Kabanata 13
Ang Templo—Ang Dakilang Simbolo ng Ating Pagiging Miyembro
“Pinakamatinding hangarin ng puso ko na maging karapat-dapat ang bawat miyembro ng Simbahan na pumasok sa templo.”
Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter
Ang ina ni Howard W. Hunter ay habambuhay na naging tapat na miyembro ng Simbahan, ngunit nabinyagan lamang ang kanyang ama nang maging 19 anyos na si Howard. Makalipas ang ilang taon, noong si Howard ang stake president sa California, naglakbay ang mga miyembro ng stake patungong Mesa Arizona Temple para sa gawain sa templo. Bago nagsimula ang isang session, hinilingan siya ng temple president na magsalita sa mga taong nakatipon sa chapel. Ika-46 na kaarawan ni Pangulong Hunter noon. Kalaunan ay isinulat niya ang karanasang iyon:
“Habang nagsasalita ako sa kongregasyon, … pumasok ang aking ama at ina sa chapel na nakasuot ng puting damit. Wala akong kamalay-malay na nakahanda ang aking ama para sa kanyang mga pagpapala sa templo, bagama’t matagal-tagal na rin itong kinasabikan ni Inay. Labis ang katuwaan ko kaya hindi ako makapagpatuloy sa pagsasalita. Tinabihan ako ni President Pierce [ang temple president] at ipinaliwanag kung bakit sila nanggambala. Nang magpunta ang aking ama at ina sa templo noong umagang iyon hiniling nila sa president na huwag banggitin sa akin na naroon sila dahil gusto nilang maging sorpresa iyon sa kaarawan ko. Ito ang kaarawang hinding-hindi ko nalimutan dahil sa araw na iyon sila tumanggap ng endowment at nagkaroon ako ng pribilehiyong saksihan ang kanilang pagbubuklod, na sinundan ng pagkabuklod ko sa kanila.”1
Makalipas ang mahigit 40 taon, nang gawin ni Howard W. Hunter ang una niyang pahayag sa publiko bilang Pangulo ng Simbahan, ang isa sa kanyang mga pangunahing mensahe ay ang hangarin nang mas taimtim ng mga miyembro ang mga pagpapala ng templo.2 Patuloy niyang binigyang-diin ang mensaheng iyon sa buong paglilingkod niya bilang Pangulo. Nang magsalita siya sa pinagtayuan ng Nauvoo Temple noong Hunyo 1994, sinabi niya:
“Nitong mga unang araw ng buwang ito sinimulan ko ang aking ministeryo sa pagpapahayag ng matinding hangarin na mas maraming miyembro ng Simbahan ang maging karapat-dapat sa templo. Tulad noong panahon [ni Joseph Smith], mahalaga ang magkaroon ng karapat-dapat at na-endow na mga miyembro sa pagtatayo ng kaharian sa buong mundo. Tinitiyak ng pagiging marapat sa templo na nakaayon ang ating buhay sa kalooban ng Panginoon, at handa tayong tanggapin ang Kanyang patnubay sa ating buhay.”3
Makalipas ang ilang buwan, noong Enero 1995, ang paglalaan ng Bountiful Utah Temple ang naging huling pagharap ni Pangulong Hunter sa publiko. Sa panalangin ng paglalaan, hiniling niya na mabasbasan ng mga pagpapala ng templo ang buhay ng mga pumasok dito:
“Mapagpakumbaba naming idinadalangin na tanggapin ninyo ang gusaling ito at ibuhos ang inyong mga pagpapala dito. Padaluhin ninyo ang inyong espiritu para gabayan ang lahat ng namumuno rito, nang manaig ang kabanalan sa bawat silid nito. Nawa’y magkaroon ng malilinis na kamay at dalisay na puso ang mga pumapasok dito. Nawa’y lumago ang kanilang pananampalataya at lumisan sila na payapa ang damdamin, na pinupuri ang inyong banal na pangalan. …
“Nawa’y maglaan ng diwa ng kapayapaan ang Bahay na ito sa lahat ng nagmamasid sa karingalan nito, at lalo na sa mga pumapasok dito para sa sarili nilang sagradong mga ordenansa at para isagawa ang gawain para sa kanilang mga mahal sa buhay na pumanaw na. Ipadama ninyo sa kanila ang inyong banal na pag-ibig at awa. Nawa’y maging pribilehiyo nilang sabihin, tulad ng Mang-aawit noong una, na ‘Tayo ay maligayang nagpapayuhang magkasama, tayo’y lumalakad na magkakaakbay sa bahay ng Diyos.’
