Kabanata 18
Pagbibigay sa Paraan ng Panginoon
Paano tayo magagabayan at mapagpapala ng mga alituntuning inihayag ng Panginoon para sa temporal na kapakanan ng Kanyang mga Banal?
Pambungad
Habang naglilingkod bilang pangulo ng istaka noong panahon ng Matinding Kahirapan ng mga 1930, bumuo si Harold B. Lee ng samahan sa kanyang istaka upang maibsan ang nakaaawang kalagayan ng maraming miyembro. Sa huli’y nagunita pa niya: “Nagtalu-talo kami tungkol sa gawaing pangkapakanan. Kakaunti ang mga programa ng pamahalaan ukol sa trabaho; kakaunti ang salapi ng Simbahan. … At heto kami kasama ang 4,800 sa 7,300 mga tao [sa istaka] na lubusan o kahit paano’y umaasa sa tulong. Isa lamang ang maaari naming gawin, at iyon ay isagawa ang programa ng Panginoon batay sa nakasaad sa mga paghahayag.”
Noong 1935, ipinatawag si Pangulong Lee sa tanggapan ng Unang Panguluhan at inatasang pamunuan ang pagsisikap na tulungan ang mga nangangailangan sa buong Simbahan, gamit ang kanyang naging karanasan sa kanyang istaka. Ito ang sinabi ni Pangulong Lee tungkol sa karanasang ito:
“Dahil sa munti naming pagsisikap kung kaya ipinatawag ako ng Unang Panguluhan sa kanilang tanggapan. Alam nilang mayroon kaming kaunting karanasan. … Sinabi nilang pamunuan ko ang kilos pangkapakanan upang mabago ang pagtanggap ng tulong mula sa pamahalaan at direktang tulong, at tumulong na ilagay ang Simbahan sa katayuan kung saan mapangangalagaan nito ang mga miyembrong nangangailangan.
“Kinaumagahan ay nagbiyahe ako (simula pa lamang ng tagsibol) sa gawing unahan ng City Creek Canyon na tinatawag noon na Rotary Park; at doon, habang nag-iisa, inalay ko ang isa sa pinakamapagpakumbabang dalangin sa aking buhay.
“Naroon ako, isang binata sa edad kong mga tatlumpu. Limitado ang mga naging karanasan ko. Isinilang ako sa isang maliit na bayan sa Idaho. Halos di pa ako nakalabas sa mga hangganan ng estado ng Utah at Idaho. At ang ilagay ako sa isang posisyon kung saan kailangan kong tulungan ang lahat ng miyembro ng Simbahan, sa buong daigdig, ay isa sa kagulagulantang na pagdidili-dili na di ko maubos maisip. Paano ko ito magagawa sa limitado kong pang-unawa?
“Habang nakaluhod ako, ang samo ko’y, ‘Ano pong uri ng samahan ang dapat itatag upang maisakatuparan ang iniatas ng Panguluhan?’ At dumating sa akin nang maluwalhating umagang iyon ang isa sa pinakamakalangit na pagkaunawa sa kapangyarihan ng pagkasaserdote ng Diyos. Tila may nagsasabi sa aking, ‘Hindi kailangan ang bagong samahan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga taong ito. Ang tanging kailangan ay gamitin ang pagkasaserdote ng Diyos. Wala na kayong dapat pang ihalili.’
“Sa pamamagitan ng pang-unawang iyon, samakatwid, at sa simpleng paggamit sa kapangyarihan ng pagkasaserdote, mabilis na naisulong ang programang pangkapakanan at nalampasan ang mga hadlang na tila imposible noon. Hanggang sa ngayon tumatayo itong bantayog sa kapangyarihan ng pagkasaserdote, at ang katulad nito’y nakini-kinita ko lamang noong mga panahong iyon na aking nabanggit.”1
Mga Turo ni Harold B. Lee
Anu-ano ang pangunahing alituntunin sa gawaing pangkapakanan ng Simbahan?
Sa ika-104 na Bahagi ng Doktrina at mga Tipan,… naipaliwanag natin nang malinaw sa ilang salita ang Programang Pangkapakanan batay sa aking nalalaman. Ngayon pakinggan ang sabi ng Panginoon:
“Ako, ang Panginoon, ay pinalawak ang kalangitan, at ginawa ang lupa, gawa ng aking kamay; at lahat ng bagay rito ay akin. At layunin ko ito na maglaan para sa aking mga banal.”
