Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 21: Pananampalataya at Patotoo


Kabanata 21

Pananampalataya at Patotoo

“Ang pinakadakilang tagumpay sa buhay ay ang mahanap ang Diyos at malaman na Siya ay buhay.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Nagsimulang magkaroon ng patotoo si Howard W. Hunter noong siya ay bata pa sa Boise, Idaho. Bagama’t ang kanyang ama noon ay hindi miyembro ng Simbahan, pinalaki siya ng kanyang ina sa ebanghelyo. “Sa kanya kami natutong magdasal,” paggunita niya. “Nakatanggap ako ng patotoo nang tinuruan ako ng aking ina noong bata pa ako.”1

Lumakas ang patotoo ni Howard sa pagdaan ng mga taon. Noong nasa 20s ang edad niya at nakatira siya sa Los Angeles, California, naunawaan niya ang kahalagahan ng seryosong pag-aaral ng ebanghelyo. Isinulat niya: “Bagama’t halos buong buhay akong dumalo sa mga klase sa Simbahan, ang talagang nakapukaw sa akin sa ebanghelyo ay ang isang klase sa Sunday School sa Adams Ward na tinuturuan ni Brother Peter A .Clayton. Napakarami niyang alam at kaya niyang bigyang-inspirasyon ang mga kabataan. Pinag-aralan ko ang mga lesson, binasa ang mga assignment na ibinigay niya sa amin, at nakibahagi sa pagtalakay sa nakaatas na mga paksa. … Itinuturing ko ang panahong ito ng buhay ko na panahon na nagsimulang mahayag sa akin ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Noon pa man ay may patotoo na ako sa ebanghelyo, ngunit noon ko lamang naunawaan ito.”2

Maraming taon kalaunan, ipinaliwanag ni Pangulong Hunter: “Dumarating ang panahon na nauunawaan natin ang mga alituntunin ng paglikha sa atin at kung sino tayo. Biglang nagiging maliwanag sa atin ang mga bagay na ito at naaantig ang ating puso. Ito ang panahon na nakatatanggap tayo ng patotoo at alam natin nang walang pagdududa na ang Diyos ang ating ama—na siya ay buhay, na siya ay totoo, na tayo ay literal niyang mga anak.”3

Hinggil sa pananampalataya at patotoo ni Pangulong Hunter, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

“Para kay Pangulong Hunter … naroon ang malaking kapangyarihan ng pananampalataya. Naroon ang tiyak na kaalaman tungkol sa mga bagay na banal at ng mga bagay na walang hanggan. … [Siya] ay may tunay at tiyak na patotoo na buhay ang Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan. Ipinahayag niya nang may matinding pananalig ang kanyang patotoo sa kabanalan ng Panginoong Jesucristo, ang Manunubos ng sangkatauhan.”4

si Cristo na napapaligiran ng mga tao

“Ang pinakamahalagang paghahanap ay ang paghahanap sa Diyos—alamin kung siya ay totoo at buhay, kung ano ang kanyang personal na mga katangian, at magtamo ng kaalaman sa ebanghelyo ng kanyang Anak na si Jesucristo.”

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Sa pamamagitan ng pananampalataya, mahahanap natin ang Diyos at malalaman na Siya ay buhay.

Ang pinakamalaking tagumpay sa buhay ay ang mahanap ang Diyos at malaman na Siya ay buhay. Tulad ng anupamang ibang nararapat na tagumpay, matatamo lamang ito ng mga naniniwala at sumasampalataya sa bagay na sa una ay maaaring hindi malinaw.5

Sa pagbaling ng isipan ng tao sa Diyos at sa mga bagay na nauukol sa Diyos, dumaranas ng espirituwal na pagbabago ang tao. Iniaangat siya nito mula sa pangkaraniwan at nagbibigay sa kanya ng isang marangal at maka-Diyos na pagkatao. Kung may pananampalataya tayo sa Diyos, ginagamit natin ang isa sa mga dakilang batas ng buhay. Ang pinakamakapangyarihang puwersa sa likas na tao ay ang espirituwal na kapangyarihan ng pananampalataya.6

