Mga Turo ng mga Pangulo
Ang Ministeryo ni Harold B. Lee


Ang Ministeryo ni Harold B. Lee

Ang sumusunod na kuwento ng buhay ni Pangulong Harold B. Lee, na isinulat ni Elder Gordon B. Hinckley, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay inilathala sa Ensign noong Nobyembre 1972 (“President Harold B. Lee: An Appreciation,” 2–11). Natulungan ng lathalain ang mga miyembro ng Simbahan na higit na makilala si Pangulong Lee, na kailan lamang naging Pangulo ng Simbahan.

“Ang kuwento tungkol kay Harold B. Lee, Pangulo ng Simbahan, ay maisasalaysay sa ilang linya: Isinilang noong ika-28 ng Marso, 1899, sa Clifton, Idaho, anak nina Samuel Marion at Louisa Emeline Bingham Lee, isa sa anim na anak. Nag-aral sa lokal na paaralan, sa Oneida Academy na malapit sa Preston, sa Albion State Normal School sa Albion, Idaho, at sa huli sa University of Utah. Nagsimulang magturo sa edad na 17, naglingkod bilang punong-guro ng paaralan sa edad na 18, at sa huli bilang punong-guro ng dalawang paaralan sa Salt Lake County, Utah. Ikinasal kay Fern Lucinda Tanner noong ika-14 ng Nobyembre, 1923. Namatay si Lucinda noong ika-24 ng Setyembre, 1962. Ikinasal kay Freda Joan Jensen noong ika-17 ng Hunyo, 1963.

“Pinamahalaan ang Foundation Press, Inc., 1928–33. Naglingkod bilang Salt Lake City Commissioner 1933–37, nang siya’y naging tagapangasiwang direktor ng programang pangkapakanan ng Simbahan. Natawag na miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa noong ika-6 ng Abril, 1941, Pangulo ng Kapulungan ng Labindalawa at unang tagapayo sa Unang Panguluhan noong ika-23 ng Enero, 1970, at inordenan at itinalaga bilang Pangulo ng Simbahan noong ika-7 ng Hulyo, 1972.

“Gayon ang mga simpleng katotohanan ng kanyang buhay. Ngunit ang buhay na iyon ay karapat-dapat na ikuwento nang detalye.

“Kung ihahambing sa mga bayan at lungsod, ang Clifton ay napakaliit, at hindi ito ang pangunahing daanan. Ngunit sa paglipas ng mga taon, mas kikilalanin ito bilang lugar na sinilangan ng ikalabing-isang Pangulo ng Simbahan.

“Ang ama ni Pangulong Lee, si Samuel Marion, ay dumating sa Clifton mula sa ibang bayan, sa Panaca, sa katimugang Nevada. Namatay ang ina ni Samuel (lola ni Pangulong Lee) noong siya ay walong araw pa lamang, at ang kulang sa buwan na sanggol ay napakaliit kung kaya maaaring isuot ang isang singsing sa kanyang kamay at sa kanyang mga bisig. Kinailangan siyang pakainin sa pamamagitan ng eye dropper. Sa Clifton nakatira ang kapatid na babae ng kanyang ina, at sa edad na 18, lumipat ang binatilyo sa hilaga upang mamuhay kasama ng kanyang pamilya.

“Doon niya nakilala ang itim ang buhok, at itim ang matang si Louisa Bingham. Ikinasal sila sa Logan Temple. Ang tahanang kanilang itinayo at kung saan isinilang ang kanilang anim na anak ay ‘malayo sa daan, mga limang kilometro sa gawing hilaga ng tindahan.’ Hindi sinasadya na ang tindahan ay ang nag-iisang bahay kalakalan ng bayan. Ang daan ay baku-bako—maalikabok sa tag-araw, puno ng niyebe sa taglamig, at maputik sa tagsibol at taglagas. …

“Dito lumaki ang nakayapak at nakasuot ng overall na si Harold, isang batang lalaking probinsiyano. May nagsisilangoy sa Dudley’s Pond, ngunit hindi sa araw ng Linggo. Ang ama niya noon ay nasa obispado, ang ina ay nasa [samahan ng Mga Kabataang Babae]—at banal ang Linggo. Iyon din ang lawa, sa bukid ni Bybee, kung saan bininyagan si Harold B. Lee.

