Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 4: Tulong mula sa Itaas


Kabanata 4

Tulong mula sa Itaas

“Marahil walang pangakong higit na nagbibigay ng katiyakan maliban sa pangako ng banal na tulong at espirituwal na patnubay sa oras ng pangangailangan.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Natutong manalangin si Howard W. Hunter noong bata pa siya. “Tinuruan ako ng nanay ko na manalangin at pasalamatan ang Ama sa Langit sa lahat ng bagay na natamasa ko,” sabi niya. “Madalas ko Siyang pasalamatan sa kagandahan ng daigdig at sa masasayang sandali ko sa rantso at sa tabing-ilog at sa piling ng mga Scout. Natuto rin akong humiling sa Kanya ng mga bagay na gusto o kailangan ko. … Alam ko na ako ay minahal at pinakinggan ng Diyos.”1

Sa buong buhay niya, panalangin ang pinagkunan ni Pangulong Hunter ng banal na tulong, at tinuruan niya ang iba na gayon din ang gawin. Halimbawa, noong bishop pa siya, isang lalaki sa kanyang ward ang nagpahayag ng matinding galit sa isa pang lalaki. Nakita sa payo ni Pangulong Hunter ang kanyang patotoo sa tulong na dumarating sa pamamagitan ng panalangin:

“Sinabi ko sa kanya, ‘Kapatid, kung uuwi ka at ipagdarasal mo siya tuwing umaga at gabi, magkita tayo sa ganito ring oras pagkaraan ng dalawang linggo at saka tayo magpasiya kung ano ang dapat gawin.’”

Matapos sundin ang payong ito, bumalik ang lalaki at mapagpakumbabang sinabi tungkol sa lalaking iyon, “Kailangan niya ng tulong.”

“Handa ka bang tulungan siya?” tanong ni Pangulong Hunter.

“Opo naman,” sabi ng lalaki.

“Lahat ng lason at lahat ng galit ay nawala na,” paggunita kalaunan ni Pangulong Hunter. “Ganito ang mangyayari kapag ipinagdarasal natin ang isa’t isa.”2

babaing nagdarasal

“Nangako ang Panginoon na kung tayo ay magpapakumbaba sa … mga oras ng pangangailangan at hihingi ng tulong sa kanya, tayo ay ‘maaaring gawing malakas, at pagpalain mula sa kaitaasan’” (D at T 1:28).

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Nangako ang Ama sa Langit na tutulungan tayo at papatnubayan sa mga oras ng pangangailangan.

Lahat tayo ay may mga panahon sa ating buhay na kailangan natin ng tulong ng langit sa espesyal at agarang paraan. Lahat tayo ay may mga sandali ng panghihina dahil sa mga sitwasyon o nalilito sa payo sa atin ng iba, at nadarama natin na kailangan tayong makatanggap ng espirituwal na patnubay, na kailangan nating mahanap ang tamang landas at gawin ang tama. Sa panimula ng banal na kasulatan sa dispensasyong ito sa mga huling araw, nangako ang Panginoon na kung tayo ay magpapakumbaba sa mga oras na iyon ng pangangailangan at hihingi tayo ng tulong sa kanya, tayo ay “maaaring gawing malakas, at pagpalain mula sa kaitaasan, at tumanggap ng kaalaman sa pana-panahon.” (D at T 1:28.) Mapapasaatin ang tulong na iyan kung hahangarin lang natin ito, magtitiwala rito, at susundin ang tinawag ni Haring Benjamin, sa Aklat ni Mormon, na mga “panghihikayat ng Banal na Espiritu.” (Mosias 3:19.)

Marahil walang pangakong higit na nagbibigay ng katiyakan maliban sa pangako ng banal na tulong at espirituwal na patnubay sa mga oras ng pangangailangan. Ito ay isang kaloob na malayang ibinigay ng langit, isang kaloob na kailangan natin mula sa ating pagkabata hanggang sa mga huling sandali ng ating buhay. …

Sa ebanghelyo ni Jesucristo, may tulong sa atin mula sa kaitaasan. “Magalak,” sabi ng Panginoon, “sapagkat akin kayong aakayin.” (D at T 78:18.) “Ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan.” (D at T 11:13.)

