Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 11: Tunay na Kadakilaan


Kabanata 11

Tunay na Kadakilaan

“Ang patuloy nating pagsisikap sa maliliit na bagay sa buhay araw-araw ay humahantong sa tunay na kadakilaan.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter na ang tunay na kadakilaan ay nagmumula hindi sa makamundong tagumpay kundi sa “libu-libong maliliit na bagay na ginagawa natin … sa paglilingkod at sakripisyo na bumubuo sa pagbibigay, o pagkawala, ng buhay ng isang tao para sa iba at para sa Panginoon.”1 Iniayon ni Pangulong Hunter ang kanyang buhay sa turong ito. Sa halip na hangarin ang pansin ng madla o ang papuri ng iba, nagsagawa siya ng paglilingkod at sakripisyo araw-araw na kadalasan ay hindi napapansin.

Ang isang halimbawa ng paglilingkod ni Pangulong Hunter na medyo hindi napansin ay ang pag-aalaga niya sa kanyang asawa nang mahigit isang dekada nang manghina ang katawan nito. Noong mga unang taon ng 1970s, nagsimulang dumanas si Claire Hunter ng pananakit ng ulo at pagkalimot. Kalaunan ay ilang beses siyang inatake, kaya nahirapan siyang magsalita o gamitin ang kanyang mga kamay. Nang kailanganin na nito ng patuloy na pag-aalaga, ginawa ni Pangulong Hunter ang makakaya niya habang ginagampanan din ang kanyang mga responsibilidad bilang Apostol. Pinabantayan niya sa iba si Claire sa araw, ngunit siya ang nag-alaga rito sa gabi.

Nagkaroon ng cerebral hemorrhage si Claire noong 1981 kaya hindi na siya makalakad o makapagsalita. Gayunpaman, tinulungan ito ni Pangulong Hunter na tumayo mula sa wheelchair at niyakap ito nang mahigpit para makapagsayaw sila na tulad noong mga unang taon nila.

Matapos ang ikalawang cerebral hemorrhage ni Claire, iginiit ng mga doktor na ilagay siya sa isang care center, at nanatili siya roon sa huling 18 buwan ng kanyang buhay. Noong panahong iyon, pinupuntahan siya ni Pangulong Hunter bawat araw maliban lang sa mga panahong naatasan siyang maglakbay sa ibang lugar para sa Simbahan. Sa pag-uwi niya, dumidiretso siya mula sa airport para makasama siya. Kadalasan ay mahimbing ang tulog nito o hindi siya nakikilala, ngunit patuloy niyang ipinahayag dito ang kanyang pagmamahal at tiniyak na komportable ito.

Kalaunan ay sinabi ni Elder James E. Faust ng Korum ng Labindalawa na ang “magiliw at mapagmahal na pangangalaga [ni Pangulong Hunter] sa kanyang asawang si Claire nang mahigit sampung taon noong maysakit ito ang pinakamarangal na katapatan ng isang lalaki sa isang babae na nakita ng marami sa amin sa aming buhay.”2

Pagkamatay ni Pangulong Hunter, sinipi sa isang talambuhay sa Ensign ang kanyang mga turo tungkol sa tunay na kadakilaan at ibinuod doon kung paano nito nagabayan ang kanyang buhay:

“Bagaman hindi niya ikukumpara ang kanyang sarili dahil sa labis na pagpapakumbaba, natagpuan ni Pangulong Hunter ang kanyang sariling pakahulugan sa kadakilaan. Ang kanyang kadakilaan ay lumitaw sa mga panahon ng kanyang buhay na hindi siya kilala ng madla nang gumawa siya ng mahahalagang pasiya na magsumigasig, na sumubok na muli matapos mabigo, at tulungan ang kanyang kapwa-tao. Ang mga katangiang iyon ay makikita sa kanyang kahanga-hangang kakayahang magtagumpay sa iba’t ibang adhikaing tulad ng musika, batas, negosyo, international relations, pagkakarpintero, at, higit sa lahat, pagiging isang ‘mabuti at tapat na alipin’ ng Panginoon [Mateo 25:21]. …

