Kabanata 24
Pagtulad sa Halimbawa ni Jesucristo
“Dapat nating itanong sa ating sarili sa lahat ng pagkakataon, ‘Ano ang gagawin ni Jesus?’ at maging mas matapang na kumilos ayon sa sagot.”
Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter
Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, na naglingkod bilang pangalawang tagapayo kay Pangulong Hunter, na “ipinamuhay niya ang kanyang itinuro, ayon sa halimbawa ng Tagapagligtas na pinaglilingkuran niya.”1
Napansin ng isang malapit na kaibigan na “ang mga katangiang taglay ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ay kalugud-lugod na naipakita sa kahanga-hanga at di-makasariling buhay ni Pangulong Hunter. Lahat ng tao ay kanyang kaibigan.”2
Isa pang kasamahan na nakatrabaho ni Pangulong Hunter nang mahigit tatlong dekada ang nagsabi, “Alam [niya] agad ang landas na tatahakin niya. Ang landas na iyon ay ang tularan ang katangian ng kanyang Tagapagligtas na si Jesucristo.”3
Sa kanyang buong ministeryo, magiliw na hinikayat ni Pangulong Hunter ang mga miyembro ng Simbahan na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Sa kanyang unang pahayag bilang Pangulo ng Simbahan, sinabi niya:
“Inaanyayahan ko ang lahat ng miyembro ng Simbahan na mamuhay nang higit na nakatuon ang pansin sa buhay at halimbawa ng Panginoong Jesucristo, lalo na sa pagmamahal, pag-asa at at awa na Kanyang ipinakita.
“Dalangin ko na nawa’y pakitunguhan natin ang isa’t isa nang may higit na kabaitan, paggalang, kababaang-loob at pagpapasensya at pagpapatawad. Mataas ang inaasahan natin sa isa’t isa, at lahat ay maaaring maging mas mabuti. Ang ating mundo ay nangangailangan ng mas disiplinadong pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Ngunit ang paraan para makahikayat tayo na gawin iyan, tulad ng sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph sa malamig na kulungan sa Liberty Jail, ay sa ‘pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig; … walang pagkukunwari, at walang pandaraya’ (D at T 121:41–42).”4
Mga Turo ni Howard W. Hunter
1
Si Jesucristo ay nagpakita ng perpektong halimbawa para sa atin.
Ang maging isang liwanag ay maging isang huwaran—isang taong nagpapakita ng mabuting halimbawa at isang uliran na tutularan ng iba. … [Nakipagtipan tayo] na susundin si Cristo, ang dakilang huwaran. Tayo ay may tungkuling matuto sa kanya, sa mga bagay na itinuro at ginawa niya noong kanyang ministeryo sa lupa. At dahil natutuhan natin ang mga aral na ito, tayo ay inutusang tularan ang kanyang halimbawa, at narito ang ilan sa mga halimbawa na ipinakita niya sa atin:
1. Si Cristo ay masunurin at magiting sa premortal na buhay, dahil dito nagkaroon siya ng pribilehiyong isilang sa mundo at magkaroon ng katawang may laman at mga buto.
2. Nabinyagan siya upang mabuksan ang pintuan patungo sa kahariang selestiyal.
3. Hawak niya ang priesthood at natanggap ang lahat ng nakapagliligtas at nagpapadakilang mga ordenansa ng ebanghelyo.
4. Si Jesus ay naglingkod ng mga tatlong taon sa pagtuturo ng ebanghelyo, pagpapatotoo sa katotohanan, at pagtuturo sa mga tao kung ano ang dapat nilang gawin para matamo ang kagalakan at kaligayahan sa buhay na ito at walang hanggang kaluwalhatian sa daigdig na darating.
5. Isinagawa niya ang mga ordenansa kabilang na ang mga pagbabasbas sa mga bata, pagbibinyag, pangangasiwa sa maysakit, at mga pag-oorden sa priesthood.
6. Siya ay nagsagawa ng mga himala. Sa kanyang utos, ang bulag ay nakakita, ang bingi ay nakarinig, ang lumpo ay nakalakad, at ang patay ay nabuhay.
7. Sa pakikiisa sa isipan at kalooban ng Ama, si Jesus ay namuhay nang perpekto at walang kasalanan at nakamtan ang lahat ng katangian ng Kabanalan.
8. Nadaig niya ang mundo; napigil niya ang lahat ng silakbo ng damdamin at nadaig ang kamunduhan at kahalayan at dahil diyan namuhay at lumakad siya ayon sa patnubay ng Espiritu.
