Kabanata 14
Pagpapabilis ng Gawain sa Family History at sa Templo
“Tiyak na susuportahan tayo ng Panginoon kung sisikapin nating mabuti na sundin ang utos na magsaliksik ng family history at gumawa ng gawain sa templo.”
Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter
Ang family history ay malapit na sa puso ni Pangulong Howard W. Hunter noon pa man. Mula pa sa pagkabata, wiling-wili na siyang makinig sa mga kuwento tungkol sa kanyang mga ninuno. Nang lumaki na siya, naglaan siya ng malaking oras sa pagsasaliksik ng kanyang family history.1 Noong 1972, habang nasa Europe siya para sa isang tungkulin sa Simbahan, binisita nila ng kanyang asawang si Claire ang mga lugar sa Denmark na tinirhan ng kanyang mga ninuno. Sa isa sa mga baryo, natagpuan nila ang simbahan kung saan nabinyagan ang lolo-sa-tuhod ni Pangulong Hunter na si Rasmussen at kung saan nagsimba ang pamilya. Tumindi ang pagpapahalaga ni Pangulong Hunter sa mga ninuno sa panig ng kanyang ina dahil sa karanasang ito. Bumisita rin siya sa mga lugar sa Norway at Scotland na tinirhan ng iba pa niyang mga ninuno.2
Ginunita ng anak ni Pangulong Hunter na si Richard ang pagmamahal ng kanyang ama sa family history:
“Buong buhay siyang masigasig na nagsaliksik. Madalas siyang magpunta sa Los Angeles public library mula sa kanyang trabaho bilang abugado para magsaliksik sa malawak na genealogy section doon. Isinaayos niya ang kanyang nasaliksik, mga family group sheet, pedigree chart, at mga kuwentong personal niyang isinulat sa mga ledger book.
“Paminsan-minsan sumasama ako sa kanya sa iba’t ibang conference assignment. Maglalagay siya ng ilang ledger sa likuran ng kotse, at pagkatapos ng stake conference ay sasabihing, ‘Punta tayo sa bahay ng pinsan kong [ito] sandali. May mga petsa akong gustong tiyakin kung tama.’ Pupunta kami sa bahay ng pinsan niyang [ito]. Kukunin niya ang mga ledger sa likuran ng kotse, at maya-maya lang ay puno na ng mga family group sheet ang hapag-kainan.
“Kung gustong matiyak ng isa sa mga kapamilya na tama ang impormasyong hawak nila para sa sarili nilang pagsasaliksik, tatawagan o susulatan nila si Itay para matiyak kung tama iyon dahil alam nila na tama ang nasa kanya. Kahanga-hanga ang ginawa niya.”3
Minsan noong naglilingkod si Pangulong Hunter sa Korum ng Labindalawa, bumisita ang kanyang mga home teacher at sabi nila, “Gusto po naming ipakita sa inyo ang mga family group sheet na inihanda namin. … Wala po kaming oras na tingnan ang sa inyo ngayong gabi, pero pagpunta po namin sa susunod gusto po naming makita iyon.”
“Nakakatuwa iyon para sa akin,” sabi ni Pangulong Hunter. “Pinaghandaan ko nang isang buwan ang sumunod na pagbisita ng mga home teacher.”4
Mula 1964 hanggang 1972, pinamunuan ni Howard W. Hunter ang Genealogical Society of Utah (tingnan sa pahina 19). Noong 1994, sa isang pulong na nagparangal kay Pangulong Hunter at gumunita sa ika-100 anibersaryo ng Genealogical Society, sinabi niya:
“Sa gabi bago sumapit ang aking ikawalumpu’t pitong kaarawan, ginugunita ko nang may pagkamangha ang halimbawa ng Panginoon sa pagsusulong ng gawain sa templo at sa family history. Noong ako ang pangulo ng Genealogical Society of Utah, may mga mithiin kami kung paano pabibilisin ang pagsulong nito. Ngayo’y namamasdan natin ang isang maluwalhating bagay na nangyayari sa buong mundo. Sumusulong ang ebanghelyo upang sakupin ang bawat bansa, lahi, wika, at tao. Ang mga templo ay nasa buong daigdig, at ang diwa ni Elijah ay umaantig sa puso ng maraming miyembro, na gumagawa ng family history at ordenansa sa templo sa pambihirang bilis.”5
Mga Turo ni Howard W. Hunter
1
Ang mga templo ay itinatayo para sa pagsasagawa ng mga ordenansang mahalaga sa kaligtasan at kadakilaan ng mga anak ng Diyos.
