Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 19: Ang Ating Lubos na Katapatan sa Diyos


Kabanata 19

Ang Ating Lubos na Katapatan sa Diyos

“Ang matagumpay na buhay … ay nangangailangan ng katapatan—buong kaluluwa, matibay na pinaninindigan, patuloy na pinahahalagahang katapatan sa mga alituntuning alam nating totoo sa mga utos na ibinigay ng Diyos.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Nang tawagin si Howard W. Hunter na maging miyembro ng Korum ng Labindalawa, sinabi niya, “Tinatanggap ko, nang walang pag-aalinlangan, ang tawag … sa akin, at handa akong ilaan ang buhay ko at ang lahat ng mayroon ako sa paglilingkod na ito.”1

Si Elder Hunter ay naging tapat sa kanyang pangako. Matapos siyang maorden bilang Apostol, bumalik siya sa California upang tapusin ang mga obligasyon sa Simbahan at sa negosyo at simulan ang paghahandang lumipat sa Salt Lake City. Mahirap para kina Elder at Sister Hunter na lisanin ang kanilang mga pamilya at kaibigan sa California—at iwanan ni Elder Hunter ang kanyang pagiging abugado. Nang tapusin niya ang kanyang propesyon bilang abugado, isinulat niya:

“Ngayon ay natapos ko na ang karamihan sa trabaho ko sa opisina. Halos lahat ng nakabinbin na trabaho ay tapos na. Nag-iisa ako sa opisina ngayon na nababatid na ang aking pagiging abugado ay magwawakas na. Nagsulat ako sa ilang file at iniwan ang mga ito sa ibabaw ng mesa. … Parang kinabahan ako na hindi mawari nang lisanin ko ang opisina. Naging masaya ako sa pag-aabugado at ito na ang buhay ko sa nakalipas na maraming taon, ngunit sa kabila nito ay natutuwa at masaya akong tumugon sa dakilang tungkuling ibinigay sa akin sa Simbahan.”2

Alam ni Elder Hunter mula sa personal na karanasan na “ang pagpapasakop sa kalooban ng ating Ama ay hindi laging madali.”3 Gayunpaman, alam niya ang kahalagahan ng pagiging lubos na tapat sa Diyos. Hinggil sa katapatang iyan, isinulat niya: “Karamihan sa mga tao ay hindi nauunawaan kung bakit ang mga miyembro ng ating relihiyon ay tumutugon sa tawag na maglingkod o nakahandang ibigay ang lahat-lahat. Labis kong ikinasiya ang pag-aabugado, ngunit ang tungkuling ito na dumating sa akin ay higit pa sa pagmamahal sa propesyon o perang kikitain.”4

Larawan
mga kababaihang may supot ng groseri

Ang isang paraan na maipapakita natin ang ating “lubos na katapatan” at “buong dedikasyon” ay ang paglingkuran ang mga nangangailangan.

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Hinihingi ng ating Ama sa Langit ang ating lubos na katapatan, hindi lamang ang maiaambag natin.

Kapag iniisip ko ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Diyos at ang magagandang katangian ng ebanghelyo ni Jesucristo, alam ko na kaakibat nito ang pangangailangang mag-ambag tayo ng panahon o salapi o iba pang tulong. Lahat ng ito ay mahalaga at kailangan, ngunit hindi ito ang buong maihahandog natin sa Diyos. Sa huli, hihingan tayo ng Ama sa Langit ng higit pa sa isang ambag; ito ay ang lubos na katapatan, buong dedikasyon, buong pagkatao at lahat ng maaari nating marating.

Unawain sana ninyo na hindi lamang katapatan sa Simbahan at mga aktibidad nito ang tinutukoy ko, bagaman kailangang lagi iyang patibayin. Hindi, ang mas partikular na tinutukoy ko ay ang katapatang nakikita sa kani-kanya nating pag-uugali, sa ating personal na integridad, sa dedikasyon natin sa tahanan at pamilya at komunidad, gayundin sa Simbahan. …

Hayaan ninyong isalaysay ko ang isa sa magagandang halimbawa mula sa banal na kasulatan kung saan tatlong kabataan ang nanindigan sa kanilang mga panuntunan at nanatiling may integridad kahit pa malinaw na ang paggawa niyon ay kapalit ng kanilang buhay.