Ang pinakamahalagang paghahanap ay ang paghahanap sa Diyos—alamin kung siya ay totoo at buhay, kung ano ang kanyang personal na mga katangian, at magtamo ng kaalaman sa ebanghelyo ng kanyang Anak na si Jesucristo. Hindi madaling magtamo ng ganap na pang-unawa tungkol sa Diyos. Ang paghahanap ay nangangailangan ng masigasig na pagsisikap, at may ilan na kailanma’y hindi kumikilos para matamo ang kaalamang ito. …

Naghahanap man ng kaalaman sa siyensya o nagnanais na tuklasin ang Diyos, kailangan ay may pananampalataya ang isang tao. Ito ang nagiging simula. Ang pananampalataya ay binigyang-kahulugan sa maraming paraan, ngunit ang pinaka-klasikong kahulugan ay ibinigay ng may-akda ng liham sa mga Hebreo sa makahulugang mga katagang ito: “Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.” (Heb. 11:1.) Sa madaling salita, ang pananampalataya ay nagbibigay sa atin ng pag-asa sa inaasam natin at tiwala sa mga bagay na hindi natin nakikita. … Ang mga taong taimtim na naghahanap sa Diyos ay hindi siya nakikita, ngunit alam nila na siya ay totoo at buhay sa pamamagitan ng pananampalataya. Higit pa ito sa pag-asa. Dahil sa pananampalataya ito ay nagiging pananalig—ang katibayan ng mga bagay na hindi nakikita.

Ang may-akda ng sulat sa mga Hebreo [na si Apostol Pablo] ay nagpatuloy: “Sa pananampalataya ay natatalastas natin na ang sanglibutan ay natatag sa pamamagitan ng salita ng Dios, ano pa’t ang nakikita ay hindi ginawa sa mga bagay na nakikita.” (Heb. 11:3.) Inilarawan dito ang pananampalataya bilang paniniwala o pananalig na ang mundo ay nilikha sa salita ng Diyos. Walang mga saksing mailalabas upang patunayan ang katotohanang ito, ngunit dahil sa pananampalataya, nagkakaroon tayo ng kaalaman na ang nakikita natin sa mga kababalaghan ng mundo at sa buong kalikasan ay likha ng Diyos. …

Matibay ang pananalig ko na totoong mayroong Diyos—na siya ay buhay. Siya ang ating Ama sa Langit, at tayo ang kanyang mga anak sa espiritu. Nilikha niya ang langit at lupa at lahat ng bagay sa lupa at ang may-akda ng mga walang-hanggang batas na namamahala sa sansinukob. Natutuklasan ang mga batas na ito nang paunti-unti habang patuloy na nagsasaliksik ang tao, ngunit ang mga ito ay umiiral lagi at mananatili nang hindi nagbabago magpakailanman.7

2

Upang malaman na mayroong Diyos, kailangan tayong sumampalataya, gawin natin ang Kanyang kalooban, at ipagdasal natin na makaunawa tayo.

Upang malaman kung mayroong Diyos, kailangan nating sundan ang landas na tinukoy niya para sa paghahanap. Ang landas na ito ay mahirap; kailangan dito ang pananampalataya at pagsisikap, at hindi madali ang landas na tatahakin. Dahil dito maraming tao ang hindi itutuon ang sarili sa napakahirap na gawaing patunayan sa kanilang sarili na mayroong Diyos. Sa kabilang banda, may ilang tumatahak sa madaling landas at itinatatwa na may Diyos o sinusundan na lang ang landas ng kawalang-katiyakan. …

… Kung minsan ang pananampalataya ay paniniwala na totoo ang isang bagay kahit hindi sapat ang katibayan para malamang totoo ito. Dapat ay patuloy tayong maghanap ng kaalaman at sumunod sa payo na: “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan: Sapagka’t ang bawa’t humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.” (Mat. 7:7–8.) …

Naniniwala ang lahat na hindi natin makukuha ang mga bagay na mahalaga kung hindi tayo handang magsikap. Hindi magiging maalam ang isang iskolar kung hindi siya nag-aral at nagpunyagi para magtagumpay. Kung hindi siya handang gawin ito, maaari ba niyang sabihin na walang tinatawag na scholarship? … Isang kahangalang sabihin ng tao na walang Diyos dahil lang sa wala siyang hangad na hanapin siya.

