Kabanata 9
Ang Batas ng Ikapu
“Ang patotoo sa batas ng ikapu ay nagmumula sa pamumuhay nito.”
Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter
Bago nagpakasal sina Howard W. Hunter at Claire Jeffs, nagpunta si Howard sa kanyang bishop para humingi ng temple recommend. Nagulat siya na sa interbyu, itinanong ng bishop kung kaya niyang itaguyod o suportahan ang asawa at pamilya sa kanyang suweldo. Paggunita ni Howard, “Nang sabihin ko sa kanya kung magkano ang kinikita ko, sinabi niya na kaya siya nag-alinlangan sa kakayahan kong itaguyod ang aking asawa ay dahil sa halaga ng ikapung ibinayad ko.”
Hanggang sa oras na iyon, hindi nagbabayad ng buong ikapu si Howard dahil hindi niya naunawaan ang kahalagahan ng pagbabayad ng buong ikapu. Paliwanag niya, “Dahil hindi naging miyembro ng Simbahan ang aking ama noong nakatira ako sa bahay namin, kahit kailan ay hindi napag-usapan ang ikapu sa aming pamilya at hindi ko naisip ang kahalagahan nito.”
Sinabi ni Howard na habang patuloy silang nag-uusap ng bishop, “sa kanyang magiliw na paraan … itinuro [ng bishop] sa akin ang kahalagahan ng batas at nang sabihin ko sa kanya na mula sa oras na iyon ay magbabayad na ako ng buong ikapu, patuloy niya akong ininterbyu at naglaho ang pag-aalala ko nang punan at pirmahan niya ang recommendation form.”
Nang ikuwento ni Howard kay Claire ang karanasang ito, nalaman niya na lagi pala itong nagbabayad ng buong ikapu. “Napagkasunduan namin na ipamumuhay namin ang batas na ito sa aming pagsasama at uunahin namin ang ikapu,” sabi niya.1
Mga Turo ni Howard W. Hunter
1
Simple lang ang pakahulugan ng Panginoon sa batas ng ikapu.
Ang batas [ng ikapu] sa madaling salita ay “ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo” (D at T 119: 4). Ang ibig sabihin ng tinubo ay kinita, suweldo, dagdag na kita. Ito ang sahod ng isang taong may trabaho, ang kinita mula sa pagpapalakad ng isang negosyo, ang dagdag na kita ng isang taong nagtatanim o gumagawa ng mga produkto, o ang kinita ng isang tao mula sa iba pang pinagmulan. Sinabi ng Panginoon na mananatili itong batas “magpakailanman” katulad noon.2
Tulad ng lahat ng utos at batas ng Panginoon, simple lang [ang batas ng ikapu] kung may katiting tayong pananampalataya. Ang ibig sabihin ng Panginoon, “Ilipat mo nang isang digit pakaliwa ang decimal point sa kinita mo.” Iyan ang batas ng ikapu. Gayon lang iyon kasimple.3
2
Mayroon nang batas ng ikapu sa simula pa lang at hanggang ngayon.
Unang binanggit nang malinaw ang katagang “ikapu” sa Biblia sa kauna-unahang aklat ng Lumang Tipan. Si Abram … ay sinalubong ni Melquisedec, hari ng Salem at saserdote ng Kataas-taasang Diyos. Binasbasan siya ni Melchizedek, at “binigyan siya ni Abram ng ikasangpung bahagi ng buong samsam.” (Gen. 14:20.)
Ilang kabanata kalaunan sa aklat ding iyon, si Jacob, ay gumawa sa Betel ng isang panata sa mga salitang ito: … “Sa lahat ng ibigay mo sa akin ay walang pagsalang ang ikasangpung bahagi ay ibibigay ko sa iyo.” [Gen. 28:20–22.]
Ang ikatlong pagbanggit ay tungkol sa batas ng mga Levita. Nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Moises:
“At lahat na ikasangpung bahagi ng lupain, maging sa binhi ng lupain, o sa bunga ng punong kahoy ay sa Panginoon: magiging banal sa Panginoon.” (Lev. 27: 30.)
Sa ilalim ng batas ng mga Levita ang mga ikapu ay ibinigay sa mga Levita para sa kanilang ikabubuhay, at pinagbabayad naman sila ng ikapu sa natanggap nila tulad ng makikita sa salita ng Panginoon ayon sa tagubilin niya kay Moises:
“Bukod dito’y sasalitain mo sa mga Levita, at sasabihin mo sa kanila, Pagkuha ninyo sa mga anak ni Israel ng ikasangpung bahagi na aking ibinigay sa inyo mula sa kanila na inyong pinakamana, ay inyong ihahandog nga na pinakahandog na itinaas sa Panginoon, ang ikasangpung bahagi ng ikasangpung bahagi.” (Blg. 18:26.)
