Kabanata 8
Paghahatid ng Ebanghelyo sa Buong Mundo
“Ang gawain natin ay magligtas ng mga kaluluwa, anyayahan ang mga tao na lumapit kay Cristo.”
Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter
Noong 1979, sinabi ni Elder Howard W. Hunter, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Lubos akong naniniwala na sa malapit na hinaharap ay makikita natin ang ilan sa mga pinakadakilang pag-unlad sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa lahat ng bansa na naganap sa dispensasyong ito o sa alinmang naunang dispensasyon. Tiyak ko na maaalaala natin … at maitatala tulad ng ginawa ni Lucas, ‘At lumago ang salita ng Dios’ (Ang Mga Gawa 6:7).”1
Nang banggitin ni Elder Hunter ang mga salitang iyon, pinagbawalan ng gobyerno ang mga missionary na magturo ng ebanghelyo sa karamihan ng mga bansa sa Eastern Europe at sa Soviet Union. Sa loob ng 10 taon, binawi ang marami sa mga pagbabawal na iyon. Noong 1989 at 1990 winasak ang Berlin Wall, na naghiwalay sa West at East Germany nang halos 30 taon. Si Pangulong Hunter ang Pangulo ng Korum ng Labindalawa noong panahong iyon, at ipinahayag niya ang sumusunod na pananaw tungkol sa makasaysayang pangyayaring iyon at iba pang mga pagbabagong nangyayari sa mundo:
“Maraming nakapansin nitong huli sa Berlin Wall. Mangyari pa, lahat tayo ay nasisiyahan na makitang bumagsak ang pader na iyon, na kumakatawan sa mga bagong kalayaan. … Sa pagsisikap nating unawain ang diwa ng pakikipagkasundo na laganap sa buong mundo at bigyan ito ng kahulugan sa konteksto ng ebanghelyo, dapat nating itanong sa ating sarili: Ito kaya ang kamay ng Panginoon na nag-aalis sa mga balakid at gumagawa ng mga oportunidad na dati-rati’y hindi posible para sa pagtuturo ng ebanghelyo, lahat ayon sa banal na plano at takdang-panahon ng Diyos?”2
Nadama ni Pangulong Hunter na nagkaroon ng mahalagang responsibilidad ang mga miyembro ng Simbahan dahil sa mga pagbabagong ito. Nang buksan ang iba pang mga bansa sa gawaing misyonero, sabi niya, mas maraming missionary ang kailangan para magampanan ang responsibilidad na dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo.3
Ang kasabikan ni Pangulong Hunter na tulungan ang lahat ng anak ng Diyos, anuman ang nasyonalidad o paniniwala nila, ay malinaw na makikita sa kanyang gawain sa Middle East. Binigyan siya ng Unang Panguluhan ng mahahalagang tungkulin sa Jerusalem, pati na ang pangangasiwa sa pagtatayo ng Orson Hyde Memorial Garden at ng Brigham Young University Jerusalem Center for Near Eastern Studies. Bagama’t hindi pinahintulutan ang mag-proselyte sa lugar na iyon, bumuo ng matibay na pakikipagkaibigan si Pangulong Hunter sa mga katrabaho niya, kapwa sa mga Judio at Arabo. “Ang layunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ay maghikayat ng pagmamahalan, pagkakaisa, at kapatiran sa pinakamataas na kaayusan nito,” sabi niya.4
Sa kanyang gawain sa mga anak ng Diyos sa buong mundo, iisa ang mensahe ni Pangulong Hunter: “Kami ay inyong mga kapatid—hindi namin itinuturing na mababang uri ng mamamayan ang alinmang bansa o nasyonalidad. Inaanyayahan namin ang lahat … na siyasatin ang aming mensahe at tanggapin ang aming pakikipagkaibigan.”5
Mga Turo ni Howard W. Hunter
1
Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay para sa lahat ng tao, batay sa paniniwala na lahat ay anak ng iisang Diyos.
