Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 13: Pagtuturo ng Ebanghelyo sa Tahanan


Kabanata 13

Pagtuturo ng Ebanghelyo sa Tahanan

Paano magagawa ng mga magulang na maging isang kanlungan at lugar ng paghahanda ang kanilang tahanan para sa buhay na walang hanggan?

Pambungad

Ito ang sinabi ni Pangulong Harold B. Lee tungkol sa kahalagahan ng pagtuturo ng ebanghelyo sa tahanan:

“Sa pagbabasa natin mula sa mga isinulat ng mga naunang propeta, matutuklasan natin ang tila ipinahihiwatig na kasalanan na nagdulot ng kasamaan na siyang nagpatangis sa Diyos na lumalang sa sangkatauhan. Sa isang paghahayag sa kanyang matapat na propetang si Enoc, sinabi ng Diyos na ang mga labi ng kanyang mga anak ay walang pagmamahal, at kinapopootan nila ang kanilang sariling dugo, na ang ibig sabihin ay walang iba kundi ang kanilang mga anak.

“Sa kanyang sagot sa tanong ni Enoc kung bakit siya tumangis, sumagot ang Diyos na ‘…sa lahat ng gawa ng aking mga kamay ay walang naging kasingsama gaya sa iyong mga kapatid.’

“At dagdag pa Niya: ‘…masdan, ang kanilang mga kasalanan ay mapapataw sa ulo ng kanilang mga ama. …’ (Moises 7:36–37.) Maliwanag na nagawa ng mga magulang ng salinlahing iyon ang malaking kasalanan ng pagkabigong sumunod sa utos na ibinigay sa lahat ng mga magulang mula sa panahon ni Adan hanggang sa atin mismong kapanahuhan. Nabigo sila sa pagtuturo ng mga doktrina ng kaligtasan sa kanilang mga anak.

“Binalaan tayo ng Panginoon na, kung ano ang nangyari noong kapanahunan ni Noe ay gayundin ang mangyayari sa pagparito ng Anak ng Tao. Ipahintulot nawa ng Diyos na pakinggan ng mga taong ito ang tawag ng ating propetang-pinuno at turuan ang kanilang mga anak tulad ng iniutos ng Panginoon at makaiwas sa kumakastigong kamay ng Makapangyarihang Diyos.”1

Tatalakayin sa kabanatang ito ang mga dakilang responsibilidad na ibinigay sa mga magulang na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak at ihanda sila na mamuhay nang matwid.

Mga Turo ni Harold B. Lee

Bakit ang tahanan ang pinakamahalagang lugar upang ituro ang ebanghelyo?

Ang ating mga tahanan ay hindi lamang dapat maging mga kanlungan kundi mga lugar din ng paghahanda kung saan maaaring magmula ang ating mga kabataan nang may pagtitiwalang makapamumuno at makahaharap sila sa magulong daigdig. Alam nating lahat na ang natututuhan sa tahanan ay kataka-takang gumigiit sa pagkatao; ang nakikita at nararanasan sa tahanan ay maaaring makatulong o makabagabag sa ating kabataan sa mga darating na panahon. Ang mga tahanan natin ay maaaring maging mga modelo sa buong sangkatauhan, ngunit kakailanganin nating dibdibin ang payo ng mga pinuno ng Simbahan tungkol sa paksang ito nang higit kaysa noon. Noon pa ma’y natatanging hamon na ito, at lalo pa ngayon dahil sa pangkalahatang kabulukan sa mga tahanan sa ating panahon. “Nadarama at nakikita” ng mga bata na ipinamumuhay ang ebanghelyo sa tahanan. Nakikita nila mismo ang kawastuhan at kapangyarihan nito; nakikita nila kung paano nito natutugunan ang mga pangangailangan ng indibiduwal.2

Paulit-ulit ang pagsasabing ang tahanan ang batayan ng matwid na pamumuhay. … Ang mga paghahayag ng Diyos at karunungan ng tao ay kapwa nagsasabi sa atin kung gaano kahalaga ang tahanan sa paghubog sa buong buhay na karanasan ng indibiduwal.3