Tinatayang 586 na taon bago isilang si Cristo, nilusob ni Nabucodonosor, hari ng Babilonia, ang lungsod ng Jerusalem at sinakop ito. Dahil sa labis na paghanga niya sa mga katangian at kaalaman ng mga anak ni Israel, dinala niya ang ilan sa mga ito sa hukuman ng hari [sa Babilonia].

Naligalig ang mga Israelita nang gumawa si Nabucodonosor ng diyus-diyusang ginto at inutusan ang lahat ng nasa lalawigan ng Babilonia na sambahin ito, isang utos na tinanggihan ng tatlong kabataang Israelita—sina Sadrach, Mesach, at Abed-nego—nang may paggalang. Napuspos ng “poot at pusok” ang hari at iniutos na dalhin sila sa kanyang harapan. (Dan. 3:13.) Ipinaalam niya sa kanila na kung sila ay hindi magsisiluhod sa harap ng gintong imahe sa itinakdang oras, “kayo’y ihahagis sa oras ding yaon sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.” Pagkatapos ay itinanong niya nang may kasiyahan, “At sinong dios ang magliligtas sa inyo sa aking kamay?” [Dan. 3:15.]

Magalang ngunit walang pag-aatubiling sumagot ang tatlong kabataan:

“Narito,” sabi nila, “[kung kami ay pagbantaan ninyong patayin] ang aming Dios na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin sa mabangis na hurnong nagniningas; at ililigtas niya kami sa iyong kamay, Oh hari.

“Ngunit kung hindi [kung sa anumang kadahilanan ay ipapasiya niyang hindi kami iligtas mula sa apoy], talastasin mo, Oh hari, na hindi kami mangaglilingkod sa iyong mga dios, ni magsisisamba man sa larawang ginto na iyong itinayo.” [Dan. 3:17–18.]

Mangyari pa lalong nagalit si Nabucodonosor at iniutos na painitin ang hurno nang makapitong beses kaysa sa normal na temperatura nito. Pagkatapos ay iniutos niya na ang tatlong magigiting na kabataang lalaking ito ay itapon nang nakadamit sa gitna ng apoy. Talagang mapilit ang utos ng hari at napakainit ng hurno, kaya namatay ang mga kawal na nagdala kina Sadrach, Mesach, at Abed-nego sa lagablab ng hurnong nagniningas nang ihagis nila ang kanilang mga bihag.

Sa gayo’y naganap ang isa sa matitinding himala na marapat maranasan ng matatapat alinsunod sa kalooban ng Diyos. Ang tatlong lalaking ito ay tumayo at lumakad nang payapa sa gitna ng nagniningas na hurno at hindi nasunog. Katunayan, nang palabasin sila ng nanggilalas na hari mismo mula sa hurno, walang mantsa ng sunog ang kanilang suot na damit, walang paso ang kanilang balat, wala ni isang hibla ng buhok nila ang nadilaan ng apoy. Ni hindi nag-amoy-usok ang matatapang at matatapat na lalaking ito.

“Purihin ang Dios ni Sadrach, ni Mesach, at ni Abed-nego,” sabi ng hari, “na … nagligtas sa kaniyang mga lingkod na nagsitiwala sa kaniya, … [na] ibinigay ang kanilang mga katawan, upang sila’y hindi maglingkod ni sumamba sa kanino mang dios, liban sa kanilang sariling Dios.

“… Nang magkagayo’y pinaginhawa ng hari si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, sa lalawigan ng Babilonia.” (Dan. 3:28, 30.)

