Kabanata 6
Upang Marinig ang Tinig ng Panginoon
Paano tayo makatatanggap ng pansariling paghahayag mula sa Panginoon?
Pambungad
Sinabi minsan ni Pangulong Harold B. Lee: “Mayroon akong mapaniwalang puso na nagsimula sa isang simpleng patotoo na dumating noong ako ay bata pa —palagay ko ay mga sampu o labing- isang taong gulang pa lang ako noon. Kasama ko ang aking ama sa bukid na malayo sa aming tahanan, sinikap kong gawing abala ang sarili ko hanggang sa handa nang umuwi ang aking ama. Sa kabilang bakod mula sa lugar namin ay may ilang nakahilerang troso na nakakaakit sa sinumang usiserong bata, at ako ay mapagsapalaran. Nagsimula akong umakyat sa bakod, at narinig ko ang isang tinig na kasinglinaw nang pagkakarinig ninyo sa tinig ko ngayon, na tinatawag ako sa aking pangalan at sinasabing, ‘Huwag kang pumunta diyan!’ Lumingon ako sa aking ama upang tingnan kung kinakausap niya ako, subalit naroon siya sa kabilang dulo pa ng bukid. Walang ibang tao sa paligid. Natanto ko noon, bilang isang bata, na may mga taong hindi ko nakikita, sapagkat walang-alinlangang nakarinig ako ng tinig. Simula noon, kapag nakakarinig o nakakabasa ako ng mga kuwento ni Propetang Joseph Smith, alam ko rin kung ano ang kahulugan ng makarinig ng tinig, dahil naranasan ko iyon.”1
Bagaman maaaring hindi malinaw na nakikipag-usap sa atin ang Panginoon, habang natututuhan nating makipag-usap sa Kanya at napapansin ang paraan ng pakikipag-usap Niya sa atin, unti-unti na natin Siyang nakikilala. Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee na “upang makilala ang Diyos at si Jesucristo na Kanyang sinugo (tingnan sa Juan 17:3), gaya nang sinabi ng Guro sa kanyang mga disipulo, ay ang magsimula sa tiyak na daan na humahantong sa buhay na walang hanggan sa kinaroroonan ng mga niluwalhating nilalang na ito.”2
Mga Turo ni Harold B. Lee
Sa anu-anong paraan nakikipag-usap ang Ama sa Langit sa Kanyang mga anak?
Nakinig ako sa isang inspiradong sermon na ibinigay sa Brigham Young University ni Pangulong [J. Reuben] Clark. … Sinuri niya ang lahat ng uri ng paghahayag na dumating. Una niyang tinalakay ang pagpapamalas ng Maykapal (theopany), na inilarawan bilang isang pangyayari kung saan ang Ama o ang Anak o silang dalawa ay personal na nagpakita o nakipag-usap nang tuwiran sa tao. Si Moises ay nakipag-usap nang harap-harapan sa Panginoon [tingnan sa Moises 1:1–4]; Si Daniel ay nakaranas ng pagpapamalas ng Maykapal, o personal na pagpapakita [tingnan sa Daniel 10]. Nang magpunta ang Guro kay Juan Bautista upang magpabinyag iyong matatandaang may tinig na nagsalita mula sa langit at nagsabing, “Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.” [Mateo 3:17.] Sa pagbabalik- loob ni Pablo,… mayroon ding personal na pagpapakita, at isang malinaw na tinig ang narinig [tingnan sa Mga Gawa 9:1– 6]. Sa pagbabagong-anyo (transfiguration), kung kailan sina Pedro, Santiago, at Juan ay nagtungo sa Guro sa mataas na bundok kung saan sina Moises at Elias ay nagpakita sa kanila, isang tinig ang muling narinig na nagsasalita mula sa mga kalangitan, nagsasabing, “Ito ang aking minamahal na Anak, na siya kong kinalulugdan. …” (Mateo 17:5.)