“Para sa ikalabing-apat na Pangulo ng Simbahan, ang pagtupad sa mga layunin ng Panginoon ay dumating sa di-makasarili at likas na paraan na tulad ng kanyang mga pagsisikap noong bata pa siyang estudyante, bata pang ama, tapat na bishop, at walang-pagod na Apostol. Ang ubasan ng Panginoon, sa tingin ni Howard W. Hunter, ay nangangailangan ng palagiang pangangalaga, at ang tanging hiling sa kanya ng kanyang Panginoon ay maging isa siyang ‘mabuti at tapat na alipin.’ Tinupad ito ni Pangulong Hunter nang may tunay na kadakilaan, na palaging nakatuon sa halimbawa ng Tagapagligtas, na pinaglingkuran niya hanggang wakas.”3

Howard at Claire Hunter

Howard at Claire Hunter

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Ang pakahulugan ng mundo sa kadakilaan kadalasan ay nakalilinlang at maaaring maghikayat ng nakapipinsalang mga paghahambing.

Maraming Banal sa mga Huling Araw ang masaya at nasisiyahan sa mga pagkakataon sa buhay. Subalit nag-aalala ako na ang ilan sa atin ay hindi masaya. Nadarama ng ilan sa atin na nagkukulang tayo sa inaasahan nating mga uliran. Nag-aalala ako lalo na sa mga taong namuhay nang matwid ngunit nag-iisip—dahil hindi pa nila nakakamit sa mundo o sa Simbahan ang nakamit ng iba—na bigo sila. Bawat isa sa atin ay naghahangad na magkamit ng kadakilaan sa buhay na ito. At bakit naman hindi? Minsa’y may nagsabi, na may matinding damdamin sa kalooban ng bawat isa sa atin na nagnanasang makabalik sa ating tahanan sa langit. (Tingnan sa Heb. 11:13–16; D at T 45:11–14.)

Sa pagkatanto kung sino tayo at kung ano ang maaari nating kahinatnan ay natitiyak natin na wala talagang imposible sa Diyos. Mula nang malaman natin na nais ni Jesus na maging mga disipulo niya tayo hanggang sa malaman natin nang mas lubusan ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo, tinuturuan tayong magsikap na maging perpekto. Hindi na bago sa atin, kung gayon, na pag-usapan ang kahalagahan ng tagumpay. Nagsisimula ang hirap kapag nabago ang kahulugan ng kadakilaan ng malaking inaasam ng mundo.

Ano ang tunay na kadakilaan? Ano ang nagiging dahilan ng kadakilaan ng isang tao?

Nabubuhay tayo sa isang mundong tila sumasamba sa sarili nitong uri ng kadakilaan at lumilikha ng sarili nitong uri ng mga bayani. Inihayag kamakailan sa isang survey ng mga kabataan mula labingwalo hanggang dalawampu’t apat na taong gulang na mas gusto ng mga kabataan ngayon ang mga taong “matatag, malaya, marunong lumaban” at malinaw na naghahangad na gawing huwaran sa buhay ang kaakit-akit at “napakayamang buhay.” Noong 1950s, kabilang sa mga bayani sina Winston Churchill, Albert Schweitzer, President Harry Truman, Queen Elizabeth, at Helen Keller—ang bulag at binging manunulat at lecturer. Sila ang mga bantog na taong nakatulong sa paghubog ng kasaysayan o kaya’y kilala sa kanilang buhay na nagbibigay-inspirasyon. Ngayon, marami sa nangungunang sampung bayani [o idolo] ay mga artista sa pelikula at iba pang entertainers, na nagpapahiwatig ng pagbabago sa ating mga pag-uugali. (Tingnan sa U.S. News & World Report, 22 Abr. 1985, mga pahina 44–48.)

Totoo na ang mga bayani sa mundo ay di-gaanong nagtatagal sa isipan ng madla; ngunit, gayunman, kailanma’y hindi nawalan ng mga kampeon at nagtatagumpay. Halos araw-araw ay nakakarinig tayo ng mga atletang naka-break ng record; mga siyentipikong nakaimbento ng kagila-gilalas na mga bagong device, makina, at proseso; at mga doktor na nakapagligtas ng buhay sa mga bagong paraan. Palagi tayong nakalantad sa napakagaling na mga musician at entertainer at napakatalinong mga artist, arkitekto, at builder. Tinatambakan tayo ng mga magasin, billboard, at television commercial ng larawan ng mga taong perpekto ang mga ngipin at katawan, nakasuot ng mga damit na uso at gumagawa ng anumang ginagawa ng “tagumpay” na mga tao.