Ang kakayahang manindigan sa mga prinsipyo ng isang tao, mamuhay nang may integridad at pananampalataya ayon sa paniniwala ng isang tao—iyan ang mahalaga, iyan ang kaibhan sa pagitan ng isang ambag at ng katapatan. Ang katapatang iyon sa tunay na prinsipyo—sa kani-kanya nating buhay, sa ating tahanan at pamilya, at sa lahat ng lugar kung saan tayo nagkikita-kita at naiimpluwensyahan natin ang ibang tao—ang debosyong iyan ang hinihingi sa atin ng Diyos sa huli. …

Ang matagumpay na buhay, ang magandang buhay, ang matwid na buhay-Kristiyano ay nangangailangan ng isang bagay na higit pa sa isang ambag, bagama’t bawat ambag ay mahalaga. Sa huli kailangan dito ang lubos na katapatan—buong kaluluwa, matibay na paninindigan, patuloy na nagpapahalagahang katapatan sa mga prinsipyo na alam nating totoo sa mga utos na ibinigay ng Diyos. …

Kung tayo ay magiging tapat sa ating mga prinsipyo, na determinadong mamuhay nang matapat at may integridad, walang hari o banta o nagniningas na hurnong makatitinag sa atin. Para sa tagumpay ng kaharian ng Diyos sa lupa, nawa’y tumayo tayo bilang mga saksi para sa kanya “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan.” (Mosias 18:9.)5

2

Maging tapat sa pagsunod sa Panginoon anuman ang ipasiyang gawin ng iba.

Nang atasan si Josue na wasakin ang lungsod ng Jerico na nasa harapan [ng mga lipi ni Israel], ang matataas na kuta ng lungsod ay napakatibay at imposibleng mapasok ng Israel—o mukhang imposible lang. Hindi alam ang paraan, ngunit alam ang dahilan at kahihinatnan, isinagawa ni Josue ang utos na ibinigay ng sugo ng Panginoon. Ang katapatan niya ay nasa lubos na pagsunod. Ang tungkulin niya ay gawin ang eksaktong ipinagagawa sa kanya, upang matupad ang pangako ng Panginoon. Walang dudang imposibleng magawa ang iniutos, ngunit ang pananalig niya sa kalalabasan nito ay naghikayat sa kanyang magpatuloy. Ang resulta, mangyari pa, ay isa lang sa napakaraming himalang naranasan ng mga Israelita nang akayin sila nang maraming taon ni Moises, ni Josue, at ng marami pang ibang propeta na tapat na nangakong sundin ang mga utos at tagubilin ng Panginoon.

Nang malapit na si Josue at ang kanyang mga tao sa Jerico, sinunod nila nang husto ang mga tagubilin ng Panginoon, at ayon sa salaysay sa banal na kasulatan, “ang kuta ay gumuho, na ano pa’t ang bayan ay sumampang nasok sa siyudad, na bawa’t isa’y matuwid na nagpatuloy, at kanilang sinakop ang bayan.” (Jos. 6:20.)

Nakasaad sa talaan na matapos magpahinga sa pakikidigma ang Israel laban sa kanilang mga kaaway, tinipon ni Josue, na napakatanda na noon, ang buong Israel. Sa kanyang mensahe ng pamamaalam ipinaalala niya sa kanila na nagtagumpay sila dahil nakipaglaban ang Diyos para sa kanila, ngunit kung tumigil na silang maglingkod sa Panginoon at sumunod sa kanyang batas sila ay malilipol. …

Pagkatapos ay hinimok ng magiting at espirituwal na pinunong ito na maging tapat, at siya mismo ay nangakong magiging tapat para sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya: “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; … ngunit sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.” (Jos. 24:15.)

Narito ang isang dakilang pagpapahayag ng buong katapatan ng isang tao sa Diyos; ng isang propeta sa mga hangarin ng Panginoon; ng lalaking si Josue sa kanyang Diyos, na maraming beses nang pinagpala dahil sa kanyang pagsunod. Sinabi niya noon sa mga Israelita na anuman ang kanilang desisyon, gagawin niya ang alam niyang tama. Sinabi niya na ang desisyon niyang paglingkuran ang Panginoon ay walang kinalaman sa kanilang desisyon; na ang kanilang mga kilos ay hindi makakaapekto sa kanya; na ang kanyang katapatang gawin ang kalooban ng Panginoon ay hindi mababago ng anumang gawin nila o ninuman. Kontrolado ni Josue ang kanyang mga kilos at nakatuon ang kanyang mga mata sa mga utos ng Panginoon. Tapat siya sa pagsunod.6

Larawan
Abraham at Isaac

“Labis sigurong nalugod ang Panginoon nang gawin ni Abraham … ang iniutos sa kanya, nang walang pagdududa at walang alinlangan.”

