Kabanata 16
Pag-aasawa—Isang Walang-Hanggang Pagsasamahan
“Ang pinakadakilang pagsasamahan sa buhay na ito ay sa mag-asawa—ang ugnayang tumatagal at walang-hanggan ang kahalagahan.”
Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter
Noong 20 anyos si Howard W. Hunter, nakilala niya si Claire Jeffs sa sayawan sa Simbahan sa Los Angeles, California, nang dumalo ito kasama ang isa sa kanyang mga kaibigan. Matapos ang sayawan, ilan sa mga dalaga’t binata ang nagtampisaw sa tabing-dagat. Nawala ang kurbata ni Howard, at nagboluntaryo si Claire na tulungan siyang hanapin ito sa dalampasigan. Sabi ni Howard kalaunan, “Nang sumunod na lumabas kami, si Claire na ang kasama ko, at iba naman ang kasama ng [kaibigan ko].”1
Nang sumunod na taon naging seryoso na ang pagdedeyt nila, at isang gabi ng tagsibol halos tatlong taon mula nang magkakilala sila, dinala ni Howard si Claire sa isang magandang lugar kung saan tanaw ang karagatan. “[Minasdan] namin ang pagdaluyong ng mga alon mula sa Pasipiko at paghampas sa mga bato sa ilalim ng liwanag ng bilog na buwan,” isinulat niya. Nang gabing iyon inalok ni Howard ng kasal si Claire, at tinanggap naman nito. “Pinag-usapan namin ang aming mga plano,” sabi niya, “[at] pinagpasiyahan ang maraming bagay, lalo na ang tungkol sa aming buhay.”2
Sina Howard at Claire ay ikinasal sa Salt Lake Temple noong Hunyo 10, 1931. Sa sumunod na 52 taon, lumalim ang kanilang pagmamahalan habang nagpapalaki sila ng kanilang mga anak na lalaki, naglilingkod sa Simbahan, at tiwalang humaharap sa mga hamon ng buhay.
Kitang-kita sa kanilang pamilya ang masaya nilang pagsasama bilang mag-asawa. Si Robert Hunter, ang kanilang panganay na apong lalaki, ay nagsabi: “Kapag iniisip ko si Grandpa Hunter, wala akong ibang mas naiisip kundi ang halimbawa ng isang mapagmahal na asawa. … Makikita mo talagang nabibigkis sila ng pagmamahal.”3
Ang pagmamahal ni Pangulong Hunter sa kanyang asawa ay lalong napatunayan nang magkasakit ito nang malubha at alagaan niya ito sa huling dekada ng buhay nito. Ang pagpanaw ni Claire noong Oktubre 9, 1983, ay “matinding dagok” kay Pangulong Hunter.4 Isinulat niya na sa pag-uwi niya ng bahay noong araw na mamatay ito, “parang napakapanglaw ng bahay, at habang naglalakad-lakad ako, lahat ng bagay ay nagpapaalala sa akin sa kanya.”5
Pagkaraan ng halos pitong taon na nag-iisa, pinakasalan ni Pangulong Hunter si Inis Stanton noong Abril 1990. Si Pangulong Gordon B. Hinckley ang nagkasal sa kanila sa Salt Lake Temple. Si Inis ang pinagkuhanan ni Pangulong Hunter ng kapanatagan at lakas habang naglilingkod siya bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol at bilang Pangulo ng Simbahan. Sinamahan niya siya sa halos lahat ng kanyang paglalakbay para makahalubilo ang mga Banal sa buong mundo.
Sinabi ni Elder James E. Faust ng Korum ng Labindalawa ang pagpapalang naibigay ni Inis kay Pangulong Hunter: “Nang pumanaw si [Claire], napakalungkot na panahon iyon na tumagal nang maraming taon hanggang sa pakasalan niya si Inis. Marami silang pinagsamahan na napakasasayang alaala at karanasan.” Pagkatapos, patungkol kay Sister Hunter, sinabi niya, “Hindi kayang maipahayag ng mga salita ang pasasalamat namin sa iyo, Inis, dahil lagi kang nariyan sa kanyang tabi at inalaagan mo siya nang buong pagmamahal at katapatan. Nagdulot ka ng ningning sa kanyang mata at galak sa pinakahuling mga taon ng kanyang buhay at ministeryo.”
