Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 20: Pagtulad sa Halimbawa ng Pag-ibig sa Kapwa-Tao ng Tagapagligtas


Kabanata 20

Pagtulad sa Halimbawa ng Pag-ibig sa Kapwa-Tao ng Tagapagligtas

“Ang pamantayan sa pagkamahabagin ay sukatan ng ating pagkadisipulo; ito ay sukatan ng ating pagmamahal sa Diyos at sa isa’t isa.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter na ang Tagapagligtas ay “nagbigay ng Kanyang pagmamahal, Kanyang paglilingkod, at Kanyang buhay. … Dapat nating sikaping magbigay tulad ng Kanyang pagbibigay.”1 Higit sa lahat, hinikayat ni Pangulong Hunter ang mga miyembro ng Simbahan na tularan ang halimbawa ng pag-ibig sa kapwa-tao ng Tagapagligtas sa kanilang buhay sa araw-araw.

Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay malinaw na naipakita sa propesyon ni Howard W. Hunter bilang abugado. Ipinaliwanag ng isang kapwa niya abugado:

“Nag-ukol siya ng maraming oras sa [libreng] pagseserbisyo bilang abugado … dahil hindi niya maatim na maningil. … Nakilala siya bilang kaibigan, gabay, tagapayo, at isang propesyonal na mas inaalala pa ang makitang natatanggap ng mga tao ang tulong na kailangan nila kaysa sa bayad na makukuha niya rito.”2

Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay makikita rin sa paglilingkod ni Pangulong Hunter sa Simbahan. Isang babae na itinuring si Pangulong Hunter bilang guro na may malaking impluwensya sa kanya ang nagpaliwanag ng ilan sa mga dahilan:

“Naoobserbahan ko palagi na mahal ng taong ito ang iba dahil binibigyan niya sila ng prayoridad, pinakikinggan sila para maunawaan sila, at binabahaginan sila ng kanyang mga karanasan, na isa mga bagay na nakasisiya sa kanya. Tinuruan niya ako na maunawaan ang kahalagahan ng magagandang katangiang ito at madama ang kagalakan sa pagsasagawa nito.”3

Isa pang babae mula sa stake ni Pangulong Hunter sa California ang nagbigay ng papuring ito:

“Si Pangulong Howard W. Hunter ang aming stake president maraming taon na ang nakararaan noong nakatira pa ang aming pamilya sa lugar na sakop ng Pasadena Stake. Namatay ang tatay ko, at ang nanay ko na lang ang nagpalaki sa amin ng ate ko. Bagama’t hindi kami kilalang pamilya sa stake, na malaki ang nasasakupan, personal kaming kilala ni Pangulong Hunter.

“Ang pinakamahalagang alaala ko tungkol sa kanya ay yaong nakaragdag sa pagpapahalaga ko sa aking sarili. Matapos ang bawat kumperensya ng stake, pumipila kami para makamayan siya. Lagi niyang hinahawakan ang kamay ng aking ina at sinasabing, ‘Kumusta ka na, Sister Sessions, at kumusta na sina Betty at Carolyn?’ Natutuwa ako kapag naririnig kong tinatawag niya kami sa pangalan. Alam kong kilala niya kami at nagmamalasakit sa aming kapakanan. Sumasaya pa rin ako sa alaalang iyon.”4

Sinabi minsan ni Pangulong Hunter, “Nadarama ko na ang ating misyon ay maglingkod at magligtas, magpatatag at magpadakila.”5 Ang mga sinabi ng kanyang mga Kapatid sa Labindalawa ay nagpapakita kung gaano kahusay niyang tinupad ang misyong iyan. “Alam niya kung paano panatagin ang tao,” wika ng isa; “hindi niya sila dinodomina. Pinapakinggan niya silang mabuti.” Sabi pa ng isa, “Kapag naglalakbay kang kasama niya, lagi niyang sinisiguro na naasikaso ang bawat isa at walang sinumang nahihirapan o di-komportable.” Sabi ng isa pa, “Siya ay mapagmalasakit at sensitibo sa pangangailangan ng iba. Mapagmahal siya sa kapwa at mapagpatawad. Siya ay maalam sa ebanghelyo, sa sanglibutan, sa likas na ugali ng tao.”6

si Cristo kasama ang isang babaeng nakaluhod

Itinuro ni Jesucristo “ang mga aral tungkol sa pagmamahal at paulit-ulit na naglingkod sa kapwa nang walang pag-iimbot. Lahat ay nakadama ng kanyang pagmamahal.”