Malinaw na ipinapahiwatig nito na ang batas ng ikapu ay bahagi ng batas ng mga Levita at binayaran ng lahat ng tao—maging ng mga Levita mismo na inutusang magbayad ng ikapu sa mga ikapung natanggap nila.
May ilan na nagdadahilan na ang batas ng ikapu ay tradisyon lamang ng mga Levita, ngunit pinagtitibay ng kasaysayan na ito ay isang batas para sa lahat noon pa man at hanggang sa ngayon. Mahalaga ito sa batas ni Moises. Umiiral na ito noong una pa man at matatagpuan sa sinaunang batas sa Egipto, sa Babilonia, at matutunton sa buong kasaysayan ng Biblia. Binanggit ito ni Propetang Amos [tingnan sa Amos 4:4] at ni Nehemias na inutusang muling itayo ang mga pader ng Jerusalem [tingnan sa Nehemias 10:37–38; 12:44; 13:5, 12]. Hindi nagtagal pagkatapos niyon ay sinimulan ni Malakias ang mas mahirap na gawaing muling magkaroon ng pananampalataya at sigla ang isang bansa. Sa kanyang sukdulang pagsisikap na hadlangan ang pag-iimbot ng mga taong relihiyoso lamang sa pangalan, pinaratangan niya sila ng krimen laban sa Diyos.
“Nanakawan baga ng tao ang Dios? Gayunma’y ninanakaw[an] ninyo ako. Nguni’t inyong sinasabi: Sa ano ka namin ninakawan? Sa mga ikasangpung bahagi at sa mga handog.
Kayo’y nangagsumpa ng sumpa sapagka’t inyo akong ninakawan, sa makatuwid baga’y nitong buong bansa.
“Dalhin ninyo ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.” (Mal. 3:8–10.) …
Tinapos ng mga salita ni Malakias ang Lumang Tipan sa muling pagtutuon sa batas ng ikapu, na nagpapahiwatig na ang batas na ito na umiral sa simula pa lamang ay hindi pinawalang-bisa kailanman. Samakatwid, nagsimula ang dispensasyon ng Bagong Tipan sa payong ito. …
Di-nagtagal matapos ipanumbalik ang ebanghelyo sa dispensasyong ito, nagbigay ng paghahayag ang Panginoon sa kanyang mga tao sa pamamagitan ng isang propeta sa mga huling araw na nagpapaliwanag sa batas … :
“At pagkatapos nito, yaong mga hiningan ng ikapu ay magbabayad ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo taun-taon; at ito ay mananatiling batas sa kanila magpakailaman, para sa aking banal na pagkasaserdote, wika ng Panginoon.” (D at T 119:4).4
3
Tayo ay nagbibigay ng kaloob at nagbabayad din ng obligasyon sa ating mga ikapu.
Ang ikapu ay batas ng Diyos para sa kanyang mga anak, subalit ang pagbabayad ay lubos na boluntaryo. Sa aspetong ito ay hindi ito naiiba sa batas ng Sabbath o sa alinman sa iba pa niyang mga batas. Maaari tayong tumangging sundin ang anuman dito o lahat ng ito. Ang ating pagsunod ay boluntaryo, ngunit hindi nito ibig sabihin na kapag tumanggi tayong magbayad ay wala nang bisa o binabawi na ang batas.
Kung ang ikapu ay boluntaryo, kaloob ba iyon o pagbabayad ng obligasyon? Malaki ang kaibahan ng dalawa. Ang kaloob ay isang boluntaryong paglilipat ng pera o ari-arian nang walang hinihintay na kapalit. Kusa itong ibinibigay. Walang sinumang may obligasyon na magbigay ng kaloob. Kung ang ikapu ay isang kaloob, maaari nating ibigay ang anumang gusto natin, kahit kailan natin gusto, o hindi na tayo magbigay ng anuman. Ipapantay nito ang ating Ama sa Langit sa isang pulubi sa kalye na mahahagisan natin ng barya kapag naraanan natin.
Itinatag ng Panginoon ang batas ng ikapu, at dahil ito ay batas niya, nagiging obligasyon nating sundin ito kung mahal natin siya at nais nating sundin ang kanyang mga utos at tanggapin ang kanyang mga pagpapala. Sa ganitong paraan nagiging utang ito. Ang taong hindi nagbabayad ng kanyang ikapu dahil may utang siya ay dapat itanong sa kanyang sarili kung wala rin siyang utang sa Panginoon. Sabi ng Panginoon: “Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:33.)