“Sa paglalaan namin ng sagradong gusaling ito, muli naming inilalaan ang aming buhay sa inyo at sa inyong gawain.”4
Mga Turo ni Howard W. Hunter
1
Hinihikayat tayong itatag ang templo bilang dakilang simbolo ng ating pagiging miyembro.
Nang tawagin ako sa sagradong katungkulang ito [Pangulo ng Simbahan], isang paanyaya ang ipinarating sa lahat ng miyembro ng Simbahan na itatag ang templo ng Panginoon bilang dakilang simbolo ng kanilang pagiging miyembro at banal na kapaligiran para sa kanilang pinakasagradong mga tipan.
Kapag pinagninilayan ko ang templo, iniisip ko ang mga salitang ito:
“Ang templo ay isang lugar ng pagtuturo kung saan nabubunyag ang malalalim na katotohanang nauukol sa Kaharian ng Diyos. Ito ay isang lugar kung saan maisesentro ang mga isipan sa mga bagay ng espiritu at maisasantabi ang mga alalahanin ng mundo. Sa templo nakikipagtipan tayong sundin ang mga batas ng Diyos, at pinangangakuan tayo ng mga pagpapala, batay na rin palagi sa ating katapatan, hanggang sa kawalang-hanggan” (The Priesthood and You, Melchizedek Priesthood Lessons—1966, Salt Lake City: The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 1966, p. 293).
Ginawang dakilang simbolo ng Panginoon mismo ang templo, sa Kanyang mga paghahayag sa atin, para sa mga miyembro ng Simbahan. Isipin ang mga kilos at mabubuting pag-uugaling binanggit sa atin ng Panginoon sa payong ibinigay Niya sa mga Banal sa Kirtland sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith habang naghahanda silang magtayo ng templo. Ang payong ito ay angkop pa rin ngayon:
“Isaayos ang inyong sarili; ihanda ang bawat kinakailangang bagay; at magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalanginan, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pagkakatuto, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos” (D at T 88:119). Ang mga kilos at pag-uugali bang ito ay tunay na kakikitaan ng nais at hangad marating ng bawat isa sa atin? …
… Upang maging tunay na simbolo sa atin ang templo, kailangan nating hangarin na maging gayon ito. Kailangan tayong mamuhay nang marapat upang makapasok sa templo. Kailangan nating sundin ang mga utos ng ating Panginoon. Kung matutularan natin ang buhay ng Panginoon, at tatanggapin ang Kanyang turo at halimbawa bilang sukdulang huwaran ng ating buhay, hindi tayo mahihirapang maging karapat-dapat sa templo, maging matibay at matapat sa lahat ng aspeto ng buhay, dahil magiging tapat tayo sa iisang sagradong pamantayan ng pag-uugali at paniniwala. Sa tahanan man o sa palengke, sa eskuwelahan man o tapos na sa pag-aaral, lubos man tayong kumikilos nang mag-isa o kasama ng maraming tao, magiging malinaw ang ating landasin at makikita ang ating mga pamantayan.
Ang kakayahang manindigan sa mga prinsipyo ng isang tao, ang mamuhay nang may integridad at pananampalataya ayon sa paniniwala ng isang tao—iyan ang mahalaga. Ang katapatang iyon sa tunay na alituntunin—sa buhay ng bawat isa sa atin, sa ating mga tahanan at pamilya, at sa lahat ng lugar kung saan nagkikita-kita tayo at naiimpluwensyahan natin ang ibang mga tao—iyan ang katapatang hinihiling sa atin ng Diyos. Kailangan ang katapatan dito—buong kaluluwa, buong paninindigan, walang-hanggang pagpapahalaga sa mga alituntuning alam nating totoo sa mga utos na ibinigay ng Diyos. Kung magiging tunay at tapat tayo sa mga alituntunin ng Panginoon, lagi tayong magiging karapat-dapat sa templo, at ang Panginoon at ang Kanyang mga banal na templo ang magiging mga dakilang simbolo ng ating pagsunod sa Kanya.5
2
Dapat magsikap ang bawat isa sa atin na maging karapat-dapat na tumanggap ng temple recommend.