Pinatototohanan ko ang kabanalan ni Jesucristo. Talagang ang Diyos ay buhay at ibinabahagi sa atin ang kanyang Espiritu. Sa pagharap sa mga problema at pagtugon sa mga tungkulin sa buhay, nawa’y makamit nating lahat ang kaloob na iyon mula sa Diyos, na ating Ama, at masumpungan natin ang espirituwal na kagalakan.3

2

Gaya ni Joseph Smith, maaari tayong bumaling sa mga banal na kasulatan at sa panalangin para maturuan mula sa kaitaasan.

Ang batang propetang si Joseph Smith … ay hinangad na malaman ang isipan at kalooban ng Panginoon sa panahon ng kalituhan at pag-aalala sa kanyang buhay. … Ang lugar malapit sa Palmyra, New York, ay naging isang lugar ng “kakaibang kaguluhan sa paksa ng relihiyon” noong kabataan ni Joseph. Katunayan, ang buong distrito sa tingin niya ay tila naapektuhan nito, na “maraming tao,” pagsulat niya, ang nagpangkat-pangkat sa iba’t ibang relihiyon at lumikha ng malaking “kaguluhan at pagkakahati” sa mga tao [Joseph Smith—Kasaysayan 1:5].

Para sa isang batang katutuntong pa lang sa edad na labing-apat, ang kanyang paghahanap sa katotohanan ay lalo pang humirap at nakalito dahil ang mga miyembro ng pamilya Smith ay nagkaiba-iba ng sinapiang relihiyon noong panahong iyon.

Ngayon, sa pamilyar na kapaligiran at tagpong iyon, inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang pambihirang mga kaisipan at damdaming ito ng isang batang lalaki na napakamura ng edad. Isinulat niya:

“Sa panahong ito ng malaking kaguluhan, ang aking pag-iisip ay natawag sa matamang pagmumuni-muni at malaking pagkabahala; subalit, bagaman ang aking mga damdamin ay matindi at kadalasan ay masidhi, gayon man nanatili akong malayo sa mga pangkat na ito … ; napakalaki ng kaguluhan at sigalutan ng iba’t ibang sekta, na hindi maaari para sa isang tao na kasimbata ko, at walang kabatiran sa mga tao at bagay-bagay, na makarating sa anumang tiyak na pagpapasiya kung sino ang tama at kung sino ang mali.

“Kung minsan ang aking isipan ay labis na naguguluhan, ang sigawan at pag-iingay ay napakalakas at walang humpay. …

“Sa gitna nitong labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka, madalas kong sabihin sa aking sarili: Ano ang nararapat gawin? Sino sa lahat ng pangkat na ito ang tama; o, lahat ba sila ay pare-parehong mali? Kung mayroon mang isang tama sa kanila, alin ito, at paano ko ito malalaman?

Habang ako ay naghihirap sa ilalim ng masisidhing suliranin sanhi ng pagtutunggalian ng mga pangkat na ito ng mga relihiyoso, isang araw ako ay nagbabasa ng Sulat ni Santiago, unang kabanata at ikalimang talata, na mababasang: Kung nagkukulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, ay humingi sa Diyos, na nagbibigay nang sagana sa lahat, at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kanya.

“Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito. Tila pumasok ito nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng aking puso. Paulit-ulit kong pinagmuni-muni ito, nalalaman na kung may tao mang nangangailangan ng karunungan mula sa Diyos, ako yaon; na kung paano kikilos ay hindi ko alam, at maliban na kung makakukuha ako ng higit na karunungan kaysa sa aking taglay na, hindi ko kailanman malalaman” [Joseph Smith—Kasaysayan 1:8–12].