Hindi natin malalakaran nang sabay ang magkabilang direksyon. Hindi natin mapaglilingkuran kapwa ang Diyos at ang kayamanan. Ang taong ayaw tumanggap sa batas ng ikapu ay hindi pa ito talagang sinusubukan. Siyempre may kapalit ito. Kailangang pagtrabahuhan at pag-isipan at pagsikapang ipamuhay ang alinman sa mga batas ng ebanghelyo o alinman sa mga alituntunin nito. …
Maaaring nagbibigay tayo ng isang kaloob at nagbabayad din ng obligasyon sa ating mga ikapu. Ang pagbabayad ng obligasyon ay sa Panginoon. Ang kaloob na ito ay sa ating kapwa-tao para sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Kung taimtim na pagmamasdan ng isang tao ang pagtuturo ng mga missionary, ang programa ng Simbahan sa pagtuturo, ang magandang sistema ng edukasyon, at ang programa ng pagtatayo ng mga bahay-sambahan, matatanto nila na hindi isang pasanin ang magbayad ng ikapu, kundi isang malaking pribilehiyo. Ang mga pagpapala ng ebanghelyo ay ibinabahagi sa marami sa pamamagitan ng ating ikapu.5
4
Ang isang handog sa Panginoon ay dapat magkaroon ng halaga sa nagbibigay.
Sa II Samuel 24:18–25 mababasa natin na hindi maghahandog si David sa Panginoon ng isang bagay na walang halaga sa kanya. Walang dudang ikinatwiran niya na maliban kung may halaga ito sa nagbibigay, hindi ito akma o angkop na ihandog sa Panginoon.
Sinabi ni Cristo na mas mapalad ang magbigay kaysa tumanggap [tingnan sa Ang Mga Gawa 20:35], subalit may ilan na magbibigay lamang kung wala itong halaga sa kanila. Hindi ito ayon sa mga turo ng Panginoon na nagsabing: “Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay [kalimutan ang] kaniyang sarili” (Mateo 16:24).
May ilan na ayaw ipamuhay ang batas ng ikapu dahil sa halaga nito. Salungat ito sa katwiran ni David na hindi maghahandog sa Panginoon maliban kung may halaga ito sa kanya. Ang mga dakilang alituntuning moral na nasa batas ng ikapu ay hindi napapansin ng mga taong hindi nagbabayad ng ikapu, at hindi nila maunawaan ang batas at mga dahilan para dito.6
5
Ang pagbabayad ng ikapu ay naghahatid ng malalaking pagpapala.
Ibinigay ng Panginoon ang batas [ng ikapu]. Kung susundin natin ang kanyang batas, uunlad tayo, ngunit kapag inisip natin na mas mainam ang ating paraan, mabibigo tayo. Kapag naglalakbay ako para sa Simbahan at nakikita ko ang mga resulta ng pagbabayad ng ikapu, napagtitibay ko na hindi ito isang pasanin, kundi isang malaking pagpapala.7
Magbayad ng tapat na ikapu. Ang walang-hanggang batas na ito, na inihayag ng Panginoon at sinusunod ng matatapat na propeta mula noon hanggang ngayon, ay itinuturo sa atin na unahin ang Panginoon sa ating buhay. Maaaring hindi tayo hilingang isakripisyo ang ating tahanan o ating buhay, na tulad ng nangyari sa mga naunang Banal. Hinahamon tayo ngayon na daigin ang ating kasakiman. Nagbabayad tayo ng ikapu dahil mahal natin ang Panginoon, hindi dahil may kakayahan tayong gawin ito. Maaasahan natin na bubuksan ng Panginoon “ang mga dungawan sa langit” (Malakias 3:10) at ibubuhos ang mga pagpapala sa matatapat.8
Sinusunod natin ang alituntunin ng pagbabalik sa Panginoon ng bahagi ng kanyang kabutihan sa atin, at ang bahaging ito ay tinatawag nating ikapu. Ang ikapu … ay lubos na boluntaryo. Maaari tayong magbayad o hindi magbayad ng ikapu. Ang mga nagbabayad, ay tumatanggap ng mga pagpapalang hindi alam ng iba.9
Si Mary Fielding Smith [ay isang] determinadong inang pioneer na asawa at balo ni Patriarch Hyrum Smith, na kapatid ng Propeta. … Isang tagsibol nang buksan ng pamilya ang taguan nila ng patatas, ipinahakot niya sa kanyang mga anak na lalaki ang pinakamagagandang patatas para dalhin sa tithing office.
