Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 3: Paghihirap—Bahagi ng Plano ng Diyos para sa Ating Walang-Hanggang Pag-unlad


Kabanata 3

Paghihirap—Bahagi ng Plano ng Diyos para sa Ating Walang-Hanggang Pag-unlad

“Kapag napakumbaba at napatino at naturuan at napagpala tayo [ng mga hirap ng mortalidad], maaaring maging mabibisang kasangkapan ang mga ito sa mga kamay ng Diyos para gawin tayong mas mabubuting tao.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Sa pangkahalatang kumperensya noong Abril 1980, nagkuwento ni Elder Howard W. Hunter, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, tungkol sa pagsama niya sa isang malaking grupo ng mga tao para panoorin ang karera ng mga bangka sa Samoa. “Nasasabik na ang mga tao,” sabi niya, “at halos lahat ng mata ay nakatanaw sa dagat, naghihintay na masulyapan ang mga [bangka]. Walang anu-ano biglang naghiyawan ang mga tao nang matanaw ang mga bangka sa malayo. Bawat isa sa mga ito ay may sakay na limampung matitipunong mananagwan na sabay-sabay sa paggaod sa ritmong nagpapasulong sa mga bangka sa kabila ng mga alon at mabulang tubig ng dagat—kaygandang tingnan.

“Ang mga bangka at mga lalaki ay agad natanaw nang husto habang nag-uunahan papunta sa finish line. Kahit ibuhos ng matitipunong lalaking ito ang kanilang lakas, nahirapang sumalungat ang bigat ng isang bangkang may sakay na limampung tao sa isang malakas na puwersa—ang agos ng tubig.

“Lalong lumakas ang hiyawan ng mga tao nang makatawid sa finish line ang unang bangka.”

Pagkatapos ng karera, naglakad si Elder Hunter papunta sa pinagdaungan ng mga bangka at kinausap ang isa sa mga mananagwan, na nagpaliwanag na ang unahan ng mahabang bangka “ay dinisenyo sa paraan na nahahawi at nahahati nito ang tubig para makatulong sa pagsalungat sa agos na nagpapabagal sa pag-usad ng bangka. Ipinaliwanag pa niya na ang paggaod ng mga sagwan laban sa agos ng tubig ay lumilikha ng puwersang nagtutulak sa bangka pasulong. Ang puwersa ay lumilikha kapwa ng paghatak at ng pagtulak.”1

Ginamit ni Elder Hunter ang karera ng mga bangka sa Samoa para simulan ang isang mensahe tungkol sa mga layunin ng paghihirap. Noong kanyang ministeryo bilang Apostol, maraming beses siyang nagsalita tungkol sa paghihirap, at nag-alok ng payo, pag-asa, at panghihikayat. Nagsalita siya mula sa personal na karanasan, dahil nalagpasan niya ang mapanganib na mga karamdaman at iba pang mga pagsubok. Nagpatotoo siya nang may matibay na pananalig na sa panahon ng kaguluhan, “taglay ni Jesucristo ang kapangyarihang pagaanin ang ating mga pasanin.”2

si Cristo sa tangke ng tubig sa Betesda

Sa ating mga pagsubok, ipinapaabot ng Tagapagligtas sa bawat isa sa atin ang paanyaya Niya sa lalaki sa tabi ng tangke ng tubig sa Betesda: “Ibig mo bagang gumaling?” (Juan 5:6).

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Ang paghihirap ay bahagi ng plano ng Diyos para sa ating walang-hanggang pag-unlad.