…Narinig ba ninyo ang sinabi ng Panginoon?
“Layunin ko ito na maglaan para sa aking mga banal, sapagkat lahat ng bagay ay akin. Subalit ito ay talagang kinakailangang magawa sa aking sariling pamamaraan.”…
“At masdan ito ang aking pamamaraan na ako, ang Panginoon, ay nag-utos na maglaan para sa aking mga banal.”
Ngayon, tingnan ninyo ang kahalagahan ng isang pangungusap na ito:
“Upang ang mga maralita ay dakilain, sa gayon yaong mayayaman ay ibababa.”
Iyan ngayon ang plano. … Nagpatuloy ang Panginoon sa pagsasabing:
“Sapagkat ang lupa ay sagana, at may sapat at matitira; oo, aking inihanda ang lahat ng bagay, at ibinigay sa mga anak ng tao na maging mga kinatawan ng kanilang sarili. Samakatwid, kung sinuman ang kukuha sa kasaganaan na aking ginawa, at hindi nagkakaloob ng kanyang bahagi, alinsunod sa batas ng aking ebanghelyo, sa mga maralita at nangangailangan, siya, kasama ng masasama, ay magtataas ng kanyang mga mata sa impiyerno dahil sa paghihirap.” [D at T 104:14–18.]
…Ngayon, ano ang ibig niyang sabihin sa pariralang ito? Ang Kanyang pamamaraan ay, “upang ang mga maralita ay dakilain, sa gayon yaong mayayaman ay ibababa.”…
Ang “dakilain” sa wika ng diksyunaryo, at ang pakahulugan na natitiyak kong nais iparating ng Panginoon ay: “Itaas nang may pagmamalaki at kagalakan sa tagumpay.” Ganyan natin dapat itaas ang mga maralita, “nang may pagmamalaki at kagalakan sa tagumpay,” at paano natin gagawin ito? Sa pagpapababa sa mayayaman.
Ngayon, huwag ninyong ipagkamali ang salitang “mayaman.” Hindi iyan palaging nangangahulugan ng isang taong may maraming salapi. Maaaring walang salapi ang taong iyon, ngunit mayaman naman siya sa kakayahan. Maaaring mayaman siya sa paghatol. Maaaring mayaman siya sa mabubuting halimbawa. Maaaring mayaman siya sa paniniwalang magiging mabuti ang lahat, at sa marami pang katangian na kailangan. At kapag sama-samang nagkaisa ang indibiduwal na mga miyembro ng korum ng Pagkasaserdote, karaniwa’y nakikita natin ang lahat ng kakaibang katangian na kailangan upang itaas ang mga nangangailangan at naliligalig nang may pagmamalaki at kagalakan sa tagumpay sa nagawa. Wala nang iba pang mas perpektong pagsasagawa ng plano ng Panginoon kaysa diyan.
Ngayon, tandaan din ninyo ito, na maraming ulit nang sinabi ng Panginoon sa atin na ang layunin ng lahat ng kanyang gawain ay espirituwal. Naaalala ba ninyo ang sinabi niya sa ika-29 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan?
“Dahil dito, katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng bagay sa akin ay espirituwal, at hindi kailanman ako nagbigay ng batas sa inyo na temporal; ni kanino mang tao, ni sa mga anak ng tao; ni kay Adan, na inyong ama, na aking nilikha” (Doktrina at mga Tipan 29:34).
