Mga Turo ng mga Pangulo
Pambungad


Pambungad

Si Harold B. Lee, na ikalabing-isang Pangulo ng Simbahan at Apostol sa loob ng mahigit tatlumpung taon, ay nagbigay ng hamak na patotoo mula sa kaibuturan ng kanyang puso na “buhay ang Diyos, na si Jesus ang Manunubos ng daigdig.”1 Sa tagal ng kanyang panunungkulan ay sinabi niyang, “Dalangin ko na nawa’y higit na maunawaan ng lahat ng tao sa lahat ng dako ang kahalagahan ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ng buong sangkatauhan, na nagbigay sa atin ng plano ng kaligtasan na aakay sa atin tungo sa buhay na walang hanggan, kung saan ang Diyos at si Cristo ay naninirahan.”2

Ang paglalakbay pauwi sa ating Ama sa Langit ang pinakasentrong mensahe ng mga turo ni Pangulong Lee sa mga miyembro ng Simbahan. Hinimok niya ang bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit na “taglayin sa kanyang sarili ang di-natitinag na patotoo na maglalagay sa kanya sa landas na tiyak na patungo sa maluwalhating layunin ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.”3

“Ang pinakamahalagang mensahe na maibibigay ko sa inyo at sa buong mundo ay sundin ang mga kautusan ng Diyos,” wika ni Pangulong Lee, “sapagkat sa paraang iyon kayo magiging karapat-dapat na tumanggap ng banal na patnubay habang nabubuhay kayo sa mundo, at magiging handa sa mundong darating upang makaharap ang inyong Manunubos, at matanggap ang inyong kadakilaan sa piling ng Ama at ng Anak.”4

Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpasimula ng seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan upang tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na mapalalim ang kanilang pagkakaunawa sa mga doktrina ng ebanghelyo at lalong mapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga turo ng mga propeta sa dispensasyong ito. Ang aklat na ito ay kakikitaan ng mga turo ni Pangulong Harold B. Lee, na nagsabing:

“Ang mga batas ng Diyos na ibinigay sa sangkatauhan ay nakapaloob sa plano ng ebanghelyo, at ang Simbahan ni Jesucristo ang responsable sa pagtuturo ng mga batas na ito sa daigdig.”5

“Nawa’y matanim na mabuti sa inyong mga puso ang mga aralin na patuloy na magtutuon sa inyong mga mata sa walang hanggang layunin, upang hindi kayo mabigo sa misyon sa buhay, nang sa gayon, kung maging maikli man o mahaba ang inyong buhay, ay maging handa kayo kapag dumating na ang araw na papasok kayo sa kinaroroonan Niya na ang pangalan ay inyong tinataglay bilang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo nitong mga huling araw.”6

Ang bawat kabanata sa aklat na ito ay kinabibilangan ng apat na bahagi: (1) isang tanong na maikling nagpapakilala sa paksa ng kabanata; (2) ang “Pambungad,” na naglalarawan sa mga mensahe ng kabanata na may kasamang kuwento o payo mula kay Pangulong Lee; (3) “Mga Turo ni Harold B. Lee,” na naglalahad ng mahahalagang doktrina mula sa marami niyang mensahe at sermon; at (4) “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan,” na, sa pamamagitan ng mga tanong, ay naghihikayat ng personal na pagbabalik-aral at pag-aaral, karagdagang talakayan, at paggamit ng mga ito sa ating buhay.

Paano Gamitin ang Aklat na Ito

Para sa pansarili at pampamilyang pag-aaral. Ang aklat na ito ay nilayon na makaragdag sa pagkakaunawa ng bawat miyembro sa mga alituntunin ng ebanghelyo na mahusay na itinuro ni Pangulong Harold B. Lee. Sa pamamagitan ng pagbabasa nang may panalangin at ng mapag-isip na pag-aaral, ang bawat miyembro ay makatatanggap ng sariling patotoo sa mga katotohanang ito. Makadaragdag din ang aklat na ito sa aklatang pangebanghelyo ng bawat miyembro at magsisilbing mahalagang mapagkukunan sa pagtuturo sa pamilya at pag-aaral sa tahanan.