Napansin ko na ang buhay—bawat buhay—ay may panahon ng kasayahan at kalungkutan. Tunay ngang marami tayong nakikitang kagalakan at kalungkutan sa mundo, maraming nagbagong plano at bagong direksyon, maraming pagpapala na sa tingin at pakiramdam ay hindi palaging pagpapala, at maraming dahilan para magpakumbaba tayo at dagdagan pa natin ang ating pasensya at pananampalataya. Naranasan na nating lahat ang mga iyan paminsan-minsan, at sa palagay ko ay lagi natin itong mararanasan. …

… Minsan ay isinulat ni Pangulong Spencer W. Kimball, na maraming alam tungkol sa pagdurusa, kabiguan, at mga sitwasyong hindi niya kayang pigilan:

“Dahil tao tayo, gusto nating alisin sa ating buhay ang sakit na nararamdaman ng katawan at dalamhati ng isipan at tiyaking magkaroon tayo ng tuluy-tuloy na ginhawa at kapanatagan, ngunit kung isasara natin ang pintuan tungo sa kalungkutan at pagdurusa, baka lumayo ang ating pinakamabubuting kaibigan at ang mga taong nagpapala sa atin. Ang pagdurusa ay magagawang banal ang mga tao kapag natuto silang magpasensya, magtiis nang matagal, at magpigil sa sarili” [Faith Precedes the Miracle (1972), 98].

Sa pahayag na iyon, ang tinutukoy ni Pangulong Kimball ay ang pagsasara ng pintuan sa ilang karanasan sa buhay. … Laging may nagsasarang mga pintuan sa ating buhay, at ang ilan sa mga pagsasarang iyon ay nagdudulot ng pait at sakit ng kalooban. Ngunit talagang naniniwala ako na kapag may nagsarang gayong pintuan, may isa pang pintuang nabubuksan (at marahil ay hindi lang isa), na may hatid na pag-asa at mga pagpapala sa ibang aspeto ng ating buhay na hindi natin matutuklasan sa ibang paraan.

… Ilang taon na ang nakararaan, sinabi [ni Pangulong Marion G. Romney] na lahat ng kalalakihan at kababaihan, pati na ang pinakamatatapat, ay magkakaroon ng paghihirap at dalamhati sa kanilang buhay dahil, sa mga salita ni Joseph Smith, “Kailangang magdanas ng hirap ang mga tao upang maakyat nila ang Bundok ng Sion at mapadakila sa kalangitan” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 267; tingnan sa Conference Report, Okt. 1969, 57].

Pagkatapos ay sinabi ni Pangulong Romney:

“Hindi ibig sabihin ay gustung-gusto nating magdusa. Iniiwasan natin ang lahat ng kaya nating iwasan. Gayunman, alam na natin ngayon, at nalaman nating lahat nang piliin nating pumarito sa mortalidad, na susubukan tayo rito at daranas ng matinding hirap at dalamhati. …

“[Bukod pa rito,] ang plano ng Ama na patunayan [at padalisayin] ang kanyang mga anak ay saklaw ang Tagapagligtas mismo. Ang pagdurusang pinili niyang tiisin, at talagang tiniis niya, ay katumbas ng pinagsama-samang pagdurusa ng lahat ng lalaki [at babae sa lahat ng dako. Nanginginig at nilalabasan ng dugo at ipinagdarasal na huwag nang uminom mula sa saro, sinabi niya,] ‘Ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao’ (D at T 19:18–19)” (sa Conference Report, Okt. 1969, p. 57).

Kailangan nating lahat na tapusin ang ating “paghahanda para sa mga anak ng tao” [D at T 19:19]. Ang mga paghahanda ni Cristo ay medyo naiiba sa atin, ngunit lahat tayo ay may mga paghahandang gagawin, mga pintong bubuksan. Para magawa ang gayon kahalagang mga paghahanda kadalasan ay kailangan ng pasakit, ng ilang di-inaasahang pagbabago sa landas ng buhay, at pagpapasakop, “maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama” [Mosias 3:19]. Ang pagtatapos ng mga banal na paghahanda at pagbubukas ng mga pintuang selestiyal ay maaari tayong dalhin—tunay at walang dudang dadalhin tayo—doon mismo sa mga huling oras ng ating mortal na buhay.3

Naparito tayo sa mundo para humarap sa oposisyon. Bahagi iyon ng plano ng Diyos para sa ating walang-hanggang pag-unlad. Kung walang tukso, karamdaman, pasakit, at kalungkutan, hindi maaaring magkaroon ng kabutihan, kabanalan, pagpapahalaga sa mabuting kalagayan, o kagalakan. … Kailangan nating tandaan na ang mga puwersa ring iyon ng oposisyon na humahadlang sa ating pag-unlad ay nagbibigay rin sa atin ng mga pagkakataong magtagumpay.4

2

Ang ating mga kapighatian sa buhay ay para sa ating paglago at karanasan.