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Ang dalawang dakilang utos ang pamantayan ng Panginoon para sa ating pagiging disipulo.

Noong unang panahon, ang isang paraan para masuri kung lantay ang ginto ay ang paggamit ng makinis, kulay itim, at batong-silica na tinatawag na touchstone. Kapag ikinaskas ito sa touchstone, naglalabas ng guhit o marka ang ginto sa ibabaw nito. Itinutugma ng platero ang markang ito sa mga kulay sa tsart na minarkahan. Mas mapula ang marka kapag tumataas ang halo ng tanso o ibang metal at mas dilaw naman kapag tumataas ang porsiyento ng ginto. Mas nakikita sa prosesong ito ang kalantayan ng ginto.

Ang paggamit ng touchstone sa pagsusuri ng kalantayan ng ginto ay mas mabilis at mas praktikal gamitin. Ngunit ang platerong hindi pa kumbinsido sa kalantayan ng ginto ay gumagamit ng mas tumpak na proseso na ginagamitan ng apoy.

Gusto kong sabihin sa inyo na ang Panginoon ay naghanda ng isang touchstone para sa inyo at sa akin, isang panlabas na sukatan ng pagkadisipulong tinataglay sa kalooban na nagpapatunay ng ating katapatan at kakayahang matiis ang mga pagsubok na darating.

Minsan habang nagtuturo si Jesus sa mga tao, isang tagapagtanggol [abugado] ang lumapit sa kanya at itinanong ito: “Guro, anong aking gagawin upang magmana ng walang hanggang buhay?”

Sinagot ni Jesus, ang dalubhasang guro, ang lalaki, na kitang-kitang maalam sa batas, sa pamamagitan din ng isang tanong, “Ano ang nasusulat sa kautusan? ano ang nababasa mo?”

Buong tatag na isinagot ng lalaki ang buod ng dalawang dakilang utos: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”

Sumasang-ayong sumagot si Cristo, “Gawin mo ito, at mabubuhay ka” (Lucas 10:25–28).

Ang buhay na walang hanggan, ang buhay ng Diyos, ang buhay na hinahangad natin, ay nakabatay sa dalawang utos. Sinasabi sa mga banal na kasulatan na “sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta” (Mateo 22:40). Ibigin ang Diyos at ibigin ang iyong kapwa. Magkaugnay ang dalawang ito; hindi sila mapaghihiwalay. Sa pinakamataas na kahulugan maituturing na magkatulad ang mga ito. At ito ay mga utos na maipamumuhay ng bawat isa sa atin.

Ang sagot ni Jesus sa abugado ay maaaring ituring na touchstone ng Panginoon. Sinabi Niya sa isa pang pagkakataon, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40). Susukatin Niya ang katapatan natin sa kanya kung paano natin minamahal at pinaglilingkuran ang ating kapwa. Anong klaseng marka ang iniiwan natin sa touchstone ng Panginoon? Tayo ba ay tunay na mabubuting kapitbahay? Nakikita ba sa pagkilatis na tayo ay 24-karat na ginto, o makikilatis na hindi tayo purong ginto?7

2

Itinuro sa atin ng Tagapagligtas na mahalin ang lahat, kahit na yaong mga mahirap mahalin.

Para bang binibigyang-katwiran ang kanyang sarili sa simpleng tanong na iyon ng Panginoon, hinangad ng abugado na pangatwiranan ang kanyang sarili sa isa pang tanong, “At sino ang aking kapuwa tao?” (Lucas 10:29).

Dapat nating ipagpasalamat ang tanong na iyon, dahil sa sagot ng Tagapagligtas nagmula ang isa sa pinakamakahulugan at lubhang pinahahalagahang mga talinghaga, na paulit-ulit na nating nabasa o narinig:

“Isang tao’y bumababa sa Jerico na mula sa Jerusalem; at siya’y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na sa kaniya’y sumamsam at sa kaniya’y humampas, at nagsialis na siya’y iniwang halos patay na.

“At nagkataong bumababa sa daang yaon ang isang saserdote; at nang makita siya ay dumaan sa kabilang tabi.

“At sa gayon ding paraan ang isang Levita naman, nang dumating siya sa dakong yaon, at makita siya, ay dumaan sa kabilang tabi.