9. Isinakatuparan niya ang Pagbabayad-sala, at sa gayon ay natubos ang mga tao mula sa [espirituwal at pisikal na] kamatayan na dulot ng pagkahulog ni Adan.
10. Ngayon, nabuhay na mag-uli at niluwalhati, natamo niya ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa, tumanggap ng kaganapan at kaisa ng Ama.
Kung nais nating tularan ang halimbawa ni Cristo at sundan ang kanyang mga yapak, kailangang sikapin nating gawin ang gayon ding mga bagay ayon sa huwarang ipinakita niya.5
Mahalagang alalahanin na si Jesus ay maaaring magkasala, na maaari sana siyang sumuko, na maaari sanang mabigo ang plano ng buhay at kaligtasan, ngunit siya ay nanatiling tapat. Kung walang posibilidad na maaari siyang matukso ni Satanas, wala sanang magiging tunay na pagsubok, wala sanang tunay na tagumpay bilang resulta nito. Kung siya ay inalisan ng posibilidad na magkasala, maaaring inalisan na rin sana siya ng kalayaang pumili. Siya yaong nanindigan para protektahan at tiyakin ang kalayaan ng tao. Hindi niya tinulutan na alisan siya ng kapasidad at kakayahang magkasala kung gustuhin niya.6
Hanggang sa katapusan ng kanyang mortal na buhay, ipinakita ni Jesus ang kadakilaan ng kanyang espiritu at ang katindihan ng kanyang katatagan. Kahit sa pinakahuling sandali ng kanyang buhay, hindi niya inisip ang kanyang sariling kalungkutan o ang mararanasang sakit. Masigasig niyang inasikaso ang mga pangangailangan sa kasalukuyan at hinaharap ng kanyang minamahal na mga tagasunod. Alam niya na ang kanilang kaligtasan, ng bawat isa at ng buong simbahan, ay matatagpuan lamang sa kanilang lubos na pagmamahal sa isa’t isa. Tila ang kanyang buong lakas ay nakatuon sa kanilang mga pangangailangan, kaya ang mga tuntuning itinuro niya ay itinuro niya rin sa pamamagitan ng halimbawa. Siya ay nangusap sa kanila ng kapanatagan at nagbigay ng kautusan at babala.7
Sa kanyang mortal na ministeryo sa kanyang kawan sa Banal na Lupain at sa kanyang ministeryo sa kanyang nakalat na tupa sa Kanlurang bahagi ng daigdig nang siya ay mabuhay na muli, ipinakita ng Panginoon ang kanyang pagmamahal at malasakit sa bawat tao.
Sa kalipunan ng maraming tao, naramdaman niya ang paghipo sa kanyang damit ng isang babae na nagnais na mapagaling sa karamdamang tiniis niya sa loob ng mga labindalawang taon. (Tingnan sa Lucas 8:43–48.) Sa isa pang pagkakataon, nakita niya ang taong mapanghusga at ang kasalanan ng babae na pinararatangan. Marahil naramdaman ang kahandaang magsisi ng babae, pinili ni Cristo na tingnan ang kahalagahan ng isang tao at pinahayo siya at sinabing huwag na siyang magkasala pa. (Tingnan sa Juan 8:1–11.) Sa isa pang pagkakataon, “[kanyang] kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila.” (3 Ne. 17:21; idinagdag ang pagkakahilig ng salita.)
Habang papalapit na ang paghihirap sa Getsemani at Calvario, at maraming bagay na iniisip, napansin pa rin ng Tagapagligtas ang balo na naghulog ng kanyang lepta sa kabang-bayan. (Tingnan sa Marcos 12:41–44.) Gayon din, natanaw niya ang maliit na si Zaqueo na, dahil hindi makakita dahil sa maraming nakapalibot sa Tagapagligtas, ay umakyat sa isang puno ng sikomoro para makita ang Anak ng Diyos. (Tingnan sa Lucas 19:1–5.) Habang nakapako sa krus at dumaranas ng matinding sakit, hindi niya inalintana ang sarili niyang paghihirap at inalala ang tumatangis na babae na nagbigay sa kanya ng buhay. (Tingnan sa Juan 19:25–27.)
Ito ay napakagandang halimbawa na dapat nating tularan! Maging sa gitna ng kanyang matinding kalungkutan at pasakit, ang ating Huwaran ay nagmalasakit upang pagpalain ang iba. … Ang kanyang buhay ay hindi nakatuon sa mga bagay na wala sa kanya. Ang buhay niya ay puno ng paglilingkod sa iba.8
2
Sundin natin ang Anak ng Diyos sa lahat ng bagay at aspeto ng ating buhay.