Kapag [ang mga paghihirap sa buhay] ay pinakukumbaba at dinadalisay at tinuturuan at pinagpapala tayo, maaaring maging mabibisang kasangkapan ang mga ito sa mga kamay ng Diyos para gawin tayong mas mabubuting tao, mas mapagpasalamat, mas mapagmahal, at mas mapagbigay sa ibang tao sa sarili nilang mahihirap na panahon.

Oo, lahat tayo ay may mahihirap na sandali, bawat isa at tayong lahat, ngunit maging sa mga pinakamalalang panahon, noong araw o sa makabagong panahon, ang mga problema at mga propesiyang iyon ay hindi kailanman nilayong gumawa ng anuman maliban sa pagpalain ang mabubuti at tulungang magsisi ang mga di-gaanong matwid. Mahal tayo ng Diyos, at sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan na “ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” [Juan 3:16].5

Ang dakilang patriyarka sa Aklat ni Mormon na si Lehi, ay buong panghihikayat na nagsalita sa anak niyang si Jacob, isang anak na isinilang sa ilang sa panahon ng paghihirap at oposisyon. Ang buhay ni Jacob ay hindi naging katulad ng inasahan niya at hindi uliran ang kanyang naging mga karanasan. Dumanas siya ng maraming pagdurusa at kabiguan, ngunit nangako si Lehi na ang gayong mga dalamhati ay ilalaan para sa kapakinabangan ng kanyang anak (tingnan sa 2 Nephi 2:2).

At idinagdag ni Lehi ang mga salitang ito na naging klasiko:

“Sapagkat talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay. Kung hindi, … ang kabutihan ay hindi mangyayari, ni ang kasamaan, ni ang kabanalan o kalungkutan, ni mabuti o masama” (2 Nephi 2:11).

Napanatag akong mabuti sa paglipas ng mga taon sa paliwanag na ito tungkol sa ilan sa mga pasakit at kabiguan sa buhay. Lalo pa akong napanatag na ang pinakadakilang kalalakihan at kababaihan, pati na ang Anak ng Diyos, ay naharap sa gayong pagsalungat upang mas maunawaan ang pagkakaiba ng kabutihan at kasamaan, kabanalan at kalungkutan, mabuti at masama. Mula sa madilim at mapanglaw na pagkabilanggo sa Liberty Jail, natutuhan ni Propetang Joseph Smith na kung tayo ay tinawag na dumanas ng kapighatian, ito ay para sa ating paglago at karanasan at sa huli ay para sa ating ikabubuti (tingnan sa D at T 122:5–8).

Kapag nagsara ang isang pintuan, isa pang pintuan ang nabubuksan, maging sa isang propetang nasa bilangguan. Hindi laging sapat ang ating talino ni karanasan para maunawaan nang sapat ang lahat ng posibleng oportunidad at limitasyon sa buhay. Ang mga mansiyon na inihahanda ng Diyos para sa bawat isa sa kanyang pinakamamahal na mga anak ay maaaring may ilang karanasan lamang na gusto niyang danasin natin habang sumusulong tayo para kamtin ang walang-hanggang gantimpalang inihanda niya para sa atin. …

Sa iba’t ibang panahon sa ating buhay, marahil ay paulit-ulit sa ating buhay, kailangan nating tanggapin na alam ng Diyos ang hindi natin alam at nakikita ang hindi natin nakikita. “Sapagka’t ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon” (Isaias 55:8).