“Datapuwa’t ang isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya: at nang siya’y makita niya, ay nagdalang habag,

“At lumapit sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binuhusan ng langis at alak; at siya’y isinakay sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya’y inalagaan.

“At nang kinabukasa’y dumukot siya ng dalawang denario, at ibinigay sa katiwala ng bahay-tuluyan, at sinabi, Alagaan mo siya, at ang anomang magugol mong higit, ay aking pagbabayaran sa iyo pagbabalik ko” (Lucas 10:30–35).

Pagkatapos ay tinanong ni Jesus ang abugado, “Sino sa tatlong ito, sa akala mo, ang nagpakilalang kapuwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?” (Lucas 10:36). Sa oras na iyon ay ibinigay ng Panginoon ang touchstone ng Kristiyanismo. Iniutos Niya na sukatin ang ating marka roon.

Dapat ay naalala ng saserdote at ng Levita sa talinghaga ni Cristo ang mga hinihingi ng batas: “Huwag mong makikitang napahiga sa daan ang asno ng iyong kapatid o ang kaniyang baka at ikaw ay magkukubli sa mga yaon; iyo ngang tutulungan siya upang itindig siya uli” (Deuteronomio 22:4). At kung gayon ang dapat gawin sa isang baka, gaano pa kaya tayo dapat maging handang tumulong sa isang kapatid na nangangailangan. Ngunit tulad ng isinulat ni Elder James E. Talmage, “Napakadaling maghanap ng mga idadahilan [na hindi ito gawin]; sumisibol ito nang kusa at sagana tulad ng mga damong ligaw sa tabing-daan” (Jesus the Christ, ika-3 ed., Salt Lake City: The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 1916, p. 431).

Binigyan tayo ng Samaritano ng isang halimbawa ng dalisay na pagmamahal ng isang Kristiyano. Siya ay may habag; pinuntahan niya ang lalaking sinaktan ng mga tulisan at tinalian ang kanyang mga sugat. Dinala niya ito sa bahay-tuluyan, inalagaan, binayaran ang kanyang mga gastusin, at nagbilin na babayaran ang dagdag na gastusin sa pag-aalaga rito. Ito ay kuwento ng pagmamahal ng isang tao sa kanyang kapwa.

Ayon sa lumang kasabihan, “ang taong sarili lang ang iniintindi ay walang gaanong silbi.” Ang pagmamahal ay may subok na paraan para mapalaki ang silbi sa tao. Ang susi ay mahalin ang ating kapwa, kahit na yaong mahirap mahalin. Kailangan nating alalahanin na bagama’t makakapili tayo ng mga kaibigan, ang Diyos ang pumipili ng mga taong ilalapit sa atin—saan man. Ang pagmamahal ay hindi dapat limitahan; hindi lang mga taong gusto nating pakisamahan ang dapat nating pakisamahan. Sabi ni Cristo “Sapagka’t kung kayo’y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis?” (Mateo 5:46).8

mga manggagawang nagpapalitada ng semento

“Susukatin [ng Panginoon] ang katapatan natin sa kanya ayon sa pagmamahal at paglilingkod natin sa ating kapwa.”

3

Dapat nating mahalin at paglingkuran ang iba sa kanilang pagdurusa.

Sumulat si Joseph Smith sa mga Banal, na inilathala sa Messenger and Advocate [Sugo at Tagapamagitan], tungkol sa paksang pagmamahal sa isa’t isa upang mabigyang-katwiran sa harapan ng Diyos. Isinulat niya:

“Mahal kong mga Kapatid:—Tungkulin ng bawat Banal na magbigay nang sagana sa kanyang mga kapatid—lagi silang mahalin, at tulungan sila sa tuwina. Upang mabigyang-katwiran sa harapan ng Diyos kailangan nating mahalin ang isa’t isa: dapat nating daigin ang kasamaan; bisitahin ang mga ulila at balo sa kanilang kapighatian, at dapat tayong manatiling walang dungis mula sa mundo: dahil ang gayong mga katangian ay dumadaloy mula sa bukal ng dalisay na relihiyon. Sa pagpapalakas ng ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagdaragdag ng bawat mabuting katangiang nagpapaganda sa mga anak ng pinagpalang si Jesus, maaari tayong manalangin sa oras ng panalangin; maaari nating mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili, at maging matapat sa kapighatian, batid na ang gantimpala sa gayon ay mas dakila sa kaharian ng langit. Kaylaking pagpapala! Kaylaking kagalakan! Hayaan ninyong ipamuhay ko ang buhay ng mga matwid, at magantimpalaan ng ganito!” (History of the Church, 2:229.)