Ang ebanghelyo ni Jesucristo, ang ebanghelyong itinuturo natin at mga ordenansang isinasagawa natin, ay isang pandaigdigang pananalig na may mensahe para sa lahat. Hindi ito limitado at walang pinapanigan at hindi nagpapailalim sa kasaysayan o uso. Ang tunay na diwa nito ay totoo sa lahat at sa kawalang-hanggan. Ang mensahe nito ay para sa buong mundo, na ipinanumbalik sa mga huling araw na ito upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng bawat bansa, lahi, wika at tao sa mundo. Muling itinakda tulad sa simula—na bumuo ng kapatiran, ingatan ang katotohanan, at magligtas ng mga kaluluwa. …
Sa mensahe ng ebanghelyo, ang buong sangkatauhan ay isang pamilya na bumaba mula sa iisang Diyos. Lahat ng kalalakihan at kababaihan ay hindi lamang nagtataglay ng pisikal na angkan na humahantong pabalik kina Eva at Adan, na kanilang unang mga magulang sa lupa, kundi maging ng espirituwal na pamana na humahantong pabalik sa Diyos Amang Walang Hanggan. Sa gayon, lahat ng tao sa mundo ay literal na magkakapatid sa pamilya ng Diyos.
Ang pag-unawa at pagtanggap na ang Diyos ang Ama ng lahat ng tao ang pinakamainam na pagpapahalaga sa malasakit ng Diyos para sa kanila at sa kaugnayan nila sa isa’t isa. Ito ay isang mensahe ng buhay at pagmamahal na direktang lumalaban sa lahat ng mapanupil na tradisyon batay sa lahi, wika, katayuan sa ekonomiya o pulitika, pinag-aralan, o kultura, sapagkat iisa ang espirituwal na pinanggalingan nating lahat. Mayroon tayong banal na angkan; bawat tao ay espirituwal na anak ng Diyos.
Sa pananaw na ito ng ebanghelyo walang lugar para sa limitado, makitid, o hindi matwid na pananaw. Sabi ni Propetang Joseph Smith: “Mapagmahal ang isa sa mga pangunahing katangian ng Diyos, at dapat itong ipakita ng mga taong naghahangad na maging mga anak ng Diyos. Ang isang taong puspos ng pag-ibig ng Diyos, ay hindi kuntentong pamilya lamang niya ang mapagpala, kundi ang buong mundo, sabik na mapagpala ang buong sangkatauhan” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 387]. …
Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay isang mensahe ng pagmamahal ng Diyos sa lahat ng tao sa lahat ng dako, batay sa paniniwala na lahat ng tao ay anak ng iisang Diyos. Ang pangunahing mensahe ng relihiyon ay ipinahayag nang ganito kaganda sa isang pahayag ng Unang Panguluhan noong Pebrero 15, 1978:
“Batay sa sinauna at makabagong paghahayag, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagagalak na itinuturo at ipinapahayag ang doktrina ng mga Kristiyano na lahat ng lalaki at babae ay magkakapatid, hindi lamang sa dugo mula sa karaniwang mortal na mga ninuno kundi bilang literal na mga espiritung anak ng Amang Walang Hanggan” [Statement of the First Presidency Regarding God’s Love for All Mankind, Peb. 15, 1978].
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may positibo at iisang pamamaraan sa paglapit sa iba na hindi natin kapanalig. Naniniwala tayo na sila ay literal nating mga kapatid, na tayo ay mga anak ng iisang Ama sa Langit. Iisa ang ating angkan na humahantong pabalik sa Diyos.6
2
Ang misyon ng Simbahan ay ituro ang ebanghelyo sa lahat ng bansa.