3

Magpasiya ngayon na piliin ang landas ng mahigpit na pagsunod.

Matapos maunawaan ang batas ng ebanghelyo at ang kalooban ng Panginoon sa pagbabasa at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta, higit na mauunawaan ang dahilan kung bakit madalas tukuyin ang pagsunod bilang unang batas ng langit at bakit kailangan ang pagsunod para maligtas. Dadalhin tayo nito sa pinakamatinding pagsubok. Handa ba tayong maging lubos na masunurin sa batas ng Diyos? Dumarating sa buhay natin ang pagkakataon na kailangang gumawa ng tiyak na pagpapasiya.7

Siguradong gusto ng Panginoon, nang higit kaysa anupaman, ang matibay na determinasyong sundin ang kanyang payo. Siguradong naitala ang mga karanasan ng mga dakilang propeta ng Lumang Tipan upang tulungan tayong maunawaan ang kahalagahan ng pagpili sa landas ng mahigpit na pagsunod. Labis sigurong nalugod ang Panginoon nang gawin ni Abraham, matapos matanggap ang tagubiling ialay ang kanyang nag-iisang anak na si Isaac, ang iniutos sa kanya nang walang pagdududa at walang alinlangan. Nakasaad sa talaan na sinabi ng Diyos kay Abraham:

“Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.” (Gen. 22:2.)

Mababasa sa kasunod na talata:

“At si Abraham ay bumangong maaga … at ipinagsama … si Isaac na kaniyang anak … at naparoon sa dakong sinabi sa kaniya ng Dios.” (Gen. 22:3.)

Ilang taon kalaunan, nang tanungin si Rebeca kung sasama siya sa katiwala ni Abraham upang maging asawa ni Isaac, at walang dudang nalalaman na ang misyon ng katiwala ay may basbas ng Panginoon, sinabi lang niya na, “Sasama ako.” (Gen. 24:58.)

Isang henerasyon mula noon, nang pagbilinan si Jacob na bumalik sa lupain ng Canaan, na ibig sabihin ay iiwan niya ang lahat ng kanyang pinaghirapan nang maraming taon, tinawag niya sina Raquel at Lea sa bukid kung saan naroon ang kanyang kawan at ipinaliwanag ang sinabi ng Panginoon. Ang sagot nina Raquel [at Lea] ay simple at tuwiran at nagpapahiwatig ng [kanilang] katapatan: “Gawin mo ang lahat ng sinabi sa iyo ng Dios.” (Gen. 31:16.)

Sa gayon, may mga halimbawa tayo mula sa mga banal na kasulatan kung paano natin dapat isaalang-alang at pahalagahan ang mga utos ng Panginoon. Kung ipasiya nating tumugon na tulad nina Josue, at Abraham, at Rebeca, at Raquel [at Lea], ang gagawin lang natin ay humayo at gawin ang iniutos ng Panginoon.

May magandang dahilan para magpasiya na tayo ngayon na maglingkod sa Panginoon. Sa umagang ito ng Linggo [ng pangkalahatang kumperensya], na ang mga kaguluhan at tukso ng buhay ay halos wala na, at kung kailan may panahon at higit na pagnanais tayong magtuon sa kawalang-hanggan, mas malinaw nating masusuri kung ano ang magdudulot sa atin ng pinakamalaking kaligayahan sa buhay. Dapat na tayong magpasiya ngayon, habang payapa ang paligid, kung paano tayo kikilos pagdating ng mga pagsubok at tukso.