…Ang lahat ba ng inyong ginagawa ay nakatuon sa kaluwalhatian ng indibiduwal na iyon, ang pagtatagumpay sa huli ng kanyang espirituwal na katauhan sa kanyang pisikal na katauhan? Ang buong layunin ng Panginoon sa buhay ay tulungan at gabayan tayo upang sa huling sandali ng ating buhay ay maihanda tayo para sa selestiyal na mana. Hindi ba’t iyon nga ‘yon? Maibibigay ba ninyo ang bawat basket ng pagkain na inyong ibibigay, magagawa ba ninyo ang bawat paglilingkod na inyong gagawin na taglay sa isipan ang dakilang layuning ito? Ito ba ang paraan ng paggawa nito upang matulungan ang aking kapatid na makamtan at mapanghawakan nang mas mainam ang kanyang selestiyal na mana? Iyan ang layuning itinakda ng Panginoon.2
Malaki ang kahalagahan ng programang pangkapakanan sa gawain ng Panginoon. Kailangan nating asikasuhin ang mga pangangailangan ng [mga tao] at ipatikim sa kanila ang uri ng kaligtasan na makakamtan nila nang hindi sila kailangang mamatay bago natin maiangat ang kanilang kaisipan sa mas mataas na antas. Dito nakasalalay ang layunin ng programang pangkapakanan ng Panginoon na inilagay Niya sa Kanyang Simbahan sa bawat dispensasyon simula pa noong una. Hindi ito nagsimula noong 1936 lamang. Nagsimula ito noong umpisahang pangalagaan ng Panginoon ang Kanyang mga tao sa mundong ito.3
Kapag nawasak ang tahanan dahil sa mga pangangailangan sa pagkain at masisilungan at damit at panggatong,… ang unang dapat nating gawin ay ipadama na ligtas sila, na nasa ayos ang mga materyal na bagay, bago natin simulang iangat ang pamilya sa antas na maituturo natin sa kanila ang pananampalataya. Iyan ang simula, ngunit kung hindi natin alam ang layunin ng ating ginagawa hinggil sa pagkakaroon ng pananampalataya, ang pagbibigay ng materyal na tulong ay nabibigo. Ngayon, kailangan nating maunawaan na, kung sisikapin lamang nating palakasin ang pananampalataya nang hindi muna binubusog ang kanilang mga tiyan at tinitiyak na nadaramitan sila nang maayos at may maayos na tirahan at hindi giniginaw, marahil mabibigo tayo sa pagpapalakas ng pananampalataya.4
Madalas naming ulitin ang pahayag na ibinigay sa atin ni Pangulong [Heber J.] Grant nang pasimulan ang programang ito sa [pangkapakanan]. Ito ang kanyang mga salita … :
“Ang ating pangunahing layunin ay magtayo, sa abot ng ating makakaya, ng sistema kung saan mapapawi ang sumpa ng katamaran, mawawala ang kasamaan ng paglilimos, at minsan pang makintal sa ating mga tao ang pagtayo sa sariling paa, kasipagan, katipiran, at paggalang sa sarili. Ang layunin ng Simbahan ay tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili. Ang trabaho ay dapat muling bigyan ng halaga bilang namamayaning alituntunin sa buhay ng mga miyembro sa ating Simbahan.” [Sa Conference Report, Okt. 1936, 3.]
Naglakbay ako sa buong Simbahan sa kahilingan ng Unang Panguluhan. Kasama ko si Elder Melvin J. Ballard noong bago pa lamang ang programang pangkapakanan upang talakayin sa lokal na mga pinuno ng Simbahan ang mga detalyeng kailangan sa pagsisimula nito. Mayroon siyang tatlong paboritong talata sa mga banal na kasulatan na madalas niyang banggitin sa mga tao. Ang isang pahayag na madalas niyang banggitin ay ito: “Kailangan nating asikasuhin ang ating mga tao, dahil sinabi ng Panginoon na ang lahat ng ito’y dapat gawin upang: ‘… ang simbahan ay makatayong malaya sa ibabaw ng lahat ng iba pang mga nilalang sa ilalim ng selestiyal na daigdig.’ ” (D at T 78:14.)
…[Binanggit din Niya] mula sa ikasandaan at labinlimang bahagi ng Doktrina at mga Tipan: “Katotohanang sinasabi ko sa inyong lahat: Bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa,” [at itinuro niya na] ito ang araw ng pagpapamalas ng kapangyarihan ng Panginoon sa kapakinabangan ng kanyang mga tao. [D at T 115:5.] At muli sa pagbanggit sa ikasandaan at apat na bahagi:
“Samakatwid, kung sinuman ang kukuha sa kasaganaan na aking ginawa, at hindi nagkakaloob ng kanyang bahagi, alinsunod sa batas ng aking ebanghelyo, sa mga maralita at nangangailangan, siya, kasama ng masasama, ay magtataas ng kanyang mga mata sa impiyerno, dahil sa paghihirap.” [D at T 104:18.]