Mga Turo ni Howard W. Hunter
1
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos at nilayong maging walang hanggan.
Ipinaliwanag sa atin ng Panginoon ang kasal. Sinabi Niya “Dahil dito’y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman” (Mateo 19:5).7
Ang pinakadakilang pagsasama sa buhay na ito ay sa mag-asawa—ang ugnayang tumatagal at walang-hanggan ang kahalagahan.8
Nalalaman ang tungkol sa plano ng kaligtasan bilang isang pundasyon, itinuturing ng isang lalaking maytaglay ng priesthood ang kasal bilang sagradong pribilehiyo at obligasyon. Hindi makabubuti para sa lalaki o sa babae na mag-isa. Ang lalaki ay hindi ganap kung walang katuwang na babae. Ni hindi nila ganap na magagampanan ang layunin ng paglikha sa kanila kung wala ang isa (tingnan sa I Cor. 11:11; Moises 3:18). Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos (tingnan sa D at T 49:15–17 Tanging sa pamamagitan lamang ng bago at walang hanggang tipan ng kasal nila matatamo ang kabuuan ng walang hanggang mga pagpapala (tingnan sa D at T 131:1–4; 132:15–19).9
Ang kasal ay kadalasang tinutukoy na pakikipagtuwang sa Diyos. Hindi lamang ito matalinghagang salita. Kapag ang pakikipagtuwang na ito ay pananatilihing matibay at masigla, mamahalin ng lalaki at babae ang isa’t isa gaya ng pagmamahal nila sa Diyos, at darating sa kanilang tahanan ang kagiliwan at pagmamahal na magdudulot ng walang hanggang tagumpay.10
Ang unang kasal ay isinagawa ng Panginoon. Ito ay kasal na pangwalang-hanggan dahil hindi saklaw ng panahon ang naganap na seremonyang iyan. Isinagawa ang seremonya para sa mag-asawa na noon ay hindi saklaw ng kamatayan; kaya, sa gayong kalagayan ang ugnayan ay hindi kailanman magwawakas. Matapos ang pagkahulog, ang una nating mga magulang ay itinaboy mula sa Halamanan. Dahil dito ay saklaw na sila ng kamatayan, ngunit ipinangako sa kanila ang pagkabuhay na mag-uli. Hindi kailanman sinabi sa kanila na ang kanilang walang-hanggang kasal ay dapat nang magwakas.11
Sa templo tumatanggap tayo ng pinakamataas na ordenansa para sa kalalakihan at kababaihan, ang pagbubuklod ng mga mag-asawa para sa kawalang-hanggan. Umaasa kami na ang ating mga kabataan ay mimithiing sa templo lang maikasal.12
Tulad ng binyag na isang utos ng Panginoon, gayundin ang kasal sa templo. Tulad ng binyag na mahalaga para mapabilang sa simbahan, gayundin ang kasal sa templo ay mahalaga sa ating kadakilaan sa piling ng Diyos. Bahagi iyan ng ating tadhana. Hindi natin maisasakatuparan ang ating pinakadakilang hangarin kung wala ito. Huwag hayaang hindi ito ang matamo.
Hindi ninyo tatanggapin na kayo ay mabinyagan ayon sa gusto ng mundo, ‘di ba? Ang Diyos ay may paraan ng pagbibinyag—sa pamamagitan ng paglulubog ng isang maytaglay na awtoridad. Kung gayon tatanggapin ba ninyo ang uri ng kasal na iniaalok ng mundo? Mayroon din siyang paraan para sa kasal: Ito ay kasal sa templo.13
Dalangin ko na pagpapalain tayo ng Panginoon na maunawaan ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay at ano ang dapat nating gawin para mahanap ang daan tungo sa ating kadakilaan at buhay na walang hanggan. Bahagi ng walang hanggang plano ang kasal na itinuturing nating sagrado. Kung handa tayong sumunod, ang mga ordenansa ay mananatili magpakailanman. Napakadakilang bagay na magkaroon ng ganitong pag-unawa at mahayagan ng mga katotohanang ito.14
2
Kapag nagpapasiya kung sino ang pakakasalan, magtiyaga, manalig, at manatiling karapat-dapat sa pagtanggap ng tulong ng langit.