Marahil ang kamangha-mangha sa lahat ng mga personal na pagpapakita ng ating panahon ay ang pagpapakita ng Ama at ng Anak sa Propetang si Joseph Smith sa kakahuyan [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–17]. Sumunod diyan ang ilan pang pagpapakita, isa na rito ay nakatala sa ika-110 bahagi ng Doktrina at mga Tipan, kung saan nagpakita ang Tagapagligtas kina Joseph at Oliver. …
Isa pang paraan kung paano tayo nakakatanggap ng paghahayag ay binanggit ni propetang Enos. Isinulat niya itong pinaka makahulugang pahayag sa kanyang talaan sa Aklat ni Mormon: “At samantalang ako ay nasa gayong pagpupunyagi sa espiritu, masdan, ang tinig ng Panginoon ay sumaisip kong muli. …” [Enos 1:10.]
Sa madaling salita, minsan naririnig natin ang tinig ng Panginoon na sumasagi sa ating mga isipan, at kapag ito ay dumating, ang impresyon ay singlakas ng tila ba Siya ay nagtutrumpeta sa ating tainga. …
Sa isang kuwento sa Aklat ni Mormon, pinagsabihan ni Nephi ang kanyang mga kapatid, tinatawag sila upang magsisi, at nagpahayag din ng gayong kaisipan nang sabihin niya: “…at siya ay nangusap sa inyo sa isang marahan at banayad na tinig, datapwat kayo ay manhid, kung kaya’t hindi ninyo madama ang kanyang mga salita.…” (1 Nephi 17:45.)
Kung kaya ang Panginoon, sa pamamagitan ng paghahayag, ay naghahatid ng mga kaisipan sa ating mga isipan na para bang isang tinig na nagsasalita. Maaari bang magbahagi ako ng hamak na patotoo sa katotohanang ito? Minsan ay nasa isang sitwasyon ako kung saan nangangailangan ako ng tulong. Alam ng Panginoon na nangangailangan ako ng tulong, dahil ako ay nasa isang mahalagang misyon. Nagising ako sa alanganing oras ng umaga at itinuwid ang isang bagay na plano kong gawin sa ibang paraan, at ang paraan ay malinaw na ibinalangkas sa akin habang nakahiga ako nang umagang iyon, na para bang may isang taong nakaupo sa dulo ng aking higaan at sinasabi kung ano ang dapat kong gawin. Oo, ang tinig ng Panginoon ay sumagi sa aking isipan at sa gayon tayo ay magagabayan.
Nakakatanggap din tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith noong katatatag pa lang ng Simbahan, “Oo, masdan, sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na…mananahanan sa iyong puso. Ngayon, masdan, ito ang espiritu ng paghahayag. …” (D at T 8:2–3.) Inalo ng Guro ang Kanyang mga disipulo, kung natatandaan ninyo, bago ang pagpapako sa Kanya sa krus nang sabihin Niya, “…kung hindi ako yayaon, ang Taga-aliw ay hindi paparito sa inyo. … Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan [o ang Espiritu Santo], ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanan; …kanyang ipapakita sa inyo ang mga bagay na darating” (Juan 16:7, 13), “at magpapaalala ng lahat ng bagay sa inyo. …” (Juan 14:26.) Sa gayon nakikita natin ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang Propetang si Joseph Smith ay nagsalita tungkol dito, “Walang sinumang makatatanggap ng Espiritu Santo nang hindi tumatanggap ng mga paghahayag. Ang Espiritu Santo ay tagapagpahayag.” (Teachings of the Prophet Joseph Smith, p. 328.)
Maaari bang baguhin ko iyan…at sabihin, Sinumang Banal sa mga Huling Araw na nabinyagan at napatungan ng mga kamay ng mga taong nangangasiwa, na inutusang tanggapin ang Espiritu Santo, at hindi nakatanggap ng paghahayag ng diwa ng Espiritu Santo, ay hindi pa nakatatanggap ng kaloob na Espiritu Santo na karapatan niyang mapasakanya. Dito nakasalalay ang napakahalagang bagay. Hayaan ninyong tukuyin ko ang sinabi ni Propetang Joseph Smith tungkol sa paghahayag:
“Maaaring ang isang tao ay makinabang sa pamamagitan ng pagpansin sa unang pagpapadama ng espiritu ng paghahayag: halimbawa, kapag naramdaman ninyo ang pagdaloy ng dalisay na karunungan sa inyo maaari itong magbigay sa inyo ng biglang pagdating ng mga ideya, kung kaya sa pagpansin ninyo rito, maaaring makita ninyong natupad ito nang araw ding yaon o kaya’y mayamaya; (hal.) ang mga bagay na inilahad sa isipan ninyo ng Espiritu ng Diyos, ay mangyayari; at samaktuwid sa pamamagitan ng pag-aaral ng Espiritu ng Diyos at pag-unawa rito, maaaring umunlad kayo sa alituntunin ng paghahayag, hanggang sa maging ganap kayo kay Jesucristo.” [History of the Church, 3:381.]
