Kabanata 11
Walang Katumbas na Kayamanan ng Banal na Templo
Paano natin higit na maihahanda ang ating sarili na tanggapin ang mga pagpapala ng templo at ibigay ang mga pagpapalang ito sa iba?
Pambungad
Noong Marso 1956, sa paglalaan ng Templo sa Los Angeles California, binanggit muli ni Pangulong Harold B. Lee ang kuwento ng isang ama na may anak na naatasang lumipad sa mga mapanganib na misyon sa digmaan.
“Sinabi [ng] ama sa kanya, ‘Anak, paano ka nakabalik nang ligtas sa base na iyong pinanggalingan…?’ Sabi ng anak, ‘E, madali lang po, Itay, basta lumipad ako ayon sa hudyat ng radyo.’ Ngunit nagpatuloy ang ama sa pagtatanong, ‘Halimbawang nawala ang hudyat at nagkaroon ng sira ang radyong iyon na siyang gabay sa paglipad ng piloto.’ ‘E,’ sabi niya, ‘Gagamitin ko po ang kompas ko.’ ‘Halimbawang nasira naman ang kompas; paano na?’
“[Nag-isip] na mabuti ang anak at pagkatapos ay sinabi niyang, ‘Itay, sisimulang kong paliparin ang aking eroplano nang mataas na mataas at lampas sa usok at hamog at alikabok ng mundo hanggang sa makita ko ang mga bituin at kapag ganoon na kataas ang aking lipad, malalaman ko ang daan sa pamamagitan ng mga bituin. Hindi pa po iyan nabigo at palagi kong mahahanap ang landas pabalik.’ ”
Patuloy ni Pangulong Lee: “Dito sa mundo sa labas ng Kanyang sagradong kinaroroonan ay nariyan ang mga bagay na nabibili ng salapi, nariyan ang mga bagay na tinatawag nating papuri ng tao at ang mga bagay na pinagsisikapan nating abutin at tila iniisip na pinakamahalaga. Ngunit [ang templo] ay ang lugar kung saan tayo umaakyat pataas at lampas sa usok at hamog ng mga makalupang bagay na ito at natututuhan nating tahakin sa pamamagitan ng mga walang hanggang bituin ng Diyos ang landas na ligtas na aakay sa atin pauwi.”1
Mga Turo ni Harold B. Lee
Anu-anong pagpapala ang matatanggap natin sa bahay ng Panginoon?
Nagpupunta tayo [sa templo], tulad ng iniisip ko, upang tanggapin ang kabuuan ng mga pagpapala ng Pagkasaserdote. …
Nagpupunta tayo sa Banal na Bahay na ito upang matuto, malaman kung sino talaga ang Diyos, at kung paano makakamtan ng bawat isa sa atin, para sa ating sarili, ang kadakilaan sa kanyang kinaroroonan. …
Dito natin sinisimulang ilatag ang batong pundasyon ng isang walang hanggan at makalangit na tahanan, dahil nasa Simbahang ito ang kapangyarihang magbuklod sa lupa upang iyon ay mabuklod sa Langit.2
Kahit paano’y kailangan nating maiparating ang katotohanang iyan sa lahat ng ating mga tao, sa bata at matanda, na sa ating mga banal na templo ang endowment sa templo ang tiyak na gabay sa kaligayahan dito at sa buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.3
Kapag pumasok kayo sa banal na templo, sa gayong landas ay nagkakaroon kayo ng pakikipagkapatiran sa mga Banal sa walang hanggang kaharian ng Diyos, kung saan walang hanggan ang panahon. Sa mga templo ng inyong Diyos kayo’y pinagkalooban hindi ng marangyang pamana ng mga kayamanan ng daigdig, kundi ng kasaganaan ng mga walang hanggang kayamanan na dimatutumbasan ang halaga.
Ang mga seremonya sa templo ay nilayon ng matalinong Ama sa Langit na naghayag ng mga ito sa atin sa mga huling araw na ito bilang gabay at proteksiyon sa buong buhay natin, upang ikaw at ako ay hindi mabigo na magkamit ng kadakilaan sa kahariang selestiyal, kung saan ang Diyos at si Cristo ay nananahanan.