Pinakamatinding hangarin ng puso ko na maging karapat-dapat ang bawat miyembro ng Simbahan na pumasok sa templo. Malulugod ang Panginoon kung bawat miyembrong nasa hustong gulang ay magiging karapat-dapat sa—at magkaroon ng—current temple recommend. Ang mga bagay na kailangan nating gawin at hindi gawin para maging karapat-dapat sa temple recommend ang mismong mga bagay na tumitiyak na tayo ay magiging maligaya bilang mga indibiduwal at pamilya.6
Malinaw na binalangkas ng ating Ama sa Langit na ang mga pumapasok sa templo ay kailangang maging malinis at malaya sa mga kasalanan ng mundo. Sabi Niya, “At yayamang ang aking mga tao ay magtatayo ng isang bahay sa akin sa pangalan ng Panginoon, at hindi pahihintulutan ang anumang maruming bagay na pumasok dito, upang ito ay hindi madungisan, ang aking kaluwalhatian ay mananatili rito; … Ngunit kung ito ay dudungisan hindi ako papasok doon, at ang aking kaluwalhatian ay hindi paroroon; dahil sa ako ay hindi paroroon sa mga hindi banal na templo” (D at T 97:15, 17).
Maaaring magkainteres kayong malaman na dati-rati ang Pangulo ng Simbahan ang lumalagda sa bawat temple recommend. Ganyan katindi ang kahalagahan ng pagkamarapat na pumasok sa templo para sa mga naunang pangulo. Noong 1891 napunta ang responsibilidad sa mga bishop at stake president, na may ilang tanong sa inyo tungkol sa inyong pagkamarapat para sa temple recommend. Dapat ninyong malaman ang inaasahan sa inyo para maging marapat sa temple recommend.
Kailangan kayong maniwala sa Diyos Amang Walang Hanggan, sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo. Kailangan kayong maniwala na ito ang kanilang sagrado at banal na gawain. Hinihikayat namin kayo na araw-araw na sikaping patatagin ang inyong patotoo sa ating Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo. Ang Espiritung nadarama ninyo ay ang Espiritu Santo na nagpapatotoo sa inyo sa kanilang katotohanan. Kalaunan, sa templo, mas marami kayong malalaman tungkol sa Panguluhang Diyos sa pamamagitan ng inihayag na tagubilin at mga ordenansa.
Kailangan ninyong sang-ayunan ang mga General Authority at mga awtoridad ng Simbahan sa inyong lugar. Kapag nagtataas kayo ng kamay kapag binabanggit ang pangalan ng mga lider na ito, ipinapakita ninyo na susuportahan ninyo sila sa kanilang mga responsibilidad at sa payo na ibinibigay nila sa inyo.
Hindi ito pagpapakita lamang ng paggalang sa mga tinawag ng Panginoon na mamuno. Bagkus, ito ay pagkilala sa katotohanan na ang Diyos ay tumawag ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, at ng iba pa bilang mga General Authority. Ito ay isang tapat na pangako na susundin ninyo ang mga tagubilin ng namumunong mga opisyal ng Simbahan. Dapat din kayong makadama ng katapatan sa bishop at stake president at iba pang mga lider ng Simbahan. Ang kabiguang suportahan ang mga awtoridad ay salungat sa paglilingkod sa templo.
Kailangan ay malinis ang inyong moralidad para makapasok sa banal na templo. Hinihiling ng batas ng kalinisang-puri na huwag kayong magkaroon ng seksuwal na relasyon sa sinuman maliban sa inyong asawa. Hinihikayat namin kayong lalo na mag-ingat sa mga pang-aakit ni Satanas na dungisan ang inyong kalinisang moral.