Lalo ngayong nagiging malinaw na ang tahanan at pamilya ang mga susi sa kinabukasan ng Simbahan. Ang batang pinagkaitan ng pagmamahal, isang batang hindi nakaranas ng disiplina, trabaho, o responsibilidad, ay kadalasang sumusuko sa mga panghalili ni satanas sa kaligayahan–bawal na gamot, pag-eksperimento sa seks, at pagrerebelbe, maging ito man ay sa isip o pag-uugali. …

Walang mas mainam na lugar kaysa sa tahanan sa pagtuturo at pagkatuto tungkol sa kasal, pag-ibig, at seks dahil mapagsasamasama nang maayos ang mga ito sa isang pinabanal na kasal sa templo. Walang mas mainam na lugar upang sagutin ang mga agam-agam sa ating kabataan kaysa sa lugar kung saan may pagmamahalan—sa tahanan. Mapalalaya ng pag-ibig ang ating mga kabataan at pakikinggan nila ang mga taong alam nilang mapagkakatiwalaan nila. …

Magagawa bang mahalin ng isang bata ang kanyang kapitbahay maliban na nadama niya mismo ang pagmamahal? Magagawa bang magtiwala ng isang kabataan kung siya’y hindi pinagkatiwalaan kailanman? Makikita ba ng isang batang lalaking hindi kailanman nagkaroon ng trabaho o responsibilidad ang kahalagahan ng mahahalagang katangiang ito sa pagbuo ng lipunan? Makakayanan ba ng isang batang babae na hindi naging bahagi ng matapat na talakayan ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanyang tahanan ang mga pamimintas ng daigdig at ang pambabatikos ng matatalino sa kanyang relihiyon?… Kung hindi naipamuhay ang isang alituntunin ng ebanghelyo, mas mahirap paniwalaan ang alituntuning iyon. …

Sa panahong sinabi sa atin na magiging katulad na katulad ng kapanahunan ni Noe, kailangan nating tulungan ang ating mga anak na matutong gumawa ng mga tamang pagpili, na umunlad sa makatuwirang pagpapahalaga sa sarili, lalo na kung sila’y mapasasailalim sa tuwirang impluwensiya ng tahanan, kung saan nagagawang posible at makabuluhan ng pagmamahalan sa tahanan ang pagsisisi. Ang kapaligiran ng ating mga anak sa labas ng tahanan at ng Simbahan ay kadalasang maaaring maging hungkag, kung pag-uusapan ang mga pinahahalagahan, o dili kaya’y magtataglay ng mga ideyang salungat sa mga alituntunin ng ebanghelyo.4

Sa mga magulang sa tahanan at sa Simbahan ay may ibinigay na malaking responsibilidad na ituro ang mga katotohanan ng ebanghelyo upang maging matatag ang bawat kaluluwa. Kung wala ang gayong katatagan, ang tao ay magiging tulad ng “alon sa dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad,” dinadala sa magkabi-kabila ng mga hangin ng aral na di-tiyak ang pinagmulan na magpapalito sa kanyang isipan hinggil sa bagay na mali sa paningin ng Diyos [tingnan sa Efeso 4:14; Santiago 1:6]. Tayo ang magiging pinaka-aral na tao sa balat ng lupa kung pakikinggan natin ang mga atas ng Panginoon.

Kung mapatatatag nang gayon ang ating mga kabataan, hindi sila mababagabag sa kanilang pananampalataya kapag may nakasagupa silang mga maling ideya sa pag-aaral na salungat sa mga katotohanan ng ebanghelyo. May armas silang panlaban sa mga makamandag na palaso ng paninirang-puri at pagpapaimbabaw.

Ang mga kabataang lalaki…, kung nagabayan sa kanilang pagiisip sa pamamagitan ng “pinakabatayang katotohanan,” ay hindi susuko sa di-inaasahang sandali ng kahinaan sa isang tukso na habambuhay na magiging batik sa kanilang pagkatao. …

Ang mga batang magkasintahan na malapit nang ikasal, kung nagagabayan ng mga kaisipang hatid ng katotohanan ng ebanghelyo, ay mapababanal ang kanilang sarili sa pagsunod sa batas ng selestiyal na kasal upang magkamit ng walang hanggang kaligayahan.5

