Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 18: Naniniwala Kami sa Pagiging Matapat.


Kabanata 18

Naniniwala Kami sa Pagiging Matapat

“Kung nais nating makasama ang Panginoon at ang Diwa ng Espiritu Santo, dapat tayong maging tapat sa ating sarili, tapat sa Diyos, at sa ating kapwa.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Habang naghihintay na makapaglibot sa Hearst Castle sa California, nagpunta muna sakay ng kotse sina Pangulo at Sister Hunter at ang isa pang mag-asawa sa isang maliit na tindahan. Habang naglilibot sila sa tindahan, “Nagpunta si Elder Hunter sa counter, kumuha ng kendi at binilang iyon, [at] nagbayad sa kahera ng 10 sentimos.” Bumalik na ang dalawang mag-asawa sa sasakyan at nagpunta nang muli sa kastilyo para maglibot. Habang daan, “Ipinasa ni Elder Hunter ang mga kendi nang isang beses, at ipinasa itong muli, at natanto niyang nagkamali siya ng pagbilang, dahil 11 pirasong kendi ang naroon sa halip na 10 na binayaran niya.

“Pwede namang palampasin na lang niya ang pagkakamaling iyon. Tutal, isang sentimo lang iyon, at medyo nagmamadali na kaming simulan ang paglilibot. Sino ang makakaalam o papansin doon? Pero ni hindi siya nagdalawang-isip tungkol dito. Ibinuwelta niya ang kotse at bumalik sa tindahan. … Ipinaliwanag niya ang sitwasyon sa ibang tindero doon, humingi ng paumanhin sa pagkakamali, at binayaran ang kulang na isang sentimo sa nagtakang kahera.”1

Para kay Howard W. Hunter, mahalagang maging tapat sa maliliit na bagay gayundin sa malalaking bagay.

Tinuruan Niya ang Kanyang mga anak ng integridad sa kanyang halimbawa. “Ang kaalaman ko tungkol sa katapatan at integridad ay halos mula sa mga taong nagkuwento sa akin tungkol sa aking ama,” sabi ni Richard Hunter. Isang araw sumama si Richard sa kanyang ama sa isang business meeting kung saan isang kumplikadong proyekto ang pinag-uusapan. Habang nasa labas para mag-break, isa sa mga lalaki ang nagsalita tungkol sa pulong. Sinabi ni Richard na malamang na matatagalan bago masimulan ang proyekto dahil maraming dapat asikasuhing papeles. Itinama ng lalaki si Richard, sinabi sa kanya na masisimulan ang proyekto bago pa man matapos ang mga papeles dahil alam ng mga tao na gagawin ni Howard W. Hunter ang anumang sinabi niyang gagawin niya.2

Noong 1962, nagsalita si Pangulong Hunter sa mga kabataan ng Simbahan at ipinahayag ang kanyang matibay na paniniwala tungkol sa kahalagahan ng pagiging tapat:

“Magiging maligaya ang bawat isa sa atin kung tayo ay magiging tapat—tapat sa ating ama at ina, ito man ay may kinalaman sa ating pakikipagdeyt, gawain sa paaralan, mga kahalubilo, o pagpunta sa simbahan; tapat sa ating mga bishop—pinakikinggan ang kanilang payo, sinasabi sa kanila ang katotohanan tungkol sa ating sarili, nagbabayad ng tamang ikapu, namumuhay nang malinis at dalisay; tapat sa ating mga paaralan—hindi nandadaya kahit kailan sa mga aktibidad, sa klase man o sa kampus, tapat sa pagbabayad ng gastusin, sa paglalaro man o panonood ng sine, sa paggawa sa responsibilidad na ibinigay sa atin sa party; tapat sa ating mga kasintahan—hindi sila kailanman sinasamantala, hindi nililinlang, hindi kailanman dinadala sa tukso; tapat sa Panginoon mismo.”3

Si Moises na may hawak na tapyas na bato

Kasama sa Sampung Utos ang kautusang ito: “Huwag kang magbibintang sa iyong kapuwa” (Exodo 20:16).

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Pinapayuhan tayo ng Panginoon na maging matapat.

Ang banal na kasulatan ay puno ng mga payo na maging tapat, at napakaraming utos ang nagsasabing dapat tayong maging matapat. Naiisip natin ang mga ito na nakasulat sa malalaking letra: HUWAG KANG—huwag kang magnanakaw; huwag kang magbibintang sa iyong kapuwa; huwag [kang mag-iimbot] [tingnan sa Exodo 20:15–17]. …

Ang ilan sa mas karaniwang halimbawa ng pagiging hindi matapat ay ito:

1. Pagnanakaw. Bihira akong makabasa ng pahayagan na walang inuulat na panloloob, pagnanakaw, pang-aagaw ng bag, pang-uumit, pagnanakaw ng sasakyan, at napakaraming iba pa. Kahit sa loob ng ating mga chapel may mga nababalita ring pandurukot.