Mangyari pa, ang sumunod na nangyari ay nagpabago sa kasaysayan ng tao. Determinadong “humingi sa Dios,” nagtungo ang batang si Joseph sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan sa lalawigan. Doon, bilang sagot sa kanyang taimtim na panalangin, dinalaw ng Amang Walang Hanggan at ng Kanyang Anak na si Jesucristo si Joseph at pinayuhan ito. Sinagot ng dakilang pagpapamalas na iyon, na mapagpakumbaba kong pinatototohanan, ang marami pang tanong para sa ating dispensasyon at hindi lamang kung aling simbahan ang dapat o hindi dapat sapian ng batang si Joseph.

Ngunit ang layunin ko … ay hindi para idetalye ang mga unang sandali ng Panunumbalik, bagama’t isa ito sa pinakasagradong mga kuwento sa mga banal na kasulatan. Sa halip, nais ko lamang bigyang-diin ang kahanga-hangang antas ng espirituwalidad na ipinamalas ng napakabata at hindi nakapag-aral na lalaking ito.

Ilan sa atin, sa edad na labing-apat o anumang edad, ang makapag-iisip nang malinaw at kalmado habang napakaraming puwersang nanghihikayat at nagtutulak sa atin, lalo na tungkol sa napakahalagang paksa ukol sa ating walang-hanggang kaligtasan? Ilan sa atin ang makakatiis sa pagtatalo ng kalooban na maaaring sanhi ng magkaibang paniniwala ng mga magulang ukol sa relihiyon? Ilan sa atin, sa edad na labing-apat o limampu, ang magsasaliksik sa ating kalooban at sa banal na kasulatan upang mahanap ang mga sagot sa tinawag ni Apostol Pablo na “malalalim na mga bagay ng Dios”? (I Cor. 2:10.)

Kahanga-hanga talaga … na babaling nang husto ang batang ito sa mga banal na kasulatan at pagkatapos ay personal na mananalangin, ang dalawang pinakamalaking mapagkukunan marahil ng espirituwal na kabatiran at espirituwal na pahiwatig na matatanggap ng sangkatauhan. Tiyak na nahati ang kalooban niya sa magkakaibang opinyon, ngunit determinado siyang gawin ang tama at hanapin ang tamang landas. Naniwala siya, tulad natin na kailangang maniwala, na siya ay maaaring turuan at pagpalain mula sa kaitaasan, tulad ng nangyari sa kanya.

Ngunit, masasabi natin, si Joseph Smith ay isang napaka-espesyal na tao, at iba ang sitwasyon niya. Paano naman tayo ngayon na maaaring mas matanda na—mas matanda kahit man lang sa labing-apat na taong gulang—at hindi nakatadhanang magbukas ng isang dispensasyon ng ebanghelyo? Kailangan din nating gumawa ng mga desisyon at alisin ang pagkalito at mahiwatigan ang katotohanan sa lahat ng paksang nakakaapekto sa ating buhay. Ang mundo ay puno ng gayon kahihirap na desisyon, at kung minsan kapag naharap tayo sa mga ito, maaari nating maramdaman ang ating edad o mga kahinaan.

Maaari nating madama kung minsan na humina na ang ating espirituwalidad. Sa ilang matitinding pagsubok, maaari pa nating madama na nalimutan na tayo ng Diyos, na pinabayaan niya tayong mag-isa sa gitna ng ating kaguluhan at pag-aalala. Ngunit ang damdaming iyon ay hindi dapat madama ng mga nakatatanda ni ng nakababata man at walang-gaanong karanasan. Kilala at mahal tayong lahat ng Diyos. Tayo, bawat isa sa atin, ay Kanyang mga anak, at anuman ang ibunga sa atin ng mga aral sa buhay, totoo pa rin ang pangako: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.” (Santiago 1:5.)4

Si Joseph Smith sa kakahuyan

Maaari nating tularan ang halimbawa ni Joseph Smith sa paghahangad ng karunungan mula sa Diyos.

3

Ang panalangin ay isang paraan para tumanggap ng espirituwal na kaalaman at patnubay.