Sinabi ng Panginoon na hindi binigyan ng kapangyarihan si Satanas na tuksuhin ang maliliit na bata, “hanggang sa sila ay magsimulang magkaroon ng pananagutan sa akin” (D at T 29:47). Sumunod ang napakahalagang pahayag na ito: “Upang kagila-gilalas na mga gawa ang hingin sa kamay ng kanilang mga ama” (D at T 29:48). Ngayon, ang ibig sabihin niya’y mga magulang. Bakit hindi pinahihintulutan ng Panginoon na tuksuhin ni Satanas ang maliliit na bata hangga’t hindi sila sumasapit sa gulang ng pagkakaroon ng pananagutan? Ito’y upang bigyan ng ginintuang pagkakataon ang mga magulang na itanim sa mga puso ng maliliit na bata ang mahahalagang bagay na kailangan nilang taglayin bago nila sapitin ang gulang ng pagkakaroon ng pananagutan, dahil kung hindi’y magiging huli na ang lahat para maitanim ng mga magulang ang mahahalagang bagay na iyon sa kanilang mga anak.6

Tayong mga ama, guro, ina, ay may malaking [tungkulin] sa pagpapatatag ng mga kaluluwa ng tao. Totoong hindi matutukso ni Satanas ang maliliit na bata bago sila sumapit sa gulang ng pagkakaroon ng pananagutan; ngunit ginagawa ni Satanas sa abot ng kanyang makakaya na gawin tayo, tayo na mga pinagkatiwalaang mangalaga at magturo sa kanila, na maging pabaya at walang-ingat. At sa gayo’y hayaang magkaroon sila ng mumunting gawi na maglalayo sa kanila, at magiging dahilan upang hindi sila maging karapat-dapat sa malaking responsibilidad na kailangan sa pakikipagtunggali kay Satanas, at mabigong protektahan ang kanilang sarili sa sandaling sumapit sila sa gulang ng pagkakaroon ng pananagutan.7

Kailangan nating ikintal sa isip ng bawat ama na siya’y papananagutin sa walang hanggang kapakanan ng kanyang pamilya; ibig sabihi’y pupunta siya sa Simbahan na kasama ang kanyang pamilya: ibig sabihi’y pupunta siya sa pulong sakramento na kasama ang kanyang pamilya; mangangahulugan iyan ng pagdaraos ng mga gabing pantahanan ng mag-anak upang panatilihing buo ang kanyang pamilya; mangangahulugan iyan ng paghahanda ng kanyang sarili upang dalhin sila sa templo, nang sa gayo’y maihanda ang mga hakbang na magbibigay-daan sa walang hanggang tahanan ng pamilya.8

O, kayong mga ina, kayong mga ama, sumasamo ako na manumbalik sa inyo ang lubos na pananagutan sa mahahalagang kaluluwang iyon. Kung hindi ninyo sila ihahanda sa pagdating ng araw na ito, sino ang gagawa nito? Inihahanda ba ninyo sila upang makatayo sa Kanyang harapan sa araw ng pagparito [ng Panginoon] na gaya ng magnanakaw sa gabi? Kapag naroon na sila sa larangan ng digmaan, kapag nahaharap na sila sa panganib, at nahaharap sa tukso, ang pagmamahal ba ninyo bilang ina ay makararating sa kanila sa kabila ng libu-libong milyang iyon at pananatilihing matatag ang anak na lalaki o anak na babaing iyon?9

Anu-anong alituntunin ng ebanghelyo ang dapat nating ituro sa mga anak?

Ang propetang Enos ay nagsulat tungkol sa mga turo ng kanyang ama. Sabi niya, “Ako, si Enos, na nakakikilala sa aking ama na siya ay isang makatarungang tao—sapagkat tinuruan niya ako…at gayundin sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon—at purihin ang pangalan ng aking Diyos dahil dito” (Enos 1:1). Pinag-isipan kong mabuti ang pangungusap na iyon, “Tinuruan ako ng aking ama sa pag-aalaga.” Ano ang ibig sabihin niyon? Ang ibig sabihin ng pag-aalaga ay ang proseso ng moral na pagtuturo at disiplina. ‘Tinuruan at dinisiplina ako ng aking ama sa moral na paraan.” Ano ang ibig sabihin ng pagpapayo? Ibig sabihin nito’y magiliw na babala o mga paalala ng kaibigan. Purihin ang pangalan ng Diyos dahil sa mga ama at ina na nagtuturo sa pangangalaga at pagpapayo ng Panginoon!10