Kung may mga problema sa tahanan tungkol sa mga batang naliligaw ng landas, kung kinakapos kayo sa pera at nagsisikip ang inyong dibdib na nagbabanta ng panganib sa inyong tahanan at inyong kaligayahan, kung kailangan ninyong harapin ang kamatayan o pagbagsak ng kalusugan, nawa’y magkaroon ng kapayapaan ang inyong kaluluwa. Hindi tayo tutuksuhin nang higit pa sa makakaya natin (tingnan sa I Mga Taga Corinto 10:13; Alma 13:28; 34:39]. Ang di-inaasahang mga pagbabago sa ating buhay at mga kabiguan ang makipot at makitid na landas patungo sa Kanya.6

Si Joseph Smith sa bilangguan

Noong nasa Liberty Jail si Joseph Smith, inihayag sa kanya ng Panginoon na ang paghihirap ay magbibigay sa atin ng karanasan at para sa ating ikabubuti.

3

Nasa atin ang lahat ng dahilan para maging maganda ang ating pananaw at magtiwala tayo kahit sa mahihirap na panahon.

Noon pa man ay lagi nang may ilang problema sa buhay na ito, at laging magkakaroon nito. Ngunit batid ang alam natin, at namumuhay tayo nang nararapat, talagang walang puwang, walang dahilan, para mag-isip ng masama at mawalan ng pag-asa.

Sa buhay ko dalawang digmaang pandaigdig na ang nasaksihan ko, pati na ang sa Korea, at Vietnam at [marami pang iba]. Nalagpasan ko na ang panahon ng Depresyon at nakapag-aral na ako ng abugasya habang nagsisimula akong magpamilya. Nakita ko ang kawalang-katiyakan ng mga stock market at ekonomiya ng daigdig, at nakita ko ang kahibangan ng ilang maniniil at malulupit na tao, na pawang sanhi ng kaguluhan sa buong mundo.

Kaya sana’y hindi ninyo paniwalaan na itinambak sa inyong panahon ang lahat ng hirap ng mundo, o na ito na ang pinakamalala para sa inyo, o na hindi na bubuti pa ang mga bagay-bagay. Muli kong titiyakin sa inyo na mas malala na ang mga bagay-bagay at ang mga ito ay laging bubuti. Lagi naman itong bumubuti—lalo na kapag ipinamuhay at minahal natin ang ebanghelyo ni Jesucristo at binigyan natin ito ng pagkakataong pagpalain ang ating buhay. …

Taliwas sa maaaring sabihin ng ilan, nasa inyo ang lahat ng dahilan sa mundong ito para maging masaya at maging maganda ang pananaw at magtiwala. Bawat henerasyon mula pa sa simula ay may mga bagay na kailangang daigin at ilang problemang dapat lutasin.7

4

Kapag lumapit tayo sa Tagapagligtas, pagagaanin Niya ang ating mga pasanin at padadaliin ang ating mga problema.

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” (Mat. 11:28–30.) …

… Ang kagila-gilalas na pag-aalok na ito ng tulong ng Anak ng Diyos mismo ay hindi limitado sa mga taga-Galilea noong panahon niya. Ang panawagang ito na pasanin ang kanyang malambot na pamatok at tanggapin ang kanyang magaan na pasan ay hindi limitado sa naunang mga henerasyon. Ito ay isang pagsamo sa lahat ng tao, sa lahat ng lungsod at bansa, sa bawat lalaki, babae, at bata sa lahat ng dako ng mundo.

Sa mga oras ng ating sariling matitinding pangangailangan hindi natin dapat balewalain ang walang-maliw na sagot na ito sa mga alalahanin at problema ng ating mundo. Narito ang pangako ng personal na kapayapaan at proteksyon. Narito ang kapangyarihang magpatawad ng kasalanan sa lahat ng panahon. Tayo man ay kailangang maniwala na taglay ni Jesucristo ang kapangyarihang pagaanin ang ating mga pasanin at padaliin ang ating mga problema. Tayo man ay kailangang lumapit sa kanya at doo’y tumanggap ng kapahingahan mula sa ating mga gawain.