Nawa’y masigasig kayong magsikap at magabayan sa paghahanda ng inyong sarili upang makamtan ang mga walang kapantay na kayamanang ito sa bahay ng Panginoon.4
Tayo’y may dalawang uri ng paghahayag: May mga paghahayag na masasabing nagbubukas ng mga paghahayag, tulad ng mga nakasulat sa Doktrina at mga Tipan at sa iba pang dako, na maaaring ibigay sa daigdig. At mayroon din tayo ng maaari nating sabihing mga saradong paghahayag. Ang mga ito’y ibubunyag at ibibigay lamang sa mga sagradong lugar na inihanda para sa paghahayag ng mga pinakamataas na ordenansa na nakapailalim sa mga Pagkasaserdoteng Aaron at Melquisedec, at ang mga ordenansang iyon ay nasa bahay ng Panginoon.5
Noon pa mang 1841, inihayag na ng Diyos kay Joseph Smith na “walang dako na matatagpuan sa mundo na siya ay maaaring magtungo at ibalik muli yaong nawala sa inyo, o yaong kanyang kinuha, maging ang kaganapan ng pagkasaserdote. …
“Sapagkat minarapat ko na ihayag sa aking simbahan ang mga bagay na pinanatiling nakatago bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, mga bagay na nauukol sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.” ( D at T 124:28, 41.)
Ang mga paghahayag na ito, na inilaan para sa at itinuro lamang sa matatapat na miyembro ng Simbahan sa mga sagradong templo, ang bumubuo ng tinatawag nating “mga hiwaga ng Kabanalan.” Sinabi ng Panginoon na ipinagkaloob Niya kay Joseph “ang mga susi ng mga hiwaga, at ang mga paghahayag na tinatakan. …” ( D at T 28:7.) Bilang gantimpala sa matatapat, ipinangako ng Panginoon na: “At sa kanila aking ipahahayag ang lahat ng hiwaga, oo, lahat ng nakakubling hiwaga ng aking kaharian mula noong una. …” ( D at T 76:7.)…
Sa mga isinulat ni Propetang Joseph Smith ay matatagpuan ang paliwanag sa tinatawag na mga hiwagang ito na bumubuo sa sinasabi ng Propeta na banal na endowment. Bahagi ito ng sinabi niya:
“Ginugol ko ang maghapon sa gawing itaas ng tindahan, sa sarili kong tanggapan…na nakikipagpulong [kasunod ay binanggit niya ang mga pangalan ng ilan sa mga pinuno noong una]. Tinuruan ko sila sa mga alituntunin at orden ng Pagkasaserdote, nangangasiwa sa mga paghuhugas, pagpapahid ng langis, endowment at komunikasyon ng mga susi na may kinalaman sa Pagkasaserdoteng Aaron. Gayundin sa mas mataas na orden ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, na itinatakda ang orden na may kinalaman sa Matanda ng mga Araw, at sa lahat ng mga plano at alituntunin na nagbibigay-daan upang makamit ng isang tao ang mga pagpapalang iyon na inihanda para sa Simbahan ng Panganay, at magbangon at mamuhay sa piling ni Elohim sa mga walang hanggang daigdig.” (Teachings of the Prophet Joseph Smith, p. 237.)
Idinagdag ni Pangulong Brigham Young, sa paglalatag ng panulok na bato para sa Templo sa Salt Lake, ang paliwanag na ito sa kahulugan ng endowment at ang layunin ng pagtatayo ng templo na kaugnay nito:
“…Ang inyong endowment ay, tanggapin ang lahat ng ordenansa sa bahay ng Panginoon, na kinakailangan ninyo, matapos na lisanin ninyo ang buhay na ito, upang makabalik kayo muli sa piling ng ama, na daraanan ang mga anghel na tumatayo bilang mga bantay,… at tanggapin ang inyong walang hanggang kadakilaan sa kabila ng lupa at impiyerno.” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young, kabanata 41, talata 2, pahina 339.]6
Paano tayo makapaglilingkod bilang “mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion” para doon sa mga namatay na?
Kung ang pagtanggap sa ebanghelyo ay napakahalaga sa kapakanan ng walang hanggang kaluluwa ng tao, maaari ninyong itanong kung ano ang mangyayari sa milyun-milyong nangamatay na walang kaalaman ng ebanghelyo o ng plano ng Panginoon, na siyang daan upang maisagawa ang kabuuang epekto ng kanyang pagbabayad-sala. Kung ang gawaing misyonero ay limitado lamang sa mortalidad, maraming kaluluwa ang mahahatulan nang hindi nalilitis. Bawat isa, mabuti man o masama, dahil sa pagbabayad-sala, ay mabubuhay na mag-uli, dahil, “Kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.” (I Corinto 15:22.) Ngunit tanging ang mga nagsisi at nabinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan ang lubos na mabibiyayaan ng mapagtubos na dugo ng kanyang pagbabayad-sala. … Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, ang tanging paraan kung saan matatanggap ng tao ang ebanghelyo. Ito ay makalupang ordenansa, kung kaya sa Plano ng Kaligtasan, ang ating Ama, na pantay-pantay ang pagtingin sa lahat ng Kanyang mga anak, ay naglaan ng paraan upang ang lahat ng miyembro ng kanyang Simbahan at Kaharian sa mundo ay maging “mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion. Ito ay sa pamamagitan ng paggawa ng gawain para sa kapakanan ng mga nasa daigdig ng mga espiritu, “ang bilangguan,” na hindi nila magagawa para sa kanilang sarili.