Ang Panginoon mismo ay payak na nangusap tungkol sa paghahandang ito para sa kaligtasan ng kabataan mula sa mga mapanganib na patibong na sisira sa kanila. Nagbigay siya ng mahigpit na utos sa mga tahanan ng lupaing ito. Narito ang kanyang mga salita:

“At muli, yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag, na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang. …

“At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.” [D at T 68:25, 28.]11

Ang pinakamabisang sandata natin laban sa kasamaan ng daigdig sa ngayon, maging anuman ang mga ito, ay ang di-natitinag na patotoo sa Panginoon at Tagapagligtas, si Jesucristo. Turuan ang inyong maliliit na anak habang nakaluhod silang kasama ninyo at lalaki silang matatag. Maaaring maligaw sila, ngunit ang inyong pagmamahal at inyong pananampalataya ang magbabalik sa kanila.12

Dapat tandaan ng mga magulang na kailangan silang magsikap nang buong katapatan, upang matiyak na walang mga batugan, na ang mga anak ay hindi lalaki sa kasamaan, at sa halip ay maturuan na tapat na hangarin ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan, upang ang kanilang mga mata ay hindi mapuno ng kasakiman (tingnan sa D at T 68:30–31). Iyan ngayon ang responsibilidad ng ama at ina. Ibinibigay ng Panginoon sa mga magulang ang pangunahing tungkulin ng pagtuturo sa mga pamilya.13

Dapat maituro sa bawat bata na siya’y anak ng mga banal na magulang at tungkulin ng bawat bata na matutong kumilos tulad ng isang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos upang sa sandali ng pangangailangan ay makapanalangin siya at maging karapat-dapat sa mga kabutihang-loob na dapat lamang tanggapin ng isang matapat na anak.

Dapat ituro sa bawat anak na ang kanyang katawan ay templo ng Diyos at kung gibain ng sinuman ang templo ng Diyos ay gigibain siya ng Diyos [tingnan sa I Corinto 3:16–17].

Dapat matutuhan ng bawat anak na ang sapat na pananampalataya tungo sa pagiging perpekto ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng pagsasakripisyo. Maliban na matutuhan niyang isakripisyo ang kanyang mga hilig at hangarin ng laman bilang pagsunod sa mga batas ng Ebanghelyo, siya ay hindi magiging dalisay at banal sa harapan ng Panginoon.

Dapat maturuan ang bawat anak na igalang ang mga sagisag ng mga sagradong bagay at igalang ang awtoridad sa tahanan, sa Simbahan, at sa pamayanan.

Dapat ituro nang wasto sa bawat anak kung paano gamitin ang kanyang mga kamay at ulo at ipaunawa sa kanya na ang lahat ng simbuyo ng damdamin ay kaloob ng Diyos at magagampanan nito ang makalangit na layunin kung masusupil ito.

Dapat turuan ang bawat anak na gawing kapaki-pakinabang ang kanyang oras sa paglilibang at ang oras na ginugugol sa paglalaro ay dapat mayroong layunin o mithiin. Ito’y pagsasanay lamang sa bahaging kanyang gagampanan sa kanyang buhay kapag tumanda na siya.

Bawat anak ay dapat bigyan ng sapat na karanasan upang matutuhan na ang di-makasariling paglilingkod ay nagdudulot ng galak at ang gawaing ginagawa ng isang tao na walang kabayaran ang siyang nagdudulot ng lubos na kaligayahan.14

Dapat marinig ng ating mga anak, sa ating pribadong tahanan, ang mga patotoo ng kanilang mga magulang. Napakatalino ng ama o lolo na paminsan-minsa’y nagbibigay ng kanyang sariling patotoo sa bawat isa sa kanyang mga anak, nang sarilinan!15

Paano makatutulong ang mga gabing pantahanan ng mag-anak sa mga magulang upang matupad nila ang mga responsibilidad sa pagtuturo ng ebanghelyo?