Palagay ko ang pinakamalaking desisyong dapat ninyong gawin … ay ang desisyon na huhubog sa inyong buhay sa kawalang-hanggan, at iyan ay ang inyong kasal. Tiyak ko na sasang-ayon kayo sa akin na ito ay magiging higit na mahalaga kaysa anumang bagay na ginagawa ninyo sa buhay, dahil ang inyong gawain at inyong propesyon o anumang gagawin ninyo ay hindi kasinghalaga ng walang hanggang pinahahalagahang ito. … [Ang desisyon tungkol sa kasal ay] makakaapekto sa inyo sa kawalang-hanggan; makakaapekto din ito sa inyo habang kayo ay nabubuhay dito sa mundo.15
Huwag … kayong magmadaling makipagrelasyon nang walang wastong pagsasaalang-alang at inspirasyon. Mapanalanging hangarin ang patnubay ng Panginoon sa bagay na ito. Manatiling karapat-dapat sa pagtanggap ng tulong ng langit.16
Marami sa inyo … ang nag-aalala tungkol sa pagligaw, pag-aasawa, at pagbuo ng pamilya. Marahil hindi ninyo makikita ang pangalan ng inyong mapapangasawa sa pangitain ni Nephi o sa aklat ng Apocalipsis; at malamang hindi ito sasabihin sa inyo ng isang anghel o maging ng bishop ninyo. May ilang bagay na dapat pagsikapan ninyo mismo. Manampalataya at sumunod, at darating ang mga pagpapala. Maging matiyaga. Huwag ninyong hayaan ang bagay na wala kayo na hadlangan kayong makita ang bagay na mayroon kayo. Kung labis ninyong inaalala ang tungkol sa pag-aasawa, baka mawala ang mismong posibilidad na makapag-asawa kayo. Mamuhay nang lubos at tapat nang nag-iisa bago ninyo problemahin kung paano mamuhay nang may asawa.17
Habang naghihintay sa ipinangakong mga pagpapala, huwag magpalipas ng oras, dahil ang hindi pagsulong ay para na ring pag-urong na umunlad. Maging sabik sa paggawa ng mabuti, kabilang na ang para sa inyong sarili.18
3
Walang mga pagpapalang ipagkakait sa mga karapat-dapat na taong walang asawa.
Ito ay simbahan ni Jesucristo, hindi simbahan ng mga may-asawa o walang asawa o iba pa mang grupo o tao. Ang ebanghelyong itinuturo natin ay ang ebanghelyo ni Jesucristo, na kinapapalooban ng lahat ng nakapagliligtas na ordenansa at tipan na kailangan para iligtas at dakilain ang bawat tao na handang tanggapin si Cristo at sundin ang mga utos na ibinigay niya at ng ating Ama sa Langit.
Walang mga pagpapala, pati na ang walang hanggang kasal at walang hanggang pamilya, ang ipagkakait sa sinumang karapat-dapat na tao. Bagama’t maaaring magtagal nang kaunti—marahil maging lampas pa sa buhay na ito—bago makamit ng ilang tao ang pagpapalang ito, hindi ito ipagkakait. …
Ngayon, maaari bang bigyan ko kayo ng kaunting payo at mga salita ng pagmamahal.
Sa inyong mga binata: Huwag ninyong ipagpaliban ang pag-aasawa dahil lang sa hindi pa matatag ang trabaho ninyo at pananalapi. … Alalahanin na bilang maytaglay ng priesthood ay obligasyon ninyo na manguna sa paghahanap ng makakasama nang walang hanggan.
Sa inyong mga dalaga: Ipinangako ng mga propeta ng Diyos noon pa man na kayo ay laging inaalala ng Panginoon; kung kayo ay tapat, lahat ng pagpapala ay mapapasainyo. Ang hindi pagkakaroon ng asawa at pamilya sa buhay na ito ay pansamantala lamang, at ang kawalang-hanggan ay walang katapusan. Ipinaalala sa atin ni Pangulong Benson na “sa tao lang bilang ang panahon. Iniisip ng Diyos ang inyong pananaw na pangwalang-hanggan.” (Ensign, Nob. 1988, p. 97.) Punuin ng mga kapaki-pakinabang at makabuluhang gawain ang inyong buhay.