Ang gawaing ito para sa mga patay na isinasagawa ng mga miyembro ng Simbahan sa mga banal na templo ang tunay na paraan kung saan ang mga gumagawa ng gawaing ito ay nagiging “mga tagapagligtas” ng mga namatay nang walang kaalaman sa ebanghelyo. Sa pamamagitan nito’y mapapasakanila ang kumpletong kaloob ng Tagapagligtas na ipinangako sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng kanyang pagbabayad-sala. Ang pagtukoy sa paglilingkod na maaaring ibigay sa mga nasa daigdig ng espiritu, na walang-alinlangang isinagawa ng mga banal noong kapanahunan ni Apostol Pablo at magagawa na rin natin para sa ating mga namatay, ay ibinigay niya bilang paliwanag sa katunayan ng pagkabuhay na mag-uli. Sabi niya: “Anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila’y binabautismuhan dahil sa kanila?” (I Corinto 15:29.) Ang mga templo sa panahong ito’y itinayo dahil dito maaaring isagawa muli ang napakahalagang gawain ng pagliligtas.7
Sinabi [ng Panginoon] na ang mga pintuan ng impiyerno ay di mananaig laban sa simbahan ni Cristo (Mateo 16:18). Ngayon, ang mga pintuan ng impiyerno ay mananaig sana laban sa gawain ng Panginoon kung hindi naibigay ang mga ordenansa na may kinalaman sa kaligtasan ng mga nangamatay. Noong mga panahong iyon na wala sa lupa ang pagkasaserdoteng magsasagawa ng mga ordenansa ng ebanghelyo ay milyun-milyon ang nabuhay, marami sa kanila ay matatapat na kaluluwa. Kundi nagkaroon ng paraan ng pagsasagawa ng nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo para sa mga namatay ng walang kaalaman sa ebanghelyo, ang mga pintuan ng impiyerno ay maaaring manaig sana laban sa plano ng kaligtasan ng ating Ama.8
[Sa ating pagsasaliksik ng talaangkanan] hindi bubuksan ng Panginoon ang anumang pinto hangga’t hindi natin nagagawa ang dapat nating gawin sa ating sarili. Kailangan nating lumapit sa dingding na iyon at magkaroon ng sapat na pananampalataya na hilingin sa Panginoon na tumulong na gumawa ng lagusan upang magawa natin ang kasunod na hakbang. At maaaring may ibigay sa inyong impormasyon mula sa mga pinagmumulan na naghahayag ng katotohanan na ang langit at lupa ay hindi magkalayo.
Marami sa inyo ang nagkaroon ng pagkakataon kung saan ay pumanaw ang inyong minamahal sa buhay. Nagkaroon kayo ng katiyakan ng pagiging malapit, kung minsan, ng mga naging malapit sa inyo. At minsan sila’y nakapagbigay ng impormasyon sa inyo na hindi ninyo matatanggap kundi sa pamamagitan nila.9
Mayroon akong matibay na paniniwala mula sa munting karanasan na patototohanan ko na may mga puwersa sa kabilang buhay na nakikipagtulungan sa atin. …
Nananampalataya ako na kapag ginawa ninyo ang lahat sa abot ng inyong makakaya, nagsaliksik hanggang sa huling pagkakataon, tutulungan kayo ng Panginoon na buksan ang mga pinto upang madagdagan pa ang inyong mga talaangkanan, at natitiyak kong makikipagtulungan ang langit.10
Kung nagkakaisa tayo sa ating gawain sa templo at sa gawain sa pagsasaliksik ng talaangkanan, hindi sapat sa atin ang kasalukuyang mga templo lamang, kundi magkakaroon tayo ng sapat na gawain para sa mga templo sa hinaharap, tungo sa pagbubukas ng mga pintuan ng oportunidad sa mga kamag-anak natin mismo na nasa kabilang buhay, at tayo rin ay magiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion. Ang pagkabigo nating magkaisa ay magiging kabiguan din natin na ipagpatuloy ang tahanan ng ating pamilya sa kawalang-hanggan.11
Paano natin mas mabuting maihahanda ang ating sarili sa pakikilahok sa mga pagpapala ng templo?