… Para magkaroon ng matibay na kaalaman ang tao na mayroong Diyos, kailangan niyang sundin ang mga utos at doktrinang ipinaalam ng Tagapagligtas noong personal siyang magministeryo. … Yaong mga handang maghanap, nagsisikap, at ginagawa ang kalooban ng Diyos, ay malalaman na totoong may Diyos.

Kapag nahanap ng isang tao ang Diyos at nauunawaan ang kanyang mga paraan, nalalaman niya na walang anumang bagay sa sansinukob na nagkataon lamang na umiiral, kundi lahat ng bagay ay bunga ng banal na planong ginawa ng Diyos noon pa man. Nagkaroon ng napakagandang kahulugan ang kanyang buhay! Nagkaroon siya ng kaalaman na higit pa sa kaalaman ng mundo. Ang kariktan ng mundo ay lalo pang gumanda, ang kaayusan ng sansinukob ay lalong naging makabuluhan, at lahat ng likha ng Diyos ay lalong nauunawaan habang nasasaksihan niya ang mga araw na likha ng Diyos na dumarating at lumilipas at ang mga panahon ay maayos ang pagkakasunod-sunod.8

Ipinaliwanag ni Cristo, noong kanyang ministeryo, ang paraan na malalaman ng isang tao ang katotohanan tungkol sa Diyos. Sabi niya, “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.” (Juan 7:17.) Ipinaliwanag din ng Panginoon ang kalooban ng Ama at ang dakilang utos sa ganitong paraan, “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo.” (Mat. 22:37.) Yaong mga magsisikap na gawin ang kalooban ng Diyos at sundin ang kanyang mga kautusan ay tatanggap ng personal na paghahayag tungkol sa kabanalan ng gawain ng Panginoon sa pagpapatotoo ng Ama.

Sa mga naghahangad na makaunawa, sinabi ni Santiago kung paano ito matatamo: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.” (Santiago 1:5.) Tila hindi naman tinutukoy ni Santiago ang isang kaalamang kaugnay ng siyensya, kundi ang paghahayag na nagmumula sa kaitaasan na sumasagot sa tanong ng tao dahil sa pagsunod sa payong ito na magdasal. …

Kung gayon ay may pormula tayo sa paghahanap sa Diyos at mga kagamitan upang maisakatuparan ang paghahanap—pananampalataya, pagmamahal, at panalangin. Ang siyensya ay nakagawa ng kagila-gilalas na bagay para sa tao, ngunit hindi nito magagawa ang mga bagay na dapat niyang gawin para sa kanyang sarili, na ang pinakadakila ay ang malaman na totoong mayroong Diyos. Ang gawain ay hindi madali; ang trabaho ay hindi magaan; ngunit tulad ng sabi ng Panginoon, “Dakila ang kanilang gantimpala at walang hanggan ang kanilang kaluwalhatian.” (D at T 76:6.)9

3

Dapat tayong maniwala upang makakita.

Gusto ni Tomas na makakita muna bago siya maniwala.

Noong gabi ng araw ng pagkabuhay na mag-uli, nagpakita si Jesus at tumayo sa gitna ng kanyang mga disipulo sa nakapinid na silid. Ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay na ipinako at ang kanyang tagiliran na tinusok ng sibat. Si Tomas, na isa sa labindalawa, ay wala roon nang mangyari ito, ngunit sinabi sa kanya ng iba na nakita nila ang Panginoon at na nangusap siya sa kanila. … Nagduda si Tomas, at sinabi sa mga disipulo:

“… Malibang aking makita sa kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako sasampalataya.” (Juan 20:25.)

