Kabanata 11
Ipinahayag ang paraan ng pananalapi ng mga Nephita—Nakipagtalo si Amulek kay Zisrom—Hindi ililigtas ni Cristo ang mga tao sa kanilang mga kasalanan—Ang mga yaong magmamana lamang ng kaharian ng langit ang maliligtas—Babangon ang lahat ng tao sa kawalang-kamatayan—Wala nang kamatayan pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli. Mga 82 B.C.
1 Ngayon, nasa batas ni Mosias na bawat tao na hukom ng batas, o ang mga yaong nahirang na maging mga hukom, ay dapat tumanggap ng kabayaran alinsunod sa panahon na kanilang pinagpaguran sa paghahatol sa mga yaong dinala sa harapan nila upang hatulan.
2 Ngayon, kung ang isang tao ay may utang sa isa, at ayaw niyang bayaran ang kanyang inutang, isusumbong siya sa hukom; at ginagamit ng hukom ang kapangyarihan, at nagsusugo ng mga alagad upang ang tao ay dalhin sa harapan niya; at hahatulan niya ang tao alinsunod sa batas at sa mga katibayang inihain laban sa kanya, at sa gayon ang tao ay mapipilitang magbayad ng kanyang inutang, o mahubaran, o mapalayas mula sa mga tao bilang isang magnanakaw at isang tulisan.
3 At ang hukom ay tatanggap ng kanyang kabayaran alinsunod sa kanyang panahon—isang senine ng ginto para sa isang araw, o isang senum ng pilak, na katumbas ng isang senine ng ginto; at ito ay alinsunod sa batas na ibinigay.
4 Ngayon, ito ang mga katawagan ng iba’t ibang piraso ng kanilang ginto, at ng kanilang pilak, alinsunod sa halaga ng mga ito. At ang mga katawagan ay ibinigay ng mga Nephita, sapagkat hindi sila nagkukuwenta alinsunod sa pamamaraan ng mga Judio na nasa Jerusalem; ni hindi sila nagsusukat alinsunod sa pamamaraan ng mga Judio, kundi kanilang binago ang kanilang pagkuwenta at pagsukat, alinsunod sa mga pag-iisip at sa mga kalagayan ng mga tao, sa bawat salinlahi, hanggang sa panunungkulan ng mga hukom, ang mga yaon ay itinakda ni haring Mosias.
5 Ngayon, ang pagkuwenta ay ganito—isang senine ng ginto, isang seon ng ginto, isang shum ng ginto, at isang limnas ng ginto.
6 Isang senum ng pilak, isang amnor ng pilak, isang ezrom ng pilak, at isang onti ng pilak.
7 Ang isang senum ng pilak ay katumbas ng isang senine ng ginto, at alinman sa dalawa para sa isang sukat ng cebada at, gayundin para sa isang sukat ng bawat uri ng butil.
8 Ngayon, ang halaga ng isang seon ng ginto ay dalawang ulit ng halaga ng isang senine.
9 At ang isang shum ng ginto ay dalawang ulit ng halaga ng isang seon.
10 At ang isang limnas ng ginto ay halaga nilang lahat.
11 At ang isang amnor ng pilak ay kasinghalaga ng dalawang senum.
12 At ang isang ezrom ng pilak ay kasinghalaga ng apat na senum.
13 At ang isang onti ay kasinghalaga nilang lahat.
14 Ngayon, ito ang halaga ng mas maliliit na bilang ng kanilang pagkuwenta—
15 Ang isang siblon ay kalahati ng isang senum; kaya nga, isang siblon para sa kalahati ng isang sukat ng cebada.
16 At ang isang siblum ay kalahati ng isang siblon.
17 At ang isang lea ay kalahati ng isang siblum.
18 Ngayon, ito ang bilang ng mga yaon alinsunod sa kanilang pagkuwenta.
19 Ngayon, ang isang antion ng ginto ay katumbas ng tatlong siblon.
20 Ngayon, ito ay para sa natatanging layunin na makinabang, dahil sa tinatanggap nila ang kanilang kabayaran alinsunod sa kanilang gawain, kaya nga, kanilang pinupukaw ang mga tao sa mga panliligalig, at sa lahat ng uri ng panggugulo at kasamaan, upang sila ay magkaroon ng marami pang gawain, upang sila ay makakuha ng salapi alinsunod sa mga sakdal na dinadala sa harapan nila; kaya nga kanilang pinupukaw ang mga tao laban kina Alma at Amulek.