Dahil palagi tayong nakalantad sa pakahulugan ng mundo sa kadakilaan, malinaw na ikinukumpara natin kung ano tayo at ano ang iba—o kung ano sila sa tingin natin—at gayundin kung ano ang mayroon tayo at mayroon ang iba. Bagama’t totoo na ang pagkukumpara ay maaaring makatulong at magbunsod sa atin na magsakatuparan ng maraming kabutihan at pagbutihin ang ating buhay, madalas nating tulutan ang di-makatwiran at maling mga pagkukumpara na sirain ang ating kaligayahan kapag nakadama tayo ng kabiguan o kakulangan dahil dito. Kung minsan, dahil sa damdaming ito, nakakagawa tayo ng mali at nagtutuon tayo sa ating mga kabiguan habang binabalewala natin ang mga aspeto ng ating buhay na maaaring may mga elemento ng tunay na kadakilaan.4

lalaking tumutulong sa matandang babae

“Ang tunay na kadakilaan [ay nagmumula sa] libu-libong maliliit na bagay na ginagawa natin at sa paglilingkod at sakripisyo na bumubuo sa pagbibigay, o pagkawala, ng buhay ng isang tao para sa iba at para sa Panginoon.”

2

Ang patuloy na pagsisikap sa maliliit na bagay na ginagawa natin araw-araw ay humahantong sa tunay na kadakilaan.

Noong 1905, binanggit ni Pangulong Joseph F. Smith ang napakamakabuluhang pahayag na ito tungkol sa tunay na kadakilaan:

“Ang mga bagay na tinatawag nating pambihira, kahanga-hanga, o di-karaniwan ay maaaring maalaala sa kasaysayan, ngunit hindi ito nangyayari sa tunay na buhay.

“Gayon pa man, ang gawin nang mabuti ang mga bagay na yaon na itinakda ng Diyos na maging karaniwang palad ng buong sangkatauhan, ang siyang pinakatunay na kadakilaan. Ang maging matagumpay na ama o ina ay mas dakila pa sa matagumpay na heneral o estadista.” (Juvenile Instructor, 15 Dis. 1905, p. 752.)

Ang pahayag na ito ay humahantong sa isang tanong: Ano ang mga bagay na itinakda ng Diyos na maging “karaniwang palad ng buong sangkatauhan”? Tiyak na kasama rito ang mga bagay na kailangang gawin para maging mabuting ama o ina, mabuting anak na lalaki o babae, mahusay na estudyante o mabuting roommate o kapitbahay.

… Ang patuloy nating pagsisikap sa maliliit na bagay sa buhay araw-araw ay humahantong sa tunay na kadakilaan. Maliwanag na libu-libong maliliit na bagay na ginagawa natin at paglilingkod at sakripisyo ang bumubuo sa pagbibigay, o pagkawala, ng buhay ng isang tao para sa iba at para sa Panginoon. Kabilang dito ang pagtatamo ng kaalaman tungkol sa ating Ama sa Langit at sa ebanghelyo. Kabilang din dito ang paghikayat sa iba na manampalataya at mapabilang sa kanyang kaharian. Ang mga bagay na ito ay hindi karaniwang pinapansin o pinupuri ng sanlibutan.5

3

Pinagtuunan ng pansin ni Propetang Joseph ang araw-araw na paglilingkod at pangangalaga sa iba.