Isa sa mga pinakamahalagang tanong sa mga tao ay itinanong mismo ng Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Sa isang grupo ng mga disipulo sa Bagong Daigdig, isang grupo na sabik na maturuan niya at lalo pang nasabik dahil di-magtatagal lilisanin niya sila, ay itinanong niya, “Anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” At sa pagkakataon ding iyon ay ganito ang isinagot niya: “Maging katulad ko” (3 Ne. 27:27).
Ang mundo ay puno ng mga taong handang magsabi sa atin ng, “Gawin mo ang sinasabi ko.” Hindi tayo nagkukulang ng mga taong nagpapayo tungkol sa lahat ng paksa. Ngunit iilan lang ang handang magsabi ng, “Gawin mo ang ginagawa ko.” At, mangyari pa, Isang Tao lamang sa kasaysayan ng sangkatauhan ang may karapatan at katwirang sabihin iyan. Maraming huwarang kalalakihan at kababaihan ang makikita sa kasaysayan, ngunit maging ang pinakamahusay na tao ay may kahinaan sa ilang aspeto o sa iba pa. Walang sinumang maituturing na perpektong huwaran o hindi nagkakamaling huwaran na tutularan, gaano man kabuti ang kanilang hangarin.
Tanging si Cristo ang ating huwaran, ang ating “maningning na tala sa umaga” (Apoc. 22:16). Siya lamang ang makapagsasabi nang walang anumang pasubali, “Sumunod sa akin, mag-aral kayo sa akin, [at] ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin. Uminom ng aking tubig at kumain ng aking tinapay. Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Ako ang batas, at ang ilaw. Tumingin kayo sa akin at kayo ay mabubuhay. Kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa” (tingnan sa Mat. 11:29; 16:24; Juan 4:13–14; 6:35, 51; 7:37; 13:34; 14:6; 3 Ne. 15:9; 27:21).
Iyan ay malinaw at maliwanag na paanyaya! Iyan ay tiyak at mabuting halimbawa sa panahon ng kawalang-katiyakan at kawalan ng mabuting halimbawa. …
… Dapat tayong magpasalamat na isinugo ng Diyos ang kanyang Bugtong na Anak sa mundo … upang magpakita ng sakdal na halimbawa ng matwid na pamumuhay, ng kabaitan at awa at habag, nang sa gayon malaman ng buong sangkatauhan kung paano mamuhay, kung paano magpakabuti, at malaman kung paano maging mas tulad ng Diyos.
Sundin natin ang Anak ng Diyos sa lahat ng bagay at aspeto ng ating buhay. Gawin natin siyang ating huwaran at ating gabay. Dapat nating itanong sa ating sarili sa lahat ng pagkakataon, “Ano ang gagawin ni Jesus?” at maging mas matapang na kumilos ayon sa sagot. Dapat nating sundin si Cristo, sa tunay na kahulugan ng salitang iyan. Dapat nating gawin ang ipinagagawa niya tulad niya na ginawa ang ipinagagawa ng Ama, gaya sa kinakanta ng mga bata sa Primary, “Subukang tularan” (Aklat ng mga Awit Pambata, p. 34). Sa abot ng ating makakaya, kailangang gawin natin ang lahat upang maging katulad ni Cristo—isang sakdal at walang kasalanang tao na nabuhay sa mundong ito.9
Sa mortal na ministeryo ng Panginoon paulit-ulit ang kanyang panawagan na kapwa isang paanyaya at isang hamon. Kina Pedro at Andres, sinabi ni Cristo, “Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.” (Mat. 4:19.) Sa isang mayamang binata na nagtanong kung ano ang kailangan niyang gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan, sumagot si Jesus, “Humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha … at pumarito ka, sumunod ka sa akin.” (Mat. 19:21.) At sa bawat isa sa atin, sinabi ni Jesus, “Kung ang sinomang tao’y naglilingkod sa akin, ay sumunod sa akin.” (Juan 12:26.)10
Pag-aralan natin ang bawat itinuro ng Panginoon at lubos na tularan ang kanyang halimbawa. Ipinagkaloob niya sa atin ang “lahat ng bagay na nauukol sa kabuhayan at sa kabanalan.” Siya ay “tumawag sa atin sa … kaluwalhatian at kagalingan” at “ipinagkaloob niya sa atin ang kaniyang mahalaga at napakadakilang pangako; upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi [tayo] sa kabanalang mula sa Dios” (II Ped. 1:3–4).11
Ang mga sumusunod kay Cristo ay naghahangad na tularan ang kanyang halimbawa. Ang kanyang pagdurusa para sa ating mga kasalanan, mga pagkukulang, kalungkutan, at karamdaman ay maghihikayat sa atin na tumulong din nang may pag-ibig at habag sa mga nakapaligid sa atin. …
… Maghanap ng mga pagkakataon na makapaglingkod. Huwag pakaisipin ang magiging posisyon ninyo. Naaalala ba ninyo ang payo ng Tagapagligtas tungkol sa mga taong naghahangad ng “pangulong dako” o “pangulong luklukan”? “Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.” (Mat. 23:6, 11.) Importante ring mapahalagahan. Ngunit ang dapat nating pagtuunan ay ang kabutihan, at hindi ang pagkilala; ang paglilingkod, at hindi ang posisyon. Ang matapat na visiting teacher, na tahimik na ginagawa ang kanyang tungkulin buwan-buwan, ay mahalaga rin sa gawain ng Panginoon tulad ng mga taong itinuturing ng ilan na nasa mas matataas na posisyon sa Simbahan. Ang katanyagan ay hindi makapapantay sa mabubuting gawa.12
3
Ang ating kaligtasan ay nakabatay sa ating katapatang sundin ang Tagapagligtas.