2. Pandaraya. Naglalathala rin ang mga pahayagan ng mga pandaraya sa mga pagbebenta ng ari-arian, transaksyon sa negosyo, pandaraya sa investment, at iba pang mga bagay na ipinababatid sa publiko. May ilang nandadaya makapag-aral lang sa isang paaralan at may ilang nangongopya sa oras ng pagsusulit.

3. Mga paglabag sa mga pamantayan ng Word of Wisdom. Ang mga ito ay pamantayan ng Simbahan. Hindi ito mga paglabag sa mga pamantayan ng mundo. Ngunit ibinigay na sa inyo ang salita ng Panginoon tungkol sa bagay na ito.

4. Paglabag sa mga batas-trapiko. Hindi maituturing na tapat ang isang tao kapag lumabag siya sa batas ng lipunan at pamahalaan para sa kapakanan ng ibang tao.4

“Huwag kang magbibintang sa iyong kapuwa” [Exodo 20:16]. Ang pangunahing pinatutungkulan ng utos na ito ay may kaugnayan sa maling testimonya sa korte, ngunit saklaw din nito ang lahat ng maling salaysay. Anumang kasinungalingan na makapipinsala sa ari-arian, pagkatao, o ugali ng ibang tao ay laban sa diwa at titik ng batas na ito. Ang pagtatago ng katotohanan na nagbubunga ng gayunding pinsala ay isa ring paglabag sa utos na ito.

“Huwag mong iimbutin ang bahay ng iyong kapuwa, huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapuwa, ni ang kaniyang aliping lalake o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa” [Exodo 20:17]. Ang ibig sabihin ng mag-imbot ay magnasa, asamin, o hangarin nang labis ang pag-aari ng ibang tao. Ang pagnanais na magtamo ng magagandang bagay ay hindi paglabag, ngunit ang hangaring agawin ang mga ito sa iba ay labag sa batas. Hinggil dito mabuting maunawaan natin na ang mabuti o masama ay hindi nagsisimula kapag nagawa na ang isang bagay, kundi sa sandaling nasain na ito ng tao sa kanyang puso.5

Nasusuklam ang Panginoon sa palalong tingin, sinungaling na dila, puso na kumakatha ng mga masamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan, sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, [at] ang naghahasik ng pagtatalo [tingnan sa Mga Kawikaan 6:16–19]. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, magagawa ba natin ang anumang bagay na kinasusuklaman ng Panginoon? Siya ay madalas mangusap laban sa pagsisinungaling!6

2

Nililinang natin ang katapatan sa maliliit at simpleng bagay sa buhay.

Kung tayo ay sensitibo sa ating pakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas, dapat tayong maging matapat kapwa sa maliliit at malalaking bagay.7

Kapag sinisikap nating magtagumpay, higit nating pinag-uukulan ng panahon ang pag-iisip at pag-aaral ng masasalimuot na bagay kaya bihira tayong mag-ukol ng panahon sa mga pangkaraniwan—mga simpleng bagay, maliliit na bagay na sa katunayan ay siyang ating saligan at kung wala ito ay hindi tayo makapagtatatag ng matibay na pundasyon. Ang isang gusali ay maaaring tumaas sa langit, at namamanghang mamasdan natin ito dahil sa laki at labis na taas nito; ngunit hindi ito makatatayo maliban kung ang pundasyon nito ay matibay na nakabaon sa bato o sa bakal at semento.

Ang pagkatao ay dapat na may ganyang pundasyon. Itutuon ko ang inyong pansin sa alituntunin ng katapatan. Bakit kaya maraming naniniwala sa mataas at dakilang mga alituntunin ng katapatan, subalit kakaunti ang gustong maging lubos na matapat?

[Maraming] taon na ang nakararaan may mga poster sa mga pasukan ng mga chapel natin na may pamagat na, “Maging Matapat sa Sarili.” Karamihan sa mga ito ay tungkol sa maliliit at simpleng bagay sa buhay. Dito nalilinang ang alituntunin ng katapatan.