Si Joseph Smith ay hindi karaniwang ginugunita bilang heneral, meyor, arkitekto, editor, o kandidato sa pagkapangulo. Ginugunita natin siya bilang propeta ng Panunumbalik, isang lalaking tapat sa pag-ibig ng Diyos at sa pagsusulong ng Kanyang gawain. Si Propetang Joseph ay isang Kristiyano sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay. Pinagtuunan niya ng pansin ang maliliit na bagay, ang araw-araw na paglilingkod at pangangalaga sa iba. Noong labintatlong taong gulang si Lyman O. Littlefield, sumama siya sa kampo ng Sion, na nagpunta sa Missouri. Kalaunan ay isinalaysay niya ang isang pangyayari na nagpakita ng ginawang paglilingkod ng Propeta na maliit ngunit mahalaga sa kanya:

“Ang paglalakbay ay lubhang nakakapagod para sa lahat, at ang pisikal na pagdurusa, lakip ang kaalaman tungkol sa mga pang-uusig na tiniis ng aming mga kapatid na pupuntahan namin para tulungan, ang dahilan kaya ako nalungkot isang araw. Habang naghahandang magpatuloy ang grupo sa paglalakbay naupo akong pagod na pagod at malungkot sa tabing-daan. Ang Propeta ang pinakaabalang tao sa grupo; subalit nang makita niya ako, iniwan niya ang iba pa niyang ginagawa para panatagin ang isang bata. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa ulo ko, at sinabi, ‘Wala ka bang layon dito, iho? Kung wala, bibigyan kita.’ Ang pangyayaring ito ay nakintal sa aking isipan at hindi ko na nalimutan sa kabila ng tagal ng panahon at mas mabibigat na problema.” (Sa George Q. Cannon, Life of Joseph Smith the Prophet, Salt Lake City: Deseret Book Co., 1986, p. 344.)

Sa isa pang pagkakataon, nang ipadala ni Governor Carlin ng Illinois si Sheriff Thomas King ng Adams County at ilang iba pa bilang awtorisadong pulisya para dakpin ang Propeta at ibigay ito sa mga kamay ng mga emisaryo ni Governor Boggs ng Missouri, nagkasakit nang malubha si Sheriff King. Sa Nauvoo dinala ng Propeta ang sheriff sa bahay niya at inalagaan ito na parang kapatid sa loob ng apat na araw. (Ibid., p. 372.) Ang maliit, mabuti, subalit makabuluhang mga paglilingkod ng Propeta ay hindi lamang paminsan-minsan.

Nang sumulat siya tungkol sa pagbubukas ng tindahan [ni Propetang Joseph Smith] sa Nauvoo, itinala ni Elder George Q. Cannon:

“Ang Propeta mismo ay hindi nag-atubiling pumasok sa pangangalakal at industriya; ang ebanghelyong ipinangaral niya ay para sa temporal na kaligtasan gayundin sa espirituwal na kadakilaan; at handa siyang gampanan ang kanyang tungkulin sa gawain. Ginawa niya ito nang hindi nag-iisip ng personal na pakinabang.” (Ibid., p. 385.)

At sa isang liham, isinulat ng Propeta:

“Punung-puno ang [Red Brick Store sa Nauvoo] at nakatayo ako sa despatso [counter] maghapon, nagbebenta ng mga paninda tulad ng sinumang klerk na nakita na ninyo, tinutulungan ang mga taong napilitang pumunta rito na walang karaniwang hapunan para sa Pasko at Bagong Taon, sapagkat kulang sila ng kaunting asukal, pulot, pasas, at kung anu-ano pa; at pinasasaya rin ang aking sarili, sapagkat gusto kong paglingkuran ang mga Banal, at maging tagapaglingkod ng lahat, umaasang madadakila ako sa takdang panahon ng Panginoon.” (Ibid., p. 386.)

Tungkol sa tagpong ito, sinabi ni George Q. Cannon:

“Kahanga-hangang pagmasdan! Ang isang lalaking pinili ng Panginoon para ilatag ang pundasyon ng Kanyang Simbahan at maging Propeta at Pangulo nito, ay ikinagagalak at ipinagmamalaki ang maglingkod sa kanyang mga kapatid na parang isang alipin. … Walang araw na hindi nadama ni Joseph na naglilingkod siya sa Diyos at nagtatamo ng pagsang-ayon ni Jesucristo sa pagpapakita ng kabaitan at malasakit ‘[kahit] sa pinakamaliit sa mga ito.’” (Ibid., p. 386.)6

tinutulungan ni Joseph Smith ang matandang lalaki

“Si Propetang Joseph ay isang Kristiyano sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay. Pinagtuunan niya ng pansin ang maliliit na bagay, ang araw-araw na paglilingkod at pangangalaga sa iba.”