Ang paanyaya ng Panginoon na sundin siya ay indibiduwal at personal, at ito ay nakahihikayat. Hindi tayo maaaring nasa gitna ng dalawang opinyon. Bawat isa sa atin ay kailangang harapin ang mahalagang tanong na: “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?” (Mat. 16:15.) Ang ating personal na kaligtasan ay nakabatay sa sagot natin sa tanong na iyan at sa ating katapatan sa sagot na iyan. Ang inihayag na sagot ni Pedro ay “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na Buhay” (Mat. 16:16). Napakaraming saksi ang makapagbibigay ng gayon ding sagot nang may gayon ding kapangyarihan, at nakikiisa ako sa kanila sa mapagpakumbabang pasasalamat. Ngunit kailangang sagutin ng bawat isa sa atin ang tanong para sa ating sarili—kung hindi man ngayon, kalaunan; sapagkat sa huling araw, ang bawat tuhod ay magsisiluhod, at ang bawat dila ay magtatapat na si Jesus ang Cristo. Ang hamon sa atin ay sumagot nang tama at mamuhay alinsunod dito bago pa mahuli ang lahat. Dahil si Jesus ang tunay na Cristo, ano ang dapat nating gawin?
Ang dakilang sakripisyo ni Cristo ay lubos na magpapala sa ating buhay kung atin lamang tatanggapin ang paanyaya na sundin siya [tingnan sa D at T 100:2]. Ang paanyayang ito ay mahalaga, makatotohanan, o posibleng magawa. Ang sundin ang isang tao ay nangangahulugang tingnan siya o pakinggan siyang mabuti; tanggapin ang kanyang awtoridad, tanggapin siya bilang lider, at sundin siya; suportahan at isulong ang kanyang mga ideya; at tularan siya. Maaaring tanggapin ng bawat isa sa atin ang hamong ito. Sinabi ni Pedro, “si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya” (I Ped. 2:21). Tulad ng mga turo na ang hindi naaayon sa doktrina ni Cristo ay mali, ang buhay rin na hindi naaayon sa halimbawa ni Cristo ay lihis, at maaaring hindi makamtan ang mataas na potensyal na tadhana nito. …
Ang kabutihan ay dapat magsimula sa ating sariling buhay. Dapat itong isama sa pamumuhay ng pamilya. Responsibilidad ng mga magulang na sundin ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo at ituro ang mga ito sa kanilang mga anak [tingnan sa D at T 68:25–28]. Ang relihiyon ay dapat maging bahagi ng ating buhay. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang dapat maghikayat sa lahat ng ginagawa natin. Kailangang may higit na pagsisikap sa puso natin upang matularan ang dakilang halimbawang ipinakita ng Tagapagligtas kung nais nating maging higit na katulad niya. Napakalaking hamon nito sa atin.13
Kung itutulad natin ang ating buhay sa Panginoon, at gagamitin ang Kanyang mga turo at halimbawa bilang sukdulang huwaran ng ating buhay, hindi tayo mahihirapan na maging matatag at matapat sa bawat aspeto ng ating buhay, dahil magiging tapat tayo sa iisang sagradong pamantayan ng pag-uugali at paniniwala. Nasa tahanan man o pamilihan, sa eskuwelahan o tapos na sa pag-aaral, mag-isa man tayong gumagawa o kasama ang maraming tao, ang tatahakin natin ay magiging malinaw at makikita ang ating mga pamantayan. Matibay nating ipapasiya, tulad ng sinabi ni Propetang Alma, na “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan.” (Mosias 18:9.)14
4
Dapat nating bigyang-puwang si Cristo sa ating puso.