Sa anong mga dahilan kayo maaaring makatanggap ng paghahayag? Nakakagulat bang marinig na kayong lahat na mga miyembro ng Simbahan na nakatanggap ng Espiritu Santo—ay maaaring makatanggap ng paghahayag? Hindi para sa pangulo ng Simbahan, hindi upang malaman kung paano pangangasiwaan ang mga gawain ukol sa purok, istaka, o misyon kung saan kayo nakatira; subalit bawat indibiduwal ay may karapatang makatanggap ng paghahayag ng Espiritu Santo para sa sarili niyang kalagayan. …
Bawat tao ay may karapatang gamitin ang mga kaloob na ito at mga pribilehiyong ito sa pangangasiwa ng sarili niyang kapakanan; sa pagpapalaki sa kanyang mga anak sa landas na kanilang dapat tahakin; sa pamamahala ng sarili niyang kalakal, o anuman ang ginagawa niya. Karapatan niyang tamasahin ang espiritu ng paghahayag at ang inspirasyon na gawin ang tamang bagay, na maging matalino at masinop, makatarungan at mabuti, sa lahat ng ginagawa niya. Alam ko na iyan ay tunay na alituntunin, at iyan ang bagay na nais kong malaman ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kung gayon, dapat nating pagsikapang lahat na magpunyagi at makinig sa biglaang pagdating ng mga ideya sa atin, at kung tayo ay makikinig sa mga ito at pagsisikapang marinig ang mga panghihikayat na ito tayo rin—bawat isa sa atin—ay maaaring umunlad sa espiritu ng paghahayag.
Ngayon may isa pang paraan ng pagdating ng paghahayag, at iyan ay sa pamamagitan ng mga panaginip. Ah, hindi ko sinasabi sa inyo na ang bawat panaginip ninyo ay tuwirang paghahayag mula sa Panginoon. … Subalit natatakot ako na sa maunlad na panahong ito ay may ilan sa atin na madaling magpasiya na lahat ng mga panaginip ay walang layunin, at walang halaga. Bagamat sa buong banal na kasulatan ay nakatala ang mga pangyayari kung saan tinatagubilinan ng Panginoon ang Kanyang mga tao. …
Ang bagay na dapat pagsikapan nating lahat ay ang mamuhay na sinusunod ang mga kautusan ng Panginoon, upang Kanyang sagutin ang ating mga panalangin, ang mga panalangin ng ating mga minamahal, ang mga panalangin ng mga Pangkalahatang Awtoridad, para sa atin. Lagi tayong nananalangin para sa mga miyembro ng Simbahan, at pinasasalamatan natin ang Diyos kapag nalalaman nating ipinananalangin nila tayo. Kung mamumuhay tayo nang karapat-dapat, gagabayan tayo ng Panginoon—sa pamamagitan ng personal na pagpapakita, o sa mismong tinig Niya, o sa Kanyang tinig na sumasagi sa ating isipan, o sa pagpapadama sa ating puso at kaluluwa. At tunay na dapat tayong magpasalamat sa Panginoon kung bibigyan Niya tayo ng isang panaginip kung saan ipahahayag sa atin ang mga kagandahan ng kawalang-hanggan o kaya’y isang babala at direksiyon para sa ating natatanging kaaliwan. Oo, kung mamumuhay tayo nang gayon, gagabayan tayo ng Panginoon para sa ating kaligtasan at sa ating kapakinabangan.
