo ng Guro na: “Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.” (Mat. 5:16.)…

Sa lahat ng mga kalagayan sa pamumuno kung saan hangad nating pagbutihin ang pag-uugali ng tao, mahirap tantiyahin ang bisa ng halimbawa—maging ito ma’y kapalooban ng mga magulang na kapwa nagpapakita at nagsasabi sa kanilang mga anak tungkol sa kahalagahan ng kasal sa templo o kaya’y isang nakauwi nang misyonero na naging halimbawa ng bungang dulot ng mga pagbabago at pagkahusto sa kaalaman sa ebanghelyo.14

“Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok.” [Tingnan sa Mateo 5:14.] Ano ang ibig sabihin nito?

…Ang sinumang Banal sa mga Huling Araw na aktibo sa Simbahan, nasa serbisyo-militar, na aktibo sa lipunan, o nasa pagnenegosyo ay itinuturing hindi lamang bilang indibiduwal, kundi bilang Simbahan sa ngayon. May nagsabing: “Mag-ingat kung paano ka kumilos, dahil baka ikaw lamang ang tanging halimbawa ng Simbahan na makikita ng ibang tao.” Binalaan tayo ng Panginoon dito na kailangang maging mas mataas ang pamantayan ng pamumuhay sa Simbahan kaysa sa pamantayan ng pamumuhay sa daigdig.15

Nasa Seoul, Korea ako kamakailan [1954], at isa sa pinakamabuting tauhan natin sa bansang iyon ay ang isang lalaking nagngangalang Dr. Ho Jik Kim. Siya’y…tagapayo sa pamahalaan ng Korea. Pinuno siya ng isa sa mga institusyon ng edukasyon doon, at napalilibutan siya ngayon ng tatlumpu’t apat na mga binyagan, karamihan sa kanila’y may mataas na pinag-aralan. Kinausap namin siya sa loob ng mga dalawang oras, sa pagsisikap na itatag ang pundasyon na maaaring magpasimula sa mga gawaing misynero sa lupain ng Korea. Ikinuwento niya sa amin ang kanyang pagbabalik-loob. “Ang bagay na nakaakit sa akin sa simbahan,” paliwanag niya, “ay nang anyayahan ako sa tahanan ng dalawang kalalakihang Banal sa mga Huling Araw na mga guro ng Cornell University. … Ang bagay na hinangaan ko ay ang uri ng kanilang buhay sa tahanan. Hindi pa ako nakapasok sa tahanan kung saan napakalambing ng ugnayan ng mag-asawa, at ng ama at ina at mga anak. Nakita kong nanalangin silang pamilya. Labis akong humanga kung kaya nagsimula akong magtanong tungkol sa kanilang relihiyon. At isang gabi matapos akong mag-aral sa loob ng mahabang panahon at nakumbinsing kanais-nais ang mapabilang sa gayong samahan, nalaman kong dapat muna akong magkaroon ng patotoo. Lumuhod ako at nanalangin nang halos magdamag at nakatanggap ako ng patotoo tungkol sa kabanalan ng gawaing ito.” Ngunit tandaan na nagsimula ang lahat ng ito dahil sa napakabuting halimbawa ng isang pamilya na namuhay nang naayon sa uri ng buhay sa tahanan na inaasahan ng ebanghelyo sa tunay na mga Banal sa mga Huling Araw.16

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ano ang ilan sa mga pagkakataon natin na magturo ng ebanghelyo sa “araw-araw…saanman tayo naroon”? Anu-ano ang ilan sa katangian ng mga matagumpay na nagbabahagi ng ebanghelyo sa iba?

  • Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Pangulong Lee sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa restawran ng isang hotel?

  • Anong mga pagpapala ang dumating sa inyong buhay dahil hinangad ninyong ibahagi ang ebanghelyo sa iba?

  • Anong mga sakripisyo ang hinihiling na gawin natin upang maibahagi ang ebanghelyo? Ano ang dapat nating ikilos sa paggawa ng gayong mga sakripisyo? Ano ang hinangaan ninyo sa pag-uugali ng binatang nagbalik mula sa digmaan at nagpunta sa misyon?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa Alma 17:2–3 tungkol sa kung paano ibahagi ang ebanghelyo nang may kapangyarihan at awtoridad?

  • Bakit mahalaga ang pagsama ng Espiritu Santo upang tayo’y maging mga epektibong misyonero? Ano ang maaari nating gawin upang mapasaatin pa nang higit ang patnubay ng Espiritu habang ibinabahagi natin ang ebanghelyo?

  • Paano natin mapaglalabanan ang ating pag-aatubili at takot sa pagbabahagi ng ebanghelyo?

  • Bakit gayon kabisang kasangkapan sa pagtuturo ang ating halimbawa ng matwid na pamumuhay?

Mga Tala

  1. Glimpses into the Life and Heart of Marjorie Pay Hinckley, inedit ni Virginia H. Pearce (1999), 21–22.

  2. Sa Conference Report, Abr. 1961, 35.

  3. “Directs Church; Led by the Spirit,” Church News, ika-15 ng Hulyo, 1972, 4.

  4. Ye Are the Light of the World (1974), 24–25.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1961, 34.

  6. “ ‘Wherefore, Now Let Every Man Learn His Duty, and to Act in the Office in Which He Is Appointed in All Diligence,’ ” talumpati sa pulong ng General Priesthood Board, ika-6 ng Nob. 1968, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 10.

  7. Talumpati sa sesyon ng misyonero sa komperensiya ng istaka sa Brigham Young University, ika-19 ng Okt. 1957, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.

  8. Sa Conference Report. Abr. 1947, 47–50.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1951, 33.

  10. Talumpati sa mga guro ng institute ng relihiyon, ika-3 ng Peb. 1962, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 7- -8.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1961, 34–35.

  12. Talumpati sa sesyon ng misyonero sa komperensiya ng istaka sa Brigham Young University, 5–6.

  13. Talumpati sa sesyon ng misyonero sa komperensiya ng istaka sa Brigham Young University, 2–5.

  14. “ ‘Therefore Hold Up Your Light That It May Shine unto the World,’ ” talumpati sa seminar ng mga kinatawan ng rehiyon, ika-1 ng Okt. 1969, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.

  15. Ye Are the Light of the World, 12–13.

  16. By Their Fruits Shall Ye Know Them, Brigham Young University Speeches of the Year (ika-12 ng Okt. 1954), 5.

Si Elder Harold B. Lee bilang misyonero sa Western States Mission. Naglingkod siya mula Nobyembre 1920 hanggang Disyembre 1922.

Sa buong daigdig, ang mga kabataang lalaki at kabataang babae, sa di-makasariling paraan ay “tumatayo bilang mga saksi sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar tungkol sa banal na responsibilidad ng Simbahan na ituro ang ebanghelyo.”