Ang Simbahan, na siyang kaharian ng Diyos sa lupa, ay may misyon sa lahat ng bansa. “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na silaʼy inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
“Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo” (Mat. 28:19–20). Walang kinikilalang hangganan ng mga bansa ang mga salitang ito mula sa mga labi ng Guro; hindi ito limitado sa anumang lahi o kultura. Ang isang bansa ay hindi pinapaboran nang higit kaysa iba. Malinaw ang payo—“gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa.” …
Bilang mga miyembro ng simbahan ng Panginoon, huwag nating pagbatayan ang sarili nating mga palagay. Kailangan nating tuklasin ang dakilang katotohanan na tunay ngang ang ating Ama ay hindi nagtatangi ng mga tao o walang kinikilingan. Kung minsan masyado nating sinasaktan ang damdamin ng ating mga kapatid sa ibang mga bansa sa pagtatangi sa isang nasyonalidad kaysa iba. …
Isipin ang isang ama na maraming anak na lalaki, na bawat isa ay iba ang ugali, potensyal, at espirituwal na katangian. Mas mahal ba niya ang isa niyang anak kaysa sa iba? Marahil ang anak na hindi talaga espirituwal ang mas binibigyan ng atensyon, ipinagdarasal, at isinasamo ng ama kaysa sa iba. Ibig sabihin ba niyan ay hindi niya gaanong mahal ang iba? Nawawari ba ninyo ang ating Ama sa Langit na mas minamahal ang isang nasyonalidad ng kanyang mga anak kaysa sa iba? Bilang mga miyembro ng Simbahan, kailangang ipaalala sa atin ang mahihirap na tanong ni Nephi: “Hindi ba ninyo alam na maraming bansa [at] hindi lamang iisa?” (2 Ne. 29:7). …
Sa aming mga kapatid na lalaki at babae sa lahat ng nasyonalidad: Taimtim naming pinagtitibay at pinatototohanan na ang Diyos ay nangusap sa ating panahon at oras, na nagpadala ng mga sugo ng langit, na inihayag ng Diyos ang kanyang isipan at kalooban sa isang propeta, si Joseph Smith. …
Dahil mahal ng ating Ama ang lahat ng kanyang anak, kailangan nating mahalin ang lahat ng tao—ng lahat ng lahi, kultura, at nasyonalidad—at ituro sa kanila ang mga alituntunin ng ebanghelyo nang matanggap nila ito at malaman nila ang kabanalan ng Tagapagligtas.7
Sa aming mapagpakumbabang mga pagsisikap na magtatag ng kapatiran at ituro ang inihayag na katotohanan, sinasabi namin sa mga tao sa mundo ang mapagmahal na mungkahi ni Pangulong George Albert Smith:
“Hindi kami naparito upang kunin sa inyo ang katotohanan at kabutihang taglay na ninyo. Hindi kami naparito upang hanapan kayo ng mali o pintasan kayo. … Ingatan ninyo ang lahat ng kabutihang nasa inyo, at hayaang maghatid kami sa inyo ng dagdag na kabutihan, nang higit kayong lumigaya at maging handa kayong pumasok sa presensya ng ating Ama sa Langit.”8
Ang ating gawain ay magligtas ng mga kaluluwa, anyayahan ang mga tao na lumapit kay Cristo, dalhin sila sa mga tubig ng binyag upang patuloy silang sumulong sa landas tungo sa buhay na walang hanggan. Kailangan ng mundong ito ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ebanghelyo ang tanging paraan para magkaroon ng kapayapaan sa mundo.9
Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, hangad naming pagsama-samahin ang lahat ng katotohanan. Hangad naming palawakin ang pagmamahalan at pagkakaunawaan ng mga tao sa mundo. Sa gayon sinisikap naming magkaroon ng kapayapaan at kaligayahan, hindi lamang sa loob ng Kristiyanismo kundi sa buong sangkatauhan. …
Ang bagay kung saan naging kasangkapan si Joseph [Smith] sa pagtatatag, maging ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay isa nang pandaigdigang relihiyon, hindi lamang dahil matatagpuan na ngayon sa buong mundo ang mga miyembro nito, kundi higit sa lahat ay dahil kumpleto at para sa lahat ang mensahe nito batay sa pagtanggap ng lahat ng katotohanan, na ipinanumbalik upang tugunan ang mga pangangailangan ng buong sangkatauhan.
… Inihahatid namin ang mensaheng ito ng pagmamahal at pag-asa sa buong mundo. Lumapit sa Diyos ng lahat ng katotohanan, na patuloy na nangungusap sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga propeta. Makinig sa mensahe Niya na patuloy na nagsusugo ng Kanyang mga lingkod upang ipangaral ang walang-hanggang ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. Lumapit at magpakabusog kayo sa hapag na inilatag ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa inyong harapan. Makiisa sa amin sa paghahangad na sundin ang Mabuting Pastol na naglaan nito.10
3
Ang mga taong nakaranas na ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay may obligasyong magpatotoo tungkol sa Kanya.
Ano ang kinalaman ng Pagbabayad-sala sa gawaing misyonero? Anumang oras na maranasan natin ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala sa ating buhay, hindi natin maiwasang magmalasakit sa kapakanan ng [iba].