Bilang isa sa mga pinakahamak sa inyo, at gumaganap sa tungkuling ginagawa ko, nais kong ibahagi sa inyo ang aking hamak na patotoo na natanggap ko sa pamamagitan ng tinig at ng kapangyarihan ng paghahayag ang kaalaman at pang-unawa hinggil sa Diyos. …
Taimtim kong pinatototohanan sa inyo na ang Simbahan ngayon ay ginagabayan sa pamamagitan ng paghahayag. Bawat kaluluwa na naririto na nabiyayaang makatanggap ng Espiritu Santo ay may kapangyarihang tumanggap ng paghahayag. Nawa’y tulungan kayo at ako ng Diyos na lagi sanang mamuhay upang masagot ng Panginoon ang mga panalangin ng matatapat sa pamamagitan natin.3
Paano tayo mananalangin sa ating Ama sa Langit upang magabayan Niya tayo?
Malaki ang kaibahan ng pag-usal ng panalangin at pakikipagusap sa Diyos. May ilan akong narinig na nanalangin na talagang nakipag-usap sa Diyos, isa na rito ang yumaong si [Elder] Charles A. Callis. Hindi ko siya naririnig na nananalangin sa banal na mga altar ng templo, hindi ko siya naririnig kapag lumuluhod kaming magkasabay sa panalangin noong kami ay nasa isang mahirap na misyon subalit siya ay tila, sa kanyang pagsasalita, nakararating sa daungan ng banal na tahanan ng ating Ama, at siya ay nakikipag-usap sa mga banal na nilalang. Huwag kayong umusal lamang ng mga panalangin, huwag kayong magbasa ng mga panalangin, kundi pag-aralan ninyong makipag-usap sa Diyos at ang pakikipag-usap sa Diyos ay ang uri ng panalangin na sa palagay ko ay tinutukoy ni Moroni noong isulat niya sa katapusang kabanata sa ating Aklat ni Mormon…:
“Ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.” [Moroni 10:4.]
…Ito ang pagkakaunawa ko sa panalangin na may pananampalataya,… pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo at kung wala nito ay walang taong maaaring makipausap sa Diyos.4
Nalaman ko ang isang karanasan ng ating minamahal na si Richard Evans [ng Korum ng Labindalawa] sa isa sa kanyang mga paglalakbay. … Katabi niya ang isang lalaki sa isang hapunan ilang gabi na ang nakakaraan, isang tanyag na mangangalakal, na nagsabi sa kanya sa ilang simpleng pangungusap kung paano niya hinarap ang mabibigat na pagsubok sa kanyang buhay at kung paano niya ginawa ang mga pagpapasiya sa bawat araw. “Tuwing babangon ako sa umaga,” aniya, “madalas na nararamdaman kong hindi ko ito kayang harapin, pero kapag lumuhod ako at simpleng nagsabing, ‘Diyos ko, tulungan mo po akong gawin ang dapat kong gawin ngayon,’ lumalakas ako, at nararamdaman kong kaya ko na ito. At iniisip ko lang Siya bilang aking ama at nakikipag-usap ako sa Kanya sa simple at tuwirang paraan tulad nang pakikipag-usap ko sa aking ama noong naririto pa siya sa lupa.”…
[Paggunita pa ni Elder Evans:] “Ako ay napahinahon at napakumbaba ng isang tapat at simpleng kaibigang nakatabi ko nang gabing iyon. Hindi ko siya ka-relihiyon, subalit [ito ay] aking lubos na pinaniniwalaan na hindi niya magagawang makipag-usap sa Diyos nang may ganoon katinding kasiyahan at katiyakan kung inisip lang niya Siya bilang isa lamang lakas, o bilang dimailarawang nilalang, na ang katangian at layunin ay hindi niya alam, o kaya’y ng anumang bagay na magbibigay sa kanya ng katiyakan na sa katunayan ay nakikipag-usap siya sa kanyang ama.”…
Tulad ng sinabi ni Jacob sa kanyang mag-anak…, “O kay dakila ng kabanalan ng ating Diyos! Sapagkat nalalaman niya ang lahat ng bagay, at walang anumang bagay na hindi niya alam.” (2 Nephi 9:20.) Ngayon, kung inyo lamang tatandaan iyan sa inyong isipan mayroon na kayong pagsisimulan, mayroon na kayong kaugnayan sa Kanya. Tayo ay Kanyang mga anak na lalaki at anak na babae. Kilala Niya tayo. Alam Niya ang mga bagay at ang mga panahong itinakda, at ang lugar kung saan tayo mananahan, at ang mga panahon kung kailan tayo mabubuhay. Kaya sa Kanya lamang natin maibibigay ang buong pagtitiwala.5