Dalangin ko na magkaroon tayo ng lakas na magpasiya na ngayon na gawin ang dapat nating gawin. Dalangin ko na magpasiya na tayo ngayon na maglingkod sa Panginoon.8

4

Hindi sapat na maniwala lang; kailangan din nating gawin ang kalooban ng Ama sa Langit.

Nang mangusap siya sa maraming tao, sinabi ng Panginoon: “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” (Mat. 7:21.)

Habang pinakikinggan ko ang mga salitang ito, tila sinasabi sa akin ng Panginoon, “Hindi komo kinikilala ng isang tao ang aking awtoridad o naniniwala siya sa aking likas na kabanalan, o nagpapahayag lamang ng kanyang pananampalataya sa aking mga turo o sa nagbabayad-salang sakripisyo na aking ginawa, ay makakapasok na siya sa kaharian ng langit o magtatamo ng mas mataas na antas ng kadakilaan.” Ang ipinahihiwatig niya ay, “Hindi sapat na maniwala lang.” Pagkatapos ay partikular niyang idinagdag, “… kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama,” ibig sabihin, siya na gumagawa at nagpupungos ng olibohan para maging matamis ang bunga nito. …

Ang buong kalikasan, na nasasakupan ng Diyos, ay tila nagpapahayag ng gayunding prinsipyo. Ang bubuyog na walang “silbi” ay palalayasin sa bahay-pukyutan. Habang pinagmamasdan ko ang mga langgam na abalang gumagapang sa isang linya at sa paligid ng bahay-langgam, humanga ako na totoong sila ay nagsisigawa at hindi lang naniniwala. Ang pagtilaok ay hindi nagbubunga ng anumang butil para sa inahin; kailangan siyang kumahig. Ang mabahong sapa, na namemerde na sa lumot at hindi pag-agos, ay pinamumugaran ng mga sakit na nakukuha sa maruming tubig, ngunit ang malinaw na tubig sa batis na nagmumula sa bundok at bumabagsak sa mga bato ay ligtas inumin.

Ipinauunawa sa akin ng mga salita ng Panginoon tungkol sa bahay na walang pundasyon na ang isang tao ay hindi maaaring mag-isip nang mababaw at walang-pakundangan na kaya niya ang kanyang sarili at kaya niyang mabuhay mag-isa batay sa anumang bagay na sadyang madali at kasiya-siya [tingnan sa Mateo 7:26–27]. Kapag payapa ang paligid, maaaring hindi makita ang kanyang kahangalan; ngunit isang araw ay darating ang mga pagbaha, ang maputik na tubig ng bugso ng pagnanasa, ang rumaragasang alon ng tuksong di-sukat akalain. Kung ang kanyang pagkatao ay walang matibay na pundasyon kundi puro salita lamang, ang kanyang buong moralidad ay maaaring mawasak.9

Sabi ni Santiago, “Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pag-ingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan” (Santiago 1:27).

Sa madaling salita, ang relihiyon ay hindi lamang isang kaalaman tungkol sa Diyos o isang pagpapahayag ng pananampalataya, at higit pa ito sa teolohiya. Ang relihiyon ay pagsunod sa salita ng Diyos. Ito ay pagbabantay sa ating kapwa, bukod pa sa iba. …

Maaari tayong maging matapat sa pagsamba tuwing araw ng Sabbath, at maaari tayong maging matapat sa iba nating tungkulin sa nalalabing anim na araw ng buong linggo. … [Napaka]halaga siguro na lahat ng ating iniisip, salitang ating sinasambit, ating mga kilos, inaasal, pakikitungo sa kapwa, pakikipagkalakalan, at lahat ng gawain natin sa araw-araw ay nakaayon sa ating mga pinaniniwalaan sa ating relihiyon. Sa mga salita ni Pablo, “Anoman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Dios” (I Mga Taga Corinto 10:31). Kung gayon maisasantabi ba natin ang relihiyon sa ating mga gawain sa buong linggo at isipin na lang ito sa araw ng Sabbath? Tiyak na hindi, kung susundin natin ang payo ni Pablo.10

5

Ang “buhay na mga miyembro” ay nagsisikap na maging lubos na tapat.