Binasa ko sa inyo ngayon ang mga pagbanggit na ito upang ipaaalala sa inyo ang mga batong pundasyon kung saan itinatag ang gawaing pangkapakanan ng Simbahan.5
Ano ang maaaring gamiting mapagkukunan upang malutas ang problemang pangkapakanan ng indibiduwal?
Anu-ano ang mapagkukunan ng Simbahan, o maaari ninyong tawagin ang mga ito na ari-arian, upang malutas ang problemang pangkapakanan ng indibiduwal? Paano ninyo sisimulang lutasin ito? Halimbawang itanong ko ito sa inyo ngayon. Halimbawa ngayong gabi’y may natanggap na tawag ang isang ama ng isang pamilya samantalang nasa trabaho siya, hatid ang masamang balita na ang kanyang maliit na anak na lalaki ay nabundol ng isang kotse at isinugod sa ospital, at masama ang kalagayan. Napakaliit lamang ng kinikita ng pamilyang ito, halos sapat lamang upang tustusan ang pamilya sa pagkain at mga pangangailangan. Ngayo’y biglang naharap ang pamilya sa bayarin sa doktor at sa ospital—paano kaya ninyo lulutasin ito?
Natatakot ako na baka kung itatanong ko iyan sa inyo at ipasasagot ito sa inyo ngayon, karamihan sa inyo’y magsasabing: “Mangyari pa, gagamitin namin ang pondo ng handog mula sa ayuno.” At hindi iyan ang paraan ng pagsisimula ng Programang Pangkapakanan, at diyan tayo nagkakamali. Una sa lahat, magsisimula tayo sa indibiduwal mismo. Hindi tayo aalis sa puntong iyon hangga’t hindi natin natutulungan ang indibiduwal na gawin ang lahat sa abot ng kanyang makakaya na lutasin ang kanyang sariling problema. Ngayon, maaari tayong itulak ng ating damdamin at pagkamahabagin sa ibang konklusyon, ngunit iyan pa rin ang una sa lahat, at pagkatapos ay tutungo naman tayo sa malalapit na kamag-anak ng pamilyang iyon. Nawawala ang pagkakaisa ng pamilya, nawawala ang kalakasan na nagmumula sa pagkakaisa ng pamilya, kapag hindi tayo nagbigay ng pagkakataon at tumulong na magkaroon ng paraan upang makatulong ang malalapit na kamag- anak ng pamilyang iyon, na labis na nabahala.
Sa gayon, ang susunod nating hakbang ay humingi ng tulong sa kamalig para sa mga dagliang pangangailangan. Sa tahanang tulad ng aking inilarawan, gusto kong makita ninyo ang inam ng pagbibigay sa pamilyang iyon ng kasuotan, pagkain, mahihigan at panggatong na kakailanganin nila sa loob ng ilang buwan upang di na magastos pa ang salapi na mamarapatin nilang ipambayad sa biglaang gastusin sa ospital, sa halip na kumuha lamang sa mga handog mula sa ayuno at iabot sa kanila ang salapi mismo. …
Ngayon, kapag di pa sapat ang mula sa kamalig, ang susunod na gagawin, siyempre, ay irekomenda sa obispo ang paggamit ng pondo ng handog mula sa ayuno, na, ayon sa itinuro sa kanya, ay gagamitin muna mula sa ibinigay niya at ng kanyang mga pinuno. Dahil dito, kailangan nating bigyang-pansin ang paglikom ng handog mula sa ayuno at ang pagdaragdag ng mga handog mula sa ayuno, at pagtuturo ng batas ng pag-aayuno, na isa sa pinakamahalagang bahagi ng Planong Pangkapakanan. …
Ngayon, kasunod niyan, dadako na tayo sa pagsasaayos ng iba’t ibang aspeto ng ating mga problema. Dito malaki ang gagampanang papel ng Samahang Damayan at ng mga korum ng Pagkasaserdote. Ano ngayon ang bahagi ng Samahang Damayan sa programa ng pagsasaayos? Mangyari pa, ang unang gagawin, sa pagdalaw ninyo sa tahanan ng nababagabag na pamilya, ay gawin ang hinihingi ng obispo, alamin ang mga kalagayan ng tahanan. …