Kayong nakaranas ng diborsyo: Huwag ninyong hayaang baguhin ng inyong kalungkutan o kabiguan ang paniniwala ninyo sa kasal o sa buhay. Huwag mawalan ng paniniwala sa kasal o huwag hayaang pahinain ng inyong dalamhati ang inyong kaluluwa at wasakin kayo o ang inyong mga minamahal o minahal.
4
Ang matagumpay na pag-aasawa ay nangangailangan ng matinding pagsisikap na ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo.
Ang [pag-aasawa] … ay pag-uugali na natututunan. Ang ating pagpupunyagi, hindi likas na ugali, ang magdudulot ng tagumpay. Lubos na makakatulong ang kabaitan, tunay na pagmamahal, at pagsasaalang-alang para sa kaligayahan at kapakanan ng isa’t isa.
Bago tayo mag-asawa tinitingnan natin ang buhay ayon sa sariling pananaw, ngunit kapag pinasok na natin ang pag-aasawa, isinasaalang-alang na rin natin dito ang pananaw ng iba. Kailangan ang pagsasakripisyo at pakikibagay upang maipakita ang pagtitiwala at pagmamahal.
Madalas na sinasabi na ang maligaya at matagumpay na pag-aasawa ay karaniwang hindi tungkol sa pagpapakasal sa tamang tao kundi ikaw dapat ang tamang tao. Maaaring makita sa estadistika na ang malaking dahilan ng diborsyo ay maling pagpili ng mapapangasawa. Kung ibang tao ang pinakasalan nila, maaaring hindi mangyari ang partikular na problema, ngunit tiyak na may ibang problemang papalit. Ang tamang pagpili ng mapapangasawa ay malaking tulong sa matagumpay na pag-aasawa, subalit ang pagsisikap ng bawat isa na gawin nang lubos ang bahagi nila ay ang pinakamalaking bagay na makakatulong sa tagumpay nito.21
Bagama’t totoong makakamit ng mabubuting mag-asawa ang kadakilaan sa selestiyal na kaharian, ang bawat lalaki at babae na ibinuklod sa walang hanggang ugnayan ay dapat na parehong karapat-dapat sa pagpapalang iyan.
Ang kasal na pangwalang-hanggan ay binubuo ng marapat na lalaki at marapat na babae, na kapwa nabinyagan sa tubig at Espiritu; kapwa nakatanggap ng kani-kanyang endowment sa templo; kapwa nangakong magiging matapat sa Diyos at sa isa’t isa sa kanilang tipan sa kasal; at kapwa tumutupad sa kanilang mga tipan, ginagawa ang lahat ng inaasahan sa kanila ng Diyos.22
Ang pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay nagdudulot ng masayang pagsasama ng mag-asawa. … Kapag naipapamuhay ng dalawang tao ang mga alituntunin ng ebanghelyo, magiging matamis at maligaya ang buhay nilang mag-asawa.23
5
Ang mag-asawa ay dapat magtulungang palakasin ang kasal na nagbubuklod sa kanila.