4

Ang tunay na kadakilaan ay nagmumula sa pagsusumigasig sa mga kahirapan ng buhay at sa paglilingkod sa mga paraan na kadalasan ay hindi napapansin.

Pagiging matagumpay na elders quorum secretary o guro sa Relief Society o mapagmahal na kapitbahay o pakikinig sa kaibigan ang ibig sabihin ng tunay na kadakilaan. Paggawa ng pinakamainam sa harap ng karaniwang mga pakikibaka sa buhay—at marahil sa harap ng kabiguan—at patuloy na pagtitiis at pagsusumigasig sa dinaranas na mga kahirapan ng buhay kapag ang mga pakikibaka at tungkuling iyon ay nakakatulong sa pag-unlad at kaligayahan ng iba at sa walang-hanggang kaligtasan ng isang tao—ito ang tunay na kadakilaan.

Nais nating lahat na magkamit ng kadakilaan sa buhay na ito. Marami nang nagkamit ng mga dakilang bagay; ang iba ay nagsisikap na magkamit ng kadakilaan. Hinihikayat ko kayong kamtin ito at, kasabay nito, alalahanin kung sino kayo. Huwag padaig sa huwad at pansamantalang konsepto ng kadakilaan. Maraming taong isinusuko ang kanilang kaluluwa sa gayong mga tukso. Huwag ipagpalit ang inyong reputasyon—sa anumang halaga. Ang tunay na kadakilaan ay ang manatiling tapat—“Sa katotohana’y may katapatan, Pananampalataya’y ipaglalaban.” (Mga Himno, 2001, blg. 156.)

Tiwala ako na maraming dakila, di-napapansin, at nalimutan nang mga bayani sa ating kalipunan. Ang tinutukoy ko ay kayo na tahimik at palaging ginagawa ang mga bagay na dapat ninyong gawin. Ang binabanggit ko ay ang mga laging nariyan at laging handa. Tinutukoy ko ang pambihirang kagitingan ng ina na nananatili sa tabi at nag-aalaga sa isang anak na maysakit, oras-oras, araw-gabi, habang nasa trabaho o nasa paaralan ang kanyang asawa. Isinasama ko ang mga nagboboluntaryong magbigay ng dugo o tumutulong sa matatanda. Iniisip ko kayo na tapat na ginagampanan ang inyong mga responsibilidad sa priesthood at sa simbahan at ang mga estudyanteng regular na sumusulat sa mga magulang upang pasalamatan ang kanilang pagmamahal at suporta.

Tinutukoy ko rin ang mga tumutulong sa iba na magkaroon ng pananampalataya at hangaring ipamuhay ang ebanghelyo—ang mga aktibong nagsisikap na patatagin at hubugin ang buhay ng iba sa pisikal, sa pakikisama, at sa espirituwal. Tinutukoy ko ang mga tapat at mabait at masipag sa kanilang mga tungkulin araw-araw, ngunit mga lingkod din ng Panginoon at mga pastol ng kanyang mga tupa.

Ngayon, hindi ko binabalewala ang malalaking tagumpay ng mundo na nagbigay sa atin ng napakaraming oportunidad at naglalaan ng kultura at kaayusan at katuwaan sa ating buhay. Sinasabi ko lang na nagsisikap tayong magtuon nang mas malinaw sa mga bagay sa buhay na magiging pinakamahalaga. Maaalala ninyo na ang Tagapagligtas ang nagsabing, “Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.” (Mat. 23:11.)7

5

Ang tunay na kadakilaan ay nangangailangan ng patuloy, maliit, at kung minsan ay karaniwang mga hakbang sa loob ng mahabang panahon.

Bawat isa sa atin ay nakakita na ng mga taong halos agad-agad na yumaman o nagtagumpay—halos sa loob lang ng buong magdamag. Ngunit naniniwala ako na kahit maaaring magtagumpay nang ganito ang ilan nang walang kahirap-hirap, walang makatatamo ng dagliang kadakilaan. Ang pagkakamit ng tunay na kadakilaan ay mahabang proseso. Maaaring magkaroon ng mga problema paminsan-minsan. Ang bunga ay maaaring hindi laging malinaw, ngunit tila palagi itong nangangailangan ng regular, patuloy, maliit, at kung minsan ay ordinaryo at karaniwang mga hakbang sa loob ng mahabang panahon. Dapat nating tandaan na ang Panginoon ang nagsabing, “Sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.” (D at T 64:33.)