“Salat na salat sa salapi noong mga panahong iyon. Umaani sa bukid ngunit kakaunti ang kita sa butil at mga patatas. Nadaragdagan ng ama ang kita ng pamilya sa pamamagitan ng pagtanggap ng kontrata sa pagtatabas ng butil, pagtatayo ng poso, at paggawa ng mga patubig. Ngunit hindi alam ng mga anak na mahirap sila. Ang tahanan at Simbahan ay nagbibigay ng pagkakataon sa paglilibang. Ang pinakayaman ng bahay ay ang piano. Isang babaing taga Scotland, na namamalo ng buko ng kamay ng estudyante sa piano kapag mali ang notang natugtog, ang nagturo sa kanya kung paano maglaro.

“Si Harold ay lalong eksperto sa piano. Kapansin-pansin na ang pagmamahal sa musika, na nalinang noong mga panahong iyon, ay naipakita sa dakong huli nang maglingkod siya bilang tagapangulo ng Komite ng Simbahan sa Musika. …

“Isang maliit na bagon na hila-hila ng maliit na kabayo, na karaniwang pinatatakbo ng ina, ang naghahatid-sundo sa mga bata sa paaralan na mga 3 kilometro ang layo. Ito ay nagiging munting kanlungan kapag umiihip ang hangin ng Enero mula sa hilaga, at problema ang putik dahil sa pagkatunaw ng niyebe sa daan. Ngunit gayon talaga ang buhay sa Clifton. Tulad ng puna ni Pangulong Lee, ‘Nasa amin ang lahat ng bagay na hindi mabibili ng salapi.’ At pinupunan ng marami sa mga bagay na ito ang anumang kakulangan nila. Napakalinis ng hangin, at tila ang tamis nang samyo nito. Ang tubig ay tila umaalon na salamin at napakadaling maaninag ang makikinang na bato sa pusod ng sapa. Ang mga bituin sa gabi ay mistulang mga tao at hayop sa kalangitan—at sa paggamit ng imahinasyon ng isang bata ay nasasabi niya kung ano ang nakikita niya sa kalangitan. Ang ulan sa tag-araw ay tulad ng mana na bumagsak sa ilang, na nagbibigay buhay sa lupain. Dumating ang tagsibol at inilatag ang malawak na luntiang alpombra sa lupang inararo, na sinundan ng pagtatanim. Ang dumadagundong at umuusok na makina ang nagbibigay ng koryente sa mahabang hanay ng mga makinang panggapas na umaani ng saku-sakong trigo, obena (oats), at barley. …

“Nang matapos na ang pag-aaral sa lokal na paaralan, ‘umalis na ng tahanan’ ang mga batang lalaki upang mag-aral sa Oneida Academy, ang mataas na paaralang pag-aari ng Simbahan sa Preston na mga 24 na kilometro ang layo. Noon ay 13 taong gulang si Harold, at dito niya unang nakilala si Ezra Taft Benson [na naging ikalabintatlong Pangulo ng Simbahan]. Sumunod dito ang Albion State Normal School, sa kabilang panig ng Idaho. Dito, sa edad na 17, natanggap ni Harold B. Lee ang kanyang sertipiko sa pagtuturo. Ipinagmamalaki niya at ng kanyang pamilya ang araw na iyon. Inalok siya ng lupong pang-edukasyon ng distrito ng trabaho bilang guro sa maliit na isang-silid na Silver Star School, sa pagitan ng Dayton at Weston, ‘na nasa daan’ papuntang Clifton. Ang sahod noon ay animnapung dolyar bawat buwan. Umuuwi siya kapag Sabado at Linggo na sakay ng kabayo sa layong 16 na kilometro.