May ilang nagsasabi na masama ang hindi tapat sa malalaking bagay pero naniniwala na palalampasin ito kung hindi naman gaanong mahalaga ang bagay na iyon. …

Naaalala ko ang isang binata sa aming stake nang maglingkod ako bilang stake president. Naglakbay siya kasama ang mga taong nag-aakalang katalinuhan ang gumawa ng mali. Sa ilang pagkakataon siya ay nahuli dahil sa ilang maliliit na paglabag. Isang araw nakatanggap ako ng tawag mula sa istasyon ng pulis at sinabihan ako na naaresto siya dahil sa paglabag sa batas-trapiko. Nahuli siyang humaharurot sa pagmamaneho, na dati na niyang ginagawa bago pa man ang pangyayaring iyon. Dahil alam niyang maaaring hindi siya makapagmisyon dahil sa mga ginagawa niya, nagpakatino siya, at noong siya ay 19 na taong gulang, natanggap niya ang kanyang tawag na magmisyon.

Hindi ko kailanman malilimutan ang napag-usapan namin nang bumalik siya. Sinabi niya sa akin na habang siya ay nasa misyon madalas niyang maisip ang problemang naidulot niya sa pag-aakalang hindi mahalaga kung lumabag man sa maliliit na bagay. Ngunit dumating ang malaking pagbabago sa kanyang buhay. Napagtanto niya na walang kaligayahan o kasiyahan sa paglabag sa batas, maging ito man ay batas ng Diyos o mga batas na ipinapatupad ng lipunan sa atin.8

3

Mapaglilingkuran natin ang Diyos sa pagiging matapat at patas na pakikitungo natin sa sarili at sa negosyo.

Ang relihiyon ay maaaring maging bahagi ng ating araw-araw na gawain, negosyo, pamimili at pagtitinda, pagtatayo, transportasyon, pangangalakal o propesyon, o ng anumang gawain natin. Mapaglilingkuran natin ang Diyos sa pamamagitan ng matapat at patas na pakikitungo sa mga transaksyon sa negosyo tulad ng ginagawa natin kapag nagsisimba tuwing Linggo. Ang tunay na mga alituntunin ng Kristiyanismo ay nakaugnay at hindi mahihiwalay sa ating pakikipagkalakalan at araw-araw na mga gawain.9

Kung mahalaga sa atin ang relihiyon, dapat na makahikayat ito nang mabuti sa ating buhay. Hindi ako naniniwala na ang relihiyon ay pakikinig lamang ng isang oras na sermon ng ministro tuwing Linggo at may anumang kahulugan ito sa ating buhay. Kung hindi ito magiging bahagi ng kani-kanya nating buhay—ng ating buhay-pamilya—ng ating pakikipagkalakalan—at ng lahat ng bagay na ginagawa natin, kung gayon walang kahulugan ang relihiyon sa atin at nagiging parang diyus-diyusan lang na inilalagay sa mataas na lugar at sinasamba paminsan-minsan.10

Malaking pagbabago ang darating sa mundo kung maasahan natin ang isa’t isa kapag katapatan ang pag-uusapan. Ganap na magtitiwala sa isa’t isa ang mga tao sa pakikitungo sa sarili at sa negosyo. Mawawala ang … pagdududa sa pagitan ng trabahador at tagapangasiwa. Magkakaroon ng integridad sa mga nanunungkulan sa gobyerno at mga gawain sa pamahalaan, at iiral sa mga bansa ang kapayapaan sa halip na kaguluhan na nararanasan natin ngayon sa mundo. …

Sa negosyo may mga nagsasamantala kapag nakakita o nabigyan ng pagkakataon. Pangangatwiranan nila ang kanilang ginawa sa pagsasabing sa negosyo natural lang sa tao na samantalahin ang bawat ialok sa kanya. Ang gayong mga transaksyon ay maaaring umabot sa malaking halaga, ngunit ang prinsipyong nakapaloob diyan ay walang ipinagkaiba sa hindi pagbabalik ng isang sentimong sobrang isinukli ng kahera gayong alam ng taong sinuklian ang pagkakamali. Ito ay isang uri ng pandaraya.11

Magbibigay ako ng kahulugan ng “marangal na trabaho.” Ang marangal na trabaho ay matapat na trabaho. Patas ang pagpapahalagang ibinibigay rito at walang pandaraya, panlilinlang, o panloloko. Ang produkto o serbisyo nito ay mataas ang kalidad, at ang amo, suki, kliyente, o pasyente, ay nakatatanggap nang higit pa sa inaasahan niya. Ang marangal na trabaho ay mabuti. Wala itong anumang gagawin na makapipinsala sa kapakanan o moralidad ng mga tao. Halimbawa, hindi ito sangkot sa pagbebenta ng alak, droga, o pagsusugal. Ang marangal na trabaho ay kapaki-pakinabang. Nagbibigay ito ng kalakal o serbisyo na ginagawang mas mainam na lugar na tirahan ang mundo.12

nananalangin si Job

Ipinahayag ni Job, “Hindi ko aalisin sa akin ang aking pagtatapat [integridad]” (Job 27:5).