Ang isa sa pinakamahahalagang pag-aari na maaangkin natin o natatanging kaalaman na makakamit natin ay ang pakikinig at pagsagot ng Panginoon sa mga panalangin—o sa madaling salita, na matututuhan nating makipag-usap sa Diyos. Ang pananalangin ay hindi lang pagsasalita, tulad ng itinuturo ng ilang simbahan, kundi ang pagkilala na ang Diyos, ang ating Ama sa Langit, at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ay buhay, tunay na mga katauhan at sa pamamagitan ng ministeryo ng isa pang miyembro ng Panguluhang-Diyos, ang Banal na Espiritu o Espiritu Santo, maaari tayong makipag-usap sa Kanya, sa ating Ama sa Langit, at makatatanggap ng kasagutan sa ating katanungan at kalakasan sa ating mga araw.6
Sa kapakumbabaan maghandang sabihin ito tulad ni Pablo, “Panginoon, ano ang nais ninyong gawin ko?” (Mga Gawa 9:6). At buong katapangang sabihin tulad ng batang si Samuel, “Magsalita ka, Panginoon; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod” (1 Samuel 3:9). Maging mapagkumbaba, maging madasalin, at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, katulad ng dati, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin [tingnan sa D at T 112:10].7
Itinuro ito sa amin ni Pangulong [David O.] Mckay sa templo isang araw”… “May nais akong sabihin sa inyo: Kapag sinasabi ng Panginoon ang dapat ninyong gawin, kailangang magkaroon kayo ng lakas ng loob na gawin iyon, kundi’y mas mabuti pang huwag na lang ninyo siyang tanungin muli.” Natutuhan ko rin ang aral na ito. Minsan sa kalagitnaan ng gabi nagising ako at hindi na makatulog hanggang sa bumangon ako sa higaan at isinulat ang bagay na gumugulo sa aking isipan. Subalit kailangan talaga ang lakas ng loob upang makakilos kapag inuutusan bilang sagot sa mga panalangin.8
Mag-ayuno ng dalawang kainan sa unang Linggo ng buwan at bayaran ang buong halaga ng dalawang pagkaing iyon na hindi ninyo kinain. … Sinabi ng Panginoon kay Isaias na ang mga magaayuno at magbabahagi ng kanilang tinapay sa nagugutom, ay makakatawag at sasagutin ng Panginoon, makadaraing at ang Panginoon ay magsasabi, “Narito Ako” [tingnan sa Isaias 58:6– 9.] Iyan ang isang paraan upang magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Subukan ninyo ito ngayong taon. Ipamuhay nang ganap ang batas ng pag-aayuno.9
Kapag kailangan tayong pumili sa dalawang desisyon, tandaan natin ang sinabi ng Panginoon na dapat nating gawin: Pag-aralan ang kabuuan nito sa ating isipan hanggang sa makapagpasiya; bago kumilos, tanungin ang Panginoon kung tama ba ito; at ituon ang ating sarili sa espirituwal na tugon—alin sa dalawa, mag-aalab ang ating dibdib upang malaman na tama ang ating pasiya, o magkaroon ng pagkatuliro ng pag-iisip na magiging dahilan upang malimutan natin ang bagay na ito kung ito ay mali [tingnan sa D at T 9:7–9.] Pagkatapos, tulad nang ipinangako ng Panginoon,” …ang Espiritu ay ibibigay sa [atin] sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya.” (D at T 42:14.)…
Kung taimtim tayong maghahangad, maaabot natin ang espirituwal na dimensyon para sa mga kasagutang magbibigay katiyakan sa atin na hindi lamang maraming biyaya, kundi pati dakilang saksi sa ating mga puso na ang ating mga kilos, ating buhay, at ating mga paggawa ay may tatak ng pagsang-ayon ng Panginoon at Tagapagligtas nating lahat.10
Ano ang maaari nating gawin upang makatanggap ng pansariling paghahayag mula sa Panginoon?