Mangyari pa, may kaakibat na mga obligasyon ang mga pangakong iyon. “Pasanin ninyo ang aking pamatok,” pakiusap niya. Noong panahon ng Biblia ang pamatok ay isang gamit na napakahalaga sa mga magsasaka. Dahil dito ang lakas ng pangalawang hayop ay daragdagan at sasamahan ang pagsisikap ng nag-iisang hayop, na magkatuwang at binabawasan ang bigat ng trabaho ng pag-aararo o paghatak ng bagon. Ang isang pasanin na napakabigat o marahil ay imposibleng kayanin ng isa ay maaaring paghatian at komportableng pasanin ng dalawang magkasama sa isang pamatok. Ang kanyang pamatok ay nangangailangan ng malaki at masigasig na pagsisikap, ngunit para sa mga tunay na nananampalataya, ang pamatok ay malambot at gumagaan ang pasanin.

Bakit mo haharapin ang mga pasanin sa buhay nang mag-isa, ang tanong ni Cristo, o bakit mo haharapin ang mga ito gamit ang temporal na suporta na mabilis manghina? Sa mga nangabibigatang lubha ang pamatok ni Cristo, ang kapangyarihan at kapayapaang dulot ng pagpanig sa isang Diyos na magbibigay ng suporta, balanse, at lakas na harapin ang ating mga hamon at tiisin ang mga gawaing iniatas sa atin sa mahirap na buhay sa mundong ito.

Malinaw na magkakaiba ang mga personal na pasanin sa buhay ng bawat tao, ngunit bawat isa sa atin ay mayroon nito. … Mangyari pa, ang ilang kalungkutan ay dulot ng mga kasalanan ng isang mundong hindi sumusunod sa payo ng [ating] Ama sa Langit. Anuman ang dahilan, tila walang sinuman sa atin ang hindi daranas ng mga hamon ng buhay. Sa lahat, ganito ang sabi ni Cristo: Yamang kailangan nating lahat na tiisin ang ilang pasanin at balikatin ang ilang pamatok, bakit hindi ninyo ito ipaubaya sa akin? Ang pangako ko sa inyo ay malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan. (Tingnan sa Mat. 11:28–30.)8

binatang nakangiti

“Ang mga disipulo ni Cristo sa bawat henerasyon ay inaanyayahan, at talagang inuutusan, na mapuspos ng ganap na kaliwanagan ng pag-asa.”

5

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi kailangang matakot sa mga kapighatian ng mga huling araw.

Ang mga banal na kasulatan … ay nagpapahiwatig na may mga panahon na mahihirapan ang buong mundo. Alam natin na sa ating dispensasyon ang kasamaan, sa kasamaang-palad, ay magiging malinaw, at magdudulot ng di-maiiwasang mga hirap at pasakit at parusa. Paiigsiin ng Diyos ang kasamaang iyon sa kanyang sariling takdang-panahon, ngunit tungkulin nating mamuhay nang lubos at tapat at hindi lubhang nag-aalala tungkol sa mga suliranin ng mundo o kung kailan ito magwawakas. Tungkulin nating taglayin ang ebanghelyo sa ating buhay at maging maningning na liwanag, isang bayang nakatayo sa ibabaw ng bundok, na kakikitaan ng kagandahan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng kagalakan at kaligayahang palaging dumarating sa bawat tao sa bawat panahon na sumusunod sa mga kautusan.