Ang tunay na kadakilaan ay hindi kailanman bunga ng isang pagkakataon o ng minsanang pagsisikap o tagumpay. Ang kadakilaan ay nangangailangan ng pag-unlad ng pagkatao. Nangangailangan ito ng maraming tamang desisyon sa araw-araw na pagpili sa pagitan ng mabuti at masama na binanggit ni Elder Boyd K. Packer nang sabihin niyang, “Sa paglipas ng mga taon ang maliliit na pagpili ay magsasama-sama at malinaw na ipapakita kung ano ang mahalaga sa atin.” (Ensign, Nob. 1980, p. 21.) Malinaw ring ipapakita ng mga pagpiling iyon kung ano tayo.8

6

Mga karaniwang tungkulin ang kadalasan may pinakamalaking positibong epekto sa iba.

Kapag sinuri natin ang ating buhay, mahalagang tingnan natin, hindi lamang ang ating mga nagawa kundi kung sa anong mga kundisyon natin napagsikapang makamit ito. Bawat isa sa atin ay kakaiba at natatangi; bawat isa sa atin ay nagkaroon ng ibang simulain sa takbo ng buhay; bawat isa sa atin ay may natatanging iba’t ibang mga talento at galing; bawat isa sa atin ay may sariling mga hamon at limitasyong bubunuin. Kaya nga, ang paghatol natin sa ating sarili at sa ating mga tagumpay ay hindi lamang dapat kabilangan ng laki o lawak at dami ng ating mga nagawa; dapat din itong kabilangan ng mga kundisyong umiral at ng epekto ng ating mga pagsisikap sa iba.

Ang huling aspetong ito ng pagsusuri natin sa ating sarili—ang epekto ng ating buhay sa buhay ng iba—ang magpapaunawa sa atin kung bakit ang ilan sa mga karaniwan at ordinaryong gawain sa buhay ay dapat pahalagahan nang husto. Kadalasan ang karaniwang mga tungkuling ginagampanan natin ang may pinakamalaking positibong epekto sa buhay ng iba, kumpara sa mga bagay na napakadalas iugnay ng mundo sa kadakilaan.9

7

Ang paggawa ng mga bagay na itinakda ng Diyos na mahalaga ay hahantong sa tunay na kadakilaan.

Sa tingin ko ang uri ng kadakilaang gusto ng ating Ama sa Langit na hangarin natin ay posibleng makamtan ng lahat ng taong ipinamumuhay ang ebanghelyo. Walang limitasyon ang mga pagkakataon nating gumawa ng maraming simple at maliliit na bagay na sa huli ay magpapadakila sa atin. Sa mga taong inilaan ang kanilang buhay sa paglilingkod at sakripisyo para sa kanilang pamilya, sa iba, at sa Panginoon, ang pinakamagandang payo ay ipagpatuloy lang ninyo ang ginagawa ninyo.

Sa mga taong nagsusulong sa gawain ng Panginoon sa napakaraming tahimik ngunit makabuluhang mga paraan, sa mga taong asin ng lupa at lakas ng mundo at pinagkukunan ng lakas ng bawat bansa—nais lang naming ipahayag sa inyo ang aming paghanga. Kung magtitiis kayo hanggang wakas, at matatag ang inyong patotoo kay Jesus, makakamtan ninyo ang tunay na kadakilaan at balang-araw ay mabubuhay kayo sa piling ng ating Ama sa Langit.

Tulad ng sabi ni Pangulong Joseph F. Smith, “Mamuhay tayo nang marangal at huwag tayong maging artipisyal.” (Juvenile Instructor, 15 Dis. 1905, p. 753.) Alalahanin natin na ang paggawa ng mga bagay na itinakda ng Diyos na mahalaga at kinakailangan, kahit ang tingin ng mundo rito ay walang halaga at walang kabuluhan, ay hahantong kalaunan sa tunay na kadakilaan.