21 At itong si Zisrom ay nagsimulang tanungin si Amulek, sinasabing: Maaari bang sagutin mo ang ilang katanungan na aking itatanong sa iyo? Ngayon, si Zisrom ay isang lalaking bihasa sa mga pamamaraan ng diyablo, upang kanyang mawasak ang yaong mabuti; kaya nga, sinabi niya kay Amulek: Maaari mo bang sagutin ang mga katanungan na aking ihahain sa iyo?
22 At sinabi ni Amulek sa kanya: Oo, kung ito ay naaayon sa Espiritu ng Panginoon, na nasa akin; sapagkat wala akong anumang sasabihin na salungat sa Espiritu ng Panginoon. At sinabi ni Zisrom sa kanya: Masdan, narito ang anim na onti ng pilak, at ang lahat ng ito ay ibibigay ko sa iyo kung iyong ikakaila ang pagkakaroon ng isang Kataas-taasang Katauhan.
23 Ngayon, sinabi ni Amulek: O ikaw na anak ng impiyerno, bakit mo ako tinutukso? Nalalaman mo ba na ang mga matwid ay hindi nagpapadaig sa mga ganyang tukso?
24 Naniniwala ka ba na walang Diyos? Sinasabi ko sa iyo, Hindi, nalalaman mo na may Diyos, ngunit iyong minamahal ang kayamanang iyan nang higit kaysa sa kanya.
25 At ngayon, ikaw ay nagsinungaling sa akin sa harapan ng Diyos. Sinabi mo sa akin—Masdan, ito ang anim na onti, na malaki ang halaga, ibibigay ko sa iyo—gayong ang nasa iyong puso ay ipagkait iyon sa akin; at ang tanging layunin mo ay ikaila ko ang totoo at buhay na Diyos, upang ikaw ay magkaroon ng dahilang wasakin ako. At ngayon, dinggin, dahil sa malaking kasamaang ito ay tatanggapin mo ang iyong gantimpala.
26 At sinabi ni Zisrom sa kanya: Sinasabi mo na may isang totoo at buhay na Diyos?
27 At sinabi ni Amulek: Oo, may isang totoo at buhay na Diyos.
28 Ngayon, sinabi ni Zisrom: Mayroon bang higit sa isang Diyos?
29 At siya ay sumagot, Wala.
30 Ngayon, sinabing muli sa kanya ni Zisrom: Paano mong nalaman ang mga bagay na ito?
31 At sinabi niya: Isang anghel ang nagpabatid nito sa akin.
32 At sinabing muli ni Zisrom: Sino siya na paparito? Ito ba ang Anak ng Diyos?
33 At sinabi niya sa kanya, Oo.
34 At sinabing muli ni Zisrom: Ililigtas ba niya ang kanyang mga tao sa kanilang mga kasalanan? At sinagot siya ni Amulek at sinabi sa kanya: Sinasabi ko sa iyo, hindi niya ito gagawin, sapagkat hindi niya maaaring salungatin ang kanyang salita.
35 Ngayon, sinabi ni Zisrom sa mga tao: Tiyaking matatandaan ninyo ang mga bagay na ito; sapagkat sinabi niya na may isang Diyos lamang; gayunman, sinabi niyang ang Anak ng Diyos ay paparito, subalit hindi niya ililigtas ang kanyang mga tao—na para bang mayroon siyang karapatang utusan ang Diyos.
36 Ngayon, muling sinabi ni Amulek sa kanya: Dinggin, ikaw ay nagsinungaling, sapagkat sinabi mo na nagsalita ako na para bang ako ay may karapatang utusan ang Diyos dahil sa sinabi kong hindi niya ililigtas ang kanyang mga tao sa kanilang mga kasalanan.