Ang pinakamahalagang bagay na magagawa ninyo ay ang pagaralang makipag-usap sa Diyos. Kausapin ninyo Siya na tulad ng pakikipag-usap ninyo sa inyong ama, sapagkat Siya ang inyong Ama, at nais Niyang makipag-usap kayo sa Kanya. Nais Niyang sanayin ninyo ang inyong mga tainga sa pakikinig, kapag ibinibigay Niya sa inyo ang impresyon ng Espiritu upang sabihin sa inyo ang dapat gawin. Kapag natutuhan ninyong makinig sa mga biglaang pagdating ng mga ideya sa inyong mga isipan, makikita ninyo na darating ang mga bagay na iyon sa mismong oras ng inyong pangangailangan. Kung sasanayin ninyo ang inyong mga tainga sa pakikinig ng mga panghihikayat na ito, matututuhan ninyo kung paano lumakad sa pamamagitan ng espiritu ng paghahayag.”11
Paano natin mapauunlad ang katangiang espirituwal sa ating likas na pagkatao upang higit na matupad nang ganap ang misyon natin dito sa lupa at sa gayon ay makaaayon sa walang hanggang kapangyarihan ng [Diyos]…?
Sinagot ni Ammon ang tanong na iyan nang bahagya: “Oo, siya na nagsisisi at pinaiiral ang pananampalataya, at gumagawa ng mabubuting gawa, at patuloy na nananalangin nang walang hinto—sa kanya ay ipinagkakaloob na malaman ang mga hiwaga ng Diyos. …” (Alma 26:22.)…
Si David, ang mang-aawit, ay natutuhan kahit noong bata pa lang ang pinagmumulan ng espirituwal na kapangyarihan. Ibinulong ng espiritu, “Kayo’y magsitigil at kilalanin ninyo ako ang Diyos. … Ang Diyos ni Jacob ay ating kanlungan.” (Mga Awit 46:10–11.)
Natututuhan ng mga sinaunang propeta, tulad ng dapat matutuhan ng lahat, kung paano makipag-usap sa Panginoon sa pamamagitan ng panalangin, ang makipag-usap at pagkatapos ay makatanggap ng mga kasagutan sa sariling pamamaraan ng Panginoon. …
Sinabi ng Panginoon kay Elias, ang propeta: “Ikaw ay yumaon, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon. At narito ang Panginoon ay nagdaan, at bumuka ang mga bundok sa pamamagitan ng isang malaki at malakas na hangin at pinagputol- putol ang mga bato sa harap ng Panginoon; ngunit ang Panginoon ay wala sa hangin: at pagkatapos ng hangin ay isang lindol; ngunit ang Panginoon ay wala sa lindol:
“At pagkatapos ng lindol ay apoy; ngunit ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang marahang bulong na tinig.
“At nangyari, nang marinig ni Elias, ay tinakpan niya nag kanyang mukha ng balabal, at lumabas, at tumayo sa pasukan ng yungib. …” (1 Mga Hari 19:11–13.)
Kadalasan kapag nagsasalita ang Diyos sa marahan at banayad na tinig na ito, tulad ng ginawa niya kay Elias sa yungib, maaaring hindi ito malinaw sa pisikal nating pandinig sapagkat, tulad ng sirang radyo, marahil ay hindi tayo nakatono sa walang hanggan.
…Kadalasan ngayon, napakalayo na ng pamumuhay ng kalalakihan at kababaihan sa espirituwal na bagay kaya kapag nagsasalita ang Panginoon sa pisikal nilang pandinig, sa isipan nila nang walang-ingay, o sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mga tagapaglingkod na binigyang-karapatan, na kung tinatagubilinan ng Espiritu, na tulad ng kanyang sariling tinig, ay tanging ingay lamang ang kanilang naririnig tulad ng mga nasa Jerusalem. Gayundin, hindi sila nakatatanggap ng inspiradong karunungan, o katiyakan sa kalooban, na ang isipan ng Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ng kanyang mga propetang pinuno.