Dapat nating sikaping tandaan ang mga salita ni Apostol Pablo, lalo na kung hindi tayo masaya sa ating buhay at pakiramdam natin ay wala tayong nakamtan ni bahagyang kadakilaan. Isinulat niya:

“Sapagka’t ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan;

Samantalang kami ay nagsisitingin hindi sa mga bagay na nangakikita, kundi sa mga bagay na hindi nangakikita: sapagka’t ang mga bagay na nangakikita ay may katapusan; datapuwa’t ang mga bagay na hindi nangakikita ay walang hanggan.” (II Cor. 4:17–18.)

Ang maliliit na bagay ay makabuluhan. Naaalala natin hindi ang halagang ibinigay ng Fariseo kundi ang lepta ng balo, hindi ang kapangyarihan at lakas ng hukbo ng mga Filisteo kundi ang lakas ng loob at katatagan ni David.

Nawa’y hindi tayo panghinaan ng loob kailanman sa paggawa araw-araw ng mga tungkuling iyon na itinakda ng Diyos na “karaniwang palad ng tao.”10

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Bakit tayo nalilito kung minsan kung ano ang tunay na kadakilaan? (Tingnan sa bahagi 1.) Bakit nagpapadama ng kabiguan at kalungkutan sa ilang tao ang pakahulugan ng mundo sa kadakilaan?

  • Paano naiiba ang pakahulugan ni Pangulong Hunter sa tunay na kadakilaan sa pakahulugan ng mundo? (Tingnan sa bahagi 2.) Paano makakatulong sa buhay ninyo ang pakahulugang ito sa tunay na kadakilaan? Pagnilayan ang ilang partikular na “maliliit na bagay” na makabubuting bigyan ng mas maraming oras at pansin.

  • Ano ang hinahangaan ninyo sa maliliit na paglilingkod ni Joseph Smith, na nakasaad sa bahagi 3? Ano ang ilang maliliit na paglilingkod na nagpala na sa inyo?

  • Repasuhin ang mga halimbawa sa bahagi 4 kung ano ang bumubuo sa tunay na kadakilaan. Paano ninyo nakitang magpakita ang mga tao ng tunay na kadakilaan sa mga paraang ito?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga turo sa bahagi 5 kung paano magkamit ng tunay na kadakilaan?

  • Ano ang ilang halimbawang nakita na ninyo na “karaniwang mga tungkuling ginagampanan natin [na] may pinakamalaking positibong epekto sa buhay ng iba”? (Tingnan sa bahagi 6.)

  • Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Benson sa bahagi 7. Paano humahantong sa tunay na kadakilaan ang paglilingkod at sakripisyo? Paano nakakatulong ang “matatag [na] patotoo kay Jesus” para makamit natin ang tunay na kadakilaan?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

I Samuel 16:7; I Kay Timoteo 4:12; Mosias 2:17; Alma 17:24–25; 37:6; Moroni 10:32; D at T 12:8; 59:23; 76:5–6; 88:125

Tulong sa Pagtuturo

“Habang naghahanda kayo nang may panalangin upang magturo, maaari kayong magabayan na bigyang-diin ang ilang alituntunin. Maaaring magkaroon kayo ng pang-unawa kung paano pinakamabuting mailalahad ang ilang ideya. Maaaring makatuklas kayo ng mga halimbawa, bagay na gagamitin sa pagtuturo ng aralin, at nagbibigay-inspirasyong kuwento sa mga simpleng gawain sa buhay. Maaari kayong makadama ng impresyon na anyayahan ang isang partikular na tao upang tumulong sa aralin. Maaaring maipaalala sa inyo ang isang personal na karanasan na maibabahagi ninyo” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 58).

Mga Tala

  1. “What Is True Greatness?” Ensign, Set. 1987, 71.

  2. James E. Faust, “Howard W. Hunter: Man of God,” Ensign, Abr. 1995, 28.

  3. “President Howard W. Hunter: The Lord’s ‘Good and Faithful Servant,’” Ensign, Abr. 1995, 9, 16.

  4. “What Is True Greatness?” 70.

  5. “What Is True Greatness?” 70–71.

  6. “What Is True Greatness?” 71.

  7. “What Is True Greatness?” 71–72.

  8. “What Is True Greatness?” 72.

  9. “What Is True Greatness?” 72.

  10. “What Is True Greatness?” 72.