Karagdagang diin hinggil sa pagtuturo ng mga magulang sa mga anak sa tahanan ang ibinibigay ng tinatawag nating programa sa gabing pantahanan ng mag-anak. Hindi na ito bago. … Sa huling liham na ibinigay ni Pangulong Brigham Young at ng kanyang mga Tagapayo sa Simbahan, hinikayat ang mga magulang na tipunin ang kanilang mga anak at madalas na ituro sa kanila ang ebanghelyo sa tahanan. Kung kaya’t hinihimok na magkaroon ng gabing pantahanan ng mag-anak simula pa noong itayo ang Simbahan sa dispensasyong ito.16

Kung kaliligtaan nating idaos ang gabing pantahan ng maganak sa ating pamilya at mabibigo tayo sa responsibilidad nating ito, ano ang magiging hitsura ng langit kung mawawala sa atin ang ilan sa kanila nang dahil na rin sa sarili nating kapabayaan? Ang langit ay hindi magiging langit hangga’t hindi natin nagagawa ang lahat sa abot ng ating makakaya na iligtas ang mga isinugo ng Panginoon sa ating lahi. Kung kaya, ang mga puso ninyong mga ama at ina ay kailangang ibaling sa inyong mga anak sa ngayon, kung nasa inyo ang tunay na Espiritu ni Elijah, at huwag isipin na para lamang ito sa mga nasa kabilang buhay na. Hayaang bumaling ang inyong puso sa inyong mga anak, at turuan ang inyong mga anak; ngunit kailangan ninyong gawin ito habang bata pa sila’t natuturuan. At kung napapabayaan ninyo ang gabing pantahanan ng mag-anak, napapabayaan din ninyo ang simulain ng misyon ni Elijah tulad din ng pagpapabaya ninyo sa gawaing pagsasaliksik ng talaangkanan.17

Palagi ba tayong nagpupunyagi sa sarili nating tahanan kasama ang ating mga anak at apo? Hinahanap ba natin ang sarili nating mga tupa na nanganganib na malayo sa pastol o sa kawan? Tinuturuan ba natin ang ating mga pamilya [sa] gabing pantahanan ng mag-anak? Nagdaraos ba tayo mismo ng mga gabing pantahanan ng mag-anak, o sinasabi nating, “Hindi naman angkop sa amin ang mga araling ito, at kami lang ni Inay, at para lang ito sa mga may maliliit na anak”?18

Ngayon nama’y tatanungin ko kayo. Kung alam ninyong may malala kayong karamdaman at may taning na ang buhay ninyo sa lupa at may pamilya kayo na may maliliit na anak na umaasa sa inyong payo, patnubay, pamumuno, ano ang gagawin ninyo upang ihanda sila sa inyong pagpanaw? Tumigil na ba kayo at itinanong sa inyong sarili ang ganyang uri ng nakalulungkot na tanong?

Hayaan ninyong basahin ko sa inyo…mula sa liham ng [isang ina]: “Noong unang sumapi ako sa Simbahan ay pinag-iisipan ko ang uri ng gusto kong maging tahanan balang-araw. Itinuon ko ang aking kaisipan sa tagpo na para sa aki’y pinakamaganda at nakasisiyang kalagayan na maaari kong makini-kinita. Ginagawa naming mag-asawa na makatotohanan ang tagpong iyon kapag sama-sama naming tinitipon ang aming mga anak at itinuturo sa kanila ang ebanghelyo. … Ang isang bagay na naging sorpresa at ikinasiya namin ay ang katotohanan na natutuhan ng aming mga anak, lahat sila, na kalugdan ang aming mga gabing pantahanan ng mag-anak. … Lalo kong naunawaan kung gaano kabilis lumaki ang aming mga anak at kung gaano kaikli ang panahon ng pagtuturo namin sa kanila bilang mga magulang. …

“Nagkaroon ako ng mabigat na karamdaman noong nakaraang taglagas. Sana’y hindi ito pagyayabang, ngunit sa kauna-unahang pagkakataon ay natanto ko kung gaano ako kahalaga sa aking mga anak. … Habang nakaratay ako’t walang magawa upang asikasuhin ang alinman sa kanilang mga pangangailangan, batid na maliban na lamang kung mamagitan ang aking Ama sa Langit ang impluwensiya ko sa kanila sa buhay na ito’y papatapos na, naging tila kapana-panabik at mahalaga ang mga sandali sa mga linggo at buwan at taong darating.