Kailangan ninyong tiyakin na walang anuman sa relasyon ninyo sa mga kapamilya na hindi naaayon sa mga turo ng Simbahan. Hinihikayat namin lalo na [ang mga kabataan] na sundin ang [kanilang] mga magulang sa kabutihan. Kailangang maging maingat ang mga magulang para matiyak na ang mga relasyon nila sa mga kapamilya ay naaayon sa mga turo ng ebanghelyo at walang maabuso o mapabayaan kailanman.
Para makapasok sa templo kailangan ninyong maging tapat sa lahat ng pakikitungo ninyo sa iba. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw may sagradong obligasyon tayong huwag manloko o mandaya kailanman. Nakataya ang ating buong karangalan kapag nilabag natin ang tipang ito.
Para maging karapat-dapat sa temple recommend, dapat kayong magsikap na gawin ang inyong tungkulin sa Simbahan, dumalo sa inyong sacrament meeting, priesthood meeting, at iba pang mga miting. Kailangan din ninyong sikaping sundin ang mga panuntunan, batas, at utos ng ebanghelyo. Matutong … tanggapin ang mga calling at iba pang mga responsibilidad na ibinibigay sa inyo. Maging aktibong kalahok sa inyong ward at branch, at maging isang miyembro na maaasahan ng inyong mga lider.
Para makapasok sa templo kailangang nagbabayad kayo ng buong ikapu at ipinamumuhay ninyo ang Word of Wisdom. Ang dalawang kautusang ito, na simple ang tagubilin ngunit napakahalaga sa ating espirituwal na paglago, ay mahalaga sa pagtiyak ng ating personal na pagkamarapat. Naobserbahan sa paglipas ng maraming taon na ang mga tapat na nagbabayad ng kanilang ikapu at ipinamumuhay ang Word of Wisdom ay karaniwang tapat sa lahat ng iba pang bagay na nauugnay sa pagpasok sa banal na templo.
Hindi dapat balewalain ang mga bagay na ito. Kapag napatunayan na karapat-dapat tayong pumasok sa templo, nagsasagawa tayo ng mga ordenansang napakasagrado na isinasagawa sa lahat ng dako ng mundo. Ang mga ordenansang ito ay nauukol sa mga bagay na walang hanggan.7
3
Ang paggawa ng gawain sa templo ay naghahatid ng mga dakilang pagpapala sa mga indibiduwal at pamilya.
Malaking bagay para sa atin ang magkaroon ng pribilehiyong makapunta sa templo para sa sarili nating mga pagpapala. Matapos magpunta sa templo para sa sarili nating mga pagpapala, malaking pribilehiyo ang isagawa ang gawain para sa mga yumao. Ang aspetong ito ng gawain sa templo ay isang di-makasariling gawain. Subalit tuwing gumagawa tayo ng gawain sa templo para sa ibang tao, may pagpapalang bumabalik sa atin. Kaya’t hindi tayo dapat magulat na talagang nais ng Panginoon na ang Kanyang mga tao ay maganyak sa templo. …
… Dapat tayong magpunta hindi lamang para sa ating mga kamag-anak na namatay kundi para din sa personal na pagpapala ng pagsamba sa templo, para sa kabanalan at kaligtasang nakapaloob sa pinabanal at inialay na mga dingding niyon. Sa pagdalo natin sa templo, mas natututuhan natin ang layunin ng buhay at ang kahalagahan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo. Gawin nating pangunahing mithiin sa mundo at pinakadakilang karanasan natin sa buhay ang templo, kasama ang pagsamba at pakikipagtipan at pagpapakasal sa templo.8