… Kahit paano, kinakitaan si Tomas ng pag-uugali ng mga tao sa ating panahon. Hindi siya makukumbinsi sa anumang bagay na hindi niya nakikita, kahit nakasama niya ang Panginoon at alam ang kanyang mga turo hinggil sa pananampalataya at pag-aalinlangan. … Hindi mapapalitan ng pananampalataya ang pag-aalinlangan kapag nais munang may madama o makita ang isang tao bago maniwala.

Ayaw umasa ni Tomas sa pananampalataya. Gusto niya ng malinaw na katibayan ng mga bagay-bagay. Gusto niya ng kaalaman, hindi pananampalataya. Ang kaalaman ay may kaugnayan sa nakaraan dahil ang ating nakaraang mga karanasan ang nagbibigay sa atin ng kaalaman, ngunit ang pananampalataya ay may kaugnayan sa hinaharap—sa kawalang-katiyakan na hindi pa natin naranasan.

Iniisip natin na si Tomas ay isang taong nakasama at nakausap ng Panginoon, at isa sa mga napili niya. Sa ating kalooban iniisip natin na sana ay nagtuon si Tomas sa hinaharap nang may tiwala sa mga bagay na hindi pa nakikita noon, sa halip na sabihing, “Kailangan ko munang makita bago ako maniwala.” …

Pananampalataya ang nagbibigay sa atin ng tiwala sa mga bagay na hindi nakikita.

Isang linggo pagkaraan, nagkasamang muli ang mga disipulo sa bahay ring iyon sa Jerusalem. Sa pagkakataong ito ay kasama na nila si Tomas. Nakapinid ang pinto, ngunit dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabing, “Kapayapaan ang sumainyo.

“Nang magkagayo’y sinabi niya kay Tomas, Idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo siya sa aking tagiliran: at huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin.” (Juan 20:26–27.) …

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, [Tomas,] Sapagka’t ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon maʼy nagsisampalataya.” ([Juan] 20:29.)

Ang pangyayaring ito ay itinuturing na isa sa dakilang mga aral sa lahat ng panahon. Sinabi ni Tomas, “Kailangan ko munang makita bago ako maniwala,” ngunit sumagot si Cristo: “Kailangan mo munang maniwala bago mo makita.” …

Ang klasikong halimbawa ng pananampalataya ay inilarawan ni Apostol Pablo sa kanyang Sulat sa mga Hebreo: “Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.” (Heb. 11:1.)

Ang pahayag na ito ay hindi nangangahulugan ng ganap na kaalaman, kundi inilalarawan ang pananampalataya bilang siyang nagbibigay ng kapanatagan o tiwala sa mga bagay na magaganap pa lang. Ang mga bagay na ito ay maaaring umiiral na, ngunit sa pamamagitan lamang ng pananampalataya mauunawaan ang mga ito. Ang pananampalataya ay nagbibigay sa atin ng tiwala sa mga bagay na hindi nakikita o may tiyak na katibayang maibibigay.

Tila nawalan ng tiwala si Tomas sa hinaharap. Umasa siya sa nakaraan. Gusto niya ng katibayan sa bagay na hindi pa nakikita noon. Ang mga taong wala o kulang sa pananampalataya, ay nabubuhay sa nakaraan—nawawalan ng pag-asa sa hinaharap. Napakalaking pagbabago ang nagaganap sa buhay ng isang tao na napagtanto na ang matibay na pananampalataya ay nagbibigay ng katiyakan at tiwala.

si Cristo kasama ang isang lalaking bulag

“Ang lalaking bulag ay naniwala at tinulutang makakita.”

Ang lalaking isinilang na bulag ay hindi nag-alinlangan; naniwala siya sa Tagapagligtas.