“… Nang sumunod na taon, tinawag siya ng lupon upang maging punong-guro ng Oxford School na may apat na silid. Napakalaking oportunidad iyon para sa isang 18 taong gulang na binatilyo. Nag-uwian siya araw-araw sa layong 6 na kilometro na sakay ng kabayo, umulan man o umaraw, maganda o masungit man ang panahon. Taglay ang nalinang na talento sa musika at kakayahan sa larong basketbol, sumali siya sa mga aktibidad ng pamayanan sa kanyang bakanteng oras. Unang namasdan ni Harold B. Lee ang nakilala sa dakong huli na programang pangkapakanan ng Simbahan noong panahon na obispo ang kanyang ama. Tulad ng dati, pananagutan ng obispo ang pangalagaan ang mga nangangailangan. Pinatakbo ni Bishop Lee ang kanyang sariling kamalig at sa kanya mismo galing ang mga kalakal niyon. Sa gabi ay nakikita siya ng kanyang pamilya na kumukuha ng sako ng harina, hindi nila alam kung saan, dahil mahigpit na inililihim ang problema ng mga nangangailangan, upang hindi ito maging usap-usapan at magdulot ng kahihiyan sa mga taong nangangailangan.

“Tulad ng dati, tanging karapatan at responsibilidad ng obispo ang magrekomenda ng mga kabataang lalaki para magmisyon. Si Harold B. Lee ay 21 taong gulang na at apat na taon nang nakapagturo. Dumating ang tawag mula kay Pangulong Heber J. Grant na maglingkod sa Western States Mission.

“Matatagpuan sa nakakandadong salansan ng Departamento ng Misyonero ng Simbahan ang ulat sa Unang Panguluhan tungkol kay Elder Lee. Ito ay may petsang ika-30 ng Disyembre, 1922, at nilagdaan ni Pangulong John M. Knight. Nakasaad dito ang panahon ng kanyang paglilingkod— ika-11 ng Nobyembre, 1920, hanggang ika-18 ng Disyembre, 1922. Pagkatapos ay sinagot ang iba’t ibang katanungan: ‘Kuwalipikasyon—Bilang tagapagsalita, “Napakabuti.” Bilang namumuno, “Mabuti.” Marami ba siyang alam sa Ebanghelyo? “Napakabuti.” Naging masigla ba siya? “Napaka.” Maingat ba siya at mabuting impluwensiya?” “Oo.” Mga puna: “Pinamunuan ni Elder Lee ang Denver Conference sa kakaibang paraan mula ika-8 ng Agosto, 1921 hanggang ika-18 ng Disyembre, 1922. Siya’y pambihirang misyonero.”

“Noon ay mayroon din sa misyon na iyon na isang dalaga mula sa Lungsod ng Salt Lake, si Fern Lucinda Tanner. Itinuring siya ng kanyang mga kasama bilang matalino, maganda, at napakahusay sa mga banal na kasulatan. Nang makauwi na si Elder Lee, sandali siyang nagbalik sa Clifton at pagkatapos ay nagpunta sa Lungsod ng Salt Lake upang hanapin at ligawan ang babaing hinangaan niya sa misyon. Ikinasal sila sa Templo sa Salt Lake mga labing-isang buwan makaraan siyang bumalik.

“Sa pagsasama nila bilang mag-asawa ay isinilang ang dalawang magagandang anak na babae, sina Helen [sa huli’y naging Mrs. L. Brent Goates] at Maurine [sa huli’y naging Mrs. Ernest J. Wilkins]. Ang tahanan ng mga Lee ay lugar ng pagtitipon para sa mga kabataan sa pook na iyon. At kabaitan at kahusayan ni Sister Lee sa paglutas ng mahihirap na kalagayan ang hinahangaan ng lahat ng nakakikilala sa kanya. Minsan ay pinatahimik niya ang dalawang kilalang kalalakihan na bumabatikos sa isa sa kanilang mga kasamahan, na nagsasabing, ‘Sa pagsisikap ninyong maging makatwiran, huwag ninyong kalimutan ang kabaitan.’…

“Ang mga katangiang taglay ni [Harold B. Lee] noong maging punong-guro siya ng dalawang paaralan sa edad na 18 ay muling kinilala. Sa kanyang karagdagang pag-aaral sa University of Utah, tinawag siyang maging punong-guro, una sa Whittier School at pagkatapos sa Woodrow Wilson School sa Salt Lake County. …

“Nanirahan siya sa Pioneer Stake matapos siyang makasal, kung saan siya nagkaroon ng iba’t ibang katungkulan sa Simbahan. Noong 1929 ginawa siyang tagapayo sa panguluhan ng istaka. Nang sumunod na taon tinawag siyang maging pangulo ng istaka. Noon ay 31 taong gulang na siya, ang pinakabatang pangulo ng istaka sa Simbahan.