Sa paggawa nating mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion sa gawaing ito para sa mga patay, nais ng Panginoon na gawin ito hangga’t maaari ng mga taong walang batik ang pagkatao. Kung paano niya ninais na ang pag-aalay ng hayop ay mula sa mga hayop na walang batik, gayundin naman na nais niyang magpunta tayo rito nang dalisay at malinis at nararapat sa gawain, ang gawain para sa mga patay, bilang mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.
Kung kaya pinayuhan namin ang ating mga obispo at pangulo ng istaka na maging napakaingat sa paghahanda sa kanilang mga tao sa pagtanggap nila ng rekomendasyon at huwag payagang magpunta dito ang mga hindi nagsisi ng kanilang mga kasalanan, ang mga nakagawa ng pagkakamali, na magpunta dito nang hindi nagsisisi, at sa gayo’y dungisan ang banal na bahay na ito. Palagay ko’y wala nang iba pang impiyerno sa lupa maliban sa pagpunta ng isang tao dito sa halos kinaroroonan na ng ating Ama habang may kasalanan at marumi ang taong iyon. Ito’y nakasisira at nakapanlulumong karanasan.12
Marahil ang pinakasagradong lugar sa lupa na pinakamalapit sa langit ay ang ating templo, kung pupunta tayo doon nang malinis at kung buong ingat na susuriin ng ating mga obispo at pangulo ng istaka ang lahat ng humihingi ng rekomendasyon upang matiyak, hangga’t maaari, na ipinamumuhay nila ang mga tiyak na pamantayan [upang hindi sila magpunta] doon na mayroong anumang uri ng karumihan na durungis sa espiritu na nais nating lumagi roon.
Tandaan ninyo iyan ngayon. Tandaan ang ating mga sagradong responsibilidad at ating pag-asa upang tayo mismo ang makapagsimula na tiyakin na tuwing pupunta tayo ay nagpupunta tayo na may malilinis na kamay at may malilinis na puso at itinuturo natin ito sa iba. [Tingnan sa Mga Awit 24:3–4.]13
May ilang tao na nais magpunta sa templo kaagad pagkatapos nilang mabinyagan. Matagal na ang patakaran…na nagsasabing dapat kahit paano ay isang taon. … Ang dahilan kung bakit si nasabi nating kahit paano isang taon ay sa pag-asang buong ingat na kakapanayam ang mga obispo at pangulo ng istaka. Ito ay para matiyak na sapat na ang panahong inilagi nila sa Simbahan upang makatayo sa sarili nilang paa at na alam nila ang mga pangunahing doktrina ng Simbahan bago natin asahan na mauunawaan nila ang mas mataas na mga ordenansa, ang mga ordenansa sa templo. Kung gayon, ang mga tanong sa mga pupunta sa templo ay hindi lamang tungkol sa pagiging karapatdapat kundi maging sa pagiging handang tanggapin ang mga ordenansa ng templo.14
Ang pagtanggap ng endowment ay nangangailangan ng pagtanggap ng mga obligasyon sa pamamagitan ng mga tipan na sa katunayan ay sagisag o pagbubunyag ng mga tipan na dapat sana’y inako ng bawat tao sa pagbibinyag, gaya ng ipinaliwanag ng propetang si Alma na kung ‘kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan; Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan” (Mosias 18:8–9). Ang sinumang [tao] na handang akuin ang mga pananagutang binanggit ni Alma at “nagpakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos…at humarap nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu…at pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, na may matibay na hangaring paglingkuran siya hanggang wakas” (D at T 20:37), ay di dapat mag-atubiling magpunta sa banal na templo at tumanggap, kaugnay ng mga tipan na kanilang ginawa, ng mga pangako ng mga dakilang pagpapala sa pagtupad nila sa mga tipang iyon.15
Paano tayo dapat maghanda [na pumasok sa templo]? Isinulat ng isang manlililok sa mga pinto ng Templo sa Cardston Alberta ang pag-amin at kaisipan ng yumaong si Elder Orson F. Whitney na dapat nating isaisip. Isinulat niya:
“Kailangang dalisay ang pusong papasok,
Sa bulwagan kung saan ang piging ay idinaraos.