4

Pinoprotektahan tayo ng integridad laban sa kasamaan, tumutulong sa atin na maging matagumpay, at ililigtas ang ating mga kaluluwa.

Ang masasamang tukso ay nakapaligid sa atin. Kung wala ang proteksyon ng integridad, tayo ay matatangay ng lahat ng uri ng kasalanan at pagkakamali.

Si Job ay hindi nahirapan sa mga bagay na ito. Siya ay naprotektahan ng kanyang sariling integridad. Ito ang kanyang nadama:

“Ang aking buhay ay buo pa sa akin, at ang espiritu ng Dios ay nasa mga butas ng aking ilong;

“Ang aking mga labi ay hindi magsasalita ng kalikuan, ni ang aking dila man ay magsasaysay ng karayaan. …

“Ang aking katuwiran ay aking pinanghahawakan at hindi ko bibitiwan: hindi ako aalipustain ng aking puso habang ako’y buhay” (Job 27:3–4, 6).

Ito ay lubos na nagbibigay-inspirasyon. Dahil sa kanyang lakas, naiiwasan niya ang maliliit na tuksong madaling makatangay sa karamihan. Pinag-ibayo ni Job sa kanyang sariling buhay ang lakas at kapanatagang hindi kayang buwagin kahit pa ni Satanas. Nakakatuwa ring makita kung gaano nalulugod sa kanya ang Panginoon: “Walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan[,] at siya’y namamalagi sa kaniyang pagtatapat” (Job 2:3).

Ang ganito kadakilang uri ng integridad ay maaari din nating matamo. Kung epektibong magagamit, lulutasin nito ang lahat ng ating problema sa pamahalaan, relihiyon, industriya, at sa ating sariling buhay. Papalisin nito ang mga nakapanlulumong pahirap na dulot ng krimen, diborsyo, karukhaan, at kalungkutan. Gagawin tayong matagumpay nito sa buhay na ito at ililigtas ang ating mga kaluluwa sa kabilang buhay.

Ang isa sa pinakamagagandang matatamo natin sa buhay ay ang pag-ibayuhin ang katapatan at matinding integridad sa ating sarili. Nangangahulugan ito na tayo ay nagiging espirituwal na matatag, tapat sa ating pag-iisip, may tunay na moralidad, at sa tuwina ay personal na nananagot sa Diyos. Ang integridad ay ang ginintuang susi na magbubukas ng pintuan sa halos lahat ng tagumpay.13

5

Ang tunay na kagalakan ay nagmumula sa pagiging tapat sa ating sarili, sa iba, at sa Diyos.

Madalas nating binabanggit ang talatang ito sa banal na kasulatan na, “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” [2 Nephi 2:25]. May kagalakang nagmumula sa pagiging matapat. Sasabihin ko sa inyo kung paano. Sa pamamagitan nito makakasama ninyo ang Panginoon at ang Diwa ng Espiritu Santo. Ang mga paglabag sa batas ng katapatan ay pagkakaitan kayo ng dalawang malaking pagpapalang ito. Maniniwala ba kayo na ang isang taong nagsinungaling o nandaya … ay magkakaroon ng patnubay ng Panginoon o ng Diwa ng Espiritu Santo?

… Dapat nating laging alalahanin na hindi tayo nag-iisa kailanman. Walang gawa na hindi napapansin; walang salitang sinambit na hindi narinig; walang ideyang nabuo sa isipan ng tao na hindi alam ng Diyos. Walang kadiliman na maaaring magtago ng mga bagay na ginagawa natin. Dapat tayong mag-isip muna bago kumilos.

Palagay ba ninyo nag-iisa lang kayo kapag nandadaya kayo? Sa palagay ba ninyo walang makakapansin sa inyo kapag nandaya kayo sa pagsusulit, kahit nag-iisa lang kayo sa silid? Dapat tayong maging matapat sa ating sarili. Kung nais nating makasama ang Panginoon at ang Diwa ng Espiritu Santo, dapat tayong maging matapat sa ating sarili, sa Diyos, at sa ating kapwa. Magbubunga ito ng tunay na galak.14

Alam ng Panginoon ang ating mga saloobin [tingnan sa D at T 6:16]. Alam Niya ang bawat ginagawa natin. Haharap tayo sa kanya balang-araw, at personal Siyang makikita. Maipagmamalaki ba natin ang talaan ng ating buhay?