“Namayani ang kahirapan sa bansa at sa daigdig. Mabilis na bumaba ang presyo ng mga kalakal at bumagsak ito. Wala ring mautangan ng salapi. Nagsara ang mga bangko at milyun-milyong dolyar na naimpok ang nawala. Marami ang nawalan ng trabaho. Nang masira ang ilang taon nilang pinaghirapan, ang mga tao ay nagpakamatay na lamang. May mga lugar na nagpapakain ng mga taong nangangailangan at pila ng mga taong nanghihingi ng tinapay at iba pang pagkain. Nasiraan ng loob ang mga tao at nagkaroon ng trahedya. Sa Pioneer Stake mahigit sa kalahati ng mga miyembro ang walang trabaho.

“Narito ang isang hamon, isang nakasisindak na hamon, sa batang pangulo ng istaka. Nag-alala, tumangis, at nanalangin siya habang nakikita niya ang mga tao na noon ay mapagmalaki at matagumpay na bumaba ang katayuan sa buhay dahil sa kawalan ng trabaho hanggang sa hindi na nila mapakain ang kanilang pamilya. Pagkatapos ay dumating ang inspirasyon na magtayo ng kamalig kung saan matitipon ang pagkain at mga kalakal at mula roon ay maipamahagi ito sa mga nangangailangan. Nagsagawa ng mga proyekto hindi lamang upang paunlarin ang pamayanan kundi, higit sa lahat, upang bigyan ng pagkakataon ang mga tao na mapagtrabahuan ang kanilang natatanggap. Giniba ang isang lumang gusaling pangnegosyo at ginamit ang mga materyal sa pagtatayo ng himnasyo (gymnasium) ng istaka upang may magamit na pasilidad ang mga tao sa kanilang pagtitipon at paglilibang.

“Nagkaroon ng gayunding mga proyekto ang iba pang mga istaka, at noong Abril 1936 ang mga ito ay pinag-ugnay-ugnay upang mabuo ang tinawag noon ni Pangulong Heber J. Grant na programa sa seguridad ng Simbahan, na ngayon ay kilala na bilang programang pangkapakanan ng Simbahan.

“Si Harold B. Lee, ang batang pinuno ng Pioneer Stake ay tinawag na mangasiwa sa bagong tatag na programa sa kabila ng mga kahirapan noong panahong iyon. Lubhang napakarami ng problema. Napakahirap tipunin ang mga ari-ariang bukirin upang magkaroon ng pagkain at lumikha ng mga pasilidad sa pagpoproseso at pag-iimbak. Ang lalo pang mahirap pakibagayan ay ang ugali ng mga taong pumupula sa ginagawa ng Simbahan at nag-aakalang ang bagay ukol sa pangkapakanan ay dapat sa loob lamang ng nasasakupang pinamamahalaan.

“Subalit sa pamamagitan ng panalangin at panghihikayat, pawis at hirap, at sa basbas ng itinuturing niyang propeta, naglakbay siya sa lahat ng mga istaka ng Sion, at ang programa ay napasimulan at lumago at umunlad.