Ang kaalaman at karunungan ng daigdig at lahat ng bagay na temporal ay dumarating sa atin sa pamamagitan ng ating pisikal na mga pandamdam sa makamundo at temporal na mga paraan. Nakakahipo tayo, nakakakita tayo, nakakarinig at nakakalasa at nakakaamoy at natututo tayo. Gayunman, ang espirituwal na kaalaman, tulad ng sabi ni Pablo, ay dumarating sa atin sa espirituwal na paraan mula sa espirituwal na pinagmumulan nito. Sabi pa ni Pablo:

“Nguni’t ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.” (I Cor. 2:14.)

Natuklasan natin, at nalalaman, na ang tanging paraan para magtamo ng espirituwal na kaalaman ay lumapit sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa pangalan ni Jesucristo. Kapag ginagawa natin ito, at kung tayo ay espirituwal na handa, nakikita natin ang mga bagay na hindi pa nakita ng ating mga mata, at naririnig natin ang mga bagay na maaaring hindi pa natin narinig noon—“mga bagay na inihanda ng Dios,” ayon sa mga salita ni Pablo. (I Cor. 2:9.) Ang mga bagay na ito ay natatanggap natin sa pamamagitan ng Espiritu.

Naniniwala kami, at nagpapatotoo sa mundo, na ang pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit at patnubay ng Panginoon ay makakamit ngayon. Pinatototohanan namin na nangungusap ang Diyos sa tao tulad ng ginawa niya noong panahon ng Tagapagligtas at panahon ng Lumang Tipan.5

4

Maaari tayong manalangin sa tuwina, hindi lang sa sandali ng kawalan ng pag-asa.

Tila iminumungkahi ng ating makabagong panahon na ang katapatan sa panalangin at pagpipitagan sa kabanalan ay hindi makatwiran o hindi kanais-nais, o pareho. Magkagayunman, ang nag-aalinlangang mga tao na itinuturing ang kanilang sarili na “makabago” ay kailangan ng panalangin. Mapanganib na mga sandali, malaking responsibilidad, matinding pag-aalala, napakatinding dalamhati—ang mga hamong ito na nagwawaksi ng dati nating pagkakampante at mga karaniwang gawain ay ilalabas ang ating likas na pag-uugali. Kung hahayaan natin ang mga ito, gagawin tayo nitong mapagpakumbaba, malambot ang puso, at ibabaling tayo sa magalang na panalangin.

Kung ang panalangin ay paminsan-minsang paghingi lamang ng tulong, lubos itong makasarili, at iniisip natin na ang Diyos ay isang tagakumpuni o ahensya ng serbisyo para tulungan lamang tayo sa ating mahihigpit na pangangailangan. Dapat nating alalahanin ang Kataas-taasan araw at gabi—palagi—hindi lamang sa mga sandali na hindi nakatulong ang iba at kailangang-kailangan natin ng tulong. Kung may anumang sangkap sa buhay ng tao na nakatala na mahimalang nagtagumpay at napakahalaga sa kaluluwa ng tao, ito ay ang mapanalangin, mapitagan, at taimtim na pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit.

“Pakinggan mo ang aking mga salita, Oh Panginoon, pakundanganan mo ang aking pagbubulay-bulay,” pagsamo ng Mang-aawit.

“Dinggin mo ang tinig ng aking daing, Hari ko, at Dios ko; sapagka’t sa iyo’y dumadalangin ako.

“Oh Panginoon, sa kinaumagaha’y didinggin mo ang aking tinig; sa kinaumagahan ay aayusin ko ang aking dalangin sa iyo, at [titingala] ako.” (Mga Awit 5:1–3.)