Ang mga templo ay sagrado para sa pinakamalapit na pag-uugnayan ng Panginoon at ng mga tumatanggap ng pinakamataas at pinakasagradong mga ordenansa ng banal na priesthood. Sa templo napag-uugnay ang mga bagay ng daigdig at ang mga bagay ng langit. … Ang buong mag-anak ng Diyos ay magkakasama-sama sa pamamagitan ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo. Ang pagsasagawa ng gawain para sa mga patay at ng mga ordenansa para sa mga buhay ang mga layunin ng mga templo.6
Ang ebanghelyong ipinapahayag ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mundo ay ang ebanghelyo ni Jesucristo ayon sa pagkapanumbalik nito sa daigdig sa dispensasyong ito at ito ay para matubos ang buong sangkatauhan. Inihayag ng Panginoon mismo kung ano ang mahalaga sa kaligtasan at kadakilaan ng kanyang mga anak. Ang isa sa mahahalagang bagay na ito ay na magtatayo ng mga templo para sa pagsasagawa ng mga ordenansang hindi maisasagawa sa iba pang lugar.
Kapag ipinaliliwanag ito sa mga tao mula sa lahat ng panig ng mundo na nagpupunta at tumitingin sa ating mga templo, ang madalas itanong ng mga taong ito ay, anong mga ordenansa ang isinasagawa sa mga templo?
Pagbibinyag para sa mga patay
Bilang sagot, madalas ay ipinaliliwanag muna natin ang ordenansang tinatawag na pagbibinyag para sa mga patay. Pansinin na maraming Kristiyanong naniniwala na kapag namatay tayo, ang kalagayan natin sa harap ng Panginoon ay ipinapasiya para sa buong kawalang-hanggan, sapagka’t hindi ba sinabi ni Cristo kay Nicodemo, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5)? Subalit alam natin na maraming taong namatay nang walang ordenansa ng binyag, kaya nga, ayon sa pahayag ni Cristo kay Nicodemo, hindi sila makapapasok sa kaharian ng Dios. Narito ang tanong, makatarungan ba ang Diyos?
Ang sagot ay, talagang makatarungan ang Diyos. Malinaw na ipinahihiwatig ng pahayag ng Tagapagligtas kay Nicodemo na ang mga binyag ay maaaring gawin para sa mga namatay na hindi pa nabinyagan. Sinabi na sa atin ng mga propeta sa mga huling araw na ang binyag ay isang ordenansa sa lupa na maisasagawa lamang ng mga buhay. Kung gayon ay paano mabibinyagan ang mga patay kung mga buhay lamang ang makapagsasagawa ng ordenansa? Iyan ang tema ng sulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto nang itanong niya ito:
“Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila’y binabautismuhan [para] sa kanila?” (I Mga Taga Corinto 15:29.)7
Makatwiran ba na ang mga taong nabuhay sa lupa at namatay nang hindi nabibinyagan ay dapat pagkaitan ng binyag sa buong kawalang-hanggan? Hindi ba makatwiran ang magpabinyag ang mga buhay para sa mga patay? Marahil ang pinakadakilang halimbawa ng paggawa ng gawain para sa mga patay ay ang Guro mismo. Ibinigay niya ang kanyang buhay bilang pagbabayad-sala para sa iba, nang ang lahat ng namatay ay mabuhay na muli at magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ginawa niya para sa atin ang hindi natin magagawa para sa ating sarili. Sa kahalintulad na paraan makapagsasagawa tayo ng mga ordenansa para sa mga hindi nagkaroon ng pagkakataong gawin ito noong [sila] ay nabubuhay.8
Ang endowment
Ang endowment ay isa pang ordenansang isinasagawa sa ating mga templo. Binubuo ito ng dalawang bahagi: una, sunud-sunod na mga tagubilin, at ikalawa, mga pangako o tipan na ginagawa ng taong tumatanggap ng endowment—mga pangakong mamuhay nang matwid at sumunod sa mga ipinagagawa ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang endowment ay isang ordenansa para sa dakilang pagpapala ng mga Banal—kapwa sa mga buhay at mga patay. Kaya ito ay isa ring ordenansang isinasagawa ng mga buhay alang-alang sa mga taong pumanaw na; ito ay isinasagawa para sa mga napabinyagan na.