“Ang malawak na pinagkukunan ng programang pangkapakanan sa ngayon—masaganang ani sa mga bukirin, planta sa pagpoproseso at pagdedelata, matataas na gusaling imbakan at pabrika, at iba pang proyektong nagkalat sa buong Amerika—ay ang pinagbuti at kahanga-hangang pagpapatuloy ng mga naunang pagpupunyagi. Habang laging binabatikos ang mga programa ng pamahalaan sa kawanggawa, patuloy namang pinupuri ng mga tao sa buong mundo ang programa ng Simbahan. Naligtas sa pagbabayad ng milyun-milyong dolyar ang mga nagbabayad ng buwis dahil sa inaakong tungkulin ng Simbahan sa suliraning pangkapakanan. Nabigyan ng kapaki-pakinabang na trabaho ang libu-libong tao, kabilang na ang maraming may kapansanan na nabigyan ng pagkakataon na kumita ng salaping kailangan nila. Ang mga lumahok bilang tagatanggap ng programang ito ay naligtas sa ‘sumpa ng katamaran at kasamaan ng panlilimos.’ Napreserba ang kanilang dignidad at paggalang sa sarili. At ang sanlaksang kalalakihan at kababaihan na hindi direktang tumanggap, ngunit nakilahok sa pagtatanim at pagpoproseso ng pagkain at sa marami pang gawain ay nagbibigay patotoo sa kagalakang matatagpuan sa di-makasariling paglilingkod sa iba.

“Walang sinumang nakasasaksi sa programang ito sa malawak na pagkakaugnay nito at sa malaking ibubunga nito ang maaaring mag-alinlangan sa diwa ng paghahayag na nagpanimula dito at nakapagpalawak sa impluwensiya nito sa kabutihan. Si Pangulong Harold B. Lee, ang unang tagapangasiwang direktor nito at matagal nang tagapangulo ng Komiteng Pangkapakanan ng Simbahan, ay kailangang mapasalamatan sa inspiradong patnubay. Sa kanyang kapakumbabaan ay hindi niya tatanggapin iyon, at iyon ang tama, dahil ibibigay niya ang papuri sa Panginoon. Ang Panginoon, sa pagpapalaki sa kanyang lingkod, ay kinilala ang kanyang katapatan at kanyang pananampalataya. …

“Dahil sa nagdaan siya sa apoy ng pagsubok noong nagsisimula pa lamang ang programang pangkapakanan ng Simbahan, tinawag si Elder Lee ni Pangulong Heber J. Grant upang maging apostol at sinang-ayunan siya na miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa noong ika-6 ng Abril, 1941.

“Sa pagtatalagang iyon ay isinulat ito ni Elder John A. Widtsoe sa isang lathala sa magasin ng kanyang kasamahan: ‘Puno siya ng pananampalataya sa Panginoon; sagana sa pagmamahal sa kanyang kapwa-tao; tapat sa Simbahan at sa Estado; kinalilimutan ang sarili sa kanyang katapatan sa Ebanghelyo; pinagkalooban ng katalinuhan, lakas, at pagkukusa; at pinagkalooban ng kapangyarihan upang ituro ang salita at kalooban ng Diyos. Gagawin siyang mabisang kasangkapan ng Panginoon na hinihingan niya ng tulong sa pagsusulong ng walang hanggang plano ng kaligtasan ng tao. … Bibigyan siya ng lakas na higit kaysa naranasan niya, habang nakararating sa Panginoon ang mga dalangin ng mga tao para sa kanyang kapakanan.’ (Improvement Era, Mayo 1941, p. 288.)

“Ang mga ito’y matatapat na salita ng papuri, at mga salita ng propesiya.

“Ang kanyang kuwento … ay tungkol sa katapatan sa dakila at sagradong katungkulan ng isang apostol, na ang partikular na tungkulin ay maging natatanging saksi ‘ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig.’ [D at T 107:23.]

“Sa paghahanap sa responsibilidad na iyon, naglakbay siya sa maraming panig ng mundo ayon sa inatas ng Unang Panguluhan, na ipinararating ang kanyang tinig, sa pagpapahayag sa kabanalan ng Manunubos sa sangkatauhan.