Marahil ang kailangan ng mundong ito, tulad ng iba pang bagay, ay “tumingala” sabi nga ng Mang-aawit—na tumingala kapag tayo’y nagagalak gayundin kapag tayo’y nagdadalamhati, kapag tayo’y sagana gayundin kapag tayo’y nangangailangan. Kailangan ay patuloy tayong tumingala at kilalanin na ang Diyos ang tagapagbigay ng bawat mabuting bagay at pinagmumulan ng ating kaligtasan. …

Maraming lugar sa ating lipunan kung saan naglaho na ang diwa ng panalangin at pagpipitagan at pagsamba. Ang kalalakihan at kababaihan na iba’t iba ang katayuan ay matatalas ang isipan, kawili-wili, o matatalino, pero kulang sila ng isang mahalagang elemento ng kumpletong buhay. Hindi sila tumitingala. Hindi sila nag-aalay ng mga panata sa kabutihan [tingnan sa D at T 59:11]. Nakawiwili ang pag-uusap nila, pero hindi sagrado. Nakakatawa ang sinasabi nila, pero hindi matalino. Maging ito man ay sa opisina, sa locker room, o sa laboratoryo, halos wala nang dignidad yaong mga nagpapakita ng sarili nilang limitadong kakayahan at nakadarama na kailangan nilang lapastanganin ang Diyos sa kanilang pananalita.

Nakalulungkot na kung minsa’y nakikita natin ang kawalan ng pagpipitagang ito maging sa loob ng Simbahan. Paminsan-minsan masyado tayong malakas mag-usap, pumapasok at lumalabas tayo ng mga pulong nang walang paggalang sa dapat sana ay oras ng panalangin at nagpapadalisay na pagsamba. Pagpipitagan ang kapaligiran ng langit. Ang panalangin ay pakikipag-ugnayan ng kaluluwa sa Diyos Ama. Makabubuti na maging higit tayong katulad ng ating Ama sa pamamagitan ng pagtingala sa kanya, sa pag-alaala sa kanya sa tuwina, at sa pagmamasalakit nang husto sa kanyang mundo at sa kanyang gawain.6

babaing nagdarasal

“Ang panalangin ay pakikipag-ugnayan ng kaluluwa sa Diyos Ama.”

5

Nagkakaroon tayo ng kakayahang tumanggap ng espirituwal na kaalaman kapag nag-ukol tayo ng panahong magnilay-nilay, mag-isip-isip, at manalangin.

Ang pagiging espirituwal at pamumuhay alinsunod sa pinakamataas na mga impluwensya ng kabanalan ay hindi madali. Kailangan dito ang panahon at madalas ay may pagpupunyagi. Hindi ito magkakataon lamang, kundi maisasagawa lamang sa pamamagitan ng kusang pagsisikap at pagtawag sa Diyos at pagtupad sa kanyang mga utos. …

Naibigay na sa atin ni Propetang Joseph Smith … ang marahil ay pinakamalinaw na pahayag sa lahat tungkol sa pangangailangang maging espirituwal at sa panahon at tiyagang kailangan nating tanggapin na bahagi ng proseso. Sabi [niya]: “Tinatanggap natin na nilikha ng Diyos ang tao na may isipang maaaring turuan, katalinuhang maaaring paunlarin ayon sa pagtalima at kasigasigang ibinigay sa kaliwanagang ipinararating ng langit sa isipan; at habang papalapit sa pagiging sakdal ang isang tao, higit na lumilinaw ang kanyang mga pananaw, at higit siyang nasisiyahan, hanggang sa madaig niya ang mga kasamaan sa kanyang buhay at mawala ang lahat ng hangaring magkasala; at tulad ng mga tao noong unang panahon, ay sumasapit ang kanyang pananampalataya sa puntong siya ay nababalot sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng kanyang Lumikha, at umaakyat sa langit upang makapiling Siya. Ngunit tinatanggap natin na ito ay isang kalagayang hindi nararating ng sinumang tao sa isang iglap” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 244].7

Kailangan tayong mag-ukol ng panahon na ihanda ang ating isipan para sa mga espirituwal na bagay. Ang pagkakaroon ng espirituwal na kakayahan ay hindi nagmumula sa pagkakaloob ng awtoridad. Kailangan ay may paghahangad, pagsisikap, at personal na paghahanda. Kailangan dito, mangyari pa, ang … pag-aayuno, pagdarasal, pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan, karanasan, pagninilay, at pagkagutom at pagkauhaw sa matwid na pamumuhay.