Pupunta kayo doon para suriin, alamin ang mga kalagayan, at umorder mula sa kamalig, kung kailangang gawin iyan, at iulat sa inyong obispo ang mga kailangan ng pamilya para sa kanyang pahintulot at pagkuha mula sa kamalig, o mula sa mga pondong hawak niya, kung kailangan iyon. Ang pangalawang gagawin ninyo ay tiyakin na napag-aralan ang mga problema sa pamamahala ng tahanan, at makagawa ng mga direksiyon na makatutulong sa paglutas ng mga problemang naroon. Kailangang handa kayong tugunan ang mga biglaang pangangailangan, pagkakasakit, pagkamatay, at iba pang uri ng ganitong kondisyon sa tahanan, na mangangailangan ng pagdamay ng kapatid na babae na dapat ipadama ng Samahang Damayan. Pagkatapos, kailangan din na palagi ninyong palalakasin ang tiwala sa sarili ng mga tao sa bahaging ito ng programa. Kayo ang dapat na tumutulong, kayo ang dapat nagpapanatag sa situwasyon sa pamilya kapag may biglaang pangangailangan.6
Ngayon ang panahon para alamin ng mga miyembro ng pagkasaserdote ang kanilang pangkat ng korum. Dapat kilalanin ng bawat korum ang kanilang mga miyembro at ang mga kailangan nila at hanapin ang mga nakabaon sa utang at sa magiliw na paraan ay magmungkahi kung paano sila makaaahon sa pagkakautang. Higit kailanman ay kailangan ng tao ang isang kaibigan kapag siya’y naharap sa malaking problemang tulad nito. Ngayon ang panahon upang bigyan sila ng tatag ng loob na tumanaw sa hinaharap at magkaroon ng lakas na patuloy na sumulong. Hindi lamang natin dapat turuan ang mga tao na umahon sa pagkakautang kundi dapat din natin silang turuan na umiwas sa pangungutang.7
Umaasa kaming gagawin ng indibiduwal ang lahat upang tulungan ang kanyang sarli, maging ito ma’y biglaang pangangailangan ng isang pamilya o ng buong pamayanan, na gagawin ng mga kamag-anak ang lahat upang tumulong. Pagkatapos nito’y doon lamang kikilos ang Simbahan sa pamamagitan ng mga kalakal mula sa kamalig at mga handog mula sa ayuno upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan na hindi kayang tustusan ng mga kalakal mula sa kamalig, at sa huli, ang Samahang Damayan at mga korum ng pagkasaserdote ay tutulong sa pagsasaayos.8
Paano makaaasa sa sariling kakayahan ang ating sambahayan?
Upang matustusan ng indibiduwal o ng pamayanan ang sarili nitong pangangailangan, ang sumusunod na limang hakbang ay dapat gawin:
Una: Kailangang walang katamaran sa Simbahan.
Ikalawa: Kailangan nating matutuhan ang aral ng sariling pagsasakripisyo.
Ikatlo: Kailangan nating mapagbuti ang sining ng pamumuhay at sama-samang paggawa.
Ikaapat: Kailangan nating pairalin ang kapatiran sa ating mga korum ng pagkasaserdote.
Ikalima: Kailangan nating magkaroon ng lakas-ng-loob na sagupain ang mga hamon ng pang-araw-araw na mga problema sa pamamagitan ng ating sariling pagsisikap hanggang sa maabot ng sukdulang mapagkukunan ng tao o pamayanan bago tawagin ang iba upang tulungan tayo sa paglutas.9
Laging tandaan na ang programang pangkapakanan ng Simbahan ay kailangang magsimula sa inyo mismo. Kailangan itong magsimula sa bawat miyembro ng Simbahan. Kailangan nating magtipid at mag-impok. … Kailangan ninyong kumilos para sa inyong sarili at makilahok bago maging aktibo sa inyong sariling sambahayan ang programang pangkapakanan. …
Patuloy…na tiyaking may pagkain sa inyong mga tahanan; at payuhan ang inyong mga kapitbahay at kaibigan na gayundin ang gawin, sapagkat nagkaroon [ng] pangitain ang isang tao at nalaman na kakailanganin ito, at kakailanganin ito sa hinaharap, at ito ang nakapagligtas sa ating mga tao noon.