Pag-unawa at pagtitiyaga sa mga kahinaan
Karamihan sa mag-asawa ay may mga kahinaan. … Minsan ay sinabi ni Richard L. Evans, “Marahil sinuman sa atin ay mapapakitunguhang mabuti ang mga perpektong tao, ngunit ang tungkulin natin ay pakitunguhan ang mga di-perpektong tao” [Richard Evans’ Quote Book (1971), 165]. Nauunawaan natin na sa mag-asawa hindi perpekto ang bawat isa; naghahangad tayo ng perpeksyon at tumatahak tayo sa landas na umaasang makahahanap tayo ng perpeksyon, ngunit dapat ay maunawain tayo, ibinibigay ang pinakamainam nating magagawa, at pinagaganda ang buhay. …
… Sabi sa atin ng Biblia: “Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob” (tingnan sa I Mga Taga Corinto 13:4). Ang ganyang pagmamahal, ang uri ng pagmamahal na hindi binabalewala, hindi winawakasan kung kailan gustuhin at itinatapon na parang plastik kapag hindi na kailangan, kundi hinaharap ang lahat ng hamon ng buhay nang magkasama at magkabuklod ang kalooban, ang pangunahing nagpapaligaya sa tao.24
Pagkakaisa ng puso
Tunay nga na ang pinakamasasayang pagsasama ay kapag ang sakit na dinaramdam mo ay ramdam ko rin, pasakit ko ay pasakit mo rin, tagumpay ko ay tagumpay mo, ang alalahanin ko ay alalahanin mo rin. Ang pagkakaisa ng puso, ng kaluluwa, ng laman ay tila isang pagsubok lalo na ngayon sa mundo na ang tila itinatanong ay: “Ano ang pakinabang ko rito?” Maraming tao ang itinuturing ang kanilang asawa na isang pag-aari lang na ipagmamalaki sa halip na tunay na mamahalin.25
Katapatan sa isip, salita, at gawa
Ang isang lalaking maytaglay ng priesthood ay nagpapakita ng lubos na katapatan sa kanyang asawa at hindi ito binibigyan ng dahilan na pagdudahan ang kanyang katapatan. Ang isang lalaki ay dapat mahalin ang kanyang asawa nang buong puso at pumisan sa kanya at wala nang iba (tingnan sa D at T 42:22–26). Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball:
“Ang mga salitang wala nang iba ay nag-aalis sa sinuman at anuman. Ang asawa kung gayon ang pinakamahalaga sa buhay ng lalaki o babae at anupamang pakikisalamuha o pagtatrabaho o buhay-politika o anupamang hilig o tao o bagay ay hindi dapat humigit sa kanyang asawa” (The Miracle of Forgiveness, Salt Lake City: Bookcraft, 1969, p. 250).
Ipinagbabawal ng Panginoon at ng kanyang simbahan ang kahit anong matalik na ugnayan nang hindi kasal. Nasasaktan sa pagtataksil ng lalaki ang puso ng kanyang asawa at nawawala ang tiwala niya at tiwala ng kanilang mga anak sa kanya (tingnan sa Jacob 2:35).
Maging tapat sa inyong mga tipan sa kasal sa isip, salita, at gawa. Ang pornograpiya, pakikipagharutan, at mahahalay na pag-iisip ay sumisira ng pagkatao at pinahihina ang pundasyon ng masayang pagsasama ng mag-asawa. Bunga nito ang pagkakaisa at tiwala ng mag-asawa ay nasisira. Ang isang taong hindi kinokontrol ang pag-iisip at sa gayo’y nagkakasala ng pakikiapid sa kanyang puso, kung hindi siya magsisisi, ay hindi mapapasakanya ang Espiritu, kundi itatatwa ang pananampalataya at matatakot (tingnan sa D at T 42:23; 63:16).26
Paggiliw at paggalang sa matalik na ugnayan
Huwag ipalit ang pagdodomina o masamang pag-uugali sa magiliw at matalik na ugnayan ninyong mag-asawa. Dahil ang kasal ay inorden ng Diyos, ang matalik na ugnayan ng mag-asawa ay mabuti at marangal sa paningin ng Diyos. Iniutos niya na sila ay maging isang laman at magpakarami at kalatan ang lupa (tingnan sa Moises 2:28; 3:24). Dapat ninyong mahalin ang inyong asawa tulad ng pagmamahal ni Cristo sa Simbahan at pagbibigay ng kanyang sarili para dito (tingnan sa Ef. 5:25–31.)
Ang pagiging magiliw at paggalang—hindi kailanman pagkamakasarili—ang dapat maging gabay na alituntunin sa matalik na ugnayan ng mag-asawa. Ang bawat isa ay dapat na may pang-unawa at madaling makaramdam ng pangangailangan at naisin ng isa’t isa. Ang anumang pagdodomina, mahalay, o di-masupil na pag-uugali sa matalik na ugnayan ng mag-asawa ay kasumpa-sumpa sa Panginoon.