“Marami akong nalaman noon sa kung paano gamitin ang oras, kung ipagkakaloob pa ito sa akin. Ang isa’y ang lumikha ng munting langit sa lupa, gugulin ang sandali sa gabi-gabing pagbabasa at pakikipag-usap sa mga bata. … Bukod sa iba pang bagay na kinawiwilihan nila, binasa ko sa kanila ang halos buong Aklat ni Mormon na pambata. … Alam kong makabuluhan ito sa kanila kapag naririnig ko ang walong-taong-gulang na anak kong lalaki na nagpapasalamat sa kanyang mga panalangin para sa mga propetang nag-ingat sa mga talaan, o kaya’y nagpapasalamat ang anak kong lalaki na limang-taong-gulang na ligtas na nakatakas si Nephi tungo sa ilang kasama ang matatapat noong tangkain siyang patayin nina Laman at Lemuel. Naging karanasan na namin na sa tuwing magkakaroon kami ng pagkakataon na tulungan ang aming mga anak na dagdagan ang kanilang pagmamahal at pang-unawa sa ebanghelyo at sa Ama na lumikha sa kanila, ang pagmamahal namin sa isa’t isa’y nadaragdagan din at malaki ang nagiging impluwensiya nito sa pagkakaisa ng aming pamilya. Dahil dito, ang lingguhang gabing pantahanan ng mag-anak ang pinakamahalaga sa amin.”19

Sa inyong mga tahanan, dalangin ko na sabihin din ninyo ang sinabi ni Josue noong una: “Sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon” (Josue 24:15). Turuan ang inyong mga pamilya sa gabing pantahanan ng maganak; turuan silang sundin ang mga kautusan ng Diyos, sapagkat dito nakasalalay ang tanging kaligtasan natin sa panahong ito. Kung gagawin nila iyan, ang mga kapangyarihan ng Makapangyarihan ay bababa sa kanila tulad ng mga hamog mula sa langit, at mapapasa kanila ang Espiritu Santo.20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Bakit napakahalaga ng tahanan sa paghubog sa “buong buhay na karanasan” ng ating mga anak? Bakit kailangang bigyan ng mataas na priyoridad ng mga magulang ang pagtuturo ng ebanghelyo sa kanilang mga anak mula sa kanilang pagkabata?

  • Paano natin magagawang kanlungan ang ating mga tahanan laban sa kasamaan at kaguluhan ng mundo?

  • Paano maituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga alituntuning nasa Doktrina at mga Tipan 68:25–28? Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na “matutuhan na ang di-makasariling paglilingkod ay nagdudulot ng galak”?

  • Bakit mahalagang marinig ng mga anak ang mga patotoo ng kanilang mga magulang tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo?

  • Sa anu-anong paraan naaangkop ang misyon ni Elijah sa pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak?

  • Bakit mahalagang magdaos ng regular na mga gabing pantahanan ng mag-anak? Paano ninyo nagawang matagumpay ang inyong mga gabing pantahanan ng mag-anak?

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Abr. 1965, 13; o Improvement Era, Hunyo 1965, 496.

  2. The Teachings of Harold B. Lee, inedit ni Clyde J. Williams (1996), 297–98.

  3. The Teachings of Harold B. Lee, 267.

  4. Ye Are the Light of the World (1974), 64–66.

  5. Stand Ye in Holy Places (1974), 370–71.

  6. The Teachings of Harold B. Lee, 269.

  7. The Teachings of Harold B. Lee, 268.

  8. The Teachings of Harold B. Lee, 293.

  9. The Teachings of Harold B. Lee, 276.

  10. Talumpati sa ikatlong taunang komperensiya ng Primarya, ika-3 ng Abr. 1959, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1–2.

  11. Decisions for Successful Living (1973), 24–25.

  12. The Teachings of Harold B. Lee, 273.

  13. The Teachings of Harold B. Lee, 277.

  14. “For Every Child, His Spiritual and Cultural Heritage,” Children’s Friend, Ago. 1943, 373.

  15. The Teachings of Harold B. Lee, 279.

  16. The Teachings of Harold B. Lee, 266–67.

  17. The Teachings of Harold B. Lee, 280–81.

  18. The Teachings of Harold B. Lee, 268.

  19. Talumpati sa pulong ng pangkalahatang komperensiya ng pagtuturo sa tahanan, ika-8 ng Abr. 1966, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 4.

  20. The Teachings of Harold B. Lee, 273.

Nagpayo si Pangulong Harold B. Lee na, “Turuan ang inyong mga pamilya sa inyong gabing pantahanan ng mag-anak; turuan silang sundin ang mga kautusan ng Diyos, sapagkat dito nakasalalay ang tanging kaligtasan natin sa panahong ito.”