Nakikita ko na makakatulong kung rerepasuhin natin ang mga payong ito mula sa Diyos na Maykapal:

“Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan” (D at T 42:61).

“Humingi sa Ama sa aking pangalan, nang may pananampalataya na naniniwalang kayo ay makatatanggap, at mapapasainyo ang Espiritu Santo, na nagpapahayag ng lahat ng bagay na kinakailangan ng mga anak ng tao” (D at T 18:18).

“Hayaang ang mga kataimtiman ng kawalang-hanggan ay manatili sa inyong mga isipan”(D at T 43:34).

“Papagyamanin sa inyong mga isipan tuwina ang mga salita ng buhay, at ibibigay ito sa inyo sa oras na iyon yaong bahagi na nararapat ipagkaloob sa bawat tao” (D at T 84:85).

“Masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti, kung kayo ay lalakad nang matwid at tandaan ang tipan na inyong ipinakipagtipan sa isa’t isa” (D at T 90:24).

“Ang Diyos ay magbibigay sa iyo ng kaalaman sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu, oo, sa pamamagitan ng hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo” (D at T 121:26).

Ito ay mga pangakong tiyak na tutuparin ng Panginoon kung ihahanda natin ang ating sarili.

Mag-ukol ng oras na magnilay-nilay, mag-isip-isip, at manalangin tungkol sa mga bagay na espirituwal.8

6

Tutulungan tayo ng Diyos na espirituwal na umunlad sa paisa-isang hakbang.

Bahagi ng ating mga paghihirap habang sinisikap nating maging espirituwal ang pakiramdam na napakaraming kailangang gawin at parang hindi natin kaya ito. Ang pagiging perpekto ay malayo pang makamtan ng bawat isa sa atin; ngunit maaari nating gamitin ang ating mga kalakasan, magsimula kung saan tayo naroon sa ngayon, at hangarin ang kaligayahang matatagpuan sa paghahangad sa mga bagay ng Diyos. Dapat nating alalahanin ang payo ng Panginoon:

“Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.

“Masdan, hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan; at ang may pagkukusa at ang masunurin ay kakainin ang taba ng lupain ng Sion sa mga huling araw na ito.” (D at T 64:33-34.)

Noon pa man ay nahihikayat na ako sa sinabi ng Panginoon na ang, “may pagkukusa at ang masunurin [ang kakain ng] taba ng lupain ng Sion sa mga huling araw na ito.” Lahat tayo ay maaaring magkusa at maging masunurin. Kung sinabi na ng Panginoon na ang perpekto ang kakain ng taba ng lupain ng Sion sa mga huling araw na ito, palagay ko ang ilan sa atin ay panghihinaan ng loob at susuko. …

Ito ang lugar para magsimula. Ngayon ang panahon para magsimula. Kailangan lang nating kumilos nang paisa-isang hakbang. Ang Diyos, na “nagplano ng paraan para tayo lumigaya,” ay aakayin tayo na parang maliliit na bata, at sa gayong paraan ay magiging perpekto tayo.

Wala pang sinuman sa atin na naging perpekto o nakamit ang rurok ng espirituwal na paglago na posibleng makamit sa mortalidad. Bawat tao ay maaari at kailangang magkaroon ng espirituwal na pag-unlad. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang banal na plano para sa walang-hanggang espirituwal na pag-unlad na iyon. Higit pa ito sa isang alituntunin ng pag-uugali. Higit pa ito sa isang ulirang kaayusan ng lipunan. Higit pa ito sa positibong pag-iisip tungkol sa pagpapaunlad ng sarili at determinasyon. Ang ebanghelyo ang nakapagliligtas na kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo kasama ang kanyang priesthood at espirituwal na pangangalaga at Banal na Espiritu. Sa pagsampalataya sa Panginoong Jesucristo at pagsunod sa Kanyang ebanghelyo, sa unti-unting pagpapakabuti sa ating buhay, sa pagsamo na mapalakas, sa pagpapabuti ng ating mga saloobin at ambisyon, matatagpuan nating nagtagumpay tayo na mapabilang sa kawan ng Mabuting Pastol. Kailangan diyan ang disiplina at pagsasanay at pagsisikap at lakas. Ngunit sabi nga ni Apostol Pablo, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan ni Cristo na nagpapalakas sa akin.” (Fil. 4:13.)