Sa huling dispensasyong ito magkakaroon ng malaking kapighatian. (Tingnan sa Mat. 24:21.) Alam natin na magkakaroon ng mga digmaan at alingawngaw ng digmaan (tingnan sa D at T 45:26) at ang buong mundo ay magkakagulo (tingnan sa D at T 45:26). Lahat ng dispensasyon ay nagkaroon ng mapanganib na panahon, ngunit ang ating panahon ay may kasamang tunay na panganib. (Tingnan sa II Tim. 3:1.) Darami ang masasamang tao (tingnan sa II Tim. 3:13), ngunit kadalasan naman ay talagang dumarami ang masasamang tao. Darating ang mga kalamidad at lalaganap ang kasamaan. (Tingnan sa D at T 45:27.)

Di-maiiwasan na ang likas na bunga ng ilan sa ganitong uri ng mga propesiya ay takot, at ang takot na iyan ay hindi limitado sa nakababatang henerasyon. Ito ay takot na madarama ng lahat anuman ang edad na hindi nauunawaan ang ating nauunawaan.

Ngunit gusto kong bigyang-diin na hindi ito kailangang madama ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw, at hindi ito nagmumula sa Diyos. Sa sinaunang Israel, sinabi ng dakilang Jehova:

“Kayo’y magpakalakas at magpakatapang; huwag kayong matakot, ni mangilabot sa kanila; sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay siyang yumayaong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pabayaan ka niya. …

“At ang Panginoon, ay siyang nagpapauna sa iyo; siya’y sasa iyo, hindi ka niya iiwan, ni pababayaan ka: ikaw ay huwag matatakot ni manglulupaypay.” (Deut. 31:6, 8.)

At sa inyo, na aming kagila-gilalas na henerasyon sa makabagong Israel, sinabi ng Panginoon:

“Samakatwid, huwag matakot, munting kawan; gumawa ng mabuti; hayaang magsama ang mundo at impiyerno laban sa inyo, sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig. …

“Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.” (D at T 6:34, 36.)

Puno ng gayong payo ang ating makabagong mga banal na kasulatan. Makinig sa napakagandang muling pagtiyak na ito: “Huwag matakot, maliliit na bata, sapagkat kayo ay akin, at aking nadaig ang daigdig, at kayo ay bahagi nila na ibinigay ng Ama sa akin.” (D at T 50:41.) “Katotohanang sinasabi ko sa inyo aking mga kaibigan, huwag matakot, maaliw sa inyong mga puso; oo, magsaya kailanpaman, at sa lahat ng bagay ay magbigay-pasasalamat.” (D at T 98:1.)

Dahil sa napakagandang payong ito, palagay ko obligasyon nating magalak pa nang kaunti at di-gaanong malungkot, na magpasalamat sa anumang mayroon tayo at sa napakaraming pagpapala ng Diyos sa atin, at huwag masyadong pag-usapan ang mga bagay na maaaring wala tayo o ang mga pag-aalalang kaakibat ng mahihirap na panahon sa henerasyong ito o sa anumang henerasyon.

Isang panahon ng malaking pag-asa at katuwaan

Para sa mga Banal sa mga Huling Araw ito ay panahon ng malaking pag-asa at katuwaan—isa sa pinakadakilang mga panahon sa Panunumbalik at samakatwid ay isa sa pinakadakilang mga panahon sa anumang dispensasyon, yamang ang atin ang pinakadakila sa lahat ng dispensasyon. Kailangan tayong magkaroon ng pananampalataya at pag-asa, dalawa sa mga pinakabanal na katangian ng sinumang disipulo ni Cristo. Kailangan ay patuloy tayong magtiwala sa Diyos, yamang iyan ang unang alituntunin sa ating batas ng paniniwala. Kailangan tayong maniwala na nasa Diyos ang buong kapangyarihan, na mahal niya tayo, at na ang kanyang gawain ay hindi ititigil o mauunsyami sa ating sariling buhay o sa mundo sa pangkalahatan. …