Sinalubong siya ng isa sa mga clerk sa mga baitang ng hagdan paakyat sa opisina, na [tumutol] nang idiskarga ng mga bata ang mga patatas. “Widow Smith,” sabi niya, na walang dudang naaalala ang mga pagsubok at sakripisyo nito, “nakakahiya namang magbayad ka pa ng ikapu.” … Pinagsabihan niya ito sa pagbabayad ng kanyang ikapu, at ipinahiwatig dito na hindi siya matalino at hindi nag-iisip. …
Tumindig nang tuwid ang maliit na balo at nagsabing, “William, mahiya-hiya ka nga. Pagkakaitan mo ba ako ng pagpapala? Kung hindi ako magbabayad ng aking ikapu, dapat kong asahang ipagkakait sa akin ng Panginoon ang Kanyang mga pagpapala; nagbabayad ako ng ikapu, hindi lamang dahil ito ay batas ng Diyos kundi dahil umaasa akong pagpapalain ako sa paggawa nito. Sa pagsunod dito at sa iba pang mga batas, inaasahan kong uunlad ako at masusustentuhan ko ang pamilya ko.” (Joseph Fielding Smith, Life of Joseph F. Smith [Salt Lake City, 1938], 158–59.)10
Ang alituntunin ng ikapu ay dapat higit pa sa pagsunod sa batas nang walang damdamin at hindi nag-iisip. Isinumpa ng Panginoon ang mga Fariseo dahil wala sa loob nila ang pagbabayad nila ng mga halamang ikapu at hindi iniisip na ito ay espirituwal [tingnan sa Mateo 23:23]. Kung nagbabayad tayo ng ating ikapu nang dahil sa pagmamahal natin sa Panginoon, nang may lubos na kalayaan at pananampalataya, pinakikitid natin ang ating distansya sa kanya at nagiging mas personal ang ating kaugnayan sa kanya. Lumalaya tayo sa pagkaalipin sa legalidad ng batas, at naaantig tayo ng espiritu at nadarama natin na kaisa tayo ng Diyos.
Ang pagbabayad ng ikapu ay nagpapalakas ng pananampalataya, nagdaragdag ng espirituwalidad at espirituwal na kakayahan, at nagpapatatag ng patotoo. Nasisiyahan tayong malaman na sinusunod natin ang kalooban ng Panginoon. Naghahatid ito ng mga pagpapalang nagmumula sa pagbabahagi sa iba sa pamamagitan ng mga layunin na ginagamitan ng ikapu. Hindi natin maaatim na pagkaitan ang ating sarili ng mga pagpapalang ito. Hindi natin maaatim na hindi magbayad ng ating ikapu. May tiyak na epekto ito sa atin sa kasalukuyan gayundin sa hinaharap. Ang ibinibigay natin, at kung paano tayo nagbibigay, at ang paraan ng pagtupad natin sa ating mga obligasyon sa Panginoon ay walang hanggan ang kahalagahan.
Ang patotoo tungkol sa batas ng ikapu ay nagmumula sa pamumuhay nito.11
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Suriin ang kahulugan ng batas ng ikapu sa bahagi 1. Ano ang ikapu? Ano ang matututuhan natin kay Pangulong Hunter tungkol sa kasimplihan ng batas ng ikapu?
-
Anong mga kaalaman ang natamo ninyo mula sa mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa kasaysayan ng ikapu? (Tingnan sa bahagi 2.) Sa palagay ninyo bakit gusto ni Pangulong Hunter na maunawaan natin na ang batas ng ikapu ay “para sa lahat noon pa man at magpahanggang ngayon”?
-
Paano tayo “nagbibigay ng isang kaloob at nagbabayad din ng obligasyon” sa ating ikapu? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano nakikita sa pagbabayad ng ikapu ang pagmamahal natin sa Panginoon? Paano natin madarama na ang pagbabayad ng ikapu ay isang pribilehiyo, hindi isang pasanin?
-
Bakit kailangang magkaroon ng halaga sa nagbibigay ang isang handog sa Panginoon? (Tingnan sa bahagi 4.) Paano madaraig ang anumang hamon o pag-aatubiling magbayad ng ikapu?
-
Suriin ang maraming pagpapalang sinabi ni Pangulong Hunter na nagmumula sa pagbabayad ng ikapu (tingnan sa bahagi 5). Paano ninyo nakita ang mga pagpapalang ito sa inyong buhay?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Alma 13:15; D at T 64:23; 104:14–18; 119; 120; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ikapu”
Tulong sa Pag-aaral
Sa unang pagbabasa ninyo ng isang kabanata, maaari ninyo itong basahin nang mabilis o suriin ang mga heading para makuha ang buod ng nilalaman. Pagkatapos ay ilang beses pang basahin ang kabanata, nang mas mabagal at pag-aralan ito nang husto. Maaari din ninyong basahin ang bawat bahagi na nasa isip ang mga tanong sa pag-aaral. Kapag ginawa ninyo ito, maaari kayong makatuklas ng malalalim na kaalaman at pagsasabuhay ng mga alituntunin.