Kung babalikan natin ang ikasiyam na kabanata ng Juan, mababasa natin ang isa pang pangyayari na naganap sa Jerusalem kung saan ang isang lalaking ipinanganak na bulag ay nakakita. Araw ng Sabbath iyon, at si Jesus ay nasa paligid ng templo nang makita niya ang bulag na lalaki, at tinanong siya ng kanyang mga disipulo:

“… Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kaniyang mga magulang, upang siya’y ipanganak na bulag?

“Sumagot si Jesus, Hindi dahil sa ang taong ito’y nagkasala, ni ang kaniyang mga magulang man: kundi upang mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Dios.

“Kinakailangan nating gawin ang mga gawa niyaong nagsugo sa akin, samantalang araw: dumarating ang gabi, na walang taong makagagawa.

“Samantalang ako’y nasa sanglibutan, ako ang ilaw ng sanglibutan.” (Juan 9:2–5.)

Pagkatapos ay lumura si Jesus sa lupa at pinapagputik ang lura. Pinahiran niya ng putik ang mga mata ng lalaking bulag at sinabi rito na maghugas sa tangke ng Siloe. Kung siya si Tomas, hahayo kaya siya gaya ng iniutos sa kanya o itatanong niya ito: “Ano ang buting idudulot ng paghuhugas sa maruming tubig ng mabahong lawang iyon?” o “Anong sangkap na gamot ang mayroon sa lurang inihalo sa lupa?” Tila makatwiran naman ang mga tanong na ito, ngunit kung ang bulag na lalaki ay nag-alinlangan at nagduda, bulag pa rin sana siya. Dahil may pananampalataya, naniwala siya at ginawa niya ang sinabi sa kanya. Siya’y humayo at naghugas sa tangke at nagbalik na nakakakita. Maniwala upang makakita. …

“Mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon maʼy nagsisampalataya.”

Ang lalaking bulag ay naniwala at tinulutang makakita. Hindi naniwala si Tomas hangga’t hindi niya nakikita. Ang mundo ay puno ng mga Tomas, pero marami ang gaya ng lalaking bulag sa Jerusalem. Nakikilala ng mga missionary ng Simbahan ang dalawang klase ng taong ito araw-araw habang inihahatid nila ang kanilang mensahe sa mundo, ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. … Ang ilan ay naniniwala, sumasampalataya, at nabibinyagan. Ang ilan ay hindi ito tatanggapin dahil hindi nila ito nadarama o nakikita.

Walang positibo, kongkreto, at nahahawakang katibayan na ang Diyos ay buhay, ngunit milyun-milyong tao ang nakakaalam na siya ay buhay sa pamamagitan ng pananampalataya na bumubuo ng katibayan ng lahat ng bagay na hindi nakikita. Marami ang nagsasabi sa mga missionary, “Magpapabinyag ako kung mapapaniwalaan ko na si Joseph Smith ay dinalaw ng Ama at ng Anak.” Para sa katotohanang ito walang positibo, kongkreto, at nahahawakang katibayan, ngunit para sa mga naaantig ng Espiritu, pananampalataya ang magsisilbing katibayan ng lahat ng bagay na hindi nakikita. Alalahanin ang mga salita ng ipinakong Panginoon nang tumayo siya sa harapan ni Tomas:

“Mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon maʼy nagsisampalataya.” ([Juan] 20:29.)

Ang mga naniniwala sa pamamagitan ng pananampalataya ay makakakita.

Idaragdag ko ang aking patotoo sa patotoo ng libu-libong missionary na ang Diyos ay buhay, na si Jesus ang Tagapagligtas ng sanlibutan, na yaong mga maniniwala sa pamamagitan ng pananampalataya ay makakakita.10

4

Ang pagkilos ayon sa ating pananampalataya ay humahantong sa personal na patotoo.