Ipinapangako ko sa inyo sa pangalan ng Panginoon na pinaglilingkuran ko na laging poprotektahan at pangangalagaan ng Diyos ang kanyang mga tao. Daranas tayo ng hirap na katulad ng hirap na dinanas ng bawat henerasyon at tao. Ngunit sa ebanghelyo ni Jesucristo, nasa inyo ang bawat pag-asa at pangako at muling pagtiyak. May kapangyarihan ang Panginoon sa kanyang mga Banal at lagi siyang maghahanda ng mga lugar ng kapayapaan, tanggulan, at kaligtasan para sa kanyang mga tao. Kapag sumampalataya tayo sa Diyos makakaasa tayo na bubuti pa ang mundo—para sa atin mismo, at para sa buong sangkatauhan. Itinuro ng propetang si Eter noong araw (at may alam siya tungkol sa mga kaguluhan): “Kaya nga, sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos, kung aling pag-asa ay bunga ng pananampalataya, na gumagawa ng isang daungan sa mga kaluluwa ng tao, na siyang magbibigay sa kanila ng katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos.” (Eter 12:4.)

Ang mga disipulo ni Cristo sa bawat henerasyon ay inaanyayahan, at talagang inuutusan, na mapuspos ng ganap na kaliwanagan ng pag-asa. (Tingnan sa 2 Nephi 31:20.)

Hangaring iwaksi ang takot

Kung ang ating pananampalataya at pag-asa ay nakaangkla kay Cristo, sa kanyang mga turo, utos, at pangako, nakakaasa tayo sa isang bagay na talagang kahanga-hanga, tunay na mahimala, na makakahawi sa Dagat na Pula at aakay sa makabagong Israel tungo sa isang lugar “kung saan may kapayapaan.” (Mga Himno, 2001, blg. 23.) Ang takot, na maaaring dumating sa mga tao sa mahihirap na panahon, ay isang pangunahing sandata sa mga paraang gamit ni Satanas para gawing malungkot ang sangkatauhan. Siya na natatakot ay nawawalan ng lakas sa labanan ng buhay sa paglaban sa kasamaan. Samakatwid laging sinisikap ng kapangyarihan ng demonyo na magkaroon ng takot sa puso ng mga tao. Sa lahat ng panahon, nahaharap na sa takot ang sangkatauhan.

Bilang mga anak ng Diyos at mga inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob, kailangan nating hangaring iwaksi ang takot sa mga tao. Ang mahiyain at takot na mga tao ay hindi magagampanang mabuti ang kanilang gawain, at ni hindi nila magagawa ang gawain ng Diyos. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may isasakatuparang banal na misyon na hindi dapat mapawi ng takot at pag-aalala.

Sinabi ito ng isang Apostol ng Panginoon noong araw: “Ang susi sa pagdaig sa takot ay naibigay na sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. ‘Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot.’ (D at T 38:30.) Ang banal na mensaheng iyan ay kailangang ulitin ngayon sa bawat stake at ward.” (Elder John A. Widtsoe, sa Conference Report, Abr. 1942, p. 33.)

Handa ba tayong pasakop sa mga utos ng Diyos? Handa ba tayong pagtagumpayan ang ating mga gana o pita? Handa ba tayong sundin ang matwid na batas? Kung tapat nating masasagot ng oo ang mga tanong na ito, maaari nating iwaksi ang takot sa ating buhay. Tunay na ang laki ng takot sa ating puso ay masusukat sa paghahanda nating mamuhay nang matwid—na namumuhay sa paraang nararapat sa bawat Banal sa mga Huling Araw sa bawat edad at pagkakataon.

Ang pribilehiyo, karangalan, at responsibilidad ng pamumuhay sa mga huling araw

Hayaan ninyong magtapos ako sa isa sa pinakadakilang mga pahayag na nabasa ko mula kay Propetang Joseph Smith, na naharap sa napakatitinding hirap sa kanyang buhay at, mangyari pa, namatay kapalit ng kanyang tagumpay. Ngunit siya ay nagtagumpay, at siya ay isang taong masaya, malusog, at may magandang pananaw. Nadama ng mga nakakakilala sa kanya ang kanyang lakas at tapang, maging sa pinakamahihirap na sandali. Hindi siya pinanghinaan ng espiritu, o nanatiling walang pag-asa nang matagal.