Ganito ang pangako sa isang makabagong paghahayag: “Magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti—oo, ang gumawa ng makatarungan, lumakad nang may pagpapakumbaba, maghatol nang matwid; at ito ang aking Espiritu.

“Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan;

“At pagkatapos ay iyong malalaman, o sa pamamagitan nito ay iyong malalaman, ang lahat ng bagay anuman ang naisin mo sa akin, na nauukol sa mga bagay ng kabutihan, nang may pananampalataya na naniniwala sa akin na ikaw ay makatatanggap.” (D at T 11:12–14.)9

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Matapos basahin ang bahagi 1, isipin ang mga pagkakataon na nangailangan ka ng tulong ng langit. Paano napagpala ng pangako ng banal na tulong ang iyong buhay sa mga oras ng pangangailangan?

  • Sa bahagi 2, ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Joseph Smith na makakatulong sa atin kapag nalilito tayo? Paano tayo magiging mas sensitibo sa espirituwal na gaya ni Joseph?

  • Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Hunter kung paano tayo tumatanggap ng espirituwal na kaalaman (tingnan sa bahagi 3). Paano natin madaragdagan ang ating hangarin at kakayahang magtamo ng espirituwal na kaalaman? Ano ang ilang paraan na natulungan ka ng espirituwal na kaalaman?

  • Ano ang mga panganib ng pagturing sa Diyos bilang “isang tagakumpuni o ahensya ng serbisyo para tulungan lamang tayo sa ating mahihigpit na pangangailangan”? (Tingnan sa bahagi 4.) Paano naging pagpapala sa iyo ang panalangin?

  • Sa bahagi 5, itinuro sa atin ni Pangulong Hunter kung paano magkaroon ng espirituwalidad. Bakit kailangan ang pagsisikap para magkaroon ng espirituwal na lakas? Ano ang matututuhan natin mula sa mga banal na kasulatan na binanggit ni Pangulong Hunter sa bahaging ito?

  • Repasuhin ang mga turo ni Pangulong Hunter sa bahagi 6 tungkol sa espirituwal na pag-unlad. Paano naging paisa-isang hakbang na proseso ang espirituwal na paglago para sa iyo? Paano makakatulong ang payo ni Pangulong Hunter sa bahaging ito kung pakiramdam mo ay nagkukulang ka sa iyong espirituwal na paglago?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mga Awit 25:5; Mga Kawikaan 3:6; 2 Nephi 32:8–9; Alma 5:46; 34:17–27; 37:36–37; D at T 8:2–3; 88:63; 112:10; Joseph Smith—Kasaysayan 1:13–17

Tulong sa Pagtuturo

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang kabanata, na hinahanap ang mga pangungusap o talata na mahalaga sa kanila. Hilingin sa kanila na ibahagi ang mga pangungusap o talatang ito at ipaliwanag kung bakit makahulugan ang mga ito.

Mga Tala

  1. Sa Kellene Ricks, “Friend to Friend: From an Interview with Howard W. Hunter, President of the Quorum of the Twelve Apostles,” Friend, Abr. 1990, 6.

  2. The Teachings of Howard W. Hunter, ed. ni Clyde J. Williams (1997), 39-40.

  3. “Blessed from on High,” Ensign, Nob. 1988, 59, 61.

  4. “Blessed from on High,” 59–60.

  5. “Conference Time,” Ensign, Nob. 1981, 13.

  6. “Hallowed Be Thy Name,” Ensign, Nob. 1977, 52–53.

  7. “Developing Spirituality,” Ensign, Mayo 1979, 25.

  8. The Teachings of Howard W. Hunter, 36–37.

  9. “Developing Spirituality,” 25–26.