…Ipinauunawa ni Enos na apo ni Lehi kung bakit nakatatanggap ang ilan ng kaalaman ng mga bagay ng Diyos samantalang ang iba ay hindi. Isinalaysay muli ni Enos ang kanyang pagpupunyaging matamo ang kapatawaran ng kanyang mga kasalanan upang siya ay maging karapat-dapat sa kanyang mataas na tungkulin.
Sa huli ay ipinahayag niya: “At samantalang ako ay nasa gayong pagpupunyagi sa espiritu, masdan, ang tinig ng Panginoon ay sumaisip kong muli, sinasabing: Ako ay dadalaw sa iyong mga kapatid alinsunod sa kanilang pagsusumigasig sa pagsunod sa aking mga kautusan. …” [Enos 1:10.]
Hayan at nasa inyo na, sa simpleng salita, ang isang dakilang alituntunin: Hindi ang Panginoon ang naglalayo ng kanyang sarili sa atin. Tayo ang naglalayo ng ating sarili sa kanya dahil sa pagkukulang nating masunod ang kanyang mga kautusan.12
Kapag dumudulog tayo sa Panginoon para humingi ng pagpapala nais nating makatiyak na inilalagay natin ang ating sarili sa kalagayan ng pagiging karapat-dapat upang matanggap natin ang bagay na ating ipinananalangin.13
Hindi ba ninyo nanaising mamuhay sa paraan na kapag nakipag- usap ang Panginoon sa inyo ay maririnig ninyo ito, o upang maging karapat-dapat sa pagdalaw ng isang anghel, o marahil maging handa sa pagpunta sa kinaroroonan ng Panginoon? Sinabi ng Panginoon kung paano tayo magiging handa. Sa isang dakilang paghahayag sinabi Niya ang mga salitang ito: “Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon: Ito ay mangyayari na ang bawat kaluluwa na tatalikod sa kanyang mga kasalanan at lalapit sa akin, at mananawagan sa aking pangalan, at tutupad sa aking tinig, at susunod sa aking mga kautusan, ay makikita ang aking mukha at malalaman na ako na nga” (D at T 93:1).
Nang dumating ang tinig mula sa kalangitan sa mga tao sa lupaing Masagana hindi nila ito narinig. Para sa kanila ito ay tila nakalilitong mga ingay lang, at nang ituon nila ang kanilang mga puso narinig nila ang mga salita ngunit hindi nila maunawaan; subalit nang ituon nilang mabuti ang kanilang mga puso at isipan dito, sa gayon ay naunawaan nila ang tinig. (Tingnan sa 3 Nephi 11:3–5.)14
Nawa’y ipagkaloob ng Diyos na ang bawat isa sa atin ay mamuhay nang sa gayo’y matamasa natin ang pakikipag-usap na iyon sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo, at malaman nang walang-alinlangan na siya ay tunay na nabubuhay, at maging handa balang-araw na pumasok sa Kanyang kinaroroonan.15
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Sa anu-anong dahilan tayo maaaring makatanggap ng paghahayag? Paano natin mapag-iibayo ang kakayahan nating marinig ang tinig ng Panginoon at “umunlad sa alituntunin ng paghahayag”?
-
Ano ang ilang paraan na makatatanggap tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu?
-
Anu-ano ang kaibahan ng pag-usal ng panalangin at pakikipagusap sa Diyos? Ano ang ibig sabihin ng manalangin “na may tunay na layunin”? (Moroni 10:4.)
-
Paano nakaaapekto ang kaalaman na ikaw ay anak ng Diyos sa paraan ng pagdulog mo sa Kanya sa panalangin? Paano ka natutulungan ng kaalamang iyan na magtiwala sa Kanya?
-
Kapag nahaharap ka sa mahahalagang pagpapasiya, ano ang dapat mong gawin upang makatanggap ng patnubay mula sa Panginoon? Bakit kailangan ang lakas ng loob upang makatugon sa mga paghihikayat ng Espiritu?
-
Paano natin minsan “inilalayo ang ating sarili” sa Ama sa Langit? Paano tayo patuloy na lalapit sa Kanya sa ating sariling buhay at sa ating mga pamilya?