Sinabi niya tungkol sa ating panahon—sa inyo at sa akin—na ang ating panahon ang sandaling “binigyang-diin ng mga propeta, saserdote at hari [noong mga unang panahon] nang may kakaibang galak; inasam nila [lahat ng sinaunang mga saksing ito ng Diyos] nang may galak ang ating panahon; at sa alab ng makalangit at masayang pag-asam sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon; … tayo ang mga taong hinirang ng Diyos upang isakatuparan ang kaluwalhatian sa mga Huling Araw” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 215–16].

Kaylaking pribilehiyo! Kaylaking karangalan! Kaylaking responsibilidad! At kaylaking kagalakan! Nasa atin ang lahat ng dahilan ngayon at magpasawalang-hanggan para magalak at magpasalamat sa kalidad ng ating buhay at sa mga pangakong ibinigay sa atin.9

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Paano makakatulong sa atin ang malaman na ang paghihirap ay bahagi ng plano ng Diyos para sa ating walang-hanggang pag-unlad? (Tingnan sa bahagi 1.) Sa palagay ninyo bakit mahalagang bahagi ng mortalidad ang paghihirap?

  • Repasuhin ang mga turo ni Pangulong Hunter sa bahagi 2 tungkol sa ilang layunin ng paghihirap. Paano ninyo nakita na ang paghihirap ay para sa ating kapakinabangan? Paano natin matitingnan ang paghihirap ayon sa walang-hanggang pananaw ng Panginoon?

  • Ayon sa turo ni Pangulong Hunter, bakit tayo may dahilan para maging masaya at magkaroon ng magandang pananaw kahit sa mahihirap na panahon? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano tayo lalong magkakaroon ng magandang pananaw sa gayong mga sandali? Ano ang ilang pagpapalang patuloy nating natatanggap kahit sa pinakamatitinding paghihirap sa buhay?

  • Paano natin tatanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na hayaan Siyang pasanin at pagaanin ang ating mga pasanin sa buhay? (Tingnan sa bahagi 4.) Ano ang ibig sabihin ng pasanin natin ang Kanyang pamatok? Paano ka natulungan ng Tagapagligtas sa mahihirap na sandali?

  • Itinuro ni Pangulong Hunter na ang takot sa mga kapighatian ng mga huling araw ay hindi nagmumula sa Diyos (tingnan sa bahagi 5). Paano nakakasama ang mamuhay sa takot? Paano tayo mamumuhay nang may pag-asa at pananampalataya sa halip na sa takot?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Juan 14:27; 16:33; Mga Hebreo 4:14–16; 5:8–9; 1 Nephi 1:20; Alma 36:3; D at T 58:2–4; 101:4–5; 121:7–8; 122:7–9

Tulong sa Pag-aaral

“Natuklasan ng marami na ang pinakamagandang oras para mag-aral ay sa umaga matapos magpahinga sa gabi. … Ang iba ay mas gustong mag-aral sa tahimik na mga oras pagkatapos ng gawain at mga problema sa maghapon. … Marahil ang mas mahalaga kaysa sa oras sa maghapon ay ang magtakda ng regular na oras para mag-aral” (Howard W. Hunter, “Reading the Scriptures,” Ensign, Nob. 1979, 64).

Mga Tala

  1. “God Will Have a Tried People,” Ensign, Mayo 1980, 24.

  2. “Come unto Me,” Ensign, Nob. 1990, 17–18.

  3. “The Opening and Closing of Doors,” Ensign, Nob. 1987, 54, 59.

  4. “God Will Have a Tried People,” 25–26.

  5. “An Anchor to the Souls of Men,” Ensign, Okt. 1993, 71.

  6. “The Opening and Closing of Doors,” 59–60.

  7. “An Anchor to the Souls of Men,” 70.

  8. “Come unto Me,” 17–18.

  9. “An Anchor to the Souls of Men,” 71–73.