Inihayag ng Panginoon sa paunang salita sa Doktrina at mga Tipan na ito ang “tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo.” Pagkatapos ay idinagdag niya, “na kung saan ako, ang Panginoon, ay labis na nalulugod, nangungusap sa buong simbahan at hindi sa bawat isa lamang” (D at T 1:30). Mabubuo sa ating isipan ang isang tanong na walang-hanggan ang kahalagahan: Alam natin na ito ang tanging tunay at buhay na simbahan bilang isang institusyon, ngunit ako ba ay isang tunay at buhay na miyembro nito bilang isang indibiduwal?

… Kapag nagtanong ako ng, “Ako ba ay isang tunay at buhay na miyembro?” ang itinatanong ko ay, ako ba ay taos-puso at lubos na matapat sa pagtupad ng mga tipang ginawa ko sa Panginoon? Ako ba ay lubos na handang ipamuhay ang ebanghelyo at maging tagatupad ng salita at hindi isang tagapakinig lamang? Ipinamumuhay ko ba ang aking relihiyon? Ako ba ay mananatiling tapat? Ako ba ay nananatiling matatag laban sa mga tukso ni Satanas? …

Ang pagsagot ng oo sa tanong na, “Ako ba ay isang buhay na miyembro?” ay nagpapatunay ng ating katapatan. Ibig sabihin nito ay mamahalin natin ang Diyos at ang ating kapwa tulad sa ating sarili ngayon at magpakailanman. Ibig sabihin nito makikita sa ating mga kilos kung sino tayo at ano ang pinaniniwalaan natin. Ibig sabihin nito ay ipinakikita natin na tayo ay mga Kristiyano araw-araw, na namumuhay ayon sa nais ni Cristo.

Ang buhay na mga miyembro ay yaong mga nagsisikap na maging lubos na tapat. …

Alam ng buhay na mga miyembro na tungkulin nilang patuloy na magsikap. Nagpapabinyag sila bilang unang hakbang sa kanilang paglalakbay sa buhay. Ito ay isang palatandaan sa Diyos, sa mga anghel, at sa langit na susundin nila ang kalooban ng Diyos. …

Ang buhay na mga miyembro ay sumusunod sa Espiritu, na nagpapasigla sa kanilang espirituwalidad. Lagi nilang hinahangad ang patnubay nito. Nananalangin silang mabigyan ng lakas at makayanan ang mga paghihirap. Ang kanilang puso ay hindi nakatuon sa mga bagay ng mundong ito kundi sa mga bagay na walang hanggan. Ang espirituwal na pagpapanibago ay hindi isinasakripisyo para masiyahan ang katawan.

Ang buhay na mga miyembro ay inuuna si Cristo sa kanilang buhay, batid kung kanino nagmumula ang kanilang buhay at pag-unlad. Ugali ng tao na ilagay ang kanyang sarili sa gitna ng sansinukob at asahan ang iba na sumang-ayon sa kanyang mga pagnanais at pangangailangan at hangarin. Subalit hindi tinatanggap ng kalikasan ang maling konseptong iyon. Ang pinakamahalagang papel sa buhay ay sa Diyos. Sa halip na hilingin sa kanya na gawin ang gusto natin, dapat nating hangaring iayon ang ating sarili sa kanyang kalooban, at sa gayo’y patuloy tayong uunlad bilang isang buhay na miyembro. …

Ang buhay na mga miyembro, kapag nagbalik-loob, ay sumusunod sa utos na palakasin ang kanilang mga kapatid [tingnan sa Lucas 22:32]. Sabik silang ibahagi ang kanilang galak sa iba, at hindi kailanman nawawala ang pagnanais na ito. …

Nauunawaan ng buhay na mga miyembro ang pangangailangang ipamuhay ang kanilang mga paniniwala. Ang mga Banal na ito ay sabik na gumagawa sa pagsasakatuparan ng maraming mabubuti at mararangal na gawain sa sarili nilang kalooban at pagsang-ayon [tingnan sa D at T 58:27]. …

Ang buhay na mga miyembro ay nagmamahalan. Dinadalaw nila ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang mga kapighatian. Pinananatili nilang walang dungis ang kanilang sarili mula sa sanglibutan [tingnan sa Santiago 1:27]. …

Matibay ang paniniwala natin sa pahayag na ito ang tunay at buhay na simbahan ng tunay at buhay na Diyos. Ang tanong na kailangan pa nating sagutin ay: Ako ba ay dedikado at tapat, isang tunay at buhay na miyembro?