Ang dalawang magagandang katangiang ito, pagmamahal at paglilingkod, ay hinihingi sa atin kung gusto nating maging mabuti sa kapwa at magkaroon ng kapayapaan sa ating buhay. Tiyak na ang mga ito ay nasa puso ni Elder Willard Richards. Habang nasa Piitan ng Carthage noong hapon na paslangin sina Joseph at Hyrum, iminungkahi ng bantay sa piitan na mas magiging ligtas sila sa selda. Bumaling si Joseph kay Elder Richards at nagtanong, “Kung papasok kami sa selda, sasama ka ba?”

Ang isinagot ni Elder Richards ay puno ng pagmamahal: “Brother Joseph, hindi mo hiniling na samahan kita sa pagtawid sa ilog—hindi mo hiniling na magpunta ako sa Carthage—hindi mo hiniling na samahan kita sa piitan—at sa palagay mo ba tatalikuran kita ngayon? Ngunit sasabihin ko sa iyo kung ano ang gagawin ko; kung ikaw ay bibitayin dahil sa ‘pagtataksil,’ ako ang magpapabitay para sa iyo, at ikaw ay lalaya.”

Tiyak na nabagbag ang damdamin ni Joseph nang sumagot ito ng, “Ngunit hindi mo magagawa.”

Na mariing sinagot ni Elder Richards ng “Gagawin ko” (tingnan sa B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 2:283).

Ang pagsubok ni Elder Richards ay higit pa marahil sa mararanasan ng karamihan sa atin: ang pagsubok sa apoy sa halip na sa touchstone. Ngunit kung ipagawa sa atin iyon, kaya ba nating magbuwis ng buhay para sa ating pamilya? sa ating mga kaibigan? sa ating kapwa?

Ang touchstone ng pagkahabag ay isang sukatan ng ating pagkadisipulo; ito ay isang sukatan ng ating pagmamahal sa Diyos at sa isa’t isa. Mag-iiwan ba tayo ng marka ng lantay na ginto o, gaya ng saserdote at ng Levita, dadaan tayo sa kabilang tabi?9

4

Kailangan ay mas determinado tayong tahakin ang landas ng pag-ibig sa kapwa-tao na ipinakita ni Jesus.

Sa isang mahalagang mensahe sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Nauvoo isang taon lang bago maganap ang kanyang kalunus-lunos at maagang pagkamatay bilang martir, sinabi ni Propetang Joseph Smith:

“Kung nanaisin at payayabungin natin ang pagmamahal sa iba, kailangan natin silang mahalin, maging ang ating mga kaaway at kaibigan. … Dapat tigilan ng mga Kristiyano ang pag-aaway at pakikipagtalo sa isa’t isa, at pag-ibayuhin ang mga alituntunin ng pagkakaisa at pagkakaibigan sa kanilang kalipunan.” (History of the Church, 5:498–99.)

Napakagandang payo niyan ngayon, katulad [noon]. Ang mundong ginagalawan natin, malapit o malayo man sa tahanan, ay nangangailangan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Inilalaan nito ang tanging daan para magkaroon ng kapayapaan sa mundo. Dapat tayong maging mas mabait sa isa’t isa, mas magiliw at mas mapagpatawad. Dapat ay hindi tayo madaling magalit at mas maagap tayong tumulong. Kailangan tayong makipagkaibigan at huwag tayong mapaghiganti. Sa madaling salita, kailangan nating mahalin ang isa’t isa nang may dalisay na pag-ibig ni Cristo, na may tunay na pagmamahal sa kapwa-tao at pagkahabag at, kung kinakailangan, makiramay sa pagdurusa, sapagkat ganyan ang pagmamahal sa atin ng Diyos.

Sa ating pagsamba, madalas nating kantahin ang isang magandang himno na isinulat ni Susan Evans McCloud. Maaari ko bang sambitin ang ilang taludtod sa himnong iyan para sa inyo?

Diyos, nawa Kayo’y ibigin,

Sundan ang Inyong landas,

Aking kapwa ay tulungan

Sa gawad Ninyong lakas. …

Kapwa ko’y ba’t hahatulan

Kung may sala rin ako?

May lumbay na ‘di makita

Nakakubli sa puso. …

Kapatid ko’y iingatan

At magbibigay-lakas.