Naisasagawa ang ilang bagay dahil sa ating pagdalo sa templo—nasusunod natin ang mga tagubilin ng Panginoon na isagawa ang sarili nating ordenansa, pinagpapala natin ang ating pamilya sa mga ordenansa ng pagbubuklod, at nababahaginan natin ng mga pagpapala ang iba sa pagsasagawa para sa kanila ng mga bagay na hindi nila kayang gawin para sa kanilang sarili. Bukod pa rito, inaangat natin ang ating sariling isipan, mas napapalapit tayo sa Panginoon, iginagalang natin [ang] priesthood, at ginagawa nating mas espirituwal ang ating buhay.9
Tumatanggap tayo ng personal na mga pagpapala kapag dumadalo tayo sa templo. Sa pagsasalita kung paano napagpapala ang ating buhay sa pagdalo sa templo sinabi ni Elder John A. Widtsoe:
“Ang gawain sa templo … ay nagbibigay ng magandang oportunidad na panatilihing buhay ang ating espirituwal na kaalaman at lakas. … Ang malawak na pananaw tungkol sa kawalang-hanggan ay nakalahad sa ating harapan sa mga banal na templo; nakikita natin ang panahon mula sa walang-hanggang simula nito hanggang sa walang-hanggang katapusan; at ang dula ng buhay na walang hanggan ay nakalahad sa ating harapan. Sa gayon ay mas malinaw kong nakikita ang aking lugar sa gitna ng mga bagay ng sansinukob, ang aking lugar sa mga layunin ng Diyos; mas nailalagay ko ang aking sarili sa lugar na dapat kong kalagyan, at mas napapahalagahan ko at natitimbang, naihihiwalay at naoorganisa ang karaniwan kong tungkulin sa buhay upang ang maliliit na bagay ay hindi makabigat sa akin o alisin ang tingin ko sa mas malalaking bagay na ibinigay sa atin ng Diyos” (sa Conference Report, Abr. 1922, mga pahina 97–98).10
Isipin ang mararangal na turo sa dakilang panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple, isang panalangin na ayon kay Propetang Joseph Smith ay inihayag sa kanya. Isang panalangin iyon na patuloy na sinasagot sa bawat isa sa atin, sa atin bilang pamilya, at sa atin bilang isang lahi dahil sa kapangyarihan ng priesthood na ibinigay ng Panginoon sa atin para gamitin sa Kanyang mga banal na templo.
“At ngayon, Banal na Ama,” pagsamo ni Propetang Joseph Smith, “hinihiling namin sa inyo na tulungan ninyo kami, na inyong mga tao, sa pamamagitan ng inyong biyaya … sa paraang kami ay matagpuang karapat-dapat, sa inyong paningin, upang matamo ang katuparan ng mga pangako na ginawa ninyo sa amin, na inyong mga tao, sa mga paghahayag na ibinigay sa amin;
“Nang ang inyong kaluwalhatian ay mapasainyong mga tao. …
“At hinihiling namin, Banal na Ama, na ang inyong mga tagapaglingkod ay makahayo mula sa bahay na ito na sakbit ang inyong kapangyarihan, at nang ang inyong pangalan ay mapasakanila, at ang inyong kaluwalhatian ay bumalot sa kanila, at ang inyong mga anghel ay mangalaga sa kanila” [D at T 109:10–12, 22].11
Lumilikha ng espirituwalidad ang pagdalo sa templo. Ito ay isa sa pinakamagagandang programa natin sa Simbahan sa pagkakaroon ng espirituwalidad. Ibinabaling nito ang mga puso ng mga anak sa kanilang mga ama at ang mga puso ng mga ama sa kanilang mga anak (Malakias 4:6). Nagtataguyod ito ng pagkakasundo at pagkakaisa sa pamilya.12
4
Bilisan natin ang pagpunta sa templo.