Maraming halimbawa sa Aklat ni Mormon na naglalarawan sa alituntuning ito. Nang kainin ni Lehi ang bunga ng punungkahoy, na simbolo ng pagtanggap sa Pagbabayad-sala, sinabi niya, “Nagsimula akong magkaroon ng pagnanais na makakain din nito ang aking mag-anak” (1 Nephi 8:12). Nang makaranas ng pagbabalik-loob si Enos at makatanggap ng kapatawaran ng kanyang mga kasalanan, dahil sa kanyang pananampalataya kay Jesucristo sinabi niya, “Ako ay nagsimulang makadama ng pagnanais para sa kapakanan ng aking mga kapatid, ang mga Nephita” (Enos 1:9). Pagkatapos ay ipinagdasal niya ang mga Lamanita, ang walang-awang mga kaaway ng mga Nephita. At nariyan ang halimbawa ng apat na anak ni Mosias—sina Ammon, Aaron, Omner at Himni—na tumanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at saka nagsikap nang maraming taon sa mga Lamanita na madala sila kay Cristo. Nakasaad sa talaan na hindi nila maatim na masawi ang kaluluwa ninuman (Mosias 28:3).
Ang makalangit na halimbawa ng taong nakipagtipan na nais ibahagi ang ebanghelyo sa iba ay inilarawan sa halimbawa ni Nakababatang Alma. Gusto kong basahin sa inyo ang kanyang patotoo. …
“… Magmula noon maging hanggang sa ngayon, ako’y gumawa nang walang tigil, upang makapagdala ako ng mga kaluluwa tungo sa pagsisisi; upang sila’y madala ko na makatikim ng labis na kagalakan na aking natikman; upang sila rin ay isilang sa Diyos, at mapuspos ng Espiritu Santo” [Alma 36:24; tingnan din sa Alma 36:12–23].
Ang isang malaking palatandaan ng personal na pagbabalik-loob ng isang tao ay ang hangaring ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Dahil dito binigyan ng Panginoon ng obligasyon ang bawat miyembro ng Simbahan na maging mga missionary.
Pakinggan ang tipang pinapasok ng isang tao kapag nagpabinyag siya sa Simbahan:
“Yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan;
“Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Mosias 18:8–9).
Tayo ay tatayo bilang saksi ng Diyos sa lahat ng panahon [at] sa lahat ng lugar, maging hanggang kamatayan. Pinaninibago natin ang tipang iyon sa oras ng sakramento kapag nakikipagtipan tayong taglayin ang pangalan ni Cristo.
Ang gawaing misyonero ay isang mahalagang paraan na tinataglay natin sa ating sarili ang kanyang pangalan. Sinabi ng Tagapagligtas na kung nais nating taglayin ang kanyang pangalan, nang may buong layunin ng puso, tinawag tayong humayo sa buong mundo at ipangaral ang kanyang ebanghelyo sa lahat ng nilikha (tingnan sa D at T 18:28). …
Tayo na nakabahagi na sa Pagbabayad-sala ay may obligasyong patotohanan nang tapat ang ating Panginoon at Tagapagligtas. … Ang tawag na ibahagi ang ebanghelyo sa iba ay kumakatawan sa ating dakilang pagmamahal sa mga anak ng ating Ama sa Langit at maging sa Tagapagligtas at sa ginawa niya para sa atin.11
4
Sa tulong ng Panginoon, madaraig natin ang lahat ng hadlang sa pagbabahagi ng ebanghelyo.
Kapag bumagsak ang mga pader sa Eastern Europe … at sa marami pang bahagi ng mundo, ang katumbas na pangangailangan para sa mas marami pang missionary na gampanan ang banal na utos na dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo ay tiyak na mag-iibayo! Handa ba tayong tugunan ang pangangailangang iyan?
Para matugunan ang mga bagong ipinagagawa sa atin sa dakilang gawaing misyonerong ito sa mga huling araw, marahil ang ilan sa atin (lalo na ang nakatatandang henerasyon na malalaki na ang mga miyembro ng pamilya) ay kailangang pag-isipan nang husto kung kailangang pabagsakin ang “mga pader” na itinayo natin sa ating sariling isipan.
Halimbawa, ang “pader na kaginhawahan” na tila pumipigil sa maraming mag-asawa at walang asawa na magpunta sa misyon? Ang “pader na kahirapan” dahil sa utang na humahadlang sa kakayahan ng ilang miyembro na humayo, o “pader na mga apo,” o “pader na kalusugan,” o “pader na kawalan ng tiwala sa sarili,” o “pader na masaya ka na” o “pader na paglabag,” o mga pader na takot, pag-aalinlangan, o pagiging kampante? Mayroon ba talagang nag-aalinlangan sandali na sa tulong ng Panginoon ay maibabagsak niya ang mga pader na iyon?