Sa nalulumbay kong kapwa,

Ang hatid ko ay lunas.

O, aking Panginoon,

Kayo’y laging susundin.

(Mga Himno, 2001, blg. 164.)

Kailangan nating tahakin nang mas determinado at mas mapagmahal sa kapwa-tao ang landas na ipinakita ni Jesus. Kailangan nating “tulungan” at pasiglahin ang isa’t isa at siguradong matatagpuan natin ang lakas na hindi lang sa atin nagmula kundi “sa gawad [Niyang] lakas.” Kung magsisikap pa tayong malaman ang paraan ng Tagapagpagaling na “magbibigay-lakas,” magkakaroon ng di-mabilang na pagkakataong magamit ito, upang maantig ang “nalulumbay [nating] kapwa” at maipakita sa lahat ang magiliw na puso na “ang hatid … ay lunas.” Opo, Panginoon, dapat namin kayong sundin.10

5

Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo at hindi nagkukulang.

“Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko,” sabi [ni Jesus], “Na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: … Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34–35.) Ang pagmamahal na dapat ay mayroon tayo para sa ating mga kapatid sa sangkatauhan, at ang pagmamahal na mayroon si Cristo para sa bawat isa sa atin, ay tinatawag na pag-ibig sa kapwa-tao o ang “dalisay na pag-ibig ni Cristo.” (Moro. 7:47.) Ang pag-ibig na ito ang dahilan kaya nangyari ang pagdurusa at sakripisyo ng pagbabayad-sala ni Cristo. Ito ang pinakadakilang damdaming madarama ng kaluluwa ng tao at ang pinakamalalim na pagpapahayag ng niloloob ng tao.

… Saklaw ng pag-ibig sa kapwa-tao ang lahat ng makadiyos na katangian. Inilalarawan nitong mabuti ang simula at katapusan ng plano ng kaligtasan. Kapag lahat ng iba pa ay nagkulang, ang pag-ibig sa kapwa-tao—ang pag-ibig ni Cristo—ay hindi magkukulang. Ito ang pinakadakila sa lahat ng banal na katangian.

Mula sa kanyang puso na puno ng pagmamahal, nagsalita si Jesus sa mga maralita, api, balo, musmos; sa mga magsasaka at mangingisda, at sa mga nag-aalaga ng mga kambing at tupa; sa mga dayuhan at taga-ibang bayan, sa mayayaman, sa makapangyarihan sa pulitika, gayundin sa masusungit na Fariseo at eskriba. Naglingkod siya sa mga maralita, nagugutom, hikahos, at maysakit. Binasbasan niya ang mga lumpo, bulag, bingi, at iba pang mga taong may kapansanan. Pinalayas niya ang mga demonyo at masasamang espiritu na naging dahilan ng sakit sa isip o damdamin. Dinalisay niya yaong mga may kasalanan. Nagturo Siya ng mga aral ng pagmamahal at paulit-ulit na naglingkod sa kapwa nang walang pag-iimbot. Lahat ay nakadama ng kanyang pagmamahal. Lahat ay “may pribilehiyo, ang isa tulad ng iba, at walang pinagbabawalan.” (2 Ne. 26:28.) Lahat ng ito ay pagpapahayag at halimbawa ng kanyang pag-ibig na walang hanggan.

Ang mundong ginagalawan natin ay makikinabang nang malaki kung ang kalalakihan at kababaihan sa lahat ng dako ay magpapakita ng dalisay na pag-ibig ni Cristo, na mabait, maamo, at mapagpakumbaba. Hindi ito naiinggit o nagmamalaki. Hindi ito makasarili dahil hindi ito naghahangad ng kapalit. Hindi nito kinukunsinti ang masama o galit, ni nagagalak sa kalikuan; walang puwang dito para sa pagkapanatiko, pagkamuhi, o karahasan. Hindi nito pinapalagpas ang pangungutya, kahalayan, pang-aabuso, o ostrasismo. Hinihikayat nito ang iba’t ibang tao na mamuhay nang sama-sama taglay ang pagmamahal bilang Kristiyano anuman ang paniniwala sa relihiyon, lahi, nasyonalidad, katayuan sa buhay, edukasyon, o kultura.

