Mga Banal na Kasulatan
2 Nephi 16


Kabanata 16

Nakita ni Isaias ang Panginoon—Ang mga kasalanan ni Isaias ay pinatawad—Tinawag siya na magpropesiya—Ipinropesiya niya ang pagtanggi ng mga Judio sa mga aral ni Cristo—Magbabalik ang labi—Ihambing sa Isaias 6. Mga 559–545 B.C.

1 Noong taong mamatay si haring Uzzias, nakita ko rin ang Panginoon na nakaupo sa isang trono, matayog at mataas, at ang laylayan ng kanyang damit ay pumuno sa templo.

2 Sa itaas nito ay nangakatayo ang mga serapin; ang bawat isa ay may anim na pakpak; dalawa upang takpan niya ang kanyang mukha, at dalawa upang takpan niya ang kanyang mga paa, at dalawa upang ipanlipad niya.

3 At nagsisigawan sa isa’t isa, at nagsasabi: Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga Hukbo; ang buong mundo ay puspos ng kanyang kaluwalhatian.

4 At ang mga haligi ng pintuan ay nayanig sa tinig ng yaong sumisigaw, at napuno ng usok ang bahay.

5 Pagkatapos, sinabi ko: Sa aba ko! Sapagkat ako ay napahamak; dahil sa ako ay isang taong marurumi ang labi; at ako ay naninirahan sa piling ng mga taong marurumi ang mga labi; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga Hukbo.

6 Pagkatapos, lumipad patungo sa akin ang isa sa mga serapin, na may taglay na nagbabagang uling sa kanyang kamay, na kanyang kinuha sa dambana sa pamamagitan ng pang-ipit;

7 At inilagay niya ito sa aking bibig, at sinabi: Narito, hinipo nito ang iyong mga labi; at naalis ang iyong kasamaan, at nalinis ang iyong mga kasalanan.

8 Narinig ko rin ang tinig ng Panginoon, sinasabing: Sino ang aking isusugo, at sino ang hahayo para sa atin? Pagkatapos, sinabi ko: Narito po ako; isugo ninyo ako.

9 At sinabi niya: Humayo at sabihin sa mga taong ito—Inyo ngang naririnig, subalit hindi ninyo nauunawaan; at inyo ngang nakikita, subalit hindi ninyo nababatid.

10 Patigasin mo ang mga puso ng mga taong ito, at takpan mo ang kanilang mga tainga, at ipinid ang kanilang mga mata—baka makita ng kanilang mga mata, at marinig ng kanilang mga tainga, at maunawaan ng kanilang mga puso, at magbalik-loob at magsigaling.

11 Pagkatapos, sinabi ko: Panginoon, gaano katagal? At sinabi niya: Hanggang sa mawasak ang mga lungsod at mawalan ng mga naninirahan, at ang mga bahay ay mawalan ng tao, at ang lupain ay lubusang mapabayaan;

12 At inilayo ng Panginoon ang mga tao, sapagkat magkakaroon ng labis na kapabayaan sa gitna ng lupain.

13 Subalit magkakaroon pa rin ng ikasampung bahagi, at magsisibalik sila, at lalamunin, tulad ng isang terebinto, at tulad ng isang encina na ang pinaka-puno ay naiiwan kapag nalalagas ang kanilang mga dahon; kung kaya’t ang mga banal na binhi ay siyang pinaka-puno niyon.