Nagtatala tayo riyan araw-araw. Bawat gawa, bawat pag-iisip ay bahagi nito. Maipagmamalaki ba natin ito? Maipagmamalaki natin kung ginawa natin ang lahat ng ating makakaya—kung nanatili tayong tapat sa ating sarili, sa ating mga mahal sa buhay, sa ating mga kaibigan, sa buong sangkatauhan. …

Pinagpapala ang mga yaong tapat. …

Pinagpapala sila na masunurin sa Panginoon.

Sila yaong malalaya—masasaya—mga nakapaglalakad nang nakataas-noo. May paggalang sila sa sarili. Iginagalang sila ng mga nakakakilala sa kanila nang lubos.

At higit sa lahat, nasa kanila ang paggalang at pagpapala ng ating Ama sa Langit. Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na sumunod sa kanya. Ang kanyang mga landas ay tuwid at malinis at matwid at tapat. Sundan natin siya sa kasaganaan ng buhay na puno ng kaligayahan. Ito lang ang tanging daan.15

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Repasuhin ang mga halimbawa ng kawalang-katapatan na tinukoy ni Pangulong Hunter sa bahagi 1. Ano ang ilang ibinubunga ng kawalang-katapatang iyon? Ano ang maituturo sa atin ng mga ibinungang iyon tungkol sa dahilan kung bakit binibigyang-diin ng Panginoon ang pagiging tapat?

  • Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa pagiging matapat sa maliliit na bagay at pagiging tapat sa ating sarili (tingnan sa bahagi 2). Bakit kailangan nating maging matapat sa “maliliit na bagay”? Ano ang ibig sabihin ng maging matapat sa ating sarili? Paano natin maiiwasan ang tuksong palampasin ang kahit tila pinakamaliit na bagay na nagpapakita ng kawalang-katapatan?

  • Binigyang-diin ni Pangulong Hunter na kailangang maging bahagi ang relihiyon sa lahat ng ginagawa natin araw-araw (tingnan sa bahagi 3). Paano natin higit na maipamumuhay ang mga turo sa bahaging ito? Paano natin epektibong maituturo ang katapatan sa ating mga tahanan?

  • Sa bahagi 4, binanggit ni Pangulong Hunter ang ilang pagpapalang dumarating sa pamumuhay nang may integridad. Paano nagkakaroon ng integridad ang isang tao? Paano kayo napagpala nang ipamuhay ninyo nang tapat ang mga pamantayan ng Panginoon?

  • Paano tayo napapasaya ng pagiging matapat? (Tingnan sa bahagi 5.) Bakit kailangan nating maging matapat para mapatnubayan ng Espiritu Santo? Paano tayo napapalaya ng pagiging matapat?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Job 27:5; 31:5–6; Awit 15; Mga Kawikaan 20:7; Alma 53:20–21; D at T 10:25–28; 42:20–21, 27; 51:9; 124:15; 136:20, 25–26; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13

Tulong sa Pag-aaral

Habang nagbabasa, “guhitan at markahan ang mga salita o parirala para matukoy mo ang mga ideya sa isang [talata]. … Sa mga margin isulat ang mga sangguniang banal na kasulatan na naglilinaw sa mga talata na iyong pinag-aaralan” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 25).

Mga Tala

  1. Doug Brinley, “President Hunter Taught Value of a Penny’s Worth of Integrity,” Church News, Dis. 3, 1994, 11; tingnan din sa “Loved by All Who Knew Him: Stories from Members,” Ensign, Abr. 1995, 19–20.

  2. Tingnan sa Don L. Searle, “President Howard W. Hunter, Acting President of the Quorum of the Twelve Apostles,” Ensign, Abr. 1986, 24.

  3. “We Believe in Being Honest” (transkripsyon ng mensaheng ibinigay sa Youth Fireside Series, Abr. 10, 1962), 8–9, Church History Library, Salt Lake City; iniangkop ang pagbabantas.

  4. “Basic Concepts of Honesty,” New Era, Peb. 1978, 4–5.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1965, 57–58; tingnan din sa “And God Spake All These Words,” Improvement Era, Hunyo 1965, 511–12.

  6. “We Believe in Being Honest,” 8.

  7. “Basic Concepts of Honesty,” 5.

  8. “Basic Concepts of Honesty,” 4–5.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1961, 108.

  10. The Teachings of Howard W. Hunter, ed. Clyde J. Williams (1997), 261–62.

  11. The Teachings of Howard W. Hunter, 90–91.

  12. “Prepare for Honorable Employment,” Ensign, Nob. 1975, 122–23.

  13. The Teachings of Howard W. Hunter, 92.

  14. “Basic Concepts of Honesty,” 5.

  15. The Teachings of Howard W. Hunter, 88.