Ngayon, huwag tayong maging hangal at akalain na dahil maayos ang mga bagay sa ngayon ay hindi magkakaroon ng problema sa hinaharap. Sinabi sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag ang ilang bagay na mangyayari, at nabubuhay tayo sa panahon kung kailan ang katuparan ng mga propesiyang iyon ay narito na. Nagugulantang tayo, bagamat walang nangyayari sa ngayon na hindi nakinita ng mga propeta. …
Tulungan nawa tayo ng Diyos na panatilihing maayos ang ating mga bahay at ituon ang ating mata sa mga namumuno sa Simbahang ito at sundin ang kanilang iniuutos, at hindi tayo maliligaw.10
Bigyan ninyo ako ng mga tao na “magtatrabahong mabuti” upang makaiwas sa mga gapos ng pagkakautang, at sama-samang gagawa sa di-makasariling paglilingkod upang makamtan ang isang dakilang layunin, at ibibigay ko sa inyo ang mga tao na nakamtan ang pinakadakilang posibleng kaligtasan sa daigdig ng mga tao at mga materyal na bagay.11
Ang mga kapahamakan ay nangyayari sa lahat ng dako. Ang isa sa pinakamatitinding kapahamakan [isang lindol] ay naganap sa San Fernando [California] Valley. Naligalig kami sa paglipas ng mga araw at wala kaming komunikasyon dahil nasira ang mga telepono, at walang paraan upang makabalita kung ano na ang nangyayari sa ating mga tao; kaya nakipag-ugnayan kami sa ating [pinuno ng pagkasaserdote] na nakatira sa labas ng lugar na nayanig ng lindol at nagtanong kung maaari niya kaming balitaan. At dumating ang balita, “Ligtas kaming lahat. Ginamit namin ang imbak na pagkain na aming naitabi. Nakapag-imbak din kami ng tubig.” Ang dumadaloy na tubig ay di-maaaring inumin, at nabalisa ang mga tao at nalagay sa panganib dahil sa maruming tubig; ngunit ang mga taong nakinig ay nakapag-imbak ng tubig gayundin ng pagkain at iba pang bagay na tumutustos sa kanilang pangangailangan matapos ang lindol. At bagamat hindi naman lahat sa kanila ay may pagkain at walang tubig, ang mga nakinig at naghanda ay hindi natakot, at nagsama-sama sila sa kahangahangang paraan upang matulungan ang bawat isa.12
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Sang-ayon sa paliwanag ni Pangulong Lee, ano ang paraan ng Panginoon sa pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan? (Tingnan sa D at T 104:14–18.)
-
Ano ang ilang mapagkukunan natin na maaari nating ibahagi sa mga nangangailangan?
-
Bakit kailangang nakatuon ang ating pagpupunyaging maglingkod sa mga maralita at nangangailangan sa pagtulong sa kanilang maghanda para sa buhay na walang hanggan? Paano natin magagawa ito?
-
Bakit dapat gawin ng indibiduwal at ng mga pamilya ang lahat sa abot ng kanilang makakaya upang matulungan ang kanilang sarili? Anu-anong pagpapala ang dumarating sa mga pamilya na tumutulong sa kanilang sarili sa mga oras ng pangangailangan? Ano ang papel na ginagampanan ng mga korum ng pagkasaserdote at Samahang Damayan sa pagtulong sa mga nangangailangan?
-
Ano ang ibig sabihin ng pag-asa sa sariling kakayahan? Anuanong hakbang ang dapat nating gawin upang higit na makaasa sa ating sariling kakayahan?
-
Bakit napakahalaga ng kakayahan at kahandaang magtrabaho sa pag-asa sa sariling kakayahan? Paano natin matuturuang magtrabaho ang ating mga anak?
-
Anu-anong pagpapala ang dumarating sa atin kapag nakikinig tayo sa payo ng ating mga pinuno na bayaran ang ating mga pagkakautang at maging matipid sa pangangasiwa ng ating salapi?