Bilang mga anak tinatanggap natin na totoo ang mga bagay na sinasabi sa atin ng ating mga magulang o guro dahil sa tiwala natin sa kanila. Ang isang batang lalaki ay tatalon mula sa mataas na lugar nang walang takot kapag sinabi sa kanya ng kanyang ama na sasaluhin siya nito. Naniniwala ang musmos na hindi siya hahayaang bumagsak ng kanyang ama. Habang lumalaki ang mga bata, nagsisimula na silang mag-isip para sa kanilang sarili, magduda at mag-alinlangan sa mga bagay na hindi nakikita o walang mapanghawakang katibayan. Nahahabag ako sa mga kabataang lalaki at babae na nagkakaroon na ng mga pag-aalinlangan sa kanilang isipan at nalilito kung paano lulutasin ang mga pagdududang iyon. Ang mga pag-aalinlangang ito ay maaaring malutas, kung sila ay may tapat na hangaring malaman ang katotohanan, sa paggamit ng kanilang moralidad, espirituwalidad, at mentalidad. Malalampasan nila ang alalahaning ito at magtataglay ng mas matatag, mas malakas, at mas malaking pananampalataya dahil sa pagpupunyagi. Mula sa simpleng pananampalataya, sa gitna ng pag-aalinlangan at pagtatalo ng isipan, magkakaroon sila ng matibay na pananampalataya na hahantong sa patotoo.11

Gumugugol ng ilang oras sa pag-eeksperimento sa mga laboratoryo ang mga estudyante upang mahanap ang katotohanan. Kung gagawin din nila iyon sa pananampalataya, panalangin, pagpapatawad, pagpapakumbaba at pagmamahal, magkakaroon sila ng patotoo tungkol kay Jesucristo, ang tagapagbigay ng mga alituntuning ito.12

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi lamang ebanghelyo ng paniniwala: ito ay planong isinasagawa. … Hindi niya sinabing “obserbahan” mo ang aking ebanghelyo; ang sabi niya’y “ipamuhay” ito! Hindi niya sinabing, “Tingnan mo ang magandang kaayusan at simbolismo nito”; ang sinabi niya ay, “Humayo, gawin, tingnan, damhin, magbigay, maniwala!” …

Ang pagkilos ay isa sa pinakamahahalagang pundasyon ng personal na patotoo. Ang pinakamatibay na patotoo ay nagmumula mismo sa sariling karanasan. Nang pagdudahan ng mga Judio ang doktrinang itinuro ni Jesus sa templo, ang sagot niya, “… ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.” Pagkatapos ay idinagdag niya ang susi sa pagkakaroon ng personal na patotoo, “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.” (Juan 7:16–17.)

Naririnig ba natin ang kailangang gawin sa pahayag na ito ng Tagapagligtas? “Kung ang sinomang tao ay … [gagawa] … ay [makakikilala!]” Naunawaan ni Juan ang kahalagahan nito at binigyang-diin ang kahulugan nito sa kanyang [sulat]. Sabi niya, “Ang nagsasabing siya’y nananahan sa kaniya ay nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad niya.” (I Ni Juan 2:6.)

Ang pagsasabi, pagtanggap, at paniniwala lamang ay hindi sapat. Hindi kumpleto ang mga ito hangga’t hindi nakikita sa kanilang araw-araw na pamumuhay ang mga paniniwala nilang iyon. Ito, kung gayon, ang pinakamainam na mapagkunan ng personal na patotoo. Alam ito ng tao dahil naranasan niya. Hindi niya sasabihing “Sabi ni Brother Jones totoo raw ito, at naniniwala ako sa kanya.” Masasabi niyang, “Naipamuhay ko ang alituntuning ito, at alam ko na nakakatulong ito dahil naranasan ko ito mismo. Naramdaman ko ang impluwensya nito, nasubok ang kapakinabangan nito, at alam ko na ito ay mabuti. Mapapatotohanan ko sa sarili kong kaalaman na ito ay isang tunay na alituntunin.”