Nagkaroon tayo ng pribilehiyong maisilang sa mga huling araw na ito, kumpara sa naunang dispensasyon, para tumulong na dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo. Wala nang ibang dakilang tungkuling higit pa rito sa buhay na ito. Kung kuntento na tayong magtago sa likod ng mga pader na gawa-gawa natin mismo, kusang-loob nating tinatalikuran ang mga pagpapalang sana’y napasaatin. Ipinaliwanag ng Panginoon sa makabagong paghahayag ang malaking pangangailangan:
“Sapagkat masdan ang bukid ay puti na upang anihin; at narito, siya na humahawak sa kanyang panggapas nang buo niyang lakas, siya rin ay nag-iimbak nang hindi siya masawi, kundi nagdadala ng kaligtasan sa kanyang kaluluwa.” (D at T 4:4.)
Patuloy na ipinaliwanag ng Panginoon sa paghahayag ding iyon ang mga katangiang kailangan natin upang maging mabubuting missionary. Lubos na nababatid ang ating mga kahinaan at ating mga pag-aalinlangan nang humarap tayo sa malaking pintuan ng pader na gawa-gawa natin mismo, tinitiyak niya sa atin na darating ang tulong ng langit para madaig ang lahat ng hadlang kung gagawin lang natin ang ating bahagi, na may simpleng pangako: “Humingi, at ikaw ay tatanggap; kumatok, at ikaw ay pagbubuksan.” (D at T 4:7.)
Nawa’y pagpalain tayo ng Panginoon nang hindi mahadlangan ng mga pader sa ating isipan ang mga pagpapalang maaaring mapasaatin.12
Sa kanyang mortal na ministeryo, paulit-ulit na nanawagan ang Panginoon na kapwa isang paanyaya at isang hamon. Kina Pedro at Andres, sinabi ni Cristo, “Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao” (Mat. 4:19). …
Itinuro ng mga sinaunang propeta na dapat maglingkod sa full-time mission ang bawat may kakayahan at karapat-dapat na binata. Binibigyang-diin ko ang pangangailangang ito ngayon. Kailangang-kailangan din natin ang may kakayahang mga mag-asawa na maglingkod sa misyon. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga disipulo, “Sa katotohana’y marami ang aanihin, datapuwa’t kakaunti ang mga manggagawa: kaya’t idalangin ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin” (Lucas 10:2).13
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Hunter na ang ebanghelyo ay para sa lahat ng tao, batay sa katotohanan na lahat tayo ay anak ng Diyos (tingnan sa bahagi 1). Kapag ibinahagi natin ang ebanghelyo, paano tayo nito matutulungang tandaan na bawat tao ay literal nating kapatid?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga turo ni Pangulong Hunter sa bahagi 2 kung ano ang damdamin ng Ama sa Langit tungkol sa Kanyang mga anak? Ano ang magagawa ninyo para mas mahalin ang lahat ng tao at maibahagi ang ebanghelyo sa kanila?
-
Paano ninyo sasagutin ang tanong ni Pangulong Hunter na “Ano ang kinalaman ng Pagbabayad-sala sa gawaing misyonero?” (Tingnan sa bahagi 3.) Paano ninyo mapag-iibayo ang hangarin ninyong ibahagi ang ebanghelyo sa iba? Anong mga pagpapala ang dumating nang ibahagi ninyo ang ebanghelyo sa iba—o nang ibahagi ito sa inyo ng iba?
-
Matapos pag-aralan ang bahagi 4, isipin ang “mga pader” na pumipigil sa inyo na matanggap ang mga pagpapala ng gawaing misyonero. Talakayin ang mga paraan ng pagdaig sa mga hadlang na iyon.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Amos 9:9; 2 Nephi 2:6–8; Mosias 28:1–3; Alma 26:37; D at T 18:10–16; 58:64; 68:8; 88:81; 90:11; 123:12; Joseph Smith—Mateo 1:31
Tulong sa Pagtuturo
“Maaaring [iparamdam ng Espiritu Santo] sa isa o higit pa sa inyong mga tinuturuan [na] magdagdag ng mahahalagang kabatiran na kinakailangang marinig ng iba. Maging bukas sa mga [paramdam] na inyong natatanggap na tawagin ang partikular na mga tao. Maaari ninyong madamang tanungin ang isang taong hindi nagtataas ng kamay upang ipahayag ang kanyang mga pananaw” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 79).