Malayang makibahagi, pagka’t bigay ito ng Diyos
Upang kagalakan sa langit ay malubos.
Dito’y kilalanin Siya na sa libinga’y nagtagumpay,
At sa tao ang susi ng Kaharian ay ibinigay;
Nakalipas at kasalukuyan dito pinagbubuklod ng kapangyarihan
Upang buhay at patay, magkamit ng kadakilaan.”
Nalaman ni Pangulong Joseph F. Smith ang sikreto ng kadakilaang iyon nang sabihin niyang: “Hindi madali para sa tao ang iwanan ang kanilang kahambugan, ang paglabanan ang ideyang pinili nilang paniwalaan, at isuko ang kanilang puso at kaluluwa sa kagustuhan ng Diyos na palaging mas mataas kaysa sa kanila. … Kapag natatanto ng kalalakihan at kababaihan na nalalagay na sila sa panganib, dapat na silang umatras, dahil maaari silang makatiyak na ang landas na tinahak nila noon ang higit na maglalayo sa kanila sa tamang landas na hindi palaging madaling balikan. Ang relihiyon ng puso, ang di-nagbabago at simpleng pakikipag-ugnayan sa Diyos na dapat nating panatilihin, ang siyang pinakaligtas na pananggalang ng mga Banal sa mga Huling Araw.” (Gospel Doctrine, p. 9)…
Mangyari pa, sa gayong pagninilay-nilay…, dama kong nais kong ibigay ang aking patotoo sa inyo sa pamamagitan ng naging karanasan ko. Apat na linggo pa lamang ang nakalilipas bandang madaling-araw ay nabigyan ako ng napakagandang panaginip. Sa panaginip na iyon ay tila kasama ako ng mga kapatid na tinatagubilinan ng Pangulo ng Simbahan, at habang may iba pang naroroon, tila ang lahat ng sinasabi niya’y para lang sa akin. … Napanaginipan ko uli iyon, ngayon—mas malinaw na panaginip na nakamamangha, dahil ito ang mensahe: “Kung nais mong matutuhang mahalin ang Diyos, kailangan mong matutuhang mahalin ang Kanyang mga anak at malugod sa paglilingkod sa Kanyang mga anak. Walang taong nagmamahal sa Diyos hangga’t hindi siya nalulugod sa paglilingkod at hangga’t hindi niya minamahal ang mga anak ng ating Ama sa Langit.”
At tila pagkatapos maituro ng Pangulo ang araling iyon, na nakintal na mabuti sa aking isipan, sinabi niyang, “Mga kapatid, lumuhod tayo sa panalangin.” At nagising ako matapos siyang manalangin, na may makalangit na damdamin na para sa aki’y noon ko lamang nadama, nag-iisip kung makapagpapatuloy ako hanggang sa maabot ko ang mataas na pamantayan ng pagkalugod sa paglilingkod at pagmamahal sa mga anak ng Panginoon na naikintal [sa aking isipan] ng panaginip na iyon.16
Salamat sa Diyos sa paghahayag sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na nagpapatotoo sa aking kaluluwa na alam ko nang buong kaluluwa ko na buhay [ang Panginoon], na Siya ang Tagapagligtas ng daigdig. Alam kong [ang templo] ay banal na lugar kung saan Niya maihihiga ang Kanyang ulo dahil sa kabanalang naroon. Nawa kayo na nagpupunta dito ay magpunta nang may banal na puso, na may mga mata at isipan at puso na nakatuon sa Diyos upang madama ninyo ang Kanyang presensiya.17
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Sa anong mga paraan naging “gabay at proteksiyon” sa inyo ang templo?
-
Paano ninyo ihahambing ang makalupang kayamanan sa walang hanggang kayamanan na nakakamtan sa templo?
-
Bakit mahalaga na makisali tayo nang madalas hangga’t kaya natin sa pagsamba sa templo?
-
Anong mga pagpapala ang dumating sa inyo bilang bunga ng paggawa ng gawain sa templo at ng kasaysayan ng mag-anak?
-
Bakit kailangan tayong magpunta sa bahay ng Panginoon na may malilinis na kamay at dalisay na puso? Maliban sa pagiging karapat-dapat, anu-ano pa ang ibang mga paraan na makapaghahanda tayo sa pagdalo sa templo?
-
Bakit ang pagkatutong mahalin at paglingkuran ang iba ay mahalagang paghahanda sa pakikibahagi sa mga pagpapala ng templo?