Maraming tao ang may gayong patotoo sa sarili nilang buhay ngunit hindi nauunawaan ang kahalagahan nito. Kamakailan ay sinabi ng isang dalaga, “Wala akong patotoo sa ebanghelyo. Sana nga mayroon. Tinatanggap ko ang mga turo nito. Alam kong nakakatulong ito sa buhay ko. Nakikita kong nakakatulong ito sa buhay ng ibang tao. Kung sasagutin lang sana ng Panginoon ang mga panalangin ko at bibigyan ako ng patotoo, ako na ang isa sa pinakamasasayang taong nabubuhay sa mundo!” Ang gusto ng dalagang ito ay pakitaan siya ng isang mahimalang pangyayari; subalit nasaksihan na niya ang himala ng ebanghelyo na nagpapaibayo at nagpapasigla sa kanyang buhay. Sinagot na ng Panginoon ang kanyang mga dalangin. Siya ay may patotoo, ngunit hindi niya natukoy ito nang ganoon.13

Bilang isang inorden na Apostol at natatanging saksi ni Cristo, ibinibigay ko sa inyo ang aking taimtim na patotoo na si Jesucristo ay tunay na Anak ng Diyos. … Nagpapatotoo ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Alam ko na totoong may Cristo na parang nakita mismo ng aking mga mata at narinig ng aking mga tainga. Alam ko rin na pagtitibayin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng aking patotoo sa puso ng lahat ng nakikinig nang may pananampalataya.14

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Itinuro ni Pangulong Hunter na “ang pinakadakilang tagumpay sa buhay ay ang mahanap ang Diyos at malaman na Siya ay buhay” (bahagi 1). Ano ang papel na ginagampanan ng pananampalataya sa paghahanap na iyan? Ano ang mga karanasang nakatulong sa inyo na mahanap ang Diyos at malaman na Siya ay buhay?

  • Sabi ni Pangulong Hunter “ang gawain ay hindi madali” at “ang trabaho ay hindi magaan” para malaman na totoong mayroong Diyos. Sa palagay ninyo bakit kailangan ang determinadong pagsisikap para matamo natin ang kaalamang iyan? Bakit mahalaga ang pagsunod sa mga utos upang makilala ang Diyos?

  • Sa bahagi 3, ikinumpara ni Pangulong Hunter si Tomas sa lalaking bulag para ituro sa atin na kung tayo ay maniniwala, tayo ay makakakita. Paano ninyo maiaangkop sa inyong buhay ang mga kabatiran ni Pangulong Hunter sa mga kuwentong ito? Paano ginawang posible ng pagsampalataya na makakita kayo?

  • Repasuhin ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa pagkilos ayon sa ating pananampalataya bilang susi sa pagtatamo ng patotoo (tingnan sa bahagi 4). Ano ang ilang paraan na makakakilos kayo ayon sa inyong pananampalataya? Paano maaalis ng pananampalataya ang takot? Paano mas napalakas ng pagkilos ayon sa inyong pananampalataya ang inyong patotoo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Juan 17:3; Sa Mga Hebreo 11:1–6; Alma 5:45–48; 30:40–41; 32:26–43; Eter 12:4, 6–22; Moroni 10:4–5; D at T 42:61

Tulong sa Pagtuturo

“Magtanong ng mga katanungan na humihingi sa mga mag-aaral na hanapin ang mga kasagutan sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga propeta sa mga huling araw” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 76).

Mga Tala

  1. Sa J M. Heslop, “He Found Pleasure in Work,” Church News, Nob. 16, 1974, 4, 12.

  2. Sa Eleanor Knowles, Howard W. Hunter (1994), 70–71.

  3. The Teachings of Howard W. Hunter, ed. Clyde J. Williams (1997), 48.

  4. Gordon B. Hinckley, “A Prophet Polished and Refined,” Ensign, Abr. 1995, 35.

  5. “Faith as the Foundation of Accomplishment,” Instructor, Peb. 1960, 43.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1960, 124–25.

  7. “To Know God,” Ensign, Nob. 1974, 96–97.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1970, 7–10.

  9. “To Know God,” 97.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1962, 22–24.

  11. “Secretly a Disciple?” Improvement Era, Dis. 1960, 948.

  12. The Teachings of Howard W. Hunter, 48.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1967, 115–16.

  14. “An Apostle’s Witness of Christ,” Ensign, Ene. 1984, 70.