Ibahagi natin sa ating mga anak ang espirituwal na damdamin natin sa templo. At mas masigasig pa nating ituro sa kanila at sa mas komportableng paraan ang mga bagay na nararapat nating sabihin tungkol sa mga layunin ng bahay ng Panginoon. Maglagay ng larawan ng templo sa bahay ninyo nang makita ito ng inyong mga anak. Ituro sa kanila ang mga layunin ng bahay ng Panginoon. Pagplanuhin sila habang bata pa na magpunta roon at manatiling marapat sa pagpapalang iyon. Ihanda natin ang bawat missionary na magpunta sa templo nang karapat-dapat at gawin nating mas maganda pa ang karanasang iyon kaysa pagtanggap ng mission call. Magplano at magturo at magsumamo tayo sa ating mga anak na magpakasal sa bahay ng Panginoon. Pagtibayin nating muli nang mas matindi kaysa rati na talagang mahalaga kung saan ka ikakasal at kung ano ang awtoridad na magpapahayag na kayo ay mag-asawa na.13
Nalulugod ang Panginoon kapag nagpupunta nang karapat-dapat ang ating mga kabataan sa templo at nagsasagawa ng mga binyag para sa mga hindi nagkaroon ng pagkakataong mabinyagan sa buhay na ito. Nalulugod ang Panginoon kapag nagpupunta tayo nang karapat-dapat sa templo upang personal na makipagtipan sa Kanya at mabuklod bilang mga mag-asawa at pamilya. At nalulugod ang Panginoon kapag nagpupunta tayo nang karapat-dapat sa templo upang isagawa ang nakapagliligtas na mga ordenansang ito para sa mga yumao, na ang marami sa kanila ay sabik na naghihintay na maisagawa ang mga ordenansang ito para sa kanila.14
Sa mga hindi pa nakatanggap ng kanilang mga pagpapala ng templo, o walang current temple recommend, nais ko kayong hikayatin nang may pagpapakumbaba at pagmamahal na sikapin ninyong makapasok sa bahay ng Panginoon balang-araw. Nangako Siya sa mga tapat sa kanilang mga tipan, “Kung ang aking mga tao ay makikinig sa aking tinig, at sa tinig ng aking mga tagapaglingkod na aking itinalagang aakay sa aking mga tao, masdan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi mapaaalis mula sa kanilang lugar” (D at T 124:45). … Nangangako ako na ang inyong personal na espirituwalidad, relasyon ninyo sa inyong asawa, at mga relasyon sa pamilya ay pagpapalain at tatatag kapag regular kayong dumadalo sa templo.15
Maging mga tao tayong paladalo at mapagmahal sa templo. Humayo tayo sa templo nang madalas hangga’t kaya ng ating oras at kakayanan at sitwasyon. Pumunta tayo hindi lamang para sa ating mga kamag-anak na namatay, kundi para din sa personal na pagpapala ng pagsamba sa templo, para sa kabanalan at kaligtasang nakapaloob sa mga pinabanal at inialay na mga dingding niyon. Ang templo ay isang lugar ng kagandahan, isang lugar ng paghahayag, isang lugar ng kapayapaan. Ito ang bahay ng Panginoon. Ito ay banal sa Panginoon. Dapat itong maging banal sa atin.16
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Hunter sa bahagi 1. Paano natin maaaring “itatag ang templo ng Panginoon bilang dakilang simbolo ng [ating] pagiging miyembro”?
-
Repasuhin ang mga kailangang gawin para makakuha ng temple recommend ayon sa nakabalangkas sa bahagi 2. Paano kayo at ang inyong pamilya napagpala sa paggawa ng mga bagay na ito? Bakit natin kailangang sikaping “maging malinis at malaya sa mga kasalanan ng mundo” kapag pumasok tayo sa templo?
-
Repasuhin ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa mga pagpapala ng paggawa ng gawain sa templo (tingnan sa bahagi 3). Paano kayo at ang inyong pamilya napagpala sa pakikibahagi sa mga ordenansa sa templo? Paano kayo mas lubos na makikinabang mula sa mga pagpapala ng templo? May maikukuwento ba kayong isang pagkakataon na nakadama kayo ng espirituwal na lakas o patnubay sa templo? Kung hindi pa kayo nakapunta sa templo, pagnilayan kung paano kayo makapaghahanda para matanggap ang pagpapalang iyon.
-
Ano ang ilang paraan na matutulungan natin ang mga bata at kabataan na matuto tungkol sa mga templo at matutuhang mahalin ang mga ito? (Tingnan sa bahagi 4.) Paano natin matutulungan ang mga bata at kabataan na naising makasal sa bahay ng Panginoon? Bakit mahalaga na humayo tayo sa templo “nang madalas hangga’t kaya ng ating oras at kakayahan at sitwasyon”?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mga Awit 55:14; Isaias 2:2–3; D at T 97:12–17; 110:6–10; 124:39–41; 138:53–54; Bible Dictionary, “Temple, ”
Tulong sa Pagtuturo
“Kadalasan ang isang aralin ay naglalaman ng mas maraming materyal kaysa maituturo ninyo sa ibinigay na oras sa inyo. Sa ganitong mga pangyayari, dapat ninyong piliin ang materyal na pinakamakatutulong sa inyong mga tinuturuan” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 128).