Nawa’y manatili tayong matatag at tunay at buhay na mga miyembro ng Simbahan at tanggapin natin ang ipinangakong gantimpala na mapabilang sa mga yaong binanggit sa Doktrina at mga Tipan na “tutungo sa Bundok ng Sion, at sa bayan ng buhay na Diyos, ang makalangit na lugar, ang pinakabanal sa lahat” (D at T 76:66).11

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Repasuhin ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa kaibhan sa pagitan ng isang “ambag” at ng “lubos na katapatan” (bahagi 1). Ano ang kaibhang nagagawa sa ating buhay ng pagiging lubos na tapat sa Diyos? Paano maiaangkop sa atin ang kuwento nina Sadrach, Mesach at Abed-nego?

  • Repasuhin ang salaysay ni Pangulong Hunter tungkol kay Josue sa bahagi 2. Ano ang matututuhan ninyo sa mula sa salaysay na ito tungkol sa pagiging lubos na tapat sa Diyos? Paano tayo lubos na makasusunod sa Diyos anuman ang gawin ng iba? Paano natin matutulungan ang mga bata at kabataan na magkaroon ng ganitong katapatan?

  • Ano ang mga pakiramdam ninyo nang repasuhin ninyo ang mga kuwento sa banal na kasulatan sa bahagi 3? Ano ang iba pang mga halimbawa ng pagsunod sa mga banal na kasulatan na nakaimpluwensiya sa inyo? Sa palagay ninyo bakit “gusto ng Panginoon … ang matibay na determinasyong sundin ang kanyang payo”?

  • Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Hunter sa bahagi 4. Bakit “hindi sapat” na maniwala lang? Paano makakatulong ang pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit sa paghahanda natin para sa mga panahon ng pagsubok? Paano natin maisasagawa ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa pamumuhay ng ating relihiyon?

  • Repasuhin ang mga paglalarawan ni Pangulong Hunter sa isang “buhay na miyembro” sa bahagi 5. Paano tayo magkakaroon ng mga katangiang ito ng “buhay na mga miyembro”? Isipin kung paano kayo magiging mas “tunay at buhay na miyembro” ng Simbahan.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

I Samuel 15:22–23; Awit 1:1–3; Santiago 2:14–26; 2 Nephi 32:9; Omni 1:26; Mosias 2:41; Alma 37:35–37; 3 Nephi 18:15, 18–20; D at T 58:26–29; 97:8; Abraham 3:24–26

Tulong sa Pagtuturo

Sama-samang basahin ang ilang sipi mula sa kabanata. Matapos basahin ang bawat sipi, magpabahagi sa mga miyembro ng klase ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at mula sa sarili nilang karanasan na nauugnay sa mga turo sa sipi.

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Okt. 1959, 121.

  2. Sa Eleanor Knowles, Howard W. Hunter (1994), 153.

  3. “The Opening and Closing of Doors,” Ensign, Nob. 1987, 54.

  4. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 151.

  5. “Standing As Witnesses of God,” Ensign, Mayo 1990, 60–62.

  6. “Commitment to God,” Ensign, Nob. 1982, 57–58.

  7. “Obedience” (mensaheng ibinigay sa Hawaii Area Conference, Hunyo 18, 1978), 5, Church History Library, Salt Lake City.

  8. “Commitment to God,” 58.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1967, 11, 12–13.

  10. The Teachings of Howard W. Hunter, ed. Clyde J. Williams (1997), 111–12.

  11. “Am I a ‘Living’ Member?” Ensign, Mayo 1987, 16–18.

Print