“Madalas ninyang binabanggit ang mga salita ni Pablo sa mga taga Corinto: ‘Sapagka’t kung ang pakakak ay tumunog na walang katiyakan, sino ang hahanda sa pakikibaka?’ (I Corinto 14:8.) Walang hindi malinaw sa mensahe ni Harold B. Lee. Walang alinlangan, at sa katiyakan na nagmumula sa matibay na pananalig, nagpatotoo siya kapwa sa mayayaman at mahihirap ng mundo. … Hindi siya kailanman umatras sa kanyang responsibilidad bilang tagapaglingkod ng Diyos sa pagpapatotoo sa katotohanan. Ang mga misyonero ay nahikayat sa higit na masigasig na pagpupunyagi, ang mga miyembro ng Simbahan ay nagpasiya nang ipamuhay ang ebanghelyo, naantig rin ang puso ng mga nagsisiyasat sa pagbabahagi niya ng kanyang patotoo. Hindi niya inalintana ang kanyang sarili at sinunod niya ang mahigpit na iskedyul kahit na nanganib ang kanyang kalusugan. Nabatid ng mga taong malapit sa kanya na sa loob ng maraming buwan ay bihirang wala siyang dinaramdam. … Ang pagdanas niya ng karamdaman ang nagpatalas sa kanyang pakiramdam sa pagdurusa ng iba. Siya ang taong naglakbay nang malayo at malapit upang himukin at pagpalain ang mga Banal. May mga tao sa maraming lupain na sa pasasalamat ay nagbibigay patotoo hinggil sa mahimalang kapangyarihan ng pagkasaserdote na ginamit para sa kanilang kapakanan ng lingkod na ito ng Panginoon.

“Naging sensitibo din siya sa kalungkutan, sa takot, sa mga hamon na nasasagupa ng mga tao na nasa serbisyo militar. Noong Ika-II Digmaang Pandaigdig, Digmaan sa Korea, at digmaan sa [Vietnam], pinangasiwaan niya ang programa ng Simbahan para sa mga sundalo. Palagi niyang ipinahihiwatig sa kanyang mga kasamahan na kailangang ibigay sa mga nasa serbisyo militar ang buong programa ng Simbahan, kaakibat ang lahat ng pagpapala at pagkakataon na dumadaloy mula rito. Naglakbay siya sa mga lupain at karagatan upang makaharap ang mga miyembro ng Simbahan na nasa serbisyo militar. Noong 1955, dinalaw niya ang Korea na noon ay malaking lugar na handa sa digmaan, na suot ang uniporme ng mga sundalo. … Hindi kailanman malilimutan ng mga taong nakakilala sa kanya ang kanyang kabaitan, kanyang pagmamalasakit, o kanyang patotoo tungkol sa nananaig na kapangyarihan ng Diyos sa mga gawain ng tao. Inaliw niya sila, binigyan sila ng katiyakan, iniligtas ang marami sa kanila sa mapanganib na kalagayan.

“Inaliw niya ang mga naulila. Mula sa sariling karanasan ay nalaman niya ang lungkot ng pagkawala ng mahal sa buhay. Nasa Salt Lake City siya at dumadalo sa komperensiya ng istaka nang mag-agaw buhay ang kanyang minamahal na kabiyak. Naglakbay siya nang gabi, nagmadaling nagpunta sa tabi ng kanyang higaan, upang makita lamang siyang pumanaw. Kahit paano ay nadama ng mga malapit sa kanya ang tindi ng kalungkutang nadama niya mga ilang araw matapos mamatay ang kanyang asawa. Nangyari iyon noong 1962. Noong 1966 kinuha ni kamatayan ang minamahal niyang anak na si Maurine habang nasa Hawaii si Elder Lee sa atas na gawain sa Simbahan. Nag-iwan siya ng apat na anak.

“Ang mapapait na karanasang ito, na mahirap dalhin, ay nakaragdag sa kanyang pagiging sensitibo sa mga pasanin ng iba. Ang mga nakaranas ng gayon ay nakakita sa kanya ng maunawaing kaibigan at isang taong ang pananampalataya ay pinagmumulan ng kanilang kalakasan.

“Noong 1963 ay pinakasalan niya si Freda Joan Jensen, na nagbigay kaganapan sa kanyang buhay sa kahanga-hangang paraan. Dahil sa nakapag-aral at may kabutihang-asal, lumagi siya sa tahanan na siyang pinakamagandang samahan. Isa siyang babae na kakaiba ang mga nagawa. Dahil sinanay na maging guro, nagturo siya sa paaralan, at nagkaroon ng maraming katungkulang administratibo upang maglingkod bilang tagapamahala ng primaryang edukasyon sa Jordan School District ng Salt Lake County. Naglingkod sa pangkalahatang lupon ng Primary Association. Ang tahanang kanyang pinangasiwaan ay kanlungan ng kapayapaan para sa kanyang asawa at lugar ng kalugud-lugod na mabuting pagtanggap sa lahat ng nagkaroon ng pagkakataong makapasok dito.