Para sa talakayan sa mga pulong sa araw ng Linggo. Ang aklat na ito ang teksto para sa pulong sa araw ng Linggo ng korum ng Pagkasaserdoteng Melquisedec at Samahang Damayan. Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks na ang mga aklat sa seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan ay naglalaman ng mga doktrina at alituntunin. Sagana at angkop ang mga ito sa mga pangangailangan ng ating panahon, at napakainam sa pagtuturo at talakayan. Dapat pagtuunan ng pansin ng mga guro ang nilalaman ng teksto at kaugnay na mga banal na kasulatan. Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Oaks, “Ang guro ng ebanghelyo ay hindi tinawag upang pumili ng paksa ng aralin kundi upang ituro at talakayin kung ano ang nakasaad.”7

Ang mga guro ay dapat sumangguni sa mga tanong sa hulihan ng kabanata upang makahimok ng talakayan sa klase. Ang pagrerepaso sa mga tanong bago pag-aralan ang mga salita ni Pangulong Lee ay maaaring magbigay ng karagdagang ideya sa kanyang mga pagtuturo.

Ang mga pulong sa araw ng Linggo ay dapat nakatuon sa mga alituntunin ng ebanghelyo, sariling karanasan na nagtuturo sa mga alituntuning ito, at patotoo sa katotohanan. Kung mapagpakumbabang hahangarin ng mga guro ang Espiritu sa paghahanda at pangangasiwa sa aralin, ang kaalaman sa katotohahan ng lahat ng makikibahagi ay mapalalakas. Dapat himukin ng mga pinuno at guro ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga kabanata bago talakayin ang mga ito sa mga pulong sa araw ng Linggo. Dapat nilang paalalahanan ang mga miyembro ng klase na dalhin ang kanilang mga aklat sa mga pulong at dapat nilang kilalanin ang paghahanda ng mga miyembro sa pamamagitan ng pagtuturo mula sa mga salita ni Pangulong Harold B. Lee. Kapag nabasa ng mga miyembro ng klase ang kabanata bago magklase, magiging handa silang magturo at mapalalakas ang bawat isa.

Hindi kinakailangan o iminumungkahi na bumili ang mga miyembro ng klase ng karagdagang mga teksto ng komentaryo o sanggunian upang suportahan ang mga materyal sa tekstong ito. Hinihikayat ang mga miyembro na basahin ang mga banal na kasulatan na iminungkahi para sa karagdagang pag-aaral ng doktrina.

Dahil ang tekstong ito ay nilayon para sa pansariling pag-aaral at sanggunian sa ebanghelyo, maraming kabanata ang naglalaman ng mas maraming materyal na hindi kayang ilahad nang buo sa mga pulong sa araw ng Linggo. Samakatwid, kailangan ang pag-aaral sa tahanan upang matanggap ang kabuuan ng mga turo ni Pangulong Lee.

Alam ng propetang ito ng Diyos ang daan pauwi sa ating Ama sa Langit, at nagbigay siya ng tagubilin sa lahat ng makikinig: “Kung makikinig kayo at gagawin ang narinig ninyo, aakayin kayo sa maluwalhating lugar na iyon na hindi lamang kaligayahan ang tawag kundi kagalakan. Ang ibig sabihin ng kagalakan ay kapag namuhay kayo sa paraan na handa na kayong pumasok sa kinaroroonan ng Panginoon.”8

Mga Tala

  1. Talumpati sa paglalaan ng bahay-pulungan ng Westwood Ward, Los Angeles, California, ika-12 ng Abr. 1953, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  2. “To Ease the Aching Heart,” Ensign, Abr. 1973, 5.

  3. Stand Ye in Holy Places (1974), 319.

  4. Sa Conference Report, Mexico and Central America Area Conference 1972, 120.

  5. The Teachings of Harold B. Lee, inedit ni Clyde J. Williams (1996), 19.

  6. The Teachings of Harold B. Lee, 627.

  7. Sa Conference Report, Okt. 1999, 102; o Ensign, Nob. 1999, 80.

  8. Talumpati sa komperensiya ng kabataan sa Billings, Montana, ika-10 ng Hunyo 1973, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 17.