37 At sinasabi ko sa inyong muli na hindi niya sila maililigtas sa kanilang mga kasalanan; sapagkat hindi ko maikakaila ang kanyang salita, at sinabi niya na walang maruming bagay ang magmamana ng kaharian ng langit; anupa’t paano kayo maliligtas, maliban kung mamanahin ninyo ang kaharian ng langit? Samakatwid, kayo ay hindi maliligtas sa inyong mga kasalanan.
38 Ngayon, sinabing muli ni Zisrom sa kanya: Ang Anak ng Diyos ba ang siya ring Amang Walang Hanggan?
39 At sinabi ni Amulek sa kanya: Oo, siya rin ang Amang Walang Hanggan ng langit at ng lupa, at ng lahat ng bagay na naroroon; siya ang simula at ang katapusan, ang una at ang huli;
40 At siya ay paparito sa daigdig upang tubusin ang kanyang mga tao; at kanyang aakuin ang mga pagkakasala ng mga yaong naniniwala sa kanyang pangalan; at sila ang mga yaong magkakaroon ng buhay na walang hanggan, at ang kaligtasan ay darating sa wala nang iba.
41 Samakatwid, ang masasama ay mananatili na parang walang pagtubos na ginawa, maliban sa pagkakalag sa mga gapos ng kamatayan; sapagkat dinggin, darating ang araw na ang lahat ay babangon mula sa mga patay at tatayo sa harapan ng Diyos, at hahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa.
42 Ngayon, may isang kamatayan na tinatawag na temporal na kamatayan; at ang kamatayan ni Cristo ang magkakalag sa mga gapos ng temporal na kamatayang ito, na ang lahat ay babangon mula sa temporal na kamatayang ito.
43 Ang espiritu at ang katawan ay magsasamang muli sa sakdal na anyo nito; kapwa ang biyas at kasu-kasuan ay ibabalik sa wastong pangangatawan nito, maging kagaya natin ngayon sa sandaling ito; at tayo ay dadalhin upang tumayo sa harapan ng Diyos, nakaaalam maging katulad ng nalalaman natin ngayon, at may malinaw na alaala ng lahat ng ating mga pagkakasala.
44 Ngayon, ang pagpapanumbalik na ito ay darating sa lahat, sa kapwa matanda at bata, sa kapwa alipin at malaya, sa kapwa lalaki at babae, sa kapwa masama at matwid; at maging doon ay hindi mawawala kahit isang buhok sa kanilang mga ulo, kundi bawat bagay ay manunumbalik sa sakdal na pangangatawan nito, gaya sa ngayon, o sa katawan, at dadalhin at lilitisin sa harapan ng hukuman ni Cristo, ang Anak, at ng Diyos Ama, at ng Banal na Espiritu, na isang Diyos na Walang Hanggan, upang hatulan alinsunod sa kanilang mga gawa, kung ang mga yaon ay mabubuti o kung ang mga yaon ay masasama.
45 Ngayon, dinggin, sinabi ko sa iyo ang hinggil sa kamatayan ng katawang-lupa, at gayundin ang hinggil sa pagkabuhay na mag-uli ng katawang-lupa. Sinasabi ko sa iyo na ang katawang-lupang ito ay babangon na isang walang kamatayang katawan, na mula sa kamatayan, maging mula sa unang kamatayan tungo sa pagkabuhay, upang sila ay hindi na mamatay muli; ang kanilang mga espiritu ay sasamang muli sa kanilang mga katawan, na hindi na maghihiwalay pa kailanman; sa gayon ang kabuuan ay magiging espirituwal at walang kamatayan, nang sa gayon sila ay hindi na muling makakita pa ng kabulukan.
46 Ngayon, nang matapos ni Amulek ang mga salitang ito, ang mga tao ay muling nagsimulang manggilalas, at gayundin, si Zisrom ay nagsimulang manginig. At sa gayon natapos ang mga salita ni Amulek, o ito ang lahat ng aking naisulat.