Iniutos sa atin ng Tagapagligtas na mahalin ang isa’t isa gaya ng pagmamahal niya sa atin; damitan ang ating sarili ng “bigkis ng pag-ibig sa kapwa-tao” (D at T 88:125), tulad niya na dinamitan nang gayon ang sarili. Inuutusan tayong padalisayin ang kalooban, baguhin ang ating puso, iayon ang ating kilos at anyo sa sinasabi nating pinaniniwalaan at nadarama natin. Dapat tayong maging tunay na mga disipulo ni Cristo.11

6

Ang magmahal sa iba ay “higit na mabuting paraan.”

Noong binata pa si Brother Vern Crowley, sinabi niya na may natutuhan siyang napakahalagang aral na itinuro ni Propetang Joseph sa unang mga Banal sa Nauvoo nang sabihin nito sa kanila na “kailangan nating … mahalin [ang iba], maging ang ating mga kaaway at kaibigan.” Iyan ay mabuting aral para sa bawat isa sa atin.

Matapos magkasakit ang kanyang ama, napunta kay Vern Crowley ang responsibilidad na magpatakbo ng kanilang wrecking yard kahit siya ay labinlimang taong gulang lamang. May ilang parukyano na paminsan-minsa’y nananamantala sa binata, at madalas magkawalaan ng mga piyesa ng makina sa lote kapag gabi na. Galit na galit si Vern at isinumpa niya na pipilitin niyang may mahuli siya at ipakita sa iba ang gagawin niya rito. Maghihiganti siya.

Noong papagaling na sa sakit ang kanyang ama, nag-ikut-ikot si Vern sa bakuran isang gabi sa oras ng pagsasara. Papadilim na noon. Sa isang malayong sulok ng bakuran, napansin niya ang isang tao na may dalang malaking piyesa ng makina papunta sa bakod sa likuran. Tumakbo siya na parang atletang kampeon at hinuli ang binatilyong magnanakaw. Ang una niyang naisip ay ibuhos ang kanyang inis sa pagsuntok sa binata at kaladkarin ito sa harapan ng opisina at tumawag ng pulis. Punung-puno ng galit at paghihiganti ang kanyang puso. Nahuli na niya ang magnanakaw, at gusto niyang gantihan ito.

Biglang sumulpot ang ama ni Vern, ipinatong ang nanghihina pa nitong kamay sa balikat ng anak at sinabi “Alam kong galit ka, Vern. Puwede bang ako na ang bahala rito?” Pagkatapos ay nilapitan niya ang binatilyong nagtangkang magnakaw at inakbayan ito, sandaling tiningnan ito sa mata, at sinabi, “Iho, sabihin mo sa akin, bakit mo ginagawa ito? Bakit gusto mong nakawin ang transmission na iyan?” Pagkatapos ay sinimulan ni Mr. Crowley ang paglakad papunta sa opisina habang nakaakbay sa binata at nagtatanong tungkol sa problema ng sasakyan nito habang naglalakad sila. Nang makarating na sila sa opisina, sinabi ng ama, “Ah, palagay ko sira na ang clutch mo kaya ka nagkaproblema.”

Samantala, nanggagalaiti na sa galit si Vern. “Ano ang pakialam ko sa clutch niya?” naisip niya. “Tumawag na po tayo ng pulis para matapos na ito.” Ngunit patuloy pa rin sa pagsasalita ang kanyang ama. “Vern, ikuha mo siya ng clutch. Ikuha mo rin siya ng throwout bearing. At saka pressure plate. Maaayos na niyan ang kotse.” Iniabot ng ama ang lahat ng piyesa sa binata na nagtangkang magnakaw at sinabi, “Kunin mo ang mga ito. At heto pa ang transmission. “Hindi mo kailangang magnakaw, iho. Humingi ka lang. May solusyon sa bawat problema. Handang tumulong ang mga tao.”

Ayon kay Brother Vern Crowley natutuhan niya ang isang di-malilimutang aral tungkol sa pagmamahal nang araw na iyon. Madalas nang nagpabalik-balik sa lote ang binata mula noon. Buwan-buwan, kusa niyang binayaran ang lahat ng piyesang ibinigay sa kanya ni Vic Crowley, pati na ang transmission. Sa mga pagpuntang iyon, tinanong niya si Vern kung bakit ganoon ang ugali ng kanyang ama at bakit niya ginawa iyon. Sinabi ni Vern ang ilan sa mga paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw at kung gaano kamahal ng kanyang ama ang Panginoon at ang mga tao. Kalaunan ay nabinyagan ang muntik nang maging magnanakaw. Sinabi ni Vern kalaunan, “Mahirap na ngayong ilarawan ang nadama ko at ang pinagdaanan ko sa karanasang iyon. Bata pa rin ako noon. Nahuli ko ang magnanakaw. Ipapataw ko na dapat ang pinakamatinding parusa. Ngunit ibang paraan ang itinuro sa akin ng aking ama.”