Noong gabing iyon sa Betlehem ay wala nang lugar para sa kanya sa bahay-tuluyan, at hindi lamang iyon ang pagkakataon sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon ng kanyang buhay sa mortalidad na walang lugar para sa kanya. Nagpadala si Herodes ng mga kawal sa Betlehem upang paslangin ang mga bata. Walang lugar para kay Jesus sa lupang pinamamahalaan ni Herodes, kaya isinama siya ng kanyang mga magulang sa Egipto. Sa kanyang ministeryo, maraming tao ang hindi nagbigay-puwang para sa kanyang mga turo—walang puwang para sa ebanghelyo na itinuro niya. Walang puwang para sa kanyang mga himala, para sa kanyang mga pagpapala, para sa mga banal na katotohanang sinabi niya, at para sa kanyang pagmamahal o pananampalataya. Sinabi niya sa kanila, “May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo” (Mateo 8:20).
Maging sa ating panahon, kahit dalawang libong taon na ang nakalipas, ganoon pa rin ang sinasabi ng marami tungkol sa sinabi noong gabing iyon sa Betlehem. “Wala nang lugar” (tingnan sa Lucas 2:7). May lugar para sa mga handog, ngunit kung minsan ay walang lugar para sa tagapagbigay. May puwang para sa komersyalismo kapag Pasko at maging sa paglilibang sa araw ng Sabbath, ngunit may mga pagkakataon na walang puwang para sa pagsamba. Puno ang ating isipan ng iba pang mga bagay—wala nang puwang para sa iba.15
Bagama’t magandang masdan ang mga ilaw ng Kapaskuhan … , mas mahalagang magliwanag ang buhay ng tao sa pagtanggap sa kanya na siyang ilaw ng sanlibutan [tingnan sa Alma 38:9; D at T 10:70]. Talagang kailangan natin siyang tanggapin bilang ating gabay at huwaran.
Sa bisperas ng kanyang pagsilang, nag-awitan ang mga anghel, “At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:14). Kung tutularan ng tao ang kanyang halimbawa, ang mundo ay mapupuno ng kapayapaan at pagmamahal sa lahat ng tao.16
Ano ang ating responsibilidad ngayon bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? Ito ay ang tiyakin na nakikita sa salita at kilos ng buhay ng bawat isa sa atin ang ebanghelyo ayon sa itinuro ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Lahat ng ginagawa at sinasabi natin ay kailangang nakaayon sa halimbawa ng isang taong hindi nagkasala na nabuhay sa mundong ito, maging si Jesucristo.17
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Repasuhin ang maraming paraan na nagpakita ng halimbawa para sa atin ang Tagapagligtas, tulad ng nakasaad sa bahagi 1. Paano nakaapekto sa inyo ang halimbawa ng Tagapagligtas? Ano ang matututuhan natin sa Kanyang mga halimbawa sa huling bahagi ng Kanyang mortal na buhay?
-
Pinayuhan tayo ni Pangulong Hunter na, “itanong sa ating sarili, ‘Ano ang gagawin ni Jesus?’ at maging mas matapang na kumilos ayon sa sagot” (bahagi 2). Isipin kung paano kayo mas magiging matapang sa pagtulad sa halimbawa ng Tagapagligtas Paano natin maituturo ang alituntuning ito sa ating pamilya?
-
Anong mga turo sa bahagi 3 ang nakatulong sa atin na maunawaan ang tungkol sa pagsunod kay Jesucristo? Paano magiging iba ang buhay ninyo kung wala sa inyo ang impluwensya ng mga turo at halimbawa ng Tagapagligtas? Paano natin higit na gagawing bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay ang ating relihiyon?
-
Pagnilayan ang sinabi ni Pangulong Hunter tungkol sa “walang lugar o walang puwang” para sa Tagapagligtas (tingnan sa bahagi 4). Paano natin mas mabibigyang-puwang ang Tagapagligtas sa buhay natin? Paano kayo napagpala ng higit na pagbibigay-puwang para sa Kanya?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mateo 16:24–27; Juan 10:27–28; 14:12–15; I Ni Pedro 2:21–25; 2 Nephi 31:12–13; 3 Nephi 12:48; 18:16; 27:20–22; D at T 19:23–24
Tulong sa Pagtuturo
Bigyan ng himnaryo ang bawat isa. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap at magbahagi ng isang himno na nauugnay sa partikular na talata na nabasa nila sa kabanata.