Selestiyal na kasal
Ang isa pang ordenansa sa templo ay ang selestiyal na kasal, kung saan ang babae ay ibinubuklod sa lalaki at ang lalaki ay ibinubuklod sa babae magpasawalang-hanggan. Siyempre pa, alam natin na ang mga kasal sa huwes ay nagwawakas sa kamatayan; ngunit ang mga walang-hanggang kasal na isinasagawa sa templo ay maaaring tumagal magpakailanman. Ang mga anak na isinilang sa isang lalaki at babaeng mag-asawa matapos makasal nang walang hanggan ay sadyang nabubuklod sa kanilang mga magulang magpasawalang-hanggan. Kung ang mga bata ay isinilang bago nabuklod ang ina sa kanyang asawa, may isang ordenansa ng pagbubuklod sa templo na maaaring mabuklod ang mga batang ito sa kanilang mga magulang magpasawalang-hanggan, kaya nga maaaring mapabuklod ng iba ang mga bata sa mga magulang na pumanaw na. …
“Lahat ng ordenansang ito ng priesthood ay mahalaga para sa kaligtasan at kadakilaan ng mga anak ng ating Ama sa Langit.9
2
Ang adhikain ng gawain sa family history ay matanggap ng lahat ng tao ang mga pagpapala ng templo.
Tiyak na tayong nabubuhay ay may gagawing isang dakilang gawain. … Ang pagtatayo ng mga templo ay malaki ang kahalagahan para sa ating sarili at sa sangkatauhan, at nagiging malinaw ang ating mga responsibilidad. Kailangan nating isakatuparan ang mga ordenansa ng priesthood sa templo na mahalaga sa ating sariling kadakilaan; pagkatapos ay kailangan nating gawin ang mahalagang gawain para sa mga hindi nagkaroon ng pagkakataon na tanggapin ang ebanghelyo sa buhay na ito. Ang paggawa ng gawain para sa iba ay naisasagawa sa dalawang hakbang: una, sa pagsasaliksik ng family history para matukoy ang ating mga ninuno; at pangalawa, sa pagsasagawa ng mga ordenansa ng templo upang ibigay din sa kanila ang mga pagkakataong ibinibigay sa mga buhay.
Subalit maraming miyembro ng Simbahan ang limitado lamang ang pagpasok sa mga templo. Ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila. Nagsasaliksik sila ng family history at ipinagagawa sa iba ang ordenansa sa templo. Sa kabilang banda, may ilang miyembrong gumagawa ng gawain sa templo ngunit hindi nasasaliksik ang family history ng sarili nilang mga ninuno. Bagama’t nagsasagawa sila ng banal na paglilingkod sa pagtulong sa iba, nawawalan sila ng pagpapala sa hindi pagsasaliksik sa sarili nilang kamag-anak na namatay na tulad ng tagubilin ng mga propeta sa mga huling araw.
Naaalala ko ang isang karanasan ilang taon na ang nakararaan na kahalintulad ng kundisyong ito. Sa pagtatapos ng isang fast and testimony meeting, sinabi ng bishop, “Nagkaroon tayo ngayon ng espirituwal na karanasan sa pakikinig sa mga patotoo ng bawat isa. Ito ay dahil nag-ayuno tayo ayon sa batas ng Panginoon. Ngunit tandaan natin na ang batas ay may dalawang bahagi: na nag-aayuno tayo sa pamamagitan ng hindi pagkain at pag-inom at na iniaambag natin ang perang natipid natin sa bishop’s storehouse para sa kapakanan ng mga di-gaanong mapalad.” Pagkatapos ay idinagdag niya: “Sana’y walang lumisan sa atin ngayon na kalahati lamang ang natamong pagpapala.”