Sinumang lalaki na inaabuso o nilalait ang kanyang asawa sa pisikal o espirituwal ay nakakagawa ng mabigat na kasalanan at kailangang magsisi nang tapat at lubusan. Ang di-pagkakaunawaan ay dapat ayusin nang may pagmamahal at kabaitan at may kapwa pagnanais na magkasundo. Ang lalaki ay dapat kausapin ang kanyang asawa nang may pagmamahal at kabaitan sa tuwina, tinatrato siya nang may lubos na paggalang. Ang pagsasama ng mag-asawa ay parang malambot na bulaklak… at dapat palaging inaalagaan ng magiliw na pananalita at pagmamahal.27
Pakikinig na Mabuti
Maraming problema ang mabilis na malulutas, at maraming mahirap na sitwasyon ang malulunasan, kung uunawain natin na may mga pagkakataong kailangan nating makinig. Sa paaralan natututuhan natin ang aralin kapag nakinig tayo, ngunit hindi tayo natututo kapag hindi tayo nagtuon ng pansin. Sa pag-aasawa hindi tayo lubos na magkakaunawaan maliban na lang kung handa tayong makinig. … Mangyari pa, kailangan nating mag-usap, ngunit dapat nating pakinggan ang pananaw ng isa’t isa upang mas makaunawa tayo nang sapat at matalinong makapagpasiya. Ang pakikinig ay madalas nakakagawa ng kaibhan.28
Pagiging di-makasarili
Ang pagkakaibigan ay hindi magtatagal kung puno ito ng pagkamakasarili. Ang pagsasama ng mag-asawa ay hindi magtatagal kung nakabatay lamang ito sa pisikal na atraksyon, at walang pundasyon ng mas malalim na pagmamahalan at katapatan.29
Nawa kayong mga mag-asawa ay laging alalahanin ang nadama ninyong pag-ibig na humantong sa altar sa bahay ng Panginoon. Nalulungkot ang aming mga puso sa pagkaalam na marami ang nanlamig na ang pag-ibig sa isa’t isa o dahil sa pagkamakasarili o pagkakasala ay nalimutan o binalewala ang mga tipan ng kasal na ginawa nila sa templo. Nakikiusap kami sa mga mag-asawa na mahalin at igalang ang isa’t isa. Tunay nga na lubos kaming umaasa na bawat pamilya ay bibiyayaan ng ina at ama na nagmamahalan, na iginagalang ang isa’t isa, at magkatulong na pinalalakas ang bigkis ng kasal.30
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sa bahagi 1, binigyang-diin ni Pangulong Hunter na ang kasal ay inorden ng Diyos at nilayong maging walang hanggan. Paano nakaapekto ang kaalamang ito sa relasyon ninyo ng inyong asawa? Ano ang ibig sabihin sa inyo ng kasal bilang “pakikipagtuwang sa Diyos”? Paano natin matutulungan ang mga bata at kabataan na maghandang makasal sa templo?
-
Ano ang naiisip at nadarama ninyo habang pinag-aaralan ninyo ang payo ni Pangulong Hunter tungkol sa pagpili ng mapapangasawa? (Tingnan sa bahagi 2.)
-
Paano makakatulong ang mga pangako at payo ni Pangulong Hunter sa bahagi 3 sa mga taong walang asawa? Paano natin maiaangkop ang mensahe ni Pangulong Hunter na “ito ang simbahan ni Jesucristo, hindi simbahan ng mga may-asawa o walang asawa”?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Hunter sa pagsasabi na ang pag-aasawa “ay pag-uugali na natututunan”? (Tingnan sa bahagi 4.) Kailan ninyo nasaksihan na nagdulot ng kaligayahan sa mag-asawa ang pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo? Kung kayo ay may-asawa, isipin ang magagawa ninyo para mas lubos na maipadama ang pagmamahal ninyo sa inyong asawa.
-
Pagnilayan ang payo ni Pangulong Hunter sa bahagi 5. Paano higit na mapagtitiyagaan ng mag-asawa ang kahinaan ng isa’t isa? Paano higit na magkakaroon ang mag-asawa ng “pagkakaisa ng puso”? Paano makapagpapakita ng katapatan ang mag-asawa sa isa’t isa sa isip, salita, at gawa?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Genesis 2:18, 21–24; Jacob 2:27, 31–33; 4 Nephi 1:11; D at T 42:22; Moises 3:19–24; tingnan din sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign, Nob. 2010, 129
Tulong sa Pag-aaral
“Ang pag-aaral mo ng ebanghelyo ay napakaepektibo kapag tinuturuan ka sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Palaging simulan ang pag-aaral mo ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pananalangin na tulungan ka ng Espiritu Santo na matuto” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 20).