“Sa pagkilala ni Pangulong David O. McKay sa malawak na kaalaman ni Elder Lee sa mga programa ng Simbahan at sa kanyang administratibong kakayahan na subok na, si Elder Lee ay hinirang na tagapangulo ng komite sa pag-uugnay-ugnay ng buong kurikulum ng Simbahan. Dito nagmula ang puspusang pagrerepaso ng mga kurso ng aralin na gamit sa loob ng maraming taon, kasama ang pagsusuri ng lahat ng mga samahan at pasilidad sa pagtuturo. Ang malawakang pagpupunyagi sa ilalim ng kanyang pamamahala ay nagbunga ng napag-ugnay-ugnay na kurikulum na binuo upang magbahagi ng kaalaman sa bawat yugto ng gawain at doktrina sa Simbahan at patatagin ang espirituwalidad ng mga miyembro. Ang lakas ng kanyang pamumuno ay makikita sa gawaing ito. Siya ay naging matatag, ang kanyang layunin ay malinaw na inilahad. Ang buong Simbahan ang nakinabang sa kanyang paglilingkod.

“Sa pagkamatay ni Pangulong McKay at sa paghalili sa panguluhan ni Joseph Fielding Smith, si Elder Lee ang naging Pangulo ng Kapulungan ng Labindalawa at pinili ni Pangulong Smith na maging kanyang unang tagapayo. Bagama’t nangailangan ito ng pag-aalis sa kanya sa pagiging tagapangulo ng ilan sa kanyang mas naunang mga gawain, itinuloy pa rin ang dating mga layunin sa ilalim ng kanyang pangkalahatang pamumuno. Pinasimulan ang mga programa upang pag-ibayuhin ang kasanayan ng mga guro sa buong Simbahan. Nagkaroon ng programa sa pagsasanay ng obispo. Pinalakas ang programang pangmisyonero sa buong daigdig. …

“Nang tahimik na lumisan si Pangulong Joseph Fielding Smith sa buhay na ito noong gabi ng ika-2 ng Hulyo, 1972, walangalinlangan sa isipan ng mga miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa kung sino ang susunod sa kanya na magiging Pangulo ng Simbahan. Biyernes nang umaga, ika-7 ng Hulyo, nagpulong sila sa sagradong silid ng Salt Lake Temple. Sa tahimik at banal na lugar na iyon, bagbag ang mga pusong hinangad nila ang patnubay ng Espiritu. Lahat ng puso ay nagkaisa sa sagot sa patnubay na iyon. Si Harold Bingham Lee, na pinili ng Diyos at naturuan mula sa pagkabata ng mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo, pinadalisay at pinakintab sa loob ng tatlumpung taong paglilingkod bilang apostol, ay tinawag na maging Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag. Ipinatong sa kanyang ulo ang mga kamay ng lahat ng naroon, at inordenan siya bilang hinirang ng Panginoon sa mataas at di-mapapantayang katungkulang ito.

“Sa pagtataguyod ng pananampalataya at panalangin ng mga Banal sa buong mundo, siya ang tumatayong namumunong mataas na saserdote sa kaharian ng Diyos sa lupa.”

Si Pangulong Harold B. Lee ay naglingkod bilang propeta ng Panginoon sa loob ng 17 buwan at 19 na araw. Sa panahong ito ng pagbabago at paglaganap, pinangasiwaan ni Pangulong Lee ang paglikha ng unang istaka sa Chile at sa lupain ng Asya sa Korea. Pinamunuan niya ang mga unang komperensiya ng pook na ginanap sa Mexico City Mexico, at Munich, Germany. Pinalaganap niya ang serbisyo ng programang pangkapakanan ng Simbahan sa buong mundo. Namatay siya noong ika-26 ng Disyembre 1973, sa edad na 74.

Pangulong Harold B. Lee