Nalaman ko na ang mga nagsasaliksik ng family history at pagkatapos ay nagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa mga pangalang nahanap nila ay makadarama ng dagdag na kagalakan sa pagtanggap ng dalawang bahagi ng pagpapala.
Bukod pa rito, sabik na naghihintay ang mga patay na saliksikin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga pangalan at pagkatapos ay magpunta sa mga templo upang isagawa ang mga ordenansa para sa kanila, nang sila ay mapalaya mula sa kanilang piitan sa daigdig ng mga espiritu. Lahat tayo ay dapat magalak sa maringal na gawaing ito ng pagmamahal.10
Ang adhikain ng gawain sa family history ay matanggap ng lahat ng tao, buhay man o patay, ang mga pagpapala ng templo. Sa pagdalo natin sa templo at pagsasagawa ng gawain para sa mga patay, nagkakaroon tayo ng malalim na pakikiisa sa Diyos at higit na pag-unawa sa kanyang plano para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Natututo tayong mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili. Tunay ngang walang gawaing papantay sa ginagawa sa templo.11
3
Nawa’y maging determinado tayo sa pagpapabilis ng ating gawain sa family history at sa templo.
Habang ginagawa natin ang gawain [sa] templo para sa mga sumakabilang-buhay na, maaalala natin ang inspiradong payo ni Pangulong Joseph F. Smith na nagsabi: “Sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap para sa kanila ay makakalag ang gapos ng kanilang pagkakaalipin, at maglalaho ang kadiliman na bumabalot sa kanila, upang sumikat ang liwanag sa kanila; at maririnig nila sa daigdig ng espiritu ang gawain na isinagawa para sa kanila ng kanilang mga anak dito sa lupa, at magagalak sila” [sa Conference Report, Oct. 1916, 6].12
Ang sagradong gawaing ito [sa family history at sa templo] ay nasasapuso’t isipan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. Nagsasalita ako para sa lahat ng Kapatid kapag nagpapasalamat ako sa mga nagbigay ng malaking kontribusyon sa paglalaan ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa mga nasa kabilang-buhay na. … Nagpapasalamat kami sa hukbo ng mga boluntaryong nagsusulong ng makapangyarihang gawaing ito sa buong mundo. Salamat sa inyong lahat sa napakagandang ginagawa ninyo.
Sabi ni Propetang Joseph Smith, “Ang pinakamalaking responsibilidad sa mundong ito na iniatang sa atin ng Diyos ay ang saliksikin at kilalanin ang ating mga patay” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 557]. Sinabi rin niya: … “Ang mga Banal na magbabalewala dito para sa kanilang namayapang mga kamag-anak, ay ginagawa ito sa ikapapahamak ng sarili nilang kaligtasan” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 553].
Dahil gayon din ang pagkaunawa sa mahalagang paghahayag na ito, sinabi ni Pangulong Brigham Young: “Mayroon tayong gawain na kasinghalaga ng gawain ng Tagapagligtas. Ang ating mga ninuno ay hindi magiging ganap kung wala tayo; hindi tayo magiging ganap kung wala sila. Nagawa na nila ang kanilang gawain at ngayon ay nakahimlay na. Tinatawagan tayo ngayon na gawin ang ating mga gawain; na siyang magiging pinakadakilang gawain na gagampanan ng tao sa daigdig kailanman” (Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe, Salt Lake City: Deseret Book Co., 1941, p. 406).
Inulit na ng bawat propetang namuno sa simbahang ito mula noong panahon ni Joseph Smith hanggang ngayon ang dakilang katotohanang ito. Sa paggabay ng mga katotohanang ito, naging abala na ang Simbahan sa simula pa lamang ng dispensasyong ito sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan para sa lahat ng anak na lalaki at anak na babae ng Diyos, kailan man sila nabuhay sa mundo.
Tayo na nabubuhay sa panahong ito ang hinirang ng Diyos bago tayo isinilang na maging kanyang mga kinatawan sa lupa sa dispensasyong ito. Bahagi tayo ng sambahayan ni Israel. Sa ating mga kamay nakasalalay ang mga sagradong kapangyarihan ng pagiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion sa mga huling araw [tingnan sa Obadias 1:21].