Ibang paraan? Mas mainam na paraan? Mas mataas na paraan? Higit na mabuting paraan? Makikinabang nang lubos ang mundo sa napakagandang aral na ito sa buhay. Tulad ng ipinahayag ni Moroni:

“Kaya nga, sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam. …

“Subalit sa paghahandog ng kanyang Anak, ang Diyos ay naghanda ng higit na mabuting paraan.” (Eter 12:4, 11.)12

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Ano ang ibig sabihin ni Pangulong Hunter nang tukuyin niya ang dalawang dakilang utos bilang “touchstone ng Panginoon”? (Tingnan sa bahagi 1.) Pag-isipan kung paano ninyo sasagutin ang mga tanong ni Pangulong Hunter sa pagtatapos ng bahagi 1.

  • Repasuhin ang salaysay ni Pangulong Hunter tungkol sa mabuting Samaritano (tingnan sa bahagi 2). Ano ang matututuhan natin mula sa mga turong ito tungkol sa pagmamahal sa ating kapwa? Paano natin mapag-iibayo ang pagmamahal natin sa mga yaong “mahirap mahalin”?

  • Sa bahagi 3, itinuturo ni Pangulong Hunter na dapat nating mahalin at paglingkuran ang iba sa mga oras ng kanilang mga pagdurusa. Paano kayo napagpala ng isang taong nagmahal at naglingkod sa inyo sa oras ng pangangailangan?

  • Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa pagtulad sa halimbawa ng pag-ibig sa kapwa-tao ng Tagapagligtas (tingnan sa bahagi 4). Paano tayo magkakaroon ng ibayong pagmamahal sa iba? Paano tayo higit na makapagpapakita ng pagmamahal?

  • Sa bahagi 5, nirepaso ni Pangulong Hunter ang ilang paraan na naipakita ni Cristo ang Kanyang pagmamahal. Kailan ninyo nadama ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa inyong buhay? Anong mga pagpapala ang dumating sa inyo nang “[magpakita] kayo ng dalisay na pag-ibig ni Cristo”?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa kuwento ni Pangulong Hunter tungkol kay Vern Crowley? (Tingnan sa bahagi 6.) Paano natin mapapalitan ng pagmamahal sa kapwa ang nararamdaman nating “galit at paghihiganti”? Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo na matutuhan na ang pag-ibig sa kapwa-tao ay isang “higit na mabuting paraan”?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mateo 25:31–46; I Mga Taga Corinto 13; Mga Taga Efeso 4:29–32; I Ni Juan 4:20; Mosias 4:13–27; Alma 34:28–29; Eter 12:33–34; Moroni 7:45–48; D at T 121:45–46

Tulong sa Pag-aaral

“Ang paggawa ayon sa iyong natutuhan ay magdudulot ng karagdagan at matatag na kaalaman (tingnan sa Juan 7:17)” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 21). Isiping itanong sa inyong sarili kung paano ninyo maipamumuhay ang mga turo ng ebanghelyo sa tahanan, sa trabaho, at sa inyong mga responsibilidad sa Simbahan.

Mga Tala

  1. “The Gifts of Christmas,” Ensign, Dis. 2002, 18.

  2. John S. Welch, sa Eleanor Knowles, Howard W. Hunter (1994), 119.

  3. Betty C. McEwan, “My Most Influential Teacher,” Church News, Hunyo 21, 1980, 2.

  4. Carolyn Sessions Allen, sa “Loved by All Who Knew Him: Stories from Members,” Ensign, Abr. 1995, 20.

  5. Sa Thomas S. Monson, “President Howard W. Hunter: A Man for All Seasons,” 33.

  6. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 185.

  7. “The Lord’s Touchstone,” Ensign, Nob. 1986, 34.

  8. “The Lord’s Touchstone,” 34–35.

  9. “The Lord’s Touchstone,” 35.

  10. “A More Excellent Way,” Ensign, Mayo 1992, 61.

  11. “A More Excellent Way,” 61–62.

  12. “A More Excellent Way,” 62.