Kabanata 6
Muling iniulat ni Jacob ang kasaysayan ng mga Judio: Ang pagkabihag at pagbabalik mula sa Babilonia; ang ministeryo at pagkakapako sa krus ng Banal ng Israel; ang matatanggap na tulong mula sa mga Gentil; at ang pagpapanumbalik sa huling araw ng mga Judio kapag naniwala sila sa Mesiyas. Mga 559–545 B.C.
1 Ang mga salita ni Jacob, na kapatid ni Nephi, na kanyang sinabi sa mga tao ni Nephi:
2 Dinggin, mga minamahal kong kapatid, ako, si Jacob, na tinawag ng Diyos, at inordenan alinsunod sa pamamaraan ng kanyang banal na orden, at itinalaga ng aking kapatid na si Nephi, na inyong kinikilala bilang isang hari o isang tagapagtanggol, at na siyang inaasahan ninyo para sa kaligtasan, dinggin, inyong nalalaman na lubhang maraming bagay na ang aking sinabi sa inyo.
3 Gayunpaman, ako ay nagsasalitang muli sa inyo; sapagkat inaalaala ko ang kapakanan ng inyong mga kaluluwa. Oo, labis ang aking pag-aalala sa inyo; at nalalaman ninyo sa inyong sarili na noon pa man ay gayon na. Sapagkat akin kayong pinagpayuhan nang buong sigasig; at itinuro ko sa inyo ang mga salita ng aking ama; at nangusap ako sa inyo hinggil sa lahat ng bagay na nasusulat, mula sa pagkakalikha ng daigdig.
4 At ngayon, dinggin, ako ay mangungusap sa inyo hinggil sa mga bagay na nangyayari, at yaong mga mangyayari pa; kaya nga, babasahin ko sa inyo ang mga salita ni Isaias. At yaon ang mga salitang ninanais ng aking kapatid na aking sabihin sa inyo. At ako ay nangungusap sa inyo para sa inyong kapakanan, upang kayo ay matuto at purihin ang pangalan ng inyong Diyos.
5 At ngayon, ang mga salitang aking babasahin ay yaong mga sinabi ni Isaias hinggil sa buong sambahayan ni Israel; kaya nga, ang mga iyon ay maaaring iugnay sa inyo, sapagkat kayo ay kabilang sa sambahayan ni Israel. At maraming bagay na nasabi ni Isaias ang maaaring iugnay sa inyo, sapagkat kayo ay kabilang sa sambahayan ni Israel.
6 At ngayon, ito ang mga salita: Ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Dinggin, ikakaway ko ang aking kamay sa mga Gentil, at itatayo ko ang aking sagisag sa mga tao; at kakalungin nila ang iyong mga anak na lalaki sa kanilang mga bisig, at ang iyong mga anak na babae ay papasanin sa kanilang mga balikat.
7 At mga hari ang iyong magiging mga tagakandiling ama, at ang kanilang mga reyna ang iyong mga tagakandiling ina; magsisiyukod sila sa iyo na ang kanilang mga mukha ay nasa lupa, at hihimurin ang alikabok ng iyong mga paa; at iyong makikilala na ako ang Panginoon; sapagkat ang mga naghihintay sa akin ay hindi mahihiya.
8 At ngayon, ako, si Jacob, ay mangungusap nang bahagya hinggil sa mga salitang ito. Sapagkat dinggin, ipinakita sa akin ng Panginoon na ang mga yaong nasa Jerusalem, kung saan tayo nagmula, ay napatay at mga dinalang bihag.
9 Gayunpaman, ipinakita sa akin ng Panginoon na muli silang magbabalik. At ipinakita rin niya sa akin na ang Panginoong Diyos, ang Banal ng Israel, ay ipakikita ang kanyang sarili sa kanila sa laman; at matapos niyang ipakita ang sarili ay kanilang pahihirapan siya at ipapako siya sa krus, ayon sa mga salita ng anghel na kumausap sa akin.
10 At matapos nilang patigasin ang kanilang mga puso at patigasin ang kanilang mga leeg laban sa Banal ng Israel, dinggin, ang mga kahatulan ng Banal ng Israel ay ipapataw sa kanila. At darating ang araw na sila ay sasaktan at pahihirapan.
11 Anupa’t matapos na itaboy sila nang paroo’t parito, sapagkat gayon ang wika ng anghel, marami ang pahihirapan sa laman, at hindi pahihintulutang masawi, dahil sa mga panalangin ng matatapat; ikakalat sila at sasaktan, at kapopootan; gayunpaman, ang Panginoon ay magiging maawain sa kanila, na kapag nakarating sa kanila ang kaalaman hinggil sa kanilang Manunubos, sila ay muling sama-samang titipunin sa mga lupaing kanilang mana.
12 At pinagpala ang mga Gentil, sila na mga isinulat ng propeta; sapagkat dinggin, kung sakali mang magsisisi sila at hindi kakalabanin ang Sion, at hindi makikiisa ang kanilang sarili sa yaong makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, sila ay maliligtas; sapagkat tutuparin ng Panginoong Diyos ang kanyang mga tipan na kanyang ginawa sa kanyang mga anak; at sa kadahilanang ito isinulat ng propeta ang mga bagay na ito.
13 Anupa’t sila na kumakalaban sa Sion at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon ay hihimurin ang alikabok sa kanilang mga paa; at ang mga tao ng Panginoon ay hindi mahihiya. Sapagkat ang mga tao ng Panginoon ay sila na mga naghihintay sa kanya; sapagkat kanila pa ring hinihintay ang pagparito ng Mesiyas.
14 At dinggin, ayon sa mga salita ng propeta, ang Mesiyas ay muling iaatas ang kanyang sarili sa ikalawang pagkakataon upang bawiin sila; kaya nga, ipakikita niya ang kanyang sarili sa kanila sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian, tungo sa pagkalipol ng kanilang mga kaaway, sa pagdating ng araw na yaon na maniniwala sila sa kanya; at wala siyang lilipulin na naniniwala sa kanya.
15 At sila na hindi maniniwala sa kanya ay lilipulin, kapwa sa pamamagitan ng apoy, at sa pamamagitan ng bagyo, at sa pamamagitan ng mga lindol, at sa pamamagitan ng mga pagdanak ng dugo, at sa pamamagitan ng mga salot, at sa pamamagitan ng taggutom. At makikilala nila na ang Panginoon ay Diyos, ang Banal ng Israel.
16 Sapagkat makukuha ba sa makapangyarihan ang kanyang huli, o ang makatuwirang nabihag ay makalalaya?
17 Subalit ganito ang wika ng Panginoon: Maging ang mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin, at ang huli ng kakila-kilabot ay makalalaya; sapagkat ililigtas ng Makapangyarihang Diyos ang kanyang mga pinagtipanang tao. Sapagkat ganito ang wika ng Panginoon: Makikipaglaban ako sa kanila na nakikipaglaban sa iyo—
18 At ipakakain ko sa kanila na nang-aapi sa iyo ang kanilang sariling laman; at malalango sila ng kanilang sariling dugo gaya ng matamis na alak; at makikilala ng lahat ng tao na ako ang Panginoon, ang iyong Tagapagligtas at iyong Manunubos, ang Makapangyarihan ni Jacob.