Patungkol sa gawain sa templo at sa family history, may isa akong napakahalagang mensahe: Kailangang pabilisin ang gawaing ito. Ang gawaing naghihintay ay napakalaki at hindi kayang unawain ng tao. Noong nakaraang taon [1993] nagsagawa kami ng mga proxy temple endowment para sa mga lima’t kalahating milyong katao, ngunit noong taon na iyon ay mga limampung milyong tao ang namatay. Maaaring pahiwatig ito na walang saysay ang gawaing nasa ating harapan, ngunit hindi natin maaaring isipin na walang saysay ito. “Tiyak na susuportahan tayo ng Panginoon kung sisikapin nating mabuti na sundin ang utos na magsaliksik ng family history at gawin ang gawain sa templo. Ang dakilang gawain ng mga templo at lahat ng sumusuporta rito ay kailangang lumawak. Mahalagang gawin ito! …
Mahal kong mga kapatid, nawa’y maging determinado tayo sa pagpapabilis ng ating gawain sa family history at sa templo. Sabi ng Panginoon, “Ang gawain sa aking templo, at lahat ng gawain na aking itinakda sa inyo, ay ipagpatuloy at huwag itigil; at ang inyong pagsusumikap, at ang inyong pagtitiyaga, at pagtitiis, at ang inyong mga gawain ay papag-ibayuhin, at tiyakang hindi mawawala sa inyo ang inyong gantimpala, wika ng Panginoon ng mga Hukbo” (D at T 127:4).
Hinihikayat ko kayo sa inyong mga pagsisikap sa mga salitang ito ni Propetang Joseph Smith: “Mga kapatid, hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag umurong. Lakas-ng-loob, mga kapatid; at humayo, humayo sa pananagumpay! Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak. Bumulalas ang mundo sa pag-awit. Magsalita ang mga patay ng mga awit ng walang hanggang papuri sa Haring Immanuel, na nag-orden, bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, [sa] yaong makatutulong sa atin upang matubos sila mula sa kanilang bilangguan; sapagkat ang mga bilanggo ay makalalaya” (D at T 128:22).
Mahal ko ang gawaing ito. Alam ko na ilalaan ng Panginoon ang lahat ng kakailanganin upang maisakatuparan ito kapag tapat nating ginawa ang ating tungkulin. Nawa’y basbasan ng Panginoon ang bawat isa sa atin sa paggawa ng kontribusyon sa dakilang gawaing ito, na kailangan nating isagawa sa ating panahon.13
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Pagnilayan ang pambungad na pangungusap sa bahagi 1. Paano kayo natulungan ng pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo na mapalapit sa Diyos? Anong impormasyon sa bahaging ito ang makakatulong para maipaliwanag ninyo ang mga layunin ng mga templo sa isang taong hindi nakauunawa sa mga ito?
-
Paano napasainyo ang “dalawang bahagi ng pagpapala” na pagsasaliksik ng family history at gawain sa templo? (Tingnan sa bahagi 2.) Paano natin maisasali ang mga bata at iba pang mga kapamilya sa mahalagang gawaing ito?
-
Habang nirerepaso ninyo ang mga turo ni Pangulong Hunter sa bahagi 3, isipin ang pagpapahalagang ipinakita ng Panginoon sa gawain sa family history at sa templo. Paano bumibilis ang gawain sa family history at sa templo? Paano natin mapag-iibayo ang ating pakikibahagi sa gawing ito?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Isaias 42:6–7; Malakias 4:5–6; I Pedro 3:18–20; 4:6; D at T 2; 110:12–15; 124:28–30; 128:15–18; 138:57–59
Tulong sa Pag-aaral
Para maihalintulad ang mga salita ng isang propeta sa inyong sarili, pag-isipan kung paano nauugnay sa inyo ang kanyang mga turo (tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 225). Sa inyong pag-aaral, isiping tanungin ang inyong sarili kung paano makakatulong ang mga turong iyon sa inyong